CHAPTER TWO

CHAPTER TWO

"SIGURADO KA bang ayos ka lang, Dainty?" tanong ni nanay nang nasa daan na kami pauwi. "Wala bang masakit sa 'yo?"

Umiling ako at napalunok. "Wala po, 'nay. Ayos lang po ako. 'Wag na po kayong mag-alala." Nagbaba ako ng tingin sa mga kamay ko at pinagkutkot ang mga 'yon. "'Nay?"

"Oh? Ano 'yon? May masakit sa 'yo?" nag-aalala talaga siya.

"Wala po." Umiling ako. "Pasensya na po pala kung...naabala ko ang ginagawa ninyo kanina dahil sa kalikutan ko."

Hinaplos niya ang buhok ko. "Aksidente iyon at alam kong hindi mo sinasadya."

Napayuko ako at palihim na naipit ang aking mga mata. Ayaw kong magsinungaling pero hindi ko masabing hindi 'yon aksidente. Na nangyari iyon dahil sa kagustuhan kong makita si Maxrill. Napabuntong-hininga ako at tumingin na lang sa labas ng tricycle.

"Gusto kong tanggapin 'yong sasakyan na inaalok ni Maxpein, Kaday," ngiti ni nanay nang naghahapunan kami.

"Sige po, 'nay!" agad na sang-ayon ni Bree. "Sasama po ako sa pagkuha para makita ko si Maxrill."

Napalingon ako sa kapatid kong bunso. Hindi ko naiwasang isipin kung posibleng makita si Maxrill kung sakali. Napabuntong-hininga ako nang maramdaman ang kaunting inggit. Agad ko 'yong pinalis dahil alam kong hindi 'yon tama.

Awtomatikong nangunot ang noo ng aming ama. "Hindi ba't sinabi ko nang tigilan mo na ang kabaliwan mo sa batang iyon, Bree? Bukambibig mo na ang bunsong Moon, ako'y naiirita na sa 'yo."

Nalungkot agad si Bree. "Hinahangaan ko lang naman siya, 'tay."

"Habang paghanga pa lang ang nararamdaman mo ay itigil mo na. Hindi magpapantay ang mga paa ninyo, Bree. Moon siya at isa ka lamang Gonza." Naroon ang galit sa mga mata ni tatay.

Pakiramdam ko ay hindi lamang si Bree ang nanliit sa sinabi ni tatay. Lahat kami.

"May mga lupang tinatapakan ang mga Moon na hindi malalakaran ng mga paa mo bilang Gonza. May mga lupang para sa atin lamang at hindi magagawang lakaran ng mga Moon. Ang kaibahan? Semento ang sa kanila, putik ang sa atin." Tinapos ni tatay ang usaping iyon.

Nagbaba ako ng tingin, marahan kong inilapag ang hawak na kutsara at nagkutkot ng mga kamay sa ilalim ng mesa.

Hindi naman ako ang sinabihan ni tatay pero bakit pakiramdam ko ay ako ang tinamaan?

Muli kong inalala sa isip kung gaano kaganda ang mansyon ng mga Moon. Maging kung gaano ka-en grande ang handaan ni Maxrill. Iisa lamang ang may kaarawan pero parang buong angkan ang hinandaan.

Maging ang mga regalong natanggap niya ay naalala ko.

Ang sabi ni tatay ay maaari na kaming makabili nang bagong-bago at mamahaling sasakyan sa motor na iniregalo sa kaniya ni Lolo Mokz. O kung hindi naman ay maaari na kaming makapagtapos sa mamahaling unibersidad. Napabuntong-hininga ulit ako. Tama nga siguro si tatay...hindi magpapantay ang aming mga paa dahil Gonza lamang ako at Moon siya.

Nagbaba ako ng tingin sa artipisyal kong paa at minsan pang bumuntong-hininga.

"Sa kaniya na nga nanggaling itong bahay natin," muling baling ni tatay kay nanay. "Ang pag-aaral ng mga bata ay sagot na rin nilang magkapatid. Ano pang pakinabang natin? Baka mamaya ay isipin niyan na ginagamit na lang natin sila."

"Hindi naman ganoon si Maxpein, Kaday. Mabuti siyang bata, napalaki nang tama."

