CHAPTER SIX
CHAPTER SIX
HINDI AKO nakatulog nang gabing iyon. Hindi mawala sa isip ko ang halik ni Rhumzell. Hanggang ngayon ay nabibigla ako. Pero bakit sa t'wing maiisip ko 'yon ay para bang maiiyak ako? Hindi ba ako masaya?
Muli kong inalala kung paano niyang sinimsim ang labi ko. Ganoon 'yon sa paraan ng pagsipsip ko sa buto ng hinog na mangga. Halos manuyo ang lalamunan ko sa tagal na nakamaang ang mga labi ko.
Hindi ko alam na ganoon pala ang pakiramdam ng halik. Maghahalo-halo ang nararamdaman mo. Magugulo ang isip mo. Naroon 'yong pakiramdam na para akong kakapusin ng hininga pero hindi umaatake ang aking hika. Napakahirap ipaliwanag.
Lalo kong itinalukbong ang kumot sa akin, habang yakap ang unan ay nakapikit kong kinagat ang aking daliri. Sa ganoong paraan ko lang mapipigilan ang maluha. Ayaw kong marinig ni Bree na umiiyak ako.
"Ano't namumugto iyang mga mata mo?"tanong ni nanay. Naroon kami sa kusina at naghahanda ng agahan kinaumagahan.
Para akong nakalutang sa kawalan ng tulog. Halos mahulog ko pa ang baso, mabuti na lang at plastik iyon.
"Ano..." nagbaba ako ng tingin. "Wala po, 'nay."
Kanina pa panay ang pag-iwas ko sa kaniya, nag-aalala akong baka ipagtaka niya ang sobrang aga kong paggising. Maaga naman akong nagigising talaga, alas siete, dahil alas otso ang klase. Pero alas sais pa lang.
"May hindi ka sinasabi sa 'kin, Dainty,"nangangaral na ang tinig niya, nahuli na naman ako.
Nangilid agad ang mga luha ko sa takot. Siguro ay ganoon nga ang mga nanay, nalalaman kapag may bumabagabag sa kanilang anak. Kaya kahit na hindi ko tunay na ina si Nanay Heurt, alam niya ang laman ng damdamin ko. Maaari ring ganoon na lang talaga siguro kahalata na may malalim akong iniisip.
"Alam mo naman na mapagkakatiwalaan mo ako, hindi ba?" ngumiti si nanay nang mahalata marahil ang takot at kaba ko. "Mahirap kimkimin iyan," malungkot niyang dagdag, kinukuha ang tiwala ko. "Kahit ano pa iyan, magtiwala ka sa 'kin, maiintindihan kita, Dainty," ngiti niya.
Napatitig ako sa kaniya at hindi ko namalayan ang magkakasunod na pagpatak ng aking mga luha. Nagmamadali ko iyong pinunasan dahil sa hiya.
"'Nay..." napayakap ako sa kaniya nang mahigpit. Tuloy ay nagsabay ang naghahabulang tibok ng mga puso namin. "Ano..."
"Ano iyon, anak? Sabihin mo sa 'kin."
"May..."
"May?"
"May...gusto po ako kay Maxrill Moon, 'nay..."doon lalong sumabog ang kaba ko kasabay ng mas magkakasunod pang luha.
Naramdaman ko nang mahinto siya sa paghinga at ilang saglit pa ay marahan akong iharap sa kaniya. Tumitig siya sa mga mata ko at nakahinga nang maluwang. Ilang saglit pa ay bahagya na siyang natawa.
"Pinakaba mo ako, Dainty, akala ko naman ay kung ano na ang nangyayari sa iyo."
Umawang ang labi ko, hindi makapaniwalang ganoon ang magiging reaksyon niya. Ang inaasahan ko ay pagsasabihan niya ako at saka pagbabawalan. Ang inaasahan ko ay sasabihin niyang may gusto rin si Bree kay Maxrill kaya hindi na ako maaaring magkagusto rito. Hindi ko malaman ang masarap na pakiramdam na idinulot nang ganoong reaksyon niya.
"'Nay..." Lalo ko pa siyang nayakap.
Ngumiti siya. "Hindi naman kita masisisi at magandang lalaki si Maxrill."
