CHAPTER 32
CHAPTER 32
"AYOS KA lang ba, Dainty?" paniniguro ni nanay. "Dainty?" muling pagtawag niya.
Pero sa halip na sumagot ay lumingon uli ako sa labas ng bahay, doon mismo sa punong katabi ng gate. Pilit kong inaninaw kung may makikita pa ako. Pero iba na ang anino ng puno ngayon. Hindi gaya kanina nang pakiramdam ko ay may taong nagtatago. Hindi mawala ang kaba ko, hindi bumabagal ang tibok ng aking puso.
May tao nga ba ro'n? Sino 'yon?
Sinasabi ng kaba ko na hindi ako pwedeng magkamali pero nililinglang ng isip ko ang takot at sinasabing namamalik-mata lang ako. Ngayon lang ako nakaramdam nang ganoong takot. Sa ilang distansyang layo kasi niyon sa 'kin, ramdam ko ang kaniyang tingin.
"Dainty Arabelle?" nagtaas na ng boses si nanay kasabay ng pagyugyog sa mga balikat ko. "Ano ba'ng nangyayari sa 'yo?"
"'Nay..." Napilitan akong ngumiti, pinigilan na ang sariling lumingon muli ro'n. "Wala po, 'nay." Napalunok ako.
Matagal na tumitig sa 'kin si nanay, tila inaalam kung totoo ang sinabi ko. Pero hindi nakaligtas sa 'kin ang pasimple niyang pagsulyap sa kaninang tinitingnan ko. Ako naman ang napatitig sa kaniya, inaalam kung gaya ko ay meron ba siyang nakita. Hindi nagsalita agad si nanay, sa halip ay ngumiti siya sa 'kin. Ang isang kamay niya ay kumilos para isara ang pinto nang hindi inaalis sa 'kin ang paningin.
"Kausap mo pa ba si Maxrill Won?" tanong niya na sumulyap pa sa cellphone.
Umawang ang labi ko at ngali-ngaling ibinalik sa tenga ang cellphone. "Maxrill Won?" lutang kong pagtawag.
"You're such a brat!" asik niya.
"Hala! Sorry," nagbaba ako ng tingin sa kamay ko.
"What's going on? Are you okay?"
"Bakit hindi mo pa binaba ang tawag?"
"You only do whatever you want. Tsh! You're the only person who did this to me, left me hanging on the telephone? Well, phones aren't yet popular in my country but certainly, no one would dare do this to me. They'd be freaking excited to talk to me, unlike you. Tsh. What now, Dainty Arabelle?" ang dami niya nang sinabi.
"Ano...sorry," nasapo ko ang noo at nakapikit na bumuntong-hininga. Hindi pa rin tuluyang humuhupa ang aking kaba. "Ibababa ko na ito, Maxrill Won."
"Seriously?"
"Matutulog na 'ko. Ikaw rin."
Dinig ko siyang bumuntong-hininga. "Fine."
"Good night, Maxrill Won."
"Good night, Dainty Arabelle," masama yata ang loob niya.
Tiningnan ko ang cellphone at saka tuluyang pinatay ang linya. Napalingon uli ako sa gawing tinitingnan ko kanina pero nakasarado na ang pinto.
"Meron ka ba'ng nakita?" nabigla ako sa tanong ni nanay. Nakaawang ang bibig, kabado akong nag-angat ng tingin sa kaniya. "Sabihin mo sa 'kin, ano'ng itsura?"
"Wala po, 'nay..." nagbaba ako ng tingin.
"Dainty?" hinawakan niya ako sa magkabilang balikat at tiningnan nang deretso.
Napailing ako, naitabi ang cellphone sa dibdib ko. "Para po kasing may nakatingin sa 'kin kanina do'n sa labas habang kausap ko si Maxrill Won, 'nay," pag-amin ko. "Nagtatago po sa may pine tree na katabi ng gate natin. Hindi ako sigurado sa nakita ko pero pakiramdam ko po talaga ay may tao."
Kung hindi ako magsasabi nang totoo ay nasisiguro kong maghihinala lang si nanay at hindi imposibleng mahulaan niya ang kinilos ko. Gano'n si nanay. Gaya ng paulit-ulit kong napapansin sa kaniya, malakas ang kaniyang pakiramdam at madalas ay tama.
