CHAPTER 40


CHAPTER 40

"DAINTY, BREE," tinig ni Kuya Kev 'yon, kasunod ng katok sa pinto ng aming kwarto. "Nandito na si Maxrill Won. Ihahatid daw kayo sa school."

Nanlaki ang mga mata ko at napalingon kay Bree. Pero ang nanunukso niyang tingin ang nasalubong ko. Napalobo ko ang aking bibig at pinagkunutan siya ng noo. Tiningnan ko ang aking sarili sa salamin at saka inilabas ang liptint at naglagay sa labi.

"Yieee, nagpapaganda na si ate!" panunukso ni Bree. "Para 'yan kay Maxrill, 'no?"

Pakiramdam ko ay mas namula ang pisngi ko. "H-Hindi, ah? Nagustuhan ko lang talaga ang kulay nito. Oh, 'eto, binabalik ko na. Salamat, Bree." Nakangusong sabi ko.

"Sa 'yo na 'yan, ate!"

Nanlaki ang mga mata ko. "Talaga? Sigurado ka?"

"Oo, marami ako niyan, iba't ibang kulay pa."

"Talaga? Salamat, Bree!" Nakangiti kong pinagmasdan ang liptint. "May ibang kulay pa pala 'to?" tiningnan ko ang maliit na botelyang iyon.

Hindi tulad ng lipstick, mukhang natural ang koloreteng iyon. Parang bubble gum ang lasa at amoy. At kahit sa maghapon ay hindi nabubura, kahit pa kumain o uminom ako.

"Oo naman, 'no! Depende 'yan sa outfit at pupuntahan mo." Sinilip niya rin ang sarili sa salamin saka inayos ang kaniyang buhok. "Saka pwede mo rin 'yan ilagay sa pisngi, ate."

"Talaga?" namamangha kong tugon saka muling tiningnan 'yon at isinilid sa aking bag.

"Sasabay ba ako sa inyo?" nag-isip siya kunyari, nanunukso.

"Bree Anabelle?"

"Ayos lang naman sa 'king mag-jeep, Ate Dainty."

"Mamamasahe ka pa," nakanguso kong sabi.

"Magkano lang naman ang pamasahe. Para ma-solo mo si Maxrill Won."

"Tumigil ka nga, Bree. Halika na." Hinila ko siya at saka kami sabay na lumabas ng kwarto.

Nadatnan namin sina Maxrill Won, nanay, tatay at Kuya Kev na naroon sa sala. Pero ang nakaagaw ng pansin namin ni Bree ay ang sangkatutak ng bulaklak na halos pumuno sa maliit naming sala. Dahilan para manatiling nakatayo ang lahat, maliban kay tatay na may sariling silya. Sabay na umawang ang mga labi namin at sinuyod ng tingin ang buong sala.

Nanlalaki ang mga mata kong tiningnan si Maxrill Won. Gano'n na lang ang paglapad ng ngiti niya. Para bang proud na proud pa siyang makita ang gulat sa aking mukha.

"Good morning, Dainty Arabelle," ganado pang pagbati niya.

Nag-init ang pisngi ko at napapapikit na nagbaba ng tingin. Nakagat ko ang aking daliri at saka muling sinuyod ng tingin ang napakaraming bungkos ng iba't ibang rosas. Bukod do'n ay may dalawang basket ng iba't ibang prutas at dalawang basket pa na puno ng iba't iba ring tinapay.

Gusto kong mangiti sa tuwa ngunit nahihiya akong makita 'yon ng pamilya ko sa sitwasyong ito.

"Maxrill Won..." napabuntong-hininga ako. "Ano ang mga 'to?"

"Flowers for you, obviously." Humakbang siya papalapit sa 'kin at namulsa. "Fruits and pastries for you and your family."

"Bakit...ang dami?"

Natigilan siya at nilingon ang mga 'yon. "What do you mean marami?" inosenteng tanong niya, ganoon sa mga wala talagang ideya.

Lumaylay ang mga balikat ko. Halos wala na talagang maupuang sofa. Dahil ang bawat bungkos ay napakarami ng rosas na kasama. Iba't iba pa ang kulay niyon.

"Well..." Bumuntong-hininga siya. "The red ones are simple, just like you. The blue ones are beautiful, just like you. The white ones, well, they suit your character and features. The pink ones...hmm, they're soft, just like you. The others are...I just...well, they all look really nice, and smells good too, so I bought them all to surprise you."

