CHAPTER 42

CHAPTER 42

MAGMULA NANG kausapin ni Maxrill Won si Gideon nang may awtoridad, naging mailap na ito sa 'kin. Hindi lang nang araw na 'yon nang makabalik ako sa klase. Naging nang sumunod pang mga araw. Hindi niya na ako tinitingnan at sa t'wing madaraanan o masusulyapan ko siya ay parang takot siyang nag-iiwas ng tingin sa akin. Hindi ko alam kung ano'ng mararamdaman ko. Nasanay akong ako ang umiiwas sa tao at bukod kay Bree, si Gideon lang ang gumawa no'n sa 'kin. Kaya naman nang hindi ako makatiis ay nilapitan ko siya matapos ang klase at wala si Maxrill Won sa labas ng room namin.

"Ano...Gideon," nahihiyang pagtawag ko.

Nagulat siya sa tinig ko at napalingon. Ngunit nagmamadali niyang kinuha ang mga gamit at isinabit ang bag sa kaniyang likuran. "'Wag mo 'kong kausapin, Dainty. Baka magalit sa 'kin ang boyfriend mo at pagbantaan na naman ang pamilya ko."

Natigilan ako at malungkot na bumuntong-hininga. "Hihingi lang sana ako ng sorry sa sinabi ni Maxrill Won," paghabol ko nang akma siyang aalis na.

Natigilan si Gideon at nag-aalinlangan man ay nalilito niya akong nilingon. Para bang kwestyunable sa kaniyang humingi ako ng sorry. Ako man ay naiisip kung tama bang gawin ko 'yon gayong alam ko ring kaya ginawa ni Maxrill Won 'yon ay dahil sa pang-aalaska niya sa akin. Pero pakiramdam ko ay kailangan kong gawin 'yon dahil dama ko talaga ang takot at pag-iwas niya. Hindi ako komportable ro'n. Kung may awtoridad at kakayahan man si Maxrill Won, ako ay wala. At hindi niya kailangang makaramdam nang ganito sa 'kin.

"Pasensya ka na, ayaw lang kasi Maxrill Won nang may nagbibiro nang ganoon sa akin." Ako na ang nagsalita nang hindi siya tumugon. "Mabait si Maxrill Won," muling pahabol ko, ang kamay ay magkahawak at ang mukha ay tila nagpapaliwanag. "Sadyang...hindi lang talaga maganda ang naging biro mo...lalo na sa paa ko."Nagbaba ako ng tingin.

Naramdaman kong mag-alinlangang magsalita si Gideon at makailang lingon sa labas bago muling tinuon ang paningin sa 'kin. Muli akong bumuntong-hininga, naghihintay sa sagot niya. Talagang umaasa ako na tatanggapin niya ang paumanhin ko. Dahil ayaw kong may kasamaan ng loob sa klase kahit pa tahimik lang ako parati sa isang tabi.

Sandali pa siyang nag-alinlangang tumingin sa 'kin. Bumuntong-hininga rin siya saka tipid na ngumiti sa 'kin. "I was not expecting an apology, Dainty," mahina niyang sinabi, puno ng hiya ang tinig. "You're so kind," lumungkot bigla ang kaniyang tinig at saka tumitig sa 'kin.

Nilabanan ko ang titig niya at saka ako ngumiti. "Wala namang dahilan para hindi maging mabait, Gideon."Bumuntong-hininga ako at saka muli pang ngumiti. "Iyon ang pinakamadaling gawin sa mundo."

Umawang ang labi niya at emosyonal na napatitig sa 'kin. Nailang siya at nagbaba ng tingin saka muling bumuntong-hininga. "I'm really sorry, Dainty. Kung...hindi pa ako makaramdam ng takot sa boyfriend mo..."

"Ano..." inunahan ko siyang magsalita, nahihiya. "Hindi ko siya boyfriend."

Natitigilang nag-angat muli ng tingin sa 'kin si Gideon. "Anyway, 'ayun nga," nakamot niya ang tenga at saka pinamulahan ng mukha. "Again, I'm really sorry. Sorry dahil sinanay ko ang sariling pinipintasan ang..." naiilang siyang nag-iwas ng tingin at pinigilan ang sariling tingnan ang paa ko. "Sorry talaga."

"Ayos lang 'yon, Gideon. Naiintindihan naman kita at alam kong...nadala ka lang sa ginagawa ng iba. Sana 'wag mo hayaang maimpluwensyahan ka sa biro ng iba kasi..." ngumiti ako ngunit pinigilang maging emosyonal. "Minsan ang biro sa inyo ay nakakatawa pero nakasasakit ng damdamin at nakaraan ng iba."

Napatitig muli siya sa 'kin at binalot ng konsensya. "Naisip ko lang 'yan nang magkamali akong biruin ka. Sorry talaga, Dainty. Thank you."

"Pinatatawad kita, Gideon. Sana 'wag mo nang gawin sa iba...o huwag mo na talagang ulitin kahit anong mangyari."

Napatitig pa siya ng minsan sa 'kin saka nakangiting tumango. "I promise. Thanks a lot, Dainty."

