CHAPTER 63


CHAPTER 63

"DAINTY!" BOSES ni Gideon ang nakapagpalingon sa 'kin habang tutok ako sa cellphone. Binalita ko kay Maxrill Won ang magandang resulta ng exams ko. "Top four ako, Dainty."

"Top six naman ako!" sagot ko.

Sabay na nanlaki ang mga mata namin ni Gideon. Naghawak ang pareho naming kamay sa tuwa at parang mga sira na nagtatalon sa kinatatayuan. Malaking improvement na sa akin 'yon dahil lagi akong nasa top ten.

Ako ang unang bumitiw, nakita ko nang mapatitig siya sa parehong kamay namin bago muling nag-angat ng tingin sa 'kin.

"Ang saya-saya ko, kasi ilang beses kong nakatulugan ang pagre-review," hanggang sa sandaling 'yon, hindi ako makapaniwala. "Totoo pala 'yong kasabihan na para kang nabunutan ng tinik."

Sabay na naman kaming natawa. "Ako naman, umaasang mapasama uli sa top ten pero hindi ko inaasahan 'yong top four."

"Masaya ako para sa 'yo, Gideon!"

"'Yong music na lang ang paghahandaan natin."

Tumango ako. "Sigurado akong maganda ang performance mo, Gideon."

"Mas inaabangan ko ang performance mo, Dainty."

"Inaabangan ko rin ang sa 'yo, at ang sa mga kaklase natin." Ngumiti ako.

Kahit maaga natapos ang exam, at maagang lumabas ang result, may activities pang pinatapos para sa final grading. Nag-practice din ang karamihan sa music hall para sa final performance namin sa music subject. Gabi na nang matapos 'yon.

"Dainty! Pauwi ka na ba? Ihatid na kita?"presinta ni Gideon.

"Hindi, ayos lang ako. Susunduin ako ni nanay."Nakagat ko ang labi nang muntik ko nang mabanggit na meron na kaming sasakyan. Kahit gusto ko talagang ipagmalaki 'yon, hindi para magyabang.

Magmula nang magkaro'n kami ng sasakyan, sinusundo at hinahatid kami ni nanay kapag may pagkakataon. Kahit marami siyang ginagawa. Kahit pa malapit lang, kahit magkakaiba kami ng uwi, dahil madalas ginagabi si Bree kapa-practice. Wala talagang pagod si Nanay Heurt sa 'min.

"Sige, sabayan na lang kita hanggang sa gate. Hintayin nating makarating ang nanay mo," aniya saka ako sinabayan papalabas.

"Ayos lang, mauna ka na, Gideon." Nakangiti ko 'yong sinabi nang makalabas kami sa parking lot.

Nakamot ni Gideon ang sentido, napapahiyang ngumiti sa 'kin. "Sige, Dainty. Mauna na 'ko."Bumuntong-hininga pa siya, paatras na naglakad papunta sa sasakyan niya habang kumakaway sa 'kin.

Naupo ako sa bench saka nilingon ang kanto papasok sa parking lot ng BIS. Tiningnan ko rin ang cellphone kung may nag-reply sa mga tinext ko, sina Bree, nanay at Maxrill Won.

Nagkawayan uli kami ni Gideon nang dumaan ang sasakyan niya sa likuran ko bago tuluyang umalis.

Nagpatuloy naman ako sa paghihintay na dumating si nanay, at gano'n na rin sa reply niya. Pero sa halip, tawag ang natanggap ko.

"'Nay? Nandito na po ako sa parking lot."

"Dainty, hindi kita masusundo, pasensya ka na."

Tumayo ako. "Naku, ayos lang po, 'nay."

"Gabi na, kaya mo namang umuwing mag-isa, hindi ba? Wala pa kasi ang kuya mo."

"Oo naman po. Pero pwede ko po bang malaman kung bakit hindi ninyo ako masusundo?"Nag-aalala akong si tatay ang dahilan.

"Kailangan ko kasing pumunta sa Cebu."

Natigilan ako. "Biglaan naman po yata?"

Buntong-hininga ang naunang sagot niya. "Saka ko na muna siguro ikukwento, Dainty. Sinundo ako ni Dirk, papunta na kami sa bahay ng mga Moon."

