CHAPTER 51

CHAPTER 51

INIHATID AKO ni Maxrill Won nang gabing 'yon. Kahit pa pinilit ako ni Lolo Mokz na makituloy dahil napakarami raw nilang guest rooms at walang hotels na papantay sa ganda ng mga 'yon—umuwi ako. Matapos ang nangyari sa pagitan namin ni Maxrill Won, hindi ko kayang manatili sa bahay nila.

Ni hindi ko na nga siya nagawang tingnan pa uli matapos no'n. Hindi na kami nag-usap sa daan pauwi. Naihatid niya ako sa bahay nang pareho kaming naiilang. Nagsalubong lang yata ang paningin namin nang magpaalam siya kina nanay. Magaan ang halik niya sa pisngi, sentido at noo ko. Hindi gaya nang madalas niyang ginagawa. Maging ang yakap niya ay sandali at magaan lang. Lahat 'yon ay dahil nahihiya kami sa isa't isa. Mula nang sandaling 'yon hanggang sa paghiga ko sa kama, ramdam ko ang init ng mukha ko. Kahit siya ay namumula kanina at hindi ako matingnan sa mga mata. Nakakahiya talaga!

Nagtago ako sa ilalim ng kumot nakabaluktot na tumalikod sa gawi ng kama ni Bree Anabelle. Nakagat ko ang labi ko nang alalahanin ang sandali bago mangyari ang lahat nang 'yon. Inisip ko kung ano'ng dahilan para umabot kami ni Maxrill Won sa gano'n. Nang maalala ko, lalong nag-init at namula ang mukha ko. Natakpan ko ang mukha ko at sinisi ang sarili dahil alam kong kasalanan ko 'yon. Ako ang dahilan para umabot kami sa gano'n.

Nakakuyom ang palad, mariin akong pumikit habang kagat ang sariling labi. Hindi na pwedeng mangyari ulit 'yon. Nag-aalala ako, baka kung ano'ng isipin sa 'kin ni Maxrill Won.

Nakatulugan ko ang pag-iisip. Nang magising ay tiningnan ko agad ang cellphone ko at magkasunod na ngumiti at nalungkot matapos makita ang missed calls at texts ni Maxrill Won. Sa oras na 'to, nasa Palawan na uli siya siguro. Nag-text kasi siya bago umalis.

Ano kayang ginagawa niya? Nilingon ko ang bintana, putok na ang araw. Kumain na kaya siya?

Napabuntong-hininga ako. Kagabi lang ay parang ayaw ko na siyang makita dahil sa kahihiyan. Pero ngayon, kahit alam kong babalik siya, nalulungkot ako dahil magkalayo kaming dalawa.

"Kumusta ang lakad ninyo ni Maxrill Won?"tanong ni nanay nang tulungan ko siyang maghanda ng agahan.

"Ayos lang po, 'nay." Nakagat ko ang sariling labi nang maalala na naman ang nakahihiyang sandali namin.

"Napasugod dito ang isang 'yon dahil hindi ka sumasagot sa tawag at texts niya, nabanggit ba sa 'yo?" tanong ni nanay habang nakatalikod kami sa isa't isa. Siya ay abala sa tinatapos na sinangag. Habang ako ay kumukuha ng gagamitin naming mga plato.

"Opo, 'nay."

"Gano'n ang mga Moon."

Napabuntong-hininga ako, hindi malaman kung matatawa. Pero parang lumulobo ang puso ko sa pakiramdam. "Kakaiba po sila, 'nay."

"Pare-pareho silang mainipin."

Napangiti ako saka lumingon sa kaniya. "Moon na rin po kayo, hindi ba, 'nay?"

Nakita ko nang matigilan si nanay saka tumingin sa 'kin at nangiti. "Oo. Dahil sa Ate Maxpein mo. Tinanggap ako ng pamilya nila."

"Mabait po kasi kayo, 'nay. Kahit sinong pamilya...tatanggapin po kayo," medyo naging emosyonal ako nang sabihin 'yon. "Hanggang ngayon po, nagpapasalamat ako na kayo ang naging nanay ko. Salamat po dahil pinili ninyo kaming maging pamilya." Tuluyan na akong naging emosyonal habang nakatingin kami sa isa't isa. "Kahit pa po hindi ninyo kami anak nina Bree at kuya."

"Dainty..." napabuntong-hininga si nanay saka iniwan ang ginagawa para lumapit at yakapin ako. "Kahit sinong babae, may anak mang nauna o wala, pipiliin kayong maging anak. Dahila mabubuti kayong bata."

