CHAPTER 43
CHAPTER 43
"ATTENTION NURSES!"
Sabay-sabay na nag-angat ng tingin ang nurses na nasa station ng ward nang dumating ang chief nurse. Tumuloy siya sa loob ng station at may dinikit sa bulletin board namin. Napalingon kami ni Katley sandali saka nagpatuloy sa charting.
"May mga darating na mga doctor at Red Cross main representatives, early next month, galing sa Maynila," muling sabi ng chief nurse. "Magse-seminar sila sa 'tin tungkol sa updates ng health care system at ng basic life support at advanced cardiac life support."
"Naay bayad 'yan for sure, ma'am," angal agad ni Katley.
"Hahay," ngumiwi ang chief nurse. "Of course. Oh, pakilinis na lang ang inyong station, baka masita tayo ng directress." Iyon lang at iniwan na niya kami.
Tinapos namin ni Katley ang charting saka nagpatuloy sa trabaho. Sobrang busy na wala na halos kaming oras para magdaldalan ni Katley. Kaliwa't kanan ang admissions, bukod sa mga humihiling na sa bahay na lang mananatili. Napakaraming paperworks no'n. Paroo't parito ang attending physicians na may tanong. Panay ang akyat-baba ng mga nurse, kahit na kami, kung may kakailanganin sa ibang area. Napakaraming pasyente ang kailangan naming tingnan kada kalahating oras.
Sa matagal na panahon, naranasan ko ulit magtiis ng ihi, uhaw, gutom, pagod at iba pa. Dahil sa pumapatak na minuto, kailangan naming unahin ang mga pasyente.
Nagpatuloy ang ganoon hindi lang nang araw na 'yon, kundi nang mga sumunod pang araw at linggo. Paulit-ulit man, totoong nalilibang ako.
Napakaraming sandali na pumasok sa isip ko si Maxwell. Lalo na kapag dalawa o higit pang pasyente ang kailangan kong takbuhin sa parehong oras. Nakababaliw ang gano'ng pakiramdam, nangingibabaw ang takot ngunit hindi iyon pwedeng umiral, hindi ako pwedeng matalo ng kaba. Sapagkat sa bawat pasyenteng hinahawakan ko, parang sa 'kin nakasalalay ang buhay nila.
Hindi ko malilimutang may araw na nagtakbuhan kami nang may mag-code sa mga pasyente, hindi lang isa kundi tatlo sila. Apat na nurse ang naka-duty pero hindi lang apat na pasyente ang nangailangan ng tulong namin. Para kaming mga hangin na nagsipagkilusan. Kakatwang iisang station at hallway lang ang aming tinatakbuhan, hindi pa kami nagkakakitaan.
Nang araw na 'yon ay halos marindi ako sa magkakasunod na tawag sa telepono ngunit hindi ko 'yon magawang sagutin. Nang araw na 'yon ay namatayan kami ng dalawang pasyente at walang humpay ang iyak ko dahil sa magkahalong sama ng loob at pagod.
Magkakasunod na araw kaming nag-straight duty ni Katley sa kagustuhang 'wag iwan ang isa't isa. Hindi bayad 'yon kaya talagang sakripisyo dahil mahal namin ang aming propesyon, dahil kailangan kami ng mga pasyente.
Naulit 'yon nang sumunod pang araw, may nag-code na pasyente at kaliwa't kanan ang tulong na hinihingi ng iba pang pasyente. Pero hindi ko malilimutang nang araw rin na 'yon ay isinugod ang daddy ko sa emergency room pero hindi ko siya magawang puntahan. Hindi ko siya magawang tingnan. Hindi rin ako maaaring magpalamon sa pag-aalala. Kailangan kong ituon ang buo kong atensyon sa trabaho. Dahil nang oras din na iyon ay naroon ako sa ibabaw ng pasyente at nakikipag-unahan kay kamatayan na magsalba ng buhay ng ibang tao. Kahit pa ang daddy ko mismo ay kailangan ako.
Aaminin kong habang dumaraan ang araw, sa t'wing maaalala ko si Maxwell, unti-unti kong nare-realize ang sitwasyon niya. Napakaraming tanong ang nangonsensya sa 'kin. Ako ay nasa iisang area lang habang siya ay nasa iba't ibang area na nga, pinatatatawag pa maya't maya. Nilamon ako ng aking konsensya, binagabag ako ng mga tanong. Bago ako maubos no'n ay nagkwento na ako kay Katley.
"Paano nga kaya kung may nag-code no'ng mismong gabi ng date namin, 'no?" nakangiti sa kawalan na tanong ko, gumagawa ng sariling sitwasyon ni Maxwell sa isip.
"Hahay," ngiwi ni Katley. "Tapos na 'yon, 'day, 'oy..."
"Naisip ko lang," malungkot kong sabi.
"Pero in fairness, hindi ka na naiiyak sa t'wing maiisip siya. Proud ako sa 'yo, Yaz."
