CHAPTER 52
CHAPTER 52 (PLEASE VISIT MY WEBSITE, IT'S www.maxinejiji.com Thankyouuuu!)
"ATE, PA-LOAD po," nakangiting sabi ko sa tindera.
"Sige, ganda, magkano?" nakangiti ring tugon nito habang pumipindot sa cellphone niya.
Sinabi ko ang halaga ng load na gusto ko, nakangiting inabot ng tindera ang cellphone sa 'kin. Ramdam ko ang titig niya habang pinipindot ko ang number ko sa cellphone. Maging nang ibalik ko 'yon at muli siyang magpipindot doon, panay ang sulyap niya sa 'kin. Naiilang akong ngumiti.
"Okay na, ganda," aniya ulit.
Nag-init ang mga pisngi ko. "Salamat po." Inabot ko ang bayad at saka tumabi para i-check ang load ko.
"'Ganda no'ng estudyante, 'no?" dinig kong sabi ng tindera sa kasamang lalaki na naroon sa loob ng tindahan, malakas kasi ang boses niya.
"Oo, kaso may deperensya sa paa," tugon ng lalaki dahilan para matigilan ako at mahinto sa pagtipa sa cellphone ko.
Napabuntong-hininga ako at nagdesisyong bumalik na sa school. Lumabas lang talaga ako para magpa-load. Tatawagan ko si Maxrill Won.
Dumeretso na muna ako sa canteen, kaunti lang ang oras ng breaktime namin kaya hindi rin ako pwedeng magtagal. Plano kong sa umbrella na lang kumain at doon na lang din tawagan si Maxrill Won.
"Don't you have friends, Dainty?" natatawang ani Danice nang magkasabay kami sa pila sa canteen.
Siya lang ang nakapila sa likuran ko pero nang marinig siya ng dalawa niyang barkada ay nakangising lumapit ang dalawa at tiningnan ako mula ulo hanggang paa.
"Who would've wanted to make friends with her, Danice? Look at Dainty, she can't even walk," patutsada ni Ariella. Sa halip na pansinin ay humakbang na lang ako papunta sa harapan nang umusad ang pila.
Pero hindi nakontento ang tatlo, mas humakbang sila papalapit sa 'kin na halos mabunggo na ang likuran ko. Inis kong nilingon si Ariella at kasama nitong si Bianca. Pinagtawanan nila akong tatlo kaya napipikon akong bumaling na lang uli sa harapan.
Talagang ayaw papigil ang mga ito. Isa sa kanila ang humila sa buhok ko. Pigil man ay malakas at masakit pa rin 'yon kaya naiinis ko talaga silang hinarap.
"Ano ba?" angil ko.
Natatawang ngumiwi ang tatlo, naaawa kunyari. "Matapang ka na, ah?" ani Danice. "Galit ka na niyan, Dainty?"
"Tigilan niyo na ako, Danice, ano ba'ng ginawa ko sa inyo?"
"What?" naghahamong humakbang si Danice, magkakrus ang mga braso at nakataas ang noo. "What are you gonna do, huh?"
Tumikom ang bibig ko, puno ng hangin ang dibdib ko. Inis ko silang tinalikuran dahil ako na ang sunod sa counter. Pinakawalan ko ang naipong hangin sa dibdib ko nang magandang ngiti ng kahera ang bumungad sa akin.
"Ano'ng sa 'yo, ganda?" tanong pa nito.
Naitikom ko ang bibig at bumuntong-hininga. "Sandwich at juice po, auntie."
Sandaling natigilan ang kahera at natawa. "Sige, ganda. Sandali." Nilagay nito ang orders ko sa tray saka kinuha ang card ko. "'Wag mo nang pansinin ang mga 'yan sa likuran mo, mga papansin." Hindi ako tumugon. "Mas maganda ka naman sa kanila." Nawala ang mga mata niya sa sobrang pagkakangiti at naipit sa may katabaan nitong pisngi.
"Salamat po." Gumanda na ang ngiti ko.
Talagang kahit anong sama ng paligid, meron pa ring naiiwang mabubuti. Ang mga 'to na lang ang pinagtutuunan ko ng pansin. Ayaw kong gumaya kina Danice. Kung ganito kasasama ang ugali nila, hindi ako maaaring gumaya. Dahil alam ko ang pakiramdam.
Dali-dali kong kinuha ang orders ko at lalampasan na sana ang grupo nina Danice nang kunin ni Bianca ang kamay ko. Kasabay ng gulat ko, humigpit ang hawak ko sa tray sa takot na matapon ang laman niyon.
Ngunit magsasalita na sana ako nang may humawak sa braso ni Bianca at pilit na inaalis 'yon sa pagkakahawak sa 'kin. Nang mag-angat ako ng tingin ay kaharap na namin si Gideon.
