CHAPTER 64
CHAPTER 64
"HELLO, MAXRILL Won?" Tawag ni Maxrill Won ang bumura sa lungkot ko kinabukasan.
Hindi na naman kasi ako nakapasok dahil parehong hindi pwedeng umabsent sina Bree at kuya. Tinawagan ako at kinausap ng dean, sinabi ko ang totoo. Naintindihan niya pero bakas sa tono ng pananalita niyang maaapektuhan ang final mark ko.
"Hi, my Dainty Arabelle." Sigurado akong nakangiti siya. Pero mahihimigan ang magkahalong lungkot at pagod sa boses niya. "I'm sorry, I've been busy lately. I don't know how to explain my situation but I'm in Cebu right now. Something came up, I got a little tied up. I'm sorry I wasn't able to answer your messages. I hope you're not mad at me."
Umiling ako. "Hindi ako galit, at hindi ako magagalit dahil naiintindihan ko. Pero nag-alala ako sa 'yo no'ng hindi ka na sumasagot sa mga text ko."
"I'm so sorry, and thank you for understanding. I appreciate your patience, Dainty. I miss you."
Napangiti ako sa emosyong naramdaman sa boses niya. "I miss you, too, Maxrill Won." Matunog siyang ngumiti sa kabilang linya. "Narinig ko rin 'yong nangyari kay Kuya Maxwell, sinabi ni nanay."
"It's a long story but to make it short, he was attacked by Yaz's ex-boyfriend and ended up in hospital with a broken arm."
Lalo akong nag-alala. "Kumusta na si Kuya Maxwell?"
"He's okay now, and scheduled to leave the hospital today, we're just waiting for him to wake up. Today's a big day, we're all gonna be busy. I wanted to stay in his room pero lumabas ako kasi ang lakas humilik ni Yaz, pagod at puyat. She's so maingay."
Natawa ako. "Humihilik si Ate Yaz?"
"Ngayon ko lang din naalam." Lalo pa 'kong natawa sa sagot niya. "Congratulations on your exam results, Dainty. Did you like the flowers I sent you?"
Natigilan ako at napalingon sa pintuan. "What flowers?"
"Hmm." Iritableng buntong-hininga ang pinakawalan niya. "I asked someone to deliver it to you. He's late."
Napalingon ako sa labas nang eksaktong may pumarada na sasakyan. "Flowers?" Nilingon ko si tatay nang makisilip din siya. "Saglit lang po, 'tay."
"Dumalaw na yata ang nobyo mo," usyoso niya.
Hindi ko na nasagot si tatay nang may bumabang matangkad na lalaki. Nakasuot ito ng itim na shades, hindi ko agad namukhaan. Tila kumikinang sa liwanag ng umaga at napakalinis tingnan. His sleeves were rolled up, emphasizing the length of his arm. His skinny pants show off his toned legs and slim waist. Lalo naman siyang nagmukhang matangkad sa mahabang sapatos.
"Kuya..." Umawang ang labi ko nang makaharap si Kuya Bentley. Kung hindi ko siya namukhaan, pwede ko nang isiping artista ang dumating. Pero sino ba naman ako para puntahan ng isang artista.
"Hey," kumaway siya, bitbit ang bungkos ng bulaklak at basket ng pruitas sa iisang braso at kamay, saka sinara ang sasakyan niya.
"Nandiyan na siya?" tanong ni Maxrill Won.
"Si Kuya Bentley ang inutusan mong maghatid ng flowers?" hindi ako makapaniwala.
"Yes." Sinagot niya 'yon sa paraang normal niya nang ginagawa ang mag-utos.
Kung gano'n, si Kuya Bentley nga ang inutusan niya. Ako ang nahiya. Hindi na ito ang unang beses na ginawa 'to ni Maxrill Won, kung sino-sino na ang hiningan niya ng pabor sa nakaraan, hanggang ngayon, nahihiya pa rin ako. Lalo na at doktor si Kuya Bentley, sigurado akong busy siya para utusan na maghatid ng bulaklak at prutas sa 'kin.
"Dainty Arabelle! Kumusta ang pinakamaganda kong pasyente?" bungad ni kuya.
"Hello po, kuya." Hindi ko alam kung patutuluyin siya, nakaharang ako sa pintuan.
"Hi, kumusta?" Ginala niya ang paningin sa bahay. "Okay ba ang lahat?" Sinulyapan niya ang paanan ko.
"Opo, kuya," ngiti ko. "Komportable naman po ako."
"Oo, nilagay ang paa mo para maging komportable ka, syempre," ngumiti rin siya saka sinulyapan ang bungkos ng bulaklak. "Pinabibigay ng boyfriend mo." Saka niya ibinaba ang basket ng prutas. "Ito naman, regalo ko."
"Maraming salamat, kuya. Inabala ka pa ni Maxrill Won, pasensya na," nahihiyang sabi ko, sinadyang iparinig kay Maxrill. Narinig ko ang matunog na buntong-hininga nito sa linya.