Napangiti ako. "Salamat po, Nanay Heurt."Ginantihan ko nang mas mahigpit ang yakap niya. "Malaki po ang naging impluwensya ninyo sa paglaki ko, naming magkakapatid." Saka ako kumalas para tingalain siya. "Ang totoo po, no'ng hindi pa umaayos ang lagay ko, parating mainit ang ulo ko."

Natatawa siyang tumango. "Alam ko. Natatandaan ko pa nang minsang sigawan mo si Bree dahil naiingayan ka sa kanila ng kuya mo. 'Yon 'yong unang beses na tumapak ako doon sa lumang bahay natin."

Malungkot alalahanin ang sitwasyon namin noon pero nagagawa ko nang ngitian 'yon ngayon. "Hindi pa rin po ako makapaniwala na magbabago nang ganito ang buhay natin, 'nay. Salamat po sa inyo at sa mga Moon."

Tipid siyang ngumiti at kumalas sa pagkakayakap sa 'kin. "Salamat din at mabuti kang anak, Dainty Arabelle."

"Dahil din po sa inyo, 'nay. Tinuruan ninyo akong maging mabait na anak."

Ginulo ni nanay ang buhok ko saka binalikan ang inihahain niya.

"'Nay?" muling usisa ko nang hindi na siya kumibo. Nilingon niya ako. "Kung...hindi po kaya kayo ang nagpalaki sa 'min, tingin niyo po magiging mabuting anak po kaya ako?"

Gano'n ang tanong ko pero ang laman ng isip ko ay ang susunod kong tanong. Kung hindi kaya namin nakilala si Nanay Heurt, may pag-asa kayang makilala ko si Maxrill Won? Tingin ko, wala. Malabong mangyari 'yon dahil hindi ang tulad namin ang magkakaro'n ng koneksyon sa gano'ng klase ng pamilya na meron ang mga Moon. Masyado silang mataas. Hanggang ngayon ay hindi ko maabot ang tayog nila.

"Mabait ka naman talaga, noon pa." Ngumiti si nanay saka inilagay sa mesa ang malaking mangkok ng sinangag. "Dala lang ng sakit mo 'yong pagiging iritable mo noon. Naipaliwanag sa 'kin ng Ate Maxpein at Kuya Maxwell mo ang tungkol do'n. Dahil ang totoo, kahit no'ng nanay niyo na ako, may sandaling iritable ka pa rin. Nawala lang ang pagiging iritable mo no'ng makalabas ka na uli ng kwarto, lalo na no'ng makapaglakad ka."

Nakonsensya ako. Totoong hindi ako aware sa gano'ng ugali ko. Pero natatandaan ko 'yung mga sandaling pinagalitan ko si Bree, kung hindi dahil sa ingay ay dahil sa kakulitan nito. Kahit si Kuya Kev ay napagsasabihan ko dahil madalas, naro'n siya sa barkada sa halip na asikasuhin kami ni tatay. Parati niya kaming iniiwan kay Bree na wala pang kakayahan noon na tulungan kami dahil masyado pa siyang bata at may kaliitan. Sa aming tatlo kasi, ako lang ang nagmana ng height ni tatay. Sina kuya at Bree ay namana ang height ng tunay naming nanay.

"Siguro po, hindi ko makikilala si Maxrill Won kung hindi namin kayo nakilala, nanay," may lungkot akong naramdaman nang sabihin 'yon kahit pa ngumiti ako. "Salamat po ulit. Dahil sa inyo, nakilala ko po si Maxrill Won."

Tumitig sa 'kin si nanay at pabuntong-hiningang ngumiti. "Masaya akong nakilala ko kayo. Hindi mo kailangang ipagpasalamat 'yon."

Ngumuso ako pero ngumiti rin ulit. "Basta, salamat po, 'nay."

"Walang-anuman," natatawang aniya saka umiling. "Tawagin mo na sina Bree at Kev, aasikasuhin ko muna si Kaday nang sabay-sabay tayong makapag-agahan."

"Sige po." Isinalansan ko sa mesa ang mga plato at saka pinuntahan si Bree Anabelle. "Kakain na, Bree."

"Sige, ate," inaantok pang tugon nito.

Tinalikuran ko siya saka ako kumatok sa kwarto ni kuya. "Kuya Kev, almusal na."

"Sige," tumugon siya bago ako pinagbuksan ng pinto.

"Nakahanda na ang agahan," sabi ko saka kinuha ang pagkain ni Nunna. "Pakakainin ko lang si Nunna."