"Gano'n ba? Maligo ka na at matulog," ngiti niya, hindi ko inaasahan. Hindi gaya ko ay hindi ko siya kakitaan ng kaba, ni hindi yata nag-alala dahil sa ganda ng ngiti. Naniniwala kaya siya sa 'kin? "Hayaan mo't babantayan kita."
"Ayos lang po ako, 'nay. Magpahinga na rin po kayo."
"Sigurado ka? Gusto mo ba'ng kwentuhan kita tungkol kay Maxrill no'ng bata pa siya hanggang sa makatulog ka?"
Ngumuso ako. "Nanay naman, ginagawa po ninyo akong bata."
Natawa siya. "Oh, e, ano? Isip bata lang?" Lalong tumawa si nanay. "Bagay na bagay talaga kayo ni Maxrill Won, pareho kayong isip-bata."
"Mauuna na po ako," nakanguso kunyaring sabi ko. Alam kong inaagaw lang ni nanay ang atensyon ko sa pamamagitan ng biro.
Sandali ko pa siyang tiningnan saka ako tuluyang pumasok sa kwarto. Iniisip siguro ni nanay na namamalik-mata ako. Tama siguro siya, mali ang aking nakita. Masyado lang akong kinabahan kaya gano'n ang naging reaksyon ko.
Tulog na si Bree Anabelle kaya naman maingat akong kumuha ng gamit at naligo. Hindi pa rin talaga mawala ang kaba ko. Panay ang sulyap ko sa maliit at mataas na bintana ng aming banyo habang minamadali ang pagkilos. Hindi ako sanay sa gano'n, mabagal pa rin akong kumilos at maingat sa paglalakad. Sa isang maling hakbang ko kasi ay bumubuwal ako o nawawalan ng balanse.
Nang mahiga naman ay hindi ko matingnan ang bintana nang lumalayag ang isip. Ngayon ay may kaba kong sinilip ang labas na para ba'ng may bigla na lang sisilip doon. Masyado lang talaga siguro akong duwag. Sa edad kong ito ay takot pa rin ako sa multo.
"Dainty, bilisan mong kumilos, narito na si Rhumzell," pagtawag ni nanay kinabukasan.
"Nariyan na po!" sagot ko saka tuluyang lumabas.
Ang magandang ngiti ni Rhumzell ang sumalubong sa 'kin. Gumanti ako ng ngiti pero hindi nagtagal 'yon, natigilan ako sa hawak niyang bungkos ng dilaw na bulaklak. Marahan akong lumapit at muling ngumiti, ayokong ipahalata ang aking gulat.
"Good morning, Dainty," ngiti niya.
"Magandang umaga rin, Rhumzell," tugon ko.
"Flowers for you," inilahad niya sa 'kin 'yon.
Natitigilan man ay tinanggap ko ang mga rosas at inamoy dahilan para maging natural ang ngiti ko. "Salamat, Rhumzell."
Kagabi ay naisip ko nang kuwestiyunin siya kung bakit dinner lang ang pinaalam niya pero hinatid niya na kami kagabi, sinundo pa ngayong umaga. Pero sa ganda ng ngiti niya ngayon, mas pinili kong huwag siyang ipahiya. Lalo na nang sabay naming malingunan ang masamang mukha ni Bree. Naroon na siya sa likuran ng sasakyan ni Rhumzell, wala akong choice kung hindi maupo sa unahan ngayon.
Sabay kaming nagpaalam kay nanay saka ako pinagbuksan ng pinto ni Rhumzell. Ngumiti na lang ako at hindi na nagpaalalay. Nahirapan man dahil sa bitbit na rosas at mga gamit, pinilit kong maupo nang mag-isa.
"Saan mo gustong mag-dinner mamaya?" nakangiting tanong ni Rhumzell nang makasakay.
Natitigilan na naman akong lumingon sa kaniya. "Kahit saan, Rhumzell. Ano...nakakahiya naman."
"Bakit naman? Hindi naman na ito ang unang beses na magde-date tayo."
"Date?" hindi ko napigilang isagot 'yon. Napailing ako at napilitang ngumiti nang kaswal siyang tumango.
Napabuntong-hininga ako. Gusto ko siyang itama at sabihing hindi date para sa 'kin 'yon. Pero kung gagawin ko 'yon ay mapapahiya siya, hindi lang sa 'kin kundi maging kay Bree. Ngunit ayaw ko ring isipin niyang payag ako na makipag-date sa kaniya.
