CHAPTER FOUR


CHAPTER FOUR

"'NAY, 'TAY," nagsalita ako habang naroon kaming pare-pareho sa mesa at nag-aagahan bago pumasok. Parehong tumingin sa 'kin ang mga ito kaya nailang ako at nagbaba ng tingin.

"Ano 'yon, anak?" ani tatay.

"S-Susunduin po raw kami ni Rhumzell at ihahatid sa paaralan, 'tay," hindi ko magawang salubungin ang tingin niya.

Nadinig ko silang bumuntong-hininga pareho. Pero nangibabaw sa 'kin ang nanunuksong ingay ni Bree, animong kinikiliti na naman sa kinauupuan.

"Sige," sagot agad ni tatay.

"Ihahatid din po raw kami pauwi," gano'n na lang katindi ang kaba ko matapos sabihin 'yon.

Noon lang ako nagkaroon ng lakas ng loob na mag-angat ng tingin sa kanila. Gano'n na lang ang pagkawala ng kaba ko nang makitang parehong natatawa sina nanay at tatay. Hindi ko alam kung bakit gano'n ang reaksyon nila.

"Sabihin mo kay Rhumzell ay kakausapin ko siya matapos kayong ihatid mamayang uwian," ani tatay.

Umawang ang labi ko. "Bakit po, 'tay?"

Ngumiwi si tatay. "Syempre, itatanong ko kung ano ang pakay niya sa anak ko."

"Ihahatid lang naman po kami, tatay. Wala po siyang pakay."

Napahalakhak ang tatay. "Nanliligaw iyon, gusto ko lang kausapin, Dainty."

Umawang muli ang labi ko. "Tatay," gano'n na lang kabilis nag-init ang mga pisngi ko.

Bakit ba gano'n na lang kabilis sa kanilang mahulaan ang bagay na 'yon? Pakiramdam ko ay natatangahan sa akin si Rhumzell sapagkat inosente ako pagdating doon.

Nakagat ko ang labi ko saka ngumuso. "Sige po, tatay."

"'Wag mong pababayaan ang pag-aaral mo, Dainty, ah?" nangangaral ang tinig ni Kuya Kev.

Nanlaki ang mga mata ko. "Bakit ko naman pababayaan, kuya?"

"Sinasabihan lang kita nang hindi mo malimutan kapag nagkanobyo ka."

Lalong umawang ang labi ko. Hindi ko matanggap na naiisip niyang mangyayari 'yon. Magiging nobyo? May nagpoprotesta sa kalooban ko. Hindi ko maipaliwanag ang nabuhay kong lungkot.

"Hindi naman po ako magnonobyo," sinabi ko 'yon nang may sama ng loob.

"Bakit, hindi?" nagsalita si nanay sa nagbibirong tono. "Hindi mo ba gusto si Rhumzell?"

Nag-angat ako ng tingin sa kaniya. Gusto kong umiling nang umiling. Pero nag-alala akong mahulaan nila ang tunay kong nararamdaman. Natatakot akong malaman nilang may iba akong gusto.

"Hindi pa po kasi ako handa sa ganoong bagay, 'nay," nagbaba ako ng tingin. "Sa ngayon ay pag-aaral ang gusto kong intindihin."

Dinig kong bumuntong-hininga si tatay. "Maigi 'yon. Tutal naman, kung nakapaghihintay ang lalaki lalo na kung seryoso at sigurado na sa 'yo."

Hindi ko na sinundan pa ang sinabi niya para maputol ang usapan tungkol sa akin. Panay pa rin ang pangungulit ni Bree, nanunukso sa tabi ko. Gustuhin ko mang makipagbiruan sa kaniya ay nakokonsensya ako. Dahil alam ko sa sarili kong palihim kong nagugustuhan ang lalaking gusto niya rin.

"Pupunta ako sa mansyon ng mga Moon,"mayamaya ay sabi ni nanay.

Sabay kaming napalingon ni Bree kay nanay. Nauna akong lumabas kaya hindi niya nakita ang paglingon ko.

"Ihahatid namin sa airport 'yong magkapatid,"dagdag pa ni nanay.

"Sino sa magkapatid?"

"Sina Maxwell at Maxrill. Kukuha ng panibagong specialization si Maxwell sa America. Panibagong degree rin ang kukunin si Maxrill sa kursong tinapos niya," paliwanag ni nanay.