"Bitiwan mo siya, Bianca," ani Gideon, nakatiim ang bagang, may kasamaan ang tingin.
"Let go of me," mariing ani Bianca, napakataray.
Sumunod si Gideon sa pamamagitan ng pagkalas ng kamay niya Bianca sa braso ko. Saka niya inilayo si Bianca at humarang nang bahagya sa 'kin.
"Grow up, Bianca," mariing ani Gideon. "Gano'n na kayo, Ariella, Danice."
Pare-pareho kaming natigilan. Pero sa huli ay pinagtawanan ng magbabarkada ang ginawa at sinabi ng kaklase namin habang ako naman ay nagulat. Kabilang si Gideon sa barkada nila, isa pa nga siya sa nang-aasar sa akin noon kaya hindi ko inaasahang gagawin niya 'to sa mga kaibigan niya.
"What's wrong with you, Gideon?" nakangising ani Danice saka sinilip ako. "Don't tell me..." nakakaloko niyang binitin ang sasabihin at muling sumulyap sa 'kin bago mag-angat ng tingin kay Gideon.
"We're too old for this, Danice. Besides, nananahimik si Dainty."
Ngumiwi si Danice, kunyaring kumbinsido sa sinabi ni Gideon saka tumawa sa huli. "Nananahimik nga ba?" Binalingan ako ni Danice. "O kunyaring tahimik pero ang totoo, malandi?"
Nangunot ang noo ko. "Ano'ng sabi mo?" hindi makapaniwalang tugon ko.
"Hindi ba? Nilandi mo si Maxrill Won del Valle," mataray na ani Danice. Nagngiwian sina Bianca at Ariella, naniniwala sa bintang ng kabarkada. "No'ng una, si Rhumzell Echavez. Ngayon naman, si Maxrill del Valle?" Muli siyang humalakhak sabay sulyap kay Gideon. "Baka magulat ako isang araw, ikaw naman ang ka-fling niya?"
Bahagyang bumilis ang paghinga ko, pinupuno ng inis ang dibdib ko. "Boyfriend ko si Maxrill Won, Danice," mariing sabi ko. "Kaibigan ko si Rhumzell at hindi nagbago 'yon mula noon hanggang ngayon. Para sabihin ko sa 'yo, hindi ako tulad ng binibintang mo."
Nakangiwi akong ginaya ni Danice habang nagsasalita saka inirapan. "Hindi nga ba?" humalakhak si Danice, lalo akong iniinis at epektibo 'yon.
"'Wag mo akong pagbuntunan ng inis kung hindi ka nila nagustuhan. Bahala ka kung ano'ng gusto mong isipin, Danice. Tutal, hindi naman no'n mababago ang katotohanang wala akong nilandi. Masama lang talaga ang ugali mo," pagtatapos ko sa usapan at saka tinalikuran siya.
Pero hindi ko inaasahang hahablutin ni Danice ang buhok ko dahilan para mapatili ako at mapaatras pabalik sa kanila!
"Sino'ng masama ang ugali, ha? You limp! Ikaw 'tong malandi tapos ako ang sasabihin mong masama ang ugali?"gilalas ni Danice habang humihigpit ang pagkakasabunot sa 'kin.
Mabilis naming naagaw ang atensyon ng mga nasa canteen. Napakaraming nanood pero si Gideon lang ang nag-iisang tumulong sa 'kin.
"Danice, ano ba?!" pilit kaming pinagkakalas ni Gideon pero pilit din siyang pinipigilan nina Bianca at Ariella. "Stop it! Danice!"
Sa halip na makinig kay Gideon ay lalong hinila ni Danice ang buhok ko, napatili ako sa sakit. "Bitiwan mo 'ko, Danice!"naluluha nang sabi ko.
Ngunit hindi siya nakinig. Lalo pa niyang hinila ang buhok ko dahilan para mapaatras ako at mawalan ng balanse. Hanggang sa tuluyan akong lumagapak sa sahig.
Natakpan ko ang mukha ko nang tumunghay ang tatlong magbabarkada at si Gideon sa akin. Maging ang mga nakikiusyoso na hindi man lang nag-abalang tumulong sa 'kin o pumigil sa magkakaibigan, tumunghay at tumingin lang sa 'kin. Walang awa si Danice dahil hindi siya nakontento ro'n, sinipa niya ang dispalinghadong paa ko!
Awtomatikong lumuhod si Gideon at tinulungan akong tumayo. Sa galit ay kinuha ko ang juice na in-order ko at itinapon 'yon deretso sa mukha niya.
Nagulat, namilog ang bibig niya ngunit hindi na nakamulat. Ilang saglit pa ay nagtitili na si Danice at inirereklamo ang mata niya.
"I'm going to kill you, Dainty!" tili pa niya.
"Bagay lang sa 'yo yan, Danice," pigil ang galit kong sabi at tinalikuran sila ng barkada niya.
