CHAPTER 62
AUTHOR'S NOTE: My sincere apologies, nagkamali aka ng upload ng chapters. Thankyouuuu! <3
CHAPTER 62
HEURT PARK...
Hindi ako nakatulog nang gabing iyon dahil sa mga tanong sa isip ko.
Heurt Park ba ang tunay na pangalan ni nanay? Nakapanlulumo. Nakalulungkot na ang tagal ko na siyang kilala pero parang hindi ko siya nakilala talaga. At nakagugulat marinig iyon mula sa taong minsan ko lang nakilala at nakasama. Hindi ko mapagdugsong-dugsong.
Sa Palawan ko lang nakilala si Kuya Bentley, wala rin halos akong nalalaman sa kaniya. Bukod sa kaibigan siya nina Kuya Maxwell, Kuya Randall at Ate Keziah, kaibigan din siya ni Maxrill Won. Iyon lang ang alam ko, wala na. Kaya bakit sa kaniya ko pa maririnig iyon? Ano ang alam niya kay nanay? Nalilito ako.
Bumangon ako at naupo sa kama. Hindi talaga ako makatulog sa dami ng tanong sa isip ko.
Nilingon ko si Bree Anabelle nang magdesisyong mag-usisa. Tulog na siya, magkasama silang gumala ni kuya kanina gamit ang bago naming sasakyan. Sigurado akong marami siyang alam pero tingin ko, hindi niya kilala si Kuya Bentley. Maliban na lang kung nakilala niya na ito bago ko pa makilala ang lahat ng myembro ng pamilya ni Maxrill Won.
Kinabukasan naman ay masyadong abala si nanay sa paghahanda ng agahan, panay rin ang sagot niya sa magkakasunod na tawag kasabay niyon. Mukhang may kinalaman sa The Barb ang pinag-uusapan nila ng tumatawag.
Lumabas ako para usisain si Bree. Abala sila ni Kuya Kev sa paglilinis sa bago naming sasakyan, kahit pa hindi naman marumi iyon. Bagong-bago pa iyon at wala halos bakas na nagamit na. Itatayo rin nila ang canopy tent na magsisilbing pansamantalang silong at garahe ng sasakyan. Ingat na ingat talaga sila.
"Kuya, alin ba ang pipindutin dito?" tanong ni Bree Anabelle.
Nakita ko ang sarili sa kaniya na nagpa-panic noong unang beses na sumakay ako sa kotse. Pakiramdam ko, may masisira ako oras na magkamali ng pindot.
Nakiusisa ako at tiningnan ang napakaraming pindutan na tinutukoy niya. "May ganyan din sa sasakyan ni Maxrill Won," pagbibida ko.
"Paano lalakasan yung tugtog, ate?" ani Bree na naroon pa rin ang paningin. "Maraming beses naman na 'kong nakasakay sa sasakyan ng iba pero hindi ako nagpipindot, hehehe."
"Ito," natandaan ko na.
Nakangiti kaming tumingin ni Bree sa isa't isa. Kasabay ng paglakas ng tugtog ay lumapad ang mga ngiti namin.
"Hindi ako makapaniwalang may sasakyan na tayo, ate. Binalita ko nga agad sa mga kaibigan ko," ani Bree.
Lalo akong napangiti. "Nakakatuwa nga, hindi na mahihirapan si tatay na pumunta sa ospital."
"Hindi na kayo mahihirapan ni tatay," ani Kuya Kev, ingat na ingat sa paglilinis ng mga bintana.
"Hindi naman marumi ito, bakit ninyo nililinis?"natatawa ako.
"Kailangan nating ingatan 'tong regalo ng boyfriend mo, ate," ani Bree. "Grabe, ang lakas ng aircon nito, ate!"
"Oo nga, Bree. At gustong-gusto ko ang kulay."
"Alam na alam ni Maxrill kung paanong huhulihin ang kiliti mo, ate!"
Napangiti ako sa katotohanang 'yon. Hindi ko matandaang may sandali na nalimutan ni Maxrill Won kung ano ang gusto ko. Nabibigla na nga lang ako t'wing alam niya ang lahat sa 'kin.
