CHAPTER FIVE
CHAPTE FIVE
"NAPAPANSIN KONG napapadalas ang pagpupuyat mo," ani nanay isang Sabado na tinutulungan ko siyang magbunot ng damo sa bakuran.
Napapalunok ko siyang nilingon. "Hindi po ako makatulog, 'nay."
"Bakit?" nakangiti man ay hindi niya naitago ang pag-aalala. "May problema ba?"
Napatitig ako sa kaniya at napabuntong-hininga. Hindi ko naisip na posible niyang itanong 'yon. Sana ay iba na lang pala ang sinabi ko. Baka mag-alala pa siya.
Para hindi mahalata ay nagbaba ako ng tingin sa mga damong pinipilit kong bunutin hanggang sa ugat. Pero dahil bigla akong nanghina dahil sa tanong ni nanay ay iyong dahon lang niyon ang nabunot ko.
Hindi ko alam kung paanong magpapaliwanag. Hindi ko pwedeng sabihin ang nararamdaman ko tungkol kay Maxrill. Iyon ang pinakakomplikadong sitwasyon sa buhay ko ngayon. Ayaw ko ring magkwento tungkol sa paaralan dahil ayaw kong ipag-alala niya 'yon. Tama nang nakikita niyang matataas ang grades ko bukod sa nababalitaan niyang maganda ang academic performance ko.
"Dainty?" pagtawag ni nanay nang hindi ako makasagot. "Sabihin mo sa 'kin, may problema ka ba?"
"Ano...'nay," humugot ako ng hininga. "Kasi..."
"Ano?" rumehistro na ang pag-aalala sa mukha niya.
"Hindi pa po kasi ako handang magnobyo," iyon na ang pinakamagandang sagot na nahugot ko.
Totoo naman 'yon. Hindi pa ako handa sa ganoong bagay. Ni wala akong kaalam-alam sa pagkakagusto. Kay Maxrill ko lang unang naramdaman ang paghanga. Ni hindi ako sigurado kung katulad na 'yon nang kay Bree. Lalo na ngayon na nariyan si Rhumzell at napapahalagahan ko ang mga ginagawa niya.
Lahat ng pinapakita at pinararamdam ni Rhumzell ngayon ay bago sa 'kin. Bukod sa totoong ilang gabi na akong pinupuyat ng isipin tungkol sa kaniya.
Iyon nga lang, hindi lang si Rhumzell ang iniisip ko. Parati na ay lamang ang isipin ko tungkol kay Maxrill. Sa t'wing pag-iisipan kong sagutin si Rhumzell ay nakokonsensya ako. Hindi dahil iniisip kong nagtataksil ako kay Maxrill, wala namang kami. Wala naman siyang nalalaman sa nararamdaman ko. Nakokonsensya ako dahil alam kong hindi lubos ang nararamdaman ko para kay Rhumzell. Hindi ko kayang suklian ang nararamdaman niya.
Urong-sulong ang nararamdaman ko. Nariyan 'yong pipiliin ko si Rhumzell pero may maisip lang akong bago ay si Maxrill na naman ang pinipili ko. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangang maramdaman ko 'yon. Hindi yata ako normal.
"Wala namang nagsabi sa 'yo na magnobyo ka," ani nanay. "Kung hindi ka handa, 'wag mong pilitin ang sarili mo." Sumeryoso siya. "Minamadali ka ba ni Rhumzell?"
Umiling ako nang umiling. "Hindi po, 'nay...ano, kasi po..." nakamot ko ang ulo, nangangapa na naman ng maidadahilan. "Sa t'wing...sinasabi po kasi niya sa 'kin ang kaniyang damdamin...'yon po parati ang sagot ko sa aking isip. Hindi pa po ako handa."
Iyon na ang kasinungalingan ko. Dahil nasisiguro kong kung si Maxrill ang nasa posisyon ni Rhumzell, iba ang mararamdaman ko. Kung si Maxrill ang nanliligaw sa 'kin, iba ang magiging sagot ko. Kung si Maxrill ang may gusto sa 'kin, baka handa na akong magkanobyo.
Nanlumo ako sa sariling isipin. Pakiramdam ko ay hindi ako patas at sobra akong makasarili. Hindi ko alam na ganito pala ang magkagusto sa iba at magustuhan ng iba pa. Akala ko kaya marami ang gustong magkaroon ng karelasyon ay dahil masaya 'yon. Nakakasakit lang naman pala ng ulo.
