CHAPTER 39
CHAPTER 39
"MAXRILL WON..." pagtawag ko habang ang paningin ay nakatuon sa ginoong 'yon.
Nakasuot ito ng itsurang luma na damit. Kulay abo na pantalon, may kaluwangan para sa katawan nito. Pulang shirt sa loob at may nakapatong na kulay abo ring coat doon. Nakasombrero ito na gaya sa madalas suot ni Direktor Mokz at sapatos na kulay tsokolate ang balat.
Bahagya nitong inangat ang sombrero saka nakangising tumango sa amin, kay Maxrill mismo. Matapos no'n ay nakakaloko pa lalo itong ngumisi na sa edad nito, lalo itong nagmumukhang nakakatakot. Hindi gaya noong makita ko ito sa Palawan, humaba na ang balbas at bigote nitong naghahalo ang puti at kukay abo. May maiitim na rin itong pekas sa mukha bukod sa bahagyang pamumula. Ganoon na lang siguro itong nababad sa arawan sa Palawan.
Nang hindi magsalita si Maxrill Won ay nilingon ko siya at nakita ang galit niyang itsura. Napapikit siya at saka bumuntong-hininga. Nang magmulat ay tumawa siya nang bahagya sa hindi ko malamang dahilan at dumeretso ng tayo. Namulsa siya at saka iniharang ang sarili sa aking harapan. Nag-angat ako ng tingin kay Maxrill Won ngunit tutok na ang paningin niya sa harapan. Muli niyang pinakatitigan ang ginoo na para bang masaya na siyang makita ito. Hindi gaya kaninang pareho kaming nagulat. Natatandaan kong kinausap niya ito noong nasa Palawan kami, kasama at kakilala ng ginoo si Kuya Montrell. Hindi ko lang matandaan ang pangalan ng ginoong ito.
Nagsalita si Maxrill Won sa hindi ko maintindihang lenggwahe, ang kausap ay ang ginoo, at sa nagtatanong na tono. Muli akong nag-angat ng tingin sa kanila.
"Tara na, ate," bigla ay anyaya ni Bree Anabelle na humarang mismo sa harapan nina Maxrill Won at ng ginoo.
"You..." mahina ngunit dinig kong ani Rhumzell, nasa likuran siya ni Bree.
Nang sundan ko siya ng tingin ay nasa ginoo na rin ang kanyang paningin. Awtomatiko akong nilingon ni Rhumzell, puno na ng pag-aalala ang kaniyang itsura. Nilingon niya si Maxrill Won ngunit ang paningin nito ay nakatuon pa rin sa ginoo.
"Dainty," lumapit sa 'kin si Rhumzell ngunit sinalubong siya ni Maxrill Won at humarang sa 'kin.
Nagkatinginan ang dalawa at nang tila magkaintindihan ay hinila ni Rhumzell ang kamay ni Bree Anabelle upang itabi sa akin. Pareho sila ni Maxrill Won na humarang sa harapan naming magkapatid.
"Ano'ng nangyayari?" natutulirong ani Bree saka sinilip mula sa likuran ni Rhumzell ang ginoo.
Umiling ako at hindi man lang nabawasan ang kaba. "Ang lalaking 'yan ay sinusundan yata ako, Bree." Hindi ko naitago ang takot ko at pagkalito. "Sa Palawan pa lang ay naroon na siya. Akala ko ay taga-roon talaga siya at aksidente lang kaming nagkakilala. Ngayong narito siya sa Laguna ay hindi ko na alam."
Nagbaba ng tingin sa akin si Maxrill Won. Hindi ko naitago ang pag-aalala ko. Palihim niyang kinuha ang kamay ko ngunit nanatili ang magkahawak naming kamay sa kaniyang likuran. Saka siya muling nagtanong sa ginoo gamit ang ibang salita na hindi pa rin nito sinagot.
Nagtataka at nagugulat namang nilingon nina Rhumzell at Bree si Maxrill Won. Pero ang paningin ng huli ay nanatili sa nakakatakot na ginoo.
"We will miss the freaking movie," asik ni Maxrill Won saka muling bumuntong-hininga at kinausap ang ginoo.
Sa haba ng kaniyang sinabi ay pangalan lang ni Ate Maxpein ang naintindihan ko.
"Just what exactly do you freaking want, you creepy, freaking geezer?" gano'n na lang kabilis na nagsalita si Maxrill Won, magkahalo ang Ingles at ibang salita, hindi lang inis ang mahihimigan sa boses niya.
"Grabe talaga magalit si Maxrill, ate, para siyang rapper," bulong ni Bree. Wala sa kaniyang itsura ang magbiro. Dahil gaya ko, bakas sa kaniya ang takot.
"Tama ka, Bree," pagsang-ayon ko.
"Take the girls inside, Rhum," baling dito ni Maxrill. "I'll talk to this old brat. Maybe he doesn't want to embarrass himself, he's not fluent in Filipino." Naro'n ang yabang sa kaniyang tono.