Masaya kong pinanood sina Bree at Kuya Kev na paulit-ulit sa pagpupunas ng sasakyan. Paroo't parito sila na para bang may ikikintab pa ang sasakyan. Pinanood ko rin silang buuin ang silong para sa sasakyan, para raw hindi maarawan 'yon ani Kuya Kev. Magkakasabay kaming nananghalian at nagkuwentuhan nang bumalik sa ginagawang silong. Nilutuan ko sila ng maruya noong hapon, magkakasama uli kaming nagmeryenda. Bago dumilim ay nagpaalam kami kina nanay at tatay na maggagala gamit ang sasakyan sandali.
Dahil sa bonding naming iyon, nalimutan ko kung bakit ko nilapitan si Bree Anabelle.
Nakapanlulumong dumaan ang buong linggo na hindi ako binigyan ng pagkakataong mag-usisa nang tungkol doon. Maging si Maxrill Won, mabagal kung sumagot sa mga text ko. Nakontento kami sa kumustahan, at halatang pareho kaming sabik sa mahabang usapan.
Ibinuhos ko ang mga dumaang araw sa school at pagre-review. Finals na, kailangan kong paghandaan iyon. Gusto ko ng magandang record, makatutulong 'yon sa application ko sa pagkuha ng specialization.
"'Tay?" Lumapit ako nang maratnan ko ito sa sala isang tanghali ng weekend. Sigurado akong hindi siya abala dahil palipat-lipat siya ng channel sa TV, mukhang walang mahanap na panonoorin.
"Oh?" naro'n pa rin sa telebisyon ang paningin ng aking ama.
Ngumiti ako at naupo sa tabi niya. "Busy po ba kayo?"
Nakakunot ang noo ni tatay nang lingunin ako saka muling tinuon sa telebisyon ang paningin. "Hindi, naghahanap ng ako ng mapapanood. Hanapan mo nga ako ng action," inabot niya sa 'kin ang remote.
"Action...?" usal ko habang nililipat ang channel.
"Oo, at pakitutok mo sa 'tin ang electric fan, napakainit."
"Opo." Mabilis ko siyang sinunod. "'Tay?"
"Oh?" naroon din sa TV ang paningin ni tatay.
"No'ng nakaraan pong nasa ospital tayo...si Kuya Bentley po ang tumingin sa 'tin."
"Sino naman 'yon?"
Napabuntong-hininga ako. "'Yong gwapo pong doktor na tumingin sa atin?"
Natatawa niya akong nilingon. "May iba palang guwapo sa paningin mo maliban sa nobyo mong ungas?"
Ngumuso ako. "Tatay naman, eh."
"Oh, ano naman ngayon kung 'yong doktor na 'yon nga?" napakaistrikto talaga niya.
Napabuntong-hininga ako, mainit agad ang ulo ni tatay. Siguro, dahil hindi agad ako nakahanap ng action.
"Ano po kasi..." Hindi ko alam kung paanong dederetsahin si tatay. "Tinawag niya pong...Miss Park si nanay," mayamaya ay patuloy ko. Hindi umimik si tatay. "Ang alam ko po kasi...Del Valle si nanay."
"Si Maximor ang Del Valle. Iyon ang apelyidong gamit ng mga Moon sa bansang 'to," mahihimigan ang inis sa tinig ni tatay. "Hindi kailanman naging Del Valle ang nanay mo." Naroon pa rin sa TV ang paningin niya bagaman sumasagot sa 'kin. "Maghanap ka ng action, Dainty."
"Pulos pambata ang palabas, 'tay, eh."
Bumuntong-hininga siya, inis talaga. "Hindi ba't may pelikula ng ganitong oras? Tsk." Binawi niya ang remote sa 'kin at siya ang nagpatuloy sa paghahanap.
"'Tay, 'yong tungkol po sa pagtawag ni Kuya Bentley ng—"
"'Yon ang apelyido ng nanay mo, Park. Iba ang lahi niya, gano'n sa nobyo mo."
"Kung gano'n po...taga-North Korea rin po si nanay?"
