CHAPTER 28
CHAPTER 28
LAHAT AY nagulat sa isiniwalat ni Rembrandt. Binalot ako ng matinding kahihiyan! Sa unang pagkakataon ay naging mahina sa pandinig ko ang boses ni Zarnaih. Sa kabila ng respeto ko sa pamilyang Moon, hindi ko sila matapunan ng tingin ngayon. Dahil ang paningin ko ay naroon lang kay Maxwell. Walang nagbago sa malamig at blankong ekspresyon sa kaniyang mukha. Nagsisimula na akong matakot sa mga posible niyang sabihin at gawin. Nag-aalala akong bigla na lang siyang magdesisyon na hiwalayan ako dahil sa mga narinig.
"Maxwell..." mahinang sambit ko.
Ang paningin ni Maxwell ay naroon pa rin sa kaniyang plato. Wala pa ring nagbago sa reaksyon niya, nananatili iyong malamig at blangko. Siya ang pinaghuhugutan ko ng lakas ngunit heto at pinanghihina niya ako.
"Maxwell, nagsinungaling lang ako sa kaniya noon," gumagaralgal ang tinig kong sabi.
Nanginginig at natatakot man ay humakbang ako papalapit. Nang walang magbago sa reaksyon niya ay muli pa akong humakbang. Ngunit sa ikatlong pagsubok ko ay bigla siyang tumayo. Sa gulat ay awtomatiko akong napahakbang paatras.
"Maxwell..." naluluha na namang sambit ko.
"Please talk to him," mahina man ay narinig kong sinabi ni Maxwell.
"Maxwell..."
"Don't mind me. Just talk to him," bahagya man ay ramdam ko ay diin nang ulitin niya 'yon.
Pero nang sandaling iyon ay siya ang gusto kong sabihin. 'Ayun at isa-isa nang namumuo sa isip ko ang mga paliwanag ko sa kaniya.
"Thank you, Maxwell," hindi ko inaasahan ang lakas ng apog ni Rembrandt. Ganoon ang sinabi niya pero ang pagiging presko ay hindi nawala.
Awtomatiko siyang tinapunan ng malamig na tingin ni Maxwell. "Keep your distance, I'm warning you."
Umasta siyang lalakad na palayo nang matunugan ang nakakalokong pagtawa ni Rembrandt. Muli itong tinapunan ng malamig na tingin ni Maxwell.
"Ako ba talaga dapat ang dumistansya?" naroon ang tapang sa tinig ni Rembrandt. "Hindi mo ba narinig ang sinabi ko ngayon lang? Legally, she's mine. You wouldn't want to break the law, right, doc?"
"Rembrandt, ano ba!" bulalas ko.
Ngunit nataranta ang lahat nang sugurin ni Maxwell si Rembrandt. Sa bilis at laki ng mga hakbang niya ay ni hindi man lang nakakilos si Rembrandt sa kinatatayuan. Mas napakilos ang lahat nang dakmain ito ni Maxwell sa kwelyo. Sa tangkad niya ay halos mangapa ng sasampahang hagdan ang mga paa ni Rembrandt.
"Maxwell Laurent!" nagbabanta ang tinig ni Tita Maze.
Akmang lalapit sina Tito More at Mokz upang umawat nang pigilan at ilingan sila ni Maxpein, sinasabing hayaan lamang si Maxwell.
"This is physical assault, Maxwell!" banta ni Rembrandt. "Let go of me or I'll take you to court!"
"Magkita muna tayo sa ospital kung gano'n,"banta rin ni Maxwell saka umamba ng sapak. Ngunit umangat ang gilid ng labi niya nang makita ang pag-ilag ni Rembrandt. "You're nothing but a fucking coward."
Basta na lang niya binitiwan si Rembrandt dahilan para mawalan ito ng balanse at tumimbawang sa lupa. Akma siyang susugod nang muling matigilan sa isang lingon ni Maxwell.