"Anak," bumuntong-hininga si nanay at lumapit. "Hindi naman dahil nililigawan ka ni Rhumzell ay kailangan mo na agad siyang sagutin. Kaya nga tinatawag na panliligaw. Nakapaloob sa panahong iyon ang paghahanda mong maging nobya niya. Nakapaloob doon ang kagustuhan mong sagutin siya o hindi. Kapag nagpahayag siya ng damdamin, hindi ibig sabihin niyon na minamadali ka na niya. Iyon ay panahon upang mas makilala ninyo ang isa't isa. Tutal naman, mga bata pa kayo."
Napabuntong-hininga ako. Mabuti na lang pala na ganoon ang sinabi ko. Kahit papaano ay nagkaroon ako ng ideya dahil sa sinabi ni nanay. Totoong hindi ko naisip ang tungkol doon.
"Bakit, hindi mo ba gusto si Rhumzell?" hindi ko inaasahan ang tanong niya.
Awtomatiko akong napaangat ng tingin na siyang ipinagkunot-noo niya. Agad akong nagbaba ng tingin para hindi niya na mabasa pa ang mga reaksyon ko. Hanggang ngayon ay hindi ko matukoy kung bakit tila may kakayahan si nanay na bumasa ng naiisip at damdamin. Madalas ay nahuhulaan niya ang iniisip at nararamdaman namin.
"Hindi mo siya gusto, tama ba?" dagdag pa niya nang hindi ako makasagot. Iyon na ang sinasabi ko. Nahulaan na niya ang damdamin ko.
Bumuntong-hininga ako ngunit hindi pa rin nagawang sumagot. Yumuko ako at nakangusong nagkutkot na lang sa mga damo.
"Huwag mong pilitin ang sarili mo, Dainty. Kasi hindi maganda kung pipilitin mo. Masasaktan ninyo lamang ang isa't isa," dagdag ni nanay.
Gustong-gusto kong sabihin na may iba akong gusto. Pero hindi sapat ang lakas ng loob ko. Higit ang takot ko sa maaari niyang sabihin. Higit ang takot ko sa posibleng maramdaman ng kapatid ko. Dahil hindi imposibleng makarating sa kaniya 'yon. At ayaw kong si Maxrill ang maging dahilan ng hindi namin pagkakaintindihan.
"Opo, 'nay," iyon lang ang naisagot ko.
"Tumayo ka na riyan, paparoon tayo sa mansyon ng mga Moon."
Dali-dali akong sumunod. "Ano po ang meron doon?"
"Aalis sina Ate Maxpein mo, uuwi sa ibang bansa para sa bautismo ni Spaun."
"Ano po iyon, 'nay?"
"Irerehistro ang pangalan niya sa aklat ng mga pangalan sa langit gamit ang panalangin,"nakangiting aniya. "Nasa kultura at paniniwala nila iyon."
"Saang bansa po iyon, 'nay?"
Bumuntong-hininga siya saka humarap sa 'kin. "Sa Korea."
"Ah," tumango-tango ako.
Marami akong hindi nalalaman sa pamilyang Moon, kompara kay Bree. Bukod do'n ay madalang din naman kung magkwento si nanay. Kung hindi nga ako nagkakamali, maging si tatay ay wala masyadong nalalaman tungkol dito.
Pero ang hindi ko malilimutan ay ang birthday ni Maxrill. June 21.
"'Nay?" pagtawag ko nang may maisip habang nasa tricycle kami papunta sa mansyon. "Iyong mga bigas po na ipinamimigay ninyo sa mahihirap, saan po ninyo nakukuha ang mga 'yon?"
Ngumiti siya. "Sa pamilyang Moon, 'nak."
Namangha ako. "Ganoon po karami? Buwan-buwan?"
Tumango siya. "Ganoon sila kabuti."
"Ganoon din po sila kayaman?"
Nakangiti niya akong nilingon saka siya muling tumango. "Mayaman sa kabutihan, ibinabahagi ang kanilang mga salapi."
Gano'n na lang talaga katindi ang paghanga ko. May mga bagay kaya akong hindi hahangaan sa mga Moon? Sa mga napapanood kong serye sa telebisyon, karamihan sa mga mayayaman ay matapobre. Pero ni isang myembro ng kanilang pamilya ay hindi ganoon. Bagaman si Maxrill ay masungit, hindi ko naramdaman sa kaniyang mahirap ang tingin niya sa amin ni Bree.