Natahimik tuloy ako habang nasa byahe. Maski si Bree sa likuran ay walang imik. Panay ang sulyap ni Rhumzell sa 'kin, nakikita ko rin siyang tinitingnan si Bree mula sa salamin. Sinusubukan siguro niyang magbukas ng pag-uusapan. Pero naging mabilis ang byahe, ilang minuto pa at nakarating na kami sa BIS. Inihid ako sa classroom nina Bree at Rhumzell.
"Salamat ulit, Rhumzell," ngiti ko.
"Anytime, Dainty. I'll see you later, then?" ngiti niya.
Tumango ako. "Sige."
"But first, let's study." Hindi ko inaasahang hahawiin ni Rhumzell ang buhok ko papunta sa likod ng aking tenga. Huli na para umiwas ako. "Go ahead," isinenyas niyang pumasok na ako sa classroom.
Tingin ng mga kaklase ko ang sumalubong sa 'kin nang makapasok sa classroom. Sa halip na pansinin sila ay pumunta na ako sa table ko at naupo. Doon ko napansin ang note na nakadikit sa aking mesa.
Hi, limp!
Nang mag-angat ako ng tingin ay papalapit na sa kani-kanilang mesa ang kaklase kong si Miguel Funtales at dalawa niyang kabarkada. Sa dami naman ng kursong kukunin, hindi ko alam kung bakit nagkapareho pa kaming dalawa. Nagtatawanan na ang ilang grupo ng mga kaklase kong babae nang lingunin ko. Napabuntong-hininga ako at inalis ang paper note. Nilukot ko iyon at itinago sa ilalim ng aking mesa. Inilabas ko na lang ang libro ko at nagbasa.
Pero hindi pa man ako nakakaisang paragraph ay nag-vibrate na ang cellphone ko. Agad ko 'yong kinuha at mukhang alam ko na kung sino ang nag-text.
Maxrill Won:
Good morning, Dainty Arabelle.
Naitikom ko ang aking bibig at pinigilang mangiti. Hindi ako umaasa na magte-text siya. Kagabi lang ay magkausap kami.
Ang mapanghusgang note na bumuhay sa lungkot ko ay natunaw nang simpleng text message na 'yon. Nakangiti kong isinilid muli ang cellphone nang pumasok ang propesor. Hindi na nawala pa ang pagbati ni Maxrill Won sa akin hanggang sa maghapon.
Matapos ang klase ay dumeretso ako sa practice hall nina Bree. Nakangiti akong sumilip sa pinto, malayo pa lang kasi ay naririnig ko na ang kumakanta at tugtog ng gitara.
"Magandang hapon," pagbati ko nang malingunan ako ng mga naro'n.
"Ate mong maganda, Bree," anang kasamahan ni Bree sa grupo, ngumiti ako. "Ganda mo talaga, Ate Dainty!"
Hala... Hindi ako makakilos dahil sa hiya, lahat ng kagrupo nila ay naro'n at tila hinihintay akong magsalita. Gusto ko sanang tumuloy sa hall pero nahiya na akong pumasok.
"Maganda rin naman ako, ah?" pabirong angil ng kapatid ko saka lumapit sa 'kin. "Hindi ako makakasama, ate," hindi pa man ako nagyayaya ay nagsabi na siya. "May practice pa kami. Kayo na lang ni Rhumzell ang kumain sa labas."
"Hala, eh, paano ka uuwi?"
Natawa siya. "Eh, di sasakay ng jeep, ate. Ano pa ba?"
"Ayos ka lang ba?"
Nag-iwas siya ng tingin saka bumuntong-hininga. "Halika, ihahatid na lang kita sa gate," nanguna siya.
"Ayos lang naman ako, Bree," sumunod ako sa kaniya. Hindi na siya sumagot at sa halip ay pinangunahan pa lalo akong maglakad. "Bree," pagtawag ko uli.
Pero hinarap niya lang ako nang makarating na kami sa mismong gate. Eksakto namang pumarada si Rhumzell kaya pareho namin itong hinintay na makalapit.
"Ingat kayo," ani Bree, nilingon ko siya. "Pasensya na, may practice kami, eh." Hindi siya nakatingin kay Rhumzell, bahagyang nakakunot ang noo niya at panay ang irap na parang wala sa mood.
"Ayos ka lang ba, Bree?" pabulong kong tanong.
"Oo naman, ate," pilit ang ngiti niya. "Next time na lang ako sasama kapag wala kaming practice."
"Anong oras matatapos ang practice mo?" ani Rhumzell. "Dadaanan ka na lang uli namin para sabay-sabay pa rin tayong umuwi."