Nang sandaling iyon ay humakbang papalapit sa likuran ni Maxwell sina Mokz at Maxpein, kasunod sina Tito More at Tita Maze. Sa ganoong paraan sinasabi ng mga itong hindi lang si Maxwell ang makakaharap ni Rembrandt, kundi maging sila.
"You may know the law, but you don't know me,"seryoso iyong sinabi ni Maxwell.
Napatitig ako sa kay Maxwell. Pakiramdam ko ay noon ko lamang siya narinig na magsalita ng ganoon bilang isang Moon, kalmado ngunit makapangyarihan at nakakatakot. Iyong sa paraang nagpipigil at nagpapasensya sapagkat alam niyang walang laban ang kaharap.
"You have violated your own professional duty, attorney," patuloy ni Maxwell. "Nabuntis mo pala, bakit hindi mo pinakasalan? Freak."
"You know nothing!"
"And so are you."
"She is mine!"
"Before, yes."
"You—"
"Stop it! Please!" gilalas ko, pinigilang makapagsalita muli si Rembrandt.
Pero hindi nawala ang matalim na titigan ng dalawa. Gigil na si Rembrandt, binabale-wala ang presensya ng mga magulang na naroon at natatakot ako sa pwede niyang gawin. Habang si Maxwell ay mukha mang kalmado pero pinag-aaalala ako sa mga tumatakbo sa kaniyang isip.
"I'm only doing this for peace so don't expect too much," kalmado pa rin iyong sinabi ni Maxwell."You wanna compete with me? Go ahead and try." Iyon lang at basta na lang niya itong tinalikuran. "Let them talk." Inutos iyon ni Maxwell sa paraang kailangan niyong masunod.
Hindi na ako nagulat nang isa-isang umalis ang pamilyang Moon at sumunod kay Maxwell sa 'taas. Ang kapatid ko at kaniyang asawa ay ilang beses pa munang niyaya sina mommy't daddy bago nagdesisyon ang mga magulang kong iwan kami.
"Fuck you," iyon na ang pinakamalutong na murang binitiwan ko sa tanang buhay ko. "Why are you doing this? Ano'ng hindi mo maintindihan sa hindi na kita mahal, Rembrandt?"
"Wala," emosyonal niyang sagot. "Hindi ko 'yon maintindihan kaya hanggang ngayon ay narito ako at parang gago na nakikipagbalikan sa 'yo!"
"Tanggapin mong wala na tayo dahil tinanggap ko nang sandaling hindi ako ang pinili mo."
"Inaasahan kong maiintindihan mo 'ko. May mga pangarap ako sa buhay at ginagawa ko ang lahat nang 'yon para sa atin!"
"Oo, naintindihan at inintindi kita noon kaya nga lumayo ako. Bakit ka bumabalik ngayon kung kailan masaya na ako? Ilang beses mong sisirain ang buhay ko, Rembrandt?"
Umiling siya nang umiling. "I'm sorry pero hindi 'yon ang gusto kong gawin."
"Pero 'yon ang ginagawa mo." Hindi ko na naman napigilan ang mga luha ko.
"Huwag mo 'kong sisihin sa kinahinatnan mo. Nasasabi mo lang lahat 'to ngayon kasi okay ka na. Madali na para sa 'yong itapon ako kasi meron ka nang bago. Kung kausapin mo 'ko ngayon ay para bang ako lang ang nagkamali," emosyonal, naluluha na rin niyang sabi. "Nagsinungaling ka rin sa 'kin, Yaz."
Tumulo nang tumulo ang mga luha ko. "Ginawa ko lang 'yon dahil mahal na mahal kita noon."Nagbaba ako ng tingin. "Kaya huwag mo rin akong sisihin sa kinahinatnan natin ngayon. May mahal na akong iba at paulit-ulit kong sasabihin sa 'yo 'yon hanggang sa matanggap mo."
"Yaz..."
"Nakikiusap ako sa 'yo, Rembrandt," galit man ay mas nangibabaw ang pagluha ko. "Kung may natitira ka pang respeto sa 'kin, patahimikin mo na 'ko."
"Pero paano ako?"
"Hindi ako ang solusyon sa problema mo. May ibang buhay na 'ko."