"It's fine, malapit lang naman ang bahay ko," ani kuya na lumingon sa kaliwa saka muling ngumiti sa 'kin. "Where's your dad?"
"Doktor, napadalaw ka?" si tatay na ang sumagot, nagkumustahan sila ni Kuya Bentley.
"Ano, Maxrill Won? Aasikasuhin ko na muna si Kuya Bentley. Maraming salamat sa flowers, ha?"
"You're wel-" Nagsasalita siya nang aksidente kong maibaba ang linya.
"Hala..." Binalewala ko na lang 'yon at pinatuloy ang bisita. "Kuya, maupo ka muna. Ipaghahanda kita ng maiinom, water po o coffee?"
"Pareho na lang," sagot ni kuya. "Salamat."
"Ah, sige po. Kayo, 'tay?" baling ko rito.
"Tubig na lang ang sa 'kin." Sumulyap si tatay kay kuya, siguradong iniisip kung mapagsasabihan siya tungkol sa kape.
"Kumusta ang pakiramdam ninyo, 'tay?" ani Kuya Bentley habang abala ako sa kusina. "Everything good?"
"'Eto, awa ng Diyos, maayos naman. Si Dainty lang ang nag-aasikaso sa 'kin ngayon. Ang mga bata, nasa eskuwela."
"Si misis ho?"
Sinilip ko si tatay dahil sa tanong ni kuya, kamot niya ang ulo. "Nasa Cebu, pinapunta roon ng pamilya ng anak niya."
"Oh, dahil siguro kay Maxwell? Naaksidente siya." Kaswal lang 'yong sinabi ni kuya gayong alalaang-alala na ang lahat, napangiwi ako.
"Gano'n na nga."
Tumango-tango si kuya. "He's okay now."
Sandaling natahimik ang pagitan nila. Doon ko naman hinatid ang inumin nila. Naupo ako sa pang-isahang silya, kaharap ni kuya.
Sandali akong pinagmasdan ni kuya saka dinampot ang tasa niya ng kape. "Thanks!" Isinenyas niya sa akin 'yon bago lumagok. Tumango-tango siya sa 'kin. "Hmm, it's well-balanced, great taste. Siguradong gustong-gusto ni Maxrill ang coffee mo."
Natigilan ako. "Sa tingin ko po, kuya."
Ngumiwi si tatay. "Wala namang inatupag 'yon kung hindi kumain at uminom, nagugustuhan niya lahat ng nakabubusog."
Palihim kong nginusuhan si tatay nang matawa si Kuya Bentley.
"Oo, kaya marami siyang restaurants. Ikakasal na si Maxwell, kayo, kailan?" hindi ko inaasahan ang tanong ni kuya! Ako ang walang iniinom pero ako ang naubo dahilan para matawa uli siya.
"Nag-aaral pa ang anak ko," si tatay ang sumagot. "Isa pa, hindi pa sila handa sa gano'n, sa tingin ko. Pareho pa silang isip-bata."
Humalakhak si Kuya Bentley. "O baka naman kayo ang hindi handa, 'tay?" Napakaprangka niya.
Inis na tumikhim si tatay. "Posibleng gano'n na rin. Magpakasal sila kung gusto nila, basta patapusin niya sa pag-aaral itong dalaga ko. Hayaan niya muna si Dainty na gawin at marating ang gusto."
"Nice, I like your mindset, 'tay. You're the man!" Lumingon sa 'kin si kuya. "Pasensya na sa tanong ko, mukhang nabigla ka."
Hindi ko alam kung paanong sasagot, ngiti lang ang tinugon ko. Hindi ko rin alam kung ano ang pwedeng pag-usapan. Nakakailang makasama si kuya sa hindi inaasahang pagkakataon.
"Saan ka nga pala nakatira, doktor?" tanong ni tatay.
"Hmm," pinagkrus niya ang mga braso at nilaro ang labi. "Depende kung nasa'n ako. Dito sa Laguna, dalawa ang inuuwian ko. Isang luma, at 'yong bago, sa The Venice, 'tay."
"'Buti nakabisita ka rito sa 'min, pasensya na at hindi namin napaghandaan."
"No worries, nakiusap lang talaga si Maxrill."
"Ang spoiled brat na 'yon," simangot ni tatay. "Utos lang nang utos. Kahit si Heurt, inuutusan niyon."
"Ganyan nga siya," humalakhak si kuya, lalaking-lalaki. "I'm just returning the favor, and it's really fine, though." Tumawa si kuya saka lumingon sa 'kin. "Para alam ko kung saan kayo dadalawin." Ngumiti siya sa 'kin.
"Salamat po, kuya."
"Ang totoo, lilipad ako papunta sa Cebu after nito," nakangiting ani kuya matapos sumulyap sa relos niya.
Umawang ang labi ko. "Talaga po?"
"Oo. Magpo-propose si Maxwell ngayon kay Yaz."