Nagbaba ako ng tingin. Naramdaman ko nang mag-init ang aking mga pisngi. Hindi ko maitatangging iyon talaga ang una kong hinangaan sa kaniya. Hindi ko na matukoy ang dahilan ng iba pa sapagkat sa unang kita pa lang namin ay may kakaiba na sa ugali niya. Hindi iyon kagusto-gusto pero hindi ko alam kung bakit nagustuhan ko.
"Iyon ba ang bumabagabag sa iyo?" nakangiting tanong ni nanay, tila matatawa pa.
"Ano..." napunasan ko ang mga pisngi ko. "Ang totoo po ay maging si Rhumzell ay binabagabag ang isip ko, 'nay. Kahit po kayo nina tatay, kuya...lalo na po si Bree." Magkakasunod na luha na naman ang pumatak sa aking mga mata. "Natatakot po ako na baka magalit kayo sa akin kapag nalaman ang damdamin ko kay Maxrill."
"Anak," hinawakan niya ang parehong kamay ko saka tumunghay sa akin. "Bakit naman ako magagalit sa iyo? Natural ang nararamdaman mo."
"Kasi..."
"Dainty," inakay niya ako papunta sa labas. "Naiintindihan kita sapagkat naranasan ko na rin namang magkagusto noon. Natural na pakiramdam ng tao iyon." Ngumiti siya. "Maging ang takot mo nga ay nauunawaan ko. Maging iyan kasi ay natural sa tao."
Umawang ang mga labi ko at saka inosenteng nag-angat ng tingin sa kaniya. Ngunit dahil nahihiya pa rin ako ay agad din akong yumuko, hindi ko matagalan ang tingin niya.
"Maaari ko bang malaman kung ano ang inaalala mo kay Rhumzell?" tanong niya.
"Natatakot po ako na baka magalit siya sa akin kapag nalamang...hindi ko kayang suklian ang kaniyang pagtingin."
Bumuntong-hininga siya. "Sinabi mo na ba sa kaniya ang iyong damdamin?"
Umiling ako. "Iyon nga po ang bumabagabag sa 'kin, 'nay. Kapag kasama ko po siya ay gusto kong tanggapin ang mga sinasabi niya. Masarap po sa pakiramdam ko na mayroon siyang nararamdaman sa 'kin. Pero sa t'wing naiisip ko pong suklian ang damdamin niya ay..." napapikit ako saka lalo pang yumuko. "Naiisip ko po si Maxrill."
Bahagya na namang natawa si nanay dahilan para muli ko siyang sulyapan. Ngunit sadyang hindi ko 'yon matagalan, nangingibabaw talaga ang kahihiyan.
"Bakit mo naiisip si Maxrill?"
"Dahil..." nangapa ako ng maisasagot pero kaba ang natagpuan ko. Hindi ko alam kung bakit ganoon na lang kabilis at lumakas ang kabog sa dibdib ko. "Basta ko na lang po siya naiisip, 'nay. Pakiramdam ko po...hindi ko matanggap ang damdamin ng iba dahil...siya po ang gusto ko."
Matamang tumitig sa 'kin si nanay saka ngumiti. "Kailan mo naman naramdaman iyan?"
Sandaling umawang ang labi ko saka nag-isip. "Magmula po noong nakilala ko siya sa kaniyang kaarawan. H-Hindi na po siya mawala sa isip ko, 'nay."
Matunog siyang ngumiti saka tumango-tango habang hinahaplos ang buhok ko. "Napakagwapo nga niya nang gabing iyon."
Naramdaman ko na naman nang mag-init ang mga pisngi ko. "Opo." Pakiramdam ko ay nanumbalik sa isip ko ang itsura ni Maxrill nang gabing iyon. "Hindi ko po alam kung paanong aalisin sa kaniya ang paningin ko," wala sa sarili kong nasabi, nakatulala sa kung saan. "Bawat galaw po niya ay pinanonood ko. Ang bawat reaksyon sa kaniyang mukha ay pinagmamasdan ko. Hindi ko po malimutan kung gaano kaganda ang kaniyang mga mata..."
"Mahal mo si Maxrill," kapagkuwa'y ani nanay.
Gano'n na lang ang panlalaki ng mga mata ko. "'Nay..." 'ayun na naman ang pakiramdam na tila ako kakapusin ng hininga.
