CHAPTER ONE
CHAPTER ONE
"PWEDE MO po ba akong ibili ng dress na isusuot ko sa party ng mga Moon, nanay?"naglalambing na ani Bree isang hapon na kumakain kami.
Nag-angat ng tingin dito si nanay. "Hindi ba't napakarami mong dress? T'wing nagbabakasyon ang Ate Maxpein mo ay parati kang may pasalubong. Bago at imported ang mga 'yon."
Ngumuso si Bree. "E, baka nakita na ni Maxrill 'yon, 'nay. Syempre, magkakasama silang parati kapag nagbabakasyon. Baka nga isa pa siya sa mga pumili ng ipasasalubong ni Ate Maxpein sa akin. Gusto kong magsuot nang bago, 'nay. 'Yong hindi niya pa nakikita."
Ang Maxrill na tinutukoy ni Bree ay iyong bunso ng pamilyang Moon. Sa kanilang pamilya ay si Ate Maxpein lang ang madalas kong makita. May minsan ko nang nakita ang mommy at daddy niya, maging si Kuya Maxwell ay dinalaw ako ng dalawang beses upang tingnan ang lagay ng aking mga paa. Pero iyong bunsong kapatid nila ay hindi ko pa nakikilala.
Sa mga kwento ng kapatid ko ay nagkaroon ako ng interes na makilala si Maxrill Won del Valle Moon. Iba kasi ang deskripsyon ni Bree sa kaniya. Hindi lang daw ito gwapo kundi mabait at hindi mukhang masungit. Kung hindi lang mabait sina Kuya Maxwell at Ate Maxpein sa akin ay paniguradong natakot na ako sa kanila. Mukha kasi silang istrikto.
Bumuntong-hininga si nanay. "Sige na, bibilhan kita nang bago. Huwag ka nang maingay at baka marinig ka ng tatay mo. Paniguradong pagagalitan ka na naman no'n."
Nagbaba ako ng tingin at nagpatuloy sa pagkain. May kung ano sa kalooban kong humihiling na sana ay bilhan din ako ng bagong damit ni nanay. Gusto ko ring magsuot nang bagong damit sa party ng mga Moon. Pero hihintayin ko na lang na magkusa si nanay. Nahihiya akong magsabi sa kaniya.
Hindi gaya ni Bree, kakaunti lang ang damit ko. Magkaroon man ako nang bago ay pasalubong ni Ate Maxpein iyon. Dahil mas nakilala ng pamilyang Moon si Bree, mas malapit ang bunsong kapatid ko sa kanila. Mas marami rin ang pasalubong ng mga ito sa aming bunso.
Kahit gano'n ay hindi naman kami nagkaroon ng problema ng kapatid ko. Mas bata siya kaya iniintindi ko na lang madalas. Bukod sa mabait si Bree, magkasundong-magkasundo kami.
Naaksidente kaming pareho sa perya ni tatay noong edad syete pa lang ako. Pareho kaming naoperahan ngunit mas malala ang aking tinamo. Pinutol ang isang paa ko habang ang isa naman ay kinailangang ipa-therapy. Pero dahil mahirap lang kami ay pareho kaming nabaldo ni tatay.
Noong una ay napagtatyagaan pa akong tulungan ni nanay. Gumawa siya ng magkabilang hawakan na siyang tutulong sa aking makapaglakad muli. Ginawan niya rin ako ng sarili kong saklay. Pero bago pa man umigi ang lagay ko, nagalit na si tatay. Wala na raw saysay kung matuto akong maglakad dahil hindi na rin naman daw ako makapagtatrabaho.
Ang kuya ko naman ang natitirang pag-asa ng pamilya namin. Nasangkot naman ito sa masasamang barka noong nag-aaral kaya naligaw rin ng landas.
Kung hindi siguro nakilala ni tatay si nanay bago kami maaksidente, baka walang nag-alaga sa amin. Araw-araw kong ipinagpapasalamat noon na ibinigay si nanay sa amin. Kahit na hirap na hirap na siya sa amin ay hindi niya kami sinukuan. Parati silang nag-aaway ni tatay pero nanatili siya sa aming tabi. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa aming pare-pareho kung sakaling iniwan niya kami.