"Talaga namang nagpapakadalubhasa sa pag-aaral ang mga iyon."

"Ganoon ang gusto ng dating chairman,"buntong-hininga ni nanay. "At ng kanilang lola."

Tango na lang ang isinagot ni tatay saka sumama sa amin na hintayin ang pagdating ni Rhumzell.

Aalis na si Maxrill... 'Ayun na naman 'yong pagkabuhay ng lungkot ko. Anong oras kaya ang alis niya? Kailan kaya siya babalik? Makikita ko pa kaya siya?

Nagulat ako nang magilid ang mga luha ko. Dali-dali kong pinunasan 'yon na napansin naman ng kapatid ko.

"Ate?" sinilip niya ang mukha ko.

"Napuwing ako."

"Hipan ko?"

Ngumiti ako. "Ayos na, Bree."

Eksaktong huminto ang sasakyan ni Rhumzell sa harap ng bahay namin. Gano'n na lang ang nakita kong hiya niya nang makitang buong pamilya ko ang haharap sa kaniya maliban kay kuya na nauna nang pumasok.

"Hijo," kumaway si tatay.

"Magandang umaga po, tito, tita," bati ni Rhumzell. "Susunduin ko sina Dainty at Bree para ihatid sa school po."

"Ihahatid mo nga rin daw pauwi," ngiti ni tatay. Nangingiting tumango si Rhumzell. "Mag-usap tayo mamaya pagkahatid mo sa kanila pauwi."

Sandaling natigilan si Rhumzell saka ngumiti. "Sige po, tito. Aalis na kami po."

"Mag-iingat kayo."

"Salamat po."

Nagulat ako nang kunin ni Rhumzell ang binder na hawak ko at sinabayan akong maglakad. Nangunguna man si Bree ay panay ang lingon niya sa 'min sabay ngingisi, nanunukso.

Pinagbuksan ako ng pinto ni Rhumzell sa unahan. Inalalayan niya akong pumasok. Mula sa bintana ay nakita ko nang pagbuksan din niya ang kapatid ko sa likuran.

Napalingon ako kina nanay at napabuntong-hininga sa ganda ng mga ngiti nila. Kung si Maxrill kaya ang susundo at maghahatid sa akin, ganito rin sila kasaya? Nalungkot na naman ako. Paniguradong hindi. Alam nilang pareho na naunang magkagusto si Bree kay Maxrill. Ano na lang ang iisipin nila sa akin? Sa bagay na 'yon pa lang ay may nagsasabi na sa 'king imposible ang nararamdaman ko. Pero bakit ko naramdaman 'to? Nakagat ko ang labi ko at saka ngumuso.

"Let's go?" ani Rhumzell dahilan para maputol ang pag-iisip ko. Tango lang ang naisagot ko.

"Anong kurso mo, Kuya Rhumzell?" tanong ni Bree.

"BS Biology," tugon ni Rhumzell. "Dalawang taon lang ang tanda ko sa 'yo. Bakit ba kuya ka nang kuya? Pakiramdam ko tuloy ay napakatanda ko na," hindi malaman kung natatawa ba talaga siya o naaasar. "Anyway, magdodoktor ako katulad nina Kuya Randall at Ate Dein."

"Wow," gano'n na lang ang paghanga ni Bree. Maging ako ay hindi napigilang humanga. "Napakatalino mo kung gano'n?"

Natawa si Rhumzell. "Siguro," nagkibit-balikat siya saka sumulyap sa 'kin.

Awtomatiko akong nag-iwas ng tingin at ngumiti kung saan-saan nang mailang.

"Matatalino ang estudyante ng SIS, hindi ba?"ani Bree.

Natawa si Rhumzell. "Matatalino rin naman ang BIS students."

"Bakit sa BIS ka nagtuturo ng basketball? Wala ka bang tinuturuan sa inyong paaralan?" hindi na talaga mahihinto ang bibig ni Bree.

"Ang totoo ay ako ang nag-request nito kay Dean Enrile," ngiti ni Rhumzell saka sumulyap sa 'kin. "Para makita ko ang ate mo parati."

Umawang ang labi ko at hindi makapaniwalang tumitig sa kaniya.

Ginawa niya 'yon?

"May gusto ka ba sa ate ko?" deretsang tanong ni Bree, hindi ko inaasahan.

"Bree?" nalingon ko siya. Narinig ko nang matawa si Rhumzell. Nagbaba ako ng tingin at saka ngumuso.