"Mahal pa rin kita, Yaz."
"Hindi ko na masuklian ang nararamdaman mo." Umiling ako nang umiling. "I'm sorry, Rembrandt but we're done."
"Yaz..."
"Please go home," nagbaba ako ng tingin at pinunasan nang pinunasan ang mga luha ko. "Please, I'm begging you."
"Rembrandt," bigla ay nangibabaw ang tinig ni daddy mula sa likuran. Hindi ko siya magawang lingunin dahil sa sobrang kahihiyan.
"Tito..."
"Rembrandt," bagaman kalmado ang boses si daddy, naroon ang pagbabanta. "Narito ka sa pamamahay ko at kailangan mong irespeto ang sinumang narito, lalo na kaming mga magulang ni Zaimin Yaz. Bilang lalaki ay nakikiusap ako sa iyo, tigilan mo na ang anak ko."
"Yaz..." ani Rembrandt, nanghihingi ng pang-unawa.
"Siguro ay tama na munang ipinahiya mo ang anak ko sa araw na ito," halos gumaralgal ang tinig ni daddy.
"I'm sorry, tito," sinsero ang tinig ni Rembrandt.
"Naiintindihan kong nasasaktan ka dahil sa nangyari sa inyo. Ngunit sa ginawa mo ngayon ay ipinakita mo sa aking wala ka nang respeto sa anak ko."
"Tito..."
"Please go home, Rembrandt."
Sandaling tumitig sa akin si Rembrandt, natatandaan ko kung paano niya akong pinanghihina sa ganoong tingin noon. Ngunit wala nang epekto ang lahat nang iyon ngayon.
Pinanood ko lang tumalikod si Rembrandt at matapos no'n ay niyakap ko na si daddy. Doon ako umiyak nang umiyak.
"Tahan na, anak," paulit-ulit niyang hinagod ang likuran ko. "Kailangan ninyong mag-usap ni Maxwell."
"Natatakot..." lumuluha kong pagtawag. "Natatakot ako, daddy," humiwalay ako at pinunasang muli ang mga luha ko. "Baka iwan ako ni Maxwell nang dahil dito."
Sinapo niya ang parehong pisngi ko at pinagsalubong ang mga tingin namin. Marahan siyang ngumiti. "Ang tunay na pagmamahal ay umiintindi, anak. Ang takot ay sa simula lang at mawawala lang 'yon kapag ginawa mo ang kinatatakutan mo."
Umiling ako nang umiling. "Ayokong mawala si Maxwell."
Bumuntong-hininga siya at sa kawalan ng isasagot ay niyakap niya na lang uli ako. Hindi ako binitiwan ni daddy hangga't hindi ako tumatahan.
Sandali rin akong binaba nina mommy at Zarnaih para kausapin at abisuhan pero tila wala akong naitindihan. Si Maxwell lang ang naiisip ko nang sandaling iyon. Kaya sa huli ay nagpaalam akong kakausapin ito.
Ilang beses akong humugot ng lakas ng loob bago tuluyang pinasok ang kwarto. Nadatnan ko si Maxwell na nakahiga at tila natutulog.
Marahan akong tumabi sa kaniya at niyakap siya mula sa likuran. "I'm sorry, Maxwell."
Naramdaman ko siyang bumuntong-hininga. "Did he touch you?"
"No." Humigpit ang yakap ko. "I'm sorry." Sana ay huwag siya magsawang marinig ang mga salitang 'yon mula sa 'kin.
Muli siyang nagpakawala ng malalim na hininga. "Tell me everything..."
Pakiramdam ko ay may napunit na bahagi sa puso ko nang mabasag ang tinig niya.
Maxwell...
Lumuluha kong binalikan ang nakaraan namin ni Rembrandt. "I was selfish, then. Gusto ko ay nasa akin lang ang oras niya," panimula ko.
May kung ano sa aking biglang nag-alinlangan. 'Ayun na naman 'yong pag-iisip kung gaano ako ka-selfish pagdating sa relationship. At natatakot ako na katakutan niya ang ganoong ugali ko.