Naghimay ako ng natirang ulam na isda kagabi at nilagyan ng kaunting kanin saka lumabas. Awtomatikong bumangon si Nunna nang makita ako at naglikot ang buntot. Panay na ang dila niya, hindi ko pa man nailalapag ang pagkain. Agad din niyang niyuko ang plato niya nang mailapag ko 'yon sa harapan niya. Saka ako sumalok ng tubig at pinalitan ang inumin niya.

"Kumain ka nang marami, ah?" sabi ko habang hinahaplos ang likuran niya. "Sayang, hindi ka pwede sa loob kasi baka may maiwang balahibo mo. Hindi kasi pwede sa 'kin 'yon."

Masyadong abala si Nunna sa pagkain kaya binalewala ako. Nakangiti ko siyang pinanood nang tawagin na 'ko ni nanay.

"Si nanay ang magpapakain sa 'yo mamayang tanghali," sabi ko pa kay Nunna. "'Wag kang magkakalat ng wiwi at dumi mo, ha? Mahihirapang maglinis si nanay."

Hindi pa rin ako pinansin ni Nunna, tuluyang inuubos ang agahan niya. Nakangiti akong tumayo at tinalikuran siya. Ngunit muntik na 'kong mapatili nang may lalaking nakatayo sa likuran ko. Nahugot ko ang hininga nang pandilatan niya ako at nakangising tingnan mula ulo hanggang paa. Ni hindi ko naramdaman ang paglapit niya. Walang bakas ng presensya niya nang lumabas ako kanina. Saan siya nagmula?

"Magandang umaga," bati nito saka lalong pinalaki ang kaniyang mga mata na siyang dumaragdag sa aking kaba.

"A-Ano'ng ginagawa ninyo rito, tiyo?" tanong ko nang matandaan ang lalaking 'to.

"Tiyo?" nagtataka, kunot-noong tugon nito saka natawa. "Ah...tawagin mo na lamang akong Hwang."

Hwang...

Siya 'yong lalaking nakita ko sa Palawan, kasama ni Kuya Montrell. Siya rin 'yong sumunod sa 'min ni Rhumzelle nang minsan kaming lumabas dito sa Laguna.

"Paano kayong nakapas..." nahinto ako sa sinasabi nang senyasan niya akong manahimik.

"Natural, dumaan ako sa harapan," nakangisi, nakakatakot nito tugon.

Hindi ko nagawang sumagot. Pinanood ko ang bawat kilos niya, natutuliro kung paanong hihingi ng tulong kina nanay. May sariwang sugat sa kaniyang mukha. Kung ako ang tatanungin, masakit 'yon pero parang balewala sa kaniya.

"Anong pakiramdam na nakapaglalakad ka nang muli?" nakangisi niyang tanong dahilan para lalo akong matigilan at matuliro. "Mabuti at mayaman ang mga Moon, naramdaman mo na uli kung paanong mabuhay. Napakaswerte mo, Dainty Arabelle."

Paano niyang alam?

"Hindi ko masasabing mabuti akong tao pero kung ako sa 'yo, ako ang kaibiganin mo. Marami akong nalalaman tungkol sa 'yong nobyo." Lalo siyang ngumisi.

Maxrill Won... "Ano ba'ng kailangan ninyo, tiyo?"

"Tiyo?" natuliro siya saka natawa. "Sinabi nang...Hwang ang pangalan ko," pag-uulit niya.

"Bakit kilala ninyo si Maxrill Won?"

Ngumisi siya. "Baka nga mas kilala ko pa siya kompara sa 'yo. Napakainosente mo."

Umawang ang labi ko, magtatanong na sana kung bakit siya narito. Nang mawala ang nakakatakot na ngisi sa kaniyang labi at bahagyang lumingon sa gawi ng pintuan ng bahay.

Saka siya muling lumingon sa 'kin, nakakatakot na sinulyapan ang paanan ko. "Magkita na lamang tayo sa susunod," tila nagbabantang aniya at hindi kapani-paniwalang tinalon ang mataas naming bakod!

Sisigaw na sana ako nang magbaba siya ng tingin sa 'kin at nakangising umiling.

"Hindi mo gugustuhing magsumbong kung ayaw mong may mapahamak sinuman sa inyo,"nakangisi niyang banta at saka muling lumingon sa gawi ng pinto.

"Dainty, kakain na," anang tinig ni nanay. Nang lingunin ko ang gawi ng pintuan ay siya namang paglabas niya.