Ngunit hindi ko inaasahang mahaharapan si Dean Enrile. "What's going on here?" nagtaas siya ng boses.
"Dean..." napipi ako.
Tumili nang malakas si Danice dahilan para mapalingon ako sa kaniya. "Somebody help me!" umiiyak niyang sigaw. "I can't open my eyes!" muling tili niya.
"Danice—"
"Don't touch me, you limp!" asik ni Danice kasabay nang paghampas sa kamay ko. Nagugulat akong umatras. "You did this to me! Kapag may nangyari sa mata ko, lagot ka talaga sa 'kin!" Umiyak siya at minsan pang tumili, kinabahan ako nang todo.
"I'm sorry," pilit ko pa rin siyang hinawakan ngunit sa ikalawang pagkakataon ay natabig niya ang kamay ko gayong nakapikit siya.
"Sesanghe..." nasapo ni dean ang noo nang harapin ko. Masama ang tingin niya sa 'min ni Danice at mga kaibigan nito. "All of you," itinuro kami ni dean. "In my office, now!"
Napayuko ako at kabadong naestatwa sa kinatatayuan. Hindi ko inaasahang lalapitan ako ni Gideon at hahawakan sa magkabilang balikat. Napalingon ako sa kaniya, nakita niya ang pag-aalala sa aking mukha.
"Call my mom, Bianca," dinig kong utos ni Danice dahilan para mag-angat ako ng tingin.
Lalo akong kinabahan nang samaan ako ng tingin ni Bianca habang nagda-dial sa cellphone. Hindi pa rin mahinto sa pag-iyak si Danice, nakatakip lang ang kamay na may panyo sa mga mata.
Bakit ko ba ginawa 'yon? Hindi ako nag-iisip... Gano'n na lang katindi ang pag-aalala ko.
"Hello, tita—" Awtomatikong kinuha ni Danice ang cellphone ni Bianca nang magsalita ito. Saka siya umatungal habang nasa tainga ang cellphone.
"Mommy!" napakalakas ng boses ni Danice, naagaw talaga ang atensyon ng mga naro'n na may nanghuhusgang tingin sa 'kin. "My eyes! I can't open my eyes, mom!" atungal niya, napayuko ako. "The dean asked us to his office! Please come here now, mom!"
Para akong maiiyak sa takot at pag-aalala. Ano na lang ang sasabihin sa 'kin ng mommy ni Danice? Napaano na kaya ang mata niya? Nasapo ko ang sariling noo sa sobrang pag-iisip. Nagsisisi akong ginawa ko 'yon. Kung nag-isip lang sana muna ako ako...
"Don't worry, wala kang kasalanan, Dainty," paniniguro ni Gideon, hindi ko inaasahan, sabay sulyap sa grupo nina Danice. Inaalalayan na 'to nina Bianca at Ariella palabas ng canteen.
Inakay ako ni Gideon pero pinigilan ko siya, inalis ko ang parehong kamay niya sa braso ko. Saka ako bumaling pabalik para kunin ang sandwich ko. Dahilan para pagtawanan ako ng mga nakakita. Sinamaan ko ng tingin ang mga 'to pero ako rin ang unang bumawi. Kanina lang ay pinairal ko ang inis kaya hindi maganda ang kinalabasan ng naging aksyon ko. May napahamak na tao.
Kahit pa hindi ko nakasundo kailanman si Danice, hindi ko siya dapat saktan. Hindi dapat ako gumaya sa ugali na meron siya. Dahil ako mismo, alam kong hindi mabuti ang gano'n. Kailangang pag-isipan ko parati ang mga kilos ko.
Gusto kong umatras nang madatnan si Tiya Maze sa office ni dean nang makarating kami. Babatiin ko na sana siya nang sumenyas siyang huwag na. Kahit ngumiti siya sa 'kin, nabasa ko ang pagtataka sa kaniyang mga mata. Lalo na nang magkakasunod kaming pumasok, at patuloy pa rin sa pag-iyak si Danice. Dahil nakatakip pa rin siya ng panyo sa mga mata ay hindi niya nakita si Tiya Maze.
"Explain what happened," ani dean, nakahawak ang parehong kamay sa bewang at pabuntong-hininga kaming pinukol ng tingin.
Awtomatikong nagsalita sina Bianca, Ariella at Danice. Ngunit dahil magkakasabay at pare-parehong mabibilis magkwento ay walang naintindihan sa mga sinabi nila.
Iniharap ni dean ang parehong palad sa magbabarkada, pinatatahimik ang tatlo. Nang huminto sa paghuhurumintado ang magkakaibigan ay saka nasapo ni dean ang ulo at pinukol ako ng tingin.
Nalukot ang mukha ko at nagbaba ng tingin, hindi ko kayang salubungin ang tingin ni dean, lalo na ni Tiya Maze na halatang nagulat. Natatakot ako at nahihiya sa inasal ko.