'Ayun na naman 'yong napakaraming tauhan na bumungad sa 'min sa labas ng mansyon. Nagsipangtanguhan ang mga ito sa 'min ni nanay saka kami pinagbuksan ng napakalaking gate.
"Magandang hapon," bati ni nanay nang bumungad sa 'min si Tiya Maze. "Hello."
Hindi ako nakasagot. Hindi matapos-tapos ang paghanga ko sa ganda ni Tiya Maze. Napakaganda ng kutis niya, makakapal ang pilik mata, maliit at manipis ang matangos na ilong, manipis at parati na ay may lipstick na pula ang labi. Ang itim na itim at umaalon niyang buhok na hanggang balikat lamang, ay pinagmumukhang maliit at manipis ang kaniyang mukha. Umaalingasaw parati ang kaniyang amoy sa sobrang bango. At parati na ay napakaganda ng kanyang suot. Pormal na pormal iyon kaya ganoon na lang kataas ang respeto ko sa kaniya.
Agad akong napalunok nang latagan kami ng malamig na inumin at nakakatakam na tinapay.
"That's green mango shake, hija," ngiti ni Tiya Maze. Namula agad ang mukha ko sa pagkapahiya. Lalo na nang siya mismo ang dumampot niyon at nagbigay sa 'kin.
Napatayo ako at napatango nang tanggapin iyon. "Salamat po, Tiya Maze."
"You're so pretty," ngiti niya na hinaplos pa ang aking pisngi. "Have a seat and eat, okay? Don't be shy. Just feel at home, darling." Iyon lang at inakay niya na si nanay sa mesa na malapit doon sa isa pang sala.
Sa mansyon na iyon ay napakaraming sala, hindi ko maunawaan. Pero iyong pinuntahan nila ngayon na may tatlo o hindi tataas sa limang dipa ang layo sa akin ay tinatawag na tanggapan ni nanay.
"Seriously, dad?"
Nag-angat ako ng tingin at nasulyapan si Tiyo More na noon ay pababa ng hagdan. Nakapaloob sa bulsa ang isa niyang kamay habang ang isa ay may bitbit na laptop.
Hindi ko rin napigilan ang sariling hanggan si Tiyo More. Bumagay sa kaniya ang may kahabaan at bagsak na buhok. Nakatali iyon sa kalahati at bagsak sa unahan ang ilang hibla. Nakuha marahil ni Kuya Maxwell ang makapal na kilay at malamlam niyang mga mata. Habang nakuha naman ni Maxrill ang ilong at magandang labi.
Wala na yata talaga akong hindi hahangaan sa mga ito. Napabuntong-hininga ako. Maging ang mga magulang ni Maxrill ay magaganda at gwapo. Wala na akong pag-asa na magustuhan ng mga ito.
"Where's Maxrill?" bigla ay tanong ni Tiyo More.
"He's busy," tinig ni Kuya Maxwell iyon.
Natawa si Tiyo More. "With what?"
"Whining." Humalakhak si Kuya Maxwell.
Pareho sila ng paraan ng pagtawa ni Tiyo More. Katamtaman ang lakas at lalaking-lalaki ang dating. Hindi gaya ng kay Lolo Mokz na parang wala nang bukas.
"About Yaz," pabuntong-hiningang ani Kuya Maxwell. "Where is she?"
"You miss her?" ngisi ni Tiyo More. Noon lang niya ako napansin. "Hello there!" bati niya sa 'kin.
"Is that her, dad?"
"What?"
"My girl," nasulyapan ko ang laptop at nakita kong nakangiti si Kuya Maxwell.
"Do you want to say anything to her?" ani Tiyo More saka sumenyas sa akin na manahimik ako.
"Shut up, dad!" asik ni Kuya Maxwell. "Maxrill! Yaz is here!"
Nanlaki ang mga mata ko nang tatawa-tawa akong lapitan ni Tiyo More. Tuloy ay nakita ko sa laptop nang magtatakbo mula sa kung saang kwarto ni Maxrill!
Ngali-ngali kong inilapag sa mesa ang shake na iniinom para magtakip ng mukha. Panay ang silip ko sa malilit na butas sa aking daliri para makita siya.
"That's not her!" asik ni Maxrill.
"Oh, sorry," sabi ni Kuya Maxwell. "It's dad's fault," aniya pa matapos siyang samaan ng tingin ng bunsong kapatid.
"You freak!" asik ni Maxrill saka tumayo at lalamya-lamyang naglakad palayo.