"Hindi na," pilit uling ngumiti si Bree, may kakaiba talaga sa mga reaksyon niya. Hindi siguro maganda ang araw niya. "Kaya kong umuwing mag-isa. Enjoy kayo."
Kumaway siya kay Rhumzell at hinawakan naman ako sa braso bago kami tinalikuran. Minsan pa siyang lumingon, ngumiti at kumaway sa 'min bago nagtuloy-tuloy pabalik sa kanilang practice hall.
Naninibago man kay Bree ay ayaw kong magpahalata kay Rhumzell. Nalungkot man ay nakangiti akong sumama sa kaniya dahil ayaw kong masira ang kaniyang imbitasyon.
"Sa seafood restaurant tayo," sabi niya nang makasakay kami. "Nakapagpa-reserve na 'ko, sayang hindi makakasama si Bree."
"Pasensya na, Rhumzell."
"It's okay," gano'n na lang katamis ang ngiti niya. Hindi ko maiwasang isipin na mas masaya siya dahil kaming dalawa lang ang natuloy.
Ang inaasahan ko ay nasa mall lang ang restaurant na tinutukoy ni Rhumzell. "Saan ang punta natin?" tanong ko nang makitang iba ang dinaraanan namin.
"Sa New Valley," ngiti niya. "Bagong bukas na community, maraming restaurants do'n."
Napatango ako na lang ako dahil hindi ko alam ang lugar na 'yon. Ibinaling ko sa labas ang paningin at kinilala ang madaanan. Hindi ko na matandaan kung narating ko na ba ang parteng 'yon ng Laguna. Ni hindi ako sigurado kung Laguna pa ba ang tinutukoy niyang destinasyon.
"Anyway, is it okay if I save your number?"nagkalingunan kami ni Rhumzell.
Aligaga kong nakuha ang cellphone. "Oo, sige," hindi ko alam kung iaabot sa kaniya 'yon dahil nasa manibela ang parehong kamay niya.
"Honestly, I already have it." Nakamot niya ang sentido at saka nahihiyang tumawa.
Nangiti ako. "Ano'ng number mo? Ise-save ko," sinimulan kong pindutin ang cellphone at nagulat nang makitang may text message si Maxrill Won. Hindi ko man lang naramdamang nag-vibrate 'yon.
Idinikta ni Rhumzell ang numero niya pero nauna ko nang tingnang ang text message ni Maxrill Won. Hindi ko tuloy nakuha ang mga sinabi niya.
Maxrill Won:
I am waiting, Dainty Arabelle.
Nangunot ang noo ko. Ano'ng hinihintay niya kaya? Muli kong binasa ang mensahe at gano'n talaga ang nakalagay. Nalilito kong isinilid ang cellphone nang mapansin ang napapahiyang tingin ni Rhumzell.
"Ay, ise-save ko nga pala ang number mo," muli kong inilabas ang cellphone. "Ano ulit 'yon?"
"Nag-text si Maxrill?" alanganin ang ngiti niya.
"Oo," hindi ko alam kung bakit may sayang dulot sa 'kin ang katotohanang nag-text si Maxrill. Simpleng bagay lang naman 'yon pero pakiramdam ko ay binuo niyon ang araw ko.
Tumango siya saka muling idinikta ang numero niya. Pakiramdam ko ay sinadya niyang sabihin isa-isa ang bawat digit dahil mabagal pa ako sa paggamit ng cellphone.
"Let's take a picture together later," mayamaya ay suhestiyon niya.
Ipinarada niya ang sasakyan sa malaking parking lot. Naroon kami sa harap nang mahabang at dalawang palapag na building.
"We're here," aniyang inalis ang seatbelt at hinintay ako. Tinanggal ko rin ang seatbelt ko, saka siya kumilos upang pagbuksan ako ng pinto.
Bumaba ako at isinabit sa magkabilang balikat ang bag ko saka iginala ang paningin sa paligid. Namangha ako sa lugar. Sa tagal ko yatang nagpindot sa cellphone ay hindi ko na halos nakita pa ang daan. Maraming ilaw, marami ring puno. Maraming sasakyan pero kami lang ang tao ngayon sa malawak na parking lot.
"Let's go," anyaya ni Rhumzell. Tumango ako bago sumama sa kaniya.