"Naiintindihan ko ang mga sinasabi mo, Heurt. Pero kaya pa naman natin, hindi ba? Wala namang problema sa pagko-commute ang mga bata, walang nagrereklamo. Ano't naghahangad ka ng sasakyan?"

"Inaalala ko lang kayo ni Dainty. Ang pagpapaospital mo at lalo na ang araw-araw na pagpasok ni Dainty. Nangangapa pa rin siya, Kaday."

"Ang check-up nga ba? O ang lintik na pagpasok ng mga anak natin sa eksklusibong paaralan na para sa mga mayayaman?" ani tatay na ang tinutukoy ay ang BIS.

Hindi naman kami pinilit na mag-aral sa BIS. Ang totoo ay handa na kaming pumasok noon sa Luna University. Nakapag-enroll na kaming magkakapatid para sa susunod na pasukan. Pero nagpunta sina Tiya Maze at Tiyo More sa bahay, kasama sina Ate Maxpein. Pinapili nila kami kung saan namin gustong mag-aral, sa BIS o SIS; sa kolehiyo si Kuya Kev, sa high school naman kami ni Bree. Sa huli ay BIS ang pinili naming pare-pareho. Masyadong mahirap ang entrance exam sa SIS.

Sumali sa tertiary basketball varsity si Kuya Kev habang si Bree naman ay myembro ng BIS Band sa secondary. Excused ako sa kahit anong club dahil sa kondisyon ko pero maaari akong sumali anomang oras ko gustuhin.

"Una pa lang ay alam na nating hindi nababagay roon ang mga anak ko, Heurt,"dagdag ni tatay. "Kung naroon sila sa pampublikong paaralan, di sana ay hindi ko inaalala araw-araw kung may umaalipusta sa kanila."

Nagbaba ako ng tingin. Ngayon ko lang nalaman na araw-araw pa lang iniisip ni tatay 'yon. Sa totoo lang, meron, hindi naman yata mawawala 'yon. Naroon lang naman ako para mag-aral pero may mga estudyante talagang pupunahin ang kapintasan mo. Kung papansinin ko naman ay lalo lang akong pag-iinitan. Kaya binabalewala ko na lang.

"Magandang paaralan ang BIS, Kaday," ani nanay, humihingi ng pang-unawa. "Pagka-graduate nila ay siguradong meron na silang mapapasukang trabaho. H'wag naman nating ipagkait sa mga bata ang ganoong oportunidad dahil sa pride."

"E, hindi naman nagrereklamo ang anak ko kung doon sila sa publiko mag-aral, ah? May narinig ka bang nahihirapan silang bumiyahe?" sinulyapan pa ako ni tatay. "Wala naman akong reklamo sa t'wing bumibyahe tayo at hindi rin naman araw-araw ang check-up ko, Heurt." Naroon ang pakikiusap at pang-intindi sa tinig ni tatay.

Bumuntong-hininga si nanay. "Sige, hindi ko na lamang tatanggapin ang sasakyan."

"O baka naman ikaw ang gusto ng sasakyan?" sarkastikong ngumisi si tatay. "Nasanay ka kasi sa ganoong buhay. Iminamaneho pa ang kaya namang lakarin na lang."

"Kaday," nagbabanta na ang tinig ni nanay. "Parati mo na lang minamasama ang mga suhestiyon ko."

"Mamili ka kasi ng suhestyon na babagay sa antas ng buhay na kaya kong ibigay sa 'yo, Heurt."

Humugot ng hininga si nanay. "Tama na. Huwag na tayong magtalo, nasa harap tayo ng pagkain at narito ang mga bata."

Nangilid ang mga luha ko ngunit sa isang iglap ay naramdaman ko nang hawakan ni Bree ang kamay ko. Naudlot ang pangingilid ng mga luha ko nang palihim naming ngitian ang isa't isa.

'Ayun na naman 'yong takot ko na baka magsawa si nanay sa ugali ni tatay. May parte sa akin na nauunawaan si tatay, mataas ang kaniyang pride. Pero sa natatakpan iyon sa t'wing nagtataas na siya ng boses kay nanay. Madalas ay natatakot ako dahil pakiramdam ko, sasaktan niya si nanay. Ganoon na lang kasi ang galit niya, minsan nga ay nanginginig pa, hindi ko maiwasang mag-isip nang masama.