Si Kuya Maxwell na lang ang makikita sa laptop pero hindi ko pa rin magawang alisin ang takip sa aking mukha.
"Is that Arabelle?"
"Yeah," sagot ni Tiyo More.
"Hey, Arabelle!" pakiramdam ko ay iba ang dating ng pangalan ko nang si Kuya Maxwell ang magbanggit niyon.
"Hello, kuya," nahihiyang sagot ko. Inalis ko na ang takip sa aking mukha yumuko na ako.
"Why can't you look at me?" natatawang tanong ni kuya.
"She covered her face after seeing Maxrill,"nanunukso ang tinig ni Tiyo More.
Napandilatan ko si tiyo. Nakagat ko ang aking labi saka ngumuso. "Hindi po," pagsisinungaling ko.
"Hmm..." ani Kuya Maxwell.
Tatawa-tawang inilayo ni Tiyo More ang laptop sa 'kin saka ginulo ang buhok ko. "Go and finish your drink, hija."
"Opo, tiyo," kagat na naman ang labi at nakanguso kong sagot.
Ipinagpatuloy ko ang pag-inom ng shake pero hindi na mawala sa isip ko ang itsura ni Maxrill. Nakagat ko ang straw niyon at saka muling nilingon ang laptop ni tiyo. Nakaupo na ito sa hindi ko na naman malaman kung pang-ilang sala na. Ngunit iba 'yon sa kinaroroonan nina nanay, iba rin sa kinaroroonan ko. Pero kapansin-pansing walang TV sa mga iyon, sa halip ay pulos estante ng mga libro.
Hindi ko malilimutang meron silang sariling palaruan dito. Nakita kong meron silang mesa ng bilyaran at iba't ibang arcade games. Meron dart board at bow and arrow.
Hindi talaga matatapos ang paghanga ko sa mansyon ng mga Moon. Iyon nga lang, hindi ko rin alam kung matatawag kong swerte ang mga nakatira rito. Panay kasi ang alis nila. Naunang umalis sina Kuya Maxwell at Maxrill. Ngayon naman ay aalis sina Ate Maxpein. Tuwina ay mga tauhan at katulong na lang yata sa bahay ang naroon.
"Woi," magiliw na bati sa 'kin ni Ate Maxpein. Hindi ko man lamang naramdaman ang pagpasok niya.
Napangiti ako at agad na tumayo. "Ate Maxpein!"patakbo akong lumapit at yumakap sa kaniya.
"Glad you're here, nice to see you. How's everything?"
"Maayos naman po. Matataas naman po ang grado ko."
"Na-e-enjoy mo ba ang pag-aaral mo?"
"Opo," tango ko. "Masaya ako na maraming natututunan."
"Ayos 'yan, pwede kang mapabilang sa pamilyang 'to kapag natutunan mo ang lahat ng sinasabi sa walonglibong libro," aniyang hinagot ang buhok ko.
Walonglibo... Umawang ang labi ko. Sa paaralan ay meron lamang akong... Binilang ko sa isip kung ilan ang libro ko.
Saka ako napapamaang na sinundan ng tingin si Ate Maxpein na noon ay sumisilip sa laptop.
Grabe...ganoon karami ang nabasa niya? Hindi ako makapaniwala. Ilan kaya ang kay Maxrill? Talagang hindi na matatapos ang paghanga ko sa pamilyang ito.
Nang sandaling iyon ay tumuloy si Kuya Deib Lohr, bitbit ang kanilang anak. "Hi," bati nito sa 'kin.
"Hello, Spaun!" pagbati ko nang maupo si Kuya Deib Lohr sa tabi ko. "Kumusta po si Spaun?"
"Mukha ba siyang hindi okay?" asik ni kuya.
Napamaang ako. Galit ba siya? "Ano..."
"Okay lang ang anak ko, ako ba naman ang ama," ngiti niya.
Napakagwapo ni Kuya Deib Lohr, kaso ay hindi ko maintindihan ang ugali niya. Hindi na tuloy ako nakasagot. Sa halip ay nilaro ko na lang ang kamay ng baby.
Nang hapon ding iyon ay tinulungan ko si nanay na magluto ng hapunan para sa mga Moon. Nais pala ng mga ito na matikman ang espesyal niyang sinigang bago umalis. Matatagalan siguro sila sa ibang bansa.