Lalong umawang ang labi ko. "Talaga po?!"
Humalakhak si kuya. "You're so adorable."Pinagkrus niya ang mga braso at sumandal. "Yeah, I'm invited but I'm only going because Keziah is there." Nakagat niya ang labi na para bang excited na excited. Natawa siya nang mapansin ang pagtataka ko. "Sorry, I talk too much."
"Ayos lang po." Hindi ko naiwasang mangiti, nakatutuwa palang makakita ng lalaking in love.
Marami pang napag-usapan sina tatay at kuya, paminsan-minsan, sumasali ako sa usapan. Niyaya ko siyang sa amin na manghalian pero dahil nga pupunta pa siya sa Cebu, hindi na namin siya pinilit nang tumanggi.
Matapos kumain, inasikaso ko uli si tatay sa banyo. Gaya no'ng nakaraan, ramdam ko ang hiya niya sa buong sandali na iniintindi ko siya.
"Hello, 'nay?" agad kong sinagot nang mag-ring ang cellphone ko.
"Hello, kumusta na kayo diyan, Dainty?"
Napangiti ako. "Ayos lang po kami, 'nay!"
Binanggit ko ang pagbisita ni Kuya Bentley maging ang mga napag-usapan namin. Sinabi ko ring nagpadala ng bulaklak si Maxrill Won at binati ako. Maging ang mga nangyari sa 'ming sa nakaraan ay kinuwento ko kay nanay.
"Pasensya na, hindi agad ako makababalik. Ngayong gabi ang proposal ni Maxwell kay Yaz. Matapos nito, lilipad kami papuntang Palawan. Hindi agad ako makauuwi."
Hindi ko alam ang mararamdaman. Pakiramdam ko magiging makasarili ako kung malulungkot ako. Pero magsisinungaling ako kung sasabihin kong ayos lang sa 'kin. Kasi ngayong wala si nanay, maraming naapektuhan sa 'min.
"Ayos lang po, 'nay," wala akong nagawa kundi magsinungaling. Ayaw kong mag-alala siya. Pero aaminin kong nalungkot din ako. Hindi ko maipaliwanag, ang hirap diktahan ng mararamdaman. "Ayos lang naman po kami rito." Kailangan kong iparamdam na 'yon ang totoo.
Ramdam ko ang bigat sa buntong-hininga niya. "Oras na pwede na, uuwi agad ako. Pangako, Dainty."
"Opo, 'nay. Alam ko naman po 'yon."
"'Wag ninyong pababayaan ang isa't isa habang wala ako."
"Opo, nanay. Kayo rin po, 'wag ninyong pababayaan ang sarili ninyo diyan."
"Parati kayong nasa isip ko. Sige na muna, Dainty."
"Sige po, 'nay. Magpahinga rin po kayo."
"Ikaw rin, huwag kang magpapapagod masyado."
Napatitig ako sa cellphone nang putulin ni nanay ang tawag. Hindi ko pa rin alam kung ano'ng mararamdaman. Iniisip ko pa lang na mas matagal pa siya bago bumalik, parang lalong bumibigat ang pakiramdam ko. Wala pa man akong bagong pinagdaraanan, parang nahihirapan na 'ko. At the same time, nakaka-guilty 'yong pakiramdam.
"Halika, Nunna," anyaya ko rito. "Itiklop natin ang mga sinampay ni nanay."
Siguradong pagagalitan ako ni nanay kapag nalaman niyang dumaan ang panahon bago ko nahango ang mga sinampay niya. Halos mga kumot, kobre-kama at punda ng unan ang mga 'yon, bukod sa mga kurtina, basahan at tuwalya. Iilan lang ang mga damit.
Patong-patong na rin ang mga bagong labahan. Hindi pa umapaw nang gano'n ang labahin ni nanay kapag nandito siya.
"Noong isang linggo pa ang mga ito," sabi ko kay Nunna.
Kinuha ko ang basket ng sinampay at unang nilapitan ang mga puting kumot. Mabagal pa rin akong kumilos. Pero dahil naasikaso ko na si tatay at nagpapahinga siya, may oras ako para tapusin ang mga 'to.
"Sa dami ng ginagawa ni nanay, hindi ko alam kung paano niyang natatapos sa oras ang maraming bagay," kuwento ko na para bang nauunawaan ni Nunna ang mga sinasabi ko.
Bumuntong-hininga ako at nakangiting tinuloy ang pagkuha ng kobre-kama. "Sa totoo lang, Nunna, nahihirapan ako. Pero hindi 'to 'yong hirap na gusto kong sukuan. Nahihirapan ako dahil mabilis mapagod ang kaliwang paa ko pero kaya ng katawan ko."
Nasanay ang katawan ko na kapag napapagod, nagpapahinga ako. Malaki na ang improvements ko dahil noong una, every fifteen minutes, pagod ako. Unti-unti, tumatagal na 'ko ng ilang oras bago magpahinga ngayon. Pero magmula nang ako ang umasikaso kay tatay, hindi ko magawa 'yon. May mga sandaling kapag akay ko siya, saka ko nararamdaman ang pagod dahil mabigat talaga siya. Hindi ko siya pwedeng bitiwan para magpahinga kapag gano'n dahil sa 'kin siya kumukuha ng lakas.