Kung gano'n, may kinalaman sa mga Moon. Humigpit ang hawak ko sa bag. "Naiintindihan ko po, 'nay," kahit nag-aalala ako, ayoko nang dagdagan ang stress ni nanay. Bakas na 'yon sa boses niya. "Uuwi po ako agad, 'nay."

"Tinawagan ko ang kuya mo, iniwan ko sa kaniya ang tatay mo. Hindi kayo maihahatid at masusundo ni Bree sa school dahil pumapasok din ang kuya mo. Hintayin niyo na lang ang pagbalik ko."

"Kami na pong bahala ni Bree, nanay. Babantayan po namin si tatay."

"Asikasuhin mo ang tatay mo pero 'wag mo ring pagurin ang sarili mo."

"Opo, 'nay. Ingat po kayo."

"Congratulations sa resulta ng exam mo, Dainty. Proud na proud ako sa 'yo." Hindi ko man nakikita, sigurado akong nakangiti si nanay nang sabihin 'yon.

Napangiti rin ako. "Salamat po, 'nay. Ingat po sa byahe."

Napatitig ako sa cellphone nang matapos ang usapan namin ni nanay. Ano kaya'ng nangyari?

Mabilis kong sinilid ang cellphone ko. Nag-iisip akong naglakad palayo nang may humintong sasakyan sa tabi ko.

"Dainty!"

"Gideon..." nagulat akong makita uli siya.

"Wala pa 'yong sundo mo?"

"Ano'ng ginagawa mo rito?"

Nakamot niya ang ulo. "Ano kasi..." ngumiti siya, nahihiya. "Hinihintay kong masundo ka bago ako umalis, madilim na kasi. Nandiyan na ba ang sundo mo?" ginala niya ang paningin.

Napatitig ako kay Gideon ngunit binalewala ang inasta niya. "Hindi ako masusundo ni nanay, eh. May pupuntahan siya." Napaisip na naman ako sa dahilan kung bakit pupunta sa Cebu si nanay.

Nararamdaman ko sa boses niyang may nangyari. Pero hindi ko mahulaan ang dahilan. Nangingibabaw ang pag-aalala ko sa halip na magkaideya.

Kumusta kaya si Maxrill Won?

"Gano'n ba? I'll take you home, then," presinta ni Gideon.

Napatingin ako sa kaniya. Gusto kong tumanggi. Pero dahil puno ng isipin, gusto ko nang makauwi agad.

"Maraming salamat, Gideon." Hindi na ako tumanggi. Mabilis siyang bumaba para pagbuksan ako ng pinto at alalayang sumakay. "Salamat."

Nilabas ko ang cellphone at nalungkot nang makitang walang message si Maxrill Won. Bumubuo pa lang ako ng text sa kaniya, para kumustahin siya, nang magsalita si Gideon.

"Gusto mo bang kumain muna tayo sa labas, Dainty? Maaga-aga pa naman."

Hindi ko naitago ang pagtanggi sa mukha ko. "Kailangan kong umuwi agad dahil may lakad si nanay, Gideon. Sigurado kasing walang magbabantay kay tatay."

"Oh, I see." Napapahiyang tumango si Gideon. "Sige, ihahatid na kita pauwi."

"Maraming salamat, Gideon."

Nagbukas ng mapag-uusapan si Gideon sa daan pauwi. Gusto kong pakinggan ang sinasabi niya pero mas kinain ng pagte-text kay Maxrill Won ang atensyon ko. Nasa kanto na kami malapit sa bahay nang mapagtuunan ko ang sinasabi niya.

"Sana okay ka lang, Dainty," aniya nang ipatabi ko ang sasakyan sa harap ng bahay.

"Pasensya ka na, Gideon, ah? Magkita na lang uli tayo sa school."

Sandaling tumitig sa 'kin si Gideon saka bumaba para alalayan uli ako. Nagpasalamat ako at akma na siyang tatalikuran nang hindi niya bitiwan ang kamay ko.

"If you need me, I'm just one message away."

Ngumiti ako at umiling. "Ayos lang ako, Gideon. Maraming salamat. Ingat ka sa pagmamaneho pauwi."

