CHAPTER 34
CHAPTER 34
ANO KAYANG isusuot ko?
Kagat ang sariling daliri, kanina pa paroo't parito ang tingin ko sa cabinet gayong iilan lang naman ang damit ko. Dumaan ang halos isang linggo nang hindi ko namamalayan dahil sa dami ng kailangang gawin sa eskwelahan. Ni hindi ko napaghandaan ang isusuot.
Mamayang gabi na ang birthday party ni Rhumzell, napilitan akong pumayag dahil sa pamimilit ni tatay at pagpayag ni nanay. Pumayag na lang din ako dahil nakumbinsi kong sumama sina Kuya Kev at Bree. Naghati-hati kami para sa mamahaling cake bilang regalo.
"Hindi ka pa rin ba nakapamili, ate?" natatawang ani Bree nang pumasok sa kwarto namin matapos maligo. "Sabi ko naman kasi sa 'yo, bilhin mo na 'yong dress kahapon."
Napabuntong-hininga ako. Nagpunta kami sa mall ni Bree kahapon para ibigay ang design at bayaran ang cake na regalo namin kay Rhumzell. Sapat lang ang pera ko at wala akong budget para dress na sinabi niyang bagay sa 'kin. Gusto ko rin naman 'yon, kakulay ng balat at type ko ang style. Pero masyadong mahal 'yon para isuot ng tulad ko, bukod sa hindi talaga sapat ang aking pera.
"Pahihiramin na lang kita ng dress ko, ate," mayamaya ay suhestyon niya. "Tamang-tama, may binili ako na hindi ko pa naisusuot."
Nanlaki ang mga mata ko. "Pero ang style ng mga damit mo..." Hindi ko maituloy ang sasabihin dahil sa takot na masamain niya ang sasabihin ko.
Tumawa si Bree. "Oo nga!" nakuha niya agad ang hindi ko tinapos sabihin. "At dahil mas matangkad ka sa 'kin, paniguradong maiksi sa 'yo ang mga damit ko, ate! Pero siguradong mas babagay sa 'yo ang mga ito. Halika, pumili ka!"
"Ayoko, Bree. Hindi bagay sa 'kin 'yan," 'ayun na agad ang pagtanggi ko, wala pa man akong nakikita.
"Hindi mo pa nga nasusubukan, ate. Sige na, subukan mo."
"Ayoko. Sigurado akong hindi babagay sa 'kin alinman diyan."
"Anong hindi? Ate, mas maganda pa nga ro'n sa manekin ang katawan mo! Saka ang ganda-ganda ng mukha mo, ate! Halika rito." Hinila ako ng kapatid ko papalapit sa kaniyang cabinet.
Nanlaki agad ang mga mata ko nang tumambad sa 'kin ang nag-iiksiang palda niya. "Diyos ko, Bree..." natutop ko ang aking bibig.
Nagbaba ako ng tingin sa paanan ko, hindi man lang aabot sa kalahati ng binti ang haba niyon. Paano akong mauupo, kung gano'n? Ang iba niya namang damit, kung hindi sa likuran ay sa tagiliran may disenyong butas na malalaki. Karamihan din sa mga 'yon ay malalalim ang dibdib at hapit sa katawan.
"Alam mong hindi ganito ang mga damit na tipo ko, Bree," kunot-noong sabi ko. "Hindi ko kayang isuot 'yan."
"Hindi ka lang sanay, ate."
"Dahil hindi ko natutunang magsuot ng...damit pa ba 'to?" nangingilo ako, gayong tinitingnan ko lang ang mga 'yon.
Humalakhak si Bree. "Kelan ka pa matututong mag-ayos kung hindi mo pa sisimulan ngayon, ate?"
"Hindi ko naman kailangang mag-ayos, Bree. Kontento ako sa pananamit ko at iyon ang damit na maaayos. Hindi ako komportable sa ganitong klase ng maiiksi at bulgar..."
Natigilan ako sa sinasabi nang makita ang reaksyon sa mukha niya. Saka ko lang naisip ang mga sinabi ko. Siya ang may ari ng mga damit na 'yon pero masasama ang sinabi ko. Nag-alok siya ng tulong pero sa halip na magpasalamat ay pinuna ko ang itsura ng mga 'yon.
"'Sabagay, kahit hindi ka mag-ayos, ate, napapansin ka naman talaga dahil sobrang ganda mo," nakangiting sinabi ni Bree 'yon pero nalasahan ko ang pait. "At kahit anong isuot mo, terno man o magkakaibang kulay, madadala mo. Lahat bumabagay sa 'yo."
"I'm sorry, Bree," sinsero kong sinabi. "Sorry, hindi ako nag-iisip," nagbaba ako ng tingin sa sobrang hiya. "Pasensya ka na."
"Okay lang, ate," ngiti niya saka isa-isang binalik ang mga pinasusukat sa 'kin kanina. "Pero sana 'wag mong isipin na dahil hindi ito ang mga style mo ng damit, hindi na maayos ang mga ito." Sinabi niya 'yon habang deretsong nakatingin sa 'kin.
Hindi ko magawang salubungin ang titig niya dahil sa hiya. Gusto ko uling mag-sorry pero nagpatuloy siya sa pagsasalita.
"Kompara sa 'yo ay maliit ako, Ate Dainty. Hindi gaya mo ay maiiksi ang mga binti at hita ko. Kung ikaw ang magsusuot, maiksi ang damit ko. Pero kapag ako, umaabot o lumalampas ang mga 'to sa aking tuhod."
Nakangiting isinalansan pabalik ni Bree ang mga inilabas na gamit at damit.
