CHAPTER NINE

CHAPTER NINE

"MAUUNA NA kami," paalam ni nanay kay Aling Nenita.

Pero nasa akin ang paningin ng ale, nakangisi at nanunukso talaga. "Sa susunod na pagkikita, Dainty," aliw na aliw nitong sinabi.

Nakagat ko ang aking labi saka napanguso. "Salamat po, Aling Nenita."

"'Oy, tsk, tita...okay?" talagang mapili ito, natawa si nanay.

"Sige po, Tita Nenita," nangingiting sabi ko sabay kaway.

Nauna akong lumabas, pakiramdam ko ay hindi ako makahinga sa loob ng bahay. Bukod sa nag-aalala akong sa isang iglap ay naroon na naman si Maxrill. Hindi ko maintindihan kung bakit may pagkakapareho sila ng kilos ni nanay. Nakabibigla. Iyon bang magugulat ka na lang na naroon na sila sa tabi, likod o harap mo. Nang hindi mo nakikitang lumalapit.

Napanguso ako. Siguro ay ako ang may problema. Natural lang ang bilis nila. Ako ang mabagal at hindi sila.

"Aren't you saying good bye to me?" napatalon ako sa gulat nang mangibabaw ang tinig ni Maxrill!

Nasisiguro kong naroon ito ngayon sa balkonahe ng kaniyang kwarto at nakatunghay sa 'kin! Iba talaga abg dating ng kaniyang boses, para iyong kuryenteng dumadaloy sa bawat ugat na meron ang aking katawan. Hindi ko maintindihan. Siya ang natatanging mayroong ganoong epekto sa 'kin. Ni minsan ay hindi ko iyon naramdaman sa iba. Natutuliro na ako sa kaiisip.

"I'm the one leaving," dagdag niya!

"Ano..." hindi ganoon kalakas ang pagsagot ko, siguradong hindi niya narinig. "Bye-bye!" nakapikit, nakayuko kong sagot saka ako naglakad-takbo papalayo.

"Ya!" narinig kong sigaw niya, lalo akong napapikit ngunit hindi ako huminto.

Sa halip ay marahan akong nagmulat sa takot na madapa. Nagtago ako sa ilalim nang malaki at malagong puno at doon siya pilit na sinilip.

Nalukot ang mukha ko nang makitang panay rin ang pagsilip niya kaya naman lalo pa akong nagtago.

Para siyang kidlat... Kabado kong nasabi sa isip. Totoong parang kidlat ang boses niya sa akin. Dumaragundong sa hindi ko maipaliwanag na dahilan. Napapapikit ako sa kaba.

Muli ko siyang sinilip at gano'n na lang ang gulat ko nang makitang panay pa rin ang pagsilip niya. Nakagat ko ang daliri ko, lukot na lukot ang mukha.

Hindi kita kayang harapin, Maxrill. Kumuyom ang isang palad ko saka muling sinulyapan ang gawi niya. Pero natanaw ko na sina Bree at nanay. Nang muli kong tingnan ang balkonahe sa kwarto ni Maxrill ay wala na ito roon.

Minsan pa akong sumilip bago umalis sa pagtatago sa ilalim ng malaking puno upang salubungin sina nanay. Gano'n na lang ang pagtataka nilang pareho.

"Bakit nariyan ka?" ani nanay.

"Ano..." napanguso ako at hindi na maalis ang pagkakayuko. "Umuwi na po tayo, nanay."

"Hinahanap ka ni Maxrill, ate! Bakit nauna ka na?" tila bale-wala man lang kay Bree na hinanap ako ng lalaking iniibig niya.

Umawang ang labi ko at biglang nakonsensya. Ako ay sumasama ang loob dahil sa iniisip niyang makipag-date kay Maxrill, na nagpapaganda siya para rito. Pero siya ay hindi man lang kakitaan ng pagtatampo sa 'kin nang hanapin ako ni Maxrill.

"Hindi ako...komportable sa kaniya," naisagot ko.

Totoo naman 'yon pero hindi dahil ayaw ko ni Maxrill. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko sa t'wing malapit siya. Sa una lang parati malakas ang loob ko, gaya nang yayain ako ni nanay na maghatid ng pichi-pichi. Pero natatanaw ko pa lang siya sa malayo ay nagkakandaloko-loko na ang aking sistema.

"Magpapaalam lang naman 'yon," ani Nanay Heurt. "Hindi raw niya makita ang mukha mo,"nakagat ko ang labi nang makita ang palihim at nanunukso niyang ngisi.

Nakonsensya na naman ako. Para naming tinatraydor ang kapatid kong si Bree. Ni wala itong ideya na may pagkakaintindihan kami ni nanay tungkol sa nararamdaman ko. Siya itong hayagang isinisiwalat sa lahat ang pagtingin kay Maxrill pero walang kumampi sa kaniya. Ako na nga lang ang pinagkakatiwalaan niya, ganito pa ang naramdaman ko.

Gusto kong manlumo. Gusto kong pagsisihan na sumama pa ako sa kaarawan ni Maxrill. Hiniling kong sana ay hindi ko na lang ito nakilala. Pero awtomatikong tumanggi ang puso ko. Sinasabi niyong hindi ako sasaya nang ganito kung hindi ko siya nakilala.