"Hindi ko matanggap na nawawalan siya ng oras sa 'kin dahil sa studies niya," patuloy ko. "He was reviewing for his bar exams, totally nawalan siya ng oras sa 'kin. Hindi kami nagkikita, hindi ko siya nakakausap, as in wala..."
Hindi ko alam kung matutuwa ba ako dahil hindi ko na maramdaman ngayon ang sakit na dinanas ko noon. Natatandaan kong minsan kong hiniling na makaramdam na lang ng iba maliban sa sakit na idinulot ng paghihiwalay namin ni Rembrandt.
"Sa kagustuhan kong makipagkita siya sa 'kin ay nag..." sunod-sunod na pumatak ang mga luha ko, may kung anong bumara sa lalamunan ko dulot ng takot. "Nagsinungaling akong buntis at...sinabing siya ang ama."
"Did he show up?"
Umiling ako. "No."
"Then?"
"I broke up with him."
Bumuntong-hininga siya at kinalas ang braso kong nakayakap sa kaniya. Kasabay ng gulat at pagluha ay pinanood ko siyang magdere-deretso papalabas.
Awtomatiko akong bumangon at sumunod sa kaniya. "Maxwell...where are you going?"
Hindi niya ako nilingon. Dere-deretso siyang nahiga sa mahabang couch na naroon sa sofa. "Go ahead and rest. I'm going to sleep here tonight." Iyon lang at pumikit na siya.
Naitikom ko ang bibig ko at doon lumuhang muli habang nakatanaw lang sa kaniya. Hindi ko alam kung paano ko natagalang tingnan siya habang nagpipigil ng iyak. Pero nang hindi na siya magmulat ay nagdesisyon akong bumalik sa kwarto at doon pinuyat ang sarili sa pagluha.
"Ate..."
Sa unang pagkakataon at sa marahang paraan ako ginising ni Zarnaih. Nasilaw ako sa sikat ng araw at doon ko lang napagtantong nakatulugan ko ang pag-iyak kagabi at umaga na.
Pupungay-pungay kong nilingon si Zarnaih. "What?" nahihilo ko pang sagot.
"Ate..." nag-aalala niyang sambit. "Umalis na sina Maxwell." Awtomatikong umayos ang pag-iisip at paningin ko. "Umalis na ang mga Moon."
"What...?" dali-dali akong bumangon.
Agad na hinanap ng paningin ko ang maleta ni Maxwell, wala na iyon sa kwarto ko. Dali-dali akong tumakbo pababa at tiningnan ang couch kung saan siya natulog kagabi ngunit wala na rin ito doon. Muli akong umakyat upang tingnan ang mga kwartong inokupa ng mga Moon ngunit wala na nga ang mga ito.
Nakita ko nang lumabas si Lee mula sa kwarto ni Zarnaih. Agad siyang napabuntong-hininga nang magtama ang paningin namin. "I took them to the airport. They don't want me to wake you up," aniya, iyon ang sumagot sa lahat ng tanong ko.
Nasapo ko ang noo ko at saka ako napasandal sa pasimano.
"Ate..." lumapit sa 'kin si Zarnaih.
Pero hindi ko nagawang sumagot. Tumulo nang tumulo ang luha ko at wala siyang nagawa kundi ang yakapin ako.
Mayamaya lang ay lumapit ang mga magulang ko upang aluin ako. Wala ni isa sa kanila ang gumising sa 'kin, kaya naisip kong desisyon ng mga Moon 'yon. Pulos magagandang salita ang narinig ko mula sa kapatid at mga magulang ko. Pero wala roon ang paliwanag kung bakit nagdesisyon sina Maxwell na bumalik nang hindi kami kasama. Wala ni isa sa mga sinasabi at ginagawa nila ang nag-aalis sa mga sakit o nakapagpagaan sa nararamdaman ko.