Umawang ang labi ko, hindi makapaniwala. "Maxrill Won?"

Natigilan siya lalo at napatitig sa 'kin. "Don't you like them?"

Umawang ang labi ko, hindi malaman ang isasagot. Hindi niya makuha ang gulat ko. Kung ako ang tatanungin ay masaya na ako na narito siya para sunduin at ihatid kami sa school. Kung bibigyan niya man ako ng bulaklak, ayos na ako sa isang piraso. Hindi sa ganitong mukhang mahigit pa sa dalawang daan ang mga ito. Para kaming may garden sa loob ng bahay.

Nasulyapan ko si tatay at gano'n na lang kaasim ang mukha niya. Si nanay naman ay napapailing na para bang maging siya ay hindi maunawaan si Maxrill Won. Sina Bree at Kuya Kev ay natatawa na para bang gano'n na lang talaga ang pagkakakilala nila sa bunsong Moon.

"Let's go, you're going to be late," ngiti ni Maxrill Won. "We're going, Mr. Gonza. Have a nice day."

Naiilang akong tumango saka muling sinalubong ang tingin nina nanay at tatay. "Papasok na po kami, 'nay...'tay."

"Deretso uwi, Dainty," habilin ni tatay.

Nilingon siya ni Maxrill Won saka naiilang na ngumiti at sumulyap sa'kin. "I'd like to ask your daughter out for dinner, of course, later, Mr. Gonza. We'd probably be home by 9:00PM. Does that work for you, or does she need to be home earlier?"

"Ano? Hindi ba't kalalabas ninyo lang kahapon?" tutol na agad ang tinig ni tatay. Nagulat si Maxrill Won at hindi nakapagsalita. Nakagat ko ang labi ko at napanguso.

"Kaday?" nakikiusap na pagtawag ni nanay.

"Nag-aaral pa ang anak ko, Heurt. Kung araw-araw siyang yayakaging lumabas ng..."sinuyod niya ng tingin ang kabuuan ni Maxrill Won. "Ano na lang ang oras na matitira sa kaniya para mag-aral?"

"I can help her with her studies, too, Mr. Gonza," nakangiting ani Maxrill Won.

"Tigilan mo nga ang katatawag sa 'kin niyan?" asik ni tatay.

"Tito, then," awtomatikong sagot ni Maxrill Won.

Umangat ang labi ni tatay, naaasar. "Mas lalong hindi ko gusto na magmukhang kamag-anak mo."

"'Tay..." pigil ni Kuya Kev. "Bisita natin si Maxrill."

"It's okay," nakangiting ani Maxrill Won kay kuya at saka ngumiti kay tatay. "I respect your wishes, I'll ask her out next time, sir. Thank you."

Inis na bumuntong-hininga si tatay. "Ang lakas ng loob mong manligaw sa anak ko gayong Tagalog nga, hindi mo magamit nang tama."

Nagbaba ng tingin si Maxrill Won. "My apologies, sir."

"Kaday," asik muli ni nanay, nagbabanta na ang tingin niya kay tatay.

Ngunit hindi nakinig ang aming ama. "Hindi mo maaalis sa sangkatutak na prutas, tinapay at bulaklak ang pagkadisgusto ko sa 'yo, Moon."

"Kaday?" si nanay.

"Buryong-buryo ka na ba sa buhay mo't itong anak ko ang napagdiskitahan mo?"talagang hindi nakikinig si tatay. "Bakit hindi ka na lang maghanap ng babaeng kalebel mo? 'Yong masasakyan 'yang pagiging hambog at bastos mo."

"'Tay..." nakikiusap kong pagtawag, awtomatikong napalingon sa akin si tatay. Saka siya tumikhim ang nag-iwas ng tingin. Pakiramdam ko ay ako ang maiiyak sa kahihiyan.

Lalo na nang manatiling nakababa ang paningin ni Maxrill Won. Tila nagugulat sa mga narinig. Sa isang iglap ay parang naglaho ang lahat ng kompyansa na nakikita ko sa kaniya mula pa noong una. Sa isip ay panay ang paghiling ko na sana ay wala siyang naintindihan sa mga sinabi ni tatay.

Ngumiti si Maxrill Won saka tumango kay tatay. "I'll send them home after class, sir."

Naramdaman ko nang lingunin ako ni Bree pero ang paningin ko ay napako lang kay Maxrill Won. Sa ikalawang pagkakataon ay gusto ko siyang yakapin. Pero hindi gaya noong una na umiral ang hiya ko, ngayon ay alam kong hindi ko maaaring gawin 'yon.