"Gonza?" ani dean.
Awtomatiko akong nag-angat ng tingin. "Dean..." hindi ko talaga siya matingnan sa mata, maiiyak na ako sa hiya. "Sorry po."
Bumuntong-hininga ang dean. "What happened to her eyes? Ikaw ba ang gumawa nito sa kaniya?"
Lalong nalukot ang mukha ko, gano'n na lang kabigat ang buntong-hininga ko. "Opo, dean." Mabilis na nangilid ang mga luha ko saka hinarap si Danice na hindi pa rin lubos maimulat ang kaniyang mga mata. "Hindi ko sinasadya, Danice. I'm really sorry."
"This is your fault!" asik ni Danice, hindi na ako tumugon, sa takot na baka lalo siyang magalit.
"I'm so sorry," muling sagot ko. "Hindi ko na mababago ang nangyari pero hindi ko talaga sinasadya, nagkamali ako."
"Maibabalik ba ng sorry mo 'tong mata ko?" gilalas ni Danice. "Tapos ako pa ang sasabihan mo nang masama ang ugali? Psh!"
"May kasalanan din kayo, Danice," hindi napigilan ni Gideon na magsalita. Hindi ko alam kung dapat ko bang ipagpasalamat 'yon pero nag-aalala akong baka lumala lang ang sitwasyon. "You're bullying Dainty. Kayo ang nagsimula."
"Ano, Gideon," binalingan ko siya at inilingan, sinasabing huwag niya na akong pagtakpan. "Kasalanan ko po lahat, dean," dagdag ko.
"I want her expelled." Pare-pareho kaming natigilan nang mangibabaw ang tinig ng babae mula sa likuran. Nanlalaki ang mga mata kong tumitig sa kaniya.
"Mommy!" umiiyak na tumili si Danice, saka patakbong lumapit sa mommy niya.
Lumaylay ang mga balikat ko. Expelled? Namilog ang bibig ko at saka magkakasunod na umiling. Pero hindi ako nakapagsalita. Ni hindi ko nagawang salubungin ang tingin ng mommy ni Danice.
"How dare you?" bagaman mahinanong magsalita ang mommy ni Danice, ramdam ko ang kapangyarihan at diin doon.
Tumayo ako, ang parehong kamay ay magkahawang sa harapan. Bahagya akong tumango at hindi sinalubong ang paningin ninoman.
"Sorry po," paghingi ko ng tawad. "Hindi ko po sinasadya. Hindi na po ako magdadahilan pero sorry po talaga. Danice...I'm really so—"
"Maibabalik ba ng sorry mo ang mga mata ko?" asik ni Danice.
Nagugulat akong nag-angat ng tingin. Gusto kong kwestyunin kung ano ba ang nangyari sa mata niya. Oo nga't sinabuyan ko 'yon ng juice, maaaring masakit at mahapdi, pero sa tanong niya ay para bang mas malala pa ro'n ang ginawa ko. Gayunman, hindi ako pwedeng magdahilan. Siya lang ang nakaalalam kung ano'ng pakiramdam no'n. Isa pa, hindi ko alam kung ano ang naging epekto ng juice sa mga mata niya. Nag-aalala lang lalo ako, gano'n siguro katindi ang epekto ng maling ginawa ko.
"Sorry, Danice," naiiyak nang sabi ko.
Matunog na bumuntong-hininga ang mommy ni Danice at nang mag-angat ako ng tingin ay gano'n na kasama ang tingin niya sa 'kin.
"Tatanggapin ko po anomang parusa, m-mapatawad niyo lang po ako," alanganin man, sa takot na expulsion ang hilingin nilang parusa, sinabi ko 'yon.
"Dainty..." muling nagsalita si Gideon, magkakasunod na iling ang tinugon ko. "It's not all her fault, dean. Look at Dainty," sa halip na pakinggan ako ay kinuha ni Gideon ang braso ko at tinalikod ako kay Dean Enrile, sa gawing makikita rin ni Tiya Maze. "Danice and her friends started it, they bullied her, dean."
"Gideon," nakikiusap kong pagtawag. "Tama na, hayaan mo na. Kasalanan ko."
"That doesn't change the fact that my daughter cannot open her eyes because of what she did," asik ng mommy ni Danice, lalo akong nagbaba ng tingin.
Gusto kong pigilan si Gideon, pero hindi ako makapagsalita. Sa isip ko na lang hiniling na sana ay huwag na siyang magdahilan pa. May punto ang mommy ni Danice. Kahit pa anong sorry at sabihin ko, hindi no'n mababagong naapektuhan si Danice sa ginawa ko.
"Para sa isang tulad mong..." binitin ng mommy ni Danice ang sinasabi.