Nilingon ko si Hwang at nagulat nang makitang wala na ito. Hindi ko man lang ito naramdamang kumilos!

"Dainty?" muling pagtawag ni nanay na nasundan ng kahol ni Nunna. "Dainty?" mas malakas nang pagtawag niya.

Doon lang ako napalingon. "'Nay..."

Sandaling tumitig sa 'kin si nanay saka sinulyapan ang sementong bakod naming tinalon mismo ni Tiyo Hwang. May kataasan 'yon, imposibleng talunin ngunit nagawa niya. Napakaimposible. Walang kahirap-hirap niyang tinalon ang mahigit sampung talampakang taas niyon.

"Ano 'yon?" tanong ni nanay na tuluyang lumapit.

Sa halip na sumagot ay nagbaba ako ng tingin kay Nunna. Sa t'wing may hindi siya kilala, tumatahol siya. Pero nang magpakita si Tiyo Hwang ay wala man lang siyang ginawang ingay.

Muli kong sinulyapan ang bakod at hindi maipaliwanag ang naramdaman kong takot.

Ano'ng kailangan niya? Sa Palawan ko siya unang nakita. Noon naman ay normal ang mga kilos niya. Nitong sundan lang niya kami ni Rhumzelle sa New Valley nag-iba. Pero higit sa naramdaman ko nang sandaling 'yon ang takot ko ngayon. Hugot ko pa rin ang hininga at halos maghabol ako nang pakawalan 'yon.

"Sabihin mo sa 'kin, sino 'yon?" tanong ni nanay, tila sigurado nang tao ang aking nakita.

Nagugulat ko siyang nilingon, umawang ang labi ko, hindi makapaniwala. Gano'n kalakas ang pakiramdam niya?

"Dainty, it's okay. Sabihin mo sa 'kin, ano'ng nangyari?" Iba na ang itsura ni nanay. Masyadong seryoso na para bang kung hindi ko pa sasagutin ang kaniyang tanong ay hahabulin niya ang sinumang nakita ko.

"Si..." bago pa ako nakasagot ay napigilan ko na ang sarili, at saka muling tiningnan ang bakod. Nangilabot ako sa isiping nakaharap ko Tiyo Hwang nang gano'n kalapit. At mas kakilakilabot maalala ang kaniyang itsura, pinandidilatan ako habang nakangisi at tumatabingi pa ang ulo.

Kinakabahan ako sa banta niya. Nag-aalala ako sa gagawin niya kapag sinabi ko kay nanay ang totoo. Mas pipiliin kong matakot nang ganito kaysa iparamdam ito sa pamilya ko.

"Dainty, sino 'yon?" tugon ni nanay, walang ideya. Hindi ko malaman ang magiging reaksyon ko.

"M-May nakita po yata akong ahas...'nay."

Kunot-noo siyang tumitig sa 'kin saka sinulyapan ang bakod na kanina ko pa tinitingnan. "Ahas..."nakapamaywang siyang lumapit sa sementong bakod saka matunog na bumuntong-hininga.

Nagbaba siya ng tingin sa lupa hanggang sa sementong tinatapakan namin bago muling nag-angat ng tingin sa 'kin.

"Natakot po ako," nagbaba ako ng tingin, hindi ko kakayaning magsinungaling nang nakatingin sa kaniyang mga mata. "Sa loob na lang din po kaya si Nunna? B-Baka po kasi mapaano siya rito, 'nay. Baka po...b-bumalik 'yong ahas..." kabado ko ring tiningnan ang bakod. "'Wag naman sana."

"Malaking ahas ba?" walang emosyon ngunit istriktong tanong niya.

"Napakalaki po," hindi ko na talaga siya matingnan sa mga mata.

"Kung gano'n, delikado nga ang aso mo. Baka kumakain ng aso ang ahas na 'yon."

"'Nay..." nakasimangot kong tugon. Ayaw kong makaririnig ng gano'n kahit pa biro sa kanila 'yon.

"Pasensya, biro lang 'yon," pabuntong-hiningang aniya saka muling nilingon ang bakod. "Matalahib pa kasi sa paligid nitong bahay natin."

Totoo 'yon. Ang bahay namin ay pinalilibutan pa ng talahiban. Bakante ang lote sa magkabilang tabi at likuran namin. Matataas na damo ang meron do'n at may ilang metro bago ang sumunod na bahay. Ilang metro rin papunta sa labasan. Bibihira pa kasi ang nakatira rito sa sitio namin.