"Alam mo, tatapusin ko talaga ang pag-aaral ko, Nunna. Maghahanap ako nang maayos na trabaho at bibigyan nang magandang buhay ang pamilya ko," nakangiti kong nilingon si Nunna. "Magmula nang magkaroon ako nang panibagong paa, iyon na ang naging pangarap ko."
Napangiti lalo ako dahil nakaupo man, nakatingala siya at pinanood ako sa ginagawa. Tumitingin din siya sa mga mata ko na para bang pinakikinggan at naiintindihan talaga ang mga sinasabi ko. Nililingon din niya ang mga tupiin na animong inaalam kung ano ang maitutulong sa akin.
"Sa unang sahod ko, bibilhan ko si nanay niyong malaking washing machine at dryer. Iyong mamahalin din. Para pipindutin lang at tuyo na ang mga labahin kapag natapos," parang timang na patuloy ko.
Wala pa man, nai-imagine ko na ang sandaling iyon kung saan mas madali na para sa 'ming maglaba, lalo na para kay nanay.
"Si tatay, bibilhan ko nang de-bateryang wheelchair. Para hindi na siya magpapanggap na galit para itago ang hiya niya sa t'wing hihingi ng tulong kay nanay."
Napakasarap sa pakiramdam ang maisip lang 'yon. Wala pa 'kong pinanghahawakan pero ramdam ko nang mangyayari 'yon sa kinabukasan.
"Si Kuya Kev Aristotle, bibilhan ko ng sariling sasakyan. Kahit iyong maliit at mumurahin na lang muna," nilingon ko ulit si Nunna, hindi nagbabago ang interes niya. "Alam mo bang nakikisabay siya sa mga barkada niya sa t'wing magkukulang ang pamasahe niya noon? Kung hindi tayo binigyan ng sasakyan ni Maxrill Won, siguradong gano'n pa rin siya hanggang ngayon. Pero gusto ko pa rin na magkaroon siya ng sariling kaniya."
Sabik na 'kong makamit lahat ng naiisip ko. Kahit gaano kahirap, gusto kong makuha ang lahat ng 'yon gamit ang sarili kong lakas.
"Si Bree Anabelle ay bibilhan ko nang maraming-maraming damit at pampaganda. Gusto kong magkaroon siya ng sariling kwarto na may walk-in closet at malaking-malaking makeup closet. Tapos gusto ko maraming salamin, 'yong malalaki! Kasi gustong-gusto ni Bree 'yong nakikita niya ang kabuuan sa t'wing mag-aayos siya. Mababaw at simple pero sigurado akong mapapasaya ko siya kapag nangyari 'yon, Nunna."
Humugot ako nang malalim na hininga at nakangiting niyakap sa sarili ang punda ng mga unan. Tumingin ako sa langit nang may humihiling na paningin.
"Sana mangyari lahat nang 'yon..." hindi na si Nunna ang kausap ko sapagkat ang mga sinabi ko ay naging kahilingan sa langit. "Gusto ko pong mangyari lahat nang 'yon. Gagawin ko po ang lahat para makamit ang mga 'yon."
Pero natigilan ako nang maalala si Maxrill Won. Napanguso ako nang maisip na doon kami titira sa bahay namin. Nakagat ko ang labi nang ma-imagine na gagawin ko rin ang mga bagay na ginagawa ni nanay para sa 'min...bilang asawa niya.
"Hindi naman ako mag-aasawa agad...ano..."Napapikit ako at natakpan ang mukha nang maramdaman ang pag-init niyon.
Umiling ako nang umiling at bumuga. Naitikom ko ang parehong kamay sa magkabilang gilid ko at napangiti. Para akong baliw habang si Nunna ay inosente lang na nakatingin sa akin.
"Iyon ay...kung makapag-aasawa ka," hindi ko inaasahang may sasagot.
Natigilan ako sa pagtanggal ng sipit ng panibagong kumot. "S-Sino 'yan?" nanginig agad ang boses ko.
Napatitig ako sa gitna ng puting kumot nang unti-unting maaninaw ang anino na naging imahe ng tao. Napahakbang ako palayo at muntik nang mawalan ng balanse nang magtatahol si Nunna. Agad kong hinila ang collar niya at pinigilang sumugod sa kung sino man 'yon.
Napalunok ako nang makita ang pares ng mga paa. Nakabota ito ng itim at puno ng putik sa talampakan. Luma at gusot ang kulay tsokolate nitong pantalon. Bukod do'n ay wala na akong nakikita.
Nakaharang ang nakasampay na puting kumot sa pagitan namin. Wala akong nakikita kundi anino ng imahe nito. Pero ramdam kong nakatingin ito sa gawi ko, pinakakabog ang kaba sa dibdib ko.
