CHAPTER 31


CHAPTER 31

"OPEN IT," utos ni Rhumzell, ang paningin ay nasa paperbag ng cellphone. Hindi na talaga maipaliwanag ang lungkot sa mga mata niya, kahit anong pamemeke niya pa sa kaniyang ngiti. "I'm sure he can't wait to call you. That brat is impatient."

"Ano..." Napasulyap ako kay Bree, nakaiwas siya ng tingin. "Sa bahay na lang." Pinilit ko ring ngumiti. "Umuwi na tayo, Bree."

Matagal na tumitig sa 'kin ang kapatid ko bago nakangiting tumango. "Kukunin ko lang ang gamit ko." Tumalikod na siya sa 'min ngunit muling bumalik at bumaling kay Rhumzell. "Ihahatid mo ba kami, Rhum?"

Nangunot ang noo ko sa pagtataka. Nasanay kasi ako na tinatawag niya si Rhumzell ng kuya. Gano'n na siguro sila ka-close para tawagin niya na lang ito ngayon sa pangalan.

Ngumiti si Rhumzell. "Oo. Hinabilin din ni Maxrill ang ate mo sa 'kin." Saka siya bumuntong-hininga.

Ngumiti si Bree. "Sige. Kukunin ko lang ang gamit ko."Tuluyan niya na kaming tinalikuran at nagpaalam sa mga kasamahan niya sa banda.

Hindi naman gano'n katagal magpaalam at kumuha ng gamit pero dahil naiilang ako sa presensya ni Rhumzell ay parang napakatagal no'n. Panay ang lingon ko kay Bree at buntong-hininga, palihim na hinihiling na sana ay lumabas na siya.

Bakit naman kasi sa kaniya pa nakisuyo si Maxrill? Alam niyang nanligaw sa 'kin si Rhumzell noon. Ako tuloy ang nahihiya at naiilang sa sitwasyon ngayon.

Muli kong sinulyapan ang cellphone at saka isinara nang tuluyan ang paperbag. Sinabit ko na lang 'yon sa braso ko at tumingin sa malayo hanggang sa makalabas na si Bree.

"Tara na," anyaya ng kapatid ko. Nanguna siya sa paglalakad, sumunod ako at sinabayan naman ni Rhumzell.

"Do you want to eat dinner outside?" mahinang tanong niya. Nakita ko nang bahagyang lumingon si Bree sa gawi namin pero muling itinuon ang paningin sa unahan.

Napilitan akong ngumiti kay Rhumzell. "Hindi ba't sinabi ko naman sa 'yo na hindi ako nakapagpaalam kina nanay at tatay? Pasensya ka na, Rhumzell. Hindi kasi ako sanay nang hindi nagpapaalam bago pumunta sa kung saan."

"Nagbabakasakali lang," nakamot ni Rhumzell ang ulo. "But we're going to eat outside tomorrow night, right? Ipagpapaalam kita sa parents mo ngayon pagkahatid ko sa inyo."

Gusto kong tumanggi. Pero nang muling sumulyap sa gawi sa 'min si Bree ay napabuntong-hininga na lang ako. "Sige,"pagpayag ko.

Napakahirap ng sitwasyon. Alam na ni Bree ang nararamdaman ko, ang totoo ay nasaktan ko siya at nasasaktan pa. Si Rhumzell naman ay walang alam sa namamagitan sa 'min ni Maxrill pero hindi na ako magugulat kung mahulaan niya. Lalo na at gano'n ang sinabi ni Bree kanina, na boyfriend ko si Maxrill. At sino naman ang magbibigay na lang basta ng cellphone sa isang kakilala? Hindi ako maalam sa cellphone o kung ano pa mang nauusong gamit ngayon pero nasisiguro kong mahal ito.

Kung tatanggihan ko naman si Rhumzell, mahuhulaan ni Bree ang dahilan ko, si Maxrill. Sinabi ko na sa kaniyang hindi ko nobyo si Maxrill at hindi ko kinukumpirma sa kaniya ang sitwasyon naming dalawa. Ang tanging alam niya ay may nararamdaman kami sa isa't isa.

Si Rhumzell naman ay alam na nasa Japan si Maxrill para mag-move on kay Ate Yaz. Ano na lang ang iisipin niya kapag nalamang may gusto ako kay Maxrill at inamin nito sa kapatid ko na gusto niya rin ako?