"See you, Dainty."

Minsan pa akong ngumiti saka muling kumaway sa kaniya. Nagmadali ako papasok sa bahay at naratnan si Kuya Kev na inaalalayang lumabas mula sa banyo si tatay.

Dali-dali kong binaba ang mga gamit ko para tumulong.

"Kaya ko na, Dainty," nakangiting ani kuya. Umalalay pa rin ako para maiupo nang ayos si tatay sa wheelchair.

"Ilang araw o linggo marahil mawawala si Heurt," ani tatay, napalingon ako. "Naaksidente raw si Maxwell."

Nanlaki ang mga mata ko. "Po?"

"Nasa ospital si Maxwell, at kailangan si Heurt ng pamilyang Moon." Bumuntong-hininga si tatay. "Habang wala si Heurt, pagtyagaan ninyo na muna ako."

"'Tay naman? Hindi niyo na po kailangang sabihin 'yon."

"Oo nga, 'tay," nakangiting sang-ayon ni kuya.

Pero nawala ang ngiti ni kuya nang mag-ring ang cellphone. Nagpaalam siyang sasagutin 'yon. Nasundan namin siya ng tingin ni tatay at sabay na nagbuntong-hininga nang marinig si kuya na humingi ng dispensa nang paulit-ulit sa kausap.

"Okay lang po ba si Kuya Maxwell, 'tay?" nag-aalalang tanong ko. Hindi ko mapigilang isipin lalo si Maxrill Won. Hindi ko rin napigilang silipin ang cellphone ko pero wala pa rin siyang sagot.

"Wala masyadong detalye si Heurt pero sinugod daw sa ospital si Maxwell dahil nabugbog."

"Nabugbog po?" Nag-alala lalo ako.

Sa nakita at pagkakakilala ko kay Kuya Maxwell, pino siya kung kumilos. Ito 'yong tipo na mukhang walang kalaban-laban at mabilis mapuruhan.

Hindi ko na naman tuloy napigilang isipin si Maxrill Won. Bagaman mas brusko siyang tingnan at kumilos kaysa kay Kuya Maxwell, mukhang siya rin 'yong tipo na walang laban kapag napag-initan.

Gusto ko na namang magtanong. Pero mukhang wala ring maisasagot si tatay. Umaasa akong makakausap si Maxrill Won. Gusto kong malaman kung ayos lang silang lahat.

"Dainty," lumabas mula sa kwarto si kuya, sapo ang batok niya. "Tumakas lang kasi ako sa duty, sabi ko kakain lang ako pero ang totoo umuwi ako."

Pinandilatan ko siya. "Naku, sige na, kuya. Bumalik ka na. Ako nang bahala rito."

"Pasensya na, ah?"

Nakangiti akong tumanggi. "Ako nang bahala kay tatay."

Ginulo ni kuya ang buhok ko. "'Tay, mauna na po muna ako, uuwi rin ako agad."

"Mag-iingat ka sa pagmamaneho, Kev. Gabi na."

"Opo, 'tay." Muling bumaling sa 'kin si kuya, naniniguro kung kakayanin kong maiwang mag-isa. "Babalik agad ako, Dainty."

"Ingat, kuya." Kinawayan ko siya at saka ko napuno ng hangin ang dibdib ko.

"Wala pa ba si Bree?" tanong ni tatay.

Ngumiti ako. "Siguradong mamaya pa po ang uwi niya, 'tay, may practice sila. May performance po kasi sila sa graduation namin. Hindi ko na po siya dinaanan kasi nagmadali akong umuwi."

"Gano'n ba?" Nagbuntong-hininga siya.

"May kailangan po ba kayo?" tanong ko.

"Wala naman," halatang hindi totoo ang sagot ni tatay.

Tiningnan ko ang oras, ilang minuto na lang, hapunan na. "Gutom na po ba kayo, 'tay? Nagmeryenda po ba kayo bago umalis si nanay?"

Nilingon ko ang mesa. Araw-araw, nagmemeryenda sina nanay at tatay ng tinapay at tsaa. Eksakto lagi ang pagitan ng kain ni tatay.