"Nunna..." bulong ko na para bang kami lang ang makaririnig niyon. "Nunna!" palahaw ko nang subukang kumawala at sumugod nito. Hinawakan ko siya sa magkabilang paa at binuhat. Mas nag-aalala pa ako kay Nunna kaysa sarili kong buhay sa sandaling iyon.
Aligaga kong nilingon ang ibang mga kumot ngunit nawala sa harapan ang imahe. Nanginginig akong lumingon sa kaliwa't kanan ko ngunit walang nakita.
Nagbaba ako ng tingin sa lupa, inaasahang makikita roon ang pares ng mga paa niyon ngunit wala ring nakita.
Lalong nabuhay ang kaba sa dibdib ko. Nasaan na ang taong 'yon? Hindi nito pinakita ang mukha. Hindi rin nagpakilala. Pero tinukoy ng isip ko kung sino ito, at sigurado ako ro'n.
"Ilang buwan mula ngayon..."
Umangat sa gulat ang mga balikat ko nang manggaling sa likuran ko ang tinig niyon. Yakap si Nunna, lumingon ako at lalong nangilabot nang makita ulit ito sa likuran ng mga sinampay, naglalakad nang marahan. Wala nang kasing-ingay ang pagtahol ni Nunna.
"Matatali ang panganay na Moon, ang pinakamapusok na Moon..." patuloy nito.
Si Kuya Maxwell ang tinutukoy niya. Pero...ano'ng kinalaman ko doon? At...bakit ako ang pinuntahan niya?
Hindi ko alam kung pagiging makasarili iyon. Pero sa takot na bumabalot sa kabuuan ko, iyon ang aking naisip. Sino ito? Bakit ito narito ngayon?
"Ikaw...kailan?" muling tanong nito.
"Ano'ng kailangan ninyo?"
"Sa 'yo? Wala."
Sandali akong natahimik, pinag-iisipan ang isasagot. "Bakit kayo...narito?"
"Mahilig kayong pareho sa aso." Batid kong si Maxrill ang tinutukoy niya. "Ikaw ay narito at ang kaniyang aso...nasa mansiyon, may ineensayo ang alaga niyang iyon. Pumapasok din iyon sa eskuwela at nakasasakay ng eroplano kailan man gustuhin. Kahanga-hanga, hindi ba?"
Hindi ko maintindihan kung bakit nito kailangang sabihin ang mga 'to. Nanatili lang akong tahimik, nakikiramdam habang nilalamon ng takot.
Lumingon ako sa bahay nang maisip si tatay. Ayos lang ba si tatay? Ano'ng ginagawa nito rito? Kakayanin ko ba'ng tumakbo papasok sa bahay? Matatakasan ko ba ang taong 'to? Paano ko mapahihinto sa pagtahol si Nunna? Napakaraming tanong na nabuo sa isip ko sa sobrang kaba.
"Hindi alam ng iyong ama na narito ako, kung 'yon ang iyong inaalala," sinagot ng lalaki ang naunang tanong ko, awtomatiko akong napalingon at nasindak nang makaharap siya nang tuluyan.
Pinandilatan niya ako nang rumehistro ang gulat at kaba sa mukha ko. Nakasuot ito ng checkered long-sleeves, marumi at gusot. Ang mukha nito ay marungis din, halos matabunan ang mukha ng makakapal na bigote at balbas. Pero kahit gayon, natatandaan ko siya.
"Ano'ng ginagawa ninyo rito? Ano'ng kailangan ninyo?" Panay na ang pagkapa ko ng cellphone sa bulsa. Sa sobrang panginginig ay muntik ko pang mabitiwan si Nunna na wala pa ring hinto sa pagtahol.
"Dainty!" tinig ni tatay. "Ano'ng nangyayari riyan? Tahol nang tahol ang aso, Dainty!"sumisigaw si tatay sa pag-aalala.
Lumingon sa bahay ang lalaki at awtomatikong nangiti bago muling nagbaba ng tingin sa akin. "Nagsama pa kayo, parehong imbalido, ano'ng laban ninyo, mga mahihinang nilalang."
Hindi pa rin ako nakasagot. Siguradong gagaralgal ang tinig ko oras na magsalita ako. Gusto kong sagutin si tatay ngunit natatakot akong talikuran ang lalaking 'to. Natatakot akong magkaroon ito ng pagkakataong sugurin ako habang hindi nakatingin.
"Kumusta ang buhay nang wala si Heurt?" tila natatawa pang tanong nito. Gusto ko nang tumakbo. "Ang hangal na 'yon. Iniisip niya sigurong mababayaraan niya ang kasalanan sa inyong mag-ama sa pamamagitan ng kaniyang ginagawa?"
"Anong...ibig ninyong sabihin?"
"Isa ka ring hangal, wala ka pa rin palang alam hanggang ngayon."
"Anong ibig ninyong sabihin?" nagtaas ako ng boses.
