CHAPTER EIGHT

CHAPTER EIGHT

"I WAS looking for you inside," natatawa ngunit nagtataka ring ani Rhumzell nang madatnan ako sa sasakyan niya. Paulit-ulit ang pasasalamat ko kanina na hindi niya ini-lock 'yon. Kung hindi ay hindi ko alam kung ano ang gagawin ko dahil naiwan sa loob ang bag ko kung saan naroon ang gamot ko.

"Ano..." hindi ko magawang magsinungaling. "Umatake kasi 'yong sakit ko."

Natigilan siya at napatitig sa 'kin. "Nahihirapan kang huminga?" Lumapit siya para tingnan ang lagay ko.

Umiling ako. "Okay na 'ko, ano...pwede bang pakihatid mo na lang ako sa bahay? Gusto ko nang magpahinga. Pasensya na, Rhumzell."

Awtomatiko niyang binuksan ang makina. "Dadalhin na lang kita sa hospital, Dainty."

"Hindi na," nahawakan ko siya sa braso.

Napatitig siya doon dahilan para hawakan niya ang kamay ko. "I'm worried, Dainty." Nabasa kong talaga ang pag-aalala sa mga mata niya.

Ngumiti ako. "Ayos lang ako, may gamot naman ako. Gusto ko lang talagang makauwi na para makapagpahinga."

"Ihahatid na lang muna kita sa inyo. Babalikan ko na lang si Bree." Sinabi niya 'yon sa paraan na para bang hindi na ako pwedeng tumanggi.

Hindi na ako nagsalita pa. Sa halip ay napatingala ako sa gawi kung saan alam kong bintana ng kwarto ni Maxrill ang makikita. At gano'n na lang ang gulat ko nang makita itong naroon sa balkonahe! Nakapamulsa at gano'n man kataas ang kinaroroonan nito ay nasisiguro kong nakatingin sa 'kin.

Napasinghap ako at wala pa man ay 'ayun na naman ang hirap kong paghinga. Ano ba ang nangyayari sa 'kin? "Ano..." hindi ko alam kung alin sa mga naroon sa tabi ang dapat kong pindutin para bumukas ang bintana.

Nilingon ko si Rhumzell pero mukhang nakuha niya na ang gusto kong gawin. Binuksan niya ang bintana sa tabi ko para pumasok ang hangin.

"You're making me worry," nag-aalala talaga ang tinig niya.

Pinilit kong ngumiti saka sinulyapan sa salamin na naroon sa gawi ko si Maxrill. Para na naman akong kakapusin ng hininga dahil hanggang sa sandaling iyon ay nakatanaw siya.

Bakit ganito ang epekto niya sa 'kin? Hindi ko maipaliwanag. Kinailangan kong alisin ang paningin kay Maxrill para lang makahinga ako ulit.

"Will you be okay?" nag-aalalang ani Rhumzell.

Tumango ako. "Ayos lang ako. Pasensya na, ah?"

"No," umiling siya. "Ako dapat ang mag-sorry, maybe you got tired because of me. I'm really sorry."

"Ayos lang naman ako, Rhumzell," nagbaba ako ng tingin. Nakokonsensya ako dahil sinisisi niya ang sarili gayong si Maxrill ang dahilan kung bakit umatake ang sakit ko.

Maxrill Won Del Valle... Napapikit ako nang muling umalingawngaw sa pandinig ko nang sabihin niya ang pangalan. "Ano..." napanguso ako. "Papasok na 'ko, Rhumell. Pasensya na talaga."

Basta ko na lang siya natalikuran saka ako nagmamadaling pumasok sa bahay. Tuloy ay hindi ko namalayang naroon pala sa pinto si nanay. Hindi na ako magtataka kung nakita niya kaming nag-uusap ni Rhumzell.

"Nag-away ba kayo?" pabulong niyang tanong.

Magkakasunod akong umiling at wala sa sariling yumakap kay nanay at doon umiyak. "'Nay..."

Hinagod nang hinagod ni nanay ang buhok ko. "Anong nangyari?" nagising ang pag-aalala niya.

"Nakita ko po si Maxrill, 'nay..." pabulong ding sagot ko.

Naramdaman ko nang makahinga siya nang maluwang. "'Susmaryosep kang bata ka, akala ko naman kung ano nang iniiyakan mo," paasik niyang bulong.

