CHAPTER 41
CHAPTER 41
NAPATITIG AKO kay Maxrill Won nang maging seryoso na siya hanggang sa matapos ang lahat ng aking klase at makarating kami sa bahay. Tahimik at tipid kumibo kapag tinatanong. Gusto ko tuloy malaman kung ano ang iniisip niya para manahimik siya nang gano'n. May kinalaman kaya sa ginawa nina Danice sa 'kin 'yon?
"Maxrill Won?" pagtawag ko nang buksan niya ang pinto ng sasakyan sa gawi ko at akma na akong aalalayang bumaba. Nauna nang pumasok sa bahay si Bree at nagsabi akong susunod na lang.
"Hmm?" tipid siyang ngumiti at deretso akong tiningnan.
"Napansin ko kasing tahimik ka kanina pa...ano,"lumunok ako. "Nagalit ka ba kina Danice?"
Nangunot ang noo niya saka nag-isip. "Danice who?"
Nanlumo ako. Nakalimutan na naman ba niya kung sino 'yon? Napabuntong-hininga ako. "Ano...'yong kaklase ko na kumausap sa 'yo kanina. 'Yong nakilala mo sa birthday party ni Rhumzell. 'Yong minsang isinayaw mo sa acquaintance party. 'Yon si Danice. Natatandaan mo na?"
"No." Ngumiti siya pero ang kasunod no'n ay malalim na buntong-hininga.
"Ano'ng no?"
"I don't remember her, Dainty," lumaylay ang mga balikat niya.
"Nagalit ka ba ro'n sa mga babaeng nam-bully sa 'kin kanina?"
Natigilan siya at napatitig sa 'kin. Nag-iwas siya ng tingin at bumuntong-hininga. "No." Hindi ko sigurado kung totoo ang sinagot niya.
"Gano'n lang sila pero...mabait 'yon si Danice, Maxrill Won."
Napatitig siya sa 'kin, nakakunot ang noo at panay ang buntong-hininga. Na sa sobrang tagal, pakiramdam ko ay marami na siyang naisip. Saka siya tumawa at tumango.
"Fine. I believe you." Naging sinsero ang ngiti niya nang tingnan ang kabuuan ng mukha.
Lumapad ang ngiti ko. "Gusto mo bang dito maghapunan? Paniguradong nagluluto na ng hapunan si nanay."
Sumilip siya sa bahay. "Of course, I would love to eat dinner with you but...I don't think this is the best time. Your dad hates me, Dainty. Let's give him some time."
Ako naman ang napabuntong-hininga. Pinilit kong ngumiti saka tumango sa kaniya. "Sige."
"I'll come back tomorrow to pick you up."
"Sigurado ka ba diyan?"
Nangunot na naman ang noo niya saka natawa. "Oo naman," inayos niya ang buhok ko.
"Baka mapagod ka lang. Lalo na't panay ang paroo't parito ninyo ni dean sa hallway. Ano ba'ng ginagawa ninyo?"
"Rainy season is coming, he's preparing the ceilings just in case. He's showing it to me so I can explain it to Deib Lohr. He's the best engineer in town."
"Gano'n ba?" tumango-tango ako.
Ngumiti siya. "Let's go?" aniya sakai inilahad ang kamay sa 'kin upang alalayan akong makababa.
Kinuha niya ang mga gamit ko saka ako sinabayan papasok sa bahay. Pinatuloy ko siya pero nanatili siya sa may pintuan lang at hindi na naupo kahit anong alok ko.
"Good evening, sir," tumango si Maxrill Won. "Good evening, tita. Naitahid ko na sila,," ani Maxrill Won nang magkasabay na lumingon sa gawi namin sina nanay.
"Maxrill Won," bulong ko. "Na...i...ha...tid," pabulong na pagtatama ko.
"Naitahid..." pabulong din niyang tugon, walang kasintaas ang kompyansa.
"Na...i...ha...tid."
"I know," napapahiyang ngumiti si Maxrill Won. "Naitahid." Mali pa rin siya at bawas na ang kompyansa.
Napabuntong-hininga ako. "Masasanay ka rin, Maxrill Won."
"Of course, I am a Del Valle. And besides, I'm a fast learner." Ngumiti siya at saka muling humarap kina nanay. "I'll go ahead and...come back again tomorrow to pick them up, sir." Tumango siya kina nanay at tatay, matagal, si nanay lang ang tumugon ng tango rin, at saka bumaling sa 'kin. "I'm gonna miss you. See you." Kumindat siya saka umatras at tuluyang lumabas.