Nang dumilim ay isa-isa kaming nakipagpaalaman sa mga ito nang umalis. Habang nasa daan pauwi ay hindi ko na naman mapigilang humanga. Noon ko lang kasi nalaman na may sarili pala silang eroplano. Sinabi ni Tiyo More 'yon na talagang ikinagulat ko.
"Hindi po ba't mahal ang eroplano, 'nay?" hindi talaga mawala 'yon sa isip ko.
"Bilyon, anak," buntong-hininga ni nanay. "Kaya nga kahit kanino ay talagang ipinagmamalaki ni Maximor iyon," ngiwi niya.
Nakatulala ako hanggang sa makarating sa bahay. Iniisip ko kung ano kaya ang pakiramdam na makasakay sa eroplano? Lalo kong naisip kung anong pakiramdam na magkaroon ng sariling eroplano.
"May bisita ka, anak," ani nanay nang makababa ako ng tricyle. Sa sobrang pag-iisip ay hindi ko natanawan si Rhumzell.
Agad ko itong nilapit. "Rhumzell," ngiti ko.
Gano'n na lang kaganda ang ngiti niya. "Good evening." Nanlaki ang mga mata ko nang maglahad siya ng isang pulang rosas.
"Wow," natutulala kong tinanggap 'yon. "Salamat!" Hindi ko maipaliwanag ang mararamdaman. May kung anong umaalon sa dibdib ko at tiyan.
"Yayayain sana kitang mag-date bukas, Dainty,"bigla ay sabi niya. Dahilan para lalo pang umawang ang labi ko. "Linggo naman at walang pasok."
"Ano..."
"Hmm?" naghintay siya ng sagot ko. "Ipagpapaalam kita sa parents mo." Eksaktong lumapit si nanay. "Magandang gabi po, tita."
"Napadalaw ka, Rhumzell? Gabi na, ah?"
"Eh," nakamot niya ang ulunan. "Ipagpapaalam ko po sana kasi si Dainty bukas po. Manonood lang kami ng sine at kakain sa labas po. Diyan lang sa Pavilion po."
Gusto kong humanga sa lakas ng loob niya. Nasabi niya 'yon nang deretso bagaman nagkakamot ng batok.
Hindi ko maipaliwang ang pananabik na umusbong sa aking dibdib. May kung ano sa akin na hiniling na sana ay pumayag si nanay.
"Wala kasi siyang cellphone kaya sumadya ako po," dagdag pa ni Rhumzell.
"Halika, tuloy ka," anyaya ni nanay.
Nagkatinginan at nagkangitian kami ni Rhumzell saka sumunod kay nanay. "Kumain ka na?" tanong ko.
"Oo, nag-dinner ako bago pumunta rito. Ikaw?"
"Doon kami naghapunan sa bahay nina Maxrill..." huli na nang maisip ko kung bakit pangalan ni Maxrill ang nabanggit ko. Awtomatiko akong ngumiti upang hindi siya makahalata.
Muling binati ni Rhumzell si tatay nang magharap sila sa sala. Matapos niyon ay agad na akong ipinagpaalam ni Rhumzell sa kanila ni nanay. Inulit niya ang mga sinabi kanina.
"Sama ako!" nakangusong ani Bree.
"Sige," awtomatikong pagpayag ni Rhumzell. Lalo akong natuwa! "Maraming magagandang palabas ngayon."
"Naku, huwag na, Bree," angal ni nanay. "Dala-dalawa pa kayong ililibre ni Rhumzell niyan."
Lumabi ang kapatid ko. "Sige po."
"Ayos lang po," ngiti ni Rhumzell. "Walang problema po." Nabuhayan si Bree sa sinabi niya.
"Oo nga naman," ani tatay. "Kahit nga yata sumama tayo ay hindi mababawasan ang kayamanan ng batang ito." Hindi ko malaman kung magugustuhan ko ang biro niya. Mabuti na lang at tinawanan iyon ni Rhumzell.
"Sumama ka na, Bree," anyaya ni Rhumzell.
Tumingin ang kapatid ko sa aming ina. "Haay, sige na. Kayong bahala. Basta mag-ingat kayo at maglibang."
Hindi kami nakatulog ni Bree nang gabing iyon dahil sa excitement. Wala kaming ideya sa mga palabas sa sinehan kaya naman kahit ano ang mapili ni Rhumzell ay masaya na kami.
Nakakapunta naman kami sa mall. Ang totoo ay doon ang pasyalan namin, lalo na noong makapaglakad ako. Dinala agad kami ni nanay doon at pinakain.