Napakahirap ng sitwasyon. Ngayon lang ako nakaramdam ng ganito, ngayon lang ako nagkagusto. Si Maxrill ang kauna-unahang lalaking nagustuhan ko. Ganito pala kagulo ang magkagusto at magmahal. Hindi siya mawala sa isip mo. Naiisip mo pa lang siya ay iba na ang saya, lalo na kapag nakita at nakausap mo pa.

Pero mabuti nga sana kung parati lang masaya. Kaso, hindi. Wala pa man kaming pinag-aawayan ay nasasaktan na ako. Wala pa man kaming relasyon ay nagseselos na ako at nagtatampo. Wala pa man siyang ipinapangako ay umaasa na ako. Wala pa man siyang inaamin ay naghihintay na ako.

Ngayon nga lang ay nakokonsensya akong tinanggap ko ang alok na dinner ni Rhumzell, pakiramdam ko ay nagkakasala ako kay Maxrill. Na kung tutuusin ay simpleng dinner lang naman ito. Pero dahil alam ko ang nararamdaman ni Rhumzell sa 'kin, iba ang pakahulugan ko ro'n.

Tama ba'ng tinanggap ko ang alok niyang dinner? Mali ba'ng makonsensya ako at isiping nagkakasala kay Maxrill gayong hindi ko naman siya nobyo? Punong-puno ng tanong ang isip ko. Napakahirap ikonsidera ng nararamdaman ko gayong may nasasaktan akong iba, hindi lang isa, dalawa pa. At parehong malapit sa 'kin, lalo na si Bree.

"Sa unahan ka na lang maupo, Bree," wala sa sariling nasabi ko nang makarating sa harap ng sasakyan ni Rhumzell.

Natigilan ang kapatid ko at nilingon ang noon ay natigilan ding si Rhumzell. "Bakit ayaw mo sa unahan, ate?"

"Hindi naman sa ayaw ko," mahinang sabi ko. "Mas gusto ko lang maupo sa likuran, Bree."

Napatitig sa 'kin ang kapatid ko saka naiilang na nilingon si Rhumzell. Batid kong gaya ko, nakita niya ang pagtanggi sa mga mata ni Rhumzell, ako ang gusto nitong makatabi. Sabay na lumaylay ang mga balikat nila at lumingon sa akin.

"Ikaw na lang sa unahan," sabay na sabay nilang sinabi. "Ate Dainty," idinugsong iyon ni Bree matapos nilang magkatinginan ni Rhumzell, nagulat din sa parehong sinabi.

Inosente ko na lang na tumango. "Sige." Wala na akong nagawa nang lumapit si Rhumzell at alalayan akong maupo sa unahan.

Kung makikita ko lang siguro nang malinaw sa salamin ang mukha ko, makikita ko kung gaano kalukot 'yon ngayon. Nakatingin lang ako sa daan, ayaw kong makita ni Rhumzell ang aking itsura. Wala naman kaming ginagawang masama pero gano'n ang pakiramdam ko. Magmula nang malaman ni Bree ang tungkol sa amin ni Maxrill Won, parang wala nang tama sa mga sinasabi at kilos ko. Pakiramdam ko, lahat na ng nangyayari ay mali.

"Good evening po," bati ni Rhumzell kay nanay nang makarating kami sa bahay. Ilang beses niya na kaming naihatid pero ngayon ko lang naramdamang matagal ang byahe. Tahimik lang kaming tatlo nina Bree sa sasakyan niya kanina, kani-kaniya ng iniisip.

"Tumuloy ka muna, Rhumzell. Kumusta?" nakangiting tugon ni nanay. Hindi nakaligtas sa 'kin ang naguguluhan niyang tingin bago muling sulyapan ang bisita.

"I'm fine, tita, how about you po?"

"Maayos naman. Dito ka na maghapunan."

"My mom is waiting for me po, tita." Nakamot ni Rhumzell ang ulo.

Natawa si nanay. "Hanggang ngayon ay hindi ka mabitiwan niyang nanay mo."

"But I'm here to make paalam sana po," nahihiyang ani Rhumzell. "I'm going to ask Dainty Arabelle tomorrow night, we'll have dinner together."