Nilingon ako ni tatay. "Alam mo ang tungkol doon?" bakas ang gulat niya. "Alam mong taga-Norte ang ungas na 'yon?"
Lumabi ako. "Hindi po siya ungas at Maxrill Won po ang pangalan niya."
"Gano'n na rin 'yon." Ngumiwi si tatay saka sumeryoso. "Sinabi niya talaga sa 'yo ang tungkol do'n?"
"Opo," bagaman nawirduhan ako sa paniniguro ni tatay, binalewala ko. "Kinuwento po sa akin ni Maxrill Won na taga-roon sila ng pamilyang Moon."Ngumiti ako pero napabuntong-hininga rin nang alisin sa 'kin ni tatay ang paningin niya.
Nasagot naman na ang tanong ko, bakit parang hindi pa rin ako kontento? Parang meron akong gustong alamin. Hindi ko matukoy.
Napansin ko rin kasi na sabay na nilingon nina tatay at nanay si Kuya Bentley nang sandaling 'yon sa ospital. Kakaiba rin 'yong paraan ng pagtingin nila kay kuya; gulat, nagtataka, at naninindak. Hindi ko maintindihan.
"Ang apelyido po ni nanay...gano'n pa rin po ba hanggang ngayon?" pangungulit kong muli. "Heurt Park pa rin po ba ang pangalan niya kahit may asawa na siya?"
Buntong-hininga na naman agad ang sinagot ni tatay. Lumingon siya sa 'kin, nakakunot ang noo. "Oo. Hindi magbabago 'yon kahit pa mag-asawa siya, gano'n sila sa mga bansa nila."
Umawang ang labi ko. "Talaga po? Kahit dito sa Pilipinas kinasal?"
"Tsk. Teka nga? Hindi naman kinasal ang nanay mo."
"Kahit...sa inyo po?" natitigilan kong tanong.
"Hindi kami kinasal ng nanay mo." Nangunot ang noo ni tatay. "Isa pa, ganap na siyang Moon ngayon. Kung paanong nangyari 'yon, siya ang tanungin mo."
"Bakit hindi po kayo kinasal ni Nanay Heurt?"
"Dahil kasal ako sa tunay mong ina."
"Kung gano'n, magpapakasal po kayo ni Nanay Heurt kung pwede at may pagkakataon?" ngumiti ako.
"Hindi."
"Po? Bakit? Ano po ba talaga kayo ni Nanay Heurt, 'tay?"
Natigilan si tatay, nahinto sa pagpindot sa remote at napako ang paningin sa TV. "Wala." Iisang salita lang 'yon ngunit natikman ko ang pait.
Wala? Gusto kong kumpirmahin kahit pa malinaw ko nang narinig. Sa t'wing sasagot si tatay, lalong nadaragdagan ang tanong ko.
Ilang taon kaming magkakasama sa hirap at ginhawa. May mga hindi man pagkakaunawaan, hindi ko mabilang ang masasayang sandali namin bilang pamilya. Inalagaan kami ni nanay na parang tunay na mga anak, tinuruan, pinalaki nang tama, pinakain nang masasarap, at binihisan nang malilinis at maayos. Hindi kailanman napagod si nanay sa pag-aasikaso kay tatay, na kahit sino ay maniniwalang mag-asawa sila. Tapos para sa kaniya...wala lang sila ni nanay?
Hindi ko alam kung bakit parang ako 'yong nasaktan. "Wala lang po pala kayo ni nanay," huli na para bawiin ang lungkot ko. "Pero...kung kayo po ba ang masusunod, pakakasalan ninyo si nanay?"
Lalong natigilan si tatay. Lumingon siya sa 'kin at minsan pang tumitig. Umasa akong sasagutin niya na ako pero buntong-hininga na naman ang natanggap ko.
"Ano ba't napakarami mong tanong, Dainty?"
Ngumuso ako. "Curious po kasi ako, 'tay. Pakiramdam ko kasi...napakarami kong hindi alam kay nanay. Akala ko, alam ko nang lahat sa inyo ni nanay, hindi pala."
"Napakakulit mo talagang bata ka," inilingan ako ni tatay.