Napapikit ako sa pag-iisip. Lukot na lukot ang mukha ko hanggang sa makarating kami sa bahay. Nagkulong ako roon at nagsabing paghahandaan ang long quiz ni Sir Ciufan habang naghihintay ng hapunan. Si Bree ang tumulong kay nanay na magluto at maghanda.

Talaga namang ganoon ang ginawa ko. Inilabas ko ang mga libro at notebook ko. Talagang nagsulat ako. Maski ang kakayahang mag-focus sa pag-aaral nang iniisip si Maxrill ay kagulat-gulat na nagagawa ko. Hindi ko malilimutang napagalitan ako ni Sir Ciufan dahil sa malalim na pag-iisip kay Rhumzell. Lutang ako nang araw na 'yon dahil do'n. Kaya gano'n na lang dina ng galit sa 'kin ng mga kaklase ko, lalo na ni Miguel. Ano't ganito ang epekto ni Maxrill? Nagagawa kong alalahanin mula nang matanaw ko siya sa balkonahe habang papalapit ang traysikel na sinasakyan namin. Nagawa kong alalahanin ang bawat pagbabago sa itsura niya. Mula sa pagtingin sa gitara hanggang sa pagsulyap sa aming traysikel. Mula sa pagtayo niya hanggang sa mga pagbaba niya ng tingin.

Napakagwapo niya...

Napapikit ako habang mine-memorize ang pangalan ng mga nakaraang presidente at bise presidente ng bansa hanggang sa kasalukuyan. Kakaiba talaga, ni hindi ko matandaang may naintindihan ako sa tinuturo ng lecturer noong si Rhumzell ang iniisip ko. At gusto kong makonsensya na sa kabila ng kabutihan niya ay ganito ang nararamdaman ko.

Hindi ako karapat-dapat magustuhan ni Rhumzell.

"Ate, kain na!" yaya ni Bree. Wala akong nagawa kundi ang itigil ang ginagawa. Gusto kong magulat nang makita kung gaano karaming pahina ang natapos ko.

Nakagat ko ang labi ko at muling naalala ang mukha ni Maxrill mula sa salamin sa harap ko. Hindi ko maintindihan kung bakit pakiramdam ko ay napakadiin ng mga titig niya sa 'kin. Na para bang nagawa ko 'yong maramdaman hanggang sa aking kaluluwa. Napapikit ako nang dumagundong na naman ang tinig niya sa pandinig ko. Napakasarap pakinggan ng boses niya, buong-buo ngunit malamig sa pandinig. Tuloy ay nahiling kong mapakinggan siyang kumanta...kahit sa malayo lang.

"Dainty!" pagtawag ni kuya.

Ngali-ngali akong lumabas. "'Eto na po,"nakanguso kong sabi.

"Hinahanap nga siya ni Maxrill! Ewan ko ba diyan kay ate, sa labas na namin naabutan ni nanay," tumatawang ani Bree. Hindi ko inaasahan.

Natulala ako nang makitang lahat sila ay nakadulog na sa mesa at nakatingin sa akin. Nakakunot ang noo ni tatay, tila binabasa ang reaksyon ko. Si kuya ay nakalapat ang labi, tila kinakapa rin ang mga kilos ko base sa kwento ng aming bunso. 'Ayun pa rin ang nanunuksong tingin ni at ngiti ni nanay, palibhasa'y may alam. Nakakaloko rin ang ngisi ni Bree ngunit kahanga-hangang walang malisya.

"Ano..." nalukot na naman ang mukha ko. Dali-dali akong naupo sa tabi ni nanay. Ramdam ko pa rin ang titig ni tatay kaya naman ganoon na lang ang pagbaba ko ng tingin.

"Bakit nga ba hindi mo pa sagutin ang Echavez na 'yon, Dainty?" bigla ay sabi ni tatay.

Nagugulat akong nag-angat ng tingin sa kaniya, hindi lang ako ang nagulat, maging sina nanay, Bree at kuya. Bumuntong-hininga naman si tatay saka ginalaw-galaw ang ulam sa kaniyang plato.

"Gusto ko ang batang 'yon," dagdag ni tatay.

"Hindi naman ikaw ang makikipagrelasyon, Kaday," kabig ni nanay. "Huwag mong madaliin ang anak mo."

"Hindi ko siya minamadali," sagot ni tatay. "Pero saan pa ba patutungo ang ligawan nila't doon din? Hindi naman sa tinatakot ko ang anak natin pero baka magsawa ang isang 'yon."

"Hayaan mo si Dainty kung hindi pa siya handa, Kaday," giit ni nanay.

"Ano ba ang pinaghahandaan mo pa?" baling sa 'kin ni tatay, hindi ako nakasagot. "Sagutin mo na ang binatilyong Echavez. Kung mas maganda iyong magkakilala kayo nang malalim maaga pa lang. Para kayo ang magkatuluyan sa huli."

"Kaday..." nakikiusap ang tinig ni nanay.