Saka niya ako sinuyod ng tingin mula ulo hanggang paa, habang magkakrus ang mga braso. Nakakainsulto ang ngisi niya nang muling salubungin ang mga mata ko. Nakakasama ng loob. Alam kong mali ako pero hindi kasama ro'n ang gano'ng pang-iinsulto. Pero ano pa nga ba ang magagawa ko? Natural sa isang ina na tulad niya ang maghalo-halo ang galit dahil napahamak ko ang anak niya. Kaya sa huli, babalewalain ko na lang 'yon at magpapanggap na walang nakita.
"I want to talk to your mother," dagdag ng mommy ni Danice. Natigilan ako at lalo pang nag-aalala.
Ano na lang ang sasabihin ni nanay? Gano'n na agad kabigat ang problema sa pakiramdam ko.
Tumikhim si Tiya Maze at sinundan ng pagtayo. Gano'n na lang ang gulat pagliwanag ng mukha ni Danice at mommy nito matapos lumapit ni tiya mula sa likuran ko.
"President Maze..." biglang nagbago ang ngiti ng mommy ni Danice.
"Hi, tita!" maging ang mga mata ni Danice ay normal nang nagmulat.
Napabuntong-hininga ako. Patay na... Hindi ko alam ang mararamdaman. Pakiramdam ko napakasama ko lalo kung manghihinayang ako sa mga sinabi ko porque nakamulat na si Danice. Pero talagang nahihiya ako dahil narinig at nasaksihan ni Tiya Maze ang nangyari dito sa office. Kung nakita niya ang nangyari kanina, siguradong wala na akong mukhang maihaharap sa kaniya.
"How are you, President Moon? You look good."Nagniningning ang mga mata ng mommy ni Danice, tuwang-tuwa sa nakita. "It's been a long time mula noong huli tayong magkita."
"I've been very busy, Descah. Sakit sa ulo ang panganay at bunso ko," hindi ko inaasahang susulyapan ako ni Tiya Maze saka muling binalingan ang kausap.
"Hindi naman halata sa 'yong sumasakit ang ulo mo, napakaganda mo pa rin at elegante, President Maze."
"Thank you, you look good too."
"Thanks for the compliment, President Maze. Me and my daughter Danice cannot wait to come back sa private island ninyo sa Palawan." Bakas ang excitement sa mukha ng mommy ni Danice. "Oh, did I mention na nagkita sila ng bunso mong anak nang minsang mag-travel mag-isa 'tong anak ko?"
"Yeah?" nakangiting nilingon ni Tiya Maze si Danice, napakaelegante talaga ng mga kilos niya. Sa kabila ng sitwasyong 'to, humahanga pa rin ako.
"Yes, tita," nahihiyang ani Danice. "I was not expecting he'd help me fix my car. I was in the middle of the road, he stopped by and helped me. It was so nice of him."
"He loves fixing things," matunog na ngumiti si tiya. "Nice to hear that, hija."
"Naku..." nahihiyang sinapo ng mommy ni Danice ang noo nang tuluyang makaharap si tiya. "Nakakahiya naman na sa ganitong sitwasyon pa tayo nagpang-abot. Iba na kasi talaga ang ugali ng mga estudyante ngayon." Umiiling, nalungkot ang mukha niya at sumulyap sa 'kin.
Nagbaba ako ng tingin sa kahihiyan. Lalo pa akong tumungo nang maramdaman si Tiya Maze na lingunin ako. Sa isip ay panay ang hiling kong sana tanggapin nila ang paghingi ko ng tawad. Talagang sa kahihiyan ay gusto ko na lang matapos ang sandaling 'to.
"Kung sino pa 'yong dapat na maging mabuti dahil sa kakulangan nila, sila pa ang gumagawa nang masama," hindi ko inaasahang idaragdag 'yon ng mommy ni Danice, pinigilan kong mag-angat ng tingin. "Please excuse me, President Maze, kakausapin ko lang ang estudyanteng 'to. Tell me, hija, where's your mother? I want to talk to her."
"You can talk to me instead." Hindi ko lalo inaasahang sasagot si Tiya Maze. Nagugulat, nakamaang ko siyang nilingon. "I'm sure her mother is busy right now. May hospital check-up ang father niya today," saka bumaling sa 'kin si tiya. "Am I right, Dainty Arabelle?"
Naiwan akong nakamaang, matagal bago nakasagot. "Ano...opo, Tiya Maze." Nakakahiya, gumaralgal pa ang boses ko.
Nakakaaliw ang ngiti ni tiya, parang natawa siya sa 'kin ngunit pinigilan. "Truth is, girlfriend siya ni Maxrill Won, my youngest."
Umawang ang bibig ng mommy ni Danice saka natitigilang sumulyap sa 'kin. Si Danice naman ay nagbaba ng tingin, nakakunot ang noo pero may lungkot sa mga mata.