"And so are you," nakangiwing ani Rhumzell. Naglapat ang labi ni Maxrill ngunit pinigilang mainis.
Nagkatitigan sina Rhumzell at Maxrill Won, animong nagkakaintindihan na sa ganoon lang. Saka kami nilingon ni Rhumzell at inanyayahang pumasok na pero awtomatiko akong tumanggi.
"Maxrill Won," hinuli ko ang kamay niya nang bitiwan niya ang akin.
"Give us a minute, I'll just talk to him. I'll be fine," ngumiti si Maxrill Won, naniniguro. Pero hindi no'n maaalis ang pag-aalala ko. "I guess he missed me that he traveled all the way from Palawan to see me. Touching, is it not? Don't worry, I promise I'll be fine."
"He can take care of himself, Dainty," paniniguro rin ni Rhumzell.
"Oo nga, Ate Dainty, si Maxrill Moon 'yan,"dagdag din ni Bree.
Napatitig ako kina Rhumzell at Bree, kumukuha ng lakas ng loob sa naniniguro nilang itsura. Saka ko nilingon si Maxrill Won. Hindi gaya ko, wala man lang bakas ng takot o kaba sa kaniyang mukha. Ni hindi ko rin mabasang nagpapanggap siyang siguradong hindi mapapahamak sa ginoong ito. Sa halip ay naro'n ang kompyansa, kung hindi nagyayabang, sa kaniyang itsura.
Pero nang sandali ring 'yon ay napagtanto kong ako lang talaga ang hindi lubos na nakakikilala sa kaniya. Dahil maging kina Rhumzell at Bree ay naroon ang kompyansa. Naniniwala silang hindi mapapahamak si Maxrill Won.
"Tara na, ate," kinuha ni Bree ang kamay ko.
Nag-aalala kong tiningnan si Maxrill Won saka nagbaba ng tingin sa kamay naming marahang bumitiw sa isa't isa.
"I'm not going anywhere, I'll just talk to him."Naniniguro talagang ani Maxrill Won pero nanatili akong nakatayo sa likuran niya at nakatingala sa kaniya.
Nag-alinlangan pa siyang hawakan ang mukha ko matapos sulyapan sina Bree at Rhumzell. Pero hinawakan niya ang pisngi ko at saka bumulong.
"I'll be fine, I promise. Susunod ako."
Tumango ako saka muling sinulyapan ang ginoo. Pero nag-iwas ako ng tingin matapos ngisihan nito.
"Hihintayin kita sa loob, Maxrill Won," habilin ko pa na para bang nakapakalayo no'n.
Ngumiti si Maxrill Won. "I'll buy snacks for us."
"Kakakain lang natin ng bread."
"I'm hungry."
"Agad?" nakuha ko pang makipagtanungan doon, ngayon. Matapos niyang makiusap na pumasok na ako.
"Yeah, and we'll eat again later. This is how my stomach works."
Matakaw nga pala siya. Napabuntong-hininga ako. "Sige." Nagpalitan kami ng ngiti saka ako sumama kina Bree Anabelle.
Muli ko pang nilingon si Maxrill Won, muli rin siyang ngumiti sa 'kin. Para bang hindi niya inaalis ang paningin sa akin hangga't hindi namin nakakapasok. Ngumiti pa 'ko nang minsan saka tuluyang nagpalamon sa madilim na sinehan.
"Ayos lang naman na makipag-usap si Maxrill Won sa ginoong 'yon, hindi ba, Rhumzell?"naniniguro kong tanong nang makapili kami ng upuan.
Napatitig sa 'kin si Rhumzell saka napilitang ngumiti at tumango. "Gaya ng sinabi ng sister mo, he is Maxrill Moon, Dainty."
Napabuntong-hininga ako at muling tiningnan ang gawi ng pintuan papasok sa sinehan. Hindi gano'n ang sagot na gusto kong marinig. Naniniguro ako kaya gusto ko nang sigurado ring sagot. Hindi ko maintindihan kung ano'ng meron sa pangalan ni Maxrill Won at paano nila inaasahang kakalma ako sa gano'n. Kailan pa nakapagbigay ng kasiguraduhan at kaligtasan ang pangalan ninuman?
"Wala namang mangyayari sa kaniya, 'di ba?"muling tanong ko.
"Don't worry, Dainty. He'll be fine." Hinawakan ako ni Rhumzell sa magkabilang balikat at pinilit maupo. Saka siya naupo sa paanan niya upang mapantayan ang paningin ko. "Pupuntahan ko siya para hindi ka mag-alala."
Nagliwanag ang mukha ko. "Salamat, Rhumzell."
Tumitig siya sa 'kin at saka nag-iwas ng tingin. Nasisiguro kong paningin ni Bree ang kaniyang nasalubong kaya nilingon ko ang kapatid ko. Huli na nang mag-iwas ng tingin si Bree dahil sigurado akong nagsalubong ang kanilang paningin ni Rhumzell.