"Kasi naman...ngayon ko lang nalamang Heurt Park pala ang pangalan ni nanay. Tapos sabi ninyo, mananatili ang pangalan niya kahit pa mag-asawa siya pero isa na siyang Moon ngayon. Nakalilito po, 'tay."
"Nasa nanay mo iyon kung gusto niyang magpakasal sa hindi niya kalahi, at palitan ang apelyido niya. Naging Moon siya dahil hiniling 'yon ng pamilyang Moon sa bansa nila, bilang ina ni Maxpein. Isa pa, imposibleng maikasal siya sa isang Moon na mula sa Emperyo."
"Imposible po?" Kinabahan ako. "Bakit naman po?"
Bumuntong-hininga na naman si tatay at sinamaan ako ng tingin, ngumuso ako. "Tinatanong mo ba 'to para makilala ang nanay mo o para sa sarili mo?"
Nanlaki ang mga mata ko. "Hindi po para sa 'kin!" depensa ko. "Talaga pong..." ngumuso ako nang mapaisip. "Para po kay nanay."
Nang dahil sa huling linya ni tatay, nahati ang puso ko. Na-curious na rin ako para sa 'min ni Maxrill Won.
"'Tay?" pagtawag ko nang hindi siya sumagot.
Wala nang susungit kay tatay. "Istrikto ang Norte, Dainty. Kailangan ng pahintulot ng gobyerno at korte nila bago makapagpakasal sa ibang lahi ang mga tao mula sa kanilang bansa. Bukod doon, bago pahintulutang maikasal ang isang lalaki roon, kailangan niyang dumaan sa ilang taon ng pagiging sundalo. Maigi na siguro kung iyong nobyo mo ang tatanungin mo tungkol doon. Nang may mapag-usapan naman kayong matino bukod sa mga aso at kabibe."
Lalo yata akong nalito. Sa dami ng sinabi ni tatay, parang hindi nasagot ang mga tanong ko. Nakamot ko ang ulo habang nakatitig kay tatay.
"Eh...paano po kaya nalaman ni Kuya Bentley ang tunay na pangalan ni nanay?"
"Wala rin akong ideya." Halata ngang maging siya ay nagtaka.
"Tanungin ko po kaya si nanay?"
"Dainty?"
Ngumuso ako. "Curious po kasi talaga ako, 'tay. Nakalulungkot po kasi na sa...kakilala ko po nalaman ang tunay na pangalan niya."
Bumuntong-hininga si tatay, nagpapasensya. "Hindi mo naman kailangang malaman ang lahat tungkol sa nanay mo, Dainty Arabelle."
Nangunot ang noo ko. "Hindi po ba't baliktad?"saka ako nameke ng tawa. "'Di ba po...dapat malaman ko ang lahat sa kaniya dahil...nanay ko siya?"
Nilingon niya ako. "Nanay-nanayan mo lang siya. Si Aubrielle pa rin ang tunay mong ina, 'wag na 'wag mong kalilimutan 'yon, Dainty."
Ngumuso ako. "Hindi ko naman nakalimutan 'yon, 'tay. Parati pong nasa puso ko si nanay."Iyong tunay kong ina ang tinutukoy ko.
Naghintay ako ngunit hindi na umimik pa muli si tatay. Kaya naman nag-isip ako at muling sumubok.
"Bukod po sa apelyido ni Nanay Heurt, meron pa po ba akong...dapat na malaman tungkol sa kaniya, 'tay?" ngiti ko. "Interesado po ako, sana magkuwento pa po kayo."
Nakita kong tumitig si tatay sa telebisyon bagaman commercial lang ang meron doon. Bumuntong-hininga siya bago nagsalita. "Wala na."
Lumaylay ang mga balikat ko. "Kahit na ano po?"
"Bakit ba ganyan ang mga tanong mo?"
"Interesado po kasi talaga ako, 'tay," nguso ko. "Tulad po nang nabanggit ko, pakiramdam ko, napakarami kong hindi alam kay nanay."
"Bakit mo inaalam ang lahat ng iyon ngayon?"
"Dahil nga po interesado ako," ako pa ang nakukulitan kay tatay, ilang beses ko nang sinabi ang dahilan ko.