Pero sa t'wing papagitna na si Kuya Kev sa kanila ay tumatahimik si tatay. Siguro dahil lalaki rin ito. Iyon nga lang, hindi ko alam kung bakit hindi siya nagsalita ngayon. Panay lang ang buntong-hininga niya at pinipilit ipagpatuloy ang pagkain.

"Oh, bakit nakaupo ka lang diyan?"tumatawa, halatang nang-aasar na sabi ng classmate kong si Danice.

Nasa gymnasium kami para sa P.E. subject namin. Naroon lang ako sa bleachers at nanonood. Hindi ako inoobligang mag-participate sa ganitong klase ng sports at activities.

Pinilit kong ngumiti. "Hindi naman ako pwedeng sumali sa mga ganitong sports, Danice."

Naupo siya bagaman may dalawang silyang distansya sa akin. "Bakit? Wala namang problema ang mga kamay mo, Dainty."

"Oo pero...kailangan ko pang maging maingat sa pagkilos, Danice." Ngumiti pa rin ako.

Ngumiwi siya saka pinigilang matawa nang sulyapan ang paa kong artificial. "Bakit naka-pants ka? Lahat ay naka-shorts."

Bumuntong-hininga ako. "Hindi naman ako kasali sa volleyball kasi sa chess lang ako pinasali ni miss. Hindi rin ako inoobliga na mag-shorts, Danice."

"Ayaw mo lang makita namin ang paa mo, eh," ngiwi niya, pilit ipinakikitang hindi siya natatawa. "Patingin naman ng paa mo, Dainty."

"Cut it out, Danice," nangibabaw ang pamilyar na tinig ni Rhumzell.

Kadarating niya lang at inilalapag ang varsity bag sa pinakababang bleacher. Naroon kami ni Danice sa ikatlong palapag ng bleachers.

"Good afternoon, Rhum!" ngiting bati ni Danice.

"Why don't you just go and play with your friends?" masungit na ani Rhum saka sumulyap sa 'kin.

"I'm talking to Dainty," ngumuso si Danice.

"You call that talking, huh?" ngisi ni Rhumzell.

Bumuntong-hininga si Rhumzell saka muling sumulyap sa 'kin. Akala ko ay may sasabihin siya ngunit tumalikod siya sa 'min at naupo. Sa likod ng kaniyang varsity jacket ay nakasulat ang apelyido niyang Echavez. Naglabas siya ng NOOMA sports drink niya at saka tumungga doon.

Kolehiyo na si Rhumzell. Nagpupunta lang siya dito para magturo ng basketball sa BIS primary students.

Kilala siya sa buong BIS. Ang totoo ay marami ang may gusto sa kaniya kaya siya lalong nakilala. Ang bali-balita ay nobyo siya ni Danice ngunit parang ayaw kong maniwala sa nakita kong pag-uusap nila ngayon.

Bukod sa kapatid siya ni Kuya Randall, wala na ako masyadong nalalaman tungkol sa kaniya. Hindi rin naman ako madalas maglagi sa school kung saan mas marami silang oras tumambay sa gym at mag-practice. Pagkatapos ng klase ay umuuwi agad ako.

Nakita ko nang ngumuso si Danice. Dali-dali siyang bumaba at tinabihan si Rhumzell. "Ang sungit mo na naman, Rhum."

Bahagyang umilag si Rhum saka pabuntong-hiningang sinulyapan si Danice. Napabuntong-hininga rin ako nang maalala si Maxrill.

Pero mas masungit yata ang isang 'yon kaysa rito kay Rhum. Tumingin ako sa mga kaklase kong libang na libang sa paglalaro ng sports. Sana dito na lang din siya nag-aaral.

Natigilan ako sa sariling naisip saka umiling nang umiling. Naalala ko ang kapatid ko at ang mga sinabi nito sa 'kin. Kinain tuloy ako ng aking konsensya.

Hindi ka dapat magkagusto sa kaniya dahil gusto siya ni Bree.

Nakapikit akong umiling para mawala sa isip ang anumang may kinalaman kay Maxrill.

"Are you okay?"

Umangat ang mga balikat ko sa gulat nang maulinagan si Rhumzell. Pag-angat ko ng tingin ay naroon na siya sa harapan ko.

"Oo," napapahiyang sagot ko.

"Are you sure?" naroon ang pag-aalala sa kaniya.