"Hindi pa ba niya nabanggit sa 'yo?" ani Rhumzell. "Oo, may gusto ako sa kaniya at nililigawan ko siya," pag-amin niya dahilan upang umawang lalo ang labi ko.

Nagpapadyak ang kapatid ko sa likuran. "Masaya ako para sa inyo!"

Narinig ko muling matuwa si Rhumzell. Naramdaman ko rin nang lingunin niya ako pero ang paningin ko ay naroon na sa daan sa harapan.

Maxrill...

Gusto kong magsisi na sumama pa ako nang araw ng kaarawan ni Maxrill. Nagsisi ako na nakita ko pa ito. Nagsisi ako na tinitigan ko pa ito. Nagsisi ako na nakaramdam ako nang ganoon kahit na hindi dapat. Ako tuloy ang nahihirapan ngayon.

Kung hindi nangyari iyon ay napapahalagahan ko na sana ang nararamdaman ni Rhumzell.

Totoong gusto kong bigyan ng pagkakataon si Rhumzell. Nakikita ko ang pagiging sinsero niya at nararamdaman ko ang pagiging totoo. Mabait siya at tinatrato ako nang tama. Malambing. Hindi ko maipaliwanag ang saya na naramdaman ko nang sabihin niya ang matatamis na salitang binitiwan. Hindi niya ako minamadali at nirerespeto ako at aking pamilya. Higit sa lahat ay tanggap niya kung anomang kakulangan sa akin.

Bakit iyong walang ideya tungkol sa akin ang pilit kong iniisip? Sigurado akong hindi alam ni Maxrill ang pangalan ko. Narinig man niya iyon ay sigurado akong hindi niya matatandaan. Kahit walang gusto si Bree sa kaniya ay imposible pa rin ang nararamdaman ko dahil isa siyang Moon. Mas lalong imposible na magustuhan niya ako dahil sa disabilidad ko. Hindi ang tipo ko ang magugustuhan ng isang Moon.

"Salamat sa paghatid, Rhumzell!" agad na nawala ang pagtawag ni Bree ng kuya rito. "Ingat ka papasok!"

Tinanguan ni Rhumzell ang kapatid ko saka bumaling sa 'kin. "Susunduin ko uli kayo. Pupuntahan kita sa classroom mo."

Nanlaki ang mga mata ko. "Hindi na kailangan."

Ngumiti siya. "Gusto kitang ipagdala ng gamit, Dainty."

"Kaya ko namang bitbitin ang mga ito, Rhumzell."

"Please?" aniyang inilapit muli ang mukha sa akin.

Napaatras ako. "Sige na nga."

Ginulo niya ang buhok ko. "Mag-aral tayo nang mabuti. Para sa future natin 'to."

Napatitig ako sa kaniya saka nakangiting tumango-tango. Mula sa daan papasok hanggang sa magsimula ang klase ay pinuno ng isipin tungkol kina Rhumzell at Maxrill ang isipan ko.

Si Rhumzell ay narito habang si Maxrill ay lalayo. Si Rhumzell ay nagpahayag ng nararamdaman sa akin habang si Maxrill ay...baka maasar lang 'yon sa 'kin kapag nalamang gusto ko siya. Kung si Rhumzell ay tinatawag na Ngitngit dahil masungit, ano pa ang isang 'yon?

Hindi ko alam kung paano ko pang nasasabayan ang mga itinuturo ng lecturer. Lunod na lunod ako sa pag-iisip. Na para bang may deadline iyon at kailangan na ng aking sagot.

Masaya si Bree para sa amin ni Rhumzell. Habang ako ay heto, nalilito kahit alam ko kung sino talaga ang gusto ko. Magagalit siya kapag nalamang gusto ko ang lalaking nagugustuhan niya. Sa halip na tulungan siyang magkaroon ng pag-asa kay Maxrill ay abala ako sa paghahanap ng sariling pag-asa.

Hindi ko alam kung paano kong nasagot ang mga recitation. Hindi ko alam kung paanong ako ang nanguna matapos ang long quiz. Magtatanghalian na ay hindi pa rin napuputol ang paglalayag ng isip ko.