"Babalik ako," ani Rhumzell. Pero hindi ako sigurado kung para sa akin 'yon. Sigurado akong si Bree ang huling dinapuan niya ng tingin bago kami tuluyang tinalikuran.
Binalingan ko ang kapatid ko. "Bree?"
"Ate?" aligaga niyang tugon.
Napabuntong-hininga ako. "Ano'ng ibig ninyong sabihin ni Rhumzell na si Maxrill Moon 'yon?" hindi ako matatahimik hangga't hindi nasasagot 'yon.
"Ibig naming sabihin, isa siyang Moon,"seryosong tugon ni Bree.
Lumaylay ang mga balikat ko at gano'n na lang kalalim ang aking buntong-hininga. Hindi pa rin no'n nasagot ang tanong ko.
"Alam kong isa siyang Moon pero..." natatawa akong umiling. "Ano'ng kinalaman no'n sa pakikipag-usap niya ro'n sa ginoo, Bree?"
Napatitig sa 'kin si Bree saka natawa. "Marami kang hindi alam tungkol sa kanila, ate. Hindi mo pa lubos na kilala ang mga Moon."
Natigilan ako at napabuntong-hininga. Hindi pa rin no'n nasagot ang tanong ko pero mas lalo niyong binuhay ang aking interes. Bigla ay gusto kong mainggit dahil gano'n na lang ang pagkakakilala ni Bree sa mga ito. Habang ako na mas nagkaroon pa ng tyansang makasama si Maxrill, parang pangalan lang nito ang aking alam.
"Mahusay makipaglaban si Maxrill Won, ate,"pabulong na ani Bree, nilingon ang mga nasa likuran namin. Na para bang maririnig siya ng mga iyon gayong magkakalayo ang upuan. "Ang totoo, lahat sila sa kanilang pamilya ay mahusay sa pakikipaglaban."
Nangunot ang aking noo at matagal na napatitig sa kapatid ko. "Ano'ng ibig mong sabihin sa pakikipaglaban, Bree?"
Ang totoo ay nakuha ko na ang ibig niyang sabihin. Masyado lang akong nalilito kung paanong natutong makipaglaban si Maxrill, at ang pamilya nito para dugsungan ang pag-uusisa ko. Parang wala pa kasi akong nakilalang ganoon maliban sa mga napapanood ko sa palabas at nababasa sa mga nobela.
"Magaling sila sa aksyon," ani Bree na nagpanggap na sumusuntok at sumisipa sa ere.
Nanlaki nang bahagya ang paningin ko. "Ibig mong sabihin ay pakikipag-away?" Natutuliro kong nilingon ang daan papalabas sa sinehan. "Ang sabi niya ay makikipag-usap lang siya, Bree."
"Hindi mo naman ako naiintindihan, ate, eh."Napapailing na bumuntong-hininga si Bree. "Ibig ko ba'ng sabihin..."
Nag-isip ang kapatid ko na para bang gano'n kahirap sa kaniyang ipaintindi sa akin ang sasabihin.
"Hindi mo kailangang matakot dahil hindi siya mapapahamak, gano'n. Na hindi mo kailangang mag-alala dahil walang kayang manakit sa kaniya, Ate Dainty. Myembro ng pamilyang Moon si Maxrill, ate." Idinahilan niya na naman ang pangalan ng mga ito.
Napabuntong-hininga ako. "Ano ba ang pamilyang Moon, Bree?" Napailing ako, naguguluhan talaga at gustong mag-usisa nang mag-usisa. "Kanina mo pa dinadahilan na isa siyang Moon. Ano ba ang meron sa pagiging Moon para magtiwala ka nang ganyan sa pangalan niya?"
Napatitig sa akin si Bree at saka natawa. "Hindi mo ba nakikita ang misteryoso nilang itsura?"pabulong niyang sinabi. "Ate, 'yong mga tingin pa lang nila, paraan ng pakikipag-usap, lalo na 'yong mga kilos nila. Hindi mo ba napapansin?"
Pilit kong inalala ang mga tinutukoy niya sa bawat myembro ng pamilyang Moon na aking makaharap. Si Ate Maxpein na siyang may pinakamatalas na tingin sa lahat ang una kong naisip. Sa kanilang pamilya kasi ay siya ang may itsurang masasabi kong misteryoso gaya ng sinabi ni Bree. Sa isang sulyap niya ay para bang nasuri niya na ang lahat, napakahirap ipaliwanag. Madalang siyang magsalita ngunit sa sandaling bumuka ang kaniyang bibig ay parang alam niya na lahat.
Si Kuya Maxwell naman na siyang may pinakamalalim na tingin. Na kahit ano yata ang tawag dito ay hindi nito lilingunin. Ngunit sa sandaling dumapo sa kahit na sino ang paningin nito, parang maging kaluluwa ay kaniyang nakikita. Hindi rin siya palasalita at gaya ni Ate Maxpein, parang napakarami niyang alam.