Tinanaw ko si Maxrill Won at kahit anong buntong-hininga ko, hindi ko mapigilang ngumiti. Hindi ko talaga inaasahang mangyayari ito. Ni minsan hindi pumasok sa isip kong posibleng gawin niya ang lahat ng ito sa akin. Pero 'eto at tinatanaw ko ang perpektong likuran at magandang lakad niya papalayo. At bukod do'n ay makikita ko uli siya bukas.
Bagaman magkakasabay ay tahimik kaming naghapunan ng pamilya ko nang gabing 'yon. Nang makarating naman sa kwarto ay pareho kaming naabala ni Bree sa paggawa ng schoolworks. Okupado pa rin ni Maxrill ang isip ko. Lahat ng ginawa niya kanina, napapangiti ako hanggang ngayon. Hindi ko inaasahan ang mga 'yon sa kaniya, talagang hindi ko hiniling. Pero kusa niyang ibinibigay at ang sarap sa pakiramdam no'n.
Hinahanap ko sa libro ang mga sagot sa assignments ko nang mag-vibrate ang cellphone ko. Napangiti ako nang makitang nakarehistro ang pangalan ni Maxrill Won sa screen niyon.
Maxrill Won:
I'm thinking of you.
Lalo akong napangiti nang makita ang text message niya. Pero paano kong sasagutin 'yon? Iniisip ko rin siya pero ayaw kong aminin sa kaniya 'yon. Kakatwang habang nag-iisip ng isasagot sa kaniya ay muli kong nasulyapan ang libro at nadapuan ng paningin ang sagot sa takdang-aralin. Dali-dali kong isinulat 'yon na nagtuloy-tuloy na. Kaya sa huli, nalimutan kong sagutin ang text message niya.
Hala... Gano'n na lang ang pagmamadali kong pumindot sa maliliit na buton ng cellphone nang maalalang reply-an siya. Tapos na ako sa ginagawa ko at nalimutan ko talagang sumagot agad. Tahimik ko pang binibigkas ng bibig ko ang bawat titik at salita na tinitipa ng mga daliri ko sa maliit na cellphone.
Reply:
Magandang gabi, Maxrill Won.
Sana kumain ka na.
Napangiti muli ako sa cellphone nang ilapag ko sa vanity table 'yon saka pinagpatuloy ang pagsusuklay sa mahabang buhok ko. Suklay naman ang inilapag ko doon nang muling tumunog ang cellphone at awtomatiko kong mabasa ang pangalan ni Maxrill Won.
Maxrill Won:
I just ate, in front of the moon.
I transferred the coffee table in the patio.
Although, everyone, specially Nenita,
insisted to do it for me. What's your ulam?
Napangiti ako sa magkahalong Ingles at Tagalog niya sa text. Hindi nawala ang ngiting iyon habang tinitipa ko ang hapunang niluto ni nanay. Sinabi ko na mas marami kaysa normal ang nakain ko nang gabing 'yon. Dahil paborito ko ang maasim na maasim na sinigang na baboy at pritong tilapya. Natawa ako nang isagot niyang sana ay gano'n din ang dinner niya dahil adobong baboy na maraming paminta raw ang niluto ni Aling Nenita para sa kaniya. Naubos umano ang kaniyang oras sa pagtatanggal ng paminta dahil ayaw niya nang mag-utos kay Aling Nenita. Pinagmalaki niya rin na naubos niya ang lahat ng sinaing ni Aling Nenita at bukod do'n ay may desserts pa siya. Sa dami raw ng kinain niya ay nagke-crave pa siya sa pizza. Napangiwi ako at naglakad patungo sa aking kama habang sinasagot siya.
Reply:
Ayaw ko rin ng lasa ng paminta, Maxrill Won.
Parehas tayo.
Nakangiti kong itinabi ang cellphone sa side table at nakatabingi na nahiga sa aking kama. Napabuntong-hininga ako ngunit hindi nawala ang magandang ngiti sa labi ko nang masulyapan ang bilog na buwan.
Sa tagal ko nang tumititig doon, nang si Maxrill Won ang iniisip, nasaulo ko na kung kailan magbabago ang hugis niyon. Saksi ako sa mga gabing itinatago ng dilim, maging ng ulap, ang ibang parte ng buwan. May mga gabing malinaw ko iyong nakikita, may mga gabi ring katamtaman lang ang liwanag na binibigay niyon para makita ko siya. May mga sandaling nalilimitahan ng ulan ang kakayahan ng mga bituing kuminang pero ang buwan, gabi-gabing nakatunghay sa 'kin, nakatingin man ako o hindi.