"Hindi makabubuti 'yang interes mo.
"Bakit naman po?" nagtaka lang lalo ako.
Lalo ring nangunot ang noo ni tatay nang lingunin ako. "Nitong mga nakaraan, panay ang pagtatanong mo, Dainty." Bumuntong-hininga si tatay. "Hindi ka naman dating ganyan."
"Kasi nga po..." hindi ko na kayang ulitin ang dahilan ko. "Hindi naman po ako nakapagtanong masyado..." ngumuso ako. "Lahat po kayo, busy."
Totoo namang interesado ako, curious ako masyado sa maraming dahilan. Lahat naman 'yon, positibo. Lalo lang akong nagiging interesado dahil parang ayaw sumagot ni tatay.
"Hindi pa ba sapat 'yong pagkakakilala mo sa kaniya at gusto mo siyang mas makilala pa?"seryoso masyado si tatay. "Hindi ba pwedeng...makontento ka na lang doon, 'nak? Makontento na lang tayo sa kung anong meron ngayon dahil tapos na ang nakaraan."
Napatitig ako kay tatay. Lalo kong napatunayan na ayaw niyang magsabi. Dahil kaya may tinatago siya? Hindi naman siguro.
Nagbaba ako ng tingin. "No'ng marinig ko po kasi ang tunay na pangalan niya...tinanong ko po ang sarili ko kung kilala ko ba talaga siya? Pakiramdam ko po kasi, hindi." Paikot-ikot na usapan namin.
Nagpakatotoo ako, umaasa na makukumbinsi si tatay na magkwento.
"Naiintindihan kita, Dainty. Alam ko rin kung saan nanggagaling ang interes mo. Humahanga ka kay Heurt, mataas ang tingin mo sa kaniya dahil inalagaan niya tayo at tumayong ina sa inyong magkakapatid. Pero..." nilingon niya ako sandali at tinitigan. "Lagyan mo ng hangganan ang interes mo, Dainty."
Natigilan ako at bahagyang napahiya. Pero nang sandali ring iyon, mas tumindi pa ang interes ko. Nakumpirma ko rin na ayaw akong sagutin ni tatay. Bakit kaya gano'n? Masama ba ang tanong ko? Kung ako kasi ang tatanungin, normal lang na tanong ang mga 'yon. At ang nakikita kong dahilan para iwasang sagutin 'yon ay kung may tinatago si tatay.
"Maigi na sigurong hanggang diyan na lang ang mga tanong mo. Kung masaya ka sa nangyayari sa iyo ngayon, diyan ka na lang mag-focus."
"Bakit po...parang ayaw ninyo akong kwentuhan tungkol kay Nanay Heurt?" himig nagtatampong tugon ko.
Humugot nang malalim na hininga si tatay. "Hindi sa ayaw ko, okay?" nagpapasensya na lang siya. Hayun na ang istriktong tinig at itsura niya. "May mga katanungan lang kasi na...kapag nasagot, guguluhin lang ang sitwasyon." Napakalalim ng sagot niya. "At ayokong mangyari 'yon."
Sobrang lalim na hindi ko tuloy nakuha. Paanong guguluhin ng katauhan ni nanay ang sitwasyon? At saka, aling sitwasyon naman kaya 'yon?
"Mas mabuti pang...iyang nararamdaman mo na lang sa nobyo mo ang intindihin mo. Huwag ka nang magtanong nang kung ano-ano." Kunot-noong nag-iwas ng tingin si tatay. "Hindi yata...dumadalaw iyong nobyo mo? Ayos...lang ba kayo?" Gano'n kabilis naiba ni tatay ang topic, nawalan ako ng tyansang mangulit pa lalo.
Matagal bago naproseso ng utak ko ang tanong niya. "Kinukumusta niyo po ba si Maxrill Won, 'tay?"
"Narinig mo ba 'kong kumustahin ang mokong na 'yon? Napapansin ko lang na hindi siya dumadaw."
"Boto na po ba kayo...kay Maxrill Won, 'tay?"pinigilan kong ngumiti nang malaki.
Nangunot ang noo ni tatay. "Hindi," deretsong sagot niya.