Kaya rin naming lakarin iyon mula sa amin. Pero dahil wala naman kaming panggastos ay nananatili na lang kami sa bahay.
Kinabukasan ay magkatulong kaming nagluto ng agahan ni Bree. Ganti iyon sa pagpayag ng mga magulang naming makagala. Nang matapos kumain ay hindi na maubos ang kwentuhan namin gayong panonood ng sine at pagkain lang naman sa labas ang gagawin namin,
"'Ayan, bagay na bagay sa 'yo, ate!" aniya na isinuot sa 'kin ang puting bestida niya. Pero dahil mas matangkad ako kay Bree, hindi na naman 'yon umabot sa tuhod ko. Bukod doon ay nilagyan niya ako ng headband na gawa sa tela at kulay krema. Ang sapatos ko ay walang takong at saradong kulay krema rin.
"Napakaiksi naman nito," angal ko.
"Ate, normal lang ang sukat na iyan."
"Para sa iyo. Hindi ko kayang maglakad ng ganito."
"Naka-stockings ka naman, ate."
"Pero..."
"Ate, maniwala ka, bagay na bagay sa iyo,"sinserong aniya. "Napakaganda mo."
Napapangiti kong sinilip ang sarili sa salamin. Ngunit sulyap pa lang ay humanga na ako. Gano'n n alang ang ngiti ko nang makita ang gandang sinasabi niya.
"Salamat, Bree," niyakap ko siya.
"Salamat din sa pagsama sa 'kin, ate,"nagtatalon na aniya. "Halika na, baka nariyan na si Rhumzell."
Hindi nga siya nagkamali. Dahil pagkalabas ay natanawan namin ang sasakyan nito. Nanlaki ang mga mata ko nang makita siya. Naka-shorts siya ng itim at hindi lalampas sa tuhod. Nakaputing rubber shoes at puti ring polo shirt. Napakagwapo niyang tingnan sa itim niyang shades.
Pakiramdam ko ay huminto ang oras habang naglalakad siya papalapit sa amin. Ang mabilis namang lakad niya ay napanood ko nang mabagal. Ang bagsak niyang buhok ay naging mabagal din ang paglipad. Wala akong nagawa kundi ang titigan ang kaniyang mukha.
"Ang gwapo ni Rhumzell," ani Bree. Hindi ko nagawang sumagot dahil sandali rin akong napatulala rito.
"Hi," pagbati niya. Lalo akong hindi nakasalita nang maglahad siya ng isang piraso ng bulaklak.
Napapangiti ko iyong tinanggap. "Salamat, Rhumzell."
"Nasaan sina tito at tita? Magpapaalam ako,"aniya na sinilip ang aming bahay.
Talagang napakagalang niya at marespeto.
Nakangiti akong bumuntong-hininga saka nagbaba ng tingin sa bulaklak. Nang mag-angat ako ng tingin ay kausap na ni Rhumzell ang mga magulang ko.
Hindi ko naiwasang mapangiti habang nakatingin sa kaniya. Talagang napakarami niyang katangian na pwedeng pwede kong magustuhan o nang sinoman.
Walang dahilan para hindi ko siya piliin.
'Ayun na naman ang malungkot na pakiramdam. Iyong lungkot na hindi ko maintindihan ang pinagmumulan. Iyong lungkot na nagsasabing mali ang desisyon ko.
Bakit gano'n? Sa t'wing nakikit ako ang magagandang bagay, nakasunod parati ang lungkot na 'yon. Ayaw kong piliin si Rhumzell habang nararamdaman ko 'yon. Gusto kong kapag pinili ko siya ay iyong buong-buo ako. Dahil iyon ang karapat-dapat niyang matanggap.
"Nakapagpa-reserve na ako sa restaurant," ani Rhumzell nang makarating kami sa mall.
Ayaw ko man ay pareho kaming hindi mahinto sa paglingon ni Bree. Nakakahiya ang iniaasta namin kasi para namang hindi kami nakapupunta doon. Para tuloy kaming sabik na sabik na makatunton gayong ilang beses na rin naman kaming pumunta ro'n.
"We're going to eat seafoods for lunch," dagdag ni Rhumzell.
Nang hindi ko siya pansinin dahil sa paglilinga ko ng paningin ay hinuli niya ang kamay ko. Pinandilatan ko siya saka nilingon si Bree na noon ay nauuna naman sa amin.