"'Wag mo sanang isipin na sinusuot ko ang mga 'to para mapansin. 'Wag mo sana akong husgahan base sa 'king pananamit. Sadyang ito lang ang bumabagay at maganda para sa 'kin. Dahil dito lang ako nagkakaroon ng confidence, dito ko lang nararamdaman na maganda rin ako." Tuluyang isinara ni Bree ang cabinet niya matapos sabihin 'yon.
Naiwan akong nakatayo dahil sa sobrang pagkapahiya. Hindi ko alam ang gagawin, lalong hindi ko alam ang sasabihin. Ngayon ko lang naisip kung gaano kapangit at kasakit ang mga sinabi ko.
"Bree..." lumapit ako sa vanity kung saan siya naupo at nagpatuloy sa pagsusuklay. "Sorry..." sinsero kong sinabi saka yumuko at yumakap sa kaniya. "Hindi ko sinasadyang sabihin ang mga 'yon. Hindi ako nag-iisip."
"Ayos lang, Ate Dainty," ngumiti siya sa 'kin mula sa salamin. "Sa tagal mong nananamit nang mahahaba, hindi talaga madali para sa 'yong magsuot bigla nang maiksi. Kahit siguro ako na sanay sa gano'ng pananamit, maninibago kung ipipilit sa 'kin ang tulad sa mga damit mo. Magmumukha akong kabute ro'n, ate." Humalakhak siya.
Sa isang iglap ay gusto kong maluha dahil gano'n na lang katindi ang pasensya sa 'kin ni Bree. Hindi ko namamalayan ang pananalita ko. Tama ang sinabi niya. Dahil hindi iyon ang tipo ko, hindi na 'yon maganda at dapat nang punahin. Kilala ko ang kapatid ko. Gano'n man siya kung maghabol kay Maxrill, hanggang doon lang ang kaya niyang gawin. Samantalang ako na hindi mahusgahan dahil sa pananamit ko, higit pa sa paghahabol ang nagawa ko kasama ang lalaking pareho naming gusto.
Umayos ako ng tayo. Kumuyom ang mga palad ko at nakapikit akong humugot ng hininga. "Sige," kapagkuwa'y sinabi ko. "Magsusuot ako...ng d-damit mo." Saka ko muling sinalubong ang tingin niya.
Nanlaki ang mga mata ni Bree sa tuwa. Aligaga siyang tumayo upang harapin ako. "Talaga, ate?"
Napangiti ako saka magkakasunod na tumango. "Oo. Sorry talaga, ah?" sinsero, nahihiya ko pa ring sabi.
"Wala 'yon, ate, ano ka ba? Tara, dali!" Hinila niya uli ako papunta sa cabinet niya.
Nangingiti kong tiningnan si Bree habang panay ang kaniyang salita at halos ilabas lahat ng kaniyang damit. Inilalapit niya sa 'kin ang dress at sa gano'ng paraan tinitingnan kung alin sa mga 'yon ang babagay. Panay ang salita niya pero emosyonal, nakangiti lang akong nakatitig sa kaniya.
Ako ang tahimik, pero siya talaga ang mabait. Ako ang mahiyain pero siya ay nilulunok ang hiya para makadiskarte sa buhay. Hindi ako palahingi pero siya ang mapagbigay. Tama si nanay. Sa aming lahat ay si Bree ang pinakamabait. Hindi lang 'yon makita dahil parating ako ang napapansin.
"Ito!" palahaw na ani Bree dahilan para matigil ang pag-iisip ko. "Tingnan mo, ate!" Tinulak niya ako papaharap sa salamin. "Bagay na bagay sa 'yo!"
Dress iyon na halos kakulay ng aking balat. Siguradong wala pa sa kalahati ng hita ko ang haba. Walang manggas, ang totoo ay napakanipis ng strap. Kung gaano kanipis ang stray sa balikat, gano'n din kaninipis ang tanging harang sa likod. Hapit ang sa katawan, palobo naman ang palda niyon.
Napalunok ako, gustong tumutol. Pero ako ang may gusto nito. Paniguradong magbabago ang nararamdaman ni Bree kapag tumanggi muli ako.
"S-Sige," napipilitan kong sagot.
Hindi iyon natapos do'n dahil tinulungan din akong maghanap ng maisusuot na sapatos ni Bree. Inihanda niya na rin ang makeup at hair rollers na ipagagamit sa 'kin. Maging sa magiging ayos ng buhok at pabangong gagamitin ko ay siya na ang pinagdesisyon ko. Kaya sa huli, natulala na lang ako sa aking sarili.
"Liptint na lang, Ate," ani Bree na muling pumuwesto sa harapan ko. Inawang niya ang labi ko gamit ang daliri saka nilagyan ang mga labi ko. Dumampot siya ng pabango saka in-spray 'yon sa kabuuan ko. "'Ayan, Ate Dainty! You're all done!"
Tama si Bree. Bagay na bagay nga sa akin ang dress na 'yon. Hindi lang 'yon. Umawang ang labi ko sa sariling itsura nang makita ang makeup look na ginawa niya. Maging sa ayos na ginawa niya sa buhok ko, kung saan ang nakatali ang lahat at may nahuhulog na ilan sa harapan at gilid ng tainga, hindi ko halos makilala ang sarili ko.
Nasapo ko ang batok ko saka nahihiyang tiningnan ang aking sarili sa salamin. "Ang ganda, Bree..." pakiramdam ko ay puso ko na naman ang nagsabi no'n para sa 'kin. Saka ko siya tuluyang hinarap. "Salamat."