Hulog ng langit ang pagdating ng pamilyang Moon sa amin buhay. Awtomatikong guminhawa ang aming buhay. Naipagamot kaming pareho ni tatay. Bagaman hindi na siya nagkaroon ng tyansang makalakad dahil sa kaniyang edad.
Artifial na ang kaliwang paa ko. Sa tulong nina Kuya Maxwell at Ate Maxpein ay nakalakad muli ako. Sila ang gumastos sa akin para magkaroon ng panibagong buhay. Ang mga magulang naman nila ang nagpapaaral sa amin ni Bree ngayon.
Dapat ay tapos na ako ng kolehiyo, pero dahil ilang taon akong nabaldado, ngayon pa lang ako nagpapatuloy sa high school. Kung hindi ako nakapasa sa exam ay baka magkaklase kami ni Bree ngayon at parehong nag-aaral bilang second year high school.
"Bakit hindi ka rin magsukat, Dainty?" ani nanay. Naroon kami sa mall at bumibili ng damit na hiling ni Bree.
"Po?" nagugulat kong tugon.
Ngumiti siya sa akin. "Sige na, pumili ka rin ng bagong damit na isusuot mo sa birthday ni Maxrill."
Napalunok ako. Ganoon na lang ang excitement na nabuhay sa dibdib ko. "Salamat, 'nay," ngiti ko saka ako nagbaba ng tingin.
Nakaawang ang labi ko habang nagtitingin-tingin sa mga damit. Wala pa man ay nahihirapan na akong pumili. Lahat ay magaganda na ang kulay, magaganda pa ang disensyo.
"Ate, bagay ba?" umalingawngaw ang tinig ni Bree.
Agad akong tumunghay sa kaniya. Gano'n na lang ang panlalaki ng mga mata ko nang makitang walang manggas, ni strap man lang sa mga balikat ang damit na hawak niya. Kulay pula iyon na halatang hapit sa dibdiba t palobo ang palda.
"Bree," ako ang nag-alala para sa kaniya. "Paano mong isusuot iyan?"
"Tube dress ang tawag dito, ate," aniya na muling sinalamin ang sarili. "Bagay na bagay, hindi ba, ate?"
Tiningnan ko rin siya mula sa salamin at sinilip ang kaniyang itsura. Tama siya. Bagay sa kaniya ang damit. Pero kahit ano naman yatang damit ang kaniyan isukat ay babagay sa kaniya. Sa murang edad ay marami nang nagkakagusto kay Bree. Ganoon kasi talaga siya kaganda.
"Bree, hindi ba masyadong bulgar ang damit na iyan?" nag-aalala kong tanong. "Walang manggas at...ni walang tali para sa mga balikat."
"Kaya nga tube dress, ate."
"Paano ba isinusuot 'yan?"
"Ganito lang," aniya na idinikit iyon sa kaniyang dibdib.
Ganoon na lang lalo ang panlalaki ng mga mata ko. "Ano pang proteksyon ng katawan mo?"
"Ate," hinarap niya ako at pinandilatan. "Hindi na uso ang mga ganyang suot mo."
Sinuyod niya ang tingin ang bestida kong umaabot sa pulsuhan ang manggas at paa na lang ang makikita sa palda. Nagbaba ako ng tingin sa sarili saka ngumuso.
"Ganito na kasi ang uso," nakangiting aniya saka muling idinikit sa sarili ang tube dress na kulay pula. "Paniguradong mapapansin ako ni Maxrill kapag ganito ang isinuot ko. Ano sa tingin mo, ate?"
Nanlaki na naman ang mga mata ko. "Ibig mong sabihin ay magsusuot ka ng ganyan upang mapansin ng lalaking iyon?"
May halong kiliti ang pagtawa niya. "Ate, kahit sinong babae ay gagawin ang lahat para mapansin lang ni Maxrill."
"Hindi ako," ngiwi ko.
"Dahil hindi mo naman siya kilala," inis niya akong tinalikuran. Ngunit magsasalita na sana ako nang bigla niya uli akong harapin. "At huwag na huwag kang magkakagusto kay Maxrill, ate, ha?"
"Ano? Bakit naman ako magkakagusto sa taong hindi ko naman kilala at nakikita?"
"Ibig kong sabihin, kapag nakilala mo na. Hindi ka pwedeng magkagusto sa kaniya."