Maging ang pagsilip niyon sa umaga gaya ng nabanggit ni Maxrill Won ay nakita ko na. Walang tigil akong humahanga sa ganda ng buwan kahit pa ilang beses ko na 'yong makitang magkulang, magbago, magtago at mawala sa kalangitan.
Maxrill Won:
Are you going to sleep?
Can I call you?
Umawang ang labi ko nang mabasa ang sagot niya. Nasilip ko si Bree at napagtantong natutulog na siya. Dahil tutok ako sa pakikipag-text kay Maxrill Won, hindi ko na namalayan ang mga ginagawa ng kapatid ko. Ang huling natatandaan ko ay sabay kaming gumagawa ng homeworks.
Pinayagan ko si Maxrill Won na tumawag at wala pang ilang sandali ay sinagot ko na ang tawag niya. "Hello?"pabulong kong sagot.
Narinig ko ang matunog niyang ngiti sa kabilang linya, awtomatiko akong nahawa. "Hi, Dainty Arabelle. Sorry to bother you, I want to hear your voice."
Napangiti ako lalo. "Magkikita naman tayo bukas, Maxrill Won."
"Hmm, and I can't wait to see you again." Bumuntong-hininga siya. Sandaling natahimik ang aming mga linya. "Are you going to sleep?"
Tumango ako na para bang kaharap ko naman siya. "Oo...sana. Kaso, tumawag ka."
Natawa na naman siya pero kasunod no'n ay tunog ng gitara. "Go to sleep, then. I'll sing you a song."
Nanlaki ang mga mata ko. "Talaga?"
"Hmm," iyon lang ang naging tugon niya saka pinagpatuloy ang pagtugtog sa kaniyang gitara.
Napangiti ako, tugtog pa lang ang naririnig mula sa kaniyang linya. Nakagat ko ang labi nang magsimula siyang kumanta. Pero gano'n na lang ang pag-awang ng labi at pagkunot ng aking noo nang wala akong naintindihan maski na isang salitang kinanta niya. Pero dahil masyadong nakakaaliw ang tono niyon at paraan ng pagkanta niya, pinigilan kong matawa at sa halip ay pinakinggan iyon mabuti hanggang matapos.
"Huh?" ungot niya na inaalam kung ano ang masasabi ko.
Pinigilan ko lalo ang matawa. Paano'y gano'n na lang kayabang ang paraan ng pagkakaungot niya gayong babylang ang naunawaan ko sa haba ng kaniyang kinanta. Ngunit aaminin kong may dulot na kiliti sa akin ang natural na paos at humahagod sa ganda ng boses niya. Ganoon kapropesyunal sa pagkanta at pagtugtog si Maxrill Won, imposibleng hindi hangaan. Kung gaano katindi ang paghanga ko sa boses ni Bree, nahigitan ng sa kaniya.
"Napakaganda ng boses mo, Maxrill Won,"pakiramdam ko ay naiparating ko ang paghanga nang sabihin 'yon. "Kahit pa...wala akong naintindihan sa kanta." Kinailangan kong idagdag 'yon para hindi mapahalata ang matinding naramdaman ko sa pagkanta at pagtugtog na ginawa niya.
Natawa siya. "It means I miss the one I like and I'm falling deeper in love with her."
Napalunok ako sa ibig sabihin ng kanta. Bigla ay hindi ko alam kung anong isasagot do'n. Pakiramdam ko ay nag-init ang pisngi ko ngunit hindi dahil sa hiya. Nakagat ko ang labi ko at pinigilang mangiti na para bang naro'n naman siya para itago ko 'yon sa kaniya.
"I sang it in Korean because I know I can never make her understand my feelings," bigla ay malungkot niyang dagdag kasunod nang malalim na buntong-hininga. "I know she's still doubting me."
Naitikom ko ang bibig ko at hindi nakapagsalita. Kinain ako ng konsensya dahil gano'n ang naipararamdam ko sa kaniya. Gayong wala naman siyang sinabing ako ang tinutukoy niya.
"But it's okay, I'm going to prove her that I deserve a chance." Halos pabulong niyang sinabi 'yon.