"Ni Maxrill Won?" parang hindi makapaniwala ang mommy ni Danice.
"Yeah, 'yong nabanggit ko sa 'yong sakit sa ulo. 'Sabagay, 'yong tatlong anak ko, sakit sa ulo." Tumawa si Tiya Maze.
Humahanga talaga ako sa mga kilos at bawat galaw niya, para bang sukat parati. Nakakatakot naman siya kapag seryoso, lalo na kung galit. Hindi ko malilimutan 'yong dinamdam kong sagutan nila ni tatay. Pero sa t'wing makikita ko siyang ganito, nawawala nang tuluyan ang pagdaramdam ko.
"Naiintindihan mo 'ko, I'm sure," dagdag ni Tiya Maze. "Dahil mukhang sakit sa ulo rin 'tong anak mo." Saka sinulyapan ni tiya si Danice. Alanganing ngumiti ang mommy nito. "Dainty Arabelle is a nice lady, she's a fine woman. She has this sweet and naïve look but she's no angel, darling,"ngiti ni tiya kay Danice. "Kanina hindi ka makamulat pero gumanda ang paningin mo nang makita ako, you look so lovely. Tell me, ano nga uling ginawa ni Dainty Arabelle sa 'yo, hm?"
"Ano...Tiya," nahihiya akong bumaling sa kaniya. "Wala pong kasalanan si Danice, ako po talaga ang may kasalanan. Tinapunan ko siya ng juice nang hindi iniisip kung ano'ng mangyayari sa kaniya."
Nagulat si Tiya Maze. Maging sa gano'ng reaksyon, napakaelegante ng galaw ng mukha niya. Simula nang makilala ko siya, wala na talaga akong hindi hinangaan sa mga galaw niya. Paulit-ulit akong natutulala. Marahil ay nasanay ako sa kilos at galaw ni nanay na brusko.
"Bakit mo naman ginawa 'yon, Dainty Arabelle?" tugon ni tiya.
Nag-init ang mga pisngi ko sa kahihiyan. "Kasi po..."napakahina ko talaga sa pagdadahilan. Wala akong makapang sagot.
"They were bullying her, President Maze," si Gideon ang sumagot para sa 'kin, nalukot ang mukha ko nang lingunin siya. Nakinig si tiya sa sinasabi niya habang nakangiti sa mag-ina. "Danice and her friends were bullying her, and they started it."
Bumuntong-hininga si Tiya Maze. "Totoo ba 'yon, hija? Of course, I wanna hear your side too," baling niya kay Danice saka sinulyapan sina Bianca at Ariella. "Hindi magugustuhan ng anak ko kung malalaman niya ang issue ng bullying. Dainty Arabelle is very special to us."
Hindi nakapagsalita si Danice. Bagaman nakababa ang tingin ay hindi nakaligtas sa paningin namin ang kunot sa kaniyang noo.
"Kung hindi ka magpapaliwanag, iisipin kong totoo ang sinasabi ng male student na 'to," dagdag ni tiya. Hindi ko inaasahang babaling siya sa 'kin. "Hindi ko magugustuhan kapag napatunayan kong pinagtatakpan mo ang classmates mo."
Nanlaki ang mga mata ko. "Ano po...kasi..." Naipit ako, hindi malaman ang sasabihin.
"If it's your fault, you have to face the consequences of your actions, Dainty Arabelle. Dean will decide." Nakangiting sinulyapan ni tiya si dean saka bumaling sa mag-ina. "But if it's true that you bullied Dainty Arabelle, I'm afraid this would affect your father's relationship with my son Maxrill Won."
"We did it, President Maze," nagsalita si Bianca. "I'm sorry, Dainty."
Na sinundan ng pagtango ni Ariella. "Kami po nina Danice ang nauna." Yumuko siya matapos sabihin 'yon. "Sorry, Dainty."
Kumuyom ang mga palad ng mommy ni Danice, pasimpleng sinamaan ng tingin ang anak. Saka alanganin muling ngumiti kay Tiya Maze.
"Nakakahiya naman sa inyo, President Maze. Anak ko pala at mga kaibigan niya ang nagsimula nito," nasapo ng mommy ni Danice ang noo. "We're very sorry."
Ngumiti si tiya. "Hindi naman ako ang b-in-ully at sinabunutan ng anak mo." Kung paano nalaman ni tiya na sinabunutan ako, hindi ko alam.
"Sinabunutan..." hindi makapaniwala ang mommy ni Danice nang lingunin ang anak. "What's wrong with you, Danice? Mag-sorry ka sa classmate mo."
"Mom?" pumalag si Danice.
"Say sorry to her," asik ng mommy nito.
Sinamaan muna ako ng tingin ni Danice saka nag-iwas. "I'm sorry, Dainty."
Sandali akong natahimik. "Sorry rin, Danice," halos pumiyok ako. "Hindi ko talaga sinasadya."
