CHAPTER 49
CHAPTER 49
DAHIL SA halo-halong emosyon at hindi mahintong pagluha, pinili kong dumeretso na lang sa kwarto nang makaalis sina Maxrill Won at Tiya Maze. Alam kong gusto pa akong kausapin ni tatay, lalo na ni nanay. Pero hindi ako sigurado kung kaya kong pakinggan ang mga 'yon ngayon. Maski ni Bree Anabelle, tingin lang ang naibigay sa 'kin. Sa isang sulyap ay alam ko kung gaano niya kagustong marinig ang panig ko. Ni hindi niya ako magawang aluin, nang pangunahan ko siyang huwag na munang lumapit sa 'kin. Ang tanging nagawa ni Bree ay samahan ako habang lumuluha.
Gaya ng sinabi ni Maxrill Won ay tumawag siya makalipas ang tatlumpung minuto pero hindi ko 'yon sinagot. Gusto ko siyang makausap pero nahihiya ako. Sobrang hiya na ipinagpapasalamat kong ilang araw ko siyang hindi makikita dahil pupunta siya sa Palawan. Bukod sa hindi ko yata siya kayang kausapin nang gising pa si Bree. Nahihiya ako sa maririnig niyang sasabihin ko at lalo nang nakakahiya na makita niya akong umiiyak habang nakikipag-usap sa aking nobyo. Hindi ako handang kausapin si Maxrill Won ngayon.
Palalim na ang gabi nang tumahan ako. Gising pa rin si Bree. Naaawa at palihim siyang sumusulyap sa 'kin pero hindi ko na sinasalubong ang kaniyang tingin. Batid ko ring gising pa sina nanay, tatay at kuya nang lumabas ako ng kwarto upang maligo. Pero pinagbigyan nila ang pananahimik ko. Lumabas lang ng kwarto si nanay upang uminom ng tubig pero alam kong tiningnan niya ang lagay ko. Maging si kuya ay sumilip sa 'kin pero nagtuloy-tuloy ako sa banyo.
Iyon na yata ang pinakamatagal na pagligo ko dahil doon mas bumuhos ang mga luha ko. Hanggang sa sandaling ito ay nangingibabaw ang hiya ko para sa mga sinabi ni tatay. Nalilito naman ako sa mga salitang natanggap niya mula kay Tiya Maze. Panay ang pagdadamdam ko dahil hindi kayang makipag-usap nang mahinahon ni tatay. Paulit-ulit kong tinatanong kung bakit tinawag ni tiya ng sindikato si tatay.
Hindi naman na iyon ang unang beses na narinig ko ang salitang 'yon pero para akong naninibago, naghahanap ng sagot kung bakit kailangan pagbintangan siyang sindikato. Bigla ay parang hindi ko talaga kilala si tatay. Sa iilang nalalaman ko sa pamilyang Moon, isa sa mga sigurado ko ay hindi sila magbibitiw ng salitang wala silang patunay.
Maging si nanay ay napansin ko. Kung pigilan niya si Tiya Maze sa pagsasalita, para bang may ideya siya kung bakit gano'n na lang ito kung makipagsalita. Sa nasaksihan ko kanina, parang may alam silang tatlo sa isa't isa na lingid sa kaalaman naming magkakapatid...o ako lang talaga ang hindi nakaaalam?
Sinabayan ng hikbi ang buntong-hininga ko sa huli kong naisip. Hindi kasi imposible 'yon. Sa dami ng nalalaman nina Bree Anabelle at Kuya Kev sa pamilya nina Maxrill Won, hindi na siguro ako magugulat kung sakaling ako lang ang walang alam.
"Dainty, nandiyan si Maxrill Won," ani kuya kinabukasan, tumuloy na matapos kumatok at sumilip sa aming kwarto.
Pero sa halip na kumilos ay nanatili akong nakatingala sa kaniya, nakahiga pa rin sa kama. "Pwede mo ba'ng sabihin na natutulog pa ako, kuya?"