Palihim akong ngumiti. "Eh, bakit po hinahanap ninyo si Maxrill Won?"
"Anong hinahanap?" sumama agad ang mukha niya.
"Tinanong ninyo po siya ngayon lang, 'tay,"hindi ko mapigilang ngumiti.
"Nakapaninibago lang, lalo at alam ko namang lagalag ang isang iyon. Mas madalas pa siya rito kaysa sa pamilya niya sa t'wing bibisita ng Laguna. Pero hindi ko sinabing boto na 'ko sa Korinoy na 'yon, magkaiba 'yon, Dainty."
Lumabi ako. "Tatay naman, eh..."
"Ano?" Pinagkunutan niya ako ng noo na kalaunan ay nauwi sa buntong-hininga. "Nagtataka lang ako kung bakit hindi na siya bumibisita."
"Eh, di hinahanap niyo nga po siya?"
Masama ang mukha ni tatay nang bumuntonghininga. "Kung iyan ang gusto mong isipin, bahala ka."
Nagpigil ako ng ngiti. "Kung inaalala ninyo na po siya, ibig sabihin, boto na po kayo sa kaniya?"
"Saan mo naman nakuha iyan?"
Hindi ko na mapigilang ngumiti. "Hindi ninyo po kinumusta si Maxrill Won, o ang relasyon namin kahit kailan, 'tay."
Nag-iwas siya ng tingin. "Bakit hindi mo na lang sagutin kasi? May problema ba kayo o ano? Bakit hindi ka niya binibisita?"
Ngumiti ako at yumakap sa braso ni tatay. "Busy lang po siya, 'tay."
"Saan naman?"
"Marami pong ginagawa si Maxrill Won, 'tay. Siya ang umaasikaso sa mga negosyo nila, at kapag busy si Kuya Maxwell, inaasikaso niya ang ospital."
"Kahit gano'n dapat, may oras siya sa 'yo. Ilang linggo na bang hindi nagpapakita ang hangal mong nobyo?"
"Hindi naman po siya nawawalan ng oras sa 'kin, 'tay. Parati niya nga akong inaalala, at humihingi ng dispensa sa t'wing hindi nakasasagot agad sa mga text ko."
"Kontento ka na sa gano'n? Sa ganda mong 'yan, dapat lang na ibigay niya ang buong atensyon sa iyo, hangal na 'yon. Kayang-kayang gawin 'yon ng isang Moon, maniwala ka."
"Hindi ko naman po kailangan ng buo niyang atensyon, kontento po ako sa naibibigay niya, tatay. Naiintindihan ko rin po na gaya ko, may mga kailangan siyang gawin sa buhay niya."
Batid kong magdadahilan pa si tatay, pero dahil napatitig siya sa sinabi ko, buntong-hininga lang ang naisagot niya.
"Masaya ako na ganyan ang isip mo, maintindihin ka. Napakasuwerte sa 'yo ng ungas na 'yon. Ako lang itong naiirita dahil nakikita kong sabik kang makausap, at inaalala siya. Anomang oras ay pwedeng lumipad ang hangal mong nobyo, ano't hinahayaan niyang manabik ka na lang? Hangal."
Nakagat ko ang labi, hindi ko makuhang magdamdam sa mga sinabi ni tatay. Hindi ko kasi maramdaman doon 'yong dating tono niya ng pang-iinsulto. Mas dama ko ngayon ang pag-aalala niya para sa relasyon namin ni Maxrill Won.
"Boto na po ba kayo sa kaniya?" nakangiti man ay seryosong tanong ko.
Nangunot ang noo niya, nag-iwas ng tingin at muli pang bumuntong-hininga. "May magagawa pa ba naman ako?"
"Talaga po?" Literal na nagliwanag ang mukha ko at lalong napayakap sa braso niya, kahit pa hindi malinaw ang sinagot niya. "'Tay..." hindi ko alam ang sasabihin.
Pero sa sandaling 'to, hinihiling kong sana, narinig din siya ni Maxrill Won na sabihin 'yon. Sigurado kong matutuwa iyon.