Kinuha ni nanay ang kamay ko saka ako dinala sa kwarto. Siya na ang naghubad ng bag na nakasabit sa likuran ko. Hinawakan niya ako sa magkabilang balikat saka pabuntong-hiningang tinitigan.

"Nalaman ko ngang umuwi si Maxrill. Itinawag sa 'kin ni Maxpein," sabi ni nanay. "Gusto niya raw kasing kumain niyong mumurahing pizza na nabibili sa labas ng village nila."

Umawang ang labi ko. "Dahil lang po sa mumurahing pizza?" hindi makapaniwalang tugon ko.

Natatawang tumango si nanay. "Alam mo iyong mumurahing pizza na madalas din nating kainin? Mahilig kumain niyon si Maxrill mo," bulong niya.

Nanlaki ang mga mata ko. Maxrill mo... Lalong umawang ang labi ko. "Nanay naman, eh..." ngumuso ako dahilan para lalo siyang matawa.

Umuwi para sa mumurahing pizza... Ang hirap tanggapin no'n. Hindi ko akalaing posible na palang umuwi sa Pilipinas mula sa Amerika para sa mumurahing pizza kung kailan gustuhin ng isang tao.

"Ano nga ba'ng nangyari? Bakit kailangang umiyak ka?" tanong niya. "Sabihin mo sa 'kin."

"Hindi ko po kasi maintindihan."

"Ang alin, Dainty?"

"Bakit...kung kailan si Rhumzell na ang pinili ko, saka siya magpapakita, 'nay?"

Bumuntong-hininga si nanay. "Anak, hindi naman maaaring hindi magsalubong ang landas ninyo dahil lang sa pumili ka na ng iba. Ako mismong nanay mo ay may koneksyon sa pamilya niya. Hindi mawawala iyon. Magkikita at magkikita kayo, pumili ka man o hindi ng iba."

Umiling ako. "Paano ko pong pipiliin si Rhumzell gayong...nakita ko lang po si Maxrill ay umatake na ang hika ko?"

"Ano?" nagugulat niyang tanong. "Umatake ang hika mo?"

Napapahiya akong tumango saka kinuwento ang buong nangyari. Halos maiyak ako nang matawa si nanay dahil pakiramdam ko ay katatawanan lang sa kaniya ang pinagdaraanan ko. Gayong ako ay nahihirapan na.

"Bakit naman kasi...pinipilit mong gustuhin si Rhumzell gayong si Maxrill ang gusto mo?"

Nailagay ko ang aking daliri sa bibig para patahimikin si nanay. "Baka po marinig tayo nina tatay."

"Naliligo naman ang tatay mo," aniyang sinilip pa ang pinto gayong nakasara 'yon. "Dainty," kinuha ni nanay ang parehong kamay ko. "Hindi mo kailangang pilitin ang sarili mong gustuhin si Rhumzell kung talagang si Maxrill ang gusto mo."

Nagbaba ako ng tingin. "Eh, kasi, 'nay..." hindi ko agad nabuo ang dahilang nasa isip ko. "Ayaw kong magalit sa 'kin si Bree," emosyonal kong nasabi. "Ayaw kong dumating kami sa punto na magalit siya sa 'kin dahil...lang sa lalaki."

Bumuntong-hininga si nanay. "Naiintindihan kita. May punto ka at mabuti ang gusto mong gawin. Pero hindi ka maaaring pumili na lang basta ng pag-aaralang mahalin dahil kapag hindi mo 'yon natutunan, pareho lang kayong masasaktan. Hindi gano'n 'yon, Dainty."

"Ano po ang gagawin ko?"

"Kung wala ka talagang nararamdaman kay Rhumzell ay deretsuhin mo siya. Na kung maaari ay maging magkaibigan na lang muna kayo. Kung talagang mahal ka ni Rhumzell ay maiintindihan ka no'n."

"Paano po kung magalit si Rhumzell?"

Bumuntong-hininga uli siya. "Magalit na kung magalit, anak, kaysa paasahin mo siyang may nararamdaman ka rin gayong wala naman."

"Sinusubukan ko naman po, 'nay."

"Oo nga't sinusubukan mo. Pero sa nangyayari ay iba ang tinitibok ng puso mo. Hindi patas sa kaniya 'yon."