Nakita ko siyang matigilan, hindi agad nakapagsalita. "He's leaving, Dainty. Kausapin mo ang boyfriend mo."
Gano'n na lang kabilis ang pangingilid ng luha ko na kahit hindi ko salaminin ang aking sarili, nasisiguro kong namumula na ang mga mata at pisngi ko. Gano'n naman parati ang itsura ko sa t'wing maiiyak. Dati ay natutuwa pa ako sa t'wing sasabihin ng mga kapatid at magulang ko na maganda ako kahit umiiyak. Pakiramdam ko ngayon ay ako ang pinakapangit sa mundo dahil sa hindi maipaliwanag na pakiramdam ko.
"Ayaw ko, kuya," kinusot ko ang pareho kong mata para mapigilan ang maluha.
"Dainty?" nakikiusap pang pagtawag niya—hindi, namimilit na pakiusap niya.
"Ayaw ko, kuya," mas mariin nang giit ko.
"Pupunta na siyang Palawan."
"Kuya?" galit nang sabi ko ngunit maging sa 'kin ay walang dating. Ipis lang yata ang matatakot sa paraan ng pananalita ko.
"Nagdala siya ng mga prutas at tinapay para sa 'yo,"nakamot ni kuya ang sentido. "Wala nang namang maupuan sa sala."
"Ayaw ko sabi, kuya." Nagtalukbong ako ng kumot matapos sabihin 'yon. Matunog ang buntong-hininga ni kuya ngunit wala nang nagawa. Batid kong sandali pa siyang nanatili roon sa pinto bago ako tuluyang iniwan.
Wala akong narinig sa usapan nina Kuya Kev at Maxrill. Ni hindi ko nga alam kung tumuloy siya sa bahay namin. Hindi ko rin narinig ang tinig nina nanay at tatay. Si Bree Anabelle naman ay eksaktong pumasok sa kwarto matapos maligo. Pero hindi gaya ng inaasahan ko, wala akong narinig na salita mula sa kaniya. Nakikita ko siyang sumusulyap sa 'kin, pinakikiramdam ako, pero nagpigil siyang kulitin ako. Kaya bilib talaga ako kay Bree, sa lahat ng kapamilya ko, siya ang higit na nakakabasa sa 'kin. Alam niya kung ano ang ayaw at gusto ko, parang nababasa niya parati ang nararamdaman ko. Naiintindihan niya ang mga kailangan ko. At sa oras na 'to, katahimikan lang ang aking gusto.
Dumaan ang dalawang magkasunod na araw na ipinagpapasalamat kong inirespeto ng pamilya ko ang pananahimik ko. Pinakisamahan nila ang mga pag-iwas ko. Hindi sila nagtanong pero ramdam kong hindi nawawala sa 'kin ang kanilang paningin. Lutang akong kumikilos papasok, tulala ako sa byahe namin nina Bree at kuya papunta sa eskuwela hanggang sa klase. Sa nagdaang araw na 'yon ay napagsabihan ako ng ilang lecturers dahil wala raw ako sa sarili pero agad ding nakabawi.
Walang oras na nababakante ako nang hindi tumatawag si Maxrill Won. Parang hanggang sa oras na 'to, saulo niya ang schedule ko. Sinisiguro niyang wala ako sa klase sa t'wing tatawag o magte-text siya, nagmamakaawa na mag-reply ako. Pero ang mabasa pa lang ang mga mensahe niya, para na akong maiiyak sa kahihiyan.
Nang ikatlong araw, umasa ako ng panibagong tahimik na buhay. Pero hindi 'yon nangyari nang masalubong ko si Rhumzell sa parking lot nang mag-uwian. Nang magtama pa lang ang paningin namin ay alam ko nang ako ang pakay niya. May duty si Kuya Kev habang si Bree naman ay may practice pa kaya naman mag-isa sana akong uuwi.