"Hindi ba kasama si Bree Anabelle?" wala sa sariling tanong ko, hindi alintana ang mararamdaman ni Rhumzell. "Sorry..." napapahiyang dagdag ko nang magulat silang pare-pareho.

"Ikaw lang naman ang niyaya ni Rhumzell, Ate Dainty,"napapahiyang tugon ng kapatid ko.

Napapikit ako sa sariling katangahan. "Pero..." hindi ko na madugsungan ang sinasabi. Umasa talaga ako na kasama rin si Bree. "Wala kang kasabay umuwi bukas."

"Ayos lang naman ako, ate."

"She'll come with us, don't worry." Halatang napilitan si Rhumzell na sabihin 'yon dahil pare-pareho na kaming napahiya.

"Naku, eh, date ninyo 'yon..." pahina nang pahinang ani Bree saka nagbaba ng tingin. "Ayos lang naman ako, hindi niyo na 'ko kailangang isama." Saka siya ngumiti. "Kayo na lang, Rhumzell, Ate Dainty. Papasok na 'ko." Minsan pa siyang ngumiti saka kami tuluyang iniwan.

Unti-unting bumilis ang paghinga ko sa hindi maipaliwanag at halo-halong pakiramdam habang sinusundan ng tingin si Bree. Kinalma ko ang aking sarili nang tuluyan siyang mawala sa aking paningin para hindi umatake ang hika ko. Ang hindi ko napigilan ay lungkot. Binalot ako no'n unti-unti hanggang sa tumindi.

Hindi ko alam kung tama ba'ng sinabi ko 'yon. Hindi ko rin alam kung mali ba'ng akalain kong kasama si Bree sa dinner na anyaya ni Rhumzell. Hindi ko na alam kung alin dapat na gawin at sabihin. Wala na talagang tama sa mga ginagawa, sinasabi at iniisip ko.

"Sige," tugon ni nanay nang nasa akin ang paningin, tila hinihintay ang magiging sagot ko. "Kung pumayag na si Dainty Arabelle ay maghapunan kayo bukas. Basta ihatid mo siya sa tamang oras, Rhumzell."

Lumaylay ang mga balikat ko. Maging ang pagsang-ayon ni nanay ay pinag-aalinlanganan ko. Ano nga ba ang tama? Ang sumama akong mag-dinner kay Rhumzell o ang tanggihan siya? Pakiramdam ko kasi ay may mali pero hindi ko mabigyan ng dahilan kung bakit hindi 'yon naging tama.

"I'll go ahead, see you tomorrow," paalam ni Rhumzell. "I'll pick you up at seven in the morning?"

Nangunot ang noo ko. Akala ko ay dinner lang?Napabuntong-hininga ako. Magulo kasi ang naging usapan. Ang sabi niya kanina ay susunduin niya ako bukas at ipagpapaalam na magdi-dinner kami bukas ng gabi. Pero wala sa usapan itong ihahatid niya kami ngayon.

"Sige," sagot ko na lang. Pakiramdam ko ay sobra na kung ipapahiya ko na naman siya, ilang beses ko na yata siyang naipahiya kanina.

"Good night, Dainty."

"Ingat ka, Rhumzell." Ngumiti ako at tinalikuran na siya. Kabastusan man, hindi ko matagalan ang lungkot at nangongonsensyang tingin niya. Hindi ko rin kayang ipakita sa kaniya ang lungkot ko. Pakiramdam ko ay ang nararamdaman ko ang nagsasalita para sa 'kin.

Dumeretso ako sa kwarto at naabutan si Bree na nagbibihis. Inilapag ko ang gamit ko sa mesa at hinubad din ang aking uniporme. Nilingon ko siya nang makitang kunin niya ang kaniyang gitara at nagsimulang tumugtog sa hindi ko matukoy na kanta.

"Hindi ba't may isinulat kang kanta noon, ate?"nakangiting tanong niya.

Natigilan ako at napatitig sa natural niyang ngiti. 'Ayun na naman 'yong konsensya kong kinukwestyon kung paano niya akong nangingitian nang gano'n kaganda gayong nagawan ko siya nang mali.

"Oo, Bree."

"Parinig mo naman sa 'kin, ate." Tinapik niya ang gitara na para banbg sinasabing sasabayan niya iyon ng pagtugtog.