May kalayuan pa ang lalakarin pero muli akong humanga nang tuluyang makalapit. Pakiramdam ko ay kulay yellow ang buong lugaw dahil sa maninilaw na ilaw na nakahilera sa tabi nang sunod-sunod ding mga puno. Sa harap niyon ang unang palapag nang mahabang building. Magkakasunod ang stores ng mga damit at restaurants.
Pero ang nakaagaw ng pansin ko ay ang kulay pink na stall. Sa unang tingin pa lang ay makikita nang cold drinks and desserts ang available doon. Malakas makaagaw ng pansin ang kulay dahil mula sa wall paint hanggang sa table and chairs at decorations ay pink.
"Mag-dinner muna tayo sa seafood restaurant tapos mag-desserts tayo diyan." Nakangiting itinuro ni Rhumzell ang store na tinitingnan ko. Hindi ko naisipang tumanggi, nakuha ng store na 'yon ang atensyon ko.
"Sige," excited akong tumango saka muling sumama sa kaniya.
"Reservation for Rhumzell Echavez," sinabi niya sa staff na naroon entrada papasok ng restaurant. Hinanap naman niyon ang pangalan niya sa listahan.
Nakangiti ko muling sinundan ng tingin ang maninilaw na ilaw at mga puno. Nakakatuwa dahil magkakapareho ng hugis, laki at taas ang mga 'yon. Mukhang alagang-alaga. Ang bakuran ng bahay na ibinigay sa amin ni Ate Maxpein ay napalilibutan din ng mga puno ngunit iba-iba ang hugis, laki at taas, dahil iba't ibang klase rin ng puno ang mga 'yon. Sa tagal kong namalagi sa loob ng bahay, sa ganitong simpleng tanawin ay namamangha ako. Ignoranteng tinalunton ng paningin ko ang lugar hanggang sa dulo.
Napalitan ng pagtataka ang ngiti ko nang sa dulo ng mga puno at poste ng ilaw ay mamataan akong nakatayong lalaki. Ano mang layo niyon sa 'min ay nasisiguro kong nakatingin siya sa akin. Tuluyang nawala ang ngiti ko, ang kainosentehan ay napalitan ng kaba. Pero hindi rin nagtagal 'yon nang maramdaman ko ang kamay ni Rhumzell sa balikat ko.
"Let's go," muling anyaya niya.
Tumango ako ngunit muling nilingon ang imaheng nakita ko. Wala na 'yon sa dulo. Ginala ko pa nang minsan ang paningin pero gaya kanina, mga sasakyan na lang ang naro'n sa malawak na parking lot. Ipinagpabuntong-hininga ko na lang ang nakita saka excited na sumama kay Rhumzell.
Kung ang desserts store kanina ay pink, ang seafood restaurant naman na 'yon ay brown. Gawa sa kawayan ang mga disenyo, mahahabang mesa at upuan. Sa dami ng tao, kailangan talaga ng reservation bago pumunta doon.
Dumeretso kami sa sink at naghugas ng kamay. Nasalubong ko ang tingin ng ilang customers nang magpaalalay ako ni Rhumzell papunta sa table namin. Hindi nakaligtas sa paningin ko ang palihim na pagsulyap nila sa paa ko.
Inalalayan ako ni Rhumzell bago siya naupo sa harapan ko. Nakangiti niyang tiningnan ang mukha ko saka iginala ang paningin sa lugar. "It's simple but I hope you like the place, Dainty."
"Sobra," gumanti ako ng ngiti. "Ngayon nga lang ako nakapunta sa lugar na ganito."
Lalong lumapad ang ngiti niya. "Masaya ako na ako ang kasama mo."
Natigilan ako ngunit hindi nagpahalata. Hindi ko alam kung anong isasagot sa gano'ng sinabi niya. Natatakot ako na kung sasagutin ko 'yon, iba ang ipakahulugan niya. Itong pagsama ko nga lang sa kaniya, nag-aalala na akong baka iba ang kaniyang isipin. Ano nga kaya ang iniisip ni Rhumzell? Sana ay hindi niya bigyan ng ibang kahulugan ang gabing ito.
"Anyway, magbi-birthday na naman ako," nakamot niya ang sentido at nahihiyang tumawa. Mukhang alam ko na ang sunod na sasabihin niya. "Pwede ba kitang...maging date?"Iyon na nga ang inaasahan ko.