Napangiti ako at wala sa sariling nagsalita. "Malaki ang tyansa mo, Maxrill Won," pabulong ko ring sinagot na para bang isandaang porsyento akong siguradong ako nga ang babaeng tinutukoy niya. "Nag-aalinlangan ako, oo. Pero hindi lang sa 'yo kung hindi sa akin din mismo, at hinihiling kong maintindihan mo 'yon sa ngayon. Bago sa 'kin ang lahat at..."
Bumuntong-hininga siya sa kabilang linya pero hindi na dahil sa lungkot sa tingin ko. Para siyang nakahinga nang maluwang nang sandaling 'yon.
"I understand, Dainty. You don't need to explain," masigla bagaman mahina niyang tinuloy ang pagsasalita ko.
Hindi ibinaba ni Maxrill Won ang tawag na 'yon. Sa halip ay tinugtugan niya ako nang walang kanta at humihimig sabay ng kaniyang gitara hanggang sa makatulugan ko 'yon. Patay na ang linya nang magising ako kinabukasan pero nagawa pa rin akong pangitiin ng ginawa niya kagabi. Hindi ko tuloy alam kung paano ko siyang kakausapin ngayon. Pakiramdam ko ay mamumula ako dahil mas pinatindi no'n ang nararamdaman ko.
Katok at pagtawag muli ni Kuya Kev ang umalerto sa kilos namin ni Bree nang matapos mag-ready papasok. Palihim akong naglagay ng liptint para hindi ako asarin ng kapatid ko. Pero nakapagtago nga ako kay Bree, si Kuya Kev naman ang nakasaksi sa ginawa ko nang buksan niya ang pinto.
Nakangisi niya akong inilingan. "Maganda ka na kahit wala 'yan," ani Kuya Kev dahilan para mapalingon si Bree at silipin ang ginawa ko.
"Uyyy! Ate, namumula ka!" panunukso ng bunso naming kapatid.
"Bree naman, eh," nakanguso akong nagbaba ng tingin.
"Tama si kuya, maganda ka na kahit wala 'yan. Pero mas gumaganda ka dahil diyan, ate."
"Ayaw ko na nga," nakasimangot kong sinilid ang kolorete sa bulsa ko.
"Uyyy, si ate..." kiniliti ni Bree ang tagiliran ko, sinimangutan ko sa kaniya. "May gusto na si Maxrill Won sa 'yo, pero mukhang lalo siyang mai-in love sa 'yo."
"Ewan ko sa inyo," nahihiya akong nagmartsa palabas ng kwarto.
Hindi gaya kahapon, wala sa sala si Maxrill Won. Walang hindi mabilang na bulaklak na pahirapang hinanapan ng vase ni nanay para matubigan. Hindi rin siya nagdala ng sangkatutak na tinapay na kailangang kainin namin maya't maya para hindi masira. Masaya kaming nagbaon ng mga kapatid ko dahil ayaw kumain ni tatay niyon.
Nasa labas ng pintuang screen si Maxrill Won. Gustuhin ko mang lumapit na, pinipigilan ako ng magandang tanawin niya. Gano'n na lang ang tuwa ko nang makitang kasama niya si Hee Yong. Naka-leash ito at hawak niya sa kaliwang kamay habang ang kaniyang kanan ay nakapasok sa bulsa ng kupas na maong. Nakaitim siyang t-shirt na bahagyang nakaipit ang unahan sa pantalon upang lumitaw ang LV na tatak ng kaniyang belt. Lalo siyang gumugwapo sa itim na shades, lalo pa't humaba na ang kaniyang bagsak at pinong buhok. Lumalampas sa kaniyang tainga, halos umabot na rin sa shades at sa leeg ng shirt niya. Napangiti ako nang makitang suot niya iyong itim na Converse shoes na kagaya sa binigay niya sa 'kin. Kausap niya si nanay sa labas ng bahay.
"Ang gwapo ni Maxrill Won, 'no?" gano'n na lang ang gulat ko sa nanunuksong tinig ni Bree Anabelle.
Nakasimangot ko siyang nilingon at saka ako nagbaba ng tingin. Pakiramdam ko ay ang init-init ng mukha ko dahil sa pamumula niyon. Parang nanlalaki ang ulo ko sa kahihiyan gayong tinutukso lang naman nila ako ng katotohanan.