Ngumiwi ako. "Wala akong interes sa lalaki, Bree."
"Sinabi mo 'yan, ate, ah?" may himig ng pagmamalaki sa tinig niya. "Baka mamaya niyan ay kainin mo ang sinabi mo."
"Hindi 'yon mangyayari," ipinagpatuloy ko na lang ang pagpili ng isusuot.
"Dapat lang," aniya na kinulong sa yakap ang braso ko. "Dahil akin lang si Maxrill."
Pinandilatan ko siya. "Magtigil ka nga, Bree. Ang babata pa natin para magsalita ka ng ganyan."
"Magkokolehiyo ka na, ate, maaari ka nang magnobyo."
Sumama ang mukha ko. "Wala iyon sa isip ko at gaya ng sinabi ko, wala akong interes sa lalaki."
Nagkibit-balikat siya. "Baka kasi hindi mo pa nakikita ang Maxrill ng buhay mo."
"Magtigil ka na nga, Bree," saway ko sa kaniya.
"Ah, basta, akin si Maxrill," halakhak niya. "Pumili ka na ng damit mo, ate. 'Eto na ang gusto ko!"
Nakangiti kong pinanood ang aking kapatid na isayaw ang sarili, yakap ang damit, sa harap ng salamin. Sa ganoon kamurang edad niya, hindi ko alam kung paano niya naiisip ang nararamdaman ang ganoon. Humahanga ako sa kalayaan niya. Hindi ko maramdaman ang ganoon.
Mahigpit ang mga magulang namin, lalo na si tatay. Parati itong galit at takot kami sa kaniya. Bagaman nagagawa ni Kuya Kev na kontrahin ang mga salita niya paminsan-minsan, siya pa rin ang nasusunod. Masaya ako sa paraan ng pagpapalaki sa amin ni nanay. Patas siya sa maraming bagay sa amin. Hindi niya ipinararamdam na nagkukulang siya, parati niya iyong pinupunuan para makontento kaming lahat.
Sadyang hindi na ako tulad noong maliit pa ako. Hindi ko na kayang makihalubilo sa mga tao. Parati kong iniisip kung matatanggap ba nila ako gaya ng pagtanggap sa akin ng pamilya ko. Madalas ay nahihiya ako, natatakot na baka pagtawanan nila ang mga paa ko, kapag nalaman nilang artipisyal na lamang iyon.
"Napakaganda mo, Bree," iyon ang nasabi ko nang dumating ang araw ng mismong party.
Hindi ko mapigilan ang sarili kong suyurin ang kaniyang kabuuan at humanga. Naglagay siya ng mamula-mulang kolorete sa mukha, meron sa mga mata, sa kaniyang pisngi at mga labi. Ang umaalon niyang buhok na lampas sa balikat ay hinawi niya papunta sa likod. Saka siya nagpaikot-ikot sa harap ng salamin, natutuwa.
Ngunit ganoon na lang ang gulat niya nang makita ang ako mula sa salamin. Tatawa-tawa niya akong nilingon at sinuyod din ng tingin.
"Ano iyang suot mo, ate?"
Nagbaba ako ng tingin sa itim kong bestida. Gaya ng nakasanayan ko ay hanggang pulsuhan ang haba ng manggas niyon. Tanging paa lang ang makikita sa haba ng aking palda. Maging ang sapatos ko ay sarado, iyong puti na medyas lang ang makikita. Ang buhok ko ay hinati ko sa dalawa at itinirintas sa magkabila kong balikat.
"Maayos naman itong suot ko, ah?" sabi ko.
"Pero hindi iyan pasok sa uso, ate?"
Bumuntong-hininga ako. "Hindi naman ako nakikisabay sa uso, Bree. Ni hindi ko nga alam kung ano ang mga uso at hindi."
Ganoon naman ang uri ng pananamit noon pa. Noong huli akong lumabas, bago mangyari ang aksidente namin ni tatay, wala namang namimintas sa paraan ko ng pananamit.
"Mag-makeup ka, ate," ani Bree saka dinampot ang mga kolorete niyang iba't iba ang kulay.
Agad kong itinanggi ang mga kamay ko. "Hindi ako naglalagay niyan, Bree."