"Oh, my gosh..." Namasa ang mga mata ni Bree at nakangiting tumango sa 'kin. "Napakaganda mo, Ate Dainty!"
Nag-init ang mga pisngi ko. "Salamat, Bree. Salamat." Hindi ko napigilan ang sarili kong yakapin siya.
"Baunin mo 'tong liptint, para makapag-retouch ka kung sakaling mabura. Babaunin ko rin 'tong lipstick ko," isinilid ni Bree ang liptint sa maliit na sling bag na pinahiram niya rin sa 'kin.
Aaminin kong kanina ay balewala sa 'kin kung ano ang maging itsura ko. Para sa 'kin, walang dahilan para magpaganda ako nang todo. Kung birthday party marahil ni Maxrill iyon, siguradong mag-aalala ako nang todo sa magiging itsura ko. Hindi ako naging patas dahil si Rhumzell ang may kaarawan.
Maging si Bree ay hindi ko mapigilang purihin nang paulit-ulit matapos niyang magbihis. Kulay asul na dress naman ang kanyang pinili. Wala halos nakatakip sa kaniyang likod, tanging 'yong tali sa kaniyang leeg at bewang ang pumuprotekta sa damit. Kulay purple ang top at violet naman ang skirt niyon. Na pinarisan niya ng itim na sapatos at may nakapulupot na tali hanggang sa kaniyang tuhod. Mataas ang takong niyon kaya halos maabutan ni Bree ang taas ko kung wala lang akong takong.
Pinanood ko siya maging sa pag-aayos sa sarili. Panay ang daldal ni Bree ngunit natutok ang paningin ko sa paraan niya ng paglalagay ng makeup. Wala akong hilig doon. Maski nga ang polbo ay kinatatamaran ko ang paglalagay. Pero habang pinanonood ko siya ngayon, parang gusto kong masubukan ang lahat ng kulay.
"Narito ang magsusundo sa inyo, Bree, Dainty!"pagtawag ni nanay dahilan para dali-dali kaming kumilos ng kapatid ko. Gusto ni Rhumzell na siya ang sumundo sa 'min pero para hindi niya makita ang surprise birthday gift namin ay nagpumilit akong iba na lang.
"Wow!" parehong nahulog ang panga namin ni Bree nang makita si Kuya Kev. Naka-suit and tie siya at nakaayos ang buhok.
"Parang may pinaghandaan kang makita, kuya, ah?"panunukso ni Bree.
Sumama ang mukha ni kuya. "Ano ba'ng sinasabi mo diyang, bansot ka?" asik niya. Hindi nakaligtas sa 'kin ang pamumula ng pisngi niya. Natutop ko ang aking bibig saka palihim na tumawa.
Gusto kong sabihin na hindi ko siya makilala dahil gano'n ang nararamdaman at nakikita ko. Pero dahil namula si Kuya Kev matapos makita ang aming reaksyon, sinabi ko na lang na napakagwapo niya.
Si nanay ang nagsakay ng cake na para kay Rhumzell. May kalakihan 'yon kaya hindi pwedeng isama sa 'min sa loob ng sasakyan. Kinailangan iyong isakay sa likuran.
Matapos magpaalam ay nakangiti kaming bumiyahe papunta sa bahay ng mga Echavez.
Gaya ng inaasahan ay napakaliwanag ng bahay. Malakas ang tugtugan at nangingibabaw ang tinig ng mga nag-uusap na bisita. Si Ate Dein Leigh ang sumalubong sa 'min at gusto kong umatras na lang at umuwi nang matulala siya habang nakatingin sa 'min.
"Ikaw na ba 'yan, Bree Anabelle?" ani Ate Dainty. Lumapit siya sa kapatid ko at yumakap pero muli siyang tumulala nang humarap kay Bree. "You're so pretty! Unbelievably beautiful. You, too, Dainty!"
Hindi ko siya magawang tingnan nang deretso. "Good evening po, Ate Dein Leigh." Nagbaba ako ng tingin at bahagyang nagtago sa likuran ni Kuya Kev.
"Pasensya ka na, mahiyain pa rin ang kapatid ko," ani Kuya Kev na nakamot ang kaniyang ilong. "Dainty, ano ba? Dito ka nga sa harap." Nagpunta si Kuya sa likuran ko.
"Bree Anabelle, grabe! Bakit anggaganda ninyo? Nahiya ako sa itsura ko," laking pasalamat ko nang hindi na mawala kay Bree ang paningin si Ate Dein Leigh. "Kailan uli namin maririnig ang kantahan ninyo ni Rhumzell? Tuwang-tuwa ang Kuya Randall mo, makiki-jamming daw siya."
"Mas maganda ka pa rin sa 'min, Ate Dein," nahihiya ring ani Bree. "Sa susunod po na magyaya si Rhumzell, ate."
Hindi ko alam kung anong pinag-uusapan nila. Ang tanging naintindihan ko ay may sandali pala na nagkasama sina Bree at Rhumzell nang hindi niya naikwento sa 'min.
Muling bumaling si Ate Dein sa 'kin. "You're so beautiful, Dainty. Dalagang-dalaga ka na!"
"Thank you, Ate Dein..."
"Magkaka-boyfriend ka na ba?" humalakhak si Ate Dein, nag-init nang todo ang mukha ko.
"H-Hindi pa po, ate."
"Bakit naman hindi? Ang ganda-ganda mo, hindi ka dapat gumagaya rito sa kuya mong forever single!"
"S-Saka na po, ate." Ang init-init ng mukha ko sa hiya.
"I was just kidding, syempre, studies muna, right?" aniya na tinanguan ko.