Kinabukasan ay nagdesisyon at nagpaalam nang babalik sa Laguna. Kailangan kong makausap si Maxwell. Pero nakiusap ang mommy't daddy na manatili ako at tapusin ang isang linggong bakasyon ko. Habang si Zarnaih naman ay nakiusap na bigyan ko ng oras si Maxwell na makapag-isip. Sandali pa naming pinagtalunan 'yon sapagkat hindi na naman ako makaintindi. Ipinipilit ko na naman ang kagustuhan kong makita at makausap na ito. Pero sa huli ay ipinaintindi niya sa 'kin na iyon ang makabubuti. Dahil maaaring iba ang naging epekto rito ng mga nalaman nito.
Pinagbigyan ko ang aking pamilya, tinapos ko ang isang linggo ng pananatili sa Cebu. Pero nang sandaling makalapag ang eroplano sa paliparan ng Palawan ay hindi na mahinto sa pagtulo ang mga luha ko. Maging ang kaba ay hindi ko napigilang mamuo sa dibdib ko.
Maging si Mang Pitong ay agad na nag-alala nang mapansin ang paglayo at pananahimik ko. Tanging sina Lee at Zarnaih ang kumausap sa kaniya para hayaan na lamang ako nitong mag-isa sa isang tabi.
Kung ano-anong tanong ang namuo sa isip ko. Kakausapin kaya ako ni Maxwell? Maiintindihan ko kung galit siya pero hinihiling kong sana ay makapag-usap pa rin kami. Kami pa kaya ni Maxwell? Hindi ko alam kung kakayanin kong intindihin kung sakaling makipaghiwalay siya. Pakiramdam ko ay hindi lang puso ko ang magagawa niyang durugin.
Hindi mawala ang pag-aalala ko. Umiyak pa ako nang umiyak nang makarating kami sa hotel na pag-aari ng mga Moon. Nagpumilit akong uuwi na sa unit na tinutuluyan ngunit kinausap ako nina Tita Maze at sinabing manatili roon. Paulit-ulit silang nagpaumanhin dahil nauna silang bumalik. Binanggit nilang desisyon ni Maxwell iyon pero hindi nila sinabi kung anong dahilan. At binabaliw ako niyon kaiisip ngayon.
Ano ang dahilan bakit nauna silang bumalik dito sa Palawan? Sabihin na nating nagkaroon ng tensyon sa pagitan namin nina Rembrandt pero...hindi ko maintindihan kung bakit hindi siya nagpaalam.
"Nasa'n po si Maxwell?" tanong ko nang magyayang maghapunan si Mokz. Hindi ko alam kung ilang beses ko nang naitanong iyon mula nang makabalik kami kanina pang umaga. Pero alam kong nakukulitan na siya sa akin.
Napabuntong-hininga siya. Maging sina tito at tita ay sinulyapan ako ng may awa. Si Maxpein ay saulo ko na ang pananahimik. Mukhang may hindi sila sinasabi sa 'kin.
"Papasok na po ako bukas," pahayag ko nang hindi sumagot si Mokz.
"Handa ka na ba?" tugon niya.
Nagugulat, napapraning ko siyang nilingon. "Saan po?" wala pa man ay pinangingiliran na ako ng luha.
Bahagya siyang ngumiti. "Handa ka na bang bumalik sa trabaho? Iyon ang ibig kong sabihin. Huwag kang mag-isip ng kung ano-ano."
"Galit po ba sa 'kin si Maxwell?" pandederetso ko.
Sandaling nagkatinginan ang mga Moon at pabuntong-hiningang nag-iwas ng tingin sa 'kin. Bakit ba itinanong ko pa iyon? Sino ba ang matutuwa matapos malaman ang mga sinabi ko? Maging ako nga ay kinuwestyon sa mga nakaraang araw kung karapat-dapat ba akong maging girlfriend ni Maxwell.
"I'm sorry kung makulit ako," nagbaba ako ng tingin para maitago ang pagluha. "I'm really sorry..."nabasag ang boses ko at nagtuloy na sa pag-iyak.
"Yaz, tama na," nakikiusap, nang-aalong ani Tita Maze.