"In my country, you have to bow your head when aplogizing. Some even get down on their knees and beg for forgiveness." Umalingawngaw mula sa pintuan ang tinig ni Maxrill Won. Nang lingunin namin siya ay nakasandal na siya ro'n at minamasdan ang kanang mga kuko niya habang nakapamulsa ang isa pa. "Most especially if they've just made a big mistake or hurt someone's feelings." Saka niya sinalubong ang nagugulat na tingin ni Gideon. "Instead of blushing in front of them."

"Maxrill Won," kunot-noo, umaawat akong lumapit sa kaniya. "'Wag mo nang awayin si Gideon kasi nag-sorry na siya."

Sinalubong ni Maxrill Won ang tingin ko at saka bumuntong-hininga. "Fine." Sinulyapan niya si Gideon upang muli lamang siringan. "Let's go," mahinang dagdag niya saka pumasok upang bitbitin ang gamit ko.

Hindi na nilingon pa ni Maxrill Won si Gideon. Nahihiya kong sinulyapan at nginitian ang kaklase ko bago ako tuluyang sumunod. Pinuntahan namin si Bree sa kanilang hall para sana sunduin pero nadatnan namin silang nagpa-practice ng sayaw.

"Ate!" kaway ni Bree ngunit hindi natigil sa ginagawa.

Bigay na bigay siya at napakahusay. Tuloy ay wala sa sarili akong napapalakpak. "Napakagaling ng kapatid ko, ano?" baling ko kay Maxrill Won na hindi ko inaasahang nakatingin na sa akin.

Bahagya siyang natawa saka nakangiting nilingon ang kapatid ko. "Well, Maxpein danced better but your sister's good."

Napanguso ako ngunit ngumiti rin. "Sumayaw pala si Ate Maxpein?"

Ngumiwi siya at tumango. "But not as lively as your sister." Saka siya tumawa.

Hindi ko ma-imagine na sumasayaw si Ate Maxpein. Nasanay ako sa pananahimik, blankong titig at mga tingin niya. Ano kaya ang itsura niya kapag sumayaw?

"Mind if we wait outside?" malakas na tanong ni Maxrill Won, nilabanan ang lakas ng tugtog mula sa speakers ng hall.

Tumango si Bree, ang paningin ay tutok sa sarili mula sa malaki at malapad nilang salamin. At tila nagbibilang habang sinasabayan ng indayog ng katawan.

"We'll get you a drink," dagdag pa ni Maxrill Won saka ako inakay palayo roon.

Magsasalita na sana ako nang magtilian ang mga babae mula sa hall kaya napalingon ako pabalik doon. Saka ako nag-angat ng tingin kay Maxrill Won at napabuntong-hininga. Naisip ko agad na siya ang dahilan ng pagtili ng mga babaeng 'yon pero mukhang wala siyang ideya. Sa halip ay pinagtaka niyang lumingon pa 'ko ro'n habang sinasabayan siyang maglakad.

"Let's have some coffee while waiting," ngiti niya nang makalabas kami. Inilabas niya ang cellphone at nag-text. "I'll tell your mom na hihintayin natin si Bree."

Napangiti ako. Kaswal na siyang mag-Tagalog ngayon, hindi na gaya no'ng mga nakaraan na lamang ang pagkailang doon. Mas gusto ko ang boses niya sa t'wing ganito siya magsalita. Lumalakas ang dating niya at kakaiba ang epekto sa simpleng tinig lang. Hindi kapani-paniwala.

Sa unang pagkakataon, nakapasok ako sa coffee shop na naro'n sa likod ng BIS. Malapit iyon sa parking lot sa labas at halos katabi ng BIS hospital. Napangiti ako sa ganda ng lugar, halos lahat ay kakulay ng kape. Mula sa exterior designs hanggang sa gamit sa loob. Nalanghap ko agad ang amoy ng coffee nang makapasok. Kasunod no'n ang mabangong amoy ng iba't ibang bread.

Naghanap ng silya si Maxrill kahit na bukod sa 'min ay may dalawang estudyante lang na naro'n. Nakita kong sumulyap ang mga 'yon sa 'min at nagkatinginan saka nag-iwas ng mga tingin. Iyong may corkboard sa tabi at pandalawahang mesa ang napili niya. Inalalayan niya akong maupo saka pumunta sa counter.

"What do you want to have?" ani Maxrill Won habang ang nakatingala sa kulay kapeng menu board sa ibabaw ng counter.

Tuloy ay nakita ko ang paghanga at pamumula ng crew na kaniyang kaharap. Na agad pinigilan ang paghanga nang makita akong nakatingin. Ngumiti ako at tinanguan ang crew. Sa unang pagkakataon, tanging paghanga at hindi napalitan ng awa ang nakita ko sa kaniyang mukha matapos niya akong tingnan mula sa mukha hanggang sa aking paanan. Kung ako ang tatanungin, paniguradong malala pa ro'n ang magiging reaksyon ko sa unang pagkakataong makita ko si Maxrill.

"Kahit ano na lang, Maxrill Won," masayang tugon ko.