"Kaya nga maglagay ka ngayon, ate."
"Ngunit hindi babagay sa akin 'yan."
"Ate, walang hindi binagayan ang makeup."
"Hindi ako komportable sa ganyan," muling tanggi ko.
Wala siyang nagawa. "Mag-powder ka na lang, ate," inabot niya ang botelya niyon saka naglagay sa kaniyang palad.
"Sige," lumapit ako at hinayaang siya ang maglagay niyon sa mukha ko.
Tiningnan ko ang aking sarili sa salamin at ganoon na lang ang paghanga ko. "Ang ganda, Bree," sabi ko.
Tumawa nang malakas ang kapatid ko. "Walang gumanda sa pulbos, ate, ikaw lang."
Nagtawanan kami at parehong na-excite sa pag-alis.
"Ang gwapo mo, kuya!" palahaw ni Bree nang makita si Kuya Kev.
Parehong pormal na damit na may kurbata ang suot nina tatay at kuya. Si nanay naman ay kaswal na bestidang asul ang suot.
"Ano ba iyang itsura mo, Bree?" angil ni tatay. Awtomatiko kaming tumiklop ng kapatid ko. "Bakit ganyan ang iyong suot?"
"E, 'tay, maganda naman, hindi ba?" lumabi si Bree.
"Mukha kang debutante, hindi naman ikaw ang may kaarawan. Bisita lamang tayo ng mga Moon!"galit na agad ang aming ama. "Magpalit ka doon!"
"Kaday," humawak si nanay sa braso ng aming ama. "Hayaan mo na at minsan lamang namang magsuot nang ganyan ang mga bata."
"Ngunit hindi akma sa kanyang edad ang suot niyang...damit pa bang matatawag iyan? Lantad ang mga balikat at halos makita ang kaniyang..."umiling si tatay. "Magpalit ka na, Bree, anak. Hindi ako natutuwa."
"Pero gustong-gusto ni Bree ang damit na iyan, 'tay," hindi ko napigilang magsalita.
Lumamlam ang mga mata ng aming ama nang tunghayan ako. "Mabuti pa itong ate mo ay marunong manamit," angil muli ni tatay.
"Tara na," anyaya ni kuya. "Baka hinihintay na tayo ng mga Moon, nakakahiya naman."
Palihim kaming nangiti ni Bree sa isa't isa at saka magkahawak-kamay na sumunod sa kanila.
"Ate, ito ang regalo ko kay Maxrill," ipinakita sa akin ni Bree ang maliit at pulang kahita.
"Ano iyan?" bulong ko pabalik.
"Keychain ito, ate."
"Saan mo naman nakuha iyan?"
"E, di pinag-ipunan ko." Binuksan niya iyon at humanga ako sa letrang M na gawa sa kahoy. Nakakatuwa ang aso na nasa tabi ng letrang iyon. "May aso si Maxrill na ang pangalan ay Hee Yong, siya ito," itinuro ni Bree iyong aso sa kaniyang regalo.
"Paniguradong matutuwa ang crush mo niyan, Bree," ako ang nasabik para sa kaniya.
Hindi maitatanggi ang saya sa mga mata niya. Ganoon siguro talaga kasaya kapag may nagugustuhan na. Hindi ko makuhang mainggit sapagkat hindi ko naman alam ang pakiramdam niyon. Kontento na akong nakikitang masaya ang kapatid ko.
"Wow..." naisatinig ko ang pagkamangha nang makita kung gaano kalaki ang bahay ng mga Moon.
"Ito ang mansyon ng mga Moon, ate," ani Bree.
Umawang pa lalo ang mga labi ko sa paghanga.
Mansyon...
Mabilis na gumala ang paningin ko sa kabuuan niyon. Ganoon na ganoon ang deskripsyon ng mansyon sa isip ko. Malaki at kaakit-akit ang mga disenyo, makapigil-hininga sa ganda at sumisigaw ang karangyaan.
Ganito pala talaga kayaman ang pamilyang Moon...
Ngayon ko lang nabibigyang dahilan kung bakit ganoon na lang kung utusan ni tatay si nanay na humingi ng pera sa mga Moon. Madalas ay ako ang nakararamdam ng hiya para sa kaniya. Pera ang madalas nilang pag-awayan, pagkain ang madalas naming problema. Sa t'wing alalahanin 'yon, nag-aaway ang mga magulang namin. Kapag gano'n ay inuutusan ni tatay si nanay na manlimos sa mga Moon.