"Umiibig ka sa kaniya?"
Mas umawang pa ang mga labi ko saka muling nabuhay ang aking kaba. "Hindi ko po alam," saka ako nagbaba ng tingin.
"Kung ako ang tatanungin ay iyon ang nakikita ko sa iyo." Ngumiti siya sa 'kin nang pagkatamis-tamis, bahagya akong natulala. Pakiramdam ko ay nakikita niya sa mga mata ko ang kaniyang nasabi.
"Posible po ba ang ganoon, 'nay?" natatakot kong sabi. "Pero...napakabata ko pa po para doon..." Hindi ako makapaniwala.
Mahal ko siya? Napapikit ako at magkakasunod na iniling ang isip para mabura ang tanong na 'yon.
Tumango siya habang nakangiwi. "Posible," ngiti niya. Napatulala ako sa kaniya. "Malalaman mo lamang iyon sa pagdaan ng panahon, Dainty."
Kinabahan ako. "Tumatagal po ba ang ganitong pakiramdam, nanay?"
"Oo naman," ngumiti siya. "Lalo na kung ang tadhana ang naglagay ng dahilan para magkaroon ka ng nararamdaman."
Umawang ang labi ko. Tadhana?"Pero...napakataas po ni Maxrill, 'nay. Habang ako po ay..." nagbaba ako ng tingin sa paanan ko.
Sinulyapan din ni nanay ang paa ko saka ngumiti sa akin. "Naranasan mo na bang abutin at nalaman mong mataas?" tumawa siya sa huli.
Bumuntong-hininga ako nang isagot ng isip kong hindi pa. Ngunit paano akong susubok na abutin siya gayong sa pagtingin pa nga lang ay tumanaw lang ang aking nagagawa?
"Posible rin po bang...mawala ang ganitong pakiramdam?" mayamaya ay malungkot na tanong ko.
"Gusto mong mawala ang nararamdaman mo sa kaniya?" nagtatakang tanong ni nanay. Tumango ako. "Bakit?"
"Hindi po kami bagay, nanay."
"Sa anong paraan naman kayo hindi nagkabagay?"
"Sa maraming paraan po, 'nay. Mayaman siya at ako ay..."
"Maganda lamang?" siya ang nagdagdag, natatawa.
Umawang ang labi ko saka napanguso. "Hindi naman po ako maganda."
Natawa si nanay. "Sa tingin mo ay hindi ka maganda?" parang hindi siya makapaniwala.
Ano ba ang kagulat-gulat sa katotohanang hindi naman talaga ako maganda? Ganoon ang tono ni nanay.
Muli akong nagbaba ng tingin sa paa ko. "Hindi po ang isang tulad ko ang magugustuhan ni Maxrill, 'nay. Mas may tyansa po na magustuhan niya si Bree dahil...kompleto ang pagkatao ni Bree. Samantalang ako po ay..."
"Kayang higitan ng pagmamahal ang kakulangan ninuman, Dainty," kapagkuwa'y aniya.
Natulala ako at napatitig kay nanay. Totoo ba 'yon? Hindi ko maintindihan kung bakit pakiramdam ko ay higit pa sa pag-asa ang binuhay sa 'kin ng mga sinabi niya.
"Hindi matatawag na pagmamahal ang nararamdaman kung nagagawa 'yong pigilan ng kakulangan," dagdag ni nanay, lalo pa akong napahanga. "Ang pagmamahal ay puso ang tinitingnan. Hindi ang kakulangan o kagandahan ng panlabas na anyo."
Hindi ko malaman kung paano niyang naiparamdam sa 'kin nang sabay ang hiya at pag-asa. Nahiya ako dahil pakiramdam ko ay mali ang pagkakaintindi ko sa totoong pagmamahal. Nagkaroon ako ng pag-asa dahil para niya na ring sinabi na posibleng masuklian ni Maxrill ang nararamdaman ko. Bagaman mababa ang tyansa.
"'Wag mo hayaang makita ng iba ang kakulangan mo dahil lang sa iyon ang nakikita mo sa iyong sarili, Dainty," makahulugan na namang dagdag ni nanay. "Kung nagagawa mong makita ang kakulangan, bakit hindi mo subukang tingnan ang iyong kagandahan? Oo nga't may kakulangan sa 'yo pero higit ang kagandahan mo, Dainty."