Bumuntong-hininga ako at napahiya sa kawalan ng pag-iisip tungkol do'n. "Sige po, 'nay."

"Anong sige?"

"Sasabihin ko sa kaniyang maging magkaibigan na lang muna kami."

"Mabuti pa," buntong-hininga rin niya. "Mabuting bata si Rhumzell at...hindi ko rin gugustuhing masaktan siya."

Nagpalit lang ako ng damit at hinintay ko sa sala ang pagdating nina Rhumzell at Bree. Pero kalahating oras na ang nakalilipas ay hindi pa dumarating ang dalawa. Nakapagpahinga na ako at lahat sa kwarto ay wala pa rin ang mga ito.

"Nasaan na ang kapatid mo? Gabi na," kunot-noong ani nanay.

Sasagot na sana ako nang mapalingon ako sa labas dahil mukhang dumating na ang mga ito. Hindi nga ako nagkamali, 'ayun at kabababa lang ni Bree.

Agad na sinalubong ni Rhumzell ang tingin ko. "How are you feeling, Dainty?"

Ngumiti ako. "Sabi ko naman sa 'yo ayos lang ako. Bakit ngayon lang kayo?"

Nakamot niya ang ulo. "Hinintay ko pa ang kapatid mo. Natagalan ang practice nila. Gabi na rin kaya hinintay ko na siya."

Umawang ang labi ko at napatitig sa kaniya. Talagang napakabait niya. Napabuntong-hininga ako. Gusto ko sana siyang kausapin tungkol sa napag-usapan namin ni nanay. Gusto kong sabihin sa kaniyang maging magkaibigan na lang kami. Pero 'ayun na naman 'yong pakiramdam ko na wala akong karapatan na saktan siya. Kahit pa naiisip kong mas tama ang sinabi ni nanay. Kahit pa alam kong masasaktan ko rin siya kung ipipilit ko.

Napabuntong-hininga ako at naisip na ipagpaliban na lang muna 'yon. Na sa ibang araw ko na lang sasabihin, basta huwag ngayon na mukhang pagod na siya.

"Dito ka na lang maghapunan, Rhumzell," wala sa sariling anyaya ko.

Nakita ko siya nang matigilan. "Ah, no, it's okay, I'll go head."

"Sigurado ka?" ngiti ko.

Hindi ko inaasahang kukunin niya ang kamay ko sa harap ni nanay. Napalingon ako kay nanay, nakatingin din siya sa kamay naming magkahawak. Napapalunok kong nilingon si Rhumzell, gano'n na lang kaganda ang ngiti niya.

"I'll pick you up tomorrow," ngiti niya. "See you."

Napatango na lang ako saka ngumiti. "Ingat ka pauwi."

"Thanks," aniyang hinagod pa ang buhok ko saka bumaling kay nanay. "Mauuna na ako po, tita,"kumaway siya bago kami tuluyang tinalikuran.

Nagkatinginan kami ni nanay, ngumiti siya saka ako sinenyasang pumasok na. Tahimik ako sa buong hapunan, ang isip ko ay puno na naman ng pagkalito kina Rhumzell at Maxrill. Ang hirap no'ng pigilan. Alam ko sa sarili kong wala akong karapatang pumili sa kaniya. Na kung may pipiliin man ako ay si Rhumzell lang 'yon. Pero gaya nga ng sinabi ni nanay, hindi ko pwedeng pilitin ang sarili ko. Kung matutunan ko man siyang gustuhin, gusto kong maging natural 'yon. Ayokong pilitin dahil baka lalo ko lang siyang masaktan kung hindi ako magtagumpay.

Gustong-gusto ko ring piliin si Rhumzell. Pero alam ko sa sariling kong isip ko lang ang pumipili sa kaniya. At hindi maaari ang ganoon.

"Ate, sagutin mo na kaya si Rhumzell?" sinabi iyon ni Bree sa gitna ng pagkain.

Nagugulat ko siyang nilingon. "Ano ba'ng sinasabi mo?"

Tumawa siya. "Grabe, hindi ko akalaing hihintayin niya ako hanggang sa matapos ang practice ko, ate! Napakaswerte mo kay Rhumzell!"