Umiling si tatay. "Wala na nga akong...naibigay na magandang buhay sa inyo, pipigilan ko pa ba naman kung ano'ng...nagpapasaya sa 'yo?"
Nabigla ako. Kahit panay ang buntong-hininga ni tatay, na para bang mabigat para sa kaniya ang binibitiwang mga salita, hindi ko inaasahang ganito ang kaniyang sasabihin.
"Nararamdaman kong...mahal na mahal ka niya. Kahit ayokong tingnan, nakikita ko kung gaano ka kaespesyal sa hangal na 'yon," patuloy niya.
"Kung ano-ano namang tinatawag niyo sa kaniya, eh. Maxrill Won po ang pangalan niya." Ngumuso ako bagaman napangiti rin agad. "Napakaganda po ng pangalan niya, tatay."
Natutuwa ako na nakikita ni tatay kung paano akong tratuhin ni Maxrill Won. Hindi ko kailanman naisip na mapapansin niya ang mga 'yon dahil parati na lang siyang galit. Hindi niya pinakikitunguhan nang maayos si Maxrill Won. Parang nakasisilaw na bagay ang aking nobyo na bawal madaplisan man lang ng paningin. Kaya tumatak talaga sa isip ko na ayaw niya kay Maxrill Won.
Yumakap ako sa braso niya. "Salamat po, tatay."
"Basta ipangako mong magtatapos ka ng pag-aaral, Dainty. Bigyan mo siya ng oras pero mas paglaanan mo ng panahon ang pag-aaral. Ang araw nga nakapaghihintay sa buwan bago muling lumiwanag, siya pa kayang hangal lang?"
Nagliwanag ang mukha ko sa tuwa. "Opo, tatay!"
"Kahit pa hindi ako ang nagpapaaral sa iyo, masaya ako at proud sa mga nararating mo, Dainty. Napakatibay ng loob mo."
Ngumiti si tatay at sinuyod ng tingin ang kabuuan ng mukha ko. Saka siya nag-iwas ng tingin at tumingin sa kawalan na para bang may inaalala sa nakaraan.
"Hindi ka gaya ko na...sumuko agad sa buhay, sa sarili kong katawan. Hindi ko tinulungan ang sarili ko sa nakaraan na pinagbabayaran ko hanggang ngayon."
Nawala ang tuwa ako at biglang nalungkot para kay tatay. "'Tay..." hinagod ko ang balikat niya. "Naiintindihan ko po ang nararamdaman ninyo. Pero...natulungan ko ang sarili ko dahil meron akong mga magulang at kapatid na sumusuporta sa 'kin. Dumating pa po ang mga Moon na...naging tulay para tuluyan kong piliing magpatuloy sa buhay."
"Sa dami ng...pagkakamali ko sa nakaraan, hindi ko inaasahan na reregaluhan pa 'ko ng mabubuting anak na gaya ninyo."
Nilingon ako ni tatay at tipid na nginitian, hindi man lang sinagot ang mahaba kong sinabi.
"Kaya ang...makapagtapos ka at marating ang lahat ng pangarap mo...at maging masaya ka lang sa lahat ng hangarin at desisyon mo sa buhay, ayos na sa 'kin 'yon. Masaya ako basta masaya ka. Masaya akong may nagugustuhan at minamahal ka."
"Tatay..." naantig ang damdamin ko at napayakap nang mahigpit sa kaniya.
"At huwag ka lang sasaktan niyang hangal mong Moon at talagang malilintikan siya, at ang buong pamilya niya sa akin. Sa sandaling makita kitang lumuluha nang dahil sa kaniya, wala akong ititira sa kanila, makikita niya."
"'Tay naman..." ngumuso ako.
"Oh, ano? Huwag ka na ngang madada riyan, Dainty?" aniya, gayong siya ang maraming sinabi. Saka bumaling si tatay sa kusina. "Papasok na 'ko, Heurt!"
Palihim akong nangiti dahil sigurado akong sa dami ng habilin niya, ngayon pa siya nakaramdam ng hiya. Nakita kong mamula ang tenga ni tatay kahit pa madilim ang balat niya.