Gusto nina nanay at tatay si Rhumzell. Nakikita kong masaya sila para sa akin. Samantalang ayaw ni tatay si Bree para kay Maxrill. Paniguradong hindi magbabago 'yon kung ako man ang magkagusto sa bunso ng mga Moon. Baka nga mas mapagalitan pa ako. Kung si Bree nga na walang disabilidad ay nasasabi niyang hindi magugustuhan, ako pa kayang meron?

Nang mag-lunch break ay dumeretso ako sa canteen at binili ang pinakamurang makakain. Sa halip na pagsawaan ang kanin at gulay, iyon ang naging paborito ko. Parating may dagdag ang ibinibigay sa amin ng server dahil bibihira raw ang estudyanteng kumakain niyon. Baka nga kaming dalawa lang ni Bree ang um-order no'n sa buong BIS. Hindi ko tuloy maiwasang isipin na niluluto na lang nila 'yon para sa 'min.

Sabay kaming kumakain ni Bree. Madalas ay ako ang nauuna sa canteen dahil nasa mas mataas na floor siya ng building. Ganoon sa secondary at tertiary buildings, ang higher section ang nasa lower floor.

Ang ground floors ng Pura at Segunda buildings na para sa mga secondary students ay pulos laboratory. Chemistry, Biology, Physics laboratories at Seminar rooms ang nasa ground floor ng building namin, ang Segunda. Computer, Home Economics, Music laboratories at multimedia rooms naman ang naroon sa main building, ang Pura. Naroon din sa Pura ang Guidance Office at main gate.

Ang first floor ay para sa seniors; second floor ay para sa juniors; third floor ay para sa sophomores; ang fourth floor ay para sa freshmen. Mapa-Pura o Segunda building man ay ganoon.

"May gusto ka ba kay Rhumzell, Dainty?" hindi ko inaasahang lalapitan ako ni Danice. Mag-isa pa lang akong kumakain nang maupo siya sa harap ko.

Wala.

Gusto kong isagot 'yon pero hindi ko malaman kung bakit pakiramdam ko ay nakokonsensya ako. Hanggang ngayon ay ginugulo ng mga sinabi ni Rhumzell ang isip ko. Pakiramdam ko ay nararamdaman ko pa ang magkahawak na kamay namin.

Pero sa t'wing maiisip ko si Maxrill ay napapalitan lahat ng isipin tungkol sa kaniya ang utak ko. Lamang ang pag-iisip ko na ngayong araw ang alis ni Maxrill papuntang America. Hindi ko maipaliwanag ang lungkot ko.

Hindi ko alam kung anong oras pupunta si nanay sa bahay ng mga Moon. Wala akong ideya sa oras ng alis nina Maxrill at Kuya Maxwell. Sa puso ko ay gustong-gusto kong sumama. Kung hindi lang ako nakonsensya nang makitang halos maiyak si Bree sa lungkot at kung wala lang sanang pasok. Kaso ay hindi ako pwedeng um-absent.

Bumuntong-hininga ako. "Nanliligaw siya sa akin, Danice," hindi ko alam kung tama bang ganoon ang isagot ko. Alam kong lalo lang siyang magagalit. Ngunit ayaw kong magsinungaling.

"You're hallucinating," humalakhak si Danice, noon lang ako nag-angat ng tingin sa kaniya. "Ang isang tulad mo, liligawan ni Rhumzell?" Sinuyod niya ng nakakainsultong tingin ang kabuuan ko saka lalong tumawa.

Hindi ko na siya sinagot. Ayaw ko siyang patulan. Kung ayaw niyang maniwala ay hindi ko obligasyong paniwalain siya. Tutal naman, ang mga tulad niyang maraming sinasabi ang kadalasang walang nalalaman.

"Ate," ani Bree matapos ilapag ang gamit sa silya kung saan naroon si Danice. Tinaasan ito ng kilay ng kapatid ko. "Inaaway mo ba ang ate ko, Danice?"

Pasiring itong sinulyapan ni Danice ngunit hindi sinasagot. Pinagkrus niya ang mga braso saka sinuyod muli ng nakaiinsultong tingin ang kabuuan namin. Saka niya kami tinalikuran at bumalik sa kanyang barkada.

"'Wag mo nang pansinin 'yon, Bree," ngiti ko.

"Inaaway ka ba nila?"

"Hindi."

"'Yong totoo, ate?"

"Tinatanong niya lang ako kung may gusto ako kay Rhumzell. Sinabi kong nanliligaw sa 'kin."