Umayos ng tayo si Maxrill Won saka humarap kina tatay at nanay upang muling tumango. Nagsalita si nanay sa salitang sila lang ni Maxrill Won ang nagkakaintindihan.

"Naintindihan ko 'yon, Heurt," asik ni tatay.

"Mabuti kung gano'n," asik pabalik ni nanay. "Sana ang pagtrato nang tama sa bisita, maintindihan mo rin."

Tumayo si nanay at inakay si Maxrill Won palabas. Sumunod kami ni Bree. Naiwan naman si Kuya Kev, narinig ko nang kausapin niya si tatay ngunit hindi ko naintindihan ang kaniyang mga sinabi.

Nakapikit na bumuntong-hininga si nanay at nang magmulat ay may nahihiya nang ngiti kay Maxrill Won.

"Pasensya ka na, ah?" maging ang binulong niya ay hindi nakaligtas sa pandinig ko. "Pasensya na talaga, Maxrill." Tinapik niya ang balikat nito.

"No worries, tita. I'll drive them home after class, I promise," ngumiti si Maxrill Won, hindi 'yon pilit kaya gusto kong humanga. Pakiramdam ko ay gano'n na lang kalayo ang itinalon ng ugali niya.

Hinarap kami ni nanay at napapailing nakamot ang batok niya. Maiintindihan ko kung nanakit bigla ang kaniyang ulo dahil sa tensyong binuo ni tatay.

"Mag-iingat kayo," habilin ni nanay at saka kami tinanaw papalayo.

Hindi ko alam kung ano ang sasabihin. Tahimik kaming naglakad papalabas sa gate. Panay ang pagtingin ko sa likuran ni Maxrill Won pero gano'n na lang ang gulat ko nang makitang panibagong sasakyan ang kaniyang dala. Purong itim na pickup truck iyon at mukhang bago.

Pinagbukas niya ng pinto si Bree Anabelle sa likuran. Pinanood ko lang siyang lumapit sa 'kin at pagbuksan ako ng pinto sa harapan.

Nahihiya man ay hindi ko na napigilan ang sarili kong hawakan siya sa braso. "Pasensya ka na kay tatay, Maxrill Won," mahinang sabi ko.

Nagbaba siya ng tingin sa kamay kong naro'n sa kaniyang braso at saka matunog na ngumiti.

"I'm fine, Dainty, it's okay. I understand him," bumuntong-hininga siya. "Maybe he's not in the mood."

Napatitig ako sa kaniya sandali bago nagpaalalay na makasakay. Isinuot niya ang seatbelt ko saka sumenyas na umilag ako dahil isasara niya na ang pinto. Hindi ko alam ang aking mararamdaman habang pinanonood siyang lumigid sa sasakyan hanggang sa makasakay.

"Ready?" aniya na tiningnan kung ayos na ako. Maging si Bree ay nilingon niya sa likod saka binuhay ang kaniyang sasakyan.

"Sorry, Maxrill, ah?" ani Bree.

Nagbaba ako ng tingin sa mga kamay ko dahil hindi ko alam kung anong dapat na sabihin. Nahihiya ako sa pakikitungo at mga sinabi ni tatay.

Nilingon ko si Maxrill Won nang may pindutin siya sa kisame ng sasakyan, sa bandang harapan. Nang bumukas iyon ay kinuha niya ang itim na shades at saka sinuot.

"It's okay," naka-shades man ay sinulyapan ni Maxrill Won sa harapang salamin si Bree saka pinatakbo ang sasakyan.

Natahimik ako sa byahe. Kung kagabi ay puno ako ng excitement dahil alam kong ihahatid niya kami ngayon sa school, ngayon ay wala ako ni katiting na excitement. Kulang na kulang ang salitang nahihiya para ipaliwanag ang nararamdaman ko.

Ano na lang kaya ang nararamdaman ni Maxrill? Ano kaya ang iniisip niya sa mga sinabi ni tatay? Naintindihan niya kaya ang lahat nang 'yon? Sana hindi. Pero imposible. Ang layo kasi ng naging reaksyon niya kanina sa reaksyon niya noong una silang magkaharap at magkasagutan. No'ng panahong 'yon ay sigurado akong wala siyang naintindihan. Tulala lang siya na para bang nangangapa. Pero kanina, iba ang naging reaksyon niya. Halatang napahiya rin siya at hindi na lang alam kung paanong sasagot kaya pinili nang manahimik.