Mahiyain ako talaga, hindi ko matagalan ang tingin sa t'wing pupurihin ako. Pero mas nakakahiya pala talaga kapag nanggaling 'yon sa pakiramdam mo ay mas maganda sa 'yo. Masarap sa pakiramdam pero nakakahiya kapag humahanga ka rin sa itsura ng nagsasabi.
"Come on in," anyaya ni Ate Dein saka kami excited na dinala sa sala kung nasaan si Tiya Dayzelle. "So, they're planning to surprise him, tita. First, ilabas na muna natin ang cake ninyo—wow! He'll surely like this, so sweet of you, guys."
Inilabas ni Ate Dein ang cake na regalo namin kay Rhumzell saka isa-isang sinindihan ni Kuya Kev ang candles sa palibot niyon. Humilera kami sa may hagdan kung saan bababa si Rhumzell.
'Ayun na naman ang kaliwa't kanang pamumuri na pakiramdam ko ay magiging dahilan ng paglubog ko sa lupa. Halos lahat ay nakatingin sa 'kin habang naghihintay sa celebrant. Hindi nakaligtas sa pandinig ko nang ikabit nila ang aking pangalan kay Rhumzell.
"You're so perfect, hija," inayos ni Tiya Dayzelle ang buhok sa mukha ko saka ako hinawakan sa magkabilang pisngi. Hawak ko ang cake at medyo mabigat 'yon kaya namin ngiti lang ang naiganti ko. Tumabi siya sa 'kin. Hindi ko inaasahang pagdidikitin niya ang mga pisngi namin saka ako hinawakan sa braso.
Naiilang akong sumulyap kina Bree at Kuya Kev. Hindi ko maitatanggi ang tuwa sa mukha ni kuya habang hindi ko naman maipaliwanag ang emosyon sa titig ni Bree kay tiya. Para siyang maluluha sa saya. Hindi ko maiwasang isipin na ganito siya kasaya dahil si Rhumzell ang naipapares ng mga ito sa 'kin. Mas may tyansa na siya kay Maxrill Won.
Napabuntong-hininga ako. 'Ayun na naman ako sa pag-iisip nang masama sa kapatid ko gayong siya ang dahilan para purihin ang itsura ko sa gabing ito.
"Hey, hey, hey, look who's here," tinig ni Kuya Randall ang nakapagpalingon sa amin. Nagulat siya nang makita ako. Bahagyang lumayo si Kuya Randall saka ako tiningnan nang may paghanga.
"You're making her feel uncomfortable, kuya,"nangibabaw ang tinig ni Rhumzell at bago ko pa siya masulyapan ay naglalakad na siya pababa. 'Yon na rin ang hudyat para kantahan namin siya ng birthday song.
"Happy birthday...to you," tinapos ko ang pagkanta. "Happy birthday, Rhumzell," ngiti ko. Naramdaman ko nang muli akong akbayan ni Tiya Dayzelle. Naiilang man ay pinagpasalamat ko 'yon dahil mahirap tagalan ang bigat ng cake.
"Oh, make a wish!" ani Kuya Randall. "To live and grind, bro."
"Shut up!" pinalo ni Ate Dein ang braso ng kaniyang asawa.
Yumuko si Rhumzell upang magpantay kami. Matagal siyang tumitig sa 'kin saka nakangiting pumikit. Matapos magmulat ay hinipan niya ang lahat ng kandila at kinuha ang cake sa 'kin.
"Thank you, Dainty," ani Rhumzell.
Kumuha ng icing si Kuya Randall at ipinahid sa tungko ng ilong ni Rhumzell. "Happy birthday, brat!" saka siya humalakhak at kinuha ang cake mula kay Rhumzell.
Umiiling na pinahiran ni Rhumzell ang ilong saka tumingin sa 'kin. "Thanks for the cake, Dainty."
"Ano..." gusto kong sabihing galing sa 'ming lahat 'yon pero ayaw kong mapahiya siya. "You're welcome, Rhumzell."
Nabigla ako nang agawin niya ako kay Tiya Dayzelle at akbayan sa braso. Natigilan si Rhumzell at napapamaang na tumitig sa 'kin nang tuluyang makita ang kabuuan ko.
"Dainty..." sambit ni Rhumzell saka ako marahang binitiwan.
"H-Ha, Rhumzell?"
Sa halip na sumagot ay pinakatitigan ako ni Rhumzell. Paniguradong hindi lang gulat ko ang nakita niya, maging ang pamumula ng mga pisngi ko. Nalanghap ko agad ang bango ni Rhumzell gayong magkaharap lang naman kami. Hindi ko napigilang humanga nang mangibabaw ang itsura niya sa asul na suit. Kung hindi pa ako mailang ay hindi ko maaalis ang paningin sa kaniya.
"Happy birthday ulit, Rhumzell," mahina kong bati.
Nilingon niya ako dahilan para mamula ang pisngi ko. "Thank you ulit, Dainty."
Kung kanina ay nasa akin ang paningin ng lahat, ngayon ay nakatutok na lahat 'yon kay Rhumzell. Hindi lang ako ang humanga sa itsura niya, maging lahat ng naroon ngayon sa sala.
"Happy birthday, Rhumzell," sabay na bumati sina kuya at Bree. Nakipagkamay si Kuya Kev habang si Bree ay nilapitan ni Rhumzell upang yakapin.
"You look good," papuri ni Rhumzell sa aming bunso na awtomatikong namula at nag-iwas ng tingin.
"Salamat," nakatagilid na si Bree nang sabihin 'yon.