Humagalpak ng tawa ang kapatid ko. "Paano kasi ay gustong-gusto niya ang pagpapanggap na sila ni Rhumzell. Marami pa namang naniwala na sila nga."

Bumuntong-hininga ako. "Kahit ako ay inisip na sila nga."

"Ako rin," natawa muli si Bree. "Hindi pa rin ako makapaniwalang nililigawan ka na ni Rhumzell, ate."

"Kahit ako ay hindi makapaniwala, Bree,"tumingin ako sa kinakain saka ngumuso. "Ni minsan ay hindi siya nagpahiwatig ng nararamdaman sa akin. Nakikita ko man siya ay hindi ko napapansin. Ang sabi niya ay matagal na siyang may gusto sa 'kin."

"Hala," siya na naman ang kinilig. "Kaya pala ang sabi niya ay pinili niyang magturo dito para makita ka. Napakaswerte mo, ate! Sana ay magustuhan din ako ni Maxrill."

Sinabi iyon ni Bree nang nakatingala sa kisame, ang parehong palad ay magkadikit sa ilalim ng kanyang baba, tila nananalangin.

"Pero...paano kaya kung ganyan din pala sa akin si Maxrill, ate?" bigla ay umaasang ani Bree. Natigilan ako. "Paano kung lihim din siyang may gusto sa akin? Na kaya nila parating iniimbita sa mansyon si nanay ay upang makausap tungkol sa akin? Paano kung kaya tumutulong ang pamilyang Moon sa atin dahil sa pakiusap ni Maxrill sa mga ito? Dahil ayaw niyang mapabayaan ako?" Gano'n agad karami ang na-imagine niya.

Bumuntong-hininga ako. Posible nga kayang tama ang iniisip niya? 'Ayun na naman sa 'kin ang lungkot. Hindi ko malaman ang pinagmumulan ng inggit ko sa aking kapatid. Bagaman walang patunay na totoo ang sinasabi niya.

Para kaming mga sira na nangangarap sa taong napakahirap namang abutin. Hindi lang langit si Maxrill. Hindi lamang siya bituin bagaman siya ang nagbibigay liwanag sa mga 'yon. Higit pa siya sa mundo sapagkat hindi namin masabayan ang pag-ikot niya rito.

Siya ang maliwanag na buwan na hindi nakakapagod pagmasdan. Ang nagbibigay ng liwanag sa dilim. Ang tanging nagpapakita ng kakulangan niya sa buong mundo ngunit hinahangaan pa rin. Na kahit paulit-ulit siyang mahati sa iba't ibang hugis, paulit-ulit din siyang mabubuo.

"Pero alam mo ba, ate..." kapagkuwa'y malungkot na dagdag ni Bree. Naagaw niya ang atensyon ko. "Noong minsan na isinama ako ni nanay sa mansyon ng mga Moon, narinig ko si Lolo Mokz na pinagsasabihan si Maxrill."

"Bakit?" maagap na sagot ko. Napaatras ako nang hindi niya mahalatang gano'n na lang kabilis nabuhay ang interes ko.

"Hindi ako sigurado pero sa intindi ko ay pinipigilan ni Lolo Mokz si Maxrill na magkagusto kay Ate Yaz."

Umawang ang labi ko at napatitig sa kaniya. "'Yon ba 'yong ipinakilala ni nanay sa atin?"

"Oo. 'Yong magandang babae, matangkad at sobrang ganda talaga. Hindi mo na agad matandaan?"

Napabuntong-hininga ako at gustong pagalitan ang sarili. Kung bakit naman kasi nahiya pa ako. Kung sana ay mas pinagtuunan ko ng pansin ang babaeng 'yon, natandaan ko sana kung anong klase ng babae ang gusto ni Maxrill. Pero hindi ko maipaliwanag kung bakit naaalala ko ang sariling humanga sa ganda niya. Hindi ko man nasaulo ang kanyang itsura.

"M-May gusto si Maxrill sa kanya?" gano'n na lang katindi ang pagpipigil kong maipakita ang aking interes.

Tumango si Bree saka bumuga nang malalim na hininga. "Hindi naman na ako magugulat kasi sa dami ng pagkakataon na nakita ko siya, parati na ay tutok kay Ate Yaz ang paningin niya. Pinanonood niya lahat ng kilos ni Ate Yaz. Madalas tuloy siyang masita nina Ate Maxpein."