Napalunok ako at napigil ang paghinga. Umawang ang aking labi ngunit walang lumabas na salita. Nakahinga lang ako nang i-serve ang dinner. Gusto kong pasalamatan ang server dahil humaharang ang braso niya sa pagitan namin ni Rhumzell. Nawalan kami ng tyansang magsalita. Nagkaroon ako ng oras para mag-isip.
Si Maxrill Won agad ang naisip ko, napakarami kong tanong. Kailangan ko bang ipaalam sa kaniya na inaanyayahan akong maka-date ni Rhumzell sa birthday niya? Kung hindi ko naman sasabihin, imposibleng hindi niya malaman. Imbitado rin kaya siya? Kung hindi ako nagkakamali ay next week na ang birthday ni Rhumzell. Narito na kaya si Maxrill Won sa araw na 'yon?
Wala naman sigurong masama kung papayag ako...pero...Napailing ako sa sariling naisip. Kahit gano'n ang sinabi ng isip ko, may parte sa dibdib ko ang tumatanggi at sinasabing mali 'yon. Bagaman hindi ko mabigyan ng dahilan kung bakit mali ang sumama at tama ang tumanggi.
"Thanks," baling ni Rhumzell sa server saka namin sabay na tiningnan ang nakahain.
"Wow," hindi ko napigilan ang pagiging ignorante.
Namangha ako sa mahabang dahon ng saging na nakalatag sa gitna ng mesa. Sa gitna ng dahon na iyon ay umuusok na mapuputing butil ng kanin na pinalilibutan ng hinati-hating mais, alimasag, malalaking hipon, tahong, scallops at pusit. Kulay orange ang sauce, nakakatakam tingnan at amuyin. Bukod do'n ay may tatlong kulay ng juice na nakalagay sa fish bowl, nakakatuwa.
Napalunok ako nang matakam sa mga 'yon. Mukhang nakita ni Rhumzell 'yon kaya natatawa niya akong inabutan ng disposable plastic gloves. Pinanood niya akong isuot ang mga 'yon saka sinabayang kumain.
Kinuha ko 'yong hipon at binalatan iyon. Nagkatinginan at nagkangitian kami ni Rhumzell bago sabay na dumampot ng kanin. Sabay rin kaming naghipan at sumubo ng kani-kaniyang ulam.
Nanlaki ang mga mata ko nang manuot ang lasa ng pagkain sa bibig ko. "Ang sarap!" natutuwa kong sinabi.
Gusto kong mahiya nang titigan niya ako na para bang natutuwa siya sa pagiging ignorante ko. "Kaya gusto kitang dalhin dito, alam kong magugustuhan mo."
Inalis niya ang sariling gloves. Dumampot siya ng tissue at sinenyas na may dumi ang gilid ng labi ko. Natigilan ako nang maisip ang mga napapanood ko sa palabas na nangyayari kapag gano'n ang eksena. Kaya awtomatiko kong kinuha ang tissue sa kanya bago pa man niya mailapit ang kamay sa akin, at ako ang nagpunas.
"Salamat," ngumiti ako.
Ipinagsalin niya kami ng juice sa plastic cup. Sabay kaming uminom, pinanlakihan namin ng mata ang isa't isa saka natatawang uminom uli. Panay ang ngitian namin sa bawat ulam na hinihimay at parang nagpapaligsahan sa pagsubo ng kanin. Totoong natutuwa at nalilibang ako.
Hindi ko alam kung bakit kay Maxrill ay nahihiya akong kumain, pakiramdam ko hindi ko nalalasahan ang pagkain. Kahit na ang totoo ay natatandaan ko pa ang sarap ng lasa ng mga 'yon. Parati na ay iniisip ko ang magiging reaksyon niya sa mga kilos ko. Naiilang ako sa mga tingin niya pero komportable akong kasama siya. Nahihiya akong sumubo nang malaking pagkain sa harap niya pero hindi ko maramdaman ang gutom kapag naroon siya. Hindi ko maipaliwanag.
"Tungkol nga pala sa birthday ko," 'ayun na 'yong hindi ko alam kung paanong sasagutin. Pinunasan ni Rhumzell ang kanyang bibig at ngumiti. "Okay lang kung hindi mo pa masasagot ngayon 'yong invitation ko. Next week pa naman 'yon, makakapag-isip ka pa."
Hindi 'yon ang inaasahan kong sasabihin niya. Lalong hindi ko inaasahang mahuhulaan niya ang idadahilan ko. Balak kong sabihing pag-iisipan ko ang pagdalo. Idadahilan ko sanang may klase ako kahit sigurado naman akong dinner ang handaan ni Rhumzell. Na-guilty ako dahil pakiramdam ko ay gano'n ako ka-obvious para mahulaan.