Muli akong nag-angat ng tingin kay Maxrill Won at tama si Bree. Napakagwapo niya at sa halip na masanay ako sa kaniyang itsura, parang lalo pa siyang gumugwapo sa t'wing makikita ko siya. Ang bawat kilos niya, reaksyon sa kaniyang mukha at pagbuka ng kaniyang bibig, lahat 'yon ay dinidikta kung gaano siya kagandang lalaki. Dumagdag pa ang amoy niyang kahit gaano kalayo ang agwat namin, hindi man kami magkita, parang naiwan na sa pang-amoy ko dahil hindi ko malimutan.
Siya 'yong lalaki na may itsurang kayang magpaiyak ng daan-daang anghel sa langit...
Lumingon siya sa gawi ko at pakiramdam ko ay napigil ng mga titig na 'yon ang paghinga ko. Kaya nagbaba ako ng tingin saka lumabas kung saan sila naro'n. Madilim ang shades niya, pero nararamdaman ko sa 'kin ang mga titig niya.
"Magandang umaga, Dainty Arabelle." 'Ayun na naman 'yong malakas na dating ng boses niya.
Posible pala ang ganitong paghanga. Hindi na 'yon ang unang beses na marinig ko ang boses niya. Sa katunayan, kagabi lang ay inawitan niya pa ako kahit wala akong naintindihan. Napabuntong-hininga na lang ako at naisip kung meron kaya akong pwedeng hindi hangaan kay Maxrill Won?
"Say hello to them, Hee Yong," inutusan niya ang aso na nakadilang tumingin sa 'min habang kumakawag ang buntot.
"Hello, Hee Yong!" masaya kong bati at walang alinlangang lumapit. Naupo ako sa paanan ko at hinimas ang ulo ni Hee Yong. "Masaya akong makita ka!"
"I am here too, Dainty Arabelle," ani Maxrill Won na hinila ang kaniyang aso palayo at saka yumuko sa 'kin nang sobrang lapit, napaiwas ako. "And I said good morning in Tagalog." Nalanghap ko agad ang pamilyar na bango niya, gayong hindi na gano'n kalapit ang mukha namin sa isa't isa.
"Magandang umaga rin, Maxrill Won," pinalobo ko ang bibig ko matapos sabihin 'yon saka tumayo. Sa halip na salubungin uli ang tingin ni Maxrill ay nilingon ko si nanay. "Papasok na po kami, 'nay."
"Sige, mag-iingat kayo. Sasamahan ka raw ni Maxrill Won sa eskwela gaya kahapon," ani nanay.
Napanguso ako. Gusto kong pigilan si Maxrill Won dahil nasisiguro kong naiinip siya kahihintay sa school. Pero aaminin kong masaya ako na nakakasabay siyang kumain sa tanghalian at meryenda.
"Let's go," lumapit si Maxrill Won at kinuha ang gamit ko.
"Kaya kong dalhin 'yan," akma kong aagawin 'yon nang ilayo niya sa 'kin.
"Kaya ko rin." Ngumisi siya saka pinagbuksan ako ng pinto.
Natigilan ako at napatitig sa sasakyan. Iba na naman 'yon sa sasakyang dala niya kahapon. Hindi ko napigilang isipin kung ilang sasakyan ba ang meron sila?
"Oh, hi there, Bree." Nagpanggap si Maxrill Won na noon lang napansin si Bree.
"Hindi mo yata pinuno ng bulaklak at tinapay ang buong bahay?" pang-aasar ni Bree.
"Napuyat ako kagabi, e." Natawa si Maxrill Won at makahulugang tumingin sa 'kin, napanguso ako. Gumanti ako ng ngiti nang alalayan niya ako pasakay.
Gusto kong purihin ang panibagong sasakyang dala niya. Iba na naman ang tatak niyon at kulay itim din. Malaki at may sariling upuan si Hee Yong bagaman mukhang lumiliit na sa kaniya iyon.
"Mabuti at kasama mo si Hee Yong ngayon?" tanong ni Bree, nakitango ako.
"I picked him up earlier," ngumiti si Maxrill Won.
"E, di kaunti lang ang tulog mo?" tanong ko.
Hindi ko inaasahan ang tila kinikiliting ngiti niya. "I'm fine." Sumulyap siya sa 'kin matapos sabihin 'yon.
"Naku..." nanunuksong ani Bree.
Napanguso ako at nag-iwas na lang ng tingin sa labas. Pinigilan kong mangiti dahil kung makaligtas man ako kay Maxrill Won, paniguradong makikita naman 'yon ni Bree.