Si Maxrill Won naman na siyang pinakamadilim na tingin ay hindi ko kakitaan ng misteryo. Pero ilang beses ko nang napapansin na gaya ni nanay, malakas ang pakiramdam niya. Madalas din ay hindi ko namamalayan ang mga kilos niya. Gaya kanina, ni hindi ko man lang nakitang nawala sa akin ang paningin niya. Paano niyang naramdaman ang presensya ng ginoong 'yon? Kung iyon ang misteryong tinutukoy ni Bree ay mukhang nakukuha ko na.
Ngumiwi si Bree. "'Sabagay, kailan mo lang naman nakasama si Maxrill Won at...mukhang nagkagustuhan kayo agad. Paano mong mapapansin 'yon?"
"Ano...sorry. Galit ka ba, Bree?"
"Ano? Hindi, 'no!" natawa ang kapatid ko.
Napabuntong-hininga ako. "Pasensya na, hindi lang kasi ako makapaniwala sa sinasabi mo. Hindi gano'n ang pagkakakilala ko kay Maxrill Won. Parang wala 'yon sa itsura niya."
"Sa bahay nila, meron silang practice room na tinatawag, ate," kwento ni Bree. Nakangiti siya ngunit ang mga mata ay seryoso. "Kapag nakapasok ka ro'n ay marami kang makikitang gamit, mga armas na iba't iba ang itsura." Bumuntong-hininga siya. "Mahuhusay silang lahat sa paggamit ng mga 'yon."
"Mga armas?" hindi ko ma-imagine kung ano'ng armas ang tinutukoy niya.
"Naalala mo 'yong kinuwento ko sa 'yo na nagdala ng bow and arrow sa school si Maxrill Won? Ang alam ko, pinipilit ng mga kaklase ni Maxrill na pakitaan sila ng gilas nang araw na 'yon. Hindi siya pumayag kasi ang dahilan niya, may lason ang arrow niyon."
"Lason?"
Tumango si Bree. "Ang alam ko, parang requirements 'yon bansa nila."
"Ano'ng ibig mong sabihing sa bansa nila?"
"Sa ibang bansa nagmula ang pamilyang Moon, ate. Koryano sila Maxrill Won. Pareho sila ni Nanay Heurt."
Napatitig ako kay Bree, matagal. Naitikom ko ang aking bibig at saka ako nagbaba ng tingin. Hindi ko alam kung alin sa mga sinabi niya ang nagdulot sa 'kin ng panibagong gulat.
Bigla akong naging emosyonal. Dahil ang totoo, sa tagal na panahong nakasama namin si Nanay Heurt, ngayon ko lang nalaman na may iba siyang lahi. Akala ko kasi ay ganoon lang ang kaniyang itsura. May singkitin ngunit bilugang mga mata at walang talukap; naghahalo ang maputla at manilaw-nilaw na balat.
Ni hindi ko man lang napansin na halos kapareho niya ng features ang mga Moon. Sa isip ko kasi, natural lang 'yon dahil anak niya si Ate Maxpein. Akala ko ay marami na akong alam dahil alam ko ang tungkol do'n. Nagkamali ako.
Bigla ay napakarami kong naalala. Bigla ay parang napakarami kong napansin sa mga kilos nila gaya ng naisip ko kanina. Tulad na lang ng pakikipag-usap sa kanila ni nanay gamit ang ibang lenggwahe. At nang minsang may binasa si Maxrill Won sa bote na ibang salita.
Gusto kong sisihin 'yong mga panahong baldado ako. Sa tagal kasi ng panahong 'yon, napakarami kong hindi alam.
"Ang totoo, hindi rin nagkukwento si nanay,"dagdag ni Bree na siyang bumago sa halo-halong naiisip ko. "Nalaman ko lang na may ibang lahi siya no'ng minsang narinig ko silang nagtatalo ni tatay."
"Kailan 'yon, Bree?"
"Matagal na, ate. Doon pa 'yon sa dati nating bahay."
Nagbaba ako ng tingin dahil maging sa lumang bahay namin ay wala akong alam. Lalo na doon na talagang hindi pa ako nakakalabas. Parating nasa kama at tulala sa kisameng gawa sa pawid. Kawayan lang ang haligi ng bahay namin noon pero hindi gaya ni Bree, wala akong naririnig na usapan. Bagaman naririnig ko silang nagtatalo, panay sigaw lang ni tatay ang aking naiintindihan at pagiging kalmado at pasensyosa ni nanay. Ngayong nasa bagong bahay na kami na binigay ni Ate Maxpein, imposible nang marinig na mag-away sina nanay at tatay dahil sementado na ang aming bahay.
"Ang totoo, wala akong balak sabihin kay nanay na narinig ko ang pagtatalo nila ni tatay. Lalong ayaw kong sabihin na alam kong may lahi siya. Kaso nadulat ako dahil sa sobrang pagtatanong ko noon tungkol kay Maxrill at sa mga Moon."
"Bawal bang malaman na may ibang lahi sila, Bree?"