Natahimik kami sandali bago siya nagsalita uli. "Is Maxrill Won courting you?" mahina niyang tanong pero malinaw sa pandinig ko.
Napalunok ako. Paano ko sasagutin 'yon? Kung ako ang tatanungin ay hindi naghayag si Maxrill Won ng opisyal na panliligaw sa 'kin. Pero sa mga ginagawa niya, parang gano'n ang nangyayari.
"Obviously, that brat is courting you. Bakit ba nagtanong pa 'ko? Tsh." Siya na ang sumagot sa sariling tanong nang matahimik lang ako.
Nalilito ako, parang hindi ko na yata kayang sumubo pa uli. Bakit naman kasi ngayon pa nagtanong ng ganito si Rhumzell?
"What about me, Dainty?" hindi ko lalo inaasahan ang tanong na 'yon, naibaba ko ang kamay kong may isusubo na sanang pagkain. May pag-asa sa magandang ngiti niya. "I mean...nagsabi na ako matagal nang manliligaw ako, right?"
"Rhumzell," napalunok ako, hindi malaman ang isasagot.
"I actually asked you first," desididong aniya. "I even talked to your parents about it, Dainty." Hindi ko maitatanggi ang tampo sa tinig niya.
Nalito lalo ako. Bakit ba hindi ko naisip na maaaring mabuksan ang topic na 'to? Napabuntong-hininga ako. Hindi ko talaga alam ang isasagot. Paano ba akong napasok sa ganito kakomplikadong sitwasyon? Bakit ba kasi nagkagusto pa ako? Sana ay natutok na lang sa pag-aaral at sa sarili ang atensyon at nararamdaman ko. Posible namang mahalin ang sarili. Mas maayos pa ang buhay ko nang panahong 'yon. Ngayon ay litong-lito ako.
Pero bakit kailangan kong malito gayong alam kong si Maxrill ang aking gusto? Nagising ako nang sabihin 'yon ng isip ko.
Sabay kaming napalingon sa bag ko nang tumunog ang cellphone. Nagkatinginan kami ni Rhumzell at sabay na napabuntong-hininga.
"The brat is calling you," ngumiti pa rin si Rhumzell sa kabila ng lungkot sa mga mata niya.
Nalito ako sandali kung sasagutin ba 'yon o hindi. Sa huli ay kinuha ko ang cellphone at sinagot. "Pasensya na," bulong ko kay Rhumzell bago inilagay ang cellphone sa aking tenga.
"Dainty," tinig ni Maxrill, gano'n na lang kalalim ang buntong-hininga niya. "Are you that busy?"
"Ha?"
"Ha?" inis niya na namang ginaya ang tono ko. "You're not answering my texts. Tsh."
"Hala, hindi ko alam na sasagot pala dapat, Maxrill Won. Wala ka namang sinabi..." mahina kong sagot, hindi lang kay Maxrill Won napahiya, maging kay Rhumzell na natawa rin yata sa akin. "Pasensya ka na."
Magkakasunod na buntong-hininga ang pinakawalan ni Maxrill Won. "Whatever. What are you doing?"
"Kumakain ako ng dinner."
"Great, let's eat together."
"Ha? Eh—"
"I've been staring at my dinner for hours now because I keep on wondering why this girl is not answering any of my messages. Tsh." Gano'n na lang talaga ang hinanakit niya.
"Maxrill Won, ano..." nagtama ang paningin namin ni Rhumzell.
"Don't tell me you don't know how to speak too?" naiinis na yata si Maxrill Won.
"Kasama ko kasi si Rhumzell, nagdi-dinner kami ngayon."
"You're with whom?" nagugulat niyang tugon.
"Si Rhumzell—"
"Why?" sumeryoso bigla ang tinig niya.
Anong why? Napabuntong-hininga ako. "Nagyaya siyang mag-dinner."
"Why? Where's his family?"
"Maxrill Won?" nananaway kong tugon, napakapilosopo niya. "Nasa gitna kami ng dinner."
"Let me talk to him." Ngumiti si Rhumzell at inilahad ang kamay sa 'kin. Nag-alinlangan man ay inabot ko ang cellphone sa kaniya. "What's up, brat?"
Hindi ko narinig ang sinagot ni Maxrill Won. Tumitig ako kay Rhumzell na para bang may maiintindihan ako sa usapan nila.