Matalim siyang tiningnan ni tatay. "Mas mabuti nang magkakilala sila nang husto habang nasa relasyon kaysa pagsisihan ang isa't isa kung kailan huli na. Huwag mo silang igaya sa atin. Sa tagal nating magkakilala, inayawan natin ang isa't isa kung kailan tayo na ang magkasama."

"Hindi mo kailangang sabihin ang lahat nang 'yan sa harap ng mga bata, Kaday."

Ngumisi si tatay. "Bakit naman hindi? Anak ko naman ang mga iyan. Ang anak mo ay naroon sa mga Moon, Heurt."

"Kaday..." nakikiusap ang tinig ni nanay. "Pakiusap, huwag mong sirain ang hapunan."

Bumuntong-hininga si tatay, mahihimigan ang inis. Pero sinunod niya si nanay, kumain kaming lahat ng tahimik.

Nakakalungkot. Hindi na natapos ang usaping 'yon nina nanay at tatay. May mga oras naman na magkasundo sila. Pero mula yata nang makalipat kami sa bahay na ito, na binigay ni Ate Maxpein, nagbago na si tatay. Naging madalas na pag-iinit ng kaniyang ulo.

Nasisiguro kong ang dahilan no'n ay ang pride niya. Noon pa man kasi ay iba na ang nasasabi niya sa mga Moon. Hindi rin maitatanggi ang pagkadisgusto niya sa t'wing kaharap ang mga ito. Nakakalungkot na ganito si tatay gayong wala namang ipinakitang masama ang pamilyang Moon sa amin. Malaki ang utang na loob namin sa kanila.

Natapos ko nga ang mga dapat kong aralin pero hindi na talaga nawala si Maxrill sa isip ko. Nagpaulit-ulit sa isip ko ang itsura niya, ang boses niya, maging ang kaniyang suot. Maski na ang amoy niya ay para bang kumapit na sa aking pang-amoy, hindi ko na malimutan. Na hanggang ngayon ay para bang naaamoy ko. Nababaliw na yata ako.

Pinuyat ako ng kaiisip sa kaniya. Hanggang sa umabot ako sa desisyong magtapat na kay Rhumzell. Kailangan ko nang sabihin sa kaniyang hindi ko kayang suklian ang nararamdaman niya. Kailangan niya nang malaman na hanggang kaibigan lang ang turing ko sa kaniya at hindi na magbabago iyon.

Nasa sa kaniya na 'yon kung gugustuhin niyang makipagkaibigan sa 'kin. Kung sasabihin niyang gusto niya pa rin akong sunduin at ihatid, papayagan ko siya pero hindi na maaaring araw-araw. Kasi kung wala rin namang magbabago, mahihirapan siya lalo.

"Magandang umaga po," bati ni Rhumzell kinabukasan.

Nakamot ko ang ulo nang magulat ako. Dapat ay inaasahan ko na siya. Pero dahil talagang nawala siya sa isip ko ay nabigla pa akong makita siya.

"'Musta, Echavez?" ngisi ni kuya.

Nakita ko nang tumaas ang kilay ni Rhumzell saka ngumisi. "I'm cool, Kev."

"You ready for interhigh?" biro ni kuya.

Nakangiwing umiling si Rhumzell. "Are you?"

Tawa at ngiwi lang ang isinagot ni kuya, gano'n kakompyansa. Pero hindi maitatangging iba rin ang kompyansa ni Rhumzell. Mukhang magkakabangga sila.

"Sabay ka na sa 'min," anyaya ni Rhumzell kay kuya.

"Sure! Thanks," ngiti ni kuya.

"Ako na ang magdadala ng gamit mo, Dainty,"ani Rhumzell matapos magpaalam sa mga magulang ko, na talagang kinuha ang binder ko.

Naisip kong kung kakasya lamang ang malaking binder na 'yon sa bag ko ay hindi ko na 'yon bibitbitin pa.

"Salamat, Rhumzell," iyon na lang ang naisagot ko.

Panay ang kwentuhan nina kuya at Rhumzell habang nasa daan. Paminsan-minsan ay sumasabat si Bree sa kanila. Pero ako ay hindi sila masabayan. Panay ang pag-iisip ko kung paanong sasabihin kay Rhumzell na maging magkaibigan na lang kami.

Panay ang pag-iisip ko kung anong mga tamang salita ang maaari kong gamitin para hindi ko siya gaanong masaktan. Naiintindihan kong masasaktan at masasaktan siya. Napakabait niya sa 'kin pero hindi ko masusuklian ang nararamdaman niya.

Pero nagkamali ako nang isipin kong magagawa ko 'yon. Nagkamali ako nang planuhin kong sabihin 'yon nang araw na 'yon. Dahil hindi iyon nangyari. Sa halip ay dumaan ang maraming araw at linggo ng pagiging tuliro ko. Na paulit-ulit lang iniisip, sinasabi at pinaplanong magsabi kay Rhumzell pero hindi naman nangyari. Nang dahil sa hiya ay hindi ko nagawang magsalita.

"Ito na lang kaya, ate?" Ipinakita ni Bree ang itim na long gown. Ngunit sa una lang ako napatitig doon.

Gusto ko ang haba niyon pero nang mapagtantong walang strap sa mga balikat iyon ay napailing na ako.