Tumitig sa 'kin si Danice, nangingilid ang luha, saka kami iniwan. Nabibigla kaming tiningnan ng mommy niya, tinapunan niya ng nagpapaumanhing tingin si Tiya Maze saka sinundan ang anak.
Sinulyapan ni tiya sina Bianca at Ariella na aligagang tumango at nagpaumanhin muli bago tuluyang lumabas ng dean's office.
Hinarap naman ni tiya si Gideon at nginitian. "Thank you, hijo. You may leave now."
Tumango si Gideon, sumulyap sa 'kin saka humarap kay dean. "Mauna na po ako."
Naiwan ako sa office, nasaksihan ang magkakasunod na buntong-hininga nina dean at tiya. Maging si Secretary Reycie, iiling-iling na binuhay ang telebisyon. Gano'n na lang ang gulat ko nang mag-play doon ang nangyari sa canteen.
"Mukhang hindi ka pa nakapag-snack," ngiti ni tiya.
Nagbaba ako ng tingin sa sandwich na hindi ko namalayang kanina ko pa hawak. "Ano...oo nga po." Nakamot ko ang sentido. "Tapos na po ang breaktime." Napilitan akong ngumiti sa hiya.
Natawa si tiya. "Why don't we eat outside? You wanna come with us, dean and Reycie?"
"Hindi na," ngiti ni dean saka tinaboy si tiya. "Marami pa akong gagawin, Maze Moon."
"Alright," eleganteng isinabit ni tiya ang maliit na bag sa kaniyang braso. "Please excuse me and Dainty Arabelle."Saka bumaling sa 'kin si tiya. "I'll ask Dirk to take your bag with us. Let's go."
Naaligaga akong tumingin kay dean saka lakad bibe na sumunod kay tiya. Bitbit ang sandwich, bumuntot ako sa kaniya at hindi malaman kung saan nito dadalhin.
"Kindness is everything, Dainty Arabelle," ani tiya habang naglalakad kami. "It's free and very powerful. That even deaf and blind can understand, feel and see it."
Panay ang sulyap ko sa mga matang nakasunod sa 'min habang nakikinig sa sinasabi ni tiya.
"A beautiful heart like yours will bring a lot of good things but don't forget to be kind to yourself too." Nakangiti akong nilingon ni tiya saka pinagbuksan ng pinto ng itim at may kahabaang sasakyan. "If you can give it to others for free, then give yourself twice as much. Being kind to others should not include being unkind to yourself."
Nagbaba ako ng tingin. "Opo, tiya," saka ako napangiti sa ganda ng sinabi niya.
Ginantihan ako nang mas magandang ngiti ni tiya. "Huwag mong isisi sa sarili mo ang kamalian ng iba, your kind self doesn't deserve that."
"Opo, tiya, hindi na po mauulit."
"Good." Sinenyasan niya akong sumakay saka siya sumunod sa akin. "Take us to the pizza parlor please."
Hindi ko akalain na makakasama kong kumain nang solo si Tiya Maze. Abot-abot ang kaba at hiya ako na halos magkamali ako nang paulit-ulit dahil sa ilang sa kaniya. Pero nawala nang tuluyan ang hiya ko nang magkwento siya tungkol kay Maxrill Won at wala kaming ginawa kung hindi tumawa. Sa sobrang libang, hindi namin napansin ang oras. Madilim na nang magyaya si tiya na ihatid ako.
Hanggang sa daan ay panay ang ngiti ko. Panay rin ang sulyap ko kay tiya na tutok lang sa daan ang paningin. Ihahatid nila ako sa bahay.
Nasa kanto na kami nang maalala ang sagutan nila ni tatay. "Ano...tiya..." kabado na naman akong bumaling sa kaniya. "Diyan na lang po sana ako sa kanto."
"Huh? Why?" nagtataka niyang tugon saka sumenyas sa driver dahilan para ihinto nito ang sasakyan.
"Ano...kasi po, naparami 'yong kain ko. Ilalakad ko po muna para makapaghapunan pa 'ko. Ayaw po kasi ni nanay nang hindi kami sabay-sabay kumakain." Nakamot ko ang sentido. Madali kong naidahilan 'yon dahil totoo. 'Yon nga lang, may dahilan pa 'ko bukod do'n. Ayaw kong magkaharap sila ni tatay.
Sumulyap si tiya sa labas bago muling tumingin sa 'kin. "Madilim na, Dainty Arabelle."
"Ayos lang po, tiya," paniniguro ko. "Malapit naman na po 'yong sa 'min."
"Exactly, malapit lang kaya ihahatid ka na namin."
"Ano...tiya, ayos lang po talaga." Mas ginandahan ko pa ang ngiti ko.