"Dinner dates are normal when you're courting a girl, Maxrill Won del Valle," sinagot ni Rhumzell 'yon matapos salubungin ang tingin ko, umawang ang labi ko. "Because I'm courting Dainty."
Napalunok ako matapos niyang sabihin ang huling linya. Gusto kong malaman kung anong sinagot ni Maxrill Won pero napaangat muli ang tingin ko nang magpaalam si Rhumzell matapos ang ilang sandali.
"Here," nakangiti niyang binalik ang cellphone sa 'kin. Hindi nakaligtas sa paningin ko ang pagseryoso niya. Muli lang siyang ngumiti nang mapansin ang tingin ko.
"I'm sorry, Rhumzell. Hindi ko inaasahang tatawag si Maxrill Won." Ipinatay ko ang cellphone at isinilid muli sa bag. Nakiusap siya nang maayos tungkol sa dinner na ito, hindi ko dapat siya mabastos.
"It's okay, Dainty, no worries." Hindi maitatago ni Rhumzell sa ngiti ang inis.
Tahimik naming tinapos ang pagkain at gaya ng sinabi niya matapos naming mag-dinner at dinala niya ako doon sa pink na store. Hindi ko napigilang makonsensya nang mas maipakita ang excitement ko nang makapasok doon.
"You look excited," nangingiting ani Rhumzell habang pareho kaming nakatingala sa menu. "You like desserts?"
Hindi ko masabing madalang kasi akong makatikim niyon. Sa halip ay tumango ako. "Ikaw?"
"I like sweets." Nagbaba siya ng tingin sa akin. Ngumiti ako at binalik sa menu ang paningin. Gano'n na lang kaganda ang ngiti ng crew sa amin, parang alam ko na ang iniisip niya.
Banana split at dalawang shake ang in-order ni Rhumzell. Panay ang panonood ko sa crew hanggang matapos ito sa preparasyon at mai-serve ang order namin. Sa sobrang tuwa ay nagpresinta akong buhatin ang tray. Iyong table sa tabi ng glass wall ang pinili ko, hindi na naalis sa banana split ang aking paningin. Tama lang iyon isa sa amin, dalawang malalaking saging iyon at anim ang ice cream.
Magkaharap kami ni Rhumzell, parehong nakapatong sa mesa ang aming mga braso. Pareho rin naming hawak sa kanang kamay ang kani-kaniyang kutsarita.
"One...two..." sabay kaming bumilang. "Three!" Ngunit kasabay ng pagbilang namin ng tatlo ay may humampas sa glass wall sa tabi ko!
Nabitiwan ko ang kutsarita, kabado at natatakot sa gulat na nilingon iyon. Napaatras ako sa takot nang masalubong ang mukha ng lalaking napapamilyaran ko. Halos ingudngod niya ang mukha sa glass wall na nakapagitan sa 'min para lang mapantayan ang tingin ko.
Agad na gumapang ang kilabot at takot sa kabuuan ko.
"Who is this freak?" inis na ani Rhumzell at bago ko pa siya nalingon ay nakalabas na siya ng store.
"Rhumzell!" agad na paghabol ko. Pero hindi ko mabuksan ang glass door dahil sa higpit ng pagkakahawak niya, pinipigilan akong makalabas ng store.
Kabado kong nilingon ang ginoo, nakangisi na siya kay Rhumzell at sinusuri ang kabuuan ng kaibigan ko. Hindi ako maaaring magkamali, sa Palawan ko nakita ang ginoong ito. Ano'ng ginagawa niya rito?
Mayroong nagsasabi sa 'kin na hindi nagkataon lang ang sandaling ito. At hindi ko alam kung bakit naalala ko ang gabing iyon na masulyapan kong may anino sa labas ng aming gate.
"Rhumzell!" muling pagtawag ko pero sa isang taas ng kaniyang hintuturo ay natigilan ako sa akma kong paglabas.
"Who are you? You're making uncomfortable," ani Rhumzell sa ginoo.
Sa halip naman na sumagot ay umangat ang gilid ng labi nito at muling tumingin sa akin. Napaatras ako sa takot at tila nakahinga lang nang muli siyang mag-iwas ng tingin. Nginisihan niya lang si Rhumzell at agad nang tinalikuran.
Napahawak ako sa aking dibdib dahil sa sobrang kaba, kaba na umuubos sa aking hininga.
To be continued. . .
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top