Mula nang maging hypertensive si tatay, dumalas ang pagkain niya bagaman kaunti at limitado. Bukod sa mataas na blood pressure, mataas na rin ang blood sugar niya.

Kung ganoong naaksidente si Kuya Maxwell, siguradong hindi na siya naasikaso ni nanay kanina. Hindi ko maiwasang mag-alala, at hilinging sana, ayos lang si Kuya Maxwell.

"Hindi kami nakapagmeryenda ng nanay mo, nagmamadali siya. Panay rin ang tawag ng mga Moon, galit na galit ang anak ni Heurt. Pero ayos lang, huwag mo 'kong isipin. Kaya ko pa naman."

Dali-dali akong kumilos papunta sa likuran ni tatay. Maingat ko siyang tinulak pero nabigla ako sa bigat ni tatay.

"Ano ka ba? Kaya ko na, Dainty," pinagulong ni tatay ang wheelchair niya.

Tinulak ko pa rin siya papunta sa sala at pinagbukas ng TV. "Magluluto na po ako ng hapunan, 'tay."

"Hindi, ayos lang ako. Magpahinga ka muna, maaga pa naman, Dainty. Hihintayin ko na lang si Bree." Alam kong sinabi lang 'yon ni tatay dahil nahihiya siyang madaliin ako.

"Ayos lang po." Ngumiti ako at naghugas ng kamay. "Magpapalit lang po muna ako."

Habang nasa kwarto, hindi ko maiwasang mapaisip. Wala pang isang araw na wala si nanay, ramdam ko na 'yong hirap ng wala siya. Kahit sanay na siya, hindi ko lubos maisip kung paano niya kami naaasikasong lahat. Walang oras na pumapalya siya sa pag-aasikaso. At ang totoo, nakaka-guilty maisip kung kailan ang balik niya. Makasarili mang isipin, hindi ako sigurado kung kakayanin namin nang wala si nanay.

Nanlumo ako nang makitang wala na halos laman ang ref. Gano'n na lang talaga siguro ang pagmamadali ni nanay. Ayaw pa naman niyang mag-stock ng karne, lalo na ng gulay, mabilis daw masira. Mas gusto niyang mamili sa madaling-araw ng lulutuin niya sa maghapon. Hindi siya napapagod gawin 'yon araw-araw, makakain lang kaming lahat ng fresh.

"Ah, 'tay?" lumapit ako sa kaniya sa sala. "Bibili po muna ako ng isda at gulay sa talipapa."

Nagtatakang nilingon ni tatay ang ref namin. "Kaya mo ba?"

Sinikap kong laparan ang ngiti ko. "Oo naman, 'tay. Lagi akong sinasama ni nanay sa talipapa, 'di ba?" Kinuha ko ang wallet sa kwarto para hindi na mag-alala si tatay. "Mabilis lang po ako, 'tay, 'wag po kayong aalis dito, ha?"

"Sige."

"'Wag po talaga kayong aalis diyan, 'tay, ah? 'Wag po kayong lalabas. Diyan lang po kayo,"talagang naniguro ako.

"Oo nga," natatawa akong inilingan ni tatay.

Lalo kong naramdaman kung gaano kahirap na wala si nanay. Siguradong pagagalitan niya ako kapag nalamang iniwan kong mag-isa si tatay, at mag-isa rin akong pumunta sa talipapa. Kahit pa pareho naman talaga naming kaya ni tatay.

Tinawag ko si Nunna at sinabihang bantayan si tatay, kahit hindi sigurado kung naintindihan ako nito.

"'Tay, 'wag po kayong aalis sa kinauupuan ninyo, ah?" paniniguro ko na naman.

"Oo na. Mag-ingat ka." Hindi inalis ni tatay ang paningin sa 'kin hanggang makalabas ako. Sigurado akong nag-aalala rin siya.

Napansin ko ang mga sinampay ni nanay. Ayaw niyang inaabutan ng gabi ang mga 'yon pero siguradong nawalan na siya ng oras para hanguin. Hindi ko rin pwedeng kunin ang mga 'yon ngayon, kailangan kong mamili at makauwi agad.