Ngumiwi ang kapatid ko. "Wala namang reaksyon si nanay no'ng nalaman niyang alam ko. Saka hindi naman naglilihim ang mga Moon tungkol sa kanilang bansa. 'Yon nga lang, hindi nila 'yon basta-basta sinasabi."
"Gano'n ba?" napabuntong-hininga ako dahil hindi nabanggit ni Maxrill sa akin 'yon. Hindi ko alam kung ano'ng mararamdaman ko tungkol do'n.
"Nandiyan na sila, ate," ani Bree. "Saka na lang kita kukuwentuhan."
Hindi ko na nagawang sumagot dahil nilingon ko na sina Maxrill Won. Nasa akin agad ang kaniyang paningin at may bitbit na sangkatutak na pagkain. Meron siyang tig-dalawang malalaking popcorn at drinks, may isa pang paperbag na sa tatak pa lang ay nasisiguro ko nang hotdog sandwich at fries.
Tumayo siya at ngumiti sa harapan ko. Tumayo rin ako at kinuha ang drinks na hawak niya, at inilagay 'yon lalagyan niyon sa upuan. Saka ko kinuha ang isang malaking popcorn mula sa kaniya.
"Ayos ka lang?" tanong ko.
Natigilan siya, hindi talaga inaasahan ang tanong ko. Naitikom niya ang sariling bibig upang pigilan ang mangiti. Nag-iwas siya ng tingin at kagat ang labi nang muling bumaling sa 'kin.
"Of course," aniya. Kung ngumiti ay animong kinikiliti.
Nalukot ang mukha ko. Pakiramdam ko ay nag-aalala ako sa wala dahil sa ganitong reaksyon niya.
"Bakit ka ba natatawa?" tanong ko.
"I'm not laughing," sumeryoso siya.
"Tumatawa ka, nakita ko," ngumuso ako.
"I'm just happy because you really look so worried about me. I told you, I'll be fine."
Ngumiti ako. "Mabuti naman."
"Thank you," ngumiti rin siya. "For worrying about me." Lalong lumapad ang ngiti ko sa sinseridad niya.
"Napakarami naman nito, Maxrill Won," nasabi ko nang kunin ko ang isa pang bitbit niya.
"Ganyan siya kumain, ate," pang-aasar ni Bree.
"Dude, I'm a guy," asik ni Maxrill Won.
"'Sus, guy...guy, sabihin mo, matakaw ka talaga. 'Di ba, Rhumzell?" pang-aasar pa uli ng kapatid ko. "Patabain mo 'yang ate ko."
Nagkatinginan kami ni Maxrill Won at sabay na naupo. "Ano ang nangyari doon sa mama?"patungkol ko doon sa ginoo. "Nagkausap ba kayo?"
"Yeah," buntong-hininga niya. "He'll not bother us anymore."
Napatitig ako sa kaniya at inalala ang mga sinabi ni Bree. Napaisip ako kung sigurado siya ro'n. Hindi ko naiwasang isipin kung ano ang kaniyang ginawa para manahimik ang ginoo at hindi na nga kami guluhin?
Pero hindi nagsisinungaling si Maxrill. Tatlong movies ang natapos namin. Magkasunod naming pinanood 'yong dalawa. Nag-lunch muna kami saka pinanood iyong ikatlo pero hindi na muli nagpakita ang ginoo.
"Snacks' on me," ani Maxrill Won nang makalabas na uli kami sa cinema.
Nag-angat ako ng tingin sa kaniya. "Pero kakakain lang natin."
Pinalobo ni Maxrill Won ang kaniyang bibig. "But I'm hungry."
Napatitig ako sa kaniya at saka natawa. "Ano na naman ang kakainin mo?"
"I want..." nag-isip siya. "Spaghetti, pizza, burger, fries, rice, pitsi-pitsi, kutsinta, buko shake..."
"Ang dami naman?"
Nakanguso siyang tumango. "Dumagdag ka pa."
"Ha?"
"Ha?" panggagaya niya saka natawa.
Lumapad ang ngiti niya saka niyaya sina Rhumzell at Bree na hindi gaya ko, wala man lang reklamo. Syempre, excited sa libre ang kapatid ko. Ako ang nahihiya para sa kaniya pero iba talaga ang closeness nila ni Maxrill Won. Habang halata naman ang pag-iwas sa 'kin ni Rhumzell. Nagagawa pa rin naman niyang makihalubilo at makipagbiruan sa dalawang kaibigan. Sa t'wing mapupunta nga lang sa 'kin ang paningin niya, nababawasan ang kaniyang ngiti. Nababahiran ng lungkot ang saya sa kaniyang mga mata. Ayaw ko man ng pakiramdam, naiintindihan ko kung bakit niya ginagawa 'yon.
"What do you want to have?" tanong ni Maxrill Won.
Hindi ko man lang namalayang nakapasok na kami sa pizza parlor. Panay kasi ang pagmamasid ko sa paligid na para bang gano'n naman kadali kong mamamataan ang ginoo. Inalalayan akong maupo ni Maxrill Won sa magkaharap na couch na may mahabang mesa sa gitna. Eksakto ang table na 'yon sa aming apat.