Nagbaba ako ng tingin, panibagong pagkapahiya ang aking naramdaman. Bakit nga ba ganoon ang pakiramdam ko? Hindi ko maintindihan.
"Sa isandaang tao na nakakita sa 'yo, iisa lang doon ang nakapansin sa paa mo. Sapagkat lahat sila ay ang maganda mong mukha at ugali ang nakita." Nakangiti iyong sinabi ni Nanay Heurt. "Kaming pamilya mo ay wala pa sa sampung tao na sinabi ko."
"Salamat po, nanay," talagang gumaan ang pakiramdam ko sa sinabi niya.
"Mabuti kang anak at kapatid, Dainty," ngiti niya pa. "Alam iyon ng bawat myembro ng pamilyang Moon, maliban doon sa isang nagugustuhan mo."
'Ayun na naman ang pag-iinit ng mukha ko. Pakiramdam ko ay tinutukso na ako ni nanay gayong hindi naman. Iba na 'yong hiya ko, mas tumindi.
"Sa ngayon ay may ibang...nagugustuhan si Maxrill," mayamaya ay hinay-hinay iyong sinabi ni nanay. Sandali akong nagulat.
Ngunit gaano kaingat man niyang sinabi iyon ay hindi no'n napigilang pakirutin ang puso ko. Nagbaba ako ng tingin.
"Sinabi ko ito hindi para alisin ang pag-asa mo," dagdag niya. "Kundi para masagot mo kung ano talaga ang nararamdaman mo sa kaniya."
Sinabi ni nanay na may nagugustuhan na si Maxrill para masagot ko kung ano talaga ang nararamdaman ko sa kaniya? Iyon na yata ang hindi ko naintindihan.
Kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam ko na nasabi ko kay nanay ang tungkol doon. Kagabi ay talagang apektado ako, hindi makapag-isip nang tama, ni hindi nga yata ako natulog. Para lang akong pumikit. Tama siya, mas masarap sa pakiramdam nang hindi iyon kinikimkim.
Pero hindi pa rin talaga nawala ang lahat ng isiping iyon sa akin. Mula sa paghahanda ng makakain hanggang sa pagkain, mula sa pagligo hanggang sa pagbibihis, iyon pa rin ang laman ng isip ko. Mukha akong sirang plaka na paulit-ulit na pumipili kina Maxrill at Rhumzell gayong sa huli lang naman ako may pag-asa. Si Rhumzell lang ang kayang suklian ang nararamdaman ko.
"Good morning, Dainty," gano'n na lang ang gulat ko nang madatnan sa labas ng bahay si Rhumzell.
Nag-init ang pisngi ko nang maalala ang halik niya. Pero pinilit ko 'yong alisin sa isip at saka ngumiti. "Good morning, Rhumzell."
Lumapit siya at kinuha ang mga gamit ko. Nasulyapan ko si nanay na noon ay nakatingin na rin sa akin. Ngumiti siya saka tumango-tango.
"Ano...Rhumzell," habol ko. "Kaya ko namang bitbitin ang mga 'yan," mahina kong sabi, sumabay sa kaniyang maglakad.
Ibinaba niya ang tingin sa 'kin. "Kung pwede nga lang na pati ikaw ay buhatin ko, gagawin ko,"pabulong niyang sabi. "Hindi ako nakatulog kagabi, kaiisip sa 'yo."
Umawang ang labi ko. "Ako rin," nakababa ang tinging sabi ko.
Bigla ay natigilan ako nang maisip na baka iba ang maging intindi niya sa sinabi ko. Muli akong nag-angat ng tingin at gano'n na nga lang katamis ang ngiti ni Rhumzell. Kung paano kong nakikita ang kinang sa kaniyang mga mata, kung paano akong natatamisan sa mga ngiti niya, hindi ko alam. Pero sigurado akong iyon ang nakikita ko.
Hindi ko na dinagdagan pa ang sinabi ko sa pag-aalalang magkamali na naman ng maipaiintindi sa kaniya. Hindi ako maingat sa pananalita.
Kailangan kong maging maingat sa pananalita, ayaw kong iba ang maging kahulugan ng mga 'yon kay Rhumzell. Mabait siya at wala akong karapatang saktan siya.