Ngumiti ako. "Siguro dahil tanggap ko na?"
"Na hindi na siya babalik?"
Sumama ang mukha ko at pinalo ang kamay niya. "Bad ka!" lumabi ako. "Tanggap ko nang hindi lahat ay maibibigay niya sa 'kin, kahit pa para sa 'kin ay deserving ako sa mga 'yon. Bad ka, Katley."
Humagalpak siya ng tawa. "Sabihin mo kasi!"ngiwi niya. "Ano 'yan?" nakangiwing tanong niya, nakatingin sa papel na sinusulayan ko. "Tula?"
Natawa ako saka nakangiting tumingin sa sinusulat sa maliit kong notebook. "It's a song, Kate," sa isip ko ay gumagawa na ako ng sariling areglo. "My song for Maxwell..."
"Dawbi!" aniyang akmang titingnan 'yon ngunit awtomatiko kong tinago.
"Kapag tapos na."
"Artiha, 'oy!"
"Promise, kapag natapos..."
"Hahay," sumiring siya, natawa ako. "Gusto ko ng coffee, hahay."
"Order ta?" ngisi ko.
Sumimangot siya. "Ikaw ba, sige ka order kay mas napapamahal ang gastos ko nimo. Imbes panggatas ng pamangkin ko, ipagkape-kape ko na lang!"
"Sige, ilibre na kita, madam. Sorry kung ganito ang life ko, madam. Kapoy ko kaya hindi ako gaganahan sa tina-tinapay lang, madam."
Tumawa uli siya. "'Yong frappucino gusto ko, madam," aniya na naglambing kunyari sa braso ko. "Pero tama 'yan, Yaz. 'Wag ka sige order sa online shopping, kumain ka na lang."
"Buang! 'Yon lang ang bisyo ko bukod sa magmahal, 'day."
Um-order ako hindi lang para sa 'min kundi sa lahat ng naka-duty sa ward nang araw na 'yon. Hindi lang hot and iced coffee ang in-order ko dahil may kani-kaniyang brownies pa kami mula sa coffee shop na malapit. Pero gano'n na lang ang panlulumo ko nang maski higop ay hindi namin nagawa ni Katley. Naging abala na namang pare-pareho ang lahat bago pa dumating ang order. Kaya sa huli, after duty pa kami nakameryenda. Kung kailan pauwi na.
"Hahay, seminar na sa Byernes. Lunes na, 'day, ramdam ko na ang gastos," ani Katley nang nasa daan na kami papunta sa parking lot.
Binabagalan namin ang paglalakad para maubos ang in-order namin na pinanawan na ng kaluluwa.
"Hindi ko pa pala nabasa 'yong memo,"tatawa-tawang sabi ko. "Nabasa mo na?"
"Hindi pa, 'day" tawa rin niya. "Oo nga, 'no? 'Tagal nang ipinost ni ma'am 'yon, wala pa tayong nakabasa."
Nagtawanan kami. "Basahin ko bukas."
"Puro na lang gastos! Gusto ko sanang basahin 'yong memo the other day kaso baka gastos-gastos-gastos-gastos lang maintindihan ko. Ayaw ko na ma-stress,"kakamot-kamot sa ulong dagdag ni Katley. "Hindi ganitong life ang pinangarap ko sa totoo lang. Napapagod na 'ko pero kailangan kong magtrabaho."
Sumandal si Katley sa sariling sasakyan saka tumulala kung saan habang higop ang frap niya. Binuksan ko ang pinto ng kotse ko at makina niyon. Saka ko siya hinarap. Pabuntong-hininga kong tiningnan ang namomroblema niyang mukha.
"Sa katapusan pa ang sahod, kailangan na ng pang-tuition ng kapatid ko, hahay. Hindi naman pwedeng pakiusapan si Madam Principal dahil parati na lang kami nakikiusap sa t'wing may bayarin. Nah! Tatanda na lang talaga akong dalaga," patuloy pa niya.
Natawa ako. "Alam mo namang nandito lang ako, 'di ba, Katley?" ngisi ko.
Tumingin siya sa 'kin, rumehistro ang hiya sa mukha niya saka bumuntong-hininga. "Thanks for being there, Yaz."
"Buang! Ibig kong sabihin, kung kailangan mo ng tulong, nandito lang ako. Name your price."
Nanlaki ang mga mata niya. "Hindi ako gano'n, 'uy!"
Umawang ang labi ko. "What are you talking about?" natawa ako. "Ibig kong sabihin, kaya kitang pahiramin kung kailangan mo, kung kailan mo gusto. Wala akong iniisip na masama sa 'yo, 'no. Ikaw pa ba?"
Nangiti siya. "Thank you, Yaz."
Kinuha ko sa bag ang wallet ko at inilabas ang twenty thousand cash at iniabot sa kaniya. "Kunin mo na."