Ngumiti ako. "May naisip lang kasi ako,"nakamot ko ang ulo. "Mauuna na ako. Tapos na ang klase namin."

"Pauwi na rin ako," inilagay niya ang vasity bag sa balikat. "I can drive you home."

Umawang ang labi ko sa gulat. Ihahatid niya ako? Magkakasunod na tanong ang namuo sa isip ko. Hindi kami close nito para yayain niya ako nang ganoon kakaswal. Hindi kami lubos na magkakilala para ihatid niya ako sa bahay. Ni hindi ko matandaan kung may pagkakataon na bang nakausap ko ito, sa pagkakaalam ko ay ngayon lang ang una. Ni hindi ako sigurado kung alam nito ang pangalan ko.

"Let's go, Dainty," muling aniya.

Umawang muli ang labi ko. Kilala niya nga ako. Paano?

Awtomatiko kong naitanggi ang parehong kamay. "Nako, okay lang, Rhumzell. Kasabay ko naman ang kapatid ko. Mapapalayo ka lang. Salamat."

Ngumiwi siya. "It's okay," ngiti niya. "Let's go? Where are your things?"

Umawang ang labi ko. "Ano...Rhumzell, nakakahiya," nagbaba ako ng tingin. "Saka baka magalit si Danice..."

Bahagya siyang natawa. "Not as if she's gonna drive you? No one drives my car except me."

Napaangat ang tingin ko sa kaniya. Hindi ko malaman ang mararamdaman. Nahihiya ako sa alok niya dahil hindi naman nga kami close. Ngunit maging ang paulit-ulit na pagtanggi ay gusto kong ikahiya.

"Let's go?" muling anyaya niya.

Napalunok ako. "Sige, thank you," garalgal na agad ang tinig ko.

Sinabayan ako ni Rhumzell papunta sa locker room kung saan naroon ang mga gamit ko.

Gusto kong lumubog sa nilalakaran nang maagaw namin ang atensyon ng lahat. Malayo man ay dinig na dinig ko ang bulung-bulungan. Halos lahat ay kinukwestyon kung bakit kami magkasama ni Rhumzell.

"You know my name, right?" mayamaya ay aniya, sumabay sa akin dahil nauuna ako.

Klinaro ko ang lalamunan upang hindi pumiyok. "Wala yatang hindi nakakakilala sa isang Rhumzell Echavez," hindi ko malaman kung bakit kinakabahan talaga ako.

Nakita ko nang ngumiti siya. "Nag-iisa ka kung nagkataon."

Umawang ang labi ko. "Alam ko namang kapatid ka ni Kuya Randall."

"And?"

Napalingon uli ako sa kaniya. "Ano..."

"Hmm?"

Napalunok ako. Bakit niya ako tinanong bigla?

"It's my birthday next week, Dainty," aniya nang hindi ako makasagot. Pero hindi ko rin alam kung paanong sasagutin iyon.

Sa halip na pagtuunan siya ay binuksan ko ang locker at kinuha doon ang gamit ko. Ngunit patagilid siyang sumandal sa lockers at deretsong tumingin sa 'kin.

"Be my date," mahinang aniya.

Napalingon ako sa kaniya nang nakaawang ang labi, habang ang mga kamay ay parehong nasa loob ng locker ko.

Be my date... Umulit ang sinabi niya sa pandinig ko. Hindi ako makapaniwala.

"Ate Dainty!" naputol ang pagiging tulala ko nang umalingawngaw ang pagtawag ni Bree.

Napalingon ako sa kapatid ko at gano'n na lang din ang gulat niya nang makitang kasama ko si Rhumzell.

"Hi, Bree," ngiti ni Rhumzell.

"Kuya Rhumzell, hello," naroon ang alinlangan ni Bree nang tumugon.

Nagpalitan siya ng tingin sa 'min ni Rhumzell, nagtataka, nagtatanong, nanghuhula. Halatang gusto niyang magtanong nang tumabi sa 'kin.

"So?" muling ani Rhumzell.

Napalingon ako sa kaniya. "Ha?"

Ngumiti si Rhumzell ngunit hindi na inulit ang sinabi matapos masulyapan ang kapatid kong nakatingin na rin sa kaniya. Bahagya siyang natawa saka sinulyapan ang mga gamit ko. Agad kong kinuha ang mga 'yon para hindi na mapatagal ang paghihintay niya.