Napabuntong-hininga ako, hindi ko maintindihan kung bakit pakiramdam ko ay naiipit ako sa sitwasyon. May kung ano sa isip kong nagtutulak sa 'kin na subukan siyang gustuhin. Pero gano'n na lang ang pagtanggi ng puso ko. Sila ang hindi magkaisa.
"Pupuntahan ulit kita mamaya sa classroom, Dainty," ani Rhumzell nang makarating kami sa school. Sinadyang mauna ni Bree para mabigyan kami ng oras makapag-usap.
"Kaya ko naman, Rhumzell. Hindi mo kailangang gawin 'yon."
Kinuha niya ang kamay ko at hinalikan iyon. Bakit hindi ko kayang pigilan siyang gawin ang mga ito? Napabuntong-hininga ako. Pagiging makasarili iyon. Hinahayaan ko siyang gawin ang kaniyang mga gusto, pinakikinggan ko ang kaniyang pagpapakatotoo, pero iba ang isinisigaw ng puso ko. Napakamakasarili ko.
"Sige," pakiramdam ko ay wala akong karapatang tumanggi. At nalulungkot ako sa katotohanang 'yon.
Pinagbuksan niya ako ng pinto at nakangiting pinanood sa pagbaba. Ni hindi ko alam kung may sandali ba na naaalis ang paningin niya sa 'kin maliban sa pagmamaneho.
"Dainty," muling pagtawag ni Rhumzell nang talikuran ko siya.
"Rhumzell?" nakangiti akong humarap.
"I love you," bigla ay dagdag niya.
Natigilan ako at napatitig sa kaniya. Umawang ang mga labi ko at magkakasunod na lumunok. Pakiramdam ko ay nawala ang lahat ng iba kong naririnig, nagpaulit-ulit sa pandinig ko ang sinabi niya. At hindi ko maitatanggi ang kiliting idinulot no'n sa akin.
Napangiti ako at saka kumaway sa kaniya. Nakagat ko ang labi saka ako maingat na tumakbo. Bakit kailangang mangyari sa 'kin 'to? Kung hindi ko nagugustuhan si Rhumzell, bakit kailangan kong makaramdam ng ganito? Bakit sa t'wing ipapahayang niya ang nararamdaman ay may kiliti sa sistema ko? Bakit masaya ako sa t'wing ipapakita niya ang panliligaw? At bakit sa t'wing maiisip ko si Maxrill ay lungkot ang nararamdaman ko?
Hindi ko maintindihan. Nalilito talaga ako. Parati na lang ganoon. Ako ang nakararamdaman pero ako mismo ay hindi masagot ang sarili ko.
"Look at this disabled, poor girl, nakuha mo pang tumakbo, Dainty, really?" nangibabaw ang sarkastika at malditang tinig ni Danice.
Hindi ko namalayang nadaanan ko sa Batibot ang mga ito. Nahinto ako, napatingin sa kaniya at nag-iwas ng tingin matapos mangibabaw ang matinding tawanan ng kaniyang barkada at iba pang kasama.
Magtutuloy na sana ako nang muling nagsalita si Danice. "Dahan-dahan, Dainty, baka madapa ka."
"Salamat, Danice," nakababa ang tingin na sabi ko at saka nagtuloy na paakyat sa building.
Noon naman ay wala akong pakialam sa kanila. Pero mula nang ligawan ako ni Rhumzell ay iba na ang epekto nila sa akin. Lalo kong naramdamang hindi ako karapat-dapat na gustuhin, lalo na ang ligawan nito, dahil sa kanila.
Tuloy ay 'ayun na naman ang kalituhan ko habang nagkaklase. Panay ang pag-iisip ko at nilulunod ako niyon, kinakain ang katinuan ko.
Paulit-ulit akong binibigyan ng dahilan ni Rhumzell para suklian ang damdamin niya. Pero parati ring humahabol ang sitwasyon ko na siyang dahilan ng pag-urong ko.
Hindi na lang si Maxrill ang dahilan ko. Sa t'wing maiisip ko ang kapintasan ko ay lalo akong nawawalan ng lakas ng loob na mahaling ang taong tumanggap sa akin. Natatakot akong maging dahilan para mapintasan din sila. Nag-aalala akong mapagtawanan din sila. Ayaw kong maramdaman nila ang nararamdaman ko.