Maging sa pagpili ng magandang gulay at isda, nahirapan ako. May gulay na magaganda ang balat pero may parteng butas. May isda namang maganda ang kulay at katawan ngunit mapupula ang mga mata. Kung si nanay 'yon, isang tingin lang, nakapipili agad siya. Habang namemelengke, panay ang hiling kong sana, makauwi agad si Bree.

"Nakauwi na po ako, 'tay!" anunsyo ko nang magtatakbo papasok.

"Ano ka ba, Dainty Arabelle? Hindi ka dapat tumatakbo." Bakas ang pag-aalala ni tatay.

"Ayos lang po ako, 'tay," napalunok ako sa hapo. Uminom agad ako ng tubig at hinatiran din si tatay. "Chopseuy at pritong isda po ang hapunan na lulutuin ko. Hintayin lang po ninyo ako, 'tay, ha?"

"Sige, mag-iingat ka sa kusina."

"Kaya ko po, 'tay," paniniguro ko.

Sinubukan kong kumalma pero nape-pressure ako kaiisip na gutom na si tatay. Wala sa porma ang hiwa ko sa mga gulay, malayo sa paraan ni nanay. Pati sa pagpiprito ng isda, ilang beses akong kinumusta ni tatay kakatili ko sa t'wing tatalsik.

Mabagal man, natapos ko rin ang pagluluto. Inihanda ko ang mesa at sinigurong wala na kaming kakailanganin ni tatay bago ako nag-text kay Bree.

"Kakain na po, 'tay." Sinubukan kong itulak ang wheelchair pero inunahan ako ni tatay. "Kaya niyo po ba?"

"Oo naman, halika na." Halatang gutom na talaga siya.

Inalalayan ko pa rin si tatay palapit sa mesa. Inabot ko ang mga kailangan niya at pinaghain sa plato. Saka ko inilapag ang food at water bowl ni Nunna.

"Kumain na tayo, Dainty. Salamat sa hapunan."

Aaminin kong kakaunti pa lang ang nagawa ko, ramdam ko na ang pagod. Pero talagang nawala 'yon sa sinabi ni tatay. Kinuwento ko ang resulta ng exam ko, hindi halos siya nakakain nang ayos sa sobrang tuwa. Lalo pa nang sabihin kong mabibigyan ako ng medalya sa graduation.

Hinatid ko uli si tatay sa sala nang makapaghapunan kami. Namroblema ako sa gamot na ipaiinom sa kaniya. Mabuti na lang, hindi man alam ni tatay ang pangalan, alam niya ang itsura ng mga iniinom niyang gamot.

Nagkamali ako nang maisip na napunan ko na kahit papaano ang lahat ng responsibilidad ni nanay. Nanonood kami ni tatay sa sala nang mapansin ko ang likot niya. Magtatanong na sana ako nang mangibabaw ang masamang amoy.

Hindi malaman ni tatay kung paanong titingin sa 'kin. "A-Ako nang bahala. 'Wag mo 'kong intindihin, Dainty."

Naaawa akong lumapit kay tatay. Alam ko ang pakiramdam na 'yon, nangyari na rin 'yon sa 'kin nang kami lang nina tatay at Kuya Kev ang naiwan sa bahay. Hindi ako nagsabi na masakit ang tiyan ko at kailangang dumumi. Kay tatay pa lang kasi, hindi na magkandaugaga si kuya, bata pa kami no'n. Sa hiya ay tiniis ko iyon hanggang sa hindi ko na napigilan.

Sina Bree at Nanay Heurt ang nag-aasikaso sa 'kin sa t'wing kailangan kong dumumi, magpalit ng diaper, at maligo. Pero nang araw na 'yon, na-traffic sila at hindi nakauwi agad. Naiwan lahat ng responsibilidad kay Kuya Kev.

Ngumiti ako. "Ayos lang po, 'tay. Tara na po, aasikasuhin ko kayo."

Panay ang hingi ng pasensya ni tatay. Hindi na rin siya tumingin sa akin. Hirap na hirap man, tinulungan ako ni tatay na maipasok siya sa banyo. Muntik pa kaming madulas pareho bago siya maiupo sa kubeta.

Iniwan ko sa loob si tatay, sinara ko ang pinto ng banyo pero nanatili akong nakatayo sa labas. Narumihan ang damit ko, at kalat din ang dumi sa wheelchair niya.