Inilibot ko ang paningin sa maganda bagaman maliit na lugar saka muling humanga. Kakulay halos ng kape ang lahat ng disenyo sa loob, hindi nalalayo sa labas. Lahat ng mesa, walls at counter ay gano'n sa kulay ng creamy coffee. Habang ang mga silya, door, ceiling, cork boards, menu at frames ay gano'n sa brown coffee. Ang flooring naman ay kakulay ng dark cofee, makintab at maaaninag ang blurred na imahe ng lahat. Kaliwa't kanan din ang plants, merong nasa malalaking paso at stand sa floors, meron din namang naka-hang. Maaliwalas tingnan ang coffee shop at talagang nakakatakam tingnan ang breads sa display shelves at cakes sa may kalakihang display case na naroon sa counter.

Gano'n na lang ang tuwa ko nang maglakad palapit si Maxrill Won bitbit ang tray. Umuusok na dark coffee, makulay na cold drink at dalawang nakakatakam sa laking bread ang in-order niya. Napatitig siya sa 'kin nang makita ang tuwa ko saka nakangiting umiling.

"You like breads?" tanong niya.

Magkakasunod akong tumango. "Oo, kaysa sitsirya."

"I like everything," ngiti niya habang nilalagyan ng straw ang makulay na drinks. Yellow, green at red ang kulay niyon. "Including you." Hindi ko inaasahan ang banat niya.

Pinalobo ko ang bibig ko saka natawa. "Salamat sa libre, Maxrill Won," sabi ko nang tanggapin ang inumin at tikman 'yon. "Ang sarap," masaya kong dagdag.

Dinampot niya ang tasa ng coffee at nakangiting sumimsim doon. Saka siya humiwa sa bread at kumain. "Wanna go out on a date?" hindi ko na naman inaasahan ang tanong niya.

Napangiti agad ako at magkakasunod na tumango. "Sige," nahihiya, kabadong sagot ko kahit na makikita talagang gusto ko.

"Have you tried...hiking?" nakangiti man ay may alinlangan sa tingin niya. Marahil ay nag-aalala na baka hindi ko magustuhan ang tanong niya. Sino man siguro ay mag-aalinlangang magtanong kung nakapag-hike na ang tulad kong may bakal na paa.

Umiling ako. "Hindi pa."

Maingat siyang ngumiti. "Let's go hiking, then."

Napuno agad ng excitement ang dibdib ko at pinigilang ipakita 'yon. "Magpapaalam ako kay nanay."

Sa sandaling iyon pa lang, iniisip ko na kung anong pakiramdam no'n at kung saan kami pupunta. Kung ano ang makikita at gaano iyon kasaya. Puro positibo ang pumasok sa isip ko gayong hindi pa naman ako pinapayagan ng aking magulang.

Naubos na ni Maxrill Won ang kape at tinapay niya nang dumating si Bree. Pakiramdam ko sandali pa lang kami ro'n pero matagal na pala. Sadyang nalibang lang ako sa oras kasama siya.

"Birthday mo na next week, ate," ani Bree. "Ano'ng gusto mong regalo?" nagulat ako sa tanong ni Bree nang makababa kami sa bago na namang sasakyan ni Maxrill Won. 'Buti na lang at bumalik ito sa loob para kunin ang pasalubong niyang cakes at drinks kina nanay, tatay at kuya. Sigurado akong hindi niya narinig si Bree kahit malakas ang boses ng kapatid ko.

"Kahit wala, Bree," naiilang kong sabi.

Ngumuso siya. "Parati kang may regalo kapag birthday ko. Dapat bigyan din kita. Sige, ako na lang ang bahala."

Sumenyas akong tumahimik siya at saka sinalubong ng ngiti si Maxrill Won. Para akong malulusaw sa tingin niya gayong wala akong makita sa itim na shades niya na nadadapuan ng pino at pantay niyang buhok. Hinubad niya 'yon at isinabit sa leeg ng itim na t-shirt niya.

"Nakauwi na po kami," anunsyo ko nang makapasok kami sa bahay. "Tuloy ka, Maxrill Won," anyaya ko nang makitang wala sa sala si tatay. "Gusto mo ba ng maiinom? Tubig nga lang ang meron kami," nahihiya kong sabi. "May malamig, meron ding hindi."

Napatitig sa 'kin si Maxrill Won saka natawa. "I'm okay,"aniyang hinawakan ang siko ko saka inilapag sa sofa ang mga gamit ko.

Lumabas mula sa kusina si nanay, paniguradong naghahanda na 'to ng hapunan. "Mm, dito ka na kumain, Maxrill." Binalingan niya ito matapos ngumiti sa 'min ni Bree.

"No, it's okay, tita," bakas ang alinlangan sa tinig ni Maxrill. "Nenita's going to cook for me. I'll go ahead na rin, thanks for asking."

"Mag-iingat ka sa pagmamaneho," pahabol ni nanay.

"I will. I'll see you again tomorrow, tita." Tumango si Maxrill Won at lumabas.