"Try your cake, anak," anyaya ni Tiya Dayzelle. Saka inakay ang anak papalapit sa table kung saan nakahilera ang iba't ibang cake na regalo para rito.
Sa lahat ng cakes na niregalo kay Rhumzell, sa amin ang pinakamalaki. Pero sa itsura, iyon ang halatang pinakamura. Mukhang mamahalin lahat ng naroon at iyong sa 'min lang ang naiiba.
"I like the cake Dainty gave me, tastes the best," dinig kong ani Rhumzell, napangiti ako.
Lumapit siya sa 'kin at niyaya akong lumabas sa garden kung nasaan ang handaan niya. Ginala ko ang paningin. Gusto kong sabihing simple ang handaan ni Rhumzell ngayon pero kulang na kulang ang salitang 'yon. Malayo man 'yon sa mga naunang birthday party niya na napuntahan ko, hindi pa rin nawala ang pagiging en grande.
Sa t'wing ang pamilya ng mga Del Valle at Echavez ang may kaarawan, ganito kagarbo ang handaan. Kung hindi sa likurang bakuran ay sa harapan o garden 'yon ginaganap.
Dinala kami ni Rhumzell sa mesang naro'n sa gitna. Sapat lang 'yon sa apat dahil sa mga upuan. Nakahanda na ang rin ang mesa at nang maupo kami ay isa-isang inilatag ang pagkain.
Nahihiya akong lumunok matapos matakam sa liempo at seafood pasta. 'Ayun na naman 'yong kakaunting serving ng pagkain na nasa gitna lang ng plato.
"Let's eat," anyaya ni Rhumzell na naupo sa tabi ko. "Anyway, thanks for coming," baling niya kina kuya at Bree. "Konti lang ang guests kasi karamihan ay hindi makakapunta." Nagkibit-balikat siya. "Mas gusto naming kaunti lang ang bisita."
"Wala sina Maxpein, 'no?" tanong ni kuya.
"Oh, they're in Palawan right now according to Kuya Randall, to visit Kuya Maxwell, I guess," sagot naman ni Rhumzell. "I'm not sure if I heard it right, but kuya's planning to go to Palawan soon, too."
Tumango-tango si Kuya Kev. "How about..."
"Ate Kim, huh?" natatawang ani Rhumzell. Nanlaki ang mga mata naming magkakapatid at nagugulat na tumingin sa kaniya. Humalakhak siya. "Bree told me."
"'Oy, hindi, ah!" ani Bree na tumayo para paluin sa braso si Rhumzell.
"Sinabi mo talaga."
"Ang sabi ko lang..."
"What?" hamon ni Rhumzell. "You told me, crush ng kuya mo si Ate Kimeniah."
"Eh, kuya, crush mo naman talaga si Ate Kim, hindi ba?"wala nang nagawa si Bree kung hindi magsabi nang totoo.
Natatawa kong sinulyapan si kuya, pulang-pula na ang mga pisngi niya. "Napakadaldal mo, Bree."
Natawa kami nina Bree at Rhumzell sa inasal niya. "Sorry, nadulas kasi ako, kuya," dahilan ni Bree.
Bumaling sa 'kin si Rhumzell. "Go ahead and try the food, Dainty."
"Nakain na 'ko," ngiti ko. Nagsalubong ang tingin namin ni Bree, nakita ko siyang bumuntong-hininga bago ngumiti.
Napalingon ako kay Rhumzell nang damputin at tingnan niya ang cellphone. Sumenyas siya sa 'min saka tumayo upang sagutin 'yon.
"You're what?" dinig kong natatawang ani Rhumzell.
Bumaling ako sa pagkain ko saka muling sumubo ng pasta. "Ang sarap nito, 'no?" natutuwang sabi ko saka muling nagpaikot sa tinidor ko.
Nakatikim naman na ako ng seafood pasta noon pero kakaiba sa lahat itong handa ni Rhumzell. May pinaghalong tamis at anghang, at hindi ko makilalang lasa 'yon. Maganda rin ang itsura at malinamnam ang sahog na seafoods.
"Bitin nga, ate," bulong ni Bree. "Bakit kaya kapag mayayaman, kaunti kung kumain, 'no? Pwede pa kayang umulit?"
Sinulyapan ko si Rhumzell saka inilapit ang mukha kay Bree. "Sa akin din ay kulang pa ito, Bree," ganting bulong ko. Natigilan ang kapatid ko saka kami sabay na natawa.
"Kuha pa tayo?" anyaya ni Bree.
"Nahihiya ako," tugon ko.
"Ako rin," ngumuso ang kapatid ko.
"Ikukuha ko kayo," ani Kuya Kev dahilan para magliwanag ang paningin namin ni Bree.
"Sige, kuya!" sabay naming anang bunso dahilan naman para matawa ang kuya namin.
"Happy birthday, Rhumzell." Nanindig ang mga balikat ko nang marinig ang pamilyar na boses mula sa likuran.
Napigil ko ang aking hininga. Bagaman kasi hindi ko siya nakikita, pakiramdam ko ay nasa akin ang paningin niya. Napalunok ako nang mag-angat ng tingin sina Bree at Kuya Kev sa likuran ko at magulat din sa nakita.
"Thanks, Maxrill," tugon ni Rhumzell dahilan para bumilis ang tibok ng puso ko. "Thanks for coming."