"Sige, gusto ko 'yo..." hindi naituloy ni Bree ang sasabihin nang matapos kaming lingunin ay nakita niya ang magkahawak na mga kamay namin. Ngumisi siya ng nakakaloko saka muling itinuon ang paningin sa daan.
Nag-init ang pisngi ko. Napapikit ako at nakagat ang labi ko. Palihim akong nag-angat ng tingin kay Rhumzell pero tila naramdaman niya 'yon. Bahagya niya akong hinila dahilan para magdikit ang aming mga braso.
"Just tell me if you want to buy anything, okay?" bulong niya. Napatitig ako sa magandang ngiti niya saka magkakasunod na tumango. "Hey, Bree, tell me if you need anything," baling niya rin dito.
Ganito ba ang panliligaw? 'Ayun na naman 'yong haplos sa puso ko. Napakasarap no'n sa pakiramdam. Ang totoo ay 'yon ang nagtutulak sa 'kin na piliin si Rhumzell.
"I want you to try this king crab," aniya na kinuha ang malaking parte niyon saka inilagay sa malaking plato ko. Kumuha muli siya ng isang parte saka inilagay sa plano ni Bree.
"Grabe, ang laki," hindi makapaniwala, napapalunok at naglalaway nang ani Bree. Ako man ay gano'n na, natatakam na tikman ang king crab na tinawag niya.
Itinuro ni Rhumzell kung paanong kakalasin ang shell niyon saka hihilahin ang laman. Kaya gano'n na lang ang gulat ko nang kunin niya pa rin ang plato ko at gawin 'yon sa parte na binigay niya sa 'kin.
"Eat well," aniya na tumitig sa 'kin na para bang hihintayin niyang makakain muna ako.
Dinampot ko ang malaking laman ng galamay niyon saka tinikman. Nanlaki ang mga mata ko nang manuot agad sa panlasa ko ang linamnam. Sobrang sarap niyon!
"It's delicious, huh?" aniya pa.
Magkakasunod na tango ang isinagot ko habang ngumunguya. Siya namang dampot ng tissue ni Rhumzell para ipunas sa bibig ko. Nakagat ko na naman ang labi ko sa hindi inaasahang kilos niya.
"'Uy..." pang-aalaska ni Bree. "Kayo na, 'no?"
Magkakasunod kong iniling ang mga kamay ko sa kawalan ng kakayahang magsalita. Puno ang bibig ko.
"Joke lang," biglang bawi ng kapatid ko. "Pero bagay na bagay kayo. Botong-boto ako sa inyo."
"Thanks, Bree," nakangiting ani Rhumzell.
Natigilan ako nang tumayo siya at hilahin palapit sa 'kin ang kaniyang silya. Akala ko ay kakain niya siya ngunit ipinagpatuloy niya ang paghihimay ng parte ko ng king crab. Sa t'wing susubo ako niyon ay pinupunasan niya ang bibig ko. Iniaabot niya rin ang juice ko.
"Bakit hindi ka pa kumain?" nahihiya na talagang sabi ko.
"Ahh..." aniya na sinasabing subuan ko rin siya.
Agad na nag-init ang mga pisngi ko. Nanghina ang mga kamay ko sa isang sulyap pa lang sa king crab. Hindi ko yata siya kayang subuan, lalo na at naroon ang kapatid ko, at napakarami talagang tao.
"Ano..." kinakabahang sabi ko.
Natawa si Rhumzell. "I really like you, Dainty."
Nanlaki ang mga mata ko nang maramdaman ang kamay niya sa likuran ko, napatindig ako sabay lingon sa kaniya.
"I like you," dagdag niya.
Umawang ang labi ko. Paano niya nasasabi 'yon nang ganoon kasinsero sa harap ng kapatid ko?
Napapalunok kong nilingon si Bree at parang siya ang maiiyak sa tuwa para sa 'kin. Pulang-pula rin ang kaniyang pisngi at hindi maalis ang tingin sa amin.
"Napaka-sweet ni Rhumzell," naroon ang inggit sa tinig ni Bree. "Sana ganyan din sa 'kin si Maxrill."
Nagugulat siyang nilingon ni Rhumzell. "You like him?"
Magkakasunod na tumango ang kapatid ko. "A lot!" pag-amin niya.
Isa isang iglap ay nawala ang lahat ng magagandang pakiramdam na naiparamdam ni Rhumzell mula kagabi. Sa hindi ko maipaliwanag na dahilan ay 'ayun na naman ako sa pagpili kay Maxrill. Gayong wala naman akong karapatang piliin ito.