"Hindi naman siguro tayo magtatagal dito, Heurt?" ani tatay.
Bumuntong-hininga si nanay. "Alam mong hindi isang tulad ko ang didikta sa oras ng mga Moon."
"Ang sabihin mo ay gusto mo lang ding magtagal. Natural, nandiyan si Maximor."
"Talagang pagtatalunan natin iyan ngayon, Kaday?"
Sumama ang mukha ni tatay ngunit napilitan ding sumunod kay nanay nang manguna ito papasok.
Panay ang lingon ko sa paligid at bawat parte ng mansyon na madapuan ng mata ko ay mas lalo akong humahanga.
Napakapit ako sa braso ni Kuya Kev nang makarating kami sa hardin at ganoon karaming bisita ang aming nakita. Hindi ako komportable lalo na at pamilya ko lamang ang kilala ko roon.
"Huwag kang matakot dahil mga kaibigan lang nina Maxpein iyan," ngiti ni kuya. "Mababait sila,"aniya na sinuyod ng tingin ang mga naroon.
Sandali kong itinuon ang paningin sa mga taong naroon. Wala sina Ate Maxpein at Kuya Maxwell, hindi ko sigurado kung naroon na sa mga 'yon ang lalaking may kaarawan at nagugutustuhan ni Bree. Ngunit para akong nanonood ng serye o pelikula sapagkat tila sila mga artista. Napakaguguwapo at magaganda!
"Kilala mo silang lahat, kuya?" hindi makapaniwalang tanong ko.
Nakangiting tumango si kuya. "Oo. Ipakikilala kita sa kanila mamaya."
Awtomatikong tumanggi ang parehong kamay ko. "Hindi na kailangan, kuya."
Sa isip ko ay nakaplano nang mananatili lang ako sa mesa sa isang tabi. Hindi ako makikihalubilo sa mga tao dahil nahihiya ako. Nasisiguro ko namang wala ni isa sa mga naroon ang makapapansin sa akin.
Agad na binati ng mga bisita si nanay. Hindi matapos-tapos ang paghanga ko. Ang bawat naroon na lumalapit sa gawi namin ay tinititigan ko ang mga mukha. Ngayon lang ako nakakita ng mga gwapong nilalang bukod sa kuya ko. Ngayon lang din ako nakakilala nang nagagandahang nilalang bukod sa nanay at bunsong kapatid ko.
"Mga anak ko nga pala," ani nanay. "Ang Ate Zaimin Yaz ninyo." Sa akin unang tumama ang paningin ng kinausap niya.
Awtomatiko akong nagtago sa likod ni tatay. Bagaman nakatalikod ako sa kanila ay naririnig ko ang kanilang usapan.
"Naku, Ganda na lang, tita para mas komportable," ani Ate Yaz. "Gaganda naman ng mga dalaga mo, tita! Ilang taon pa at sasabay na sa ganda ko 'yan! Hello!"
"Mahiyain nga lang itong si Dainty," ani nanay.
"Nasaan na po kaya si Maxrill, nanay?"napalakas ang bulong ni Bree.
"Nako, wala pa si Kuya Maxrill. Doon kasi siya tumutuloy sa bahay ng future husband ko," si Ate Yaz ang sumagot sa kapatid ko.
"Sino pong future husband, ate?" ani Bree.
Humalakhak si Ate Yaz. "Sino pa ba? E, di si Maxwell!"
Natawa sina kuya at nanay. "Mayamaya lang ay narito na ang mga 'yon," sabi ni nanay.
"Maupo na muna kayo, tita."
"Sige na, Yaz, huwag mo na kaming intindihin, kami nang bahala. Enjoy the night."
"Enjoy, tita!" Nakatalikod na si Ate Yaz nang sulyapan ko.
Napakaganda niya...
Hindi nagtagal at nagsipaglingunan sa entrada ng mansyon ang mga bisita. Awtomatiko ring tumayo si nanay at sinalubong ang pamilyang Moon. Nasulyapan ko sina Kuya Maxwell at Ate Maxpein pero ang nakaagaw sa atensyon ko ay iyong nangungunang maglakad sa mga ito.