"Anong kulay ba niyang ahas na nakita mo?"kaswal pang tanong ni nanay.

Natigilan ako sandali. "Itim po." Nag-iwas uli ako ng tingin.

Nakangiwi siyang tumango. "Siya, sige. Papayag akong ipasok mo si Nunna. Sasabihan ko na lang si Bree na maglinis nang madalas para hindi makaapekto sa 'yo ang balahibo niya," mukhang kumbinsido si nanay sa kwento ko. "Halika na, kakain na."

"Isasama ko na po si Nunna, 'nay,"awtomatikong sabi ko.

Nagugulat akong nilingon ni nanay. "Kumain ka na muna."

"Baka po b-bumalik 'yong ahas." Hindi ko na pinakinggan si nanay. Kinalas ko ang leash ni Nunna at kinarga siya. "Ipapasok ko na po si Nunna. Ako na po ang bahalang magpaalam kina tatay at kuya."

Nilingon muli ni nanay ang bakod at saka nakangiwing tumango sa 'kin. "Sige."

Pinauna ako ni nanay. Pero bago pumasok ay nilingon ko siya. Nakatingin pa rin siya sa bakod kaya binalikan ko siya. "Tara na po, 'nay," mahinang sabi ko.

Ngumiti siya at sumunod pero hindi na nagsalita. Panay ang sulyap ko sa kaniya, nagbabakasakaling mahuhulaan ko ang iniisip niya. Pero ano bang kakayahan kong gawin 'yon?

Naniniwala kaya si nanay sa kwento kong ahas 'yon? O nahulaan niyang nagsinungaling ako?

Malakas ang pakiramdam ni nanay, ilang beses ko nang napansin at napatunayan 'yon. Pero sa t'wing nasa nakakaipit akong sitwasyon, inuunahan niya na ako bago pa man ako makapagsinungaling. Pinararamdam o sinasabi niya na agad na alam niya ang nangyayari kaya sa huli ay nagsasabi ako ng totoo. Hindi gano'n ang nangyari ngayon, bagaman hindi ko mahulaan kung may kutob siya o naniniwala talaga. Ako ang nagsinungaling pero ako itong hindi mapakali ngayon, gusto kong malaman kung ano'ng tumatakbo sa isip ni nanay.

"Oh, saan kayo galing?" tanong ni kuya nang makapasok kami.

"May kinausap na ahas itong kapatid ninyo," si nanay ang sumagot.

Nagugulat kong nilingon si nanay, awtomatikong nasagot ang lahat ng tanong ko dahil sa sinabi niya. Seryosong sinalubong ni nanay ang tingin ko, kinukumpirma ang alinlangan at kaba ko. Alam niyang nagsinungaling ako tungkol sa ahas. Sigurado na 'kong alam niyang tao ang nakita ko.

"Maupo ka na," kaswal na dagdag ni nanay pero naestatwa ako sa kinatatayuan.

"Bakit pinasok mo si Nunna? Baka magkalat ng balahibo ang alaga mo at hikain ka, Dainty," dagdag ni kuya.

"Nakakita raw ng ahas si Dainty sa labas kaya ipapasok na si Nunna rito," si nanay uli ang sumagot.

"Ahas?" sabay-sabay, nagugulat na tanong nina kuya, tatay at Bree Anabelle.

Ngumiwi si nanay saka naupo. "Nagsasalitang ahas," aniya, nakaangat ang gilid ng labi pero nakakunot ang noo at matalim ang tingin sa agahan. "Maupo ka na, Dainty."

Kabado akong sumunod. Hindi ako pwedeng magkamali, alam ni nanay ang nangyari. Hindi ko lang sigurado kung may ideya siyang si Tiyo Hwang 'yon. Masyado nang imposibleng makilala niya 'to.

Tahimik kaming nag-agahan. Panay ang palihim na sulyap ko kay nanay, wala na siyang kasingseryoso. Hindi na nawala pa sa isip ko ang pagsulpot ni Tiyo Hwang. Paano niya nalaman kung saan kami nakatira? Bakit niya ako sinusundan? Ano ang kailangan niya sa 'kin? Hindi ko maintindihan. Kilala na ba siya ni Nunna? Kasi kung hindi, bakit hindi siya tinatahulan nito? Gayong isa siyang estranghero.

"Papasok na po kami," paalam ni Bree Anabelle.

"Kev Aristotle!" tawag ni nanay. "Sabayan mo na ang mga kapatid mo."

Nagmamadaling lumabas si kuya at sumabay sa 'min. "'Nay, pakainin po ninyo si Nunna, ah?"pakiusap ko.