"Ate, nakakaisandaang damit na tayo, hindi ka pa rin nakakapili ng isusuot mo sa acquaintance party," nakangusong ani Bree.

"Pasensya na, Bree, ano kasi..." nalukot ang mukha ko saka nakangusong nagbaba ng tingin sa paa ko. "Gusto ko na matakpan ang paa ko pero..."napatitig ako sa dibdib ng damit na 'yon. "Wala naman 'yang tali, Bree. Mahuhulog 'yan sa katawan ko."

"Malaki naman ang dede mo, ate," bulong niya.

Nanlaki ang mga mata ko sa gulat saka tinakpan ang bibig niya! "Ano ka ba, Bree?" magagalit nang sabi ko, bagaman hindi iyon halata sa mukha at boses ko. "Hindi dapat 'yan sinusuot ng babae."

"So, tingin mo panlalaki 'to, ate?" sarkastikang aniya.

"Hindi," simangot ko. "Ibig ko bang sabihin, hindi 'yan normal na damit."

"Ate, ikaw ang hindi normal! Hindi ka na naka-move on diyan sa mga bestida mo. Ate naman, bukod sa 'yo, may nakikita ka pa bang nagsusuot nang ganyan?"

Sinuyod niya ng tingin ang kabuuan ko. Nakanguso kong sinulyapan ang aking sarili sa salamin. Talagang wala akong makitang mali sa suot ko. Ang totoo ay siya ang kinakikitaan ko ng mali sa pananamit.

"Bree," bumuntong-hininga ako. "Hindi mo naman naiintindihan, e," ngumuso ako. "Ang dibdib, hindi pinapakita dapat sa iba. Dapat sa asawa lang."

"Ate, panahon pa 'yon ng mga matatanda."

"Walang panahong pinipili ang pananamit, Bree."

"Sa pananaw mo, ate, wala. Hay, nako, ate, hindi ko na 'to ipipilit sa 'yo. Hahanapan na lang uli kita."

"'Yong may manggas, Bree."

"Ano ba, ate?" naaasar na siya sa 'kin. "Bakit may manggas? Pagtatawanan ka no'n."

"E, ano?" pagnguso ko. "Nasaan na ba kasi si nanay? Mas nahihirapan akong pumili ng damit dahil lahat ng gusto ko ay tinatanggihan mo, Bree."

"Kasi naman, ate, hindi pang-acquaintance party 'yong pinipili mo. Sleeveless dapat ang isuot mo."

"Wala namang sinabi na ganoon dapat ang isuot, 'di ba?"

"Oo nga, pero wala ring sinabing mag-longsleeves ka, ate. 'Wag ka ngang baduy!"

"Baduy-baduy, e, iyon ang tamang pananamit, Bree."

"Tamang pananamit din naman ang ganito, ate. Kaya nga tinawag na party dress ang mga 'to ay para sa party."

"Hindi ko kayang magsuot ng ganyan, Bree."

Lumaylay ang mga balikat niya. "Siya, sige na, naghahanap pa ako ng iba."

Batid kong naiinis na sa akin si Bree. Paano ay mahigit limang oras na kaming naghahanap ng maisusuot ko, wala pa rin akong napipili. Sino naman kasi ang makapipili, panay bulgar ang mga napipili niya. Iisipin ko pa lang ay parang hindi ko na maisuot ang mga 'yon.

Acquaintance party na namin bukas, Sabado. Ayaw ko na sanang um-attend doon pero gusto ng pamilya kong maranasan ko 'yon. Bukod sa nagpresinta si Rhumzell na maging kapareha ko. Bago pa niya ako mayayang sasamahan ay naipagpaalam niya na kay Dean Enrile ang pagdalo.

Hindi naman iyon labag sa loob ko. Nangingibabaw lang talaga ang hiya ko. Na pakiramdam ko ay hindi ako karapat-dapat sa ganoong event. Nahihiya akong may masabi ang mga naroon sa paa ko.

"Ate!" nagtatakbo si Bree patungo sa 'kin. "Ate, ate, tumawag sa 'kin si Ate Maxpein!" nanginginig na aniya, nagtatalon pa.

"Oh? Ano ang sabi ni ate?"

"Ate, uuwi si Maxrill sa acquaintance party, siya ang special guest, ate!" napuno ng ingay niya ang store kung nasaan kami. "Pupunta siya, ate! Pupunta si Maxrill Won Del Valle!" Dumagundong ang pangalang iyon sa pandinig ko nang sabihin niya, apektado ang dibdib ko.

Pinagtinginan kami ng mga naroon at nasamaan ng tingin. "Pasensya na po," paumanhin ko. "Sorry po."Ako ang napahiya dahil sa kapatid ko.

Pero ang katotohanang darating si Maxrill ay pinaghalo-halo na ang sistema ko. May kung anong kiliti akong naramdaman mula sa tiyan, paakyat sa dibdib ko. Hindi ko napigilang mangiti nang todo kay Bree. Ngunit ipinakita kong natutuwa ako para sa kaniya.