Gusto ko na namang tumanggi. Bukod sa wala ako sa wisyong kumanta, masyadong magulo ang isip at damdamin ko. Bukod do'n ay aminado akong gusto ko na ring buksan ang cellphone para makausap si Maxrill Won. Kahit pa hindi ko alam kung paanong paandarin ang bagay na 'yon.

Tuluyan akong nagpalit ng damit at kinuha sa tokador ang notebook kung saan nakasulat ang lyrics ng kantang ginawa ko noon. Natatandaan kong sa sobrang buryo ko sa bahay dahil sa kawalan ng abilidad na makalakad, kung ano-ano na lang ang nagagawa ko. Ilang taon din bago ko nabuo 'yon at nagawan ng sariling tono.

"Paano 'yong tono, ate?" tanong ni Bree.

Natawa ako at nahihiyang kinamot ang noo. "Ano kasi..."Hindi ko alam kung paanong ipapaliwanag sa kaniya ang tono. "Gawa-gawa ko lang kasi 'to, Bree."

"Gusto kong marinig, Ate Dainty. 'Tagal ko nang nire-request nito sa 'yo, ayaw mong iparinig sa 'kin." Nagtatampo kunyari niyang sabi saka ngumiti.

Natigilan man ay hindi ako nagpahalata. Totoong hindi ko magawang iparinig 'yon sa kaniya, ang dahilan ko ay hiya. Pero paano ko nagawang kantahin 'yon kay Maxrill? Hindi ba't dapat ay mas mahiya ako sa kaniya? Hindi ko mabigyan ng dahilan ang sarili ko.

Bumuntong-hininga ako at humugot ng lakas ng loob saka kinanta ang unang linya.

"Ikaw ang may kaarawan...ngunit ako ang naregaluhan..." kusa akong natigilan matapos kantahin ang linyang 'yon.

Pumasok si Maxrill sa isip ko. Nang unang beses ko siyang makita at makilala. Kaarawan niya 'yon at hindi ko man lang naisip ito nang kantahin ko 'to sa kaniya.

"Ate?" nagtaka si Bree nang manatili akong nakatitig lang sa notebook.

Natutuliro ko siyang nilingon. "Ha?"

"Ituloy mo, ate, kukunin ko 'yong tono."

Nakaawang ang labi akong napatitig sa kaniya, nagugulat pa rin sa naalala. Napalunok ako at muling binasa ang unang linya.

At sa unang pagkakataon ay umibig ako, sa sandaling mukha mo'y masilayan... Wala sa sarili akong napangiti nang mabasa maging ang ikalawang linya.

Parang magic, Maxrill Won...

Napakababaw ko. Bahagyang namasa ang mga mata ko nang maisip na nagkatotoo ang kantang isinulat ko. Isipin ko lang si Maxrill, talagang napapangiti na ako.

"Sige na, ate," pangungulit ni Bree, marahil ay iniisip niyang nahihiya lang ako.

Ipinagpatuloy ko ang kanta at hindi pa man ako nakakaapat na linya ay nakapa na ni Bree ang tono at nasabayan ako. Nagkatinginan kami at nagkangitian. Sinabayan niya maging ang pagkanta ko bagaman iba-iba sa aking tono.

"Gusto kita..." naramdaman ko nang lingunin ako ni Bree. At hindi ko man siya tingnan, batid kong nawala ang ngiti sa kaniyang labi matapos makita ang emosyon sa mukha ko. Na para bang nabasa niya na si Maxrill ang iniisip ko.

"Aba, may kantahan pala rito," pareho kaming natigil sa pagkanta at pagtugtog ni Bree nang pumasok si Kuya Kev.

"Hindi ka kumakatok, kuya!" angil ni Bree Anabelle.

"Aww, sorry," nakamot ni kuya ang batok. "Kakain na." Nakita ko nang sulyapan ni kuya ang paperbag sa study table ko, saka nakangiwing lumingon sa 'kin. "Tara na, gutom na 'ko."

"Sige, kuya," nakangiting sagot ko.

Hinintay ko si Bree na ibalik ang gitara niya saka kami sabay na dumulog sa kainan. Naroon na si tatay at sa ganda ng pagkakangiti niya ay mukhang nahuhulaan ko na ang kaniyang sasabihin.

"Sabay raw kayong maghahapunan ng binatang Echavez?" hindi ako nagkamali nang itanong ni tatay 'yon.