"May check-up ang tatay ninyo at matagal ang procedure niya ngayon sabi ng doktor. Kaya magluluto na 'ko ng hapunan. Kung may dumating man ng maaga sa inyo mamaya ay iinit na lang. Mag-aral kayong mabuti at mag-ingat sa byahe,"mahabang ani nanay saka kami inihatid ng tingin, hindi mawala ang paningin sa 'kin.

Nagdadaldalan sina Bree at Kuya Kev tungkol kay Ate Kimeniah habang nasa dyip kami. Talagang hindi na mawala sa isip ko si Tiyo Hwang. Tulala lang ako sa isang tabi, hindi na alintana ang dating nakakailang na pakiramdam sa t'wing may nakatingin sa paa ko. Lunod ako sa pag-iisip.

Mas kilala raw niya si Maxrill Won kaysa sa 'kin...Pwede ko namang paniwalaan 'yon. Lalo pa't sa Palawan ko siya unang nakita. Pero ang hindi ko maintindihan ay bakit ako ang sinusundan niya? Ano ba'ng kailangan niya?

Dala ko ang mga tanong na 'yon hanggang sa magsimula ang klase. Nakakapag-focus naman ako pero sa t'wing mababakante ang isip ko, nabubuo na naman ang mga tanong. Para akong pilit na bumubuo ng puzzle na kulang-kulang naman ang parts.

"Class, listen, I know how hard it's gonna be for all of you itong parating na finals," muling hinarap ni Mrs. Gertyard ang buong klase matapos ang discussion. "Minor subject lang itong music class but composing a song is not easy. Most of us, pwedeng music lover but not creative enough to write a song but I strongly encourage everyone to try."

Kailangan naming mag-perform ng original song composition sa finals. Wala pa man, karamihan sa mga kaklase ko ay halatang na-pressure. Favorite professor ko talaga si Mrs. Gertyard kasi pinararamdam niya parati sa 'min na naiintindihan niya kami bilang students.

"A song may be short compared to writing novels. Or some may say that it's longer than a poem. But I can say that it is not easy dahil kailangan mong bumuo ng story using a few words only. To write a song pa lang, lalo na kung ikaw rin ang mag-a-arrange ng music nito, mahirap na. So, please, whenever you have a chance or inspiration, write it down, that'll help. You can come to me anytime or call me kung may vacant kayo, pupunta ako, willing akong tulungan kayong lahat," patuloy ni Mrs. Gertyard.

Lahat sa klase gusto siya. Kaya kahit pa nakaka-pressure at mahirap ang pinagagawa sa finals, excited ang lahat. Lalo na ako dahil may nabuo na akong composition. Ang problema nga lang, hindi ko alam kung kaya kong kantahin 'yon sa harap ng lahat. Kahit pa nagawa ko nang mag-perform noon, parang bumabalik ako sa zero. Natatakot ako at iisipin pa lang na iparirinig ko sa lahat ang kantang sinulat ko, kinakabahan na 'ko.

"Hey, Danice! I heard you and your family are traveling to Palawan this sembreak?" dinig kong ani Herra, barkada ni Danice. Napalingon ako sa pwesto nila at nasalubong ang tingin niya.

"Yes, sa island na pag-aari ng Del Valles,"nakangiting ani Danice.

"As in Maxrill Won del Valle?" sagot ng barkada niya.

"Yup! Actually, mommy niya ang nagbigay ng voucher sa mommy ko because they're close friends. We had lunch together sa mansion nila yesterday. Sayang nga, nasa Palawan si Maxrill Won, hindi kami nagkita." Pinagkrus ni Danice ang mga braso at paulit-ulit ni isinasabit ang buhok sa likod ng kaniyang tenga.

"Sosyal. Dinig ko ay mahal sa island na 'yon."

"Of course, it's private and luxurious. 'Yong mga afford lang ang makakapunta." Muling sumulyap sa 'kin si Danice, mayabang ang pagkakangiti.

Bumuntong-hininga ako at binuksan na lang ang libro ko, nagpapanggap na nagbabasa gayong nakikinig din naman ako sa usapan nila.

"I heard, may hospital si Kuya Maxwell doon at isa nang tourist spot ngayon dahil sa unusual structure ng building. At si Kuya Deib Lohr ang engineer," muling ani Herra. "Family of skills, power and wealth, indeed."