Hindi ko itatanggi na talagang bastos kung makitungo si Maxrill Won. Kagabi nga lang yata niya tinawag ng tita si nanay dahil parati nang sa pangalan niya ito tawagin. Tumatango siya, madalas niyang gawin 'yon kahit hindi kailangan. Pero sa pananalita, madalas ay hindi siya tama. Ngunit sapat na bang dahilan 'yon para pagsalitaan siya nang gano'n ni tatay?

Nagbaba ako ng tingin sa mga kamay ko na hindi ko inaasahang hahawakan niya. "Cheer up, I'm fine."

Napatitig ako sa kaniya pero tutok na siya sa pagmamaneho. Alam kong kaya niya akong lingunin pero pakiramdam ko ay iniiwasan niya ang aking tingin. Bumuntong-hininga siya at ngumiti, bahagyang tumingin sa gawi ko saka muling itinutok ang atensyon sa pagmamaneho.

Kung dati ay nalalayuan akong makarating sa school, sa sandaling ito, parang katabi lang iyon ng bahay namin sa sobrang lapit. Na-traffic na kami at huminto sa stoplight, pero nakarating pa rin kami nang mas maaga sa inaasahan.

Naunang bumaba si Maxrill Won. Bago pa niya mapagbuksan si Bree Anabelle ay nakababa na ang kapatid ko. Kaya dumeretso siya upang pagbuksan ako. Nakangiti niyang inilahad ang kamay sa akin upang alalayan akong makababa. Masyado kasing mataas ang sasakyan na ito kaysa sa ginamit namin kahapon.

Hinarap ko siya nang tuluyan akong makababa. Pero nagulat ako nang i-lock niya ang sasakyan at akayin ako papasok.

"Saan ka?" tanong ko.

"Inside, why?" inosenteng tugon niya saka nagtuloy-tuloy.

"Sir!" awtomatikong sumaludo ang guard kay Maxrill Won. Hindi ko akalaing makikilala siya nito. "Good morning, sir!"

"Dude, what's up? Morning," tinapik ito ni Maxrill Won sa balikat at nakangiting tinanguan. "Everything good?"

"Ayos lang, sir," nakangiting tugon ng guard. Naiilang itong tumingin at ngumiti sa 'kin saka sumulyap kay Maxrill. "Good morning, ma'am."

"This is Dainty Arabelle and her sister, Bree whatever." Nang-aasar na ani Maxrill.

"Bree Anabelle!" asik ng kapatid ko na pinalo siya sa balikat.

"Nice to see you," muling tinapik ni Maxrill Won ang balikat ng guard saka ako inalalayan papasok. "Have you had breakfast?"

"Oo, tapos na, salamat," sagot ko.

Tumango-tango si Maxrill Won. "Where's your building?"

"Dito lang," itinuro ko ang unang building sa kaliwa namin, makalampas sa tertiary cafeteria.

Nilingon ni Maxrill Won si Bree at ngumiwi. "Go to class, little brat."

"Anong little brat?" asik ng kapatid ko na muli sana siyang papaluin ngunit mabilis na nakailag.

"Dude you're so violent," asik ni Maxrill, natawa ako. "If I hit you, you'll look like a keychain thrown in the air. Tsh."

"Napakayabang mo, tabi nga," inis na ani Bree saka ngumuso sa 'kin. "Napakasama ng ugali nitong boyfriend mo, ate."

"Hala ka," pinandilatan ko siya. "Hindi ko siya nobyo."

"What a cutie," biglang sabi ni Maxrill Won kay Bree.

"Cutie, e, sinabihan mo nga akong keychain!" asik ni Bree na akma muli siyang papaluin ngunit muling nakailang si Maxrill Won.

"Yeah, keychains are cute." Humalakhak si Maxrill Won. "Go to primary building now, Bree."

"Nakakainis ka!" pinalo na naman ni Bree si Maxrill at tumama na sa pagkakataong 'yon. Natawa ako sa kanila. "Sa secondary na 'ko, 'no!"

"Oh," nagulat kunyari si Maxrill Won. "I thought you're a primary student."

"Ewan ko sa 'yo!" gigil na ani Bree. "Papasok na 'ko, ate."

"Sabay tayong mag-lunch, Bree." Nakangiti kong kaway.

"Sige, ate," ngumiti rin ang kapatid ko ngunit sinimangutan si Maxrill Won saka kami iniwan.