"Ate, naiiyak ako sa saya!" Natigilan ako nang mabasa ang emosyon sa mga mata at kabuuan ng mukha ni Bree. Hindi lang excitement ang makikita sa kaniya kundi higit pa.

Wala sa sarili kong nilingon ang itim na dress na ipinipilit niya sa akin kanina. Ngunit awtomatiko rin akong napailing, binubura ang naisip. Hindi ako makapaniwalang naisip kong isuot iyon nang dahil lang sa nalaman kong darating si Maxrill.

"Grabe, iba talaga ang may sariling eroplano, ano?" hindi talaga makapaniwala si Bree.

Ako ay nakatulala na habang ang kamay ay nagpapanggap na naghahanap ng damit. Siya ay panay man ang kuda, nakakapaghanap pa rin ng damit para sa akin.

"'Eto, ate! Tutal bagay na bagay sa 'yo ang blue!" ani Bree.

Nilingon ko siya at saka nagbaba ng tingin sa hawak niya. Agad nalukot ang mukha ko nang makita kung gaano iyon kaiksi! May strap nga ngunit manipis pa sa pinakamaliit kong daliri.

"Bree naman..." nawawalan na talaga ako ng pag-asa.

"Dapat ikaw ang maging Face of the Night! Kasi may premyo 'yon!"

"Paano naman ako mananalong gano'n?"nakanguso kong sabi, ang nasa isip ay ang paa ko. Imposibleng mangyari ang sinasabi niya.

"Kapag nagpaganda ka ay mananalo ka, ate! Ikaw ang pinakamaganda sa BIS!" may kompyansang ani Bree, animong siguradong-sigurado.

"Paano naman nangyari 'yon?"

"Ate, maniwala ka sa 'kin, napakaganda mo talaga."

"'Wag mo na akong utuin, Bree, wala akong pera."

"Hindi ko naman sinasabi 'to para magkapera, 'no. Psh!" sinimangutan niya ako. "Sukatin mo na 'to, ate. Please?"

"Pero..." lukot ang mukha kong tumitig sa damit na inilahad niya.

Lumaylay ang mga balikat ko saka pinakatitigan ang damit na hawak niya. Kung kulay at tela ang pagbabasihan ay talagang maganda iyon sa isang tingin pa lang. Pero ang maisuot 'yon hindi ako sigurado.

Napangiwi ako nang makita ang manipis niyong strap nang mahawakan na. Maging ang lalim ng dibdib niyon ay tinatanggihan ng dibdib ko. Ang haba niyon ay nakapagpadesisyon sa 'king ilahad pabalik iyon kay Bree.

"Hindi ko 'yan kayang isuot," malungkot kong tugon.

Napabuntong-hininga si Bree. "Ate naman, e..."

"Sorry kung napapagod ka na, Bree," malungkot ko lalong tugon. "Hindi ko talaga kaya."

"Huwag mong pilitin ang ate mo kung hindi niya kaya, Bree," nangibabaw ang tinig ni nanay.

"Nanay..." sabay naming sabi ni Bree. Patakbo siyang lumapit dito. "'Nay, uuwi po si Maxrill sa party!"

"Oh? Hindi ba't kauuwi lang niya? Ano't uuwi na naman siya?" hindi ko alam kung bakit sinulyapan ako ni nanay bagaman nasa mukha ang pagtataka.

Naramdaman ko lang na hindi na kailangang sulyapan pa niya ako. Napanguso ako nang maisip na iniisip ni nanay na ako ang dahilan kung bakit uuwi na naman si Maxrill. Imposible kasi 'yon masyado.

"Siya po ang special guest namin sa acquaintance party, 'nay!" excited na balita ni Bree. "Kung hindi lang po talaga ako member ng BIS Band ay pipiliin ko po 'yong pinakamagandang dress dito! Ito kasi pong si Ate Dainty ay hindi marunong manamit, napakabaduy. Ang gusto ba naman po niya ay 'yong longsleeves at hanggang talampakan ang palda? May magsasayaw pa po ba sa kaniya no'n sa panahong 'to, 'nay?" tinawanan ako nang matindi ng bunsong kapatid ko. Napanguso ako.

"Heto na ang sapatos mo, Dainty. Sukatin mo,"ani nanay na inalalayan akong maupo.

Gano'n na lang ang panlalaki ng mga mata ko nang makita kung gaano kataas ang takong niyon. "'Nay, hindi pa po ako maaaring magsuot ng ganyan,"tanggi ko.

"'Wag ka ngang maarte, ate, two inches lang 'yan!"

Itinabi ko ang daliri ko doon at sinukat. Tama siya, dalawang pulgada lamang nga 'yon. "Pero bakit parang napakataas?" hindi makapaniwalang sabi ko.

Tatanggi pa sana ako ngunit 'ayun at si nanay na ang nagsuot niyon para sa 'kin. "Tumayo ka," aniya pa saka ako inalalayan.

Nasulyapan ko ang aking sarili sa salamin. Gano'n lang 'yon kasimple pero ang pagmaang ko ay animong gigintuin 'yon kahit hindi. Hangang-hanga ako.

"Napakaganda po, 'nay, salamat," emosyonal ko siyang nayakap.

"Para two-inch sandals, ate," natawa si Bree.