Nang lingunin ko si Maxrill Won ay lalo kong napigil ang hininga sa kaniyang itsura. Bagsak na bagsak ang buhok niya at preskong-preskong tingnan habang nakapamulsa, ang isa pang kamay niya ay may hawak na bote ng mineral water. Lalo siyang nagmukhang maputi sa itim na itim na coat at itim na shirt sa loob niyon. Bitin ang itim din na pants niyon na lalo pang pinakalas ang kaniyang dating. Makintab naman ang paniguradong mamahaling leather shoes niya. Kapansin-pansin din ang namumula niyang labi. Lalo ring lumakas ang dating niya dahil sa kaniyang itim na earrings.
Napalunok ako nang magtama ang paningin namin. Nakahinga lang ako nang muli niyang ibaling kay Rhumzell ang mga mata.
"Where's my gift?" humalakhak si Rhumzell.
"There," nagturo sa kung saan si Maxrill Won.
"Where? Wala akong nakikitang gift wrapper."
"Dude, I can't wrap a freaking all-terrain vehicle, dork."
Lalong humalakhak si Rhumzell. "You are the freaking best!" Inakap niya sa leeg si Maxrill Won saka ginulo ang buhok nito.
"You're gonna ruin my look!" inis na kumalas si Maxrill pero kung ako ang tatanungin, mas lumakas pa ang dating niya nang magulo ang buhok.
Nag-iwas ako ng tingin at muling binalingan ang pagkain ko. Magkakasunod na subo ang ginawa ko, hindi na ngumuya, at basta na lang uminom ng juice.
"Dahan-dahan naman, Dainty," ani Kuya Kev. "Walang aagaw ng pagkain mo, kukunan ko na muna kayo ng pasta."
"Salamat, kuya," sabi ko habang tulala sa kung saan. Muli akong sumubo nang magkakasunod at saka lumaghok ng juice.
"Maxrill!" hindi ko man lang namalayang tumayo si Bree. Pinigilan ko ang sariling lumingon sa kanila. Sa halip ay inubos ko ang natitirang pasta at wala sa sariling isinubo lahat 'yon.
"Hey there, mosquito," tugon ni Maxrill Won. "You look like a ladybug in purple."
"Hmp! Ako ang pinakamagandang ladybug kung gano'n!" asik ng kapatid ko.
"Sure," ani Maxrill Won. "But not in my eyes." Humalakhak sila ni Rhumzell.
"Ang sasama ninyo!" gilalas ng kapatid ko. "Lucky charm kaya ang ladybugs! Makikita mo, ako ang pinakamataas lumipad na ladybug na makikilala mo."
"Ooh," umungol si Rhumzell.
"Yeah? I prefer a dainty bug that can't fly, though," ani Maxrill Won.
Nagkandaubo-ubo ako dahilan para mahawakan ko ang dibdib at abutin ang aking baso. Ngunit naibagsak ko ang uli 'yon nang makitang ubos na ang laman. Saka ko pilit inabot ang baso ni Bree Anabelle.
"You're hungry, huh?" hindi ko inaasahan ang tinig ni Maxrill Won. Lalong hindi ko inaasahang ilalapag niya sa harap ko ang bukas nang mineral na water na hawak niya.
Nakayuko kong nginuya nang nginuya ang laman ng bibig ko at nakapikit na lumunok. Ngunit halos mapatalon ako sa kinauupuan nang maupo si Maxrill Won sa kaniyang mga paanan upang masilip ako.
Isinenyas niya ang mineral water bottle. "Drink."
Napalunok ulit ako at napatitig sa kaniya. Nang hindi ako makakilos ay pabuntong-hininga niya 'yong inabot sa 'kin. Nanginginig ang kamay na tinanggap ko ang bote at nakapikit na uminom doon.
"Hala," sumama ang mukha ko nang makitang naubos ko ang laman. Napapahiya akong tumingin sa kaniya, nawala ang lahat ng ekspresyon sa mukha ni Maxrill Won.
Pabuntong-hiningang tumayo si Maxrill Won, at gano'n na lang ang gulat ko nang saluhin ng kamay niya ang pisngi ko. Napatingala ako sa kaniya habang siya ay nakababa ang tingin sa akin. Bahagya siyang ngumiti kasabay ng paghaplos ng kaniyang daliri sa aking pisngi.
"I'll get you a drink," mahinang aniya bago binitiwan ang pisngi ko.
Napako sa kung saan ang paningin ko at hindi nakagalaw. Marahan kong hinawakan ang pisngi ko at hindi makapaniwalang napatitig sa kawalan. Kung hindi pa bumalik sa mesa si Kuya Kev ay baka natulala na lang talaga ako.
"Let's go and check Maxrill's gift," dinig ko ang tinig ni Rhumzell, puno siya ng excitement. Hindi na ako magugulat kung si Bree Anabelle ang niyaya niya. "A freaking ATV from the best brat in the world, unbelievable." Nang lingunin ko sila ay pareho na silang papunta sa kung saan ni Bree.
Nang masulyapan ko naman si Maxrill Won habang papalapit sa 'min, doon ko lang napansin kung ang mga paninging naaagaw niya sa simpleng paglalakad lang. Pero ang paningin niya ay tutok lang sa 'kin. Nawala lang 'yon nang masalubong niya ang hindi na naman inaasahang bisita, si Ate Kimeniah!
"Kuya..." bago pa 'ko nakabaling sa kapatid ko ay nakatalikod na ito! "Kuya?"
"How do I look?" aligagang ani kuya.
Natulala ako sa gulat sa inasta niya saka ako natawa. "Gwapo ka, kuya. Gwapong-gwapo," paniniguro ko.