"Doon ang classroom ko," sabi ko kay Maxrill Won. "Hindi mo na ako kailangang ihatid, Maxrill Won. Ayos lang ako."

Nangunot ang noo niya. "Why not? Let's go."

Inakay niya ako at wala na akong nagawa nang magdere-deretso siya hanggang sa classroom na itinuro ko. Dahil maaga pa ng fifteen minutes ay iilan pa lang ang kaklase kong naroon sa loob ng room. Nagdadaldalan pa ang mga iyon habang ang iba ay nakikipagdaldalan din sa labas naman ng room.

Sinuyod ng tingin ni Maxrill Won ang hallway. "All your subjects are assigned in this room or you have to switch from time to time?"

"Depende," nakangiti kong sagot. "Dito lahat ng minor subjects namin maliban sa Fitness Excercises, nandoon kami sa gym no'n. Kapag major subject naman, nasa laboratory minsan. Kapag lecture lang, nasa ibang classroom. Doon sa second floor ng Pura building."

Nakangiwing tumango si Maxrill Won. "And you do that everyday?"

"Oo," nakangiti akong tumango.

"What's your schedule?"

"Ha?"

"Your schedule? Let me see it."

"Bakit?"

"Bakit?" ginaya niya ang tono ko dahilan para mapanguso ako. Tinawanan niya lang ako. "Let me see it, please?" nakikiusap niyang sinabi.

Natatawa kong inilabas ang subject schedule ko at ipinakita sa kaniya. Nakatingin ako kay Maxrill Won habang binabasa niya 'yon at hindi ko naiwasang mapangiti.

"So, you're going to Pura building after your first minor subject to attend Organic Chemistry lecture," aniya habang nakatingin sa schedule, tumango naman ako. "And then you're gonna transfer to Chemistry lab after that?"ibinalik niya sa 'kin ang listahan ko.

Tumango ako. "Oo."

Nakangiwi siyang tumango. "All right. I'll go visit Dean Enrile while waiting, then I'll come back before your next subject starts."

Nanlaki ang mga mata ko. "Hala, bakit?"

Pinagkunutan niya ako. "Why do you ask too much?"

"Hindi ka pa uuwi?"

"Hindi. I'm going to stay here with you."Ngumiti siya. "So, we can eat lunch and have snacks together because your daddy did not allow us to date later. He doesn't like me."

Nakagat ko ang labi ko at bumuntong-hiniinga. "I'm so sorry, Maxrill."

"What a cutie," ngumiti siya sa pinisil ang pisngi ko. "It's all right."

"Oh, my gosh, Maxrill Won del Valle?"nangibabaw sa likuran namin ang pamilyar na tinig ni Danice. Nagugulat ko siyang nilingon saka ibinalik ang paningin kay Maxrill Won. "It's really you!" nagugulat niyang dagdag saka nagtatakbo papalapit sa 'min bagaman hirap dahil sa mataas niyang takong.

Nakita ko nang lingunin ni Maxrill Won si Danice at pinakatitigan. "Hi." Ngumiti siya at tumango kay Danice.

"Oh, my gosh! Why are you here?" tuluyang lumapit si Danice sa amin na para bang gano'n sila ka-close ni Maxrill.

Naiilang na ngumiti si Maxrill Won. "I'm good, thanks."

"Kailan ka pa umuwi? Hindi ba, nasa Japan ka?"

Natigilan ako at napatitig kay Maxrill Won. Nilingon niya rin ako at napapailing sa pagtataka. Ngunit bumaling siya uli kay Danice. "Do I know you?"

Nawala ang ngiti ni Danice sa pagkapahiya ngunit napilitang ngumiti ulit. "Yeah, we met at Rhumzell's birthday party."

"Oh, all right. Nice...to see you, then."Nakangiting tumango si Maxrill Won saka muling bumaling sa 'kin, sa paraang hindi siya magmumukhang bastos kay Danice.

Nalilito kaming tiningnan ni Danice at saka siya pilit na humarap sa gawing mapapansin talaga siya ni Maxrill Won.

"Magkakilala kayo?" usisa ni Danice. Nagkatinginan kami ni Maxrill Won pero nag-iwas siya ng tingin at bumuntong-hininga na lang.

"Ano...Danice, nag-uusap kami ni Maxrill Won." Ako na ang sumagot.

Natigilan at napapahiyang ngumiti si Danice. "Oh, okay." Saka siya bumaling kay Maxrill. "Nice to see you, Maxrill Won del Valle."