Sumunod ako para ihatid naman siya. "Sigurado ka ba'ng hindi ka dito kakain?" Gusto ko siyang pilitin pero dahil sa alinlangang nakikita ko sa kaniya, sigurado akong hindi siya mapipilit.

"I know your dad doesn't want to see me, Dainty Arabelle. I have to respect that."

"Pasensya ka na kay tatay, ah? Mabait naman 'yon."

Napatitig siya sa 'kin at cute na tumawa. "I know."Pinisil niya nang bahagya ang pisngi ko. "Lahat naman mabait sa 'yo."

Napangiti ako hindi lang sa sinabi niya, kundi sa pantay niyang pananalita. "Napakahusay mo na sa Tagalog, Maxrill Won."

"You think so?" bumaba ang tingin niya sa labi ko saka muling sinalubong ang tingin ko.

Naitikom ko ang bibig ko at saka tumango dahilan para muli siyang matawa. Ginulo niya ang buhok ko saka sumenyas na sasakay na siya sa kotse.

"I'll see you tomorrow, Dainty Arabelle." Kinuha niya ang kamay ko at hinalikan ang mga daliri niyon, napalobo ko ang bibig ko at tinago ang naramdaman ko dahil do'n.

"See you, Maxrill Won. Ingat ka sa pagmamaneho."

Ngumiti siya sa 'kin at umatras hanggang sa bitiwan ang kamay ko. Tinanaw ko siya nang sumakay sa sasakyan. Binaba niya ang bintana para mapanood ko siyang iatras at iabante 'yon. Kumaway at bumusina siya bago tuluyang lumayo.

Magmula sa pagkain ng hapunan hanggang sa pagtulog ay nakangiti ako. Iisipin ko pa lang ang lahat ng ginagawa ni Maxrill Won para sa 'kin, hindi ko na mapangalanan ang saya. Ang totoo kasi ay kontento na akong nakalakad ako muli matapos ang matagal na pagkakaratay sa kama. Hindi ko alam kung sapat ba ang kabaitan at oras-oras na pagpapasalamat sa langit para mabigyan ako ng ganitong grasya. Pakiramdam ko kasi, si Maxrill Won ang pinakamagandang iniregalo sa 'kin. Na kahit ilang beses kong isiping hindi siya karapat-dapat sa 'kin, binibigyan niya ako ng dahilan para baliin ang isiping 'yon. Madali niyang naipararamdam sa 'kin na karapat-dapat ako sa nararamdaman niya at para sa 'kin, walang katulad ang regalong 'yon.

"Magandang umaga, Maxrill Won," nauna akong bumati nang magkaharap kami kinabukasan.

Hindi ko na mabilang kung ilang beses ko siya nakitang nakasuot ng itim at puti na t-shirt, itim o khaki pants. Parang nagpapalit lang siya sa mga kulay na 'yon habang dumaraan ang araw. Pero kahanga-hangang parating bago ang dating niya sa t'wing makikita ko.

"Magandang umaga rin sa 'yo, Hee Yong!" magiliw kong dagdag na sinundan agad ng kahol nito kaya humanga ako. "Ang talino talaga ng baby mo, Maxrill Won."

Ngumisi siya, sinulyapan ang aso saka tumingin sa 'kin. "Baby natin."

Natulala ako at naiilang na sinulyapan si nanay. Gano'n na lang ang pagkakalapat ng mga labi ni nanay at nauumay na tumingin kay Maxrill Won.

"You're so grumpy, tita," humalakhak si Maxrill Won. "Anak mo nga si Maxpein."

"Papasok na po kami, 'nay," nakangiti kong sabi. "Hindi po kumain si Nunna kanina, baka po magutom, 'nay."

"Akong bahala sa kaniya," ngiti ni nanay.

Panay ang lingon ko kay Hee Yong habang nasa daan kami papasok. Nakalawit ang dila niya at tila nakangiti habang nakatingin lang sa unahan. Nakakatuwa na kung anong kulay ng suot ng kaniyang ama, gano'n din ang kulay ng sa kaniya.

Gaya nang mga nakaraang araw, nakipagbatian si Maxrill Won sa guard at inihatid ako sa classroom namin. Gaya ko, hindi na nasanay ang mga nakakakita sa 'min. Ang ilan ay humahanga, ang karamihan ay tila naiinggit sa tanawin pa lang namin. Hindi ko alam ang mararamdaman. Pero masaya ako na kahit papaano, nabawasan ang hiya at pagkailang ko. Nasasanay na ako nang unti-unti sa paraan ng panliligaw ni Maxrill.

"Good morning, Ms. Gozon," ang propesor ko sa musika ang bumati sa 'kin nang makasalubong namin sa hallway.

"Good morning, Mrs. Gertyard," tugon ko.

"Good morning, Mr. Del Valle," hindi ko inaasahang kilala rin nito si Maxrill Won pero hindi na dapat ako nagulat doon. "Nakausap ko na si Mr. Faller tungkol sa musical play na gagawin sa susunod na linggo. Sad to say pero hindi siya pumayag sa special project na ni-request mo."