Sa pamilya namin, ako ang maboka tungkol sa nararamdaman ko para sa pamilya; kung gaano ko sila kamahal at kung gaano sila kaimportante sa 'kin. Nabago lang 'yon nang magkagusto ako kay Maxrill Won. Hindi dahil nabawasan o nawala ang pagiging maboka ko kundi dahil naging komplikado ang sitwasyon kaya hindi ko agad naamin kaninoman ang nararamdaman ko.
Kaya nakatutuwa na ganito kaboka ngayon si tatay. Lahat ng sinabi niya, nakarating sa puso ko, paulit-ulit na naging haplos at nagdulot nang magandang pakiramdam. Hindi man niya direktang pinahayag ang pagpayag niya sa nararamdaman ko kay Maxrill Won, sigurado akong doon nanggaling ang lahat ng sinabi niya.
"Salamat po, 'tay." Sinsero ko 'yong sinabi, at muling niyakap siya. "Sapat na po sa 'kin lahat ng sinabi mo, tatay. Maraming salamat po, napakasaya ko."
Hindi agad tumugon si tatay pero matapos bumuntong-hininga ay ginantihan niya ang yakap ko.
"Ikaw bata ka, oo. Tsk tsk." Umiling si tatay, nakakunot pa rin ang noo saka tipid na ngumiti. "Heurt!"
"Teka! Maghintay ka nga, Kaday?" kunot-noong lumabas mula sa kusina si nanay, nasa tainga ang cellphone. "Kausap ko si Maximor."
"Ano pa nga ba'ng aasahan ko sa 'yo?"mahinang ani tatay ngunit dinig ko, napanguso ako. "Natural, kausap mo ang hambog na 'yan."
Nagseselos marahil si tatay. Hindi ko alam ang mararamdaman pero ang tuwa para sa kanila ni nanay ay kiniliti ang puso ko.
"Magpo-propose na si Maxwell sa nobya niya,"patuloy ni nanay. "Iyon ang pinag-uusapan namin. Pinapupunta ako sa Palawan."
Nanlaki ang mga mata ko. "Ikakasal na po si kuya?"
"Magpo-propose pa lang pero...papunta na rin doon."
"Nagkabalikan na po sila ni Ate Yaz, 'Nay?"tuwang-tuwa ako bagaman hindi ako gano'n ka-close kay Ate Yaz.
"Hindi pa. Pero siguradong hindi naman tatanggihan ni Yaz iyon, mahal na mahal nila ang isa't isa," ngumiti si nanay saka muling nagsalita sa cellphone, hindi ko naintindihan. Kailan ba 'ko masasanay sa ibang lenggwahe nila?
Alam ko na kung bakit busy si Maxrill Won, magpo-propose na si Kuya Maxwell. Siguradong naro'n siya para suportahan ang kaniyang kuya.
Nakatutuwa, bagaman hindi ako naging saksi sa relasyon nila Kuya Maxwell at Ate Yaz, masaya ako na sila ang magkakatuluyan. Kahit hindi ko alam kung ano-ano ang pagsubok na pinagdaanan nila, masaya ako para sa kanila. Ano kaya'ng pakiramdam niyon?
Ang makatuluyan siguro ang pinakamamahal mo ang pinakamasayang pakiramdam sa mundo. Patunay kasi iyon na walang hangganan ang pagmamahalan ninyo. Siguradong meron pa ring darating na problema. Sigurado ring manunubok pa ang tadhana. Parte naman na kasi iyon ng buhay, at hindi naiiwasan ninuman. Pero oras na maikasal ang dalawang nagmamahalan, haharapin na nila ang lahat nang magkasama. Problema, pagsubok o kasiyahan, hindi na nila iyon pagdaraanan nang mag-isa basta naroon sila sa tabi ng isa't isa at sumusuporta.
Maxrill Won...
Nang gabing 'yon ay nag-text uli ako kay Maxrill Won. Sinabi ko sa kaniyang gusto ko siyang makausap, at may importante akong ikukwento sa kaniya. Kahit hindi siya sumagot, hindi nabawasan ang excitement ko na ibahagi sa kaniya ang naging usapan namin ni tatay.
To be continued. . .
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top