Hindi ako mapirmi sa upuan sa unahan. Panay ang lingon ko at pakiramdam ko ay hindi ko mailapat nang ayos ang puwit ko sa silya ng sasakyan ni Rhumzell. Kung bakit naman kasi sa unahan pa ako pinaupo nito.

"Here, right?" tanong niya na nakaturo sa kakaliwaan papunta sa mismong kanto namin.

"Oo, salamat."

Nadinig ko siyang tumawa nang bahagya. Hindi ko siya magawang lingunin. Hanggang ngayon ay nangangatal ako sa kaba.

"Thank you, Kuya Rhumzell," ani Bree nang makababa. "Ingat ka pauwi."

"Thanks," nginitian siya ni Rhumzell saka sinundan ng tingin papasok sa aming bahay. Saka ako muling pinukol ng tingin. "Think about it, Dainty."

"Ano..." abot-abot ang kaba ko. "Hindi ko kasi maintindihan, bakit ako ang niyaya mo?"

Natawa siya. "Why not?"

Napatitig ako sa kaniya ngunit nang gantihan niya 'yon ay nagbaba ako ng tingin. "Akala ko kasi ay...hindi mo 'ko kilala. Ngayon mo lang ako kinausap."

"Matagal na kitang kilala, Dainty Arabelle Gonza," ngiti niya.

Umawang na naman ang labi ko. Nabibigla ako sa kaniya, sa lahat ng ginawa niya, sa lahat ng nangyayari hanggang sa oras na 'to.

"Salamat sa paghatid, Rhumzell," iyon lang ang nasabi ko. "Ingat ka pauwi."

Hindi man sumagot ay gano'n na lang katamis ang ngiti niya. Na halos mapatitig pa ako bago siya tuluyang tinalikuran.

Panay ang iling ko nang tuluyang makapasok.

"Nililigawan ka ba ni Kuya Rhumzell, ate?"hindi makapaniwalang bulong ni Bree nang makapasok ako sa aming kwarto.

"Ano? Hindi, 'no," lalo lang akong kinabahan sa tanong niya.

"Bakit niya tayo inihatid?"

"Hindi ko nga rin maintindihan. Nagulat na lang din ako nang alukin niya akong ihatid tayo."

"Baka may gusto sa 'yo?"

"Imposible, ngayon ko nga lang siya nakausap."

"Nakita ko, panay ang tingin niya sa 'yo habang nagmamaneho, ate."

Nag-init ang mukha ko sa sinabi niya. "Ano ba'ng sinasabi mo, Bree?" umiwas ako at inilapag ang mga gamit ko. Upang hindi masalubong ang tingin niya ay nagpanggap akong abala sa pagpapalit ng damit.

"Anong sinabi niya sa 'yo, ate? Bakit ang tagal mong pumasok dito?"

"Ang totoo..." 'ayun na naman 'yong kaba ko. "Niyayaya niya akong maging kapareha sa kaarawan niya."

Impit na tili ang ginawa ni Bree sa unan, may kasabay pang pagpapadyak. "May gusto siya sa 'yo, ate! Napakaswerte mo!"

"Manahimik ka nga? Mabait lang si Rhumzell."

"Ate, ang niyayaya lang ng lalaking maging kapareha sa kaarawan niya ay 'yong babaeng gusto niya."

"Paano mo naman nalaman ang tungkol diyan?" napuno ako ng kuryosidad.

Napalunok ako nang maalala si Maxrill. Sino ang kapareha niya noong kaarawan niya? Hindi ko maipaliwanag ang bahagyang kirot sa dibdib ko dahil sa naisip.

"Sigurado akong may gusto sa 'yo si Rhumzell, ate," si Bree ang mas masaya para sa 'kin.

Magdamag kong inisip ang sinabi ni Bree. Posible nga kayang may gusto si Rhumzell sa akin? Ano naman kaya ang nagustuhan niya sa 'kin?

Sa halip ay mas nadagdagan pa 'yon nang muli kaming magkita ni Rhumzell.

Gano'n na lang ang gulat ko nang maglapag siya ng bottled juice sa bleacher na katabi ko. Naroon uli kami sa gym para P.E. subject. Habang siya ay mukhang katatapos lang magturo sa primary students.

Hindi ko malaman kung tatanggapin ang juice o ano. Wala pa man ay nahihiya na ako at ramdam ko ang pamumula ng pisngi ko.