"Yeah." Muling tumango si Maxrill. "Nice to see you too."

Nasundan ng tingin ni Maxrill Won si Danice saka muling sinalubong ang tingin ko. "I can't remember her."

Ngumuso ako at saka natawa. "Maganda si Danice, bakit hindi mo natandaan?"

Ngumiwi siya. "Whatever. So, I'll see you again later?"

"Hindi ka talaga uuwi?" nagtataka kong tugon. "Mahaba ang mga klase ko, maiinip ka lang dito."

"I don't think so," nilingon niya ang library saka muling ngumiti sa 'kin.

"Ikaw ang bahala."

"Focus," aniyang tinapik ang hawak kong binder at sumenyas na pumasok na ako sa classroom.

Nagkatitigan at nagpalitan pa kami ng ngiti saka ako sumunod. Panay ang lingon at ngiti ko sa kaniya sa bawat hakbang ko papasok sa classroom. Gumanti siya at saka ako inilingan. Gano'n na lang ang hiya ko nang makita ang nanunuksong tingin ng mga kaklase ko kaya dumeretso na ako sa aking silya.

Palihim ko uli siyang tiningnan at ngumiti nang kumaway siya ng paalam. Napalobo ko ang bibig ko saka binuksan ang binder ko upang magpanggap na nagbabasa.

"Dainty," 'ayun na naman ang tinig ni Danice. "Bakit kasama mo si Maxrill? Tinatanong ka ba niya tungkol kay Rhumzell?" usisa niya. Humila siya ng isang silya at naupo sa harap ko. Ilang saglit pa ay kasunod na ang kaniyang barkada.

"Hindi, inihatid niya kami ng kapatid ko papasok dito, Danice," sagot ko.

"Huh? Why?"

"Kasi...ano..." nagbaba ako ng tingin, hindi ko alam kung paano siyang sasagutin.

Hindi ko kayang sabihin na nanliligaw si Maxrill Won sa akin, lalo na at alam niyang nanligaw rin si Rhumzell sa akin. Baka kung ano ang kaniyang isipin.

"Magkaibigan ang pamilya namin," sabi ko. "Bibisita siya sa dean."

"Ah..." tumango-tango si Danice. "So, you're close to him?"

Nag-angat ako ng tingin sa kaniya. "Bakit?"

"Do you have his number?" aniyang inilabas ang cellphone.

Nangunot ang noo ko. "Bakit mo naman tinatanong?"

"Duh? Because I want to have it. Give it to me, dali," aniyang naghintay na magdikta ako.

"Baka magalit sa 'kin si Maxrill Won," hindi ko inilabas ang cellphone ko.

"Bakit naman siya magagalit? Nakita mo naman na kinausap niya ako, 'di ba? Magkakilala kami."

"Eh, hindi ka nga niya maalala, Danice."

Umawang ang labi niya. "I said, give it to me, you limp!" asik ni Danice saka hinablot ang bag ko.

"Danice!" asik ko sabay bawi ng bag ko ngunit pinilit niya uling agawin 'yon katulong ang mga barkada niya kaya nabitiwan ko. Sapilitan akong iniupo ng mga kabarkada niya.

"Good morning, class," tinig iyon ng propesora namin dahilan para matigilan si Danice sa paghalungkat sa bag ko. Tumayo ako at muling binawi ang bag ko.

"Hindi magandang ugali 'yan, Danice,"pangangaral ko.

Natatawa siyang nag-awang ng labi at inirapan ako. Tatawa-tawa silang magbabarkada na umalis sa harapan ko. Pabuntong-hininga kong ibinalik sa likuran ko ang aking bag at naiinis na isinara 'yon. Inayos ko rin ang buhok at kwelyo ng uniporme kong nagulo dahil sa mga barkada niya.

Dalawang oras ang itatagal ng klaseng 'yon. Hinihiling ko na sana ay dumating agad si Maxrill Won para hindi na ako pag-trip-an ni Danice at kaniyang barkada. Ayaw kong makabangga sila dahil parati na lang akong lugi. Wala akong lakas na labanan sila, wala ring may lakas ng loob na kumampi sa 'kin. Kung may makagawa man no'n, sina Bree at Rhumzell lang 'yon. Pero wala sila rito ngayon.

Itinuon ko ang atensyon sa klase bagaman may sama ako ng loob dahil sa ginawa ni Danice. Mabuti na lang at madali lang ang topic sa umagang 'yon, kahit papaano ay nakasasabay ako.