Napapahiya akong sumulyap kina nanay at tatay, maging si kuya na sumeryoso ay nasulyapan ko. "Hindi naman gano'n 'yon, Bree," pagpapaintindi ko. "Hindi dahil hinintay ka niya ay dapat ko na siyang sagutin. Ano...kasi..."

"Bakit, ate? Napakabait ni Rhumzell. Kung ako ngang kapatid mo ay hinintay niya, ano pa ikaw, 'di ba? Napakaswerte mo kung nagkataong maging nobyo mo siya," dalahirang ani Bree. Nakagat ko ang labi ko saka ako nakayukong ngumuso.

"Tama si Dainty, Bree," sabat ni Kuya Kev. "Hindi sapat na dahilan 'yon para sagutin niya si Rhumzell. Isa pa, ikaw ang hinintay, hindi siya,"tumawa si kuya.

Kung noong nakaraang gabi ay halik ni Rhumzell ang pumuyat sa 'kin. Boses naman ni Maxrill ang pilit na gumigising sa diwa ko nang gabing 'yon. Paulit-ulit na dumadagundong sa isip ko ang boses niya, hindi ko malimut-limutan. Paano nangyari 'yon? Hindi kapani-paniwalang nahigitan pa niyon ang halik ni Rhumzell.

Anong meron sa kaniya para makaramdam ako ng ganito?

Dumiin ang pagkakapikit ko at mas naitalukbong ko ang kumot sa aking sarili. Nakagat ko ang daliri ko habang panay ang pagnguso sa dilim.

I am the owner of the face you're staring at... Mas dumiin pa ang pagkakapikit ko nang rumehistro sa isip ko ang portrait niya. I am Maxrill Won del Valle. Siguradong hindi mo 'yan malilimutan, kahit ilang beses mong subukan.

Napamulat ako at gano'n na lang kabilis ang tibok ng puso ko.

Maxrill...

Magkakasunod akong lumunok saka ko nakagat ang aking labi.

Hindi ko alam kung paano akong nakatulog. Pero nang magising ako kinabukasan ay ramdam ko lalo ang pagiging lutang. Hindi kapani-paniwalang maging sa pagtitimpla ko ng kape ay boses niya ang maririnig ko. Na sa t'wing pipikit ako ay mukha niya ang aking nakikita.

Anong ginawa mo sa 'kin?

Nag-aalala ako sa pakiramdam, bakit gano'n na lang iyon kalalim? Talagang hindi ko maipaliwanag. Para akong lalagnatin sa sobrang pag-iisip.

"Aalis na si Maxrill mamaya," bulong ni nanay habang tinutulungan ko siyang maghanda ng agahan.

Natigilan ako sa pagsasandok ng kanin at napalingon sa kaniya. Ngunit muli rin akong yumuko, nakagat ko ang labi ko saka napanguso. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin.

"Gusto mo ba siyang makita?" dagdag bulong niya. "Hahatiran ko siya ng pichi-pichi."

Nagugulat ko ilong nilingon si nanay. Nalito na naman ako. Sa ganoong tanong, ano't naisip kong sinusuportahan niya ang nararamdaman ko?

Napalingon ako sa kwarto namin ni Bree saka ako napabuntong-hininga. Wala sa sarili akong napatango. Pero kasunod no'n ay nilamon agad ako ng konsensya.

Sinundo kami ni Rhumzell nang umagang iyon pero ang isip ko ay naroon na sa pananabik na makita ulit si Maxrill. Naiisip ko pa lang na makikita ko siya ay hindi na matanggal ang ngiti sa labi ko. Hindi ko man tuloy maintindihan ang mga pinag-uusapan nina Rhumzell at Bree ay panay ang pagngiti at pagtawa ko.

Hindi kapani-paniwalang nagawa kong pakinggan ang lahat ng lecturer nang nakangiti. Kung paano kong napagsabay ang pakikinig at pag-iisip kay Maxrill ay hindi ko alam. Kung paano kong nagawang sagutan ang mga quiz at recitation nang nakangiti ay mas lalong hidni ko alam. Basta na lang 'yong nangyari.

"May practice game ulit kami," sabi ni Rhumzell nang sunduin niya naman kami nang mag-uwian.

"Ano..." napapalunok ako

"Hindi ka pwede?" aniyang sinilip ang mukha ko.