Natatandaan kong madalas talagang isama ni nanay si Bree sa mansyon ng mga Moon. Hindi na ako nagtataka kung bakit napakarami niyang alam sa mga ito. Hindi na rin dapat ako magtaka kung bakit lumalim nang ganoon ang pagtingin nito kay Maxrill. Gayong ako ngang unang beses pa lang itong nakita ay hindi na agad makaahon.

"Bakit naman pinagbabawalan ni Lolo Mokz na gustuhin ni Maxrill ang Ate Yaz niya? Magkamag-anak ba sila?" inosensteng tanong ko.

Natawa si Bree. "Hindi. Si Ate Yaz ay kapatid ni Ate Zarnaih."

"Hindi ko sigurado kung kilala ko ang binabanggit mo, Bree," gusto kong malungkot sapagkat gano'n na talaga karami ang nalalaman niya. Samantalang ako ay walang kaide-deya.

"Si Ate Zarnaih na best friend ni Ate Maxpein ay kapatid si Ate Yaz, naiintindihan mo na?" aniya, tumango ako. "Si Ate Yaz ay may gusto kay Kuya Maxwell."

Tumango ako. "Kaya pala future husband na ang tawag niya."

"Ang sabi ni Lolo Mokz kay Maxrill ay nagkakagustuhan na sina Ate Yaz at Kuya Maxwell bagaman walang relasyon. Bukod sa mas matanda pa si Ate Yaz kaysa kay Ate Maxpein para ibigin ni Maxrill."

Gano'n na lang ang gulat ko, gano'n katindi ang dating sa 'kin ng rebelasyon na 'yon.

Paanong nagkagusto si Maxrill sa mas matanda sa kaniya? Hindi ako makapaniwala.

Pero sa kabilang banda ay lalo akong nalungkot para sa kaniya. Naiisip ko pa lang na pigilan ang sarili kong nararamdaman, mahirap na. Paano pa kung ang mga taong malapit sa akin ang nakiusap na pigilan iyon para sa 'kin?

Kaya siguro siya naglalasing...

Lalo akong nalito nang maalalang pupunta sa America ang magkuya. "Hindi ba sila magkaaway ni Kuya Maxwell? Magkakasama sila sa ibang bansa, hindi ba?"

Tumango si Bree. "Ganoon ang kahalagahan ng pamilya sa kanila sabi ni nanay," nakangusong aniya. "Walang pwedeng sumira sa kanila."

Bumuntong-hininga ako nang walang maintindihan. Ang tanging alam ko ay ang hirap ng ganoong sitwasyon. Sa kabilang banda ng isip ko ay hiniling kong sana ay maayos lang si Maxrill.

Pinuno ng isipin tungkol kay Maxrill ang maghapon ko. Pakiramdam ko ay mas nawalan ako ng pag-asa. Pakiramdam ko ay 'yon na ang sagot sa katanungan ko kung dapat pa bang magpatuloy ng nararamdaman ko.

Tuloy ay wala ako sa sarili hanggang matapos ang klase at dumating ang oras ng uwian. Nagising na lang ako sa pagiging lutang nang mag-ingay ang mga kaklase ko at malingunan ko si Rhumzell sa labas ng classroom.

Nanlaki ang mga mata ko sa gulat. Sinabi naman niya 'yon pero gano'n pa rin ang naging reaksyon ko. Dali-dali kong inayos ang mga gamit ko at kikilos na sana para lapitan siya nang maunahan ako ni Danice.

Gano'n na lang kalakas ang tilian ng mga kaklase namin nang magngitian sila. Pabuntong-hininga kong isinabit ang bag ko saka naglakad palabas.

"Dainty," awtomatikong pagtawag ni Rhumzell.

Nilingon ko siya. "Hello, Rhumzell," kaswal kong bati.

"I'm here to pick you up."

Ang kaninang tilian sa kilig ay napalitan ng ungol ng pagtataka. Ang kaninang nagniningning sa paghanga na mga mata ng classmates ko ay napalitan ng panunuya at pagtataka. Natural, ianunsyo ba naman ni Rhumzell na naroon siya para sunduin ako, lahat talaga ay magtataka. Sino ba naman ako para sunduin ng gaya niya?

Napayuko ako at marahang nakagat ang labi ko. Gusto kong ngumuso ngunit humakbang na papalapit si Rhumzell. Nakita ko ang pamilyar na sapatos niya sa harap ng paanan ko.