Wala akong dapat piliin... Sa huli ay iyon ang naisip ko. Hangga't hindi ko napipiling mahalin ang sarili ko...wala dapat akong piliin. Nagbaba ako ng tingin sa mga kamay ko.
"Miss Gonza!"
Awtomatiko akong napatayo nang isigaw ni Sir Ciufan ang apelyido ko. "Sorry, sir," paumanhin ko.
"Ano't nasa ibang bansa yata ang utak mo, Gonza?" asik niya, hindi ko nagawang sumagot. "Kanina ka pa lipad nang lipad diyan, bumaba ka naman dito sa 'min at nang may maimarka ako sa report card mo!"
Nagbaba ako ng tingin at pinigilan nang matindi ang maluha. Sa unang pagkakataon ay napagalitan ako ni Sir Ciufan. Madalas ay pinupuri ako nito dahil sa matataas kong marka at direktang mga sagot sa recitations niya. Mukhang sumobra ako ngayong araw kaya ganito na lang ang galit niya.
"Sorry po, sir," napapahiya ko talagang sinabi.
"Hindi dahil humahanga ako sa katalinuhan mo ay makaliligtas ka na sa bibig ko, Gonza. 'Wag mo ipamukha sa akin ang nalalaman mo at higit diyan ang kakayahan ko," asik niya.
"Opo, sir," pakiramdam ko ay maiiyak na ako. "Sorry, sir."
"Number one!" bigla ay palahaw niya. Dahilan para ngali-ngali akong maupo at maglabas ng papel.
Panay ang paninisi sa 'kin ng mga kaklase ko nang matapos ang subject ni Sir Ciufan. Sa akin nila isinisisi na bigla itong nagpa-quiz. Tuloy ay ganoon na lang ang sama ng loob ko hanggang sa matapos ang araw na iyon. Talagang hindi nila ako tinigilan mula sa lunch break hanggang sa mag-uwian.
"Kung hindi ka sana tatanga-tanga kanina ay hindi kami bumagsak sa quiz ni Sir Ciufan, Dainty!"paninisi sa akin ng kaklase ko.
"Umalis ka na nga dito, pilay! Naiinis kami sa 'yo!" asik pa ng kasama nito.
Nakayuko akong naglakad papalayo, hinihiling na sana ay makasalubong ko na si Bree para may makasabay. Sa halip ay binilisan ko na lang ang paglalakad para makarating agad sa parking lot.
"Dainty!" hindi ko inaasahang makakasalubong doon ang mga lalaking kaklase ko at myembro ng varsity. Madalas ako kung tudyuin ng mga iyon. "Alam mo ba kung gaano kababa ang scores ko?" sabi ni Miguel.
"Ano..." nagbaba ako ng tingin nang humarang silang magkakaibigan sa daraanan ko.
"Kalahati lang naman ng passing score dahil hindi ako handa sa long quiz na 'yon ni Sir Ciufan,"dagdag niya, halatang naaasar ngunit itinatago iyon sa sarkastikong tinig.
"Ako man ay...h-hindi inaasahan na may long quiz," nakayuko nang sabi ko.
"Alam mo bang hindi kami maaaring magkaroon nang mabababang grades dahil varsity players kami?" aniya na humakbang papalapit sa 'kin.
Nayakap ko ang aking binder at humigpit ang pagkakahawak doon. "Hindi ko naman...alam na magpapa-quiz si sir," natatakot nang sabi ko.
"Pero kung hindi ka nagpakalutang kanina ay magtuturo na lang sana siya at hindi na magku-quiz," asik ni Miguel. "Ilang beses ka niyang tinatawag, para kang tanga na tulala lang sa kung saan, Gonza!"
"Sorry," gumuhit agad ang luha ko at ilang saglit pa ay magkakasunod nang pumatak ang mga luha ko.
"Maganda ka sana, eh," dagdag pa niya. "Iyon nga lang, pilay ka na, tanga ka pa!" sigaw niya sa mismong tainga ko.
Magkakasunod na pumatak ang mga luha ko. "Sorry, Miguel—"
"'Wag mo ngang sabihin ang pangalan ko!"nandidiri niyang sinabi.