"Sasamahan ko kasi si nanay," nag-aalangan kong sagot.

"Saan ang punta ninyo, ate?" sumilip si Bree sa akin.

"Sa mga Moon," hindi ko nagawang magsinungaling. "Maghahatid kami ng pichi-pichi."

"Sasama ako!" gilalas ni Bree.

Natatawa siyang nilingon ni Rhumzell. "Yeah, Maxrill is there."

"Sayang, hindi kita mapapanood, Rhumzell," ani Bree. "Excited pa man din ako kahapon." Mukhang napag-usapan na nila ang tungkol doon.

"Maybe next time," ngiti ni Rhumzell saka bumaling sa 'kin. "Ihahatid ko na lang kayo sa bahay."

"Thank you," ngiti ko saka muling sumulyap sa labas ng bintana.

"Ang baliw na 'yon ay umuwi lang para sa pizza," natatawang ani Rhumzell. "Kaya ako pumunta sa kanila kahapon ay para kunin ang pasalubong niya."

"Nanggaling ka ro'n?" hindi makapaniwalang ani Bree, napahawak pa sa silya ni Rhumzell.

"Yeah, kasama sa 'yo na ate. Hindi ba niya nabanggit sa 'yo?"

Napalunok ako. "Ano..." nagising bigla ang kaba ko. "Hindi kasi maganda ang...pakiramdam ko kahapon...hindi ko na nabanggit sa 'yo, Bree,"pagdadahilan ko.

Hindi naman iyon kasinungalingan pero ang hindi pagsasabi nang buong detalye ay kinokonsensya ako. Kasi kung hindi lang dahil sa personal kong nararamdaman kay Maxrill, baka kahit hinihika ako ay nagkwento ako kay Bree.

"Okay lang, ate! Ang mahalaga makikita ko na siya!" Talagang ganoon na lang katindi ang pagtingin ni Bree kay Maxrill. Na hindi niya makuhang mainis man lang sa 'kin, natatakpan 'yon ng nararamdaman niya.

Nagbaba ako ng tingin. Alam kong ako man sa sitwasyon niya ay pulos tuwa lang din ang mararamdaman ko.

"Ingat ka, Rhumzell, salamat," ngiti ko.

"Sana bukas makasama ka sa practice game ko," aniya. "Pero kung...hindi pa maganda ang pakiramdam mo ay ayos lang. Panoorin mo na lang ako sa interhigh."

Nakangiti akong tumango. "Pasensya ka na."

"It's okay, Dainty. No worries," hinaplos niya ang pisngi ko.

"Salamat ulit, Rhumzell." Ngumiti ako sa kumaway sa kaniya hanggang sa makalayo.

Nagmamadali akong pumasok ng bahay ngunit awtomatiko akong nagpanggap na sobrang bagal nang makita si Bree. Nagmamadali siyang magpalit nang damit at mag-ayos ng mukha, wala pa mang sinasabi si nanay.

"Ano ba 'yang suot mo?" nagugulat kong tanong nang spaghetti strap at short shorts ang isuot niya.

"Damit, ate, ano ka ba!" tumawa pa siya.

"Pupunta tayo sa bahay ng mga Moon, Bree,"bulong ko. "Ano na lang ang sasabihin nila kapag nakitang ganyan ang suot mo?"

"Ate, si Ate Yaz nga ay mas maiksi pa ang suot dito! Ganito ang gustong pananamit ni Maxrill!"

Umawang ang labi ko. Ganyan? Sinuyod ko ng tingin ang kabuuan ni Bree. Napalunok ako dahil mas lamang ang lantad na balat niya kaysa natatakpan.

Napabuntong-hininga ako saka sinulyapan ang bestida kong nakasampay sa cabinet. Kanina pa man ay 'yon na ang naisip kong isuot. Ang nakasanayan ko nang lampas tuhod na bestida na may manggas na hanggang siko.

"Ang pinag-iipunan ko ngayon ay ang pampaganda ng buhok. Pino at bagsak ang buhok ni Ate Yaz, kailangan ay ganoon din ang buhok ko. Para magustuhan ako ni Maxrill!" dagdag pa ni Bree.

Napasulyap ako sa salamin at tiningnan ang buhok ko. Pino naman iyon, hindi nga lang katulad ng kay Ate Yaz.