Nang mag-angat ako ng tingin ay gano'n na siya kalapit sa 'kin.

Ngumiti siya. "Akin na ang bag mo," mahinang aniya. Nang ikilos niya ang sinabi ay mas umatungal sa pagtataka ang mga kaklase ko.

Natuliro ako. "Ano..." napapalunok, kinakabahan kong sabi, mukhang kakapusin na ng hininga. "Kaya ko na," bumuga ako ng hininga sa takot na atakihin ng hika.

"Ito na lang," aniyang marahang kinuha ang mga bitbit kong libro. Bahagya pa akong nakipag-agawan sa kaniya ngunit sa isang matamis na ngiti niya ay ibinigay ko iyon.

Sa lahat sa kaniya ay iyong ngiti niya ang paborito ko. Kahit anong tanggi ko, doon ako sumusuko. Doon ako bumibigay.

"Let's go?" aniya na inakbayan ako upang iharap sa daan.

Kumalas siya nang magsimula kaming maglakad. Nangibabaw ang ingay na naiwan sa mga kaklase ko, pulos pagtataka at pagtatanong, mga hindi makapaniwala, habang papalayo kami.

"Don't mind them," ani Rhumzell, nabasa ang laman ng isip ko. "Just look at me, please,"nakikiusap ang tinig niya habang nakatingin pa sa akin.

"Hanggang ngayon ay hindi ko alam kung anong nagustuhan mo sa 'kin, Rhumzell," nanginig ang boses ko nang sabihin 'yon. "Ang layo ng agwat namin ni Danice."

Natigil siya sa pagbaba ng hagdan dahilan upang maiwan ako sa likuran. Dahil nasa mas mababang baitang siya ay nagpantay ang paningin namin dalawa.

Tumitig siya nang may paghanga sa 'kin. Wala akong ginawa kundi kuwestyunin 'yon. Interesado ako sa kung ano ang nakikita niya para tingnan ako nang ganoon. Gusto kong malaman kung posible bang makita rin ni Maxrill 'yon kung sakaling siya ang tumitig sa akin.

"I like everything about you, Dainty," dumagdag pa ang malambing niyang pagkakasabi niyon sa aking isipin.

Bago ko pa mapigilan ang sarili ay naisip ko na kung posible rin bang masabi ni Maxrill sa 'kin ang mga ganoong salita sa ganoon kalambing na tono?

Nagbaba ako ng tingin at gusto kong maiyak sa sarili kong pag-iisip at nararamdaman. Hindi ko akalaing ganito pala kakomplikado ang humanga sa isang tao. Wala pa man ay napapabayaan ko na ang pag-aaral ko. Nakokonsensya ako gayong matataas naman ang scores na nakuha ko, wala ni isa sa mga pinagawa kanina ang hindi ko nagawa nang tama. Pero ang dating atensyon kong naroon lang sa pag-aaral ay nabahiran na ng pagkalito ngayon. Lahat 'yon ay dahil sa dalawang lalaki.

Sino ang pipiliin ko?

Malinaw naman na sa 'kin ang sagot, kaharap ko na 'yon. Pero bakit hindi matanggap ng puso ko? Bakit pilit niyong isinisigaw si Maxrill gayong wala akong pag-asa ro'n?

"W-Why are you crying?" nagulat ako nang 'yon ang sumunod na tanong ni Rhumzell.

Awtomatiko akong napatalikod sa pagkapahiya at pinunasan ang sariling mga luha. "Sorry, Rhumzell."Kung hindi ko napigilan ang sarili ay baka nasabi ko na sa kaniyang iba ang gusto ko. "Hindi lang ako makapaniwala na ganito ang nararamdaman mo sa akin. First time ko kasing magustuhan ng lalaki."

Iniharap niya ako at pigilan man niya ay bahagya siyang natawa. "This is what I liked about you, Dainty. You're so soft, pure and beautiful."

Hindi ko alam ang isasagot. Ni hindi ko nagawang salubungin ang tingin niya. Magkakasunod na lang akong lumunok.

Beautiful daw? Pakiramdam ko ay nag-init ang mukha ko nang sabihin 'yon sa isip. Napangiti ako sa kaniya. "Tara na," anyaya ko.

Inilahad naman niya ang kamay sa 'kin na siya na namang ikinagulat ko. "Take my hand, please..."pakiusap niya.