Umawang ang labi niya sa gulat. "Yaz, 'oy... Hindi ko sinabing..."
"Sige na," nakangiting ngiwi ko. "Kung kailangan mo pa, sabihin mo lang sa 'kin. Walang interes, walang deadline. Bayaran mo kapag nakaluwag ka, kahit paunti-unti, o kaya ay huwag na. Ikaw ang bahala."
"Yaz naman...hindi ko matatanggap ito."Gusto kong matawa dahil gano'n ang sinabi niya matapos tanggapin iyon. "Salamat kaayo, Yaz."
"Sagot ko na ang seminar mo."
"Ako nang bahala doon, 'uy! Salamat jud kaayo, Yaz, kay...namroblema ko kung saan pa kukuha pang-tuition ng kapatid ko. Sa katapusan pa ang sahod."
Lumapit ako at ginulo ang buhok niya. "Sige na, ingat pauwi."
"Salamat, Yaz!" nakanguso, kunwaring maiiyak na aniya.
"You're always welcome, Katley."
"Drive safely, 'day!"
"Ikaw rin, madam," ngiti ko saka nagmaneho pauwi.
Hindi ko inaasahang madaratnan muli ang sasakyan ni Rembrandt sa labas ng bahay. Gano'n na lang ang buntong-hininga ko nang makapasok.
"Kaninang tanghali pa siya narito," bulong ni mommy. "Naroon siya sa kusina at nagluluto ng hapunan."
"Mom," nanlulumong bulong ko. "Bakit hinayaan niyo pang magluto?"
"Aba'y mapilit man, 'nak." Lumabi si mommy.
Napabuntong-hininga ako. "Ayaw ko siyang paasahin, mommy. Sa nangyayari ngayon, tataas lang ang expectations niya."
"Anak," hinagod ni mommy ang buhok ko. "Give him a chance. He's a good man."
Natulala ako kay mommy. Hindi ko maipaliwanag bigla ang mararamdaman ko. Ngayon pa lang ay labag na 'yon sa loob ko. Wala pa man, pakiramdam ko ay nagtataksil na ako kay Maxwell.
"Give your heart a chance, anak," dagdag pa ni mommy.
"Mommy, si Maxwell ang mahal ko," mariin kong sabi. "Mahal na mahal ko si Maxwell."
Bumuntong-hininga si mommy saka muling hinagod ang buhok ko. "Anak, I'm sorry pero hanggang kailan mo hihintayin ang taong wala namang kasiguraduhan kung darating?"
Agad na gumapang ang lungkot sa kalooban ko. Bagaman hindi na gaya noon na mabilis pa sa segundo kung gumuhit ang luha ko, kahit papaano ay hindi na gano'n ngayon.
"Unti-unti, anak. Kailangan mong tanggapin na ito na ang present," malungkot man ay sinabi 'yon ni mommy sa paraang mapalalakas ang loob ko. "Give yourself a chance to love again."
"Mom..." hindi ko matanggap ang mga suhestyon niya.
"For now, harapin mo na muna si Rembrandt, anak."
Pabuntong-hininga akong tumuloy. Nadatnan ko si Rembrandt na tinitikman ang mga niluluto sa dalawang malalaking kaldero. Napatitig ako sa likuran niya at muling inalala ang lahat ng pakiramdam ko noon sa kaniya. Pero wala ni isa sa mga binalikan ko ang naramdaman ko ulit kahit binabalikan na lang.
Hindi gaya kapag alaala ni Maxwell ang binabalikan ko. Nagsisimula pa lang ako ay nanunumbalik na sa 'kin ang lahat ng pakiramdam. Na naroon man ang lungkot, lamang pa rin ang saya.
"Oh, you're home," napansin na ako ni Rembrandt. Dahilan para mahinto ako sa panunumbalik sa nakaraan namin ni Maxwell kahit na ang alaala ni Rembrandt ang plinano kong balikan. "Nagluto ako ng dinner for you. Please have a seat, matatapos na," walang kasingganda ang mga ngiti niya.
Bumuntong-hininga ako saka pinilit na gumanti ng ngiti. "Magpapalit lang ako."
"Good idea."
Ngiti lang ulit ang isinagot ko saka pumanhik sa kwarto. Hinubad ko ang aking uniform saka dumeretso sa bathroom at naghugas ng mga kamay.
Naihilamos ko ang palad sa aking mukha saka ako tumitig sa sarili mula sa salamin. Handa na ba talaga ako? Lumaylay ang mga balikat ko.
Aminado akong gusto ko na ring tapusin ang paghihirap ko. Kahit pa ako na lang ang may gusto nito. Kahit pa sabihing pinili kong hayaan ang sarili kong magdusa nang ganitong katagal.