Sandali siyang natigilan saka natatawang umiling. "Okay, ikaw ang bahala. Give me your phone." Inilahad niya ang kamay dahilan para awtomatiko akong sumunod. Pinanood ko si tiya na pindutin ang parehong cellphone namin bago niya ibalik ang sa 'kin. "Call me kapag nasa bahay ka na."
"May load po ako, tiya."
"Yeah, and I gave you more." Istrikta na ulit ang pagkakasabi niya.
Tiningnan ko ang cellphone ko. T-Ten thousand?! Napalunok ako at napilitang ngumiti. "Sige po, salamat, tiya."
"And here's your Mastercard." Inabot niya mula sa wallet ang isang sobre.
Nanlaki ang mga mata ko. "Ano po 'to, tiya?"
"As I've said, your Mastercard, hija."
"Pero...hindi ko po matatanggap 'to. Hindi ko po kailangan ng Master...Mastercard, tiya."
"Of course, you can," ngumiti siya saka itinulak ang sobreng hawak ko papalapit sa 'kin. "Nobody dares to say no to Maze Moon, young lady." Nakakatakot ang ngiti ni Tiya Maze, may nagtatagong maldita sa magkabilang gilid ng labi at mga mata at kilay niya.
"S-Sige po, tiya, salamat po." Tiningnan ko ang bawat sulok ng sobre at napabuntong-hininga. Ganito pala ang mayayaman...
"Go ahead, hija. Thanks for your time, I hope you had fun."
"Yes po, tita, salamat po ulit."
"See you next time. Mag-ingat ka pauwi."
"Kayo rin po, tiya." Tumango ako at tumayo sa tabi. "Salamat po, tiya."
Kumaway si tiya bago tuluyang sinara ang bintana ng sasakyan. Sandali ko pa silang tinanaw bago bumaling papasok sa kanto namin. Nakakakonsensya, gano'n ang sinabi ko pero ito ang sinukli niya. Idinaan ko na lang sa buntong-hininga ang sitwasyon. Ayaw ko lang talaga silang magkita ni tatay.
"Napakabait ni tiya," pabulong kong sabi habang naglalakad pauwi.
"Mabait...dahil may nakuha ka mula sa kaniya, hindi ba?"
Awtomatikong nahinto sa paglalakad ang mga paa ko nang may sumagot sa sinabi ko. Nanlamig ako sa kinatatayuan nang mapamilyaran ang boses na 'yon.
"Hinuhusgahan natin ang kabaitan ng isang tao base sa benepisyong natatanggap natin mula sa kanila, hindi ba?"dagdag pa ni Tiyo Hwang. "Kung makikilala mo kaya ang pagkatao ng isang Maze Moon, masasabi mo pa iyan?"
Ilang beses akong humugot ng hininga at lakas ng loob ngunit hindi ko kinayang lingunin siya. Si Tiyo Hwang mismo ang naglakad papunta sa harapan ko at muli akong binigyan ng nakakatakot niyang ngisi. Pinandilatan niya ako saka nagbaba ng tingin sa bakal kong paa.
Napaatras ako. "Ano pong kailangan ninyo?" trinaydor ako ng boses ko, pinaramdam na natatakot ako.
Natawa si Tiyo Hwang. "Paano kung...malaman mo kung sino'ng dahilan para magkaganiyan ang paa mo. Matatawag mo pa kayang mabait ang taong 'yon?" Lalo niya akong pinandilatan at nginisihan nang sabihin 'yon, napaatras ako.
"Ano pong...ibig ninyong sabihin?" lalong gumaralgal ang boses ko.
"Ibig kong sabihin..." humakbang siya papalapit. "Mabuti lang ang tao kung ang pinapakita ay may benepisyo sa 'yo."
"Hindi...ko po kayo maintindihan, tiyo."
"Sinabi nang Hwang ang pangalan ko!" bigla ay asik niya, napaatras lalo ako!
Bumilis ang paghinga ko, pinahihirapan akong mag-isip. "Natatakot po 'ko sa inyo..." hindi na bumalik pa sa normal ang boses ko.
"Dapat lang," ngumisi siya. "Malaking ahas ako, hindi ba?" humalakhak siya at mas pinanindig ang mga balahibo ko nang sumeryoso. "Hindi mo kilala ang mga Moon. Hindi mo kilala si Maze Moon." Inilapit niya ang mukha sa 'kin, naestatwa at nanlamig ako sa kinatatayuan. "Kung ako sa 'yo, aalamin ko kung paanong nagkaganyan ang paa mo," nagbaba uli siya ng tingin sa paanan ko. "Saka mo ikuwento sa 'kin kung gaano kabait ang Heurt at Maze Moon na sinasabi mo."
Muli pa niya akong pinandilatan ngunit hindi na ako nakaatras. Naiwan akong tulala sa ngisi niya bago niya ako tuluyang tinalikuran.
To be continued. . .
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top