Gano'n na lang kaganda ang ngiti ni Rhumzell pero parang may gusto na agad siyang itanong sa 'kin. Nakasandal siya sa sasakyan...bagong sasakyan na ngayon ko lang nakita. Halata namang bago dahil sa gulong niyon na para bang mula sa store ng sasakyan ay idineretso niya na rito. Tulad iyon ng isa sa mga sasakyan ni Maxrill Won, itim na pick-up truck na may malaking 3D design ng Echavez sa gilid.
"Rhumzell," tipid ang ngiti kong bati.
"Dainty," nakangiti niya ring tugon pero may kasunod na buntong-hininga. "Maxrill asked me to...pick you up."Inaasahan ko na 'yon. Nang sandaling makita ko siya, alam ko nang may kinalaman na naman si Maxrill Won.
"Ano..." nagbaba ako ng tingin. Para bang maging ang pakikipag-usap sa kaniya ay hindi ko kaya. "Pasensya na, naabala ka pa, Rhumzell."
Gano'n ang sinabi ko pero ang totoo ay natuwa ang puso ko. Hindi ko man ipakita, iyon ang nararamdaman ko. Kahit hindi ko sagutin ang tawag at texts ni Maxrill, ako pa rin ang iniisip niya.
"Are you...okay?" may alinlangan sa tinig niya. "It's okay, you don't need to answer my question." Para bang nakita niya rin sa aking itsura ang sagot sa tanong niya para idagdag ang huling linya. "Shall we?" naroon pa rin ang alinlangan niya nang imuwestra ang pinto ng sasakyan sa 'kin.
Sandali akong napatitig sa pintuan, nag-aalinlangan man, wala akong nagawa nang alalayan ako ni Rhumzell na sumakay. Kabastusan man, awtomatiko akong nag-iwas ng tingin nang makita ko siyang lumingon sa 'kin.
"Dainty," pagtawag niya.
Napabuntong-hininga agad ako at pinilit ngumiti nang lumingon sa kaniya. "Ha?"
Sandali siyang tumitig sa 'kin, tila inaalam ang nararamdaman ko. "You know you can talk to me, right?"gano'n na lang siya kasinsero. "I'm your...friend."
Maging siya ay para bang hirap sabihin ang huling salita, gano'n na lang kabigat ang pinakalawan niyang hininga kasabay niyon. Hindi ko maiwasang isiping hanggang ngayon ay may nararamdaman pa siya sa 'kin. Hindi gaya noon na kahit napakarami kong ebidensya, nararamdaman at nakikita, pilit ko 'yong iginigiit at sinasabi sa sariling isa akong ilusyunada.
Lalo lang naging pilit ang ngiti ko at napabuntong-hininga rin. Tinanguan ko siya at nang ngumiti siya ay nag-iwas na uli ako ng tingin.
"You can talk to me, anytime, Dainty," dagdag ni Rhumzell ngunit nag-alinlangan na akong lumingon. "Kung may problema ka, pwede mo 'kong lapitan. I'll help you. Kahit ano pa 'yan." Sa halip ay nagbaba na lang ako ng tingin. "Pwede rin akong makinig lang."
Gusto ko nga bang magkwento? Para kasing ayaw ko. Kahit pa ayaw ko ring sarilinin ang tungkol dito. Hindi ko maintindihan. Para bang hindi ang mga taong malapit sa 'kin ang tamang tao na gusto kong pagkuwentuhan. Pakiramdam ko ay hindi nila ako maiintindihan, na huhusgahan nilang sobra-sobra ang aking iniisip, na hindi ko maipapaliwanag nang tama ang tunay kong nararamdaman. Dahil ako mismo ay hindi mapangalanan ang aking pinagdaraanan.