Naupo si Rhumzell sa harap na taliwas sa akin saka siya tinabihan ni Maxrill dahilan para ito ang makaharap ko. Si Bree naman ang nasa tabi ko at kaharap ni Rhumzell.
"Busog pa 'ko," sabi ko pero tumingin din sa menu.
"Drinks?"
"Tubig na lang."
Napatitig sa 'kin si Maxrill. "Seriously?"
"Mahinang kumain 'yan si Ate Dainty. Kaunti na nga lang siya magkanin, minsan hindi niya pa nauubos. Mahilig din siya sa gulay at isda saka hindi siya mapili sa pagkain. Kahit saan mo dalhin ang ate ko, hindi ka mag-aalala sa kung ano ang ipapakain mo sa kaniya," ani Bree. "Um-order ka na lang, Maxrill, kakain din 'yan kapag natakam."
Nilingon ko ang kapatid ko. "'Wag mo masyadong bilisan ang pagsasalita mo, baka hindi ka niya maintindihan."
Nanunukso akong tiningnan ni Bree. "Psh! Para nga masanay, ate!" Nagsamaan sila ng tingin ni Maxrill Won.
Gusto ko tuloy ipagmalaki ang madalas na pagsasalita ng Tagalog ni Maxrill Won ngayon. Pero ayaw ko namang ipahalata na mas kinakampihan ko ito kaysa sa kapatid ko.
Kahit tama ang tono at pananalita ni Maxrill Won, naro'n 'yong ibang punto. Bukod sa may mga letra siya na napagbabali-baliktad o minsan naman ay nabubulol. Madalas ay sa letrang "L" at "R". Hindi pa rin siya perpekto pero masaya ako dahil alam kong sinusubukan niya.
"Okay," ngumiti si Maxrill Won saka inakay si Rhumzell papunta sa counter.
"Alam mo ba, ate?" binalingan muli ako ni Bree. "'Wag kang magseselos, ah? Pero isa ito sa nagustuhan ko kay Maxrill." Pabuntong-hininga niya itong nilingon. "Hindi ka maiilang na dalhin siya sa ganitong lugar kasi hindi siya maselan."
"Anong ibig mong sabihin, eh, hindi nga raw siya nagpupunta sa malls?" nakanguso kong sabi saka napangiti. "Pero masaya ako na sinamahan niya ako. Sa ganito lang kasi ay masaya na tayo."
Seryoso na si Bree nang bumaling sa 'kin saka malungkot na bumuntong-hininga. "Ang alam ko kasi, may hindi magandang nakaraan si Maxrill sa mall na 'to, ate."
Nagugulat ko siyang tiningnan. "Anong hindi magandang nakaraan?"
"Ang alam ko no'ng high school sina Ate Maxpein, na-kidnap si Maxrill Won dito."
Nanlaki ang mga mata ko. "Na-kidnap?"
"Mm!" nanlalaki ang mga matang tumango si Bree saka inilapit ang mukha sa akin. "Siguro kasi alam na mayaman sila? Humingi siguro nang malaking ransom."
"Paano mo nalaman?"
"Ano pa? Eh, di narinig ko sa usapan nina nanay."
"Ang dami mo namang naririnig, Bree. Hindi ba't mali 'yon?" napabuntong-hininga rin ako saka tinanaw si Maxrill Won.
Hindi ko akalaing nangyayari talaga sa totoong buhay ang gano'n, ang ma-kidnap. Hindi ko ma-imagine kung ano ang naramdaman niya nang sandaling 'yon.
"Why don't you come over to our house?"anyaya ni Maxrill Won nang magsimula kaming kumain, si Bree ang kaniyang kausap. "Heurt's going to pick you up later."
"Oo nga, Bree. Para hindi na kailangang pumunta si nanay sa bahay ng mga Echavez."Tiningnan ko ang aking cellphone. "Baka mayamaya lang ay mag-text na 'yon."
"You can come with us, Rhum," anyaya rito ni Maxrill.
"Sure," tumango si Rhumzell saka sumulyap sa 'kin.
"Try it," alok ni Maxrill Won sa pizza. Napanguso ako dahil kahit anong bango niyon, parang hindi ko na kayang lumunok pa ng panibagong pagkain.
"Busog talaga ako, Maxrill Won."
"All right, Dainty Arabelle," ngisi niya. "Just tell me if you want anything."
"How about desserts, Dainty?" tanong ni Rhumzell.
Napalingon kaming tatlo sa kaniya ngunit ang paningin niya ay nasa pan ng pizza. Sumulyap siya sa 'kin matapos maglagay ng isang hiwa sa plate niya.
"Mahilig siya sa desserts," baling ni Rhumzell kay Maxrill Won. Na noon ay natigilan at sumulyap sa 'kin. "Order ako," ngiti ni Rhumzell saka tumayo at agad na pumila.