Gaya kahapon, nakarating kami sa school nang maaga ng kinse minutos. Muling nakipagbatian si Maxrill Won sa guard na gano'n na lang uli kaganda ang ngiti sa 'kin. Hindi ko maiwasang mailang nang mas marami na kaysa kahapon ang mga matang nakatuon sa 'min. Lalo na nang mauna nang pumasok si Bree at magsabay kami.
"You okay?" bulong ni Maxrill Won, lalong lumapit sa 'kin. Para bang naramdaman niya ang pagkabalisa ko.
"Naiilang lang ako dahil parang lahat sila ay nakatingin sa 'tin," nagbaba ako ng tingin. Kung tutuusin, dapat ay sanay na ako. Dahil madalas naman talaga akong makaagaw ng atensyon dahil sa paa ko.
"Because we look good together, Dainty," banat niya. "And you're my first girlfriend."
Gano'n na lang katindi ang gulat ko. "Hala ka, Maxrill Won."
Tumawa siya nang nasa daan ang tingin saka lumingon sa 'kin. "And you'd be my last."
Sumimangot ako at yumuko nang todo para itago ang pamumula ng mukha ko. Dali-dali akong naglakad at inunahan siya hanggang sa makarating sa aming classroom.
"Ya!" gano'n kabilis siyang nakahabol, hindi pa rin nahinto sa pagtawa. "Enjoy studying," halos ibulong niya 'yon.
Nakangiti akong tumango. "Salamat, Maxrill Won."
"For our future."
Natigilan ako at mabilis na pinamulahan ng pisngi. Sumamingot ako ngunit natawa rin nang tumawa siya.
"I'm not joking," dagdag niya habang natatawa.
"Gusto ko ang namamaos na tawa mo, Maxrill Won."
"Sana ako rin gusto mo," banat niya.
Gusto naman talaga... Ngumuso ako at pinigilang mangiti sa sinagot ng isip ko. "Papasok na ako."
Tumango siya. "See you later."
Sinulyapan ni Maxrill Won ang propesora namin at tinanguan. Saka siya muling sumulyap sa 'kin at pinanood ako na maupo sa aking silya. Pinigilan ko na ang sarili kong tingnan siya at sa halip ay nilabas ko na lang mga gamit ko para sa subject na 'yon.
Pakiramdam ko ay mas ganado akong mag-aral sa araw na 'yon. Walang tinuro ang aming propesora na hindi ko naunawaan. Lahat ng dinikta at sinulat niya sa whiteboard ay mabilis ko ring nakuha. Kahit ang quiz na binigay niya, isa lang ang mali ko dahil maling spelling. Kaya lalong lumawak ang pagngiti ko nang makitang naro'n na si labas ng pinto si Maxrill Won bago pa matapos ang unang subject. Isinenyas niya sa 'kin ang bote ng juice at tubig na nakaipit pareho sa mga daliri niya sa iisang kamay lang.
Kinuha ko ang mga gamit ko at tatayo na sana nang pumasok ang propesor namin para sa susunod na subject at nagsalita sa harapan.
"Listen, I have good news for you." Nakangiting ginala ng propesor ang paningin sa buong klase. "Starting today, dito na ako magkaklase ng Organic Chem para hindi na kayo lumipat ng classroom."
Hala! Wow!
Naghiyawan sa tuwa ang mga kaklase ko, lalo na ako dahil sa magandang balitang 'yon.
"May isa pa," masayang dagdag ng propesor. "Sinimulan na rin ngayong araw rin ang pagtatayo nang bagong laboratory natin sa dulo ng hallway ng building na 'to."
Lalong naghiyawan ang mga kaklase ko dahil hindi na naming kailangang lumipat ng building oras na matapos ang laboratory na 'yon. Gano'n na lang kaganda ang ngiti ko dahil alam kong isa 'yon sa mga hiniling ko noon. Bagaman hindi ko inaasahan na magkakatotoo.
"For the meantime, magtiis na muna kayo sa old laboratory natin. Kailangan lang nating hintayin na matapos 'yong new lab, okay ba 'yon?" nakangiting anang propesor na sabay-sabay at masiglang tinugunan ng buong klase.
Gano'n na lang kaganda ang ngiti ko kay Maxrill Won nang sumaglit ako ng lapit sa kaniya. Pero napalobo ko ang bibig ko nang mapansing tila mas matamis pa ang ngiti niya.
"Narinig mo ba 'yong sinabi ng propesor namin, Maxrill Won?" hindi ko pinansin ang maganda at matamis na ngiti niya.