"Dainty?" tawag ni tatay na sabay uli naming nilingon ng mamang ito.
"Tapos naiisip mong pakasalan ang bunsong Moon? Hangal ka nga." Humalakhak uli si Hwang.
Nangilid ang luha ko sa magkahalong takot at pag-aalala, dumagdag pa ang nakalilitong sinasabi niya. Hindi ko alam kung ano'ng gagawin.
Nilabas ko ang cellphone at nagmamadaling mag-dial doon. Si nanay ang nasa isip ko pero numero ni Maxrill Won ang napindot ko. Pero bago ko pa mapindot ang call, sinipa na ni Hwang ang aking braso. Sa sobrang bilis at lakas, tumapon ang cellphone at halos matumba ako.
Marahan, nagugulat akong tumitig sa kaniya. Ang paraan ng pagsipa nito ay kakaiba kaysa normal, hindi ko mapangalanan. Gusto kong itanong kung paano nitong nagawa 'yon. Pero nanatiling nakaawang ang mga labi ko, hindi mawala-wala ang takot, lalo pang nadagdagan.
Kabado ko siyang nilingon. "Ano po bang kailangan ninyo?" Namuo ang mga luha sa mata ko. "Bakit kayo narito?"
"Sa nakikita ko, mukhang inosente ka pa talaga sa paligid mo."
Hindi ko siya sinagot. Hindi ko makita kung ano'ng koneksyon ng sinabi niya sa tanong ko. Pero ang paraan ng pagtingin niya, bukod sa natatakot, nakapagtataka na para bang may alam siya na misteryo sa akin.
"Naiiba ka sa minahal niyong dalawang kapatid niya. Ang alam mo lang, gustuhin ang lalaki dahil sa itsura at kayamanan nito," husga niya.
Kumuyom ang mga palad ko. "Hindi po gano'n ang nararamdaman ko kay Maxrill Won. Wala kayong alam sa akin...sa amin."
Natulala siya sandali sa akin bago humalakhak, iniinsulto ako lalo. "Hangal! Ikaw ang walang alam."Nagpatuloy siya sa paghalakhak hanggang sa ang kaba ko ay mabahiran ng galit sa kaniya.
"Ano po ba'ng ginagawa ninyo rito?" pikon na ako. "Ano'ng kailangan ninyo?" gilalas ko.
"Dainty? Ano'ng nangyayari riyan?"naghihisterya na ang tinig ni tatay. Pero ang atensyon ko ay na kay Hwang.
"Dahil naiirita ako sa pagiging hangal mo."Ngumisi siya ngunit ang inis ay mababasa sa mga mata. "Ipalalamon ko ang katotohanan sa 'yo para magising ka sa katotohanang hindi mo dapat minamahal ang iyong nobyo."
"Bakit hindi pa ninyo sabihin ang dahilang tinutukoy ninyo?" garalgal man ang tinig, naghamon ako.
Hindi na ito ang unang beses, ginawa na rin nito ito noon. Binalewala ko iyon ng ilang beses, bagaman dinagsa ako nang napakaraming tanong. Hindi ko rin mahulaan ang dahilan niya para patagalin iyon.
"Ganyan ka kainosente," aniyang tumabingi ang ulo saka ngumiti. "Igigiit mong higit sa itsura ang kayamanan ang iyong nararamdaman sa kaniya gayong wala kang ideya kung ano at sino talaga siya o ang kaniyang pamilya? Hangal...isa kang hangal!"
"Sino 'yan?!" gilalas ni tatay dahilan para mapalingon ako sa pinanggalingan ng boses niya, sa pintuan ng bahay.
"'Tay!" palahaw ko nang makitang nakalabas na ito at pinipilit tumayo. "'Tay!" naibaba ko si Nunna dahilan para lalo itong magtatahol.
Lumapit ako kay tatay ngunit nilingona ng alaga kong aso. Gano'n na lang ang tili ko nang sipain ito ni Hwang at tumilapon nang umiiyak! Muling sumugod si Nunna nang makabangon pero sinipa lang uli ito ni Hwang nang sa akin nakatingin! Walang kahirap-hirap, tila kalkulado nito ang pagmumulan ng atake ng aso ko. Hindi ako makapaniwala.
"Sino ka?" sigaw ni tatay, si Hwang ang aninaaninaw. "Ano'ng ginagawa mo rito? Dainty! Lumayo ka riyan!"
"'Tay!" wala akong nagawa kung hindi isigaw ang pagtawag dito. Pakiramdam ko, sobrang bilis ng takbo ko. Pero gano'n kabagal ko pa ring nalapitan si tatay. "'Wag po kayong lalapit sa kaniya!" gilalas ko na para bang kilalang-kilala ko na si Hwang. "'Tay, hindi po natin siya kilala."
Panay ang pigil ko kay tatay, pilit ko rin siyang iniuupo pabalik sa wheelchair niya. Pero ang paningin niya ay naroon kay Hwang, puno ng pagtataka at pag-aalala.