Umawang ang labi ko at pinakatitigan ang lalaking iyon. Hindi ko maipaliwanag ang mabilis na pagkabog sa dibdib ko. Hindi ko magawang alisin ang paningin sa kaniya, pinanood ko ang mabagal na paglalakad niya sa paningin ko. Nahugot ko ang hininga nang makita ko ang pagngiti niya.
Ano itong nararamdaman ko?
Napalingon ako kay Bree nang ganoon na lang ang tuwa niya. Hindi siya mapirmi sa silya at animong kinikiliti pa. Ngunit natigilan ako nang mapagtanto kung sino ang kaniyang tinitingnan.
Kung ganoon ay siya si Maxrill...
Napasandal ako sa silya at gano'n na lang ang panlulumong naramdaman.
"Ate, ate," siniksik ako ni Bree. "'Ayun si Maxrill!"aniya.
Napilitan akong ngumiti sa kaniya saka ko muling nilingon ang Maxrill na 'yon.
Lahat ng sinabi ni Bree ay tama. Walang sinumang makapapantay sa itsura ni Maxrill. Oo nga at gwapo si Kuya Maxwell ngunit hindi kami makaramdam ng paghanga rito dahil sa agwat ng aming edad. Iba si Maxrill. Hindi ko gugustuhin na ituring itong kuya, ano man ang edad niya.
"Ang gwapo niya, hindi ba, ate?" muling ani Bree, naroon pa rin kay Maxrill ang paningin.
"Halika, bumati tayo ng happy birthday kay Maxrill," anyaya ni nanay.
Awtomatikong tumayo si Bree. "Tara, 'nay!"
"Kayo na lang," tanggi ni tatay.
"Tara, Dainty," anyaya naman sa akin ni kuya.
Napatitig ako sa kamay ni kuyang nakalahad sa 'kin. Umiling ako. "Nahihiya ako, kuya, kayo na lang. Dito na lang ako kay tatay."
"Dainty, paano kang masasanay niyan?"
"Nahihiya ako, kuya," nagbaba ako ng tingin. Kung tutuusin wala naman akong takot at hiya kaninang batiin ang may kaarawan. Ngayon ko lang iyon naramdaman at hind ko maipaliwanag kung bakit.
Pinanood ko silang lumapit sa pamilyang Moon at makipagbatian. Naroon lang kay Maxrill ang paningin ko. Hindi ko naiwasang panoorin ang bawat kilos niya, at habang pinanonood siya ay lalong bumibilis ang kabog sa aking dibdib.
"May gusto ka bang kainin, Dainty?" dinig kong tanong ni tatay. Ngunit sa sobrang pagkakatitig ay hindi ko nagawang tumugon. "Dainty?"
"Wala, 'tay," sagot ko na ang paningin ay naroon pa rin kay Maxrill.
"Sige, kukuha na muna ako ng makakain."Nakita ko sa gilid ng aking paningin nang tumayo si tatay.
Naiwan ako sa mesa namin na tulala lamang kay Maxrill. Noon ko lang naramdaman ang ganoon. Ni minsan ay wala akong tinitigan nang ganoon sa telebisyon man o sa litrato ng mga artista. Tanging sa kaniya lang.
Gano'n na lang ang pagpipigil ko ng hininga nang tumingin sa gawi ko si Maxrill. Nakakunot ang kaniyang noo na para bang inaaninaw kung sino ako at bakit ako naroroon. Sumulyap siya kay nanay at saka muling tumingin sa 'kin. Awtomatiko akong pumihit patalikod sa kinarooronan niya saka magkakasunod na lumunok.
Ganoon man kalayo ang distansya namin sa isa't isa, hindi kapani-paniwalang nararamdaman ko ang mga titig niya.
Isa siyang Moon, Dainty. Hindi mo maaabot ang mga ganitong uri ng tao...
"Hee Yong!" ganoon na lang ang pag-angat ng mga balikat ko sa tinig na 'yon.
Naghabulan ang kabog sa dibdib ko nang maangatan ko ng tingin si Maxrill. Wala sa aking ang kaniyang paningin, naroon sa aso na noon ay nakatunghay sa akin at paulit-ulit na inaamoy ang laylayan ng aking palda.