Nabalutan ako ng kaba at lungkot. "Gano'n po ba?"napabuntong-hininga ako at hindi nasalubong ang tingin ni Maxrill nang lingunin niya ako.

"I'm so sorry, Dainty," hinawakan ng propesora ang kamay ko, pinilit kong ngitian siya. "Naiintindihan ko na hindi ka sanay sa audience pero ang sabi ni Mr. Faller, kailangang lahat ay mag-participate."

Napabuntong-hininga uli ako. "Naiintindihan ko po, Mrs. Gertyard. Sinubukan ko lang pong hilingin na kung maaari ay mag-special project na lang ako at nagpapasalamat po ako na sinubukan niyo pong pagbigyan ang request ko."

"Thanks for understanding, Dainty." Ngumiti ang propesora. "Uhm, may isa pa akong ibabalita sa 'yo."

Napatitig ako sa kaniya. "Ano po 'yon?"

"Ikaw ang gustong mag-lead ni Mr. Faller. Sa dami ng nag-audition, ikaw pang nagre-request ng special project ang napili nila ni dean."

"Po?" lalo akong nabalot ng kaba.

Naalerto si Mrs. Gertyard. "Dainty, listen to me. Bagay na bagay sa 'yo ang lead role. You're beautiful, soft-spoken and...you're perfect fit for the role of a princess."

"Pero..." gano'n na lang kabilis nangilid ang mga luha ko sa takot at pagtutol sa sinasabi niya. "Hindi ko po kaya, Mrs. Gertyard. Kaya po ako humingi ng special project dahil hindi ko po talaga kayang mag-participate sa play. Hindi ko po kayang...humarap sa maraming tao, Mrs. Gertyard."

"Dainty..." napabuntong-hininga si Mrs. Gertyard.

"Hindi ko po talaga kaya," naro'n na ang pakikiusap sa tinig ko. Hindi ko siya magawang tingnan sa mga mata at inaalala ko kung ano na lang ang iniisip ni Maxrill sa tabi ko.

"Why don't you give it a try, Dainty?" ani Maxrill. "They trust you that's why they're giving you the role."

"Pero...Maxrill Won," naro'n ang magkahalong takot at pagkabalisa ko. "Tingnan mo 'ko..." nagbaba ako ng tingin sa paa ko. "Ito ba ang...perfect para sa role?"

Hindi ko inaasahang tatango siya. "Yes." Lalong hindi ko inaasahan ang sagot niya, maging ang pagngiti. "Ikaw ang perfect sa role." Kinuha niya ang kamay ko at kinulong 'yon sa mga kamay niya. "Sasamahan kita sa lahat ng oras, don't worry."

Napatitig ako sa kaniya at hindi alam ang sasabihin. Paanong nabago ng mga salitang 'yon ang alanganing kompyansa ko? Sa kabila ng matinding takot at alinlangan, tila nagkaroon ng pundasyon ang tiwala ko dahil sa gano'ng sinabi niya. Paano nagagawa 'yon ni Maxrill Won?

Gaya ng sinabi niya, sinamahan ako ni Maxrill Won nang magsimula agad ang practice ng musical play kinabukasan. Dahil mas excited siya sa 'kin, siya ang nagbalita kay nanay kaya nang hapunan ng gabing 'yon ay hindi sila magkandaugaga sa katatanong sa 'kin. Sa sobrang tuwa ni tatay, binalewala niya nang imbitahin ni nanay si Maxrill na sa amin maghapunan. Tuloy, mas tumaas ang kompyansa ko nang makita ang excitement at paghanga sa mga mata at mukha ng pamilya ko. Hindi lang isa, dalawa, lima, kundi pitong araw akong sinamahan ni Maxrill Won sa practice. Ni isang araw na nagdaan, walang nagbago sa tuwa at sipag niya sa pagsama. Sa pagtaas ng noo niya habang nanonood sa 'kin, para bang proud na proud siya na ako ang bibida sa musical play.

Lahat sa klase ay may partisipasyon, palibhasa ay twenty-five lang kami. Ako at si Gideon ang napiling bida sa musical play, siya ang mayamang prinsipe habang ako ang prinsesa mula sa naghirap na kaharian at pamilya.

Halos gaya roon sa Rapunzel ang takbo ng istorya, kaibihan lang, halos lahat ng linya ay idadaan namin sa pagkanta. Lahat ay kakanta, may ilan ding sasayaw. Pero sa lahat ng role, ako 'yong naroon lang sa loob, sa mismong bintana ng pinasadyang kastilyo. Nakaupo, nakalabas ang mahabang buhok at nakatanaw lang sa labas habang nangangarap at kumakanta.

"Kung sino pa itong umayaw, siya pa ang nakuhang bida," dinig kong sabi ni Danice bago magsimula ang huling araw ng aming practice.

Nilingon ko si Maxrill Won na noon ay nasa gitna ng malawak na mga upuan, nakapandekwatro at hindi inaalis ang paningin sa 'kin gaya noong unang practice.

"Napapaisip tuloy ako, Dainty," dagdag pa ni Danice habang inaayos ang sariling makeup sa maliit niyang salamin. "Ayaw mo ba talaga o nagpapilit ka lang?"