"'Tay, sandali lang po, ha? Magpapalit lang ako ng damit," paalam ko.

Dumeretso ako sa washroom at naghugas. Nangilid ang luha ko nang papasok sa kwarto para magpalit. Pero bago pa 'ko maluha ay nag-ring na ang cellphone ko.

"'Nay?" nabuhayan akong bigla.

"Dainty, ayos lang ba kayo diyan? Ang tatay mo?"

Kumibot ang mga labi ko. "Ayos lang po kami, 'nay." Nagdalawang-isip akong sabihin na nasa kubeta si tatay, siguradong mag-aalala siya. "Nakapaghapunan na kami. Ayos lang po ba kayo diyan?"

"Kararating lang namin sa Cebu at papunta na kami sa ospital kung nasa'n si Maxwell. Gusto ko lang alamin kung ayos lang kayo. Kasama ko ang nobyo mo. Sa ngayon, pareho kaming abala, alam kong naiintindihan mo, Dainty. Sige na muna, ha? Balitaan mo 'ko, sasagot ako kapag may pagkakataon." Hindi na hinintay ni nanay na sumagot ako, pinatay niya na ang linya.

Napatitig ako sa cellphone at muling hinugot ang mga luha ko. "Kaya namin 'to." Tinatagan ko ang sarili.

Mahirap lang 'to ngayon kasi biglaan ang alis ni nanay. Lahat kami, hindi nakapaghanda. Siguradong bukas, kayang-kaya ko nang gawin ang mga ginagawa niya. Paulit-ulit kong sinabi 'yon sa isip, lumakas ang loob ko.

Tahimik lang si tatay habang hinuhugasan ko ang kaniyang likuran. Pero saksi ako sa matinding hiya niya. Nang sandaling 'yon, naisip ko lalo ang tindi ng sakripisyo ni nanay. Gusto ko siyang yakapin.

"Dainty?" boses ni Kuya Kev ang pumigil sa 'king tumuloy sa kwarto ni tatay para sana kumuha ng tuwalya. "Si tatay?"

"Nagbanyo siya kuya."

Nagmadali si kuya na ibaba ang mga gamit niya. Nahulaan niya ang nangyari nang malingunan ang wheelchair.

"Ako nang magpapaligo kay tatay. Pasensya ka na, na-traffic ako."

"Ayos lang, kuya." Inabot ko ang tuwalya sa kaniya. "Nakapagluto na 'ko, kuya. Maghapunan ka pagkatapos mong asikasuhin si tatay, ha?"

"Oo, maraming salamat, Dainty." Nakita ko sa mga mata ni kuya ang damdamin. Napakaliit na bagay lang ng nagawa ko pero ang emosyong binigay niya, sobra.

Matapos iabot ang tuwalya, dinala ko naman sa washroom ang wheelchair ni tatay para linisan iyon. Wala akong kasimbagal. Paano kung hindi dumating si Kuya Kev? Paano ko magagawa lahat ng kailangan ni tatay nang mag-isa? Nakikita ko na ang mangyayari. Iiwan ko uli si tatay sa toilet kung sakali para malinisan ang wheelchair. Bagay na delikado dahil sa sitwasyon ni tatay na nahihiya, siguradong gagawin niya lahat para makabawas sa gagawin ko. Siguradong kikilos siya para makatulong. Ngayon ko lang naramdaman kung gaano ako kabagal at kahina.

Nang sandaling 'yon, tulala ako sa ginagawa. Masyado yata naming iniasa ang lahat kay nanay kaya ramdam ko ang hirap ngayong wala siya. Kasi kung noon pa lang, ginagawa na namin ang mga 'to kahit hindi niya sabihin, hindi ako mahihirapan. Ngayon ko lang naisip kung gaano kagagaan ang mga naitutulong ko kay nanay.

Bukod do'n, nagagawa niya ang lahat nang tama sa oras. Nang maalala ko kung paano siyang sigawan at madaliin ni tatay, lalo akong humanga kay Nanay Heurt.