Kung tutuusin ay nagsimula lang naman 'yon sa galit nina tatay at nanay dahil sa pagpunta namin ni Maxrill Won sa Enchanted Kingdom. Nasundan iyon ng pagdating ni Tiya Maze at sagutan nila ni tatay. Masyado lang ba talaga akong emosyonal? Kasi sa edad kong ito, ngayon lang ako nakaranas ng ganito. Ngayon lang ako nangarap at nagkagusto sa lalaking naabot ko nga ngunit harap-harapang hinihiya ng tatay ko. Nagustuhan nga ako ng pamilya ng aking nobyo pero bakit parang may lihim silang itinatago?
Kung hindi man makatarungan sa iba ang ganitong pakiramdam, ayos lang. Madali kasing solusyunan ang problema kung ang mag-iisip ng sagot doon ay wala sa sitwasyon.
Tahimik akong naihatid ni Rhumzell sa bahay. Masaya ako na nirespeto niya ang pananahimik ko. Nginitian ko siya nang ihinto niya ang sasakyan sa harap ng aming bahay. Pero pareho kaming natigilan nang makita kung sino ang nakatayo sa loob ng aming bakuran at tila ba inaabangan talaga kami.
Maxrill Won...
Magkakrus ang parehong braso niya. Nakasandal at nakasilong sa payat na puno. Magkakrus ang parehong braso. Nakaitim na long-sleeves, nakatupi ang parehong manggas niyon hanggang siko. Bitin ang kulay abong pants niya, lumilitaw ang kaniyang bukong-bukong. Itim ang kaniyang sapatos at kasingkintab ng kaniyang bagsak at pinong buhok.
Sa nabasa ko sa kaniyang mga mata ay nagmadali akong buksan ang pinto. Pero dahil mataas ang bagong sasakyan ni Rhumzell, nag-alinlangan akong bumaba. Napalingon ako kay Rhumzell nang awtomatiko siyang kumilos bago nagsalita.
"Let me help you," aniya saka ko siya pinanood na bumaba.
Pero gano'n na lang ang gulat ko nang paglingon sa gawi ko ng bintana ay naroon na si Maxrill Won. Paano niya nagawang kumilos nang gano'n? Mabilis at hindi namamalayan.
Nakalahad na ang kamay niya sa 'kin at matamlay na ngumiti. Kinuha ko ang kamay niya, sinalo niya ng isa pang braso ang bewang ko at halos akuin ang timbang ko pababa ng sasakyan. Nasa likuran niya na si Rhumzell nang makababa ako. Gano'n na lang kariin ang dinamping halik ni Maxrill Won sa gilid ng noo ko saka nilingon si Rhumzell.
"Thank you," aniya sa kaibigan.
"It's okay. Where's your car?" nakangiting tugon ni Rhumzell.
Napabuntong-hininga si Maxrill Won. "I used the chopper," mahina niyang sagot.
Nagkatinginan kami ni Rhumzell at sabay na lumingon kay Maxrill Won. Chopper? Ignorante akong napatingala sa kalangitan ngunit walang nakita. Pero ano nga ba ang imposible sa lalaking ito?
"Ano'ng ginagawa mo rito?" tanong ko.
Pabuntong-hiningang nagbaba ng tingin si Maxrill Won sa akin. "You're not answering my calls," pabulong niyang tugon. "I'm worried."
Umawang ang labi ko. Bumalik siya rito...gamit ang chopper...dahil lang hindi ko sinasagot ang tawag at texts niya? Lumaylay ang mga balikat ko. "Para 'yon lang?"hindi talaga ako makapaniwala.
Sa isang iglap, parang naintindihan ko sa t'wing sinasabi ni Bree na isa siyang Moon. Bigla ay parang naunawaan ko kung bakit sapat na ang pangalan niya para maniwala ako sa imposible. Kakaiba siya.
Napatitig siya sa 'kin, nakita ko siyang lumunok nang gumalaw ang buto sa kaniyang lalamunan. "Yeah, 'yon lang," buntong-hininga niya.