Napanguso ako. "Pinag-ipunan ni nanay 'to, 'no," sabi ko. "Salamat, nanay."

"Walang anuman," ngiti niya. "Kaya tulungan mo ulit akong gumawa ng pichi-pichi dahil hindi raw nakatulog 'yong suki ko. Lalo raw nasarapan sa pichi-pichi nang malamang katulong ko sa pagluto ang anak ko."

"Sino pong suki, 'nay?" interesadong ani Bree, ang paningin ay naroon pa rin sa pamimili ng damit sa displays.

Natatawang sumulyap sa akin si nanay. "Iyong malapit na kakilala ko," pakiramdam ko ay makahulugan niyang sinabi. "May napili ka na bang bestida?" iniba niya ang usapan.

Bakit pakiramdam ko ay si Maxrill ang tinutukoy niya? Nakagat ko ang labi ko saka ako napanguso nang todo-todo.

"Kung hindi lang talaga ako member ng BIS Band ay ito ang isusuot ko, 'nay, oh! Bagay na bagay sa 'kin!" ani Bree na may hawak na damit at isinukat sa sarili sa salamin.

Pinalo ito ni nanay sa braso. "Magtigil ka nga, Bree! Mas mukha pang damit ang kamison diyan, e!" asik niya. Paano'y napakanipis niyong pinili niya. Tube at short skirt na nga ay labas pa ang likod at tiyan.

"Ito na lang kaya isuot mo, ate?" biro ni Bree.

Napanguso ako. "Hindi naman damit 'yan, e."Gano'n na lang ang gulat ko nang pagtaasan ako ng kilay ng staff ng store matapos akong marinig. Nalukot ang mukha ko. "Sorry po."

"Pumili ka na, Dainty, hindi tayo maaaring gabihin. Lalabhan pa natin 'yang damit mo para bukas," ani nanay.

Pakiramdam ko ay nahihilo na ako sa dami ng damit ngunit maski isa sa mga 'yon ay hindi ako makapili. Hanggang sa matigilan ako sa suot ng manekin.

Kulay light pink iyon na chiffon cocktail dress. Kaakit-akit ang kulay, haltered ang neckline at punong-puno ng kumikinang na sequins. Hapit iyon sa tiyan, siguradong lalo na sa dibdib. Bukas ang likuran at sa dami ng maiiksing damit na nakita ko ay iyon pa lang yata ang aking nagustuhan.

"Gusto mo 'yan?" tanong ni nanay.

Nanlaki ang mga mata ko saka marahang napaharap sa kaniya. "Hindi po, 'nay," maagap kong sagot.

"This is our new arrival, ma'am," anang staff. "Hindi po siya kasama sa discounted items."

Hindi man lang ito hinarap ni nanay. "Isukat mo,"ani nanay.

"Hindi na po," tanggi ko. "Iba po ang gusto ko."

"'Yong totoo?" ngiti ni nanay.

"Ate, sige na," tudyo ni Bree. "Ang ganda-ganda, ate. Paniguradong babagay sa 'yo 'yan."

"Excuse me, ma'am, we have no try-ons policy,"anang staff.

"Paano ko malalaman kung kakasya sa kaniya?" kunot-noong ani nanay.

"Bibilhin niyo po ba? New arrival po 'yan at walang discount," nakangiting anang staff.

Napabuntong-hininga si nanay. "Sige, ilabas mo lahat ng sukat. Lahat ng maisukat niya ay bibilhin ko."

"Ma'am?" nagugulat na anang staff.

"Iyong kakasya sa kaniya ang kukunin namin, 'yong hindi ay sa iyo na. Libre 'yon, 'wag kang mag-alala," nakangiti pa ring ani nanay.

Hindi nakakilos ang staff, naiwan itong nakamaang kay nanay. Tila inaalam kung seryoso ba si nanay. Napalingon din ako kay nanay, inaalam kung ano ba ang totoo sa sinasabi niya.

"Huwag kang mag-alala at kakilala kami ng mga Yanai, ang may ari nitong mall," hindi nawawala ang ngiti ni nanay.

Awtomatikong napatungo ang staff. "Please give me a minute, ma'am," nakatungo ito hanggang sa iwan kami.

"'Nay, sigurado po ba kayo? Eh, baka po mahal 'yon, bago raw na labas," nahihiya kong sinabi. Sa unang tingin pa lang ay sigurado akong mamahalin na 'yon. Bukod sa sapatos na binili niya.

"Huwag kang mag-alala at sagot ni Kuya Tobi mo ang mga 'yan," ngingisi-ngising ani nanay.

"Sino pong Kuya Tobi?" sabi ko.

"Best friend ni Kuya Deib 'yon, ate!" si Bree ang sumagot. Nanlaki ang mga mata ko. "Si Kuya Tob ang may ari nitong mall."

"Binanggit mo po ba sa kanilang may party ako, 'nay? Nakakahiya," pagtanggi ko.

"Ano ka ba? Noon pa mang bago kayo mag-enroll sa BIS ay sinabi niya nang lahat ng kakailanganin ninyo kapag may events ay sagot niya na," paliwanag ni nanay.