"Pero..." napalingon ako sa hallway. "Bawal 'yon."

Ngumisi siya. "Sige, sa sasakyan ko na lang."

Umawang ang labi ko. "Naroon si Bree."

"Kapag bumaba na siya."

"Kakausapin ka raw ni tatay, Rhumzell."

Naitikom niya ang bibig. "I almost forgot. Let's go," aniya na hinawakan ako sa siko at pinalalayan pababa na para bang hindi ko 'yon magagawa nang mag-isa.

"Saan natin hihintayin si Bree?" tanong ko nang magdere-deretso siya papunta sa parking lot.

"Sa kotse," ngiti niya. "I really want to hold your hand."

Gano'n na lang ang gulat ko. "Ikaw, ah?" ngumuso ako. "Hindi ba't manliligaw ka pa lang?"

Tumawa siya saka tumitig sa 'kin. Napamaang ako nang kagatin niya ang sariling labi nang mapigilan ang pagkakangiti.

Hindi ko talaga maitatangging gwapo si Rhumzell. Tama si Bree na napakaswerte ko at nagustuhan ako nito. Habang ako ay nagpapalamon sa paghahanap ng dahilan, heto siya at isa-isang pinapakita sa 'kin ang mga 'yon. Sa halip namang tingnan ang mga kilos niya ay pilit kong iniisip 'yong isa.

"Sa tingin ko ay hindi ako karapat-dapat sa 'yo, Rhumzell," iyon ang unang lumabas sa bibig ko nang makasakay kami sa kotse niya.

"Please don't say that, Dainty," nakikiusap ang tinig niya, ang lungkot ay mababasa sa mga mata niya.

Ilang beses akong humugot ng hininga bago nagpatuloy. "Ano...kasi..." Hindi pa rin alam kung paanong sasabihin ang tunay kong nararamdaman.

Nalilito ako at gusto kong mainis sa sarili ko. Isang minuto, gusto kong pagbigyan siya. Sa susunod na minuto, gusto kong sumubok na magkagusto sa iba. Pero sa t'wing gagawin ko na 'yon ay naroon na ang isipin ni Maxrill na para bang ang kasiguraduhan ko ay nasa kaniya. Gayong ako lang naman ang nag-iisip niyon. Ako lang naman ang may gusto kay Maxrill at ni hindi ako sigurado kung alam nitong nag-e-exist ako.

"I can wait, Dainty," mahinang ani Rhumzell.

Bago ko pa siya mapigilan ay nakuha niya na ang kamay ko at inihaplos sa kaniyang pisngi. Napatitig ako sa ginawa niya at gano'n na lang ang pag-awang ng labi ko nang halikan niya 'yon.

Ang mga gano'ng ginagawa ni Rhumzell ang nagbibigay sa 'kin ng dahilan na sumubok. Ang mga sinasabi niya ang nagpaparamdam sa 'kin na kailangan ko siyang bigyan ng tyansa. Ang mga naidudulot niyang pakiramdam sa 'kin ang nagtutulak sa 'kin na piliin siya.

"I'm willing to wait for the rest of my life, Dainty. I swear I'm going to give you everything. Please be my girl?"

Napatitig ako sa kaniya at hindi malaman ang sasabihin. Muling pumasok sa isip ko si Maxrill ngunit nagawa ko 'yong labanan.

Si Rhumzell ang dapat kong piliin. Nagbaba ako ng tingin at humugot ng hininga.

Magsasalita na sana ako nang bumukas ang pinto sa likuran at pumasok si Bree. "Ate...nakaalis na si Maxrill," malungkot niyang sabi.

Gano'n na lang ang paglaylay ng mga balikat ko. May kung anong gumuhit sa dibdib ko at nagdulot 'yon ng hindi maipaliwang na sakit. Nang mag-angat ako ng tingin kay Rhumzell ay tutok pa rin siya sa 'kin. Ngunit ang kaninang umaasa niyang tingin ay napalitan ng pagtataka.

Nahulaan ba niya ang nararamdaman ko? Ang lungkot ko ay agad na napalitan ng kaba.

Pero kahit anong pilit at pigil ko sa nararamadaman, kahit anong sikap kong ibaling 'yon sa iba. Talagang si Maxrill ang isinisigaw ng puso at isip ko. Kahit pa gaano kaimposibleng matugunan 'yon.

To be continued. . .

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top

Tags: #maxinejiji