Hindi ako sumagot at sa halip ay binaling na lang sa mga kasama ko ang paningin. Pero halos lahat sila ay gano'n yata ang tingin sa 'kin. Maliban kay Gideon na ngumiti at umiling, sa gano'ng paraan sinasabing para sa akin ito at huwag na lang silang pansinin.

"Class, ito na ang last day ng practice ninyo. I want you to work as a team and do your very best. But of course, enjoy the moment. Though you're doing this para sa section at grades ninyo, you're all doing great! I'm proud of you, class," ani Mrs. Gertyard bago magsimula. "Ang laki ng improvements ng lahat mula nang day one. I know na maganda ang magiging resulta ng performance ninyo."

"Thank you, miss," sabay-sabay na sagot ng klase.

"Sige, magsimula na tayo," ani Mrs. Gertyard na sa 'kin huling dumapo ang paningin at tumango. "Dainty,"iminuwestra niya ang mikropono.

Lumapit ako sa mikropono. "Test" Gano'n na lang ang pagtigil ko nang tumayo si Maxrill Won at bigay na bigay na pumalakpak.

"That's my girl!" aniya pa na patuloy pa rin sa pagpalakpak, seryoso at bigay na bigay.

"Psh! Wala pa nga," dinig kong bulong ni Danice.

Napalobo ko ang bibig ko nang mangibabaw ang hiya ko at saka pa lang kinuha ang mikropono upang dalhin sa aking pwesto.

Lumapit sa 'kin si Gideon upang alalayan ako paakyat sa pinasadyang kastilyo nang mangibabaw sa katahimikan ang pagtikhim ni Maxrill Won, sa kabila ng distansya namin. Sabay kaming napalingon sa kaniya ni Gideon at gano'n na lang kalalim at kadilim ang mga mata niya. Napabuntong-hininga ako at napapailing na nilingon si Gideon na pinagkibit-balikat na lang nito.

Gaya ng mga naunang practice, kabado pa rin ako at ramdam ang nginig sa boses ko. Gayong hindi gaya ng iba, nakaupo lang ako at tanging mukha at mga kamay lang ang umaarte. Bukod sa paulit-ulit na pagbagsak nang kunyaring mahabang buhok at pagkanta, wala nang espesyal sa ginagawa ko hindi katulad ng iba.

Pero hindi gaya noong una, hindi na ako nagkakamali mula kahapon. Nadagdagan din ang paghanga sa mga mata ng mga nanonood at nakikinig sa t'wing eksena ko na sa pagkanta. Kahit hindi kasintaas ng mga kinakanta nina Danice ang nakaatas sa 'kin, halos katulad ng paghanga sa kaniya ang nakikita ko sa mga mata ng nanonood at nakikinig sa 'kin.

"Ito ang isusuot mo bukas, Dainty." Lumapit si Mrs. Gertyard at inilahad ang puti at matigas na kahon sa akin. "Naipa-laundry ko na 'to pero kailangang i-hanger mo pagkauwi para hindi masira ang korte."

Binuksan niya 'yon, kinuha at inilahad upang maipakita sa akin. Natakpan ko ang bibig ko sa maghalong gulat at paghanga nang makita ang kabuuan ng gown na ipasusuot sa akin.

Isa iyong light blue na long gown na katulad na katulad doon sa mga prinsesang napapanood sa telebisyon. Maikli at maliit, halos nasa magkabilang balikat lang ang manggas niyon na tila net sa nipis. Kurbadong bulaklak ang leeg at likod niyon na halos kasimbaba ng dibdib at may pa-V na siwang sa mismong cleavage. Maliit at masikip ang bewang, at palobo ang mahaba at mabulaklak niyong palda. May kasama iyong puting tela na gwantes na hanggang siko ang haba; maliit at pilak na tiara na para sa buhok; dyamanteng kwintas at mga singsing; at sapatos na gawa sa balat at kulay asul.

"Napakaganda..." hindi ko naitago ang paghanga."Salamat po, Mrs. Gertyard," ngiti ko.

Hinawakan niya ang kamay ko. "Proud ako sa 'yo, Dainty."

Nangilid ang luha ko sa tuwa. "Salamat po sa tiwala sa 'kin, Mrs. Gertyard."

Niyakap niya ako at saka kami nagpaalaman sandali. Pagkatapos naming ibalot muli ang long gown ay inakay niya na ako palabas ng dressing room. Kung saan hindi ko inaasahang naghihintay na si Maxrill Won.

"See you on Monday, miss," ngiti niya sa propesora saka kinuha ang malaking kahon dito.

"Thank you, Mr. Del Valle," bumaling sa 'kin si Mrs. Gertyard. "See you, Dainty."

"See you po, ingat po, Mrs. Gertyard."

Hindi na halos mawala ang itsura ng long gown sa isip ko habang nasa byahe. Tuloy ay panay lang ang pagtawa ko sa asaran nina Maxrill Won at Bree Anabelle. Hindi na nawala pa ang excitement na 'yon hanggang sa dumating ang araw ng Lunes.