"Ano ba'ng kailangan ninyo sa 'min?" naiiyak nang baling ko kay Hwang. Sa oras na 'to, gusto kong umalis na lang siya dahil mas inaaalala ko ang aking ama. "Umalis na po kayo rito!"
"Kaday..." Pareho kaming natigilan ni tatay nang tawagin siya ni Hwang. "Dahil sa 'yo napatunayan ko na kayang paghilumin ng nararamdaman ang malalim na sugat ng nakaraan."
Lalo akong natigilan. Sa paraan ng pagsasalita ni Hwang, para bang napakarami niyang nalalaman.
"Napakaraming hangal sa mundo, nabibilang ka," tumatawang dagdag ni Hwang. "Hindi mo 'ko kilala ngunit marami akong nalalaman sa iyo."Nagmamalaki niya akong sinulyapan. "Makabubuo na ako ng isang libro kung isusulat ang buhay ng pamilyang minamahal ninyong pare-pareho."Humalakhak siya saka muling tiningnan si tatay. "Pero ang iyong inaasawa, ang kaniyang ama ay amo mo, hindi ba? Grupo ninyo ang pinakamalaking sindikato sa bansang ito noon."
Sindikato... Gano'n kabilis nanumbalik sa 'kin lahat ng bintang ni Tiya Maze kay tatay nang minsang magkairingan sila. Sumama talaga ang loob ko para kay tatay nang oras na 'yon. Pero pilit kong kinalimutan bilang respeto kay tiya sa aking nobyo. Pero ngayong dalawa na ang nagsabing nabibilang si tatay sa sindikato, ano nga ba talaga ang nalalaman ko?
"Oo na. Ikaw na ang maraming alam kahit hindi kita kilala. Pakiusap, manahimik ka na," asik ni tatay.
"Pero sa bansang pinanggalingan ko, hindi uubra ang sindikato lang." Nakaiinsultong humalakhak si Hwang, hindi pinansin ang pakiusap ni tatay. "Walang silbi ang makapangyarihang sindikato sa lugar na pinasok ni Mondragon. Balewala ang makapangyarihang sindikato kung ang kakantiin ay maabilidad na pangunahing lalaking rango."
Mondragon... Sindikato... Rango... Sumakit ang ulo ko. Ano ba'ng pinagsasabi nito? Hindi ako sigurado kung naiintindihan siya ni tatay. Dahil naiintindihan ko man ang sinasabi ni Hwang, hindi ako makasabay.
"Kung gayon..." Nangangapang ani tatay. "Ikaw ang pumatay kay Mondragon?"
Isang beses na pumalakpak si Hwang. "Tumpak!"saka itinuro si tatay.
Matagal akong tumitig kay Hwang bago nilingon si tatay. "'Tay..." gusto kong itanong kung ano ang sinasabi ni Hwang. Pero ang pagtataka at gulat na rumehistro sa mukha ng aking ama ang sumagot sa tanong ko.
"Ang iyong ama at kinikilalang ina, hindi tunay na mag-asawa. Bagaman, base sa aking nakikita, hindi 'yon lingid sa kaalaman mo," dagdag pa ni Hwang. "Pero ang iyong ama, matagal nang umiibig kay Heurt."
Hindi ko masabing isa 'yong rebelasyon, pero gano'n ang pinaramdam sa 'kin. May kung ano sa mga sinasabi ni Hwang na nagbubukas ng ideya sa 'kin pero nagdaragdag din ng mga tanong.
"Mas minahal ng iyong ama si Heurt kaysa tunay mong ina."
Doon ako natigilan. Kumuyom ang palad ko sa galit ngunit hindi para kay tatay kung hindi sa estranghero na ito na may nalalaman lang, akala mo sigurado na siya sa totoo. Dahil kung ako ang tatanungin, alam kong mahal na mahal ni tatay ang tunay kong ina.
"'Yon nga lang, itong si Heurt, mahal na mahal si Maximor na mas pinili naman si Maze Moon,"tumatawang pumalakpak si Hwang. "Napakagandang istorya, hindi ba? Hindi pa diyan nagtatapos 'yon, mas marami pang interesanteng eksena, matutuwa ka."
Nagbaba ako ng tingin kay tatay, nakakuyom ang mga palad niya at nangingilid ang luha sa galit habang nakatitig kay Hwang. Hindi ko alam kung ano'ng mararamdaman. Wala akong nagawa kung hindi ang magpalitan ng tingin sa kanila at makinig.
Tiningnan muli ako ni Hwang saka nangiti nang todo. Para bang aliw na aliw siya sa mga reaksyon ko dahil nalalaman ko ngayon ang lahat ng ito.
"Maaaring iniisip mo kung bakit nagtitiis si Heurt na tumayo bilang ina at asawa sa inyong pamilya? Responsibilidad, iyon ang maaaring itawag sa relasyong meron sila ng iyong ama. Ang hinahangad mong pagmamahal sa pagitan nila, isang kahibangan lang."