"Kaya nga nababagay rin sila sa makakasabay sa lifestyle nila, right?" ani Danice na sumulyap pa sa 'kin. Panay rin naman ang tingin ko sa kaniya kaya nagsasalubong ang aming mga mata. "And guess what? Si Maxrill Won na ang youngest business tycoon not only in Laguna or Palawan but in the whole country."

"Wow!" pare-parehong humanga ang barkada niya, maging ako.

"And a few more net worth will surely make him one of the youngest business tycoons in Asia,"nagmamalaking dagdag pa ni Danice.

Hindi ko man lang alam ang tungkol do'n. Ni hindi ko nga alam kung ano-anong negosyo ni Maxrill Won. Sa'n kaya nalalaman ni Danice ang tungkol sa mga 'yon? Napabuntong-hininga ako. Akala ko, marami na 'kong alam tungkol sa kaniya. Yumuko na lang ako at ngumuso. Hindi talaga ako nababagay kay Maxrill Won.

Masarap sa pakiramdam na napupuri si Maxrill Won, lalo na kapag naiisip kong nobyo ko siya. Pero sa naririnig ko kay Danice ngayon, naiinggit ako na hindi ko maintindihan sa mga nalalaman niya. Hinihiling kong sana ay gano'n din ako. Kahit pa hindi tama na maramdaman ko 'yon.

"'Buti ka pa, always present sa family events ng Del Valles. Close kasi ang mommy mo kay President Maze," patuloy ni Herra.

"Well..." nagmamalaking tugon ni Danice. Hindi ko na tinangkang tumingin sa kaniya pero hindi na 'ko magugulat kung sumulyap siya sa 'kin.

"Nakakainggit ka naman, Danice! Sana makapunta rin ako kahit isa sa events ng Del Valles! Paghahandaan ko talaga 'yon. I'm gonna buy the most expensive dress in town if that happens."

"Then I'll make sure na 'yong most expensive dress in the country ang isusuot ko." Hindi nagpatalo si Danice, nagtawanan sila.

"Napakarami mong alam sa Del Valles, no wonder why your dad is planning na ipagkasundo ka kay Maxrill Won," dagdag ni Herra na sa sobrang lakas, halatang pinaririnig niyang sadya 'yon sa 'kin.

Ipagkasundo... Hindi ko napigilang sulyapan muli si Danice at nakagat ang sariling labi nang magsalubong ang paningin namin. Nakangisi siya at siguradong nakita ang epekto nang narinig sa 'kin.

Pabuntong-hininga akong tumayo at lumabas. Wala pa naman ang professor para sa susunod na subject kaya magpapahangin na lang muna ako. Pumunta ako sa umbrella at doon seryosong nagbasa.

Pero hindi pa man ako tumatagal ay na-distract na 'ko sa tugtog ng gitara at kanta. Nang lumingon ako sa sumunod na umbrella ay naro'n si Gideon, nakatalikod sa gawi ko. Siya ang tumutugtog ng gitara at kumakanta. Walang ibang tao ro'n maliban sa 'min at ilang dumaraan.

"Napakahusay mo, Gideon," palakpak ko nang tapusin niya ang kanta.

Nagugulat niya akong nilingon at natawa. "Thanks." Sinulyapan niya ang hawak ko. "What are you doing there?"

Sinenyas ko ang aking libro. "Nagbabasa lang habang wala pang prof."

Hindi ko inaasahang lalapit siya at mauupo sa tabi ko. "How are you, Dainty?" sumulyap siya sa 'kin saka muling tinutok ang paningin sa gitara niya at mahinang tumugtog.

"Ayos naman," bahagya akong ngumuso nang maalala ang usapan nina Danice sa loob.

"Excited ako sa finals ng music class, how about you?" aniyang ngumiti sa 'kin habang tinitipa ang kaniyang gitara, hindi ko matukoy kung ano'ng tinutugtog niya.

"Uhm, kinakabahan, nahihiya, natatakot..,"napilitan akong ngumiti nang lingunin siya.

"Bakit naman?" huminto siya sa pagtugtog. "You're a good singer."

"But not a good performer." Nagbaba ako ng tingin sa mga kamay ko. "Sa totoo lang, hindi ako komportableng kumanta sa harap ng maraming tao. Natatakot ako, parang gusto kong umalis na lang sa harap nila."

Napabuntong-hininga ako. Iyon ang totoo. Kaya hanga ako kay Bree Anabelle kasi myembro siya ng banda at dance troupe. Kung ako kasi ang tatanungin, hindi ko kaya 'yon.