"Tapos pag-iipunan ko 'yong pabango na tulad ng kay Ate Yaz!" gusto kong mainggit sa excitement niya.

Gusto kong hilingin na sana ay ganoon din ako, may lakas ng loob na magsuot at gayahin ang mga gusto ni Maxrill. Pero naiisip ko pa lang na makikita ang tuhod ko ay tumatanggi na ang isip ko.

Ang uniporme namin ay hindi umaabot sa tuhod. Nagmakaawa pa ako kay nanay na bilhan ako ng medyas na aabot sa palda niyon bago magsimula ang pasukan no'n. Natatandaan kong noong magsimula ang klase ay araw-araw kong pinoproblema ang pagpasok. Hindi ako komportable sa uniporme.

"Tara na, 'nay!" pagtawag ni Bree nang makalabas kami.

Nagugulat kaming tiningnan ni nanay. Gaya ko ay sinuyod niya ng tingin ang kasuotan ni Bree saka tumingin sa akin. "Ano't ganyan naman ang suot mo?" hindi na siya nasanay sa kapatid ko.

"Nanay, ganito po ang pananamit na gusto ni Maxrill. Tara na po, 'nay!" Ikinawit ni Bree ang kamay sa braso ni nanay saka ito inakay palabas. "Ako po ang magbibigay ng pichi-pichi kay Maxrill, ah?"

"Ikaw ang bahala, Bree," pabuntong-hiningang ani nanay.

"Magtatagal pa po ba siya sa Amerika, 'nay?"tanong ni Bree nang nasa traysikel na kami papunta sa mansyon ng mga Moon. Naroon kaming pare-pareho sa loob, siya iyong nasa maliit na upuan.

"Dalawang taon sila roon ni Maxwell," ani nanay. "Isang taon pa."

"Excited na 'kong makauwi siya!" tili ni Bree.

"Aalis din sila pagkatapos niyon at iparerehistro si Maxspaun sa ibang bansa. Pagkabalik naman ay baka sa Palawan na sila manatili," kwento ni nanay. Tutok na tutok kaming pareho ni Bree sa pakikinig. "Nagpatayo ng ospital doon si Maxwell."

"Hala! Eh, paano ko siya makikita?" ngumuso si Bree.

Natawa si nanay. "Magbabakasyon naman ang mga iyon dito dahil narito ang kanilang pamilya. Paniguradong magtatagal nga lang sila doon. Hindi nila maaaring iwan ang ospital ni Maxwell hangga't hindi lubusang maayos ang takbo niyon."

Lalong ngumuso si Bree. "Siguro ay pagka-graduate ko pa ng kolehiyo saka kami magkakaroon ng tyansang mag-date ni Maxrill."

Nagugulat ko siyang nilingon. Magde-date sila? Hindi ko maintindihan kung bakit parang hindi ko gustong mangyari 'yon. Napakamakasarili ko. Siya ang unang nagkagusto kay Maxrill. Wala akong karapatang makaramdam nang ganoon.

Hindi na sumagot si nanay pero napalingon ako sa kaniya nang maramdaman ko siyang pisilin ang kamay kong hawak niya kanina pa.

Agad na kumalabog ang dibdib ko nang malayo pa lang ay natanaw ko na si Maxrill sa balkonahe sa kaniyang kwarto. Nakaupo siya sa pasemano at may hawak na gitara. Umawang ang labi ko sa pagkatulala. Kahit anong layo niya ay talagang malinaw kong nakikita ang kaniyang mukha. Hindi ko naririnig ang tinutugtog niya't inaawit, ano't nasisiguro ko nang maganda 'yon sa pandinig? Baliw na yata ako.

"Maxrill!" pasigaw na tawag ni Bree. Awtomatiko akong napatalikod bago pa ito makalingon.

"Hmm, hey there, mosquito, what's up?"dumagundong na naman ang tinig niya sa pandinig ko.

Napapikit ako at nang magmulat ay ang natatawang mukha ni nanay ang nakita ko. Nakagat ko ang labi ko at napanguso.

Dali-daling tumakbo papasok sa mansyon si Bree, hindi na nahiya. Paulit-ulit niyang tinawag ang pangalan ni Maxrill na para bang siya ang hinihintay nito at hindi ang pichi-pichi.