Nakangiwi siyang umiling. "I can only see and hear you, sorry."
"Hindi na kami lilipat ng classroom, dito na lang kami."
Nakangiwi naman siyang tumango. "That's nice."
"Tapos, may ginagawa nang laboratory..." sumilip ako sa labas at nagpalinga-linga sa kaliwa at kanan ng hallway. Pero natigilan ako nang masalubong ang tingin niya dahil gano'n na lang pala kalapit ang mukha namin. "Hindi ko alam kung saan pero may ginagawa nang bagong laboratory. Hindi na namin kailangang lumipat ng building kapag nagawa 'yon."
Tumango siya. "I think ito 'yon," tinuro niya ang malaking room sa tabi ng aming classroom.
"Ang alin?" inosente kong tugon sabay tingin sa tinuturo niya.
Awtomatikong nanlaki ang mga mata ko nang makitang wala nang laman ang katabi naming classroom at nagkakabit na ng ilang kagamitan. Labas-masok ang mga tao ro'n na siyang nagtatrabaho.
"Ang sabi ni sir ay sa dulo ng hallway," sabi ko na pinanonood ang trabahor na sukatin ang may mataas na dingding.
"This is almost the dulo of the hallway, Dainty," ani Maxrill Won. Na awtomatiko kong nalingon at hindi sinasadyang masalubong muli ang lapit ng kaniyang mukha. Napaiwas ako. "Almost, dahil ito ang last room sa floor na 'to." Tinuro niya ang classroom namin.
Napatitig ako sa kaniya at naisip na tama nga siya. "Kung gano'n ay katabi na lang namin ang lab? Ang saya ko!" sabi ko na magkasalikop ang mga kamay at muling lumingon sa kaniya.
"Your class will start now and your prof is waiting for us."
"Ha?" napamaang ako.
"Ha?" ginaya niya ako at inabot ang aking juice at tubig. "Go back to your class."
Gano'n na lang ang pagkapahiya ko nang makita ang magandang ngiti ng aming propesor. Na mukhang hinihintay akong matapos sa pakikipag-usap kay Maxrill Won. Nawala ang lahat ng tuwa ko at nanghihinang naupo sa sariling silya. Hindi ko na nilingon si Maxrill Won pero batid kong umalis na siya roon.
"Si Dainty ang pinakamasaya, kasi hindi na siya mahihirapang gumamit ng stairs," anang lalaking kabarkada ni Danice.
"Oo, masaya talaga ako, Gideon," nakangiti kong tugon.
"Bakit? Nahihirapan ka na bang umakyat at bumaba sa stairs? Don't tell me, nakakaramdam pa ng pagod 'yang bakal mong paa?" nagtawanan ang mga nakarinig sa pang-aasar niya.
Napabuntong-hininga ako at napapahiyang sinalubong ang tingin ng propesor matapos nitong pagalitan si Gideon. Natahimik ang klase at nagsimulang magturo ang aming propesor.
Gaya kanina, walang paglagyan ang pagiging aktibo at atentibo ko sa klase dahil sa magandang balita. Hindi lang sa subject na 'yon kung hindi sa mga sumunod pa. Tuloy ay masaya kong sinalubong si Maxrill Won para sa tanghalian.
"Perfect ang lahat ng quizzes ko," masaya kong sabi habang isinisilid ang mga gamit ko.
"Nakakuha ka ba ng stars?" pang-aasar niya na inilapit pa ang mukha.
Sumimangot ako. "Hindi." Nginusuhan ko siya.
"That's good. Kasi moon ang para sa 'yo." Nakangiti niyang sinabi 'yon habang nakatitig sa 'kin. Dahilan para maging gano'n na lang katindi ang pagpipigil kong mangiti. "We'll eat outside. Your sister's waiting for us."
Dinala kami ni Maxrill Won sa Filipino restaurant. Hindi ko na naman napigilang humanga nang malamang may reservation kami sa pangalan niya. Napakarami raw niyang in-order, iba't ibang ulam. Ang dahilan niya ay hindi na siya nasisiyahan sa pagkain sa BIS cafeteria.
"So...are you friends with that..." nanliit ang paningin ni Maxrill Won habang nag-iisip. "What's his name...Gideon?" tinukoy niya iyong nang-asar sa 'kin kanina.
"Hindi, bakit?" kinabahan ako sa tanong niya. At paano niyang nakilala si Gideon?
Nakangiwi siyang tumango. "Good."