"Kasama po namin si Bree, 'tay," tipid na ngiti ko.

Naguguluhang nilingon ni tatay si Bree, na noon naman ay naguguluhan din akong nilingon. "Ate?" nando'n sa tinig ng kapatid ko ang pagtanggi.

"Bree, sumama ka na, please?" pakiusap ko.

"Ayoko." Tinalikuran niya bigla ako dahilan para magulat ako. "Bakit mo pa ako isasama kung ikaw lang ang niyaya, ate? Hindi tama ang gano'n." Natigilan ako nang mahimigan ang inis sa tinig niya.

"Oo nga naman, Dainty. Kung ikaw lang ang niyaya, hindi ka dapat nagsasama ng iba," mahinahong ani Kuya Kev. "Buksan mo nga 'yong TV, Bree."

Nagugulat kong nilingon si Bree nang medyo padabog nitong sundin ang utos ni Kuya Kev. Nagkatinginan kami ni nanay at nasundan ng tingin ang aming bunso. Kasalanan ko na naman 'yon. Minasama niya ang desisyon kong isama siya gayong tumanggi na siya.

"'Sus, eh, anak-mayaman naman 'yon at kahit buong pamilya pa tayong sumama ay may panlibre siya," ani tatay.

"Kaday, mahiya ka nga?" ani nanay.

"Totoo naman," ngumiwi si tatay. "Hindi ko naman sinasabing sasama tayo, Heurt, kumalma ka. Ang ibig ko lang sabihin, eh, may pera naman 'yong bata kaya pwedeng isama ni Dainty ang kahit ilang gustuhin niya. Iyon nga lang, hindi magandang tingnan na magsama ka nang hindi naman inimbita. Kabastusan 'yon."

Nagbaba ako ng tingin sa mga kamay ko. Hindi ko naisip 'yon. Nahiya tuloy ako nang maisip ang naramdaman ni Rhumzell kanina.

"Sorry, Bree," sinsero kong sinabi. Nakatingin ako sa kaniya hanggang sa maupo ako. Ayaw ko na yatang alisin ang paningin ko sa kaniya hangga't hindi ko nakikitang ngumiti siya uli sa 'kin nang maayos. Nag-aalala akong lalo siyang magalit sa 'kin.

"Ayos lang, ate. Kayo na lang ang mag-dinner ni Rhumzell. May practice din ako bukas, malapit na ang performance namin."

"Sige, Bree." Nagbaba ako ng tingin sa akin plato at nagsalin.

Tahimik akong naghapunan, nakikinig lang sa kanilang usapan. Abala sa pagkukwento si tatay na parati namang barahin ni nanay, si Bree ay tatawa-tawa pero hindi maipaliwanag ang itsura. Si Kuya Kev ay panay ang sulyap sa TV na para bang may inaabangan gayong panay balita naman ang palabas.

Naunang magpaalam si Bree Anabelle, maliligo na raw siya at matutulog. Pagkakataon ko na 'yon para buksan ang cellphone. Kinuha ko ang paperbag sa kwarto nang ihatid ni nanay si tatay sa kwarto. Kay Kuya Kev ako magpapaturo na gumamit no'n. Nahihiya akong magpaturo kay Bree, masyado na yata akong manhid kung ipakikiusap ko pa sa kaniya 'yon.

"Kuya may gagawin ka ba?" tanong ko.

Napangiti si Kuya Kev. "Maliligo na sana. May kailangan ka?"

Sumulyap ako sa bathroom at kwarto ni tatay bago tuluyang lumapit kay Kuya Kev. "Magpapaturo sana ako sa 'yo."

"Sure, ano'ng subject ba?"

"Hindi, kuya," nakamot ko ang ulo. "Ano kasi..."Bumuntong-hininga ako saka inilabas ang box ng cellphone. "Hindi ako marunong gumamit nito."

Natitigilang kinuha ni Kuya Kev ang box at sinipat. Saka siya tumitig sa 'kin. "Kanino galing 'to?" kunot-noong tanong niya. Dahilan para maagaw niya ang atensyon ni nanay na noon ay kalalabas lang mula sa kwarto ni tatay.

Natigilan si nanay nang makita ang cellphone. Sumulyap siya sa 'kin na para bang nahulaan agad kung kanino galing 'yon. Saka siya lumapit sa 'min, dinig ko ang buntong-hininga niya habang nakatingin sa cellphone.