Maaga pa lang ay naligo na ako at bago dumating ang hair dresser at makeup artists sa bahay namin ay nakahanda na ako sa harap ng vanity sa aming kwarto. Panay ang daldalan ng tatlong propesyunal na siyang mag-aayos sa akin. Halos hindi ko naman nakita ang kanilang ginagawa dahil kung hindi nakapikit para sa makeup, nakaharang ang isa sa tatlo sa salamin dahilan para hindi ko makita ang aking itsura. Oras ang itinagal bago nila naisuot ang long gown sa akin. Pare-pareho kaming nahirapan dahil napakabigat niyon at kailangang maingat na isuot.

Nagugulat na tumitig sa akin ang tatlong propesyunal. Hindi na nila kailangang magbigay ng papuri sapagkat mababasa na 'yon sa kanilang mga mukha.

"Manyika ka ba, girl?" anang isa.

"Prinsesa ka, girl," anang ikalawa.

"Pwede rin siyang reyna, dalagang reyna, gano'n!"anang ikatlo.

Napabuga ako ng hininga sa sobrang kaba. "Maaayos po ba ang itsura ko?" alinlangang tanong ko.

"Hindi ko nga alam kung may inayos pa ba ako dahil natural na ang ganda mo pero..." napapailing, napapamaang na anang ikatlo. "Ngayon lang ako natulala sa dami ng inayusan ko." Hindi ko alam kung nakuha ko ang ibig niyang sabihin. Napalobo ko ang aking bibig.

"Grabe, Ate Dainty!" literal na naluha sa paghanga si Bree Anabelle nang biglaan siyang pumasok sa kwarto matapos tawagin ng tatlong bakla.

"K-Kumusta, Bree? Bagay ba sa 'kin?" lukot ang mukha, puno ako ng pag-aalala at kaba. Hindi ko matingnan ang sarili ko sa salamin.

"Napakaganda mo, ate!" lumuluhang palahaw niya. "Kapatid ba talaga kita?"

"Bree..." nabawasan ang kaba ko at kahit papaano ay tumaas ang kompyansa.

"'Nay!" malakas niyang pagtawag, nang-aalerto. "Nanay! Dalian mo, dali!"

"Mother!" palahaw rin ng mga propesyunal na baklang nag-ayos sa akin.

"Ano ba 'yon?" halos hindi magkandatuto si nanay sa pagpasok sa aming kwarto, may inis sa mukha. Ngunit awtomatikong natulala nang tuluyan akong makita. Natutop niya ang bibig at naglakad paikot sa akin. "Sino ba 'tong dalagang 'to?" biro pa niya.

Ngumuso ako. "Nanay naman, eh..."

"Napakaganda mo, Dainty," puno ng katotohanan ang boses niya.

"Girl, tingnan mo ang sarili mo sa salamin nang malaman mo ang sinasabi namin!" anang isang bakla at saka humarap sa akin.

"Nasa'n po ang salamin?" tugon ko.

"'Eto," aniyang isinenyas ang kabuuan niya, seryoso. "Ako ang salamin at ang ganda ko ang makikita mo sa 'yong sarili."

"Bakla ka, tinatakot mo 'yong bata," asik ng ikalawa. "Nagha-hallucinate lang siya, 'wag mo nang pansinin."Nagtawanan kami.

"Nandito na si Maxrill Moon," tinig iyon ni Kuya Kev, kumatok bagaman bukas naman ang pinto. Umawang ang labi niya at hindi makapaniwalang tumitig sa 'kin. "Dainty..."

Para akong maiiyak sa paghanga na nabasa ko sa kanilang mga mata. Hindi lang sina Bree at nanay, at ang tatlong propesyunal ang nabahiran ng paghanga ang mga tingin sa 'kin. Dahil halos naluha si tatay matapos akong makita at paulit-ulit na pinuri ang ayos ko gayong humahanga rin ako sa ganda ng suit niya.

"Good morning," gano'n na lang ang kaba ko nang mangibabaw ang tinig ni Maxrill Won mula sa aking likuran.

Marahan ko siyang nilingon matapos kong matigilan. Dahan-dahan din niyang ibinaba ang itim niyang salamin at napako ang paningin sa 'kin. Maging ang paglunok niya at nakita ko. Nagbaba ako ng tingin at sa kabila ng maraming papuring narinig at nakita ko, sa reaksyon niya ako nakasiguro. Ang mga mata niya ang kumpirmasyon na talagang maganda ang ayos ko.

"Dainty," lumulunok niyang pagtawag matapos lumapit sa 'kin. Na kahit gano'n na lang kalakas ang pagtikhim ni tatay ay hindi niya naalis ang paningin sa 'kin.

"Maxrill Won," mahinang tugon ko.

Umawang ang labi niya ngunit hindi nakapagsalita, paulit-ulit niyang nilibot ng paningin ang kabuuan ng aking mukha. Saka siya nag-iwas ng tingin at tila wala sa sariling tumango sa lahat.

"Good morning," hindi ko alam kung iyon ba dapat ang kaniyang sasabihin. Nagbulungan ang tatlong bakla, tila mas kinilig pa sa akin matapos siyang makita. "We can't be late," aniyang inilahad ang braso sa akin.