"Manahimik ka na," bagaman mahina, ramdam ang gigil sa tinig ni tatay.
"Ano, nalilito ka ba?" nanatili sa 'kin ang atensyon ni Hwang saka tumawa nang nakaiinsulto. "Ngayon mo sabihing wala akong alam, Dainty Arabelle Gonza?"
Tuluyan na 'kong napahiya. Gusto kong magsalita pero walang lumabas sa bibig ko. Ano ang sasabihin ko gayong halatang mas marami itong nalalaman kaysa sa 'kin? Nakapanliliit 'yong pakiramdam na parang mas kilala niya ang aking ama at kinikilalang ina na dapat ay ako ang mas nakakikilala.
"Umalis ka na," asik ni tatay. "Bago pa may mangyari sa 'yo, umalis ka na!"
Namilog ang bibig ni Hwang, kunyaring nagulat. Saka umangat ang pareho niyang kilay pero ang labi ay may magkahalong ngiti at ngiwi, nakaloloko. Sinuyod ng tingin ang kabuuan ni tatay at tumawa.
"Mukha ba akong masisindak sa gaya mong imbalido, hangal!" nagpatuloy sa pagtawa si Hwang, ang sakit sa dibdib ng galit at pagkainsulto.
Gano'n na lang ang gulat ko nang maglabas ng baril si tatay! Hindi ko malaman kung haharang ba ako sa pagitan nila ni Hwang o ibababa ang kaniyang brasong nakatutok na rito.
"'Tay! 'Tay, pakiusap po, huwag," histerya ko na mabilis pinakinggan nito. "'Tay," naluha ako sa magkahalong takot at pag-aalala.
"Umalis ka na rito!" gilalas niya kay Hwang na sa halip masindak ay humakbang pa papalapit sa 'min.
"Bakit hindi mo paputukin? Tingnan natin kung alin ang mas mabilis; ang bala mo o kilos ko?"pagmamalaki ni Hwang.
"Sinabi nang-"
"'Tay, tama na po!" umiiyak kong pakiusap nang akma uli nitong tututukan si Hwang. "Tama na po."Nanghihina na agad ako. "Umalis na po kayo!"
"Sayang, hindi ko maiparirinig sa 'yo ang marami pang nalalaman ko," pinagtawanan lang ako ni Hwang. "Mas interesante ang parteng may kinalaman sa 'yo."
Hindi ko napigilan ang braso ni tatay nang muli nitong itutok ang baril ni Hwang. Napatili ako nang kalabitin niya 'yon. Pero pare-pareho kaming napatingin sa baril nang hindi 'yon pumutok. Kinalabit uli ni tatay ang baril ngunit walang nangyari.
Hindi man lang nasindak sa kinatatayuan si Hwang, nakatabingi ang ulo habang nakatingin kay tatay at nakangisi.
"Iyan na 'yon?" tanong pa nito saka humugot nang malalim na buntong-hininga. "Wala ka talagang silbi." Humalakhak siya ng minsan saka kumaway at umalis na parang walang nangyari. Hindi ko nakita kay Hwang ang sindak, lalong hindi siya natakot.
Naiwan akong tulala sa kinatatayuan ni Hwang kanina. Ang mga sinampay ay nanatiling nakasampay. Maging ang mga naitupi ko na ay naiwan sa bakuran. Si Nunna ay pipilay-pilay nang lumapit, tila humihingi ng tulong sa 'kin. Si tatay ay walang imik.
Hindi ko alam kung paano ko pang natapos kunin at tupiin lahat ng sinampay. Naipasok ko 'yon sa sala ngunit hindi naisalansan sa tamang lagayan. Tulala ako hanggang sa pagluluto, parang nagpapaulit-ulit sa isip ko lahat ng nangyari kanina. Pakiramdam ko naririnig ko pa rin lahat ng sinabi ni Hwang.
"Huwag mo nang banggitin sa nanay mo ang nangyari," ani tatay nang matapos kaming maghapunan.
Nilingon ko siya at pinakatitigan. Nagdulot ng panibagong mga tanong ang sinabi niya. "Bakit po?"
Umiling si tatay. "Magugulo lang ang lahat kung magpapadala tayo sa baliw na 'yon. Huwag na, Dainty. Ayos na tayo sa buhay natin ngayon, huwag na nating guluhin."
Muli pa 'kong tumitig kay tatay. Pareho sila ni Hwang na may nalalamang lingid sa 'kin. Mukhang nagkakaintindihan sila bagaman nalilito si tatay bakit may nalalaman si Hwang.
Ang totoo, plano ko nang tawagan si nanay oras na maasikaso ko si tatay. Gusto kong isumbong ang lahat ng nangyari kanina. Pero dahil sa hiling ni tatay, sa pagiging seryoso niya at balisa mula pa nang makaalis si Hwang, mas pinili kong sundin siya.
To be continued. . .
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top