Sabay kaming lumingon ni Kuya Kev sa gawi nina Maxrill Won at Ate Kim. Sabay ring umawang ang mga labi namin kung gaano kaganda si Ate Kimeniah sa green dress at high heels niya. Simple lang ang pagkakaayos niya pero nangibabaw ang kaniyang ganda sa lahat ng naro'n dahilan para pagkaguluhan siya ng ilan.
Gusto kong mainggit sapagkat gano'n na lang sila kagandang tingnan ni Maxrill Won habang magkatabi. Para silang mga modelo, gano'n sila kasarap tingnan. Pero hindi kapani-paniwalang lilingunin ako ni Maxrill Won saka nagpaalam dito.
Bago pa man ako nakabaling kay Kuya Kev ay lutang na siyang lumapit kay Ate Kimeniah matapos siyang kawayan nito. Hindi ko alam kung matatawa ako kung ano. Gumuhit ang ngiti sa labi ko nang makita kung paanong kabahan ang kuya ko sa babaeng kaniyang hinahangaan.
"Drink this," ani Maxrill Won dahilan para maagaw niya ang atensyon ko.
"Thank you," tumikhim ako upang hindi niya maramdaman ang kaba ko. Tinanggap ko ang baso at tumagilid ako bago uminom doon.
"I like your look. You have the most beautiful look tonight, stunning and radiant as always," mahinang ani Maxrill Won.
Dahil sa pagkabigla ay tumapon ang iniinom ko at saka ako naubo. Gano'n na lang kalalim ang hiningang hinugot ni Maxrill Won, nagpipigil yatang mainis sa 'kin. Lalo na nang makitang umabot sa damit ko ang tumapong inumin.
Napabaling siya sa kung saan saka dumampot ng table napkin. Akma niya na 'yong ipupunas sa 'kin nang magkabungguan ang mga braso namin dahilan para pati ang paa ko ay matapunan ng inumin.
Hala! Napapikit ako sa sobrang pagkapahiya!
"Clumsy as always, too, huh, Wednesday?" pabuntong-hiningang aniya saka kinuha ang kamay ko.
"S-Saan tayo pupunta?" natutuliro kong tanong habang nagpapatianod sa kaniya.
"Wash your leg, that juice's sticky, Dainty Arabelle,"mapagpasensya niyang tugon, pinagbibigyan lang ako.
Nagtataka kaming tiningnan nina Tiya Dayzelle at Ate Dein Leigh. "What happened to your dress, hija?" nagugulat na ani tiya, natuliro rin sa basang damit ko.
Nag-init ang mukha ko sa pagkapahiya. "N-Natapon po 'yung iniinom ko."
"We'll use the restroom," ani Maxrill Won na hinila na ako kung saan na para bang pag-aari niya ang bahay na 'yon.
"Sure, sure! Please use the common restroom upstairs, hijo," ani Tiya Dayzelle. "Gamit ni Randall 'yong nandito sa 'baba, sorry."
Ngumisi si Maxrill Won. "Great."
"May towel do'n, hijo," pahabol pa ni tiya na sinagot na lang ng ngiti ni Maxrill Won.
Hindi pa rin niya binibitiwan ang kamay ko hanggang sa makarating kami sa 'taas. Nagdere-deretso kami hanggang sa dulo ng hallway na para bang saulo niya ang buong bahay.
Kusang bumukas ang ilaw sa restroom nang buksan ang pinto. Inalalayan ako papasok ni Maxrill Won at doon lang binitiwan ang kamay ko. Akma ko nang isasara ang pinto nang iharang niya ang sarili at pumasok.
Nagugulat ko siyang tinitigan, deretso rin siyang nakatingin sa 'kin. "K-Kaya kong mag-isa," nautal nang sabi ko, halos pumiyok sa sobrang kaba.
"No one can kiss themselves alone, Dainty," mahinang ani Maxrill Won saka tuluyang isinara ang pinto.
Sinalo ng parehong kamay niya ang mukha ko saka ako tiningnan nang deretso. Panay ang paglunok ko, gano'n na lang kabilis nanghina ang mga tuhod ko. Isinandal niya ko sa mahabang sink dahilan para maihawak ko doon ang parehong mga kamay ko. Gano'n na lang katindi ang kabog sa dibdib ko.
"I missed you, baby...I'm unhappy without you," pabulong niyang sinabi at nang umawang sa gulat ang labi ko ay saka niya ako sinalubong ng halik.
Halik na pinigilan akong magreklamo nang mapagtanto kong hindi lang siya ang nanabik. Ramdam ko ang panginginig ko, maging ang kabog sa aking dibdib. Pero lahat 'yon ay nabura nang matuon sa mabagal at emosyonal na halik niya ang buong atensyon ko.
Ramdam ko ang pag-iingat niya, ramdam ko ang respeto niya, paano niyang nagagawa 'yon gayong labi lang namin ang nag-uusap? Hindi ko nakikita ang kaniyang mga mata, hindi rin siya nagsasalita. Paano naging posible 'yon?
Binitiwan niya ang labi ko na hindi ko agad nabitiwan kaya bahagyang sumunod sa kaniya ang mukha ko. Agad nag-init ang pisngi ko sa pagkapahiya. Mukha namang nagustuhan niya pa 'yon nang bahagyang ngumisi at tumitig sa aking mga labi.
"Did you miss me?" mahina pa ring tanong niya.
Napalunok ako at wala sa sariling tumango nang magkakasunod. Hinaplos ng mga daliri niya ang pisngi ko saka niya pinagmasdan ang bawat anggulo ng mukha ko.
"I want to stay with you," mahinang sabi niya at saka muling inangkin ang labi ko.