Kahit pa naiintindihan ko ang mga punto nila. Pakiramdam ko ay mapipilitan lang ako kung sakaling bibigyan ko ng panibagong pagkakataon si Rembrandt. Kahit pa may parte sa kalooban kong gusto ring sumubok, na gusto ring magbigay ng panibagong pagkakataon, lamang 'yong parte na nagsasabing para lang ako kay Maxwell. Na hindi ko na kayang ibigay nang buo ang sarili at pagmamahal ko. Sapagkat may tatak na ako ng del Valle na 'yon na hindi na mabubura pa sa pagkatao ko.
Sa huli ay nagdesisyon akong pakitunguhan pa rin nang maayos si Rembrandt.
"Mm, masarap, ah?" sabi ko matapos tikman ang hapunan.
Sinisikap kong maging kaswal para hindi siya mabigla. Para hindi niya maisip na gano'n na kalaki ang pag-asa niya.
"I'm glad you liked it," hindi na yata mabubura ang magandang ngiti ni Rembrandt.
"Baka masanay kami nito," ani mommy. Pabuntong-hininga ko siyang sinulyapan na agad naman niyang nakuha.
"So, kumusta ang trabaho, hijo?" kaswal na ani daddy.
"Busy as usual, tito," ngiti ni Rembrandt saka nagpatuloy sa napakahabang kwento.
Kakatwang naririnig ko ang lahat ng bahagi ng kwento niya pero ang isip ko ay binabalikan na naman si Maxwell. Pero hindi gaya ng dati, hindi ko na maikompara si Maxwell kahit kanino. Talaga nga yatang tanggap ko nang iba ang paraan ni Maxwell ng pagha-handle ng oras.
Habang patuloy sa pakikipagpalitan ng tanong at sagot sa parents ko ay pasimple kong tiningnan si Rembrandt. Panay rin ang sulyap niya sa akin. Naroon pa rin ang lahat ng bagay na nagustuhan ko sa kaniya noon. Mas dumoble na nga ang mga 'yon ngayon. Mas naging gwapo siya, mas naging matipuno. Higit sa lahat, mas nay kakayahan na siyang manindigan ngayon. Sa bawat tanong na sinasagot niya ay naipagmamalaki niya nang walang kahirap-hirap kung gaano siya kahanda sa pagpapamilya. Talagang mapapang-asawa na lang ang kulang, kompleto na ang buhay niya.
"Okay lang bang sunduin kita sa trabaho bukas?" tanong ni Rembrandt nang ihatid ko siya sa labas.
Bumuntong-hininga ako saka ngumiti. "Sige, no problem." Naisip kong magpahatid na lang papasok para hindi na ako magdala ng sasakyan.
"Yes!" napasuntok siya sa tagiliran. "Eh...papayag ka na bang manligaw ulit ako?"naroon ang lambing sa boses niya. Nagpanggap akong nag-iisip. Sinilip niya ang mukha ko, nakikiusap at nagpapa-cute. "Please?"
"Fine," pabuntong-hininga kong sagot.
Gano'n na lang ang sigla niya. "Thank you, Yaz! Thank you!"
"Ingat ka."
Nakamot niya ang ulo at saka tumingin sa 'kin na para bang may gustong sabihin. I know that move. Hindi ko na kailangang magmaang-maangan.
"Mm," inilingan ko siya. "Sige na, umuwi ka na," pinigilan kong matawa.
"See you tomorrow, Yaz," aniyang hinawakan ang kamay ko, hindi malaman kung kinikilig, kalalaking tao. "I love you."
Gano'n na lang kalambing nang sabihin niya 'yon. Mapait akong nangiti nang walang maramdaman. Pabuntong-hininga na naman akong nangiti, hindi ko alam kung ilang beses ko pang gagawin 'yon.
Nakangiti kong tiningnan ang kamay kong hinawakan niya saka ko sinundan ng tingin ang paglayo ng sasakyan niya.
Nang gabi ring iyon ay napagdesisyunan kong bigyan ng tyansa ang sarili ko. At gagawin ko 'yon para sa sarili ko, hindi para kanino.
Kinabukasan pa lang ako nagsabi kay daddy na ihatid ko. Panay ang kanta namin ng bisaya songs habang nasa daan. Tuloy ay mas gumanda ang mood ko nang makarating sa ospital. Halos batiin ko ang lahat mula sa gwardya hanggang sa mga kasamahan ko sa 'taas.
"Good mood si ganda, 'oy," biro ng kasamahan ko sa trabahong si Krisia.
"Ikaw ba naman ang magising nang sobrang ganda, ewan ko lang kung hindi ka matuwa," puno ako ng kompyansa. Matagal din 'yong nawala kaya masaya akong nanumbalik na siya ngayon.
"Wala kang dalang sasakyan?" ani Katley, kararating lang, basa pa ang buhok at kasalukuyang itinatali. "Hindi ko nakita ang sasakyan mo sa parking."
"Yeah, hinatid ako ni daddy," sinadya kong hindi banggitin ang tungkol sa pagsundo ni Rembrandt sa akin.