"Tingnan mo iyang kapatid mo," ani nanay. "Sabi niya ay siya ang magbibigay nitong pichi-pichi." Sabay kaming nagbaba ng tingin sa paperbag na dala niya. "Gusto mo bang ikaw na ang magbigay kay Maxrill ng mga ito?"

Sabay na nanlaki at umawang ang mga mata at bibig ko. Saka ako magkakasunod na umiling. "Ayaw ko po, 'nay."

Natawa siya. "Paano mo siyang makikita?"bulong niya. "Hindi bababa 'yon, ako ang kailangang pumunta sa kwarto niya."

"Dito na lang po ako maghihintay, 'nay,"pakiusap ko. Hindi ko kayang harapin si Maxrill. Nagbaba ako ng tingin sa paanan ko. Baka pagtawanan niya ako kapag nakita niya ang paa ko.Bahagya akong humarap sa kung saan na para bang maitatago ko iyon.

"Hello, Heurt," dumagundong ang tinig ni Maxrill, hindi ko inaasahan.

Nabitiwan ko ang braso ni nanay at basta na lang ako naglakad sa kung saan. Naku, saan ba ako magtatago? Gano'n na lang ang pagkatuliro ko.

"Here's your pichi-pichi," ani nanay.

"Thank you, tita," bakas ang tuwa sa tinig ni Maxrill, napangiti rin ako, wala na talaga sa sarili. "Where's your other daughter?"

"Nandiyan lang sa kusina. Mahiyain kasi 'yon, pagpasensyahan mo na."

"Hmm."

Nakagat ko ang labi ko, gano'n na lang kalapit ang tinig niya. Nasisiguro kong naroon na siya sa harap ni nanay. Sa likod niyong pader na tinataguan ko.

"Maxrill!" umalingawngaw ang tinig ni Bree.

"Tsk. Here she comes again," pabuntong-hininga iyong isinatinig ni Maxrill. "What now, mosquito?"

"Stop calling me mosquito, I am not a mosquito, Maxrill," batid kong nakanguso si Bree.

Natawa rin ako. Pero sa huli ay natigilan nang maisip na kung ang kapatid ko ngang walang deperesya ay tinatawag niya nang ganoon, ano pa ako?

"Anong ginagawa mo riyan?" nagugulat akong nilapitan ng maid.

Umawang ang labi ko. "Ano...pasensya na po,"nagbaba ako ng tingin. "Nahihiya po kasi ako..."Sumulyap ako sa gawi kung saan sila naroon.

Natawa siya saka sumulyap sa gawi nina Maxrill. "Halika, may juice dito." Umawang ang labi ko nang kunin niya ang kamay ko. "Anong pangalan mo?"

"Dainty Arabelle po."

"Napakaganda naman ng pangalan mo. Tawagin mo na lang akong Nenita."

"Salamat po, Aling Nenita."

"'Wag naman Aling Nenita," pinadilatan ako nito. "Tita Nenita na lang." Namili pa ito.

"Sige po, Tita Nenita," napapahiya kong sabi.

"Nakita ko kayo ni Maxrill noong mag-usap kayo kahapon," kapagkuwa'y ngisi niya. "Naroon ka sa harap ng portrait niya. Galing siya no'n dito sa kusina at kumakain no'ng dumating kayo ni Rhumzell. Nakita ka niyang nakatitig sa portrait niya. Ang gwapo, ano?"

Umawang ang labi ko lalo na nang makita ang nanunukso niyang mga tingin. "Ano..."

"Nakatingin siya sa 'yo. Pinanonood ka habang nakatitig sa portrait niya," panay ang pagtawa ni Aling Nenita! Hindi niya alam, kaba ang dulo sa 'kin ng mga sinasabi niya.

Nalukot ang mukha ko sa pag-aalala at kahihiyan. Bigla ay gusto kong malaman kung ano ang iniisip ni Maxrill habang nakikita ako sa ganoong sitwasyon.

Nakakahiya... Gusto kong magtakip ng mukha sa kahihiyan ngunit ang baso sa kamay ko ay hindi ko mabitiwan.

"Naku, nakagalitan ako't hindi raw kita inalok ng juice," nanlalaki ang mga matang dagdag ni Aling Nenita. "Inisip niyang natuyuan ka ng laway katititig sa larawan niya!"