"She looks like Wednesday Adams, huh?" ani Maxrill, hindi ko malaman kung anong sinasabi niya."You aware that this is a birthday party?" muling aniya. "And not a freaking costume party."
Ngunit ang kaba ko ay pinipigilan akong lumingon sa gawi ni Maxrill. Pinigilan din niyon ang tinig kong magsawika ng kahit anong salita. Hindi ko maipaliwanag ang kaba ko.
"Maxrill!" nakahinga ako nang bahagya nang maulinagan ang tinig ni Bree.
"What?" paasik na tugon ni Maxrill.
"Happy birthday, Maxrill!"
"I already thanked you for greeting me a while ago. Dude, in my country you cannot greet me twice in a day whether it's a good morning or a happy birthday."
Umawang ang labi ko. Galit ba siya?
"Heto ang regalo ko, Maxrill!" puno ng excitement ang tinig ng kapatid ko.
Palihim akong sumulyap sa gawi ni ngunit gano'n na lang ang gulat ko nang masalubong ang tingin ni Maxrill! Awtomatiko akong tumalikod muli pero rumehistro na sa isip ko ang nakasimangot niyang mukha.
"What is it?" tanong ni Maxrill.
"Buksan mo upang makita mo."
"Nobody tells me what to do. Open it and show it to me."
Ngunit sa halip na mainis ay mukhang sinunod siya ni Bree nang natutuwa pa. Ganoon na nga talaga siguro ang pagkagusto ng kapatid ko rito. Na balewala na sa kaniya kung ano ang dating ng sinasabi ng hinahangaang lalaki.
"Thank you," dinig kong ani Maxrill.
"Gamitin mo 'yan, ah?" sabi naman ni Bree.
"Of course, M stands for Maxrill, right?"
"Oo!"
"How about you?" muli ay ani Maxrill. Hindi ko narinig na sumagot si Bree kaya hula ko ay ako na ang kinakausap nito.
"Ano..." hindi ko alam ang sasabihin, ni hindi ko siya magawang lingunin.
"Mahiyain ang ate ko," ani Bree.
"Whatever," iyon lang at naramdaman ko na ang mga yabag niya papalayo.
Noon lang muli ako napasulyap. Panay pa rin ang pangungulit ni Bree rito habang naglalakad sila papalayo.
Sa buong party na iyon ay sa kaniya lang ako nakatutok. Tuloy ay napanood ko kung paano siyang kinulit ni Bree, maging kung paano siyang umiwas. Napanood ko kung gaano kaganda ang samahan nilang magkakapatid, maging ang pang-aasar at pagpoprotekta ng mga ito sa kaniya. Pinanood ko kung paano niyang igalang ang kaniyang mga magulang, maging kung paano siya mahalin ng mga ito.
Ngunit ang higit na nakaagaw sa atensyon ko ay ang paraan ng pagtingin niya sa babaeng ipinakilala ni nanay sa amin kanina. Hindi ko man masyadong matitigan ang babaeng 'yon, nakikita ko kung paano itong titigan ni Maxrill. Panay ang pagsunod niya rito at gano'n na lang ang pangungulit. Tuloy ay hindi niya lalo mapansin ang kapatid kong panay rin ang buntot sa kaniya.
Bumuntong-hininga ako at nagbaba na lang ng tingin. Kung ang kapatid ko nga ay hindi niya mapagtuunan ng pansin, ako pa kaya?
Sinulyapan ko ang mga pagkain na kinuha ni tatay at sinabayan na lang siyang kumain. Natapos ang gabing iyon nang hindi ko na muli pang tiningnan si Maxrill.
"Oh, nasaan si Bree?" bungad sa akin ni nanay nang makauwi ako galing eskwela.
"Meron pa silang proyekto, 'nay. Nauna na ako para matulungan ko kayong maghanda ng hapunan."
"Nako, tamang-tama, samahan mo na muna ako sa mansyon ng mga Moon."
"Po?" gano'n na lang agad ang kaba ko.
Dalawang linggo makalipas ang kaarawan ni Maxrill ay hindi na siya nawala sa isip ko. Pero hindi na ako umasang makikita pa uli ito.