Ngumuso ako. "Sorry." Bahagya siyang natawa. "Ibig kong sabihin...ano..." wala na naman akong mahagilap na idadahilan.
"It's okay," nakangiwing aniya.
Tumitig siya sa 'kin, kunyaring masama saka nakahinga nang maluwang at ngumiti nang natural. Niyakap niya ako na akala ko ay saglit lang, pinalo ko ang braso niya nang humigpit 'yon nang humigpit.
"Hindi ako makahinga, Maxrill Won," pinalo ko uli siya sa braso.
Gamit ang labi at pisngi, maingat niyang ang mga hibla ng buhok na nakaharang sa tenga ko at saka bumulong. "I missed you," muling humigpit ang yakap niya na para bang doon pa niya sa balikat ko planong magpahinga.
"All right, I'm out," ani Rhumzell na sinabayan ng buntong-hininga ang naiinis kunyaring pananalita.
Kumalas si Maxrill Won sa 'kin at saka itinutok ang kamao sa kaibigan. "Thanks, Rhum."
Pinag-umpog nila ang parehong kamao. "Anytime."
"I mean it," sinsero, seryosong ani Maxrill Won. "Thank you."
Mapait ang ngiti ni Rhumzell. "Best friends, right?"
Matamang tumitig si Maxrill Won at nakangiting tumango. "I'll see you soon."
"Always waitin' for you," ngisi ni Rhumzell saka lumingon sa 'kin. Gaya ng lamlam at tamlay na nakita ko kay Maxrill Won kanina, ganoon din ang mababasa sa mata ni Rhumzell. "See you around, Dainty."
"Salamat, Rhum...zell," hindi niya na narinig ang sagot ko nang magmadali siyang sumakay sa sasakyan matapos ang sinabi kay Maxrill.
"He heard you." Si Maxrill Won na ang sumagot sa tanong na nabubuo pa lang sa isip ko. Sabay naming tinanaw ang paglayo ng sasakyan ni Rhumzell. "Let's eat dinner together."
"Ha?" nabibigla kong tugon sabay lingon sa aming bahay.
"I already told your mom that we'll eat dinner together. That's your punishment for not answering my calls and texts."
Ngumuso ako at saka muling nilingon ang bahay namin. "Magpapaalam na muna ako kina nanay."
Napabuntong-hininga siya, hinahabaan ang pasensya. "Fine."
Hinawakan ako ni Maxrill Won sa likuran at inalalayan hanggang sa pintuan ng aming bahay. Tumuloy ako at inabutan sa sala si nanay. Naroon siya sa harap ng bintana at mukhang tinatanaw rin kami kanina pa.
"'Nay..." nahihiya man ay pagtawag ko.
Ngumiti agad si nanay at tumango. "Nagpaalam na ang nobyo mo."
Nilingon ko si Maxrill Won at saka ako palihim na ngumuso. "Sinabi mo ba kay nanay kung saan tayo pupunta, Maxrill Won?"
Tumango siya, parang hindi na naman niya inaalis ang tingin sa akin. "Sa restaurant."
Nilingon ko ulit si nanay. "Pupunta po kami sa restaurant, 'nay."
Napatitig sa 'kin si nanay saka napilitang ngumiti. "Nagpaalam na si Maxrill."
Kinagat ko ang labi ko saka nagbaba ng tingin sa mga kamay ko. "Nagpapaalam lang po ako, baka po kasi..."
"Dainty," buntong-hininga ni nanay. "Sige na," ngumiti siya.
"Salamat po, 'nay. Uuwi po kami agad." Ngumiti ako at iniwan na si nanay.
Titig na titig sa 'kin si Maxrill nang muli ko siyang harapin. Nangunot ang noo ko at nakangusong nag-iwas ng tingin.
"Ang sabi mo ay dalawang linggo kang mawawala, dalawang araw pa lang, Maxrill Won."