"Sorry," sabi ko, muli akong nagbaba ng mga tingin.
"Dainty," nangibabaw sa likuran ni Miguel ang pamilyar na tinig ni Rhumzell.
Nag-angat ako ng tingin ngunit nakahang si Miguel dito. Maging siya ay nakatingin na rin marahil kay Rhumzell.
Rhumzell...
"What are you doing?" batid kong si Miguel na at mga kaibigan nito ang kausap ni Rhumzell.
"Echavez," ani Miguel.
"I'm asking you, what are you doing, Funtales?"asik ni Rhumzell.
Napatitig ako sa kaniya. Ang nakikita kong galit sa kaniyang mga mata ay nagdulot ng halo-halong pakiramdam sa sistema ko. Sa isang sulyap niya sa 'kin ay humupa ang takot ko kay Miguel at grupo nito.
"As you can see, we are talking, Echavez," ani Miguel.
"You call that talking, huh?" iba na ang tinig ni Rhumzell, kinabahan ako.
Kaya gano'n na lang lalo ang higpit ng kapit ko sa binder na yakap ko nang dakmain ni Rhumzell ang kwelyo ng varsity jacket ni Miguel. Sa isang hakbang ng kasama nito ay dinakma rin ni Rhumzell ang kwelyo ng varsity jacket niyon. Saka niya sapilitang inilapit ang mukha ng dalawa sa kaniya.
"Talk to me, then," asik ni Rhumzell. "This is how I talk," may diing sabi niya saka mas hinigpitan ang pagkakahawak kay Miguel.
"Rhumzell," nanginginig ang tinig na pagtawag ko.
"Let me go," ani Miguel na hinawakan ang kamay ni Rhumzell, halatang nahirapan siyang huminga. "Let me go, Echavez!"
"Are you asking me to free you or let you breathe, Funtales? Tell me," galit na ani Rhumzell. Nakita ko nang mas humigpit ang pagkakahawak niya sa kwelyo nito para lalo itong mahirapang huminga.
"Bitiwan mo 'ko!" singhal ni Miguel na sapilitang tinanggal ang kamay ni Rhumzell.
Ngunit hindi niya inaasahang itutulak ni Rhumzell ang kasamahan sa kaniya dahilan para sabay silang matumba. Humakbang papalapit si Rhumzell saka nakapamulsang naupo sa paanan ng dalawa.
"Don't you dare talk like that to my girl again, Funtales," banta ni Rhumzell saka tumayo at lumapit sa 'kin.
"Gago!" sigaw ni Miguel.
Nahinto sa akmang paglalakad si Rhumzell upang tapunan muli ito ng tingin. "Fuck you," kaswal na aniya saka ako inalalayan sa siko.
Dinala ako ni Rhumzell sa kaniyang sasakyan at inalalayang makaupo sa tabi ng kaniyang upuan. Ngunit hinayaan niyang nakabukas ang pinto at doon siya yumuko.
"That boy bullying you?" tanong niya.
Napalunok ako, yakap pa rin ang binder. "Ano..."
"Tell me, I will report him, Dainty."
"Ngayon lang," pagsisinungaling ko, lalong humigpit ang yakap sa binder. "Kasi, ano..." hindi ko mahabol ang hininga ko sa sobrang kaba.
"What happened?" nag-aalalang aniya, hinaplos ang mukha ko.
Napaangat ako ng tingin sa kaniya at hindi namalayan ang sariling umiiyak na. "Rhumzell..."
"Sshh..." aniyang sinakop ng mga palad ang parehong pisngi ko saka ako hinalikan sa noo. "Don't cry, babe..."
Natigilan ako sa sinabi niya at nag-angat ng tingin, dahilan para magtama ang aming paningin.
"I won't let him hurt you, I promise," mahinang aniya.
Humugot ako nang hininga nang ibaba niya ang mukha sa 'kin. Hahalikan niya uli ako... Bumilis ang aking paghinga at hindi na 'yon mapigilan. Parang aatake ang hika ko.
"Dainty?" natitigilang pagtawag niya. "Come here," inalalayan niya akong tumayo.