Ngunit ang sabi ni Ate Ganda ay hindi naman doon sa mansyon tumitira ang Maxrill na iyon. Siguro ay naroon iyon sa bahay ni Kuya Maxwell.
"Sige po, 'nay," pabuntong-hininga kong tugon.
"'Wag kang mag-alala, sandali lamang tayo. Kakausapin lang ako sandali ni Mokz. Mukhang may ipag-uutos sa akin. Hahatiran ko na rin sila nitong kutsinta."
Nagpalit ako ng bestida bago tumalima kay nanay. Ayaw ko namang pumunta roon nang nakauniporme. Marungis pa naman ang blusa ko dahil sa P.E., naglaro kami ng bola.
"Heurt," si Tiyo More ang sumalubong sa amin. "Naroon sa study si Mokz."
"Nais mo bang sumama roon sa opisina ni Mokz o maiwan ka na lamang dito sa sala, Dainty?"ngiti ni nanay.
Awtomatiko akong kumapit sa kamay niya. "Sasama na lang po ako, 'nay."
Nakangiti naman si Tiyo More sa akin pero ganoon na lang ang hiya at kaba ko. Kahit mukhang ito lang ang tao roon, maliban sa mga lalaking pawang mga nakauniporme sa labas ng mansyon, hindi ko kayang maiwan nang mag-isa roon.
Ganoon na lang ang paghanga ko sa marangyang mansyon. Kahanga-hanga ang mga Moon upang magkaroon nang ganoon kagandang tahanan. Ganoon na lang sila kabubuting tao dahil maging kami ay hindi nila pinababayaan. Iyon nga lang, ayaw ni nanay na iasa sa kanila ang lahat. Kaya naman nagtatrabaho siya sa mga ito para kumita. Tumutulong na lang ang mga ito sa pagpapaaral sa amin para kahit papaano ay kumasya ang kinikita ni nanay. Ayaw naman kasi niyang umabuso sa mga ito at sa tingin ko ay tama lamang iyon.
Tumuloy kami sa magara at malaking kwarto at ganoon na lang uli ang paghanga ko sa limpak-limpak na librong naroon.
"Heurt, maupo kayo," magiliw ang tinig ni Lolo Mokz. "Hello, hija," bati nito sa akin.
Nahihiya akong tumango. "Magandang hapon po." Hindi ko na muli nasalubong pa ang mga tingin niya. Iminuwestra nitong maupo kami.
"Convince me," umangat ang mga balikat ko nang umalingawngaw ang tinig ni Maxrill. "C is the length of the hypotenuse, A and B are the lengths of the other two side. It doesn't matter whether A is the height and B as base or vice versa."
Napalingon ako sa pinanggalingan ng tinig niya. Naroon iyon sa gilid, sa likod ng magkakasunod na estante ng libro. Sumandal ako sa silyang kinauupuan ko at itinuon doon ang bigat at balanse ko hanggang sa masilip ko si Maxrill.
Umawang ang labi ko nang tuluyang masulyapan ang kalahating parte ng kaniyang mukha. Ganoon na lang kapresko ang dating niya sa puti na polo, tila bagong ligo. Nakatayo siya sa harap ng pisara at nagsusulat doon.
Upang lubusang makita ang mukha niya ay mas itinuon ko ang bigat sa sandalan ng silya. Hanggang sa bumagsak iyon patalikod!
"Dainty!" napapalahaw si nanay.
"What's that noise?" 'ayun na ang tinig ni Maxrill. Bago ko pa siya nagawang lingunin ay 'ayun na siya sa ibabaw ko at nakatunghay sa akin. "What happened?"
Awtomatiko kong natakpan ang aking mukha.
Ouch! "Wala po!" maiiyak na sa kahihiyang sabi ko.
Gusto kong magsisi, dahil sa ginawa ko ay naaksidente ako at naabala ang lahat sa kanilang ginagawa.
Naramdaman ko nang may humawak sa parehong braso ko, pilit inaalis ang pagkakatakip ko sa aking mukha.
"Hey, are you alright?" si Maxrill iyon!
Nangatal ang mga kamay ko. Magkakasunod na paghugot ng hininga ang nagawa ko at bago pa man ako makapagsalita ay habol-habol ko na ang hininga. Umaatake ang aking hika.
To be continued. . .
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top