"Sorry, tita, I can't help it," paulit-ulit kong pinahiran ang mga luha ko sa hiya.
"Good evening," bigla ay nangibabaw naman ang pamilyar na tinig.
Awtomatiko akong napatayo. "Maxwell!" bulalas ko, magkakasunod na pinahiran ang mga luha ko.
Natigilan ang bagong dating nang nakatuon ang paningin sa 'kin. "It's Maxrill," aniya na tiningnan ang kabuuan ko bago nilingon ang pamilya. "Good evening."
Napapahiya akong nagbaba ng tingin at dahan-dahang napaupo. "I'm sorry," mahinang sabi ko, hindi sigurado kung narinig nito iyon. Ang sigurado ako ay ilang beses ko nang sinabi sa pamilyang Moon ang mga salitang iyon. Pakiramdam ko ay kasalanan ko lahat.
Nagulat ako nang tabihan ako ni Maxrill. Nilingon ko siya. Pero 'ayun siya at abala sa pagkuha ng pagkain na inilalagay sa plato ng alagang naroon sa tabi niya.
"Why?" tanong niya nang hindi itinutuon ang paningin sa 'kin, patuloy na hinihimay ang isdang inilalagay kay Hee Yong.
Nanghihina akong nag-iwas ng tingin. "Nothing,"tipid kong tugon.
Hindi na muli ako kinausap ni Maxrill, inasikaso na lamang niya si Hee Yong. At kung magsalita man siya ay iyong mga magulang ang kaniyang kausap. Habang kumakain ay paulit-ulit kong tinatawagan at tine-text si Maxwell, umaasang sasagot siya. Pero naubos ko na't lahat ang pagkain ko, wala siyang paramdam.
Ang hapunang iyon ay natapos nang hindi namin napag-uusapan si Maxwell. Nang hindi ko ito nakikita o nakakausap man lang.
Maaga akong nagpaalam, sinabing magpapahinga na sa kwartong inilaan nila para sa 'kin. Pero nagkulong lang ako doon para patuloy na tawagan at i-text si Maxwell. Gaya kanina, wala akong natanggap na sagot.
Papalalim na ang gabi pero hindi ako dalawin ng antok. Bumangon ako at basta na lang hinablot ang nag-iisang jacket na bitbit ko pabalik dito.
Kalalabas ko pa lang ng kwarto nang makasalubong ko si Zarnaih. Mukhang kapapanhik lang nila.
"Saan ka pupunta, ate?"
Bumuntong-hininga ako. "Magpapahangin lang."
"Gabi na."
"Maaga pa sa 'kin iyan," pilit ang ngiting iginawad ko saka siya tinalikuran.
"Ate..."
"I'm okay, Zarnaih," nilingon ko siya.
Bakit ba ganoon ang isinagot ko, e tinawag lang naman niya ako bilang kapatid? Mahirap din minsan magpanggap na ayos lang ang hindi magandang pakiramdam.
"Magpapahangin lang ako," dagdag ko. Wala na siyang nagawa kundi ang hayaan ako nang talikuran ko siya at magmadali akong umalis.
Naglakad-lakad ako hanggang sa marating ko ang pampang ng dagat. Naupo ako doon at tumingin lang sa repleksyon ng buwan sa tubig. Matagal akong tumitig doon saka inilabas muli ang cellphone ko.
Nanlulumo kong idinial ang numero ni Maxwell. Pero sa pagkakataong iyon ay hindi ko na iyon inilagay sa tainga ko. Ano pang saysay ng pakikinig sa pagri-ring niyon gayong alam kong hindi niya rin naman sasagutin ang tawag ko?
Hindi ko na mapangalanan ang lungkot ko. Alam na kaya ni Maxwell na nakabalik na ako? Panibagong lungkot ang dumagdag sa nararamdaman ko nang sagutin ko sa isip ang sarili kong tanong. Maaaring alam niya na, hindi 'yon imposible. Pero bakit hindi niya ako pinupuntahan? Nangilid na naman ang mga luha ko. Dahil kaya...wala na siyang pakialam sa 'kin? Ayaw na ba niya sa 'kin? Magkakasunod na patak ang idinulot ng huling tanong na nangibabaw sa isip ko.