Gano'n na lang katunog ang buntong-hininga ni Maxrill Won nang sulyapan ko. Nang maramdaman ang aking tingin ay napilitan siyang ngumiti sa akin.
Natahimik ako hanggang sa makabalik si Rhumzell. Mabuti na lang at hindi lang para sa 'kin ang in-order niyang dessert, lahat kami ay meron.
Nakita ko nang panoorin ni Maxrill Won ang kamay ni Rhumzell na ilagay ang plate ng banana split sa harap ko. Saka siya naupo at nagpatuloy sa pagkain ng pizza.
Aaminin kong natakam talaga ako sa banana split. Kaya nag-aalinlangan man, kaysa masayang ay inubos ko 'yon. Mabuti na lang at naubos din nila ang pizza, kaya sa huli ay walang natira.
Tahimik si Maxrill Won hanggang sa makabalik kami sa sasakyan niya. Panay tango lang ang isinagot niya nang magdesisyon si Rhumzell na sumama na lang sa bahay nina Maxrill at hintayin na lang din na masundo kami.
Sinulyapan ko si Maxrill at pinanood siya mula sa pagbuhay ng makina ng kaniyang sasakyan. Ipinatong niya ang kaniyang siko sa patungang nasa pagitan ng aming upuan saka lumingon sa likuran habang umaatras. Hindi ko inaasahang susulyapan niya ako at tipid na ngingiti.
"Why?" tanong niya saka muling tumingin sa likuran at tuluyang nagmaniobra.
"Salamat sa date, Maxrill Won," ngiti ko.
"Can I ask you out again tomorrow?" tugon niya na sumulyap sa salamin sa kaniyang tagiliran bago nagpatuloy sa pagmamaneho.
Napatitig ako sa kaniya at saka tumango. "Sige."
Ngumiti rin siya ngunit hindi na muli nagsalita pa hanggang sa makarating kami sa mansyon nila. Hindi ko tuloy maiwasang isipin na may kinalaman ang pananahimik niya sa banana split na binili ni Rhumzell.
"Heurt," bati ni Maxrill Won nang madatnan na namin si nanay sa kanilang mansyon.
"Nanay," lumapit ako at yumakap.
"'Nay!" sumunod si Bree na yumakap din. Maging si Rhumzell ay bumati.
Ngumiti si nanay. "Nag-enjoy ba kayo?"
"Opo," sabay kaming sumagot ng kapatid ko, nanatili namang nakangiti ang dalawang babae.
Bumuntong-hininga si nanay saka sinuyod ng tingin ang kabuuan namin ni Bree. "Mabuti kung gano'n. Kakausapin ko muna si Maxrill Won. Sandali lang."
Nagkatinginan sina nanay at Maxrill Won saka magkasabay na nagpunta sa isang silid na hindi ko pa napapasok. Naiwan kami nina Rhumzell at Bree sa sala nang lapitan kami ni Aling Nenita.
"Gusto ninyo ba ng maiinom?" alok nito.
Awtomatikong tumayo si Bree. "Tutulungan ko na po kayo, Tita Nenita!"
Itinulak niya si Aling Nenita papunta sa kusina dahilan para maiwan kami ni Rhumzell. Pakiramdam ko ay sinadya ng kapatid ko 'yon para makapag-usap kami.
Gano'n na lang katindi ang kaba ko pero naisip ko kung may iba pa ba akong pagkakataon para makausap si Rhumzell. Bukod sa ayaw ko nang patagalin pa ang sitwasyon.
"Ano...Rhumzell," bumaling ako sa kaniya, nanginginig ang boses. "Tungkol do'n sa sinabi ko kanina..." natigilan ako nang makita kung gaano kalalim ang titig niya matapos akong lingunin.
Umawang ang labi ko ngunit hindi agad nakapagsalita. Dahilan agad ang iniisip ko dahil hindi ako makapag-isip ng tama. Kasalanan kong hindi ako nakapaghanda na kausapin siya.
"What is it, Dainty?" kaswal niyang tanong.
"Sorry," iyon lang ang lumabas sa bibig ko sa dami ng gusto kong sabihin. Nagbaba ako ng tingin. "Gusto ko sanang..." humina nang humina ang boses ko. "Gusto kong huminto ka na sa panliligaw sa akin."Pakiramdam ko ay nasamid ako sa huling salita dahil sa kaba.
Gano'n na lang katunog ang buntong-hiningang pinakawalan niya. Hindi ko masalubong ang titig niya at natatakot ako sa maaari niyang isagot. Pero kailangan ko talagang gawin ito.
"I understand," mahina rin niyang sagot. "I can't...force you to like me back," nag-iwas siya ng tingin at itinuon sa magkahawak niyang kamay. "Lalo na kung may gusto ka nang iba simula pa no'ng una."
Napalunok ako at napatitig sa kaniya. "Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko sa 'yo, Rhumzell."Hindi siya tumugon. "Alam kong nagkamali ako dahil pinayagan kitang..."