Nagsusulat ang lahat habang nagdidikta ang propesora sa harap at nagtuturo. "Take note of this too..." aniya pa saka nagpatuloy.

Mayamaya ay umingay sa bandang harapan ng klase namin. Napanguso ako nang sabayan ng kanilang ingay ang tinig ng propesora namin. Nalukot ang mukha ko nang maghalo na ang ingay at wala na talaga akong naintindihan sa dinidikta.

Nagtaas ako ng kamay. "Miss?"

"Yes, Gonza?" ngiti ng propesora sa akin.

"I was not able to hear the last sentence clearly, ano..." nahiya ako nang pagtawanan ako ng mga kaklase ko. "Will you please repeat the last sentence, miss? Thank you, miss."

"No problem," ngiti ng propesa ko.

"Thank you, miss," pag-uulit ko.

Ngunit natigilan ako nang makita si Maxrill Won sa may pinto kasama si Dean Enrile. Nakapamulsa siya, nakaawang ang labi at bahagyang nakangiti sa 'kin na para bang narinig niya ang pakiusap ko sa propesora. Napapapikit akong nagbaba ng tingin at itinuon ang atensyon sa dinidikta. Kailangang maisulat ko na 'yon ngayon dahil nakakahiya nang ipaulit uli.

"Oh, my gosh..." tinig iyon ng kaklase ko.

Tinapos ko naman ang sinusulat, halos isubsob ang sariling mukha sa mesa dahil nararamdaman ko ang titig ni Maxrill Won sa akin. Kung bakit naman kasi ang sabi niya ay babalik siya bago magsimula ang susunod na klase pero narito na siya at kasama pa si dean.

Eksaktong natapos ang sinusulat ko nang may maglapag ng tubig sa table ko. Napatitig ako ro'n, maging sa pamilyar na kamay na may hawak doon.

"Good morning, dean," anang propesora kaya nahulaan ko na ang nangyayari bagaman nakayuko pa.

Nag-angat ako ng tingin ngunit nakatalikod na si Maxrill at lumapit muli kay Dean Enrile. Ngumiti sa akin ang matandang dean at saka muling bumaling kay Maxrill Won. May itinuturo ang matanda sa kisame. Habang si Maxrill ay nakatingala ro'n habang nakapamulsa. Kayganda ng tindig niya.

Nang magbalik ako ng tingin sa klase ay nag-init agad ang pisngi ko matapos masalubong ang tingin ng propesora at mga kaklase ko. Pinalobo ko ang aking bibig saka kinuha ang tubig at itinago sa kandungan ko. Palihim akong nangiti nang alisin nila ang paningin sa akin at magpatuloy sa klase.

"Hmm? How's your first class?" tanong ni Maxrill Won nang salubungin ang paglabas ko matapos ang klase.

Nilingon ko ang mga kaklase ko, halos lahat sila, mapababae o lalaki, lumilingon sa gawi namin. Pakiramdam ko tuloy, lahat 'yon ay kilala si Maxrill Won at hindi na ako magtataka kung iniisip na ng mga ito ngayon kung bakit magkasama kami.

"Ayos naman," sagot ko. "Salamat sa tubig, Maxrill Won," pinigilan kong mangiti nang lingunin siya at magtama ang paningin namin.

Umawang ang labi niya at pinigilan ding mangiti bago mag-iwas ng tingin. "You hungry?"

"Hindi pa," agad kong tanggi. "Nilulutuan kami ng agahan ni nanay kaya pumapasok akong busog."

"Your mom is really caring," ngumiti siya sa kawalan saka ako inalalayan sa hagdanan.

Sa ikatlong palapag ang susunod na lecture class namin. Pagkatapos ay bababa na naman para sa laboratory class ng kaparehong subject. Gaya ng sinabi ni Maxrill Won ay inihatid niya ako sa klase at agad ding iniwan nang mapansing naaagaw namin ang atensyon ng marami.

Pero gaya kanina, sa kalagitnaan ng klase ay dumaan na naman sila ni Dean Enrile sa harap ng classroom. Sa sandaling iyon naman ay kasama nila si Ma'am Reycie, na siyang secretary ni dean. Panay ang turo ni dean sa kisame na para bang may pinaplano ito kasama si Maxrill Won.

Muling umingay ang klase habang nagsusulat ako. Nang mag-angat ako ng tingin ay panibagong bote ng juice ang inilapag ni Maxrill Won sa table ko.