"Drink," hindi ko inaasahang mangingibabaw ang tinig ni Maxrill sa gilid ko.
Mabilis kong pinahiran ang mga luha sa mata ko at nag-angat ng tingin sa kaniya. 'Ayun siya at deretsong nakatingin sa 'kin, walang mababasang reaksyon sa mukha, at may lahad na can ng beer.
Natagalan man ay tinanggap ko 'yon. Sandali kong tiningnan ang can saka ko iyon akmang bubuksan. Natigilan ako nang makitang nakabukas na iyon. Napatingala muli ako kay Maxrill, nasa dagat na ang kaniyang paningin. Nang mapansin ng malamig na reaksyon sa kaniyang mukha ay ibinaling ko na lang din sa dagat ang tingin ko saka tinungga ang beer.
Naupo siya sa tabi ko, may ilang pulgada lang ang layo. Magkatabi ang mga tuhod ko habang siya ay nakababa ang parehong mga binti sa buhangin. Nakita ko sa gilid ng aking mga mata ang magkakasunod niyang pagtungga sa sariling inumin.
"Wala yata si Hee Yong?" may kung anong bumara sa lalamunan ko nang itanong 'yon, tumikhim ako para maklaro ang pananalita. "Where is he?"
"Tulog na."
"I see." Bumuntong-hininga ako at muling tumungga ng beer.
"What happened?" naramdaman ko nang lingunin niya ako.
Natigilan ako at humigpit ang pagkakahawak sa canned beer. Sandali akong napatitig sa kawalan bago ko siya nasulyapan.
"Saan?" tanong ko.
"I know something's not right, what happened?" seryoso siya.
Bumuntong-hininga ako at pinilit na ngumiti. "Nothing."
"Wala na kayo?"
"Of course not, haha!" defensive na sagot ko, pekeng-peke ang tawa. Nang makita ang gulat niya ay nagbaba ako ng tingin. "I'm sorry."
"I'm just asking," sa tinig niya ay batid kong nakangisi siya. "What's with the sad face, then?"
"Sad face ka diyan," halos magkandautal-utal ako sa kafo-focus sa pekeng ngiti at tawa.
"It's up to you if you don't want to tell me," kibit-balikat niya.
Sandali akong napatitig kay Maxrill saka ako nag-iwas. Gusto kong magpasalamat kasi walang awkwardness sa pagitan namin. Ramdam ko ang concern niya pero hindi ko kayang magsabi. Hindi ko kayang ikwento ang tungkol kay Rembrandt at mga sinabi nito sa harap ni Maxwell at kanilang mga magulang.
"They went back as early as expected,"mayamaya ay aniya. "You came back with this..."nilingon niya ako at nasusuyang pinagkunutan ng noo. "I cannot describe your face. But I'm sure you're not okay."
Napabuntong-hininga ako. Isa siyang Moon, ano ang saysay ng pagsisinungaling sa kaniya? Ganoon ang ugali nila. Tinatanong ka na lang para sa pormalidad. Pero sa isang tingin, nahuhulaan nila ang maraming bagay.
"Bumalik siya rito nang hindi nagpapaalam sa 'kin," malungkot kong sinabi. "Nagulat ako." Umiling ako nang umiling. "Hindi ko inaasahang aalis siya nang hindi nagsasabi sa 'kin." Tinungga ko nang tinungga ang laman ng can matapos sabihin 'yon.
Nagulat ako nang abutan niya ako ng panibagong can, bukas na rin 'yon. Ngunit hindi niya pansin ang gulat ko kaya tinanggap ko na lang iyon.
"Busy siya sa OR. I invited him to eat outside but he rejected me," ngiwi niya saka bumuntong-hininga. "Maxwell is just like that."
"He's your kuya."
"Yeah, and I don't want to call him kuya,"masungit niyang tugon. "He avoids drama then distance himself to think because he wants to understand everything."