"Believe it or not pero...pareho tayo," ngumiti si Gideon, nagugulat ko siyang nilingon. "I don't feel comfortable being around people, it drains my energy. I'm a bit creative and maybe talented pero hindi ako komportableng ipakita 'yon sa mga tao."

"Hala..." hinarap ko siya nang tuluyan. "Pareho tayo Gideon."

Natawa siya. "Yeah, hindi ko alam kung matutuwa ako."

"Pero masaya ako para sa 'yo dahil meron kang mga kaibigan. Sina Danice."

"Paano ko ba ie-explain?" nag-isip siya. "Yeah, they've been my friends since primary. Nababawasan pero hindi na nadadagdagan. Pero minsan sila rin 'yong hindi nakakaintindi sa 'kin. They're into parties, gatherings, socializing events and...I'm not. Mas gusto kong nasa bahay lang, mag-isa, ginagawa kung ano'ng gusto ko. I don't know if you know what I mean but yeah, gano'n ako."

"Hala...parehong-pareho tayo! Pero wala akong friends. Well, except kina Bree at Kuya Kev. Masasabi ko nang kaibigan ko si Nunna, si Rhumzelle...sino pa ba?" wala na akong maisip.

Nagbaba ako ng tingin sa cellphone ko nang mag-vibrate iyon at mag-flash sa screen ang pangalan ni Maxrill Won. Napansin ni Gideon na nagbasa ako ng text kaya nag-iwas siya ng tingin.

Maxrill Won:

Hi, baby, how's your day? Please go inside your classroom.

Nangunot ang noo ko. Go inside my classroom? Napalingon ako sa room namin, marami pa rin sa mga kaklase namin ang nasa labas kaya sigurado akong wala pang professor. Hindi ko pinansin ang text ni Maxrill Won at binulsa ang cellphone.

"Ako naman, naiintindihan nila ako kahit papaano," patuloy ko. "Minsan nga, hindi ko na kailangang sabihin na hindi ko kaya o hindi ako komportable. Naiintindihan na ng mga nakakakilala sa 'kin ang mga ayaw ko at gusto."

"Good for you," ngiti ni Gideon.

"Pero tulad nito, 'yon ang finals natin kaya hindi maiiwasan at kailangan talagang gawin. Kaya ganito ang pakiramdam ko."

"But I know you can pull it off. Ikaw pa?" hindi ko alam kung nanunukso siya pero sa tono niya ay para bang sigurado siyang kaya ko nga.

"Ikaw rin naman. Napakahusay mo no'ng program natin at kanina lang, naririnig kitang kumanta at tumugtog. Napakagaling mo talaga, Gideon."

"Actually, own composition ko 'yon."

"Talaga?"

Tumango si Gideon saka tumitig sa 'kin. "Gusto mo bang marinig?"

Napangiti ako at magkakasunod na tumango. "Sige!"

Muling nag-vibrate ang cellphone ko kaya kinailangan kong kunin at basahin 'yon.

Maxrill Won:

Of course, you can't. Please go to your classroom, I'll call you prof.

Nangunot ang noo ko at napalingon sa paligid namin. Muli kong binasa ang text message ni Maxrill Won. Natinag lang ako nang tumayo si Gideon.

"Nandiyan na si miss," anyaya niya saka ako hinintay na tumayo. Sumabay ako sa kaniya. "Nice phone." Nakangiti niyang sinulyapan ang hawak ko. "Latest model."

Hala! Latest model pala 'to? "Ano...Thank you. Ang totoo bigay lang sa 'kin 'to ni Maxrill Won. Siya 'yong nagte-text kaya pasensya na."

Ngumiti siya. "For what? Anyway, bakit hindi mo siya sagutin?"

"Wala akong load."

"What's that?"

"Load, 'yong para makapag-text ka, gano'n."

"Binigyan ka niya ng phone pero ng line, hindi? That's weird."

Ngumuso ako. Hindi ko alam ang line na tinutukoy niya. Bago pa man kami makapasok sa classroom ay muling nag-vibrate ang cellphone ko. Tiningnan ko iyon bago tumuloy.

Maxrill Won:

That poor thing dared to talk behind my back, huh?

Muling nangunot ang noo ko. Bakit alam niya? Napalingon ako sa likuran ko at halos mapaatras nang makitang nakatayo si Tiyo Hwang sa tabi ng umbrella kung saan kami nakaupo ni Gideon kanina!

Ngumisi siya sa nakatatakot niyang paraan at kumaway sa 'kin habang nanlalaki ang mga mata.

To be continued. . . 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top

Tags: #maxinejiji