"Nakakahiya naman po."

"Mababait ang mga 'yon," ngiti ni nanay. "Kaya pagbutihin mo pa ang pag-aaral para matuwa lahat ng tumutulong sa 'tin."

Napangiti ako. "Opo, 'nay."

Nang sandaling iyon pa lang ay wala nang paglagyan ang pananabik ko. Ang napakagandang damit at sapatos, lalo na ang katotohanang darating si Maxrill sa party ay binulabog ang buong sistema ko.

Gusto kong maiyak nang tuluyang maisuot ang damit. Iyong unang damit pa lang na isinukat ko ay kumasya na agad sa 'kin. Talagang nangilid ang luha ko nang makitang wala pa man akong ayos ay gumanda na ako sa damit na 'yon.

"Napakaganda mo, Dainty," nakangiting ani nanay habang naroon sa salamin. Maging si Bree at iyong staff ay mga nakamaang sa akin.

"Artista po ba kayo?" naguguluhang anang staff.

Natawa sina nanay at Bree. "Hindi po artista ang ate ko. Maganda lang talaga siya."

Sinuyod ako ng tingin ng staff, nahinto iyon sa paanan ko saka naiilang na sinalubong muli ang tingin ko at tumango.

"Talaga bang ikaw ang anak ko?" hindi makapaniwala si tatay nang makita ako matapos maayusan. Kung gaano akong ka-excited nang bilhin at isukat ko ang damit na 'yon ay gano'n naman ang panginginig ko nang dumating ang mismong araw ng party.

"Tatay naman, e," napanguso ako, lukot na naman ang mukha.

"Halika nga!" Kinuha niya ang kamay ko at pinaikot ako, ganoon sa mga sumasayaw. Nag-init ang mukha ko nang makita ang kaniyang paghanga. "Napakaganda mo naman, Dainty! Pwede ka nang mag-artista."

"Hindi po," nakanguso ko pa ring sabi.

"'Wag ka ngang nguso nang nguso, pumapangit ka," ani Kuya Kev.

Sumimangot ako. "Nahihiya po ako. 'Wag na lang po kaya akong dumalo? Nakalabas ang likuran ko at parang hindi tama na ganito ang suot ko." 'Ayun na naman ang mababang kompyansa ko sa sarili. Nakikita ko nang maganda sa akin ang damit pero may kung anong nagtutulak sa 'kin na huwag iyong paniwalaan.

Wala akong lakas ng loob dahil nauna na si Bree matapos akong ayusan ng mukha. Si nanay ang tumulong sa 'king maisuot ang damit at mag-ayos ng buhok. Salamat sa stockings na hindi nalalayo sa kulay ng balat ko, naitago ang ang ikinahihiya kong parte ng aking katawan.

Ngayon ay hindi matawaran ang paghanga sa pare-pareho nilang mukha. Hindi ko tuloy maiwasang mahiya.

"Good evening po," nangibabaw ang tinig ni Rhumzell mula sa likuran, sabay-sabay kaming napalingon sa kaniya.

Napangiti ako nang makita ang kaniyang itsura. Pero natigilan ako nang makita ang pagkatulala niya sa akin. Nakagat ko ang aking labi saka ako napanguso.

"You're so beautiful, Dainty," natitigilan niyang sabi, ang paningin ay hindi maalis sa 'kin.

Hindi ko na tuloy alam kung saan titingin. "Halika na nga," sabi ko saka niyaya siya.

Pero mula sa pamamaalam sa aking pamilya, hanggang sa makarating kami sa school ay parang hindi niya inalis ang tingin sa 'kin. May nagmaneho kasi para sa amin.

"Ano..." nakagat ko na naman ang labi ko at napanguso. "Naiilang na ako sa 'yo, Rhumzell."

Natawa siya. "Nakakatulala ang ganda mo, Dainty," pabulong niyang sinabi. Natigilan ako nang makita ang pamumula niya.

"Salamat, Rhumzell," nahihiya ko ring sabi.

"Wear this," bigla ay iniabot niya ang puting maskara sa akin. Mata lang ang natatakpan niyon, makinang at tumutugma sa mga palamuti ng aking damit.

"Para saan 'to?" nahakawan ko iyon upang matulungan siyang maisuot iyon nang ayos.

"No'ng bilhin ko 'to ay naisip kong makakabawas 'to sa hiya mo," ngiti niya saka tinapos ang pagtatali niyon sa likuran ng buhok ko. Tiningnan niya ang kabuuan ng aking mukha nang may paghanga. "Pero nang makita kita...parang ayaw ko nang makita ka ng iba."

"Thank you, Rhumzell." Talagang natuwa ako na naisip niya ang hiya ko gayong ako ay pinoproblema iyon kanina lang.

Natigilan ako at nakagat ang labi. Ngunguso na sana ako nang makitang matigilan siya at mapatitig sa kagat-kagat kong labi. Naitikom ko 'yon saka ako nag-iwas ng tingin. Napapahiya niyang kinuha ang maskara na para sa kaniya at isinuot iyon.