Lalo akong nalungkot nang maalala ko ang pagkadismaya ni Maxrill nang hindi ang babaeng nagugustuhan niya ang nakita sa laptop kundi ako. Hindi mawala sa isip ko kung paanong gumuhit ang lungkot sa mukha niya. Maging ang paglaylay ng mga balikat niya ay natatandaan ko pa.
"Is it possible to fall in love with a brokenhearted man?" Iyon agad ang linya na nakapukaw sa atensyon ko nang magsimula ang palabas.
Napatitig ako sa bidang babae na noon ay nakatingin sa gwapong bidang lalaki habang nasa mahabang mesa sila. Napakaraming lalaking naroon ang nakatingin sa kaniya ngunit ang paningin niya ay nakatuon sa kaisa-isang hindi man lang sumulyap sa kaniya. Panay lamang ang kain niyon at kung mawala man sa kinakain ang paningin naroon naman sa katabi nito.
Habang tumatakbo ang istorya ay hindi ko maiwasang makita ang aking sarili sa bidang babae. Mahiyain din iyon at panay ang sikretong sulyap at paghanga sa lalaking bida. Pero ang lalaking bida ay may ibang nagugustuhan, iyon nga lang, wala ring gusto sa kaniya.
Parang piniga ang puso ko nang umiyak ang babae matapos tanggihan ng bidang lalaki ang pag-amin niya ng nararamdaman. Magkakasunod kong pinunasan ang tumutulo kong luha dahil sa sobrang pagkadala.
Nahiya tuloy ako nang abutan ako ng panyo ni Rhumzell. Bago ko pa 'yon matanggap ay kinuha niya na ang kamay ko at siya ang nagpunas sa luha ko.
"Don't cry, babe..." bulong niya.
Kinilabutan ako nang maramdaman ang hininga niya sa aking pisngi. Gustuhin ko man siyang lingunin ay hindi ko na nagawa dahil batid ko kung gaano kalapit ang mga mukha namin.
Natapos ang palabas nang magkahawak ang mga kamay namin.
"Salamat sa pagsama sa 'kin, Rhumzell," ani Bree nang makarating kami sa bahay.
"Sa susunod ulit," ngiti ni Rhumzell saka sumulyap sa aming mga magulang. "Salamat po, tito, tita."
"Dito ka na maghapunan," imbita ni nanay.
"Gustuhin ko man po, tita," nilingon ako ni Rhumzell at nginitian. "Ang paalam ko kay mommy ay sa bahay ako magdi-dinner po."
Ngumiti si nanay. "Sa susunod na lamang. Ipagpaalam mong inimbitahan kita."
"Salamat po, tita."
"Mag-ingat ka pauwi," ani nanay.
"Mag-ingat ka sa pagmamaneho," sabi naman ni tatay. Saka sila sabay na pumasok ni nanay.
Inakay ako ni Rhumzell pabalik sa sasakyan ngunit hindi na kami pumasok. Isinandal niya ako sa kaniyang kotse, patalikod sa aming bahay.
"Salamat, Rhumzell, masaya kami ni Bree sa lakad natin," sinsero kong sinabi.
Nakangiti niyang hinaplos ang pisngi ko. "Next time I'll choose a movie that'll make you laugh. I can't stand watching you cry."
Nakagat ko ang aking labi saka ako napanguso. "Mababaw ang luha ko sa palabas," sabi ko.
Ngunit nang hindi siya sumagot ay muli ko siyang tinunghayan. Gano'n na lang ang kaba sa dibdib ko nang makitang nakatitig siya sa mga labi ko.
"I hope you will not get mad if I do this..."mahinang aniya.
Umawang ang labi ko at bago pa man ako makasagot ay dinampian niya na ng halik ang labi ko.
Napapikit ako sa hindi maipaliwanag na dahilan. Napuno ng kaba ang dibdib ko, kumuyom ang parehong palad ko. Naramdaman ko nang bitiwan niya ang labi ko ngunit nanatiling nakapikit ang mga mata ko.
Anong pakiramdam ito?
Naghahalo-halo ang hindi mapangalanang pakiramdam sa dibdib at tiyan ko. Habol ko ang hininga dahil sa sobrang kaba nang mapatitig ako sa kaniya.
"I really like you, Dainty. And I hope you like me, too," mahinang aniya saka ngumiti ng sobrang tamis.
Rhumzell...
To be continued. . .
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top