"I told you, I missed you." Inilahad niya ang kamay sa 'kin, wala na akong nagawa kundi ang tanggapin iyon at magpaalalay sa kaniya. "What happened to you?" dama ko ang tampo sa tinig niya, lalo akong napanguso. "No calls, no texts, Dainty..." 'yon na ang pinakamalalim niyang buntong-hininga.
"Sorry," nagbaba ako ng tingin.
Pero agad ding nagulat nang may humintong sasakyan sa aming harapan. Napasulyap ako kay Maxrill Won, hindi gaya ko, ni hindi man lang niya nilingon ang sasakyan. Mukhang inaasahan niya na iyon dahil nang lumabas si Tiyo Dirk mula roon, hindi pa rin siya lumingon.
"Hello," ngiti ni Tiyo Dirk.
Kahit gabi ay maganda siyang lalaki. Hindi ko mapigilang isipin kung sino sa pamilyang Moon ang walang itsura. Lahat ng lalaki ay gwapo sa kanila. Kahit ang mga tauhan nga ay malalakas ang dating. Napabuntong-hininga na lang ako sa naisip ko.
"So, Del Valles can really turn weeks into days for romantic purposes, huh?" nang-aasar ang tonong baling ni tiyo kay Maxrill Won.
"Tsh." Na gano'n na lang kaganda ang ginanting ngiti, umiwas pa ng tingin sa 'kin, tila ayaw ipakitang nangiti siya. Kahit na nakita ko naman. Seryoso na siya nang muling bumaling sa 'kin.
"Magandang gabi po, Tiyo Dirk," tugon ko kay tiyo na ipinagkunot-noo niya sabay sulyap kay Maxrill Won na ipinagkibit-balikat lang siya.
Ngumuso ako at nagpaalalay na lang pasakay ng sasakyan kay Maxrill Won. Nang magkatabi na kami ay gano'n na lang kalalim ang buntong-hininga niya. Sumandal siya, halos ibigay sa upuan ang kabuuan ng kaniyang timbang, saka lumingon sa 'kin.
"So, what happened to us?" tanong niya. Seryoso siya at sa himig ay nagtatampo.
"Ha?" maang ko. "Wala."
"You were not answering my calls, Dainty," halos bumulong na lang siya. Hindi ako nakasagot. "Why?"
"Dahil ayaw kong makipag-usap, Maxrill Won,"nagpapaintindi kong sagot nang hindi niya alisin ang paningin sa 'kin, mahinahon at nakatingin sa kaniyang mga mata.
"Okay..." tila pilit niyang inindinti ang dahilan ko. "But..." Bumuntong-hininga siya. "You should've told me, Dainty, well, at least," pabulong niyang tugon, hinaplos ang pisngi ko. "Maiintindihan ko. Nasa 'yo lahat ng pang-intindi ko, remember?"
Pero hindi mo naintindihan ang pananahimik ko...Kinailangan ko rin 'yon, Maxrill Won.
Matagal akong natahimik. Lalo na nang maisip na pagiging sakim ang naisip ko. Itinutuon ko sandali sa daan ang paningin kahit pilit iyong inaagaw ni Maxrill Won.
"Pasensya ka na, Maxrill Won," mahina kong sabi saka sinalubong ang tingin niya. "Ang totoo, dinamdam ko 'yong nangyari."
Matagal siyang tumitig sa 'kin. "Okay..." aniya, sa tonong magpatuloy pa ako.
Sumimangot ako. "Hindi ko matanggap 'yong pananalita sa 'yo ni tatay at...'yong mga sinabi ng mommy mo sa kaniya. Ang totoo...hindi ko rin maintindihan ang nararamdaman ko. Basta alam ko, ayaw ko munang makipag-usap kahit kanino lalo na nang mga nakaraang araw. Pasensya na."