Nag-angat ako ng tingin sa kaniya, gano'n na lang kaganda ang ngiti niya sa 'kin. "Enjoy studying," aniyang tinalikuran din ako agad at muling lumapit sa dean.

Gaya kanina ay nginitian ako ni dean nang may nanunuksong tingin. Saka muli siya nagtuturo sa kisame na pinakinggan namang maigi ni Maxrill Won.

Ganito ba siya manligaw?

Napapangiti kong tiningnan ang juice at muling itinago 'yon sa kandungan ko nang panay ang lingon doon ng mga kahilera ko ng upuan.

"Hey, limp!" asik ni Danice nang matapos ang klase. Tumayo siya sa harap ko habang inaayos ko ang aking gamit. "Bakit binigyan ka ng drinks ni Maxrill Won del Valle?"

Nang lumingon ako sa labas ay wala ro'n si Maxrill Won. "Ano'ng masama ro'n, Danice?"mahinahon kong tugon.

Ngumisi siya nang nakakaloko, mukhang naiinis saka hinablot ang juice sa akin. Nakangisi niya iyong binuksan at ininom hanggang sa mangalahati. Saka niya muli iyong isinara at inilapag sa aking mesa.

"Danice..." gano'n na lang ang pagkabigla ko ngunit wala akong magawa.

"'Wag kang ambisyosa, Dainty. Mabait talaga si Maxrill Won del Valle sa lahat so don't feel special. You're disabled but not special,"ngumisi siya dahilan para magtawanan silang magbabarkada.

Matagal akong natigilan at napatitig sa juice. Nag-alinlangan man ay kinuha ko 'yon dahil binili ni Maxrill Won 'yon para sa 'kin. Wala akong balak na inumin pa pero itatapon ko na lang 'yon nang tama.

Sinabit ko ang bag ko at tumayo upang talikuran sila. Pero natigilan ako nang makita si Maxrill Won na nakahalukipkip habang nakasandal sa pintuan. Deretsong nakatulala sa akin, seryoso ang itsura.

Dali-dali akong lumapit. "Ano...kanina ka pa ba diyan, Maxrill Won?" pinilit kong ngumiti. "Tara na." Mahina kong sinabi pero pinigilan niya ang braso ko upang muli akong iharap sa kaniya.

Gano'n na lang kabigat ang kaniyang buntong-hininga. Ngumiti si Maxrill Won sa kung saan bago sinalubong ang tingin ko. Napatitig din ako sa kaniya at pinilit na ngumiti. Matagal...na para bang napakarami na naming naisip sa kawalan. Ngunit biglang namasa ang mga mata ko nang makita kung gaanong kalamlam ang mga mata niya. Na para bang nagawa niyang hukayin ang laman ng isip ko at sabihing naiintindihan niya ang nararamdaman ko.

"Sorry..." mahina niyang sinabi.

"Maxrill Won..." Natigilan ako at napapailing na nagbaba ng tingin.

Pinahiran niya ang mga namuong luha sa mata ko saka ngumiti. "We love who you are, always...regardless, Dainty," pabulong niyang sinabi saka sinulyapan ang gawi nina Danice.

Muling bumuntong-hininga si Maxrill Won saka sinuyod ng tingin si Danice at mga barkada nito. Nakita ko nang magbaba ng tingin lahat sila.

"We all look different. But she deserves the same chance as everyone else to look and feel good, ladies." Mahinahon 'yong sinabi ni Maxrill Won. "Being rude is easy but it's not hard to be a little kinder." Nginitian at tinanguan niya ang mga ito.

Kinuha ni Maxrill Won ang kamay ko saka ako inakay papalayo sa classroom na 'yon. Narinig ko ang bulungan ng mga kaklase ko, habang ang tingin ng iba ay naramdaman ko sa amin. Pero ang atensyon ko ay natuon sa lalaking ito na pinangungunahan ang paglalakad ko nang hindi binibitiwan ang aking kamay.

Kung dati ay nagmamatigas ako, nagbibingi-bingihan at nagbubulag-bulagan sa mapanghusgang mundo. Ngayon ay parang handa akong umiyak dahil may kasama ko. Ngayon ko lang naramdaman na ayos lang maging mahina. Ngayon ko lang napagtanto na ayos lang ang may kakulangan at deperensya. Dahil meron, kahit hindi lahat, na makakaunawa.

Ang buwan na dating pinapangarap ko...pinoprotektahan na ngayon ang kahinaan at kakulangan ko.

To be continued. . .

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top

Tags: #maxinejiji