Para hindi na humaba ang usapan, para hindi na siya magtanong ay naupo na ako at nakinig sa endorsements ng papalitan naming nurses.
Ayaw kong sirain ang YazWell forever na naging motto na yata ni Katley. Paniguradong siya ang unang malulungkot kapag nalaman na pumayag akong magpaligaw uli kay Rembrandt. Natawa tuloy ako nang maalala kung paano niyang sabihin 'yon. Akala mo myembro ng raliyista na ipinaglalaban ang karapatan niya bilang taga-hanga ng YazWell. Wala kasing sandali na napag-usapan namin si Maxwell nang hindi niya 'yon binabanggit. Noong una ay may epekto pa pero kalaunan ay unti-unti iyong nabawasan. Hindi ko alam kung dapat ko ba iyong ikatuwa o ano.
Nang mananghalian ay nagpaalam ako sandali sa mga kasamahan ko sa station para bayaran ang seminar fee namin ni Katley. Inunahan ko na siya para wala na siyang magawa.
"Order tayong snack, Katley, gusto ka?"tanong ko habang abala sa checklist ng medicine stocks namin.
Nakatingin na siya sa 'kin nang may nagpapaawang mukha nang lingunin ko. Natawa ako talaga.
"Libre ko, madam," dagdag ko.
"Ikaw ang bahala, madam," aniya na kunyaring nahihiya. Nagtawanan kami muli.
Gaya ng mga naunang araw ay walang patawad ang araw na 'yon. Mabuti na lang at naka-lunch at snack kami ni Katley bagaman hindi magkasabay. Sa mga nakaraang araw kasi ay halos hindi na kami makakain.
"Mauna ka na, Katley, see you tomorrow,"sabi ko nang matapos ang shift.
Gano'n na lang ang gulat niya. "Bakit? Susunduin ka ba ulit ng daddy mo?"
Nakamot ko ang ulo, ayaw magsinungaling. "See you tomorrow."
"Okay, ingat! See you!" kaway niya saka ko siya sinundan ng tingin palayo.
Naupo ako sa lobby at doon nag-send ng message kay Rembrandt. Ilang segundo ko pa lang nase-send 'yon ay tumatawag na siya.
"Hi," nakangiting sagot ko.
"Hi, beautiful," malambing niyang sabi.
Nangiti ako pero hindi ko 'yon lubos na naramdaman. Gusto kong mainis sa sarili ko dahil alam kong nasa akin na naman ang problema. Ayaw ko 'yong pakiramdam na may kulang. Gusto kong maramdaman 'yon nang buo. Binigyan ko ng panibagong pagkakataon ang sarili ko kaya dapat lang na maramdaman ko 'yon nang buo. Pero bakit gano'n? Bakit meron pa ring kulang?
"Look straight outside," aniya nang hindi ako makasagot.
Tumingin ako sa harap ko at 'ayun siya, naglalakad papasok sa ospital at may dalang bungkos ng bulaklak.
Natural, naagaw niya ang atensyon ng marami. Sadyang lingunin ng babae si Rembrandt dahil maayos manamit at may katangkaran.
Iyon nga lang, kung 'yong isang kakilala ko ang maglalakad papasok nang may bitbit na bungkos ng bulaklak, paniguradong hindi lang babae ang lilingon. Paniguradong hindi lang lingon ang gagawin ng mga iyon. Paniguradong hindi lang paghanga ang mararamdaman ng mga iyon. Sigurado ako ro'n. Dahil dumaan na ako sa gano'n. Taon ang binilang ko nang ganoon katindi ang nararamdaman ko sa panganay na anak ng mga Del Valle Moon.
"Thank you," sabi ko nang tanggapin ang bulaklak. Napapikit ako nang maamoy ang bango niyon. "Thank you, Rem," muling ngiti ko.
"Let's eat outside," alok niya.
Gusto kong tumanggi dahil naka-uniform pa ako. Pero gano'n na lang ang gulat ko nang ilahad niya ang kaniyang jacket. Bago ko pa makuha iyon ay isinuot niya na sa 'kin.
"Let's go," inakbayan niya ako at inalalayan palabas.
Gusto kong mabilisan sa mga pangyayari. Parang kagabi lang kasi nang payagan ko siya. Pero sa kabilang banda, kung gusto ko ng panibagong pagkakataon para sa sarili ko, nasimulan ko na 'yon at kailangang ipagpatuloy.
"This is place is so romantic," nasabi ko habang iginagala pa rin ang paningin sa kabuuan ng lugar.
"I can take you here every night," pabulong na aniya, bahagyang lumapit sa 'kin. Gano'n na lang karami ang atensyong naagaw namin. "If you'll allow me to pick you up everyday."
Natawa ako. "Hindi ka ba busy?"
"Well, I am, but I can always make time for you."
Pumait ang mukha ko at sinikap na huwag mag-isip ng iba. Ayokong maging unfair doon pa lang. Gusto kong matuon ang buong atensyon sa kaniya.
"We'll see," ngiti ko saka hinayaan siyang pangunahan at igiya ako papunta sa reserved table.
Agad na sinerve ang steak at wine, mukhang planado niya na ang gabing 'yon. Hindi ko naiwasang matawa.
"Steak every night, good idea," biro ko nang simulan naming kumain.
Nabasa ko ang tuwa sa mga mata niya. "I'll do my best to make you happy, Yaz," hindi ko inaasahang gano'n kaemosyonal niyang sasabihin 'yon. Gano'n na lang din ang paniniguro niya.
Aaminin kong nag-enjoy ako sa company ni Rembrandt nang gabing 'yon. Gaya dati ay napapatawa niya ako sa mga kwento niya. Sa buong oras na kasama siya, may kaunting sandaling naiisip ko si Maxwell. Pero hindi na gaya ng dati, wala na sa 'kin ang lungkot. Kahit papaano ay masaya ako na ganoon ang naramdaman ko.
"Oh," matunog na bumuntong-hininga si Rembrandt may mabasa sa cellphone, kararating lang namin sa bahay. "Nagbago ang schedule ko tomorrow," malungkot na aniya.
Inihilig niya ang ulo sa upuan ng kaniyang sasakyan at saka deretsong tumingin sa 'kin.
Nangiti ako at bumuntong-hininga. "It's fine. May ibang araw pa naman."
Gusto kong manibago sa sarili ko. Ako ba talaga 'yon? Kung sa iba kasi, paniguradong nalungkot na 'ko.
Haaay, 'ayan ka na naman, Yaz! Binura ko ang naisip.
"I'll call you tomorrow," aniya na hinaplos ang pisngi ko.
Naisip kong hawakan ang kamay niya. Pero mukhang hindi pa ako handa sa hakbang na 'yon kaya nagawa kong pigilan. Sa halip ay nginitian ko siya at tinanguan.
"See you," sabi ko saka bumaba.
Nagmamadali siyang bumaba upang pagbuksan ako ngunit huli na. Natawa na naman tuloy ako nang makamot niya ang ulo.
"It's okay," sabi ko, hindi napigilan nang pindutin ang pisngi niya.
Na siyang ikinabigla naming pareho. Napalunok ako at agad umayos ng tayo. "Drive safely, Rembrandt."
"Yaz," nahuli niya ang pulsuhan ko nang akma akong tatalikod.
"Yup?" napalunok muli ako.
"I missed you," sinsero niyang sinabi.
Kinapa ko ang sariling nararamdaman. Totoong na-miss ko rin siya ngunit hindi sa kapareho sa kaniyang paraan.
"Me, too," nakangiting sagot ko, nagsasabi nang totoo sa paraang nararamdaman ko, bilang minahal ko siya sa nakaraan.
"I love you," mas madamdamin niyang sinabi.
Ngunit iyon ang hindi ko kayang tugunin. Masaya ako na hindi naman siya naghangad ng sagot nang ngumiti ako. Inihatid ko siya ng tingin nang walang maramdamang lungkot. Masaya ako para sa sarili ko, pakiramdam ko ay gano'n na kalaki ang improvements ko.
"Hindi ka inihatid ng daddy mo?" agad na usisa ni Katley kinabukasan.
"Para naman kitang gwardya, Katley! 'Wag kang sige tanong ba," hindi ko talaga naiwasang matawa.
Humalakhak siya. "Napansin ko lang naman, madam! Ikaw kasi ang may pinakamamahaling sasakyan sa parking lot kay datu man ka!"pang-aasar niya. "First time in the history nawala ang mamahalin mong vintage Mers-Benz kahapon."
Minsan pa akong natawa. "Nandiyan na uli ngayon," sabi ko.
Dumeretso ako sa stock room, sa may medicine cabinet bitbit ang listahan ng mga gamot na kailangan kong i-ready. Tatlong beses kong binabasa ang listahan bago inilalagay ang mga gamot sa medicine tray ng bawat pasyente.
"Delivery for Ms. Zaimin Yaz Marchessa,"tinig ng lalaki.
Gano'n na lang ang gulat at pagtataka ko nang marinig ang sariling pangalan. Napalingon ako sa nurse's station at nasulyapan ang nakaitim na delivery man.
"Wala naman akong in-order," nasabi ko.
"Pwede ko pong ilagay rito, ma'am?" anang delivery man na tinanguan naman ni Katley.
Natitigilan kong pinanood ang delivary man na ilapag ang mga bitbit na cups at maliit na box sa station. Saka maingat na ibinaba ang malaki at square na bag sa kaniyang balikat. Mula roon ay inilabas niya ang may kalakihang box na kulay asul.
Mula naman sa asul na box ay inilabas niya ang bungkos ng rosas na may iba't ibang kulay.
Umawang ang labi ko. Maxwell...
"Wow! Kanino nanggaling 'yan?" agad na usisa ni Katley.
"Ano iyan?" tanong ko na ang paningin ay nasa bouquet na hawak ng delivery man.
"'Uy! May secret admirer ka, ah!" panunukso ni Katley.
Inismiran ko siya. "Sa ganda kong ito, hindi na kataka-taka iyan, 'no," biro ko. "Salamat, kuya,"baling ko sa delivery man sabay pirma sa receiver's sheet.
"Thank you, ma'am," tumango pa ang delivary man sa 'min bago umalis.
Natuon muli ang paningin ko sa isang bungkos ng mga rosas na nakapatong sa station. Bukod sa bulaklak ay may four cups of Starbucks coffee at box of cake. Kunot-noo kong kinuha ang card na nakadikit sa wrapper ng bulaklak.
From: Mr. Best.
Gano'n na lang ang panlalamig ko. Muli kong nilingon ang elevator kung saan lumabas ang delivery man ngunit huli na para halubin at tanungin ko ito.
Maxwell... Hindi ko malaman kung bakit siya ang paulit-ulit na pumapasok sa isip ko.
Hindi ko magawang alisin ang paningin ko sa mga bulaklak. Noon lang ako nakatanggap ng mga ganoong "sorpresa" sa trabaho. Wala rin naman akong naririnig na may gustong manligaw sa akin dito sa ospital. May mga nagkakagusto pero walang naglalakas-loob na manligaw. Kaya hindi ko maiwasang magulat at magtaka.
Mr. Best? Psh. Corny. Sino naman kaya ang nagpadala nito? Hawak ang kwintas, hindi ko napansing matagal na pala akong nakatitig sa bulaklak.
"'Uy," nanunuksong kinalabit ako ni Katley. "Ang sweet naman nitong admirer mo, mukhang iniisip din kaming mga kasamahan mo. Buksan ko na 'tong cake, ah? Inumin na rin natin 'tong coffee habang mainit pa at hindi pa toxic."Hinayaan ko na lang siya.
Apat kaming naka-duty. At laking pasalamat namin dahil hindi toxic ang araw na iyon hindi gaya nang nakaraan. Masasabi ko nang pahinga ito dahil kagagaling lang namin ni Katley sa dalawang magkakasunod na straight duty.
Hindi ko maintindihan kung bakit nangingiti ako sa pagtitig sa mga bulaklak. Pero bukod doon ay hindi ko maitatanggi ang kaba sa dibdib ko.
Siguro dahil hindi ko na matandaan kung kailan ako huling nakatanggap nang ganoong bulaklak. Kunsabagay, iisang lalaki lang naman ang nagbigay nang ganoong klase ng bulaklak sa 'kin. Iyong mababango at iba-iba ang kulay. Iba 'yon sa mga bulaklak na ibinigay ni Rembrandt. Parati na ay pulos pula ang ibinibigay niya.
Hindi ko na rin maalala kung kailan ako huling nasorpresa. Bagaman nasorpresa ako sa mga pagbisita ni Rembrandt sa bahay, hindi ko naramdaman ang ganitong excitement nang makita siya.
Napailing na lang ako sa kaiisip kung sino ang posibleng nagpadala ng mga iyon. Talagang iba ang pakiramdam ko ngayon, hanggang ngayon ay nanlalamig ang mga kamay ko. Hanggang ngayon ay naghahabulan ang malalakas na kabog sa dibdib ko. Iisang tao lang ang tinutukoy ng puso at isip ko pero...
Ayokong umasa...
Ako rin ang pumutol sa namumuo kong saya. At hinayaan kong lamunin ako ng isipin buong shift.
"Sino sa tingin mo ang nagpadala?" usisa ni Katley habang naglalakad kami papunta sa parking lot pauwi.
Ang totoo ay hindi na nawaglit ang deliveries sa isip ko. Hanggang sa matapos ang shift ay isip ako nang isip kung sino ang posibleng nagpadala niyon. May sagot sa puso ko, puno iyon ng pag-asa. Pero panay ang pagkontra ng isip ko dahil alam niya kung gaano iyong kaimposibleng mangyari. Gayunman, hindi ko ipinahalatang buong maghapon akong lutang sa kaiisip.
Nagkibit-balikat ako sabay tingin sa hawak kong bulaklak. "Iisa lang naman ang Mr. Best na nasa isip at pangarap ko."
Si Maxwell 'yon... Ngumiti ako.
Gusto kong pagalitan ang isip ko dahil masiyado akong kinokonsensya niyon dahil sa nararamdaman ko. Kailan lang nang sabihin kong bibigyan ko ng pagkakataon ang sarili ko, na kailangan ko ito. Sa dumaraang araw ay unti-unting nababawasan ang sandaling naaalala ko si Maxwell. Sa dumaraang araw ay si Rembrandt ang ginagawa kong dahilan ng mga pagngiti ko.
Pero bakit sa isang bulaklak lang...na wala pa namang kasiguraduhan...siya agad ang naisip ko? Fuck!
Hindi ko maintindihan. Nagbibigay rin naman sa 'kin ng bulaklak si Rembrandt, sinorpresa niya rin ako sa pagpunta sa bahay nang walang pasabi. Pero bakit si Maxwell pa rin ang naiisip ko? Bakit kung sino pa iyong walang kasiguraduhan? Bakit kung sino pa 'yong nasa malayo?
"Pero imposibleng siya ang nagpadala nito,"wala sa sariling nasabi ko.
Hindi ko naitago ang lungkot sa mga ngiti ko nang lingunin ako ni Katley. Sandaling nangunot ang kaniyang noo, nagtataka kung sino ang tinutukoy ko.
"Si Maxwell?" nagugulat na tanong niya. Nagbaba lang ako ng tingin. "'Sabagay, imposible nga." Napatitig ako sa kaniya at hindi naitago ang panlulumo.
Ibang sagot ang inaasahan ko mula sa kaniya. Gaya ng parati niyang ginawa at sinasabi, gusto kong sabihin niyang posible iyon. Gusto ko ulit marinig mula sa kaniya ang linya niyang naging motto na, YazWell forever. Nakakatawa.
"But what if sa kaniya nga nanggaling, Yaz?"Bumaling muli sa akin si Katley matapos itanong iyon. Pareho na kaming nasa harap ng kani-kaniyang sasakyan.
Napatitig ako sa kaniya. Gumapang sa 'kin ang matinding pag-asa. Na para bang hindi 'yon nawala. Na para bang hindi ako sinaktan ng pag-asang 'yon. Na para bang hindi ako naghintay sa wala.
Ngunit nang maisip ang kagustuhan ng pagbabago sa sarili ay napairap ako. "Duh? Paano mangyayari iyon? Bukod sa napakalayo niya ay wala naman siyang dahilan para padalhan ako ng cake, coffee at lalo na ng bulaklak," mataray kong sabi.
May girlfriend na siya at si Keziah 'yon. Hindi niya ako sinundan, walang dahilan para magpadala siya ng ganito. Ayokong umasa na sa kaniya galing ang sorpresang ito.
Ang panghihinayang ay naro'n sa loob ko. "Hindi ito gagawin sa akin ng isang Maxwell Laurent del Valle-Moon, Katley," sabi ko habang nasa bulaklak ang paningin.
Saka ako nag-angat ng tingin sa kaniya at pilit na ngumiti. "Imposible," gusto kong maiyak sa pakiramdam.
Ako ang higit na nasaktan sa sinabi ko. Hanggang sa sandaling iyon pala ay may parte sa kalooban kong humihiling na sana ay hindi nalang ganoon kaimposible 'yon. Naroon pa rin pala 'yon sa kabila ng pag-aakala kong nawala na.
"Kaya nga, what if?" pinakadiinan niya pa ang huling dalawang salita. "What if siya ang nagpadala ng cake, coffee at nitong flowers?"
God! She's really serious? Hindi ko alam kung bakit bigla ay kinabahan na naman ako. Iyon na 'yong gusto kong marinig mula kay Katley. Nang tanungin niya naman iyon ay para akong nilalamon ng kaba.
"Well," hindi ko malaman kung ano ang sasabihin. "I don't really want to assume or expect anything pero kung sa kaniya man nanggaling ito, oh, eh, di..." Muli akong nagbaba ng tingin sa bulaklak at sandaling napatitig doon. "Eh, di thank you, gano'n." Nakamot ko ang noo.
Sumama ang mukha niya. "Thank you lang? Hindi ka man lang kikiligin?"
Napamaang ako. "Hello? That's Maxwell Laurent del Valle-Moon for my beauty's sake, Katley, sino ang hindi kikiligin?"
"Eh, bakit hindi ka naman mukhang kinikilig?"
Nanlumo ako. "Dahil alam ko namang hindi sa kaniya nanggaling ito." Mapait ang naging ngiti ko.
Ni hindi nga ako sigurado kung sa kaniya nga talaga nanggaling 'yong bulaklak na natanggap ko bago umalis ng Palawan.
Nang hindi ko na matatagalan pa ang pag-uusap na iyon ay nagmuwestra na ako pasakay sa sariling kotse.
"See you tomorrow, Katley. Take care,"paalam ko saka siya iniwan.
Hanggang sa pagmamaneho ay naging mapakla ang mga ngiti ko. Hindi ko maiwasang lingunin nang paulit-ulit ang bulaklak na nasa tabi ko.
Imposible. Hindi ito gagawin ni Maxwell. Imposibleng sa kaniya manggaling ito dahil hindi niya naman ako gusto. Hindi naman niya ako minahal. He doesn't like, he didn't love me, Katley. And he never will.
To Be Continued. . .
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top