Nang sandaling 'yon ay bahagyang bumilis ang halik niya na hindi kapani-paniwalang sinabayan ko. Ang kaninang nanginginig na mga kamay ko ay kusang kumilos para hawakan ang pareho niyang braso. Bumaba ang mga kamay niya sa leeg ko at bago ko pa mapagtanto ay nabitiwan na ni Maxrill Won ang labi ko.
Dinampian niya nang magkakasunod na halik ang gilid ng labi ko hanggang umabit ang labi niya sa aking panga. Humigpit ang pagkakahawak ko sa kaniya nang maramdaman ang mainit niyang palad sa aking likuran. Napigil ko ang hininga nang maramdaman ang kiliting dulot ng labi niya sa ibaba ng aking tenga.
"Dainty..." pabulong niyang tawag.
Ilang beses akong lumunok bago nakasagot. "Maxrill Won..."
"I like you," mahina ngunit emosyonal niyang sinabi saka inihinto ang bumababang halik sa balikat ko.
Nagmulat ako at natigilan. Yumakap siya sa 'kin at muli akong hinalikan sa balikat bago hinarap.
"Maxrill..."
"And I think I'm...starting to feel more than that, Dainty Arabelle." Kinuha niya ang parehong kamay ko at inilagay sa pareho niyang pisngi.
Napatitig ako sa kaniya, hindi makapaniwala sa narinig. Bumaba ang paningin ko sa kaniyang labi at bago pa man ako nakatugon ay nahalikan ko na 'yon.
Gaya niya ay hinawakan ko ang parehong pisngi niya. Hinaplos ko rin 'yon gamit ang pareho kong daliri.
Hindi ko napigilang mahiya dahil pakiramdam ko ay hinayaan niya lang akong halikan siya, inaalam kung marunong ba talaga akong gawin 'yon. Hindi siya kumilos at nararamdaman ko ang pagngiti niya sa t'wing dampi lang ang aking magagawa.
Nang hindi ko matagalan ang nakakahiyang pakiramdam ay kumalas ako at napapahiyang tumalikod sa kaniya. Natakpan ko ang aking mukha dahil pakiramdam ko ay namumula na talaga ako sa pagkapahiya.
Natatawa siyang yumakap sa 'kin. "You surprised me,"bulong niya.
Pilit niyang inaalis ang kamay ko ngunit mas diniinan ko ang pagkakatakip niyon sa mukha ko. "Ayaw ko." Nag-echo ang boses ko.
"Why did you stop?" pigil ang pagtawa niyang tanong. "Dainty?" Umiling ako nang umiling habang nakatakip pa rin ang mukha. "Why did you stop?" Humalakhak siya. "Okay, let's wash your leg."
Doon ko lang pinakawalan ang mukha ko. Nasalubong ko ang titig niya mula sa salamin. Napapahiya akong nag-iwas at saka ngumuso sa kung saan. Ngunit napatili ako nang bigla niya akong buhatin at iupo sa sink. Natatawa siyang kumuha ng towel at binasa iyon. Saka niya ipinunas sa binti ko.
"I called your mom before I got here," kwento niya habang pinupunasan ang binti ko. Nag-angat siya ng tingin sa 'kin saka ngumisi. "I told her you're staying at my place tonight."
Nanlaki ang mga mata at umawang ang bibig ko. "Ano?!"
Nakangiwi siyang tumango. "She said yes."
"Imposible!"
"Go ahead and check your phone, you brat," asik niya.
"Ayaw ko."
Pinandilatan niya 'ko. "Did you just say no?"
Aligaga kong hinubad ang sling bag at inilabas ang cellphone ko. Lalong nanlaki ang mga mata ko nang makita kung gaano karami ang missed calls ni Maxrill Won! Gano'n na lang kasama ang tingin niya nang masalubong ko kaya naiilang akong ngumiti.
"Naka-silent itong cellphone, Maxrill Won," dahilan ko.
"Of course, it's your date's birthday. No one's allowed to disturb you, not even a moon."
"Nakalimutan ko lang namang itanggal 'yong silent."
"I understand that it's your date's birthday, so you have to keep your phone on silent—"
"Hindi nga sabi 'yon," sumama ang mukha ko.
Tumaas ang kilay niya. "Fine. Go and check Heurt's message. She told me she'd text you."
Nanay:
Dainty, pwede bang doon na muna kayo kina Maxrill Won matulog? Siya na ang bahala sa inyo ng mga kapatid mo. Hindi niya kayo pababayaan, 'wag kang mag-alala. Susunduin ko kayo bukas nang hapon at pag-uusapan natin 'yong lalaking gumulo sa inyo ni Rhumzell.
Nawala ang pagkakakunot ng noo ko at napalitan ng kaba ang kaninang inis ko. Kung gano'n ay alam na ni nanay ang nangyari? Natitigilan akong nag-angat ng tingin kay Maxrill Won.
Seryoso na siyang nakatingin sa 'kin. "Why did you tell me about that old guy?"
"Maxrill..."
Bumuntong-hininga siya at hinawakan ang magkabila kong pisngi. "You're going home with me tonight, arasseo?"
"Ha?" hindi ko naintindihan ang huli niyang sinabi.
"Good." Ngumisi siya.
"Ano 'yon?"
"It means you said yes," ngiwi niya saka tinapos ang pagpupunas sa 'kin.
"Hindi ko naintindihan 'yong huling sinabi mo."
"But you answered, so..." nakangiwi siyang nagkibit-balikat saka ako muling binuhat.
Kinuha niya ang kamay ko saka kami lumabas. Nalukot ang mukha ko habang ngingisi-ngisi niya akong pinangunahang maglakad.
To be continued. . .
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top