Kinuha niya ang kamay ko at inalalayan ako pababa ng sasakyan nang makarating kami. Hanggang sa maglakad kami papasok ay talagang hindi inalis ni Rhumzell ang tingin sa akin. Hindi ko na alam ang aking sasabihin.

"Who is she?" dinig kong bulong ng isa sa mga babaeng nadaanan namin.

"Look at that dress, stunning," bulong ng isa pa.

"And look at her glamorous skin," hindi makapaniwalang bulong ng ikatlo. "I'm envious, who is she?"

"Wait...is that Rhumzell Echavez?" hindi makapaniwalang sabi ng isa pa.

Nagkatinginan kami ni Rhumzell, natawa siya habang ako ay napanguso na lang. Ayaw ko nang makarinig nang ganoon. Pero talagang natuwa ako na hindi nila ako makilala. Gusto kong magpasalamat sa stockings na binili ni nanay, talagang hindi halata ang bakal sa paa ko.

Naramdaman ko ang paningin ng lahat sa amin nang dumaan kami mismo sa gitna. Gano'n na lang kabilis na nangibabaw ang bulungan ng mga nakapansin sa amin. Nagbaba ako ng tingin at humigpit ang pagkakahawak sa braso ni Rhumzell dahil sa hiya.

"Rhumzell!" nasulyapan ko agad ang papalapit nang si Danice. Ngunit natigilan siya matapos akong masulyapan. Nakita ko kung paanong tumaas ang kilay niya at sinuyod ng tingin ang aking kabuuan.

"Good evening, Danice," ani Rhumzell.

"Ito na ba ang nililigawan mo?" ngisi ni Danice. "Looking good, Dainty."

"Thank you, Danice. Mas maganda ka pa rin,"sagot ko. Hindi ako nagsisinungaling. Sa pula niyang dress ay talagang nangingibabaw ang kaniyang ganda.

"Of course," ngisi ni Danice saka pinagkrus ang mga braso. "What's with the mask?" natatawa niyang sabi saka sinulyapan ang paa ko. "Kung kailan natakpan ang paa mo, saka ka nagtakip ng mukha?"

"Danice?" bulong ni Rhumzell.

"What?"

"Stop it."

"Stop, what, Rhumzell?"

"Are you seriously bullying her in front of me?"naroon ang inis sa tinig ni Rhumzell.

Nakangising umawang ang labi ni Danice. "Wow, Rhumzell. Bullying? You call this bullying?"sarkastikang aniya. "Anong tawag sa ginagawa mo, kung gano'n?"

"Danice?" nagbabanta ang tinig ni Rhumzell.

"You're calling me a bully? What should I call you, then?" naghahamong ani Danice.

Nagpalitan ako ng tingin sa kanila ni Rhumzell. Ano ba ang pinag-uusapan nila? Hindi ko maintindihan kung bakit gano'n na lang ang aking kaba.

Pasiring na inalis ni Danice ang tingin kay Rhumzell saka ibinaling sa 'kin. "Do you really thing he likes you, Dainty?" mataray na aniya, natigilan ako. "Sa itsura mo?"

"Danice..." usal ni Rhumzell.

"Shut up, Rhumzell," ani Danice saka muling tumingin sa 'kin. "I can't believe you really want to win this bet."

"Danice," may diin nang ani Rhumzell.

Ngunit sa halip na makinig ay binalingan ako ni Danice. "Alam mo ba kung magkano ang halaga mo?"

"Danice, stop it!" ani Rhumzell.

Nabuhay ang kaba sa dibdib ko. Wala pa man, pakiramdam ko ay alam ko na ang tinutukoy ni Danice. Unti-unti kong nabawi ang kamay kong naroon sa braso ni Rhumzell ngunit pinigilan niya ako.

Bumuntong-hininga si Danice saka nakataas ang kilay na tumingin sa 'kin. Pero bago pa siya makapagsalita ulit, bago pa magkasunod-sunod ang pagtulo ng mga luha ko, binawi ko na ang aking kamay kay Rhumzell at awtomatiko silang tinalikuran.

Ngunit gano'n na lang ang gulat ko nang mabunggo sa dibdib na sumalubong sa 'kin. Kung hindi sa kamay niyang umalalay sa likod ko ay baka napaatras ako.

"Hmm?" bulong niya dahilan upang mag-angat ako ng tingin.

Maxrill...

Ngunit ang paningin niya ay nasa likuran ko na, kina Danice at Rhumzell. Nakita ko nang mangunot ang kaniyang noo.

Naramdaman kong tumulo ang aking mga luha. Tiningnan niya ang mga 'yon nang magbaba muli ng tingin sa akin. Saka niya sinalubong ang mga mata ko.

"Ano..." gumaralgal ang tinig ko.

"Relax," bahagya siyang ngumiti.

Naestatwa ako nang maramdaman siyang hapitin pa ako papalapit kasabay ng pagpahid ng mga luha sa aking pisngi.

"Breathe," bulong niya saka inilapit ang daliri sa aking labi. Umawang ang labi ko at suminghap ng hangin.

Pero kulang na kulang 'yon. Dahil sa presensya niya ay lalo akong kinakapos ng hininga. Sa isang iglap ay umatake ang aking hika.

To be continued. . . 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top

Tags: #maxinejiji