Ngumiti ako at tinanggap iyon. Paniguradong dama niya ang panginginig ng kamay ko. Nakaalalay siya sa bawat hakbang ko. Naghahalo ang matinding kaba, tuwa at excitement sa aking kabuuan.

Gano'n na lang ang gulat ko nang panibagong sasakyan ang makita kong nakaparada sa harap ng aming bahay. Hindi lang isa kundi dalawa! Mahahababa iyon at kumikinang sa kintab at itim na mga limousine. Gaya iyon sa mga nakikita kong sinasakyan ng mga mayayaman, kilalang tao at mga hari at reyna, prinsipe o prinsesa.

"Good morning, Princess Dainty Arabelle," gano'n na lang kaganda ang ngiti ni Tiyo Dirk matapos kaming pagbuksan ng pinto.

Nag-init ang pisngi ko at naglapat ang aking labi. "Magandang umaga po, Tiyo Dirk."

Inalalayan ako papasakay ni Maxrill Won at saka siya naupo sa tabi ko. Hindi ko magawang lingunin siya sapagkat hindi naaalis sa akin ang kaniyang paningin hanggang sa makarating kami sa school.

"You're so beautiful, it makes me want to kiss you,"mahinang ani Maxrill Won dahilan para lingunin ko siya. Talaga nga yatang hindi niya inalis ang paningin sa 'kin. "I really want to kiss you."

Natuliro ako, napalingon kay Tiyo Dirk na tutok lang sa unahan ang tingin at sa mga bintana. "Hala, ano..." hindi ko alam ang gagawin.

Matunog siyang ngumiti, natawa. "Later."

Kumuyom ang palad ko sa isiping hahalikan ako ni Maxrill Won mamaya. Magkakasunod na iling ang ginawa ko nang bumuo 'yon ng sariling imahe sa isip ko.

Pinapasok ang sasakyan hanggang sa quadrangle, sa harap mismo ng hall kung saan gaganapin ang music play. Nagkalat sa harap niyon, hindi lang ang mga estudyante, maging ang faculties at hindi ko makilalang mga tao. May mga camera na para bang may shooting doon ng eksena. Sa labas pa lang ay may red carpet nang nakalatag at ang isiping maglalakad ako papasok do'n, nang may ganoon karaming tao, parang humihiwalay na sa kaba ang kaluluwa ko.

Hinintay naming makapasok ang lahat saka nagbaba ng bintana si Maxrill Won matapos lumapit sa sasakyan namin si Mrs. Gertyard.

"Oh, my...Dainty," gaya ng pamilya ko, humihiyaw ang paghanga sa kaniyang paningin. "You're so beautiful, hija," aniya na hindi napigilang ipasok ang kamay sa bintana upang haplusin ang aking mukha.

Nag-init ang mga pisngi ko. "Salamat po, Mrs. Gertyard."

"Let's go now, the play will start in five minutes,"nagmamadaling aniya na pinagbuksan na ako ng pinto. "Sa likod ang daan natin."

"Let's go?" inilahad ni Maxrill Won ang kamay sa 'kin saka ako inalalayan.

Sa harap ng hall pinadaan ang pamilya ko, may nakalaan umanong silya na para sa kanila. Sina Maxrill Won at Mrs. Gertyard naman ang umakay sa 'kin sa back door. May access iyon patungo sa dressing room ng stage hall.

Gano'n na lang ang paninitig at bulungan ng mga kaklase ko, maging ng mga staff na naroon sa backstage. Ang karamihan sa kanila ay humahanga dahilan para lalo akong kabahan at mahiya. Panay ang buntong-hininga ko at umaasa sa pag-alalay ni Maxrill Won dahil pakiramdam ko ay manghihina ako.

"I'll leave you here," ani Maxrill Won nang maihatid ako nang tuluyan at maiupo sa likod nang malaki at mataas na kurtinang pumapagitan sa performers at crowd.

Tumango ako. "Salamat, Maxrill Won," nanginig sa kaba ang tinig ko.

Yumuko siya at hindi ko inaasahang hahalikan ang pisngi ko. "I love you, Dainty Arabelle," bulong niya na gumulat sa 'kin!

Gano'n na lang kaseryoso ang mukha niya nang hawakan ang pisngi ko at dampian ng daliri ang labi ko. Gano'n na lang din kahigpit ang pagkakahawak niya sa kamay ko, na maging ang kaba niya ay tila naramdaman ko. Hindi ako nakasagot at sa halip ay natulala na lang hanggang sa hindi ko na makita ang pag-alis niya.

Sa mga natitirang minuto, ang mga huling salitang binitiwan niya ang tanging laman ng isip ko. Ang kaninang kaba at pag-aalala ay napalitan na ng umaalong pakiramdam sa dibdib at tiyan ko. Na kahit anong lingon ko sa pinto kung saan siya lumabas, parang nakikita ko ang likuran niya.

Maxrill Won...

To be continued. . .

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top

Tags: #maxinejiji