"Bakit?" usisa ko.
"Nothing."
"Bakit nga?" seryoso ko nang tanong.
"Bakit, Maxrill? May ginawa ba 'yon sa ate ko?"naghahamon ang tinig ni Bree habang binubuksan ang bote ng tubig ko at pinagsalin ako sa baso. "Inom ka, ate."
Ngumiti si Maxrill saka iginala ang paningin sa buong lugar. "They own this restaurant."
"Excuse me, ma'am, sir." Gano'n na lang ang gulat ko nang lumapit sa mesa namin si Gideon!
May bitbit siyang tray at isa-isang inilalagay sa mesa namin ang foods. Nakarehistro ang pagkapahiya sa buong mukha niya sa ilang beses na pabalik-balik, gayong marami namang crews doon, at hindi makuhang salubungin ang tingin ko. Nakauniporme siya na gaya sa ibang crew; puting shirt, itim na pants, pulang apron at pulang bandana sa kaniyang ulo. Kung ako ang tatanungin ay walang masama sa kaniyang ginagawa. Kung ako ang nasa sitwasyon niya ay baka maging proud pa ako kung makita akong nagse-serve ng mga kaeskwela ko at aalukan ko pa sila nang libreng kanin. Pero hindi gano'n ang nababasa ko kay Gideon. Balisa siya at talagang napapahiya. Halatang hindi siya sanay sa ginagawa kaya kung hindi isa, dalawa lang ang laman nang malapad na tray niya. Na para bang hindi baleng magpabalik-balik siya kaysa maaksidente ang ise-serve sa amin.
Hindi ako makapaniwalang naroon ngayon si Gideon at pinagsisilbihan kami. Ang Gideon na kaklase ko. Ang Gideon na nang-asar sa 'kin kanina. Ang Gideon na kabarkada ni Danice at madalas mam-bully sa akin. Ito marahil ang huling maiisip kong gagawin niya para sa 'kin. Dahil alam ko kung gaano silang naaasar na magbabarkada na makita ako.
Sumenyas si Maxrill Won kay Gideon nang matapos nitong i-serve ang sangkatutak na pagkain. Awtomatiko itong lumapit at bahagyang yumuko upang makinig sa sasabihin ni Maxrill Won.
"I don't care if you were born rich but the next time you talk like that to Dainty," panimula ni Maxrill Won, seryoso at ang paningin ay nakatuon lang sa baso sa kaniyang harapan. "Your whole family will work for me. Do you hear me?" mahina niyang sinabi 'yon pero ang lakas ng awtoridad.
"Yes, sir," nangatal ang tinig ni Gideon.
Sandaling napapikit si Maxrill Won at suminghap saka pinakawalan ang buntong-hininga. "I don't want to see your face. Leave."
"Yes, sir." Tumango si Gideon at sinalubong ang tingin ko. "Sorry, Dainty," ngunit agad ding nag-iwas matapos sabihin 'yon saka dali-daling lumayo.
Natitigilan kong sinundan ng paningin si Gideon, nagugulat, nalilito at hindi pa rin makapaniwala. Napako ang paningin ko kung saan ko siya huling nakita bago nilisan ang restaurant na 'yon. Saka ko marahang tiningnan si Maxrill Won na wala nang kasing seryoso. Matalim ang tingin niya at mabigat ang buntong-hininga.
Kung ako ang tatanungin ay sigurado akong wala na siya ro'n kanina nang asarin ako ni Gideon. Pero iyon lang ang posibleng dahilan para sabihan ito ngayon nang ganito ni Maxrill Won.
Nilingon ako ni Maxrill Won at matamang tinitigan. Hindi siya ngumiti at sa halip ay nanatiling seryoso. Hindi ko naman malaman ang mararamdaman ko.
Kung titingnan ay masyado lang siyang kaswal, gwapong-gwapo at normal. Pero pakiramdam ko ay hindi ko na malilimutan pa ang awtoridad na narinig at naramdaman ko mula sa kaniya. Sabihin pang mahina siyang nagsalita nang gano'n kay Gideon pero ramdam na ramdam ko 'yon. Na maging ako, kinabahan. Anong kakayahan niya para magkaroon nang ganoong awtoridad at mapasunod si Gideon?
Ito na ba 'yong pagkatao niyang hindi ko pa nakikilala? Ito na ba 'yong sinasabi ni Bree na ugaling meron ang kanilang pamilya?
To be continued. . .
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top