Gabi na nang dumating si Bree Anabelle. Syempre, nagulat siya nang maratnan kami ni kuya na inaasikaso si tatay. Inako ng bunso ang ginagawa ko at sinabing magpahinga na ako. Pero sa halip na makinig, nagwalis ako gaya ng gabi-gabi ring ginagawa ni nanay.

"Kaya natin 'to," ani Bree Anabelle kinabukasan, nakatingin sa salamin at sumulyap sa 'kin. "Kaya natin 'to, ate."

Maaga kaming gumising, alas sinko y media, para mamalengke ng iluluto, gaya ng ginagawa ni nanay. Sinabi kong ako na lang ang pupunta sa talipapa pero giniit ng kapatid kong samahan ako. Alam kong napuyat si Bree kapaparoo't parito sa kuwarto namin at ni tatay, para siguruhing maayos ang tulog nito.

"Alam mo ba kung ano'ng nangyari kay Kuya Maxwell, Bree?" usisa ko habang nasa daan kami papunta sa talipapa.

Nagbuntong-hininga siya. "Hindi rin malinaw 'yong kuwento sa 'kin ni Rhumzelle, ate. Pero tinarantado raw no'ng gagong ex-boyfriend ni Ate Yaz si Kuya Maxwell. Kaya galit na galit si Ate Maxpein."

Umawang ang labi ko kay Bree. Totoong nagulat ako sa nangyari ni Kuya Maxwell. Pero kakaiba talaga kung magkuwento ang kapatid ko. Iisa lang ang kinumusta ko ngunit napakarami niyang binanggit. Ang choice of words niya, nakabibigla. Hindi ko siya mapagsabihan, masyado siyang seryoso.

"Kumusta kaya ang lagay ni kuya?" dagdag ko.

"Nasa ospital daw si Kuya Maxwell, 'yon ang sabi ni Rhumzell. Nandoon din sina Ate Keziah at Kuya Randall."

Hindi ko maiwasang isipin na malala ang nangyari para sumugod nang gano'n kabilis si nanay sa Cebu. Panay rin ang hiling kong sana, maging maayos ang lagay ni Kuya Maxwell sa lalong madaling panahon.

"Hindi pa nagte-text si nanay?" usisa naman ni Bree habang nagluluto kami ng agahan.

Umiling ako. "'Wag na muna nating abalahin si nanay, baka kailangan siya roon ng mga Moon."

Tumango si Bree. "Kaya natin 'to, ate."

Ngumiti ako. "Kinaya ninyo nga ni kuya noon, kaya natin ngayon."

Alam kong madali lang sabihin 'yon kaysa gawin. Dahil nang sumunod na araw lang, kinailangang um-absent ni kuya para lang may maiwan kay tatay. Panay ang ring ng cellphone niya pero walang sinagot maski isa. Pare-pareho kaming hindi pwede um-absent dahil finals na.

Nang araw ring 'yon ay nagpaalam si Bree Anabelle para makauwi agad matapos ang klase, kasabay ko. Nagtulungan, at nagpalitan kami pag-aasikaso kay tatay. Walang problema sa pag-aalaga sa kaniya, kaya namin, lalo na kung magkakatulong. Pero kahit ayaw naming iwan nang mag-isa si tatay, may mga araw na kailangan naming pumasok pare-pareho.

"Sige na, pumasok na kayo, ako nang bahala kay tatay," ani Kuya Kev.

"Kev," bumuntong-hininga si tatay. "Nagluto naman si Dainty, kaya ko nang mag-isa rito. Pumasok kayong lahat. Kinaya ko nga ng tatlong araw nang mag-isa, kakayanin ko uli ngayon."

Nagkatinginan kaming magkakapatid at magkakasabay ring umiling. "Hindi po pwede, 'tay,"sabi ko. Noong unang dalawang araw, wala talagang naging problema. Pero nang ikatlong araw, umuwi kami nang nasa sahig si tatay. Nagkalat ang dumi at halos buong araw niya kaming hinintay na makauwi. Kahit nakahanda na ang lahat ng kailangan niya, may mga kailangan si tatay kaya hindi siya pwedeng maiwang mag-isa.

"Ako na lang ang magbabantay kay tatay, kuya. Kanina pa ring nang ring ang cellphone mo, baka importanteng pumasok ka." Nag-aalala man, sa isip ko, desidido akong makiusap na lang sa lecturer ko.