"Galing po kay Maxrill Won," mahina, nakatungo kong sabi.

Muling bumuntong-hininga si nanay, ramdam ko naman ang titig sa 'kin ni kuya na hindi ko magawang salubungin. Mukhang alam ko na ang sasabihin nila pero hinihiling kong sana ay mali ako. Ang totoo kasi ay kanina ko pa rin gustong makausap si Maxrill Won. Sana ay madali lang matutunan ang paggamit ng cellphone.

"Nanliligaw ba sa 'yo ang Moon na 'yon?" inaasahan ko na ang tanong ni kuya. "No'ng una ay cake, fruits at flowers. Ngayon naman ay cellphone, Dainty."

"Kuya..." nalukot ang mukha ko. "Gusto lang akong makausap ni Maxrill Won."

"So, may gusto sa 'yo si Maxrill Moon?" deretso niyang tanong.

Dahilan para mag-angat ako ng tingin sa kaniya, kabado. Pero hindi ko alam kung anong isasagot. Kung sasabihin kong oo, hindi naman deretsong sinabi sa 'kin ni Maxrill Won na gusto niya ako. Kung sasabihin ko namang hindi, paano ko ipaliliwanag ang mga binibigay niya?

Gano'n pa lang ang tanong ni kuya ay nanghihina na ang loob ko. Mabuti sana kung may linaw ang namamagitan sa 'min ni Maxrill Won. 'Yong maaari ko siyang tawaging manliligaw o may gusto sa 'kin. Kaso parehong hindi ko masabi dahil natatakot ako na baka hindi ganoon ang nararamdaman niya. Na baka nagkakamali lang ako sa pagkaintindi lalo na't ibang babae ang dahilan kung bakit naro'n siya sa malayo.

"Dainty?" pagtawag ni kuya sa tagal ng pananahimik ko.

"Ano ba't kinukwestyon mo, eh, nagpapaturo lang naman sa 'yo?" si nanay ang sumagot, napatitig ako sa kaniya. Hindi pa rin ako nakahinga nang maluwang, lalo pa nga akong kinabahan nang kunot-noo akong sulyapan muli ni kuya.

"Alam mong may gusto si Bree kay Maxrill Moon, Dainty. Lumaki siyang patay na patay sa Moon na 'yon," mahinang sinabi ni kuya. Nagbaba ako ng tingin.

"Kev?" hinawakan ito ni nanay sa braso, nananaway.

"'Nay," gano'n na lang kalalim ang hiningang pinakawalan ni kuya. "Magkapatid sila at hindi magandang tingnan na..."nahinto si kuya sa sasabihin nang mag-angat ako ng tingin. Bumuntong-hininga siya at ginulo ang buhok ko. "Alam ba ni Bree ang tungkol dito?"

Napapahiya akong tumango. "Nalaman niya nang ihatid kami ni Maxrill Won dito, kuya."

Nilingon ni kuya ang bathroom saka sumulyap muli sa 'kin. "So, alam niyang nililigawan ka ni Maxrill Moon?" Hindi ko na naman masagot ang tanong niya. "Answer me, Dainty."

"Alam niya, kuya," mahina kong sagot.

Napatitig sa 'kin si kuya, hindi ko magawang tagalan kaya tumungo ako. Bumuntong-hininga siya at sandaling natahimik.

"Pasensya na, kuya," mahina kong sinabi.

"Gusto mo rin ba siya?" inaasahan ko na ang tanong na 'yon pero masakit sa dibdib nang dumagundong bigla ang aking kaba. "Umamin ka sa 'kin."

"Opo, kuya," hindi ko na magagawa pang salubungin ang tingin niya.

"Kev," nananaway na naman si nanay. "Nagkakagustuhan sila, ano'ng magagawa natin? Walang masama ro'n. Pareho naman silang single at nasa tamang edad. Well, nag-aaral pa ang kapatid mo pero nagtitiwala naman akong hindi siya magpapabaya. Maski ang Moon na 'yon, wala sa dugo nila ang sumira ng kinabukasan ng kahit sino. Kilala mo ang mga Moon, Kev."

"'Nay, wala namang problema kung nagkakagustuhan silang dalawa. Hindi malabong mangyari 'yon dahil sