CHAPTER 36


CHAPTER 36

"MAXWELL!" HINDI ko napigilan ang sarili kong habulin siya. Ngunit sumara na ang elevator na sinakyan niya.

Dali-dali kong tinakbo ang kabila at halos masira ko ang mga buton niyon sa kapipindot para lang maabutan siya. Binalewala ko ang mga taong napuno ng pagtataka mataopos akong makitang nagtatatakbo.

Nang makalabas sa building ay saka ko lang napagtantong wala nang sapin ang aking paa. Hindi ko inda ang mga tipak ng batong matapakan ko mahabol lang siya bago mapaandar ang sasakyan niya.

"Maxwell please! Please!" Pinigilan ko siyang isara ang pinto ng sasakyan niya. "Please..." paulit-ulit na lang ang pakiusap ko. "Please, pakinggan mo muna ako."

Rumehistro ang galit sa mga mata niya nang makitang walang sapin ang paa ko. Ngunit awtomatiko siyang nag-iwas ng tingin.

"Get in," aniya.

Nabuhayan ako ng loob at saka dali-daling sumakay. Pero nang sandaling magkaharap kami ay hindi ko na naman alam ang sasabihin. Lumuluha ko lang siyang tinitigan. Isa-isa kong nakikita ang lahat ng mawawala sa 'kin kung hindi ko siya kakausapin.

"Maxwell..." sinubukan kong hawakan ang kamay niya ngunit awtomatiko niya iyong binawi. "Maxwell, please..."

"Please, just...talk, Yaz." Sinapo niya ng mga daliri ang noo at diniinan ang mga mata.

"You don't mean it, right? What you've just...said, you don't mean it, right?"umiiyak, umaasang sabi ko.

Nakita ko nang kumibot-kibot ang mga labi niya at bago pa man siya makapagsalita ay magkakasunod nang luha ang pumatak mula sa mga mata niya.

Umiling siya nang umiling. "No," iyon lang ang sinabi niya ngunit gumaralgal pa. "But it fucking hurts, Yaz. What you did...hurts."

"I'm sorry," lumuluha kong sabi. "I was not expecting na darating si Maxrill doon."

Pinigilan kong gumaralgal, pumiyok o humikbi. Ayaw kong isipin niyang nagpapaawa lang ako at gusto kong maintindihan niya ang paliwanag ko.

"Bakit hindi ka dumating?" tiningnan ko siya nang deretso.

"There's an emergency," mapait siyang ngumiti, ang paningin ay nasa manibela.

"Hindi mo man lang masagot ang tawag ko," umiiling kong sinabi. "Or kahit text man lang, Maxwell."

Lumingon siya sa 'kin at saka tumawa nang pagkapait-pait. "Inside the operating room, really? Ni hindi nga ako makalingon sa katabi ko, sasagot pa 'ko ng tawag?"malungkot niyang ipinahayag ang sarkasmo at kailangan ko iyong intindihin.

Sa sandaling nasa operating room na ang medical team, nasa ere na lang ang kamay, bawal ibaba, i-extend, i-flex o kung ano-ano pa. Walang ibang hahawakan bukod sa pasyente at mga gamit. Ang lahat ng kilos ay limitado.

Sa linya ni Maxwell, dahil kapos sa tao, may mga sandali talagang lumalabas lang siya ng operating room para mag-surgical scrub at magpalit ng protective equipments. Madalas ay literal na magkakasunod ang pasyente niya. Dahil sa dami ng isla sa Palawan, ospital niya lang ang kompleto sa gamit.

Tumango-tango ako. "Oo nga pala, gano'n kahirap manlimos ng oras mo."

Tiim-bagang niya akong nilingon. "Yes,"mapait siyang ngumiti. "Dahil buhay ng tao ang kalaban mo, Yaz." 'Ayun na naman ang pamumula ng mga mata niya na parang maluluha na. "'Yong sandaling iniiyakan mo kahihintay sa 'kin, ipinagmamakaawa ng iba para sa buhay nila."

Nagbaba ako ng tingin. Naiintindihan ko siya, kahit pa hindi niya paniwalaan. Pero sa kabilang banda, hinahanap ko sa dahilan niya ang parte ko. Nasaan ako ro'n? Kung iintindihin ko siya, hanggang kailan? Dahil sa t'wing nauulit ay lumalalim 'yong hinanakit ko.

"And God knows how sorry I am for not showing up," dagdag niya. "Nagtiis ako ng gutom para masabayan kang kumain, para makasama ka nang matagal...pero ikaw..."Umiling siya nang umiling.

Nangilid ang mga luha ko nang iyon na ang kaniyang sabihin. "I'm sorry," iyon na naman ang nasabi ko.

"Did you check your phone?" bigla ay kaswal niyang tanong. Natigilan ako. "Ikaw agad ang tinawagan ko pagkatapos ng trabaho ko. Hindi ka sumagot," bumuntong-hininga siya.

Shit! Simula nang uminom kami ni Maxrill kanina ay hindi ko na natingnan pa muli ang cellphone ko. Naka-silent iyon at hindi ko na naisip na i-check.

Ngumiti siya sa kawalan saka kikibot-kibot ang labing tumingin sa 'kin. "Pero may narinig ka ba sa 'kin?" Kumunot nang todo ang noo niya. "May hinalikan ba 'kong iba dahil lang hindi mo sinagot ang tawag ko, Yaz? Fuck!"Bigla ay sinuntok niya ang manibela ng kotse niya.

Hindi ko na naman nagawang sumagot. Nasapo ko mukha ko at doon ako umiyak nang umiyak sa sakit, kabobohan at sobrang kahihiyan.

Sandali kaming natahimik at tanging paghikbi ko lang ang maririnig. Tulala siya sa kung saan at lungkot lang ang mababasa sa mga mata.

"Please, go home, Yaz. Let's rest."

"Maxwell..."

"Hindi natin kayang ayusin 'to ngayon."

"Pero..."

"Please."

"But we're not breaking up, right?"dineretsa ko na siya.

Nakita ko nang marahan siyang lumingon sa 'kin. Napanood ko ang ilang butil ng luha niyang tumulo habang nakatitig sa 'kin.

"May dahilan pa ba para magpatuloy tayo?" mahinang tanong.

"Maxwell..." nagmamakaawa ang tinig ko.

"Sigurado akong mahal kita pero...siguro ka bang ako pa ang mahal mo?"

"Oo," agap ko.

Umiling siya. "Sana naisip mo 'yon bago mo hinalikan ang kapatid ko."

"I'm really sorry."

"Please get out," pakiusap niya, isinubsob ang sarili sa manibela. "Get some rest. I know you're tired."

"Maxwell..."

"Please...Yaz."

Tumulo nang tumulo ang luha ko saka nag-aalinlangang hinawakan ang pinto. Sa isip ko ay paulit-ulit kong hiniling na pigilan niya ako. Pero naihakbang ko na ang paa ko palabas, hindi pa rin nagbabago ang itsura niya. Tuluyan na akong nakalabas pero hindi pa rin siya nagsasalita.

Nang maisara ko ang pinto ay saka lang siya lumingon sa passenger's seat at saka lumuha nang lumuha na para bang wala na ako roon. Marahan siyang nag-angat ng tingin sa 'kin saka lumuluha akong tinitigan.

Bigla ay nagmamadali siyang bumaba at tumakbo palapit sa 'kin. Niyakap niya ako at isiniksik ang mukha niya sa pagitan ng mukha at leeg ko. "Mahal na mahal kita, Yaz," noon ko lang siya narinig na sabihin 'yon nang sobra-sobrang nasasaktan, pati ako nadudurog.

"Maxwell," pinakahigpitan ko ang pagkakayakap sa kaniya. "Please don't leave me."

Pero kumalas siya at paulit-ulit na pinunasan ang mga luha niya. Nang subukan kong hawakan ang pisngi niya ay umiwas siya at humakbang palayo.

"Good night," iyon lang at bumalik na siya sa sasakyan at nagmaneho papalayo.

Lumuluha kong tinanaw ang paglayo niya, umaasang magbabago ang isip niya at babalik sa 'kin. Pero hindi iyon nangyari. Napatayan na ako ng ilaw roon pero hindi na talaga siya bumalik sa akin.

Hindi ko alam kung paanong aayusin ang itsura ko kinabukasan. Tinagalan ko na ang pagligo, paulit-ulit na akong naghilamos pero mugtong-mugto pa rin ang mga mata ko. Sa isang tingin ay mahuhulaang galing ako sa magdamag na pag-iyak, at nahihilo ako sa kawalan ng tulog.

Inumaga ako sa pag-iyak, namalayan ko ang oras noong maliwanag na. Paulit-ulit kong tinawagan si Maxwell kagabi ngunit nang makasampung subok ako ay hindi na matawagan ang linya niya. Wala rin siyang sinagot ni isa sa mga texts ko.

Tapos na ba ang lahat sa 'min? Nakipaghiwalay na ba siya? Napuno na naman ng luha ang mga mata ko. Bagaman ang isip ko ay kinakastigo ako, tinatanong kung ano ang karapatan kong magtanong ng gano'n gayong ako ang pumiling gumawa ng mali?

Nagdadalawang-isip akong pumasok ngunit nag-aalala akong baka magkaroon ng problema, walang hahalinhin sa 'kin kung basta na lang akong um-absent. Bukod sa gusto kong makita si Maxwell, kailangan naming mag-usap. Sa huli ay nagdesisyon pa rin akong pumasok.

Hindi ko inaasahang madaratnan ko si Maxrill sa 'baba ng building nang makababa ako. Agad siyang lumapit nang masulyapan ako.

Agad akong nag-iwas ng tingin na para bang makikita niya pa rin ang mata ko sa kabila nang itim na itim kong shades.

"Yaz," pagtawag niya. Wala pa man siyang sinasabi ay naluluha na 'ko. "What happened? Talk to me."

Umiling ako nang umiling. "Nothing."

"Can you go to work?"

"I have to."

"I'll ask Maxwell to"

"No," agad ko siyang pinigilan. "I need to go to work. I need to see him."

"Listen," hinawakan niya ang magkabilang balikat ko. "Hindi ka pwedeng pumasok nang ganito, baka maapektuhan ang performance mo sa trabaho." Sinabi niya 'yon na para bang alam niyang wala akong tulog at magdamag na umiyak. "I'll talk to him," giit niya.

"Tama na, Maxrill!" inis kong kinalas ang pagkakahawak niya. Nakita ko siyang matigilan. "Please, 'wag ka na munang dumagdag."

"I'm sorry. I know this is all my fault,"malungkot niyang sinabi.

"And you're not the one who can fix it,"umiiyak ko na namang sinabi. "Please. Let's end this here."

Naisandal niya ang sarili sa sasakyan at tumingin sa 'kin. "He saw us," aniya saka nagbaba ng tingin. Parang dinurog no'n ang puso ko. "He was there...at the beach."

"Fuck..." bulong ko saka padausdos na napaupo sa mga paa.

Napakaraming tanong na namuo sa 'kin nang mag-isa na lang ako sa kama. Mga tanong na hindi ko naisip noong kaharap ko siya. Paulit-ulit akong nagtanong sa sarili kagabi kung may alam ba siya? Nang makumbinsi ko ang aking sarili na may alam siya, paulit-ulit akong nagtanong kung paano? Nang maisip kong baka pinuntahan niya kami, naisip ko kung bakit hinayaan niya lang kami? Bakit wala siyang ginawa?

Doon na ako napuyat sa kaiisip kung seryoso ba siya sa mga huli niyang sinabi. Hindi ko magawang paniwalaan na hindi niya ako mahal, na hindi niya ako minahal. Hindi ako pinatulog no'n at sa halip ay paulit-ulit akong sinaktan.

Kinuwestyon ko ang lahat ng ipinakita niya at sinabi niya sa nakaraan. Kinuwestyon ko maging ang lahat ng naramdaman kong katotohanan sa kaniya. Paulit-ulit kong kinumbinsi ang sarili kong nagsisinungaling lang siya.

"I need to talk to him," sabi ko saka tumayo.

"He's not going to work todat."

Nag-angat ako ng tingin sa kaniya. "Why? How did you know?"

Nagbaba siya ng tingin. "He has fever, he needs to sleep," pabuntong-hininga niyang sagot. "Wilma called me early in the morning.

Natitigilan ko siyang tinitigan. "Please take me there, Maxrill..." Bigla ay nagmadali akong kumilos. "Dalhin mo 'ko kay Maxwell, I'll take care of him."

Matagal na tumitig sa 'kin si Maxrill saka pabuntong-hiningang kumilos. Hindi ko na siya hinintay na pagbuksan ako ng pinto gaya nang parati niyang ginagawa. Kusa na akong sumakay at hinintay siya. Hindi mapakali ang mga paa at mata ko habang nasa daan kami. Gusto ko nang sabihin kay Maxrill na bilisan niya ang pagmamaneho pero mukhang nakuha niya na 'yon kaya nagkusa na siya.

"Thank you," sabi ko nang makarating kami sa hospital. Hindi ko na rin siya hinintay na sumagot.

Patakbo akong pumasok at dumeretso sa operating room. Nagpaalam ako sa head nurse na pupuntahan si Maxwell dahil mataas ang lagnat nito. Sinabi kong babantayan ko si Maxwell at kung maaari ay tawagan na lang ako sa cellphone para makababa ako.

Halos masira ko ang button ng elevator sa lakas ng pagkakapindot doon. Panay rin ang padyak ko sa kinatatayuan na para bang bibilis ang andar niyon kapag ginawa ko 'yon.

Tinakbo ko ang pinto nang makarating ngunit naka-lock iyon at hindi ko alam ang password sa bago niyang lock.

Shit! Paano ako papasok?

Inilabas ko ang cellphone at sinubukan kong tawagan si Maxwell. "Please answer the phone, answer the phone, answer the..."

Bumukas ang pinto at nagtama ang paningin namin ni Maxwell. Awtomatiko siyang nagbaba ng tingin. "Yaz," bulong niya.

"Maxwell..." kung ako ang masusunod ay patakbo ko siyang lalapitan pero nangibabaw ang hiya ko. "Can I come in?"

Sandali siyang bumuntong-hininga saka binuksan nang tuluyan ang pinto. Nakatingin ako sa kaniya habang naglalakad papasok. Pero tila iniiwasan niyang tingnan ako. Gusto ko tuloy kabahan, baka naroon si Keziah.

Agad kong iginala ang paningin sa kabuuan ng lugar pero wala akong nakita. Sinulyapan ko ang kwarto, nakabukas ang pinto niyon pero nag-aalangan akong pumunta. Sobrang tahimik ng bahay at tanging tunog ng centralized aircon ang maririnig.

"Ang sabi..." pinigilan ko ang sariling banggitin ang pangalan ng kapatid niya. "May lagnat ka raw?" tanong ko.

Nakababa lang ang tingin niya. "Yeah, but I'm okay now. Heurt took care of me."

"Patingin..." sabi ko na akmang lalapit pero agad siyang humakbang paatras para iiwas ang sarili. "Maxwell..."

"I'm okay now, Yaz, thank you," nagbaba siya ng tingin sandali saka muling nag-angat ngunit hindi tumatama sa 'kin ang mga mata niya.

"I can take care of you while you're sleeping, Maxwell. I'm worried."

"I'm okay, Yaz. It's okay. You should rest, too."

"Maxwell, I want to talk to you. Can we talk, please?"

"Hmm, about what?" sa tono niya ay para bang sawa na agaw siyang makipag-usap.

Napabuntong-hininga ako. "About last night. Hindi..." umiling ako nang umiling. "Hindi malinaw ang naging usapan natin kagabi.

Lalo siyang nagbaba ng tingin. "Again I'm sorry for not coming, I was..." hindi niya maituloy ang sasabihin.

"I know you're busy. You already explained it to me," gumaralgal ang tinig ko pero kinagat ko ang labi ko upang mapigilan ang pag-iyak. "Please look at me..." pakiusap ko.

Ngunit parang nadurog ang puso ko nang gano'n kabilis siyang pangiliran ng luha. Na kahit anong pigil niya sa emosyon at pagtulo niyon ay nabigo siya. Kinailangan niya akong talikuran bagaman huli na para hindi ko 'yon makita.

"Maxwell..." awtomatiko akong humabol para harapin siya. Ngunit muli siyang umatras at nag-iwas ng tingin. "Maxwell, let's talk about it, please."

Paulit-ulit siyang humugot ng hininga saka pinigilan ang sariling lumuha. Ilang ulit niyang ikinurap ang mga mata niya ngunit hindi pa rin niya ako tiningnan.

"I'm sorry if I wasn't enough, Yaz," hindi ko inaasahang gano'n ang sasabihin niya.

"Maxwell, no..."

Ngumiti siya habang pinangingiliran ng luha, halatang paulit-ulit niya iyong pinipigilan. "You don't deserve someone like me because I..."pinunasan niya ang ilong saka bumuntong-hininga. "I'm always busy. You deserve someone who can..." 'ayun na naman ang pagpipigil niyang maluha. "Fuck..." natakpan niya ng palad ang mata niya at doon umiyak nang umiyak.

Umiiyak ko siyang nilapitan ngunit sa isang hakbang ko palapit ay isa ring hakbang niya palayo.

"Maxwell..." panay ang pagsinghot kong tawag.

Pinunasan niya ang kaniyang mga luha at saka paulit-ulit na humugot ng hininga. Pero hanggang sa sandaling iyon ay hindi pa rin siya tumitingin sa 'kin.

"You deserve someone who can take you out on a date. You deserve to be someone's..." paulit-ulit niyang pinipigilan ang maiyak. "You deserve to be someone's priority. Someone without any reservation and second thought. You deserve midnight strolls, a dance under the fucking moon..."magkakasunod na pumatak ang mga luha niya.

"You deserve mutual time and effort with total commitment. You deserve someone who can give you his absolute best. You deserve someone like him."

Hindi ko alam ang sasabihin. Magkakasunod ding pumatak ang mga luha ko na halos humagulgol ako sa harapan niya dahil hindi ko na 'yon mapigilan.

"I'm letting you go, Yaz," sinabi niya 'yon sa paraang hirap na hirap ang kalooban niya ngunit pilit na nilalabanan. Sa paraang siya siya ang lubos na nasasaktan pero kailangan na akong pakawalan. "I know you're tired of me."

"No," tumakbo ako papalapit ngunit umatras siya.

"I'm sorry for not doing enough for you,"malungkot niyang sinabi. "I'm sorry I could've done more and yet...I didn't."

Hindi ko alam kung paano iyong sasagutin. Dahil noong hindi ko pa siya nakakaharap, noong hindi ko pa naririnig ang lahat ng sinabi niya ngayon, iba ang laman ng puso't isip ko. Pero ngayong nakikita at naririnig ko ang mga sinasabi niya, iba na ang gusto kong sabihin.

Hindi ko maintindihan ang sarili ko dahil heto siya at sinasabi lahat sa akin ang mga bagay na inihihimutok ko sa nakaraan. Ang kawalan niya ng oras at ang nangyari kagabi lang, na hindi siya nakarating sa date namin. Pero habang naririnig ko siyang bitiwan ang mga salitang iyon, bigla ko na lang siyang naintindihan. Nakakabobo!

"I'm sorry for causing you so much pain and stress. I'm sorry for not being attentive while you were worrying about our unhealthy relationshop. I'm sorry for always thinking that everything is fine. I'm really sorry for being insensitive."

Umiling ako nang umiling. Hindi man lang alam kung ano ang sasabihin.

"If I was not a doctor maybe...I'll be enough, huh?" malungkot siyang ngumiti.

"Maxwell, please!" umiiyak kong sabi.

"I also want to show you everything, Yaz," ngumiti siya. "I want to call you every minute of my everyday, too. I want to just laugh with you. I want to take a trip to some random place we chose with our eyes closed and our fingers pointing on a map. Or just lie in bed and watch whatever movie is available, silently next to you. I want everything, with you."

"Pero puro hiling lang ako, e," dagdag niya. "Kasi sa t'wing gusto ko nang gawin, nandiyan na 'yong responsibilities ko. Sinusundan ako." Ngumiti siya. "You know I wanna marry you." Nangilid na naman ang mga luha niya, gano'n kabilis. "At lahat ng ginagawa ko ngayon ay para sa 'yo, para sa future nating pareho."

"Maybe you realized he was better because he has more to give. He has more time, a good company," dagdag pa niya.

"Ikaw ang mahal ko..." mariing tugon ko.

"Pero sinaktan mo 'ko, Yaz," umiiyak niyang sabi. "I know I'm hurting you but I'm hurting, too. Hindi lang ikaw ang may gusto ng oras, gustong-gusto ko rin. Ikaw lang ang pahinga ko." Umiling siya nang umiling habang patuloy ang pagpatak ng luha niya. "Araw-araw natatakot akong magsawa ka, mapagod ka sa 'kin. Pero mas nakakatakot isiping nagtitiis ka na lang sa 'kin."

Nagbaba ako ng tingin at lumuha nang lumuha. Noon ko lang naalala ang lahat ng oras na ibinigay niya ngunit naghangad pa rin ako ng higit pa.

"I wanted to stop you," malungkot siyang ngumiti. "But I've never seen you happier than I see you with Maxrill. Kahit 'yon lang, maibigay ko." Ngumiti siya at tinalikuran ako.

Pinanood ko siyang maglakad papunta sa kama at mahiga. Gustuhin ko mang magsalita ay hindi ko na nagawa. Lumuluha kong pinanood siyang ipikit ang mga mata. Hinayaan niya akong panoorin siyang matulog sa huling pagkakataon. Dahil hindi na ulit nangyari iyon.

Dumaan nang dumaan ang mga araw nang kaswal lang akong kinakausap ni Maxwell sa t'wing magkikita kami sa trabaho. Nakikita ko siyang ngumiti, nakikita ko siyang tumawa, nakikita ko siyang magsungit o maging sarkastiko pa. Pero hindi ko na uli siya nakitang tumingin sa 'kin. Magkasama man kaming kumain, sa operation, ihatid man niya ako pauwi. Wala nang sandaling nagtama ang mga mata namin.

Hindi ko alam kung paano niyang natatagalan 'yon. Hindi ko alam kung anong plano niya. Pero sa ilang beses na dumaan sa ganitong sitwasyon ang relasyon namin, ngayon niya lang ginawa ito.

"Maxwell," isang araw ay lumapit ako nang may dalang adobo, bagong saing na rice at saka mga hiniwang prutas. "I cooked for you,"sabi ko.

"Wow," normal pa rin ang tuwa at kislap sa mga mata niya. Nag-angat siya ng tingin pero hindi pa rin iyon tumama sa mga mata ko. "Thank you, Yaz. I'll eat it later." Iyon lang at tumayo siya at dumeretso na sa sink para maghugas ng kamay. Ilang saglit lang ay nagsimula na ang operation niya.

Nang araw na 'yon ay hindi kami nagkasama sa iisang pasyente. Sabay na sabay ang oras ng operations namin. Kaya uwian na nang magkita kami uli.

Nagbibihis na ako nang makitang hindi pa rin nagagalaw ang pagkain na dinala ko sa kaniya. Kung paano ko iyong iniwan kanina ay gano'n pa rin ang itsura niyon ngayon.

Lumingon ako sa paligid, sinubukang hanapin si Maxwell pero hindi ko siya nakita.

Siguro ay may pasyente pa... Bumuntong-hininga ako saka sinulyapan pa ng minsan ang dala ko saka nagdesisyong umuwi.

Bumukas ang elevator at dumapo ang paningin ko kina Maxwell at Keziah. Nakaakbay si Maxwell sa kaniya habang si Keziah ay nakangiti at nakayuko sa bungkos ng rosas na hawak niya.

Napangiti rin ako sa kanila ngunit kakatwang ang dahilan no'n ay ang paulit-ulit at maliliit na kirot sa dibdib ko.

Nag-angat ng tingin si Maxwell at aksidenteng natuon ang paningin sa 'kin. Nakita ko nang awtomatiko siyang mag-iwas, maging ang ngiti niya ay nabawasan.

Nakita ko rin nang magulat si Keziah nang makita ako. Bahagya siyang lumayo kay Maxwell saka naunang lumabas ng elevator.

"Uuwi ka na?" may himig ng alinlangan sa tinig ni Keziah. Nakangiti bagaman hindi iyon umaabot sa mga mata.

Akbay lang 'yon, Yaz... Nakangiti kong kinumbinsi ang sarili ko. Akbay lang jud, friendly gestures, ana jud...

"Yes, doc," napakahusay kong mameke ng ngiti, may tamis pa sa labi. "Kayo ba?" hindi ko alam kung bakit gano'n ang naitanong ko sa halip na kung hindi pa ba sila uuwi?

"Let's go," dinig kong ani Maxwell.

Lilingunin ko na siya nang makita ko ang kamay niyang dumapo sa bewang ni Keziah saka ito akayin papasok.

Naiwan akong nakatingin sa kung saan, nakakuyom ang mga palad at pinangigiliran ng luha.

To be continued. . . 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top

Tags: #maxinejiji