Napapikit si kuya, bagsak ang mga balikat. Saka lumapit at maluha-luhang tumitig sa 'kin. "Kailangan kong pumasok, baka hindi ako maka-graduate kapag um-absent ako, Dainty," bulong niya.

Ngumiti ako. "Kaya ko na 'to, kuya. 'Wag kang mag-alala. Mahalaga, may makasama si tatay. Nakausap ko naman na ang mga lecturer ko, at naintindihan nila ang sitwasyon," bulong ko rin. Ayaw naming iparinig kay tatay ang usapan.

"Ate," nakangusong tawag ni Bree. "Paano ka?"

"Okay lang ako, Bree, 'wag mo 'kong isipin. Ngayon na lang naman."

"Sure ka?"

Nakangiting akong tumango. "Sige na, pumasok na kayo ni kuya."

Bago umalis, nagpresinta uli si Bree na siya na lang ang liliban sa klase. Pero giniit kong ako na. Tinawagan ko agad ang lecturer ko nang araw na 'yon para makiusap. Naintindihan naman nito ang sitwasyon ko pero pinaalala ang consequences ng absences ko.

"Graduation mo na sa isang linggo, hindi ka na dapat uma-absent, Dainty," ani tatay nang makapagpalit uli ako ng damit dahil naka-uniform na ako kanina. Bakas ang matinding hiya sa mukha niya.

"Ga-graduate pa rin po ako, 'tay. Sigurado ako ro'n. Saka valid naman po ang reason ko, nakausap ko po talaga ang lecturer ko at pinaliwanag ang dahilan." Kailangang masiguro ko ito para hindi mag-alala si tatay.

"Pasensya ka na, ha?"

"'Tay, ano ka ba? Hindi ninyo kailangang humingi ng pasensya."

"Wala na nga akong pakinabang sa inyo, pabigat pa ako."

Umawang ang labi ko at naupo sa harap ni tatay. Hinawakan ko ang kamay niya, at kahit ayokong ipakita ang awa, hindi ko 'yon napigilan.

"'Tay, 'wag niyo naman pong sabihin 'yan. Hindi kayo kailanman naging pabigat sa 'min. Tayong dalawa...hindi tayo pabigat sa mga kapatid ko at kay nanay dahil mahal na mahal po nila tayo."

Hindi umimik si tatay. Nagbaba siya ng tingin sa magkahawak naming kamay at bumuntong-hininga.

"Sigurado po ako ro'n, 'tay, dahil nararamdaman ko po ang pagmamahal nila. Maniwala po kayo sa 'kin kasi kaya ko pong isakripisyo ang lahat para sa inyo, tatay."

Gano'n na lang kabilis nangilid ang mga luha ni tatay. At natatawa niyang pinahiran ang mga mata nang makita akong magulat.

"Pasensya na kung ganito ako mag-isip."

"Okay lang po, naiintindihan ko po kayo."

"Salamat, anak."

"Walang-anuman, 'tay. Maghahanda po muna ako ng agahan natin."

Ngumiti ako nang pagkaganda-ganda bago siya tinalikuran. Pero pagbaling ko pa lang sa mga lulutuin, nangilid na ang mga luha ko.

Totoo ang lahat ng sinabi ko kay tatay. Gagawin ko ang lahat para sa kaniya, para kanila ng mga kapatid ko, at kay nanay. Pero nang sabihin ng lecturer kanina na posibleng hindi ko makuha ang medalyang excited akong matanggap dahil sa absences ko, nalungkot din ako.

Medalya lang 'yon. Isang bagay na patunay na meron akong nakamit na tagumpay sa school. Siguradong matutuwa akong makatanggap niyon. Pero mas masaya akong makatulong sa pamilya, lalo na sa tatay ko. Marami pa namang pagkakataon para makatanggap ako ng medalya.

Iyon na lang ang inisip ko habang nagluluto. Marami na ring naisakripisyo sina tatay, Bree at kuya para sa 'kin. Masuklian ko man lang ang mga 'yon ngayon.

To be continued. . .

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top

Tags: #maxinejiji