"Here," aniya matapos buksan ang juice para sa akin.

Kumuyom ang mga palad ko, nag-aalangang tanggapin 'yon. "Thank you." Naitikom ko ang bibig bago nag-iwas ng tingin.

Kinailangan ko pang tumagilid palayo sa kaniya para makainom doon. Narinig ko naman siyang natawa kaya nakagat ko ang pang-ibabang labi ko kasabay ng pagnguso.

"Then here's my invitation," mahinang aniya dahilan para muli akong mapalingon.

Umawang ang labi ko nang makita kung gaano kaganda ang invitation card niya. Kulay puti at may kahalihang envelope iyon na may nakaukit na disenyo at may ribbon na itim. Iyon pa lamang 'yon, mukhang en grande na.

Tinanggap ko iyon at tinanggal ang ribbon. Sa likod ng envelope ay naka-lettering ang buong pangalan ni Rhumzell. Sa loob ay naroon ang itim na card. Sa labas ay nakasulat ulit ang kaniyang pangalan bukod sa edad at salitang birthday celebration.

"Be my date, hm?" halos kilabutan ako sa lambing ng kaniyang tinig.

Sa gulat ay nalingon ko pa siya at sandaling natitigan. Kung hindi pa ako nailang ay baka nagtagal iyon.

"Please say yes, Dainty, hm?" nakikiusap na aniya. Isang silya ang upuan namin ngunit ganoon kaklaro ang boses niya.

"Rhumzell!"

Gano'n na lang ang panlalaki ng mga mata ko nang umalingawngaw ang pamilyar na tinig mula sa aking likuran.

Unti-unting nawala ang pandinig ko sa paligid at sa halip ay napalitan 'yon nang magkakasunod na yabag papunta sa gawi namin.

"Excuse me," ani Rhumzell sa 'kin saka tumayo. "Maxrill," pagtawag niya sa tinig na napamilyaran ko.

Hindi ko na nagawang lumingon sa gawi nila. Pero nang bahagya akong tumingin sa kung saan ay nakita ko sa gilid ng aking mata nang sulyapan ako ni Maxrill.

"What are you doing here?" nanunukso ang tinig ni Maxrill.

Narinig ko nang tumawa si Rhumzell. "What are you doing here?"

"My mom asked me to drop some papers in the dean's office. I was about to leave when I saw you and your...girlfriend?"

Umangat ang mga balikat ko nang marinig ang pabulong na huling salita ni Maxrill.

Hindi...nagkakamali ka. Gusto kong batukan ang sarili ko nang sumagot 'yon sa paraan na para bang ako ang napagbintangan. May kung ano sa 'kin na ayaw isipin ni Maxrill na may nobyo na ako. Kahit na hindi naman ako kilala nito.

"No," batid kong nakangiti si Rhumzell nang isagot 'yon.

"Still trying to get her yes, huh?"

"It's my birthday next week, don't forget."

"Oh," mukhang nagulat si Maxrill. "We're leaving next week, Thursday."

"My birthday's on Wednesday. You need be there."

"Cool! See you, then." Narinig ko silang nagtapikan ng balikat. "I'll go ahead."

"Take care." Matapos sabihin 'yon ay naupo na uli si Rhumzell sa silya niya.

Aalis na si Maxrill...Hindi ko maintindihan kung bakit gano'n na lang katindi ang lungkot ko. Halos umabot sa punto na parang maiiyak ako.

Nagbaba ako ng tingin sa invitation ni Rhumzell upang hindi niya 'yon makita.

"I'm sorry," nakangiti pa rin siya nang sabihin 'yon. "So..."

"Oo," wala sa sariling nasabi ko. "Pupunta ako," marahan ko siyang nilingon. Dahilan upang makita ko kung paanong ang kaba niya ay mapalitan nang matamis na ngiti.

"Thank you, Dainty," sinsero niyang sinabi.

"Kaso..." 'ayun na agad ang problema ko.

"Hmm?"

"Ano..." nakamot ko ang ulo. "Ano ba'ng dapat na isuot? Wala kasi akong mga pormal na damit para sa ganitong...klase ng kaarawan."

Inaasahan ko nang gaya kay Maxrill ay en grande iyon. Hindi naman lingid sa kaalaman ko kung gaano kayaman ang pamilyang kinabibilangan ni Rhumzell.