Hinanap ko ang posisyon kung saan ako maluwag na makahihinga. Nakapikit kong hinabol ang aking hininga. Pinigilan ko ang maluha pero nagpatuloy 'yon hanggang sa mapahagulgol ako payakap sa kaniya.
Hindi ko alam kung ang dahilan ng pag-atake ng sakit ko ay ang halik niya o ang halo-halong emosyon na dinulot ng mga pangyayari kanina. Hindi ko malaman ang mararamdaman.
"Are you okay?" gano'n na lang katindi ang pag-aalala niya. "Let's go to the hospital."
"Hindi," pigil ko sa kamay niya. "Ayos lang ako."
"Dainty..." talagang nag-alala siya.
Sa ganoong sitwasyon ay hindi ko akalaing makukuha ko pang ngumiti sa kaniya. 'Ayun na naman 'yong hindi maipaliwanag na sayang naidudulot niya.
"I'm worried," kunot-noong aniya. "You don't look fine."
"Ayos lang ako," paniniguro ko.
Nilingon niya ang grupo nina Miguel. "What did he do to you?" halos pasinghal niyang tanong, galit talaga.
"Wala," umiling ako saka nagpaakay paupo. "Sakit ko talaga 'to. May hika ako." Dali-dali kong kinuha ang inhaler ko.
Pinanood niya ako nang may pag-aalala. Naupo siya sa paanan at kinuha ang pareho kong kamay. "I'll transfer here as soon as I can," bigla ay sabi niya. "I'll look after you."
Nanlaki ang mga mata ko saka itinggi ang parehong kamay. "Ayos lang ako, Rhumzell."
"I'm worried."
"Wala kang dapat ipag-alala dahil maayos lang ang lagay ko."
"They're bullying you."
"Hindi gano'n," pagsisinungaling ko saka ikinuwento ang nangyari kung bakit nagalit ang mga kaklase ko.
Syempre, hindi ko na binanggit ang dahilan ng pagiging lutang ko. Hindi ko yata kakayaning banggitin sa kaniya ang tungkol kay Maxrill. Bagaman mali, ang idinahilan ko sa pagiging lutang ay ang halik niya.
Gano'n na lang tuloy ang pagkakangiti niya matapos makinig sa 'kin. "Hindi rin 'yon mawala sa isip ko," aniyang ang paningin ay naroon na sa labi ko. "Hindi ako nakatulog kaiisip sa 'yo..." Tumitig siya sa mga mata ko saka muli iyong bumaba sa mga labi ko. "Lalo na sa mga labi mo."
Nahugot ko na naman ang hininga nang makita ang kamay niyang umangat upang hawakan ang ibabang labi ko.
"I want to kiss you more, Dainty," pabulong na sabi niya.
Umawang ang labi ko at napatitig sa kaniya dahil sa gulat. Pero natitigilan siyang nag-angat ng tingin sa akin sa ibang pakahulugan. Awtomatiko kong naitikom ang bibig ko at napalunok.
"Ano..." kabado kong sabi saka nagbaba ng tingin. "'Wag dito..."
Pulos puno ang katabi ng kaniyang sasakyan. Nakaupo ako at nakabukas ang pinto. Naroon siya sa harapan ko at nakaharang sa kaniya ang pintong 'yon. Kung hindi kami sadyang pupuntahan ay walang makakakita sa amin.
Sandali siyang natigilan saka natawa. "Of course, I will not kiss you here," aniyang lumingon sa paligid namin.
Pareho kaming nagulat nang may kumatok sa kabilang gawi ng sasakyan. Nalingunan namin si Bree kaya tumayo si Rhumzell. Sandali niyang hinaplos ang pisngi at aking labi bago siya lumigid upang pagbuksan ito ng pinto doon.
"Sorry, na-late ako," anang kapatid ko, mukhang walang nakita. "May meeting kasi kami sa club."
"It's okay," ani Rhumzell saka sumakay. "Let's go?" anyaya niya saka sumulyap sa 'kin.
Sulyap na hindi talaga matigil sa mata lang dahil kusang bumababa sa mga labi ko. Nakagat ko ang aking labi saka nakangusong nag-iwas ng tingin.
Hindi ko na naman maipaliwanag ang napakabilis na kabog sa aking dibdib dahil sa mga ginagawa ni Rhumzell.
To be continued. . .
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top