Sandali kong in-absorb ang sinabi niya. May kung ano sa akin na hindi sang-ayon doon. Pakiramdam ko, kahit na galit siya sa akin, karapatan kong malaman na aalis na siya.
Pero sa kabilang banda ay naisip ko kung gaano na talaga ka-matured ang isip ni Maxrill. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala.
"Biruin mo...noon pinapatahan lang kita sa t'wing iiyak ka dahil pinagalitan o inaway ka nila,"nakangiti ko siyang nilingon. "Ngayon, ikaw na ang nag-a-advice sa 'kin."
"Tsh. You like me the way I am before,"bumuntong-hininga siya. "I like the way you are right now."
"Maxrill..."
"I'm serious, Yaz."
"Look," hinarap ko siya nang bahagya. "You're only infatuted." Sinabi ko 'yon na para bang sigurado akong iyon nga ang nararamdaman niya. Pero hindi ako nag-aalinlangan. "The way I understand it, you only see me as an older sister. Nasanay ka lang na ako 'yong nandiyan para sa 'yo dahil parehong busy ang mga kapatid mo. At lahat 'yon ay napagkakamalan mo lang na..." hindi ko madugsungan ang sinasabi ko.
Nilingon niya ako at tinitigan. "Na?"
"Na..." hindi ko pa rin iyon masundan. Bumuntong-hininga siya at tinitigan ako habang hinihintay ang sagot ko. Pero hindi ko na 'yon nasundan.
Nameke siya ng tawa. "You don't even know what to call it."
"Infatuation nga."
"Maybe it's you who doesn't know what that means," masungit niyang sinabi. "I know how and what I feel, only I can explain it. Only I know what to call it," malaming niyang sinabi.
"Maxrill..." bumuntong-hininga rin ako. Matagal bago ako nakapagsalita pero dineretsa ko siya. "I am in love with your brother. I have no feelings for you and I'm really sorry for that." Diniinan ko ang mga huling salita na para bang iyon ang magpapatunay na sinsero ako.
Nakita ko nang muling manlamig ang reaksyon sa mukha niya. "Why did you kiss me back, then?"hindi ko inaasahang itatanong niya iyon.
Bigla ay nanlamig ang mga kamay ko at hindi magawang salubungin ang mga tingin niya. Iyon na ang kinatatakutan ko. Paano kong ipaliliwanag sa mura niyang isip na wala lang sa 'kin iyon? Paano niya matatanggap na hindi iyon 'yong halik na kagaya ng sa kaniya? Paano kong dedepensahan ang sarili ko.
"That meant nothing to me..." bago pa ako pumiyok ay sinabi ko na 'yon. "And I'm really sorry, Maxrill," nakababa ang tinging sabi ko.
"Really?" malamig niyang tugon. Doon na ako nag-angat ng tingin. "That's not what it felt."
"Maxrill..."
"I know you know what I mean, Yaz."
Tumitig siya sa 'kin, sa sandaling iyon ko lang nalabanan ang tingin niya. At kahit na malamig ang ekspresyon ng kaniyang mukha, ang emosyon ay naroons a kaniyang mga mata.
"There's something with the way you kiss me back."
"No," umiling ako nang umiling. "That was a mistake."
"Was it, Yaz?" Hindi ko inaasahang mangingibabaw ang tinig ni Maxwell mula sa aking likuran.
Nagugulat akong napalingon at awtomatikong napatayo matapos no'n. Nanlamig ang kabuuan ko at wala pa man ay nangingilid na ang mga luha ko.
"What more do I need to know about you?"nabasag ang tinig ni Maxwell at dinurog no'n lalo ang puso ko. "I asked you not to hurt me..." Lalo pang nadurog ang puso ko nang magsimulang tumulo ang kaniyang luha. "And you promised."
Walang salitang lumabas mula sa bibig ko. Ang mga mata ko ay punong-puno ng mga luha. Bago pa ako nakapagsalita ay tinalikuran na ako ni Maxwell at sa sobrang panlalabo ng aking mga mata ay hindi ko na siya nakita.
To be continued. . .
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top