Natigilan siya saka bahagyang natawa. "We can go to the mall after class. Maghanap ka ng gusto mong isuot, akong bahala."

Umawang ang labi ko saka magkakasunod na itinanggi ang mga kamay. "Hindi, ano..."naramdaman kong mamula ang mukha ko sa kahihiyan.

"It's okay, Dainty."

"Ayos lang talaga, Rhumzell." Gusto kong magsisi kung bakit ko pa ba iyon nasabi.

"Please?" pakiusap niya na bahagya pang inilapit ang mukha sa 'kin.

Napaatras ako saka magkakasunod na umiling. "Hindi na. Ako nang bahala," ngiti ko para matigil siya sa pamimilit.

"Just tell me if you need anything, okay?"

"Sige," nagbaba ako ng tingin.

"I'll drive you home, okay?"

Muli ko siyang nilingon at abot-abot na naman ang kaba ko nang titigan niya ako. Bakit niya ba ginagawa 'to? Hindi ko maintindihan kung bakit gano'n na lang ang hiya at kaba ko. Ngayon lang may kumausap sa 'king lalaki bukod kina tatay at kuya.

Hindi na ako nakipagpilitan kay Rhumzell. Hinayaan ko siyang ihatid uli kami ni Bree sa ikalawang pagkakataon.

"Pwede ko bang makausap ang parents mo, Dainty?" tanong niya.

Umawang ang labi ko sa gulat. "B-Bakit?"

Natawa siya. "Ipagpapaalam ko lang na invited ka sa birthday party ko."

Noon ko lang naisip 'yon, tama siya. Kailangang magpaalam ako. Hindi ko naisip 'yon bago pumayag sa kaniya kanina. Ang totoo ay may kinalaman si Maxrill sa biglaang desisyon ko.

Hindi ko malaman kung patutuluyin si Rhumzell o palalabasin na lang sina tatay at nanay para makausap niya. Hindi ko alam kung mas maiinitan siya sa labas o loob ng bahay. Pakiramdam ko ay mas maaliwalas sa labas dahil maraming puno.

"I can stay here and wait," aniya nang mapansin ang alinlangan ko.

"Sige..." napapahiyang tugon ko saka tumakbo papasok ng bahay.

Naroon si nanay sa kusina at nakasulyap na kay Rhumzell sa labas ng bintana.

"Inihatid kayo ni Rhumzell?" takang tanong ni nanay.

"Opo, 'nay," nakababa ang tingin na sagot ko.

Noon naman lumapit si tatay at nakisilip kay nanay sa bintana. Kumalabog ang kaba ko at halos marinig ko 'yon sa tabi ng aking tenga.

"G-Gusto po raw kayong makausap ni Rhumzell..." nakayuko, nakapikit kong sabi.

Tuloy ay hindi ko nakita nang magkatinginan at magpalitan ng naghihinalang tingin ang mga magulang ko.

Narinig kong tumikhim si nanay saka pinangunahan ang paglabas. Sumunod si tatay at saka pa lang ako tumalima sa kanila.

"Magandang hapon po, tito, tita," bati ni Rhumzell.

"Rhumzell, napadalaw ka?" ngiti ni nanay.

'Ayun na naman 'yong matamis na ngiti ni Rhumzell. "Tita, ipagpapaalam ko lang sana si Dainty na maging partner ko sa birthday party ko sa Wednesday po. I hope it's okay po. But you are all invited po."

Tumikhim ang aking ama. "Anong oras mo siya ihahatid pauwi?"

Nangiti si Rhumzell. "I'll pick her up at seven and drive her home before ten po, tito."

Muling tumikhim ang aking ama. "Sige." Hindi ako makapaniwalang bahagya siyang ngumiti at saka tumalikod sa amin.

Nagulat ako nang kindatan ni Rhumzell matapos ko siyang lingunin. Napalingon ako kay nanay ngunit nasa akin ang kaniyang paningin.

"Oh, sige, Rhumzell, walang problema,"ngiti ni nanay.

"Thanks po, tita," hindi mapangalanan ang saya ni Rhumzell. "I'll go ahead po."

"Ingat," ngiti ni nanay.

Ngiti na lang din ang naibigay ko kay Rhumzell nang hindi ko na kayaning magsalita. Masyadong mabilis ang mga pangyayari, hanggang ngayon ay nagugulat pa rin ako.