Sabay kaming napabuntong-hininga. Tiningnan ko ang lahat ng reaksyon sa mukha niya at kontento ako sa aking nabasa. Hindi niya man sabihin, alam kong naiintindihan niya ako. At hindi ako makapaniwalang sa kaniya ko pa nasabi ang lahat ng ito. Inaasahan ko ay sa kaniya ko higit na ililihim 'yon.
"I'm sorry." Hindi ko inaasahang gano'n ang isasagot niya. Magkakasunod akong umiling nang makonsensya. "I'm sorry, I wasn't able to talk to you about it after what happened. I should've talked to you sooner."
"Hindi," panay ang pag-iling ko. "Pareho naman silang...may mali." Nagbaba ako ng tingin sa mga kamay ko. "Hindi ko lang kasi maintindihan kung bakit kailangang tawagin nang gano'n ni Tiya Maze si tatay. At kung dapat niya pa ba 'yong sabihin sa harap naming magkakapatid. Ano...p-pasensya ka na, Maxrill Won. Hindi ako galit kay Tiya Maze, ano...h-hindi ko lang talaga maintindihan."
Sa unang pagkakataon ay naisatinig ko ang gumugulo sa aking isip. Sa kaniya pa. Hindi ko talaga inaasahan. Ni hindi ko nagawang magkwento o magbahagi sa pamilya ko. Pero sa lalaking ito na oo nga't mahal ko pero...anak siya ng nagbitiw nang masasakit na salita sa tatay ko.
Napabuntong-hininga ako. Masyado ko lang talaga sigurong dinaramdam ang mababaw lang namang dahilan.
"I can't say that she's not usually like that because the truth is, that's my mom. That's who Maze Moon is. But I'm really sorry for everything that she said,"pabuntong-hiningang ani Maxrill Won. "I should've talked to you about it. I should've apologized earlier. It's something I'll always regret and I want you to know that I'm really sorry, Dainty."
Nagbaba ako ng tingin. "Sorry rin sa mga sinabi ni tatay, Maxrill Won." Sinalubong ko ang mga mata niya na para bang iyon lang ang paraan para maipakita ang sinseridad ko. "Salamat kasi kahit masasakit 'yong mga sinasabi niya, hinahayaan mo lang siya. Hindi mo siya pinapatulan kahit meron kang dahilan. Alam kong mali 'yon pero ako na ang humihingi ng sorry sa mga sinabi at ginawa niya, Maxrill Won."
"I know I'm not that respectful but I do respect you and your parents, Dainty, I really do. He's just protecting you and I understand that."
May kung anong natunaw sa dibdib ko. Tama nga talaga si nanay, isip-bata ako. Nirerespeto ko rin si Tiya Maze pero ang naglagi lang sa isip ko ay ang masasamang sinabi niya sa tatay ko. Dinamdam ko iyon masyado.
"Humahanga ako sa pang-intindi mo, Maxrill Won."Ngumiti ako sa kaniya. "Salamat."
"I guess that's the very condition of loving someone and what it means to be committed to that person. It's not merely about dating, kissing and hugging, Dainty. Loving you means accepting the risk of being hurt in different ways."
Ngumiwi siya at bumuntong-hininga. "I guess that's part of it and I'm okay with that. I'm okay with everything that has something to do with you. Even if it means...getting hurt, being sad or whatever. I just want to be with you, I want you to keep loving me." Nilingon niya ako at tinitigan nang para bang pagkalalim-lalim. "I want you to keep choosing me."
"Salamat, Maxrill Won." Gano'n na lang ang saya sa puso ko nang sabihin 'yon. Inihiga ko ang aking ulo sa balikat niya at hindi na nawala pa uli ang ngiting iyon.
Naramdaman ko siyang magbaba ng tingin at silipin ang mukha ko. "When I fell in love with you, I no longer see love and romance as a game that I have to win. It was like that to me then." Natigilan ako at nakagat ang sariling labi. "Now, I'm confident and proud that I'm taken."
"This traffic in Laguna is getting into my nerves," ani Tiyo Dirk, naagaw niya ang atensyon namin. "Do you really have to eat outside or you can eat at home?"