Umawang ang labi ko. Ngunit nang mapagtanto kong talaga ngang nanuyo ang lalamunan ko nang sandaling iyon ay nag-init ang mga pisngi ko.

Hala... Lalong nalukot sa kahihiyan ang mukha ko.

"Alam mo ba na nang gabing 'yon ay tinanong niya kung sino ka? Hindi ko masabi at hindi ko naman matandaan ang pangalan mo. Nakikita kitang isinasama ni Madam Heurt dine pero hindi ko naman alam ang pangalan mo. Nasabi ko na lang na kasama ka ni Ngitngit," mahabang kwento niya. Lalo pang umawang ang labi ko. "Nobya ka ba ni Ngitngit?"

Awtomatiko akong umiling nang maalala si Rhumzell. "Ano...hindi po," mabilis na pagtanggi ko, nanlalaki ang mga matang umiling.

"What are you guys, then?" Gano'n na lang ang panlalaki ng mga mata ko nang umalingawngaw sa likuran ko ang tinig ni Maxrill. "Hmm?"

Naroon siya sa likuran ko at nararamdaman ko ang mga hakbang niya papalapit! Humigpit ang pagkakahawak ko sa baso saka napatitig sa salamin ng cabinet sa harap ko. Kung saan naaaninaw ko nang bahagya ang kanyang mukha.

"Maxrill," ani Aling Nenita. "Gusto mo ng juice, Maxrill?"

"Yes, please," sagot ni Maxrill at nasisiguro kong hindi niya inaalis ang paningin sa 'kin. Mas malinaw ko na siyang nakikita sa salamin. "Answer me."

Mas nagkarambola ang kaba sa dibdib ko nang makita ko sa salamin kung gaano na siya kalapit. Nanindig ang mga balahibo ko nang maramdaman ang malapit niyang presensya.

"Ano..." hindi ko alam ang isasagot ko.

"What?" tila nagmamadaling aniya! Nagkalito-lito na ang sistema ko!

"Nan..." habol-habol ko na ang hininga nang maramdamang naroon na siya sa tabi ko. Napayuko ako nang todo, sa paraang matatabunan ng buhok ang buong mukha ko.

"Nan, what?" mariing aniya.

"Nanliligaw...siya sa 'kin..." gano'n na lang kahina ang sagot ko.

"Hmm." Iyon lang ang isinagot niya. Kasunod no'n ay naramdaman ko na ang paglalakad niya palayo.

Bahagya akong nag-angat ng tingin at ang nanunuksong tingin at ngiti ni Aling Nenita ang nabungaran ko. Naitikom ko ang aking labi at hindi siya magawang tingnan.

"Namumula ka!" panunukso ni Aling Nenita.

"Ano..."

"May gusto ka ba kay Sir Maxrill?" pabulong niyang tanong.

Umawang ang labi ko. "Hala..."

"May gusto ka sa kaniya, ano?" tanong niya, hindi naniniguro kundi sigurado!

Gusto kong maiyak sa kahihiyan. Ganoon na ba kahalata ang nararamdaman ko para makita nito? Pinangiliran ng luha ang mga mata ko.

"Ano po..." hindi ko kayang sagutin ang kaniyang tanong.

"Maxrill! 'Eto na ang pichi-pichi mo!"umaalingawngaw ang tinig ni Bree! Gano'n na lang ang gulat ko nang sa likuran ko lang din manggaling ang tinig niya. Ibig sabihin ay naroon lang din sa likuran ko si Maxrill!

Bumungisngis si Aling Nenita saka inilapit ang mukha sa akin. "Hinintay rin ni Sir Maxrill ang sagot mo," tawa niya saka muling sumulyap sa likuran ko. "Wala na siya."

Napatitig ako sa kaniya. Hindi ko nagawang kumilos. Naiwang nakaawang ang bibig ko at mahigpit ang hawak sa baso ng juice. Hindi ako makapaniwalang ganoon lang kakaswal ang naging kilos nila. Habang ako ay heto at unti-unti nang nahihirapan sa paghinga.

Hinintay rin niya ang sagot ko? Hindi ko maitindihan kung bakit gano'n na lang ang kiliti niyon sa puso ko. Kiliti na parang masakit na sa dibdib.

To be continued. . . 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top

Tags: #maxinejiji