Mas excited pa si Bree sa pagpili ng maisusuot ko. Siya rin ang nag-ayos sa 'kin nang dumating ang araw ng kaarawan ni Rhumzell. Sina Bree at Nanay lang ang pumayag na sumama sa akin, kung hindi ko pa sila pinilit. Agad kasing tumanggi si tatay nang yayain ko, habang si kuya ay may pinaghahandaang exam.

"Sigurado ka bang ito ang ipasusuot mo sa 'kin, Bree?" hindi ko halos maisara ang bibig ko sa gulat.

Kulay silver na dress ang pinili niya. Hapit iyon mula sa dibdib hanggang sa tiyan at palobo naman ang palda. Hindi man lang umabot sa tuhod ang haba ng palda niyon at napakanipis ng tali sa magkabilang balikat.

"Bree, hindi yata dapat sinusuot ng babae 'yan," nag-aalangan kong sabi.

Gano'n na lang ang pagtawa nila ni nanay. "Ganyan ang kadalasang isinusuot ng sa en grande na handaan, Dainty," ani nanay. "Nasisiguro kong babagay sa iyo 'yan."

Labag sa loob kong suotin 'yon kahit anong magagandang salita pa ang ipanghikayat nila sa akin.

"Pero hindi ka pwedeng manamit kagaya ng fashion taste mo, ate. Mapapahiya si Rhumzell sa 'yo," paniniguro ni Bree.

Gano'n na lang ang kaba ko saka nilingon si nanay, humihingi ng tulong.

"Maniwala ka sa kapatid mo, Dainty, babagay sa iyo ang damit na ito. At ito ang akmang isuot mo sa kaarawan ng manliligaw mo," ani nanay.

Umawang ang labi ko. "Hindi ko po siya manliligaw, nanay. Ni hindi ko nga po siya kaibigan," nguso ko.

Natawang pareho sina nanay at Bree. Saka nila pinagtulungang maisuot sa 'kin ang damit na 'yon, kung damit man ngang matatawag 'yon.

"Napakaganda mo, ate," ani Bree habang hinihintay namin ang pagdating ni Rhumzell.

"Salamat sa pag-aayos sa 'kin, Bree," sabi ko na hindi lang ang damit ang tinutukoy kundi maging iyong koloreteng inilagay niya sa mukha ko.

"Nandyan na si Rhumzell, ate," ani Bree na tila kinikiliti sa likot.

Tama siya. Pumarada ang kotse ni Rhumzell sa harapan ng aming gate. Pare-pareho kaming natigilan nang makita kung gaano siya kagwapo sa asul na tux.

Gusto kong humanga ngunit ang paningin ko ay naagaw ng bumabang bintana sa passenger's seat.

"Wow!" gano'n na lang ang gulat ko nang sabihin ni Maxrill 'yon, ang paningin ay hindi malaman kung tutok ba sa akin.

"Si Maxrill..." hindi rin makapaniwalang bulalas ni Bree.

Hindi ko halos maikilos ang mga paa ko nang lapitan ako at imbitahan ni Rhumzell. Ang kaba ko ay dumoble dahil sa presensya ni Maxrill. Batid kong naramdaman ni Rhumzell 'yon nang maglapat ang mga kamay namin.

Inalalayan akong makasakay ni Rhumzell sa kotse. Pinaggitnaan ako nina nanay at Bree.

Gano'n na lang ang pag-angat ng mga balikat ko nang lingunin ako ni Maxrill. Sa paraan niya ng pagtingin at pagngisi ay nasisiguro kong lasing siya. Bukod sa naaamoy ko siya mula sa ilang pulgadang layo namin.

Ipinatong ni Maxrill ang siko sa lalagyan na naroon sa pagitan nila ni Rhumzell. Saka siya deretsong tumitig sa 'kin. Isa-isa yata niyang tiningnan ang bawat parte ng mukha ko.

"My kind of baby..." mahinang sambit niya.

Pakiramdam ko ay mas humigpit ang suot ko nang mahugot ko ang hininga. Batid kong lasing siya at walang ibig sabihin pero gano'n na lang katinding kaba ang idinulot sa 'kin ng mga salitang 'yon. Lalo na iyong huli.

To be continued. . .

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top

Tags: #maxinejiji