Natigilan ako nang ngumiti siya sa kawalan. "It's painful to hear na sa tingin mo ay mali ang payagan akong manligaw sa 'yo."
"I'm sorry," nagbaba uli ako ng tingin.
"It's okay. It was my mistake. Niligawan kita kahit ilang beses mong sinabi na may gusto ka nang iba."
"Sorry talaga, Rhumzell."
"Okay na 'kong nagsabi ka nang totoo, Dainty."Idinantay niya ang batok sa sandalan ng sofa saka tumingala sa kisame. "I'm sure he can make you happier." Ngumiti siya sa kawalan at saka pumikit. "Only Maxrill can make you happy, rather."
Umawang ang labi ko at gusto pa sanang magsalita. Pero sa sakit na nababasa ko sa kaniyang mga mata, pakiramdam ko makadaragdag lang kung magsasalita pa ko. Pabuntong-hininga akong nag-iwas ng tingin at nagbaba na lang sa mga kamay ko.
"Mind if I pick her up tomorrow?" tinig na iyon ni Maxrill. Nang lingunin ko sila ay papalapit na uli sila ni nanay sa amin.
Nagkibit-balikat si nanay at sinalubong ang aking tingin. "Si Dainty ang tanungin mo."
"I already asked her, now I'm asking for your permission, tita." Kaswal mang sinabi ni Maxrill Won 'yon ay hindi kapani-paniwalang naroon ang paggalang sa kaniyang tono at itsura.
Sa katunayan, maging si nanay ay nagulat sa inasal niya. Napangiwi siya at tumango-tango saka bumuntong-hininga. "Kayo ang bahala, malalaki na kayo. Isa pa, kasabay niyang pumapasok si Bree kaya kung susunduin mo ang isa, ihahatid mo ay dalawa."
"I'm serious, Tita Heurt," seryoso nga talaga si Maxrill.
Na muling ikinagulat ni nanay. Tumitig si nanay kay Maxrill Won at bumuntong-hininga. "Kayo ba ni Rhumzell ay nagkausap na tungkol dito?"
Nakita ko nang matigilan at mailang si Maxrill Won. Sinulyapan niya ang kaibigan saka rin nagpakawala ng buntong-hininga. "Not yet. But we will, for sure."
"Sa tingin ko ay mas mabuting pag-usapan ninyo muna." Nakangiwi niyang tinalikuran si Maxrill Won upang lumapit sa 'kin.
Nakita ko nang sulyapan ni nanay si Rhumzell at bumuntong-hininga. Hindi ko magawang lingunin ang katabi ko sa takot na makita ang lungkot sa kaniyang mga mata. Pakiramdam ko ay naiintindihan ko ang kaniyang nararamdaman. Gayong baka wala talaga akong ideya.
Naghanda ng maiinom sina Bree at Aling Nenita. Bukod do'n ay naihanda na rin ni Aling Nenita ang mga damit na ginamit ko, maging ang mga dress na pinahiram sa 'kin ni Maxrill Won. Lahat 'yon ay nakaayos na sa malinis na paperbag.
"You can take it," ngumiti si Maxrill Won, nahulaan ang nagtatanong na tingin ko. "They're yours now."
"Salamat," nahihiya kong tugon pero ang totoo ay masaya ako sa loob ko. Wala mang manggas ang mga 'yon, pero dahil galing 'yon kay Maxrill Won, napakasaya ko.
"Hindi na kami magtatagal," ani nanay. Sa isang mabilis ay nilaghok niya ang isang baso ng juice. Matunog sa lalamunan ngunit walang kahirap-hirap na nagawa.
"Hala..." natutuliro akong tumayo at kinuha ang baso ng juice ko.
Marahan kong inilapit ang baso sa bibig ko pero hindi ko magawa ang ginawa ni nanay. Maliliit ngunit magkakasunod na simsim lang ang aking nagawa. At nahinto ko 'yon nang tumabi si Maxrill Won sa akin at panoorin akong uminom nang malapitan.
"Easy," bulong niya.
"Uuwi na kasi kami," sabi ko sabay punas sa bibig ko. "Hindi ko na mauubos 'to."
Nagulat ako nang kunin niya ang juice sa akin. "I'll finish it," aniya saka ininom ang aking natira.
Natulala ako sa kaniya nang ilang sandali at nang lingunin ko sina nanay ay nakatingin na rin sila kay Maxrill Won. Inosente naman nitong inilapag ang baso sa mesa at saka kinuha ang paperbag ng mga damit ko.
"Rhum," anyaya niya rito sabay senyas palabas.
Nagkasulyapan kami ni Rhumzell ngunit siya agad ang nag-iwas. Hindi ko tuloy malaman kung sapat na ba ang napag-usapan namin kanina o kailangan ko pang humingi uli ng tawad. Ang tanging alam ko, alinman sa dalawa ang gawin ko, hindi 'yon makakabas sa sakit na naidulot ko sa kaniya.
To be continued. . .
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top