"Yeah," sumilip si Maxrill Won sa bintana. "This is going to take for-freaking-ever." Naro'n ang inis sa pinakawalan niyang buntong-hininga saka lumingon sa 'kin. "Mind if we eat at home?"
Umiling ako saka ngumiti. "Ayos lang kahit saan."
"Eat beside me, then." Ngumisi siya saka bumaling kay Tiyo. Ngunit hindi ko na naintindihan ang mga salitang inutos niya rito.
Muli kong idinantay ang ulo ko sa balikat ni Maxrill Won. Napangiti ako nang kunin niya ang kamay ko at ipinatong ang parehong kamay namin sa kandungan niya. Hindi na nawala ang ngiti ko sa buong byahe, maging ang paningin ko ay naro'n lang sa mga kamay namin.
Hindi naging madali kay tiyo na ipihit pabalik ang sasakyan, naipit talaga kami sa trapiko. Pero nang sandaling makalipat siya ng linya ay tuloy-tuloy na ang naging byahe.
"We're here," ani Tiyo Dirk, nakasulyap sa 'min mula sa salamin sa kaniyang harapan. Ngumiti siya sa 'kin saka umibis ng sasakyan upang pagbuksan ako ng pintuan.
"Maxrill..." humina bigla ang boses ko nang makitang tulog si Maxrill Won.
"He must be really tired," ani tiyo sa likuran ko.
Napatingin ako sa oras, alas sais pa lang ng hapon. Pero 'yong itsura ni Maxrill Won, parang alas dies na ng gabi. Gano'n nga talaga siguro katindi ang pagod niya. At sumadya pa siya rito dahil hindi ako sumasagot.
Gumilid si Tiyo Dirk sa gawi ng pinto ni Maxrill Won at pinagbuksan ito. Saka niya inuga ang balikat nito. Gano'n talaga kalalim ang tulog ni Maxrill Won at gusto kong maawa dahil kanina pa man, nahalata ko na ang kaniyang pagod.
"Maknae," ani tiyo. "We're here."
Napapahiyang lumingon si Maxrill Won sa 'kin. "Sorry."
Ngumiti ako at saka umiling. Magsasalita na rin sana ako nang kunin na ni tiyo ang gamit ko at sensyasan akong bumaba.
"Salamat, tiyo," ngiti ko ngunit awtomatikong nawala ang magandang ngiti niya.
"Will you..." pabuntong-hiningang kinamot ni tiyo ang kaniyang sentido. Napamaang ako. "Just call me Dirk."
"Hala..." napalingon ako kay Maxrill Won, nakamot niya rin ang sentido. Wala na sa edad niya ang tawaging kuya pero kabastusan ang tawagin siya sa pangalan lang.
"Call him Ahjussi, then," bulong ni Maxrill Won nang mabasa ang alinlangan ko.
"Maxrill," nagbabanta ang tinig ni tiyo.
"Tiyo, then," hamon ni Maxrill Won, hindi ko sila makuha. "She prefers calling you tiyo, nothing's wrong with that. I think it's cute. Besides, you're really old, Dirk," ngisi ni Maxrill Won saka ako iginiya papasok. "And freaking single."
"Bakit mo siya ginano'n?" labi ko.
"I told you, I'm not respectful," ngisi niya. Sumama ang mukha ko. "Fine, I will not do that again."
"Mag-sorry ka."
"He's a family, Dainty. He knows that I'm just kidding."
Pagagalitan ko pa sana siya pero natigilan na ako nang salubungin kami nina Tiya Maze, Tiyo More at Lolo Mokz.
Napalunok ako nang makita ang seryosong mukha ni Tiya Maze. Pakiramdam ko ay hindi niya gusto na makita akong naroon. Matapos nga naman ang naging sagutan nila ng aking ama. Tama ba na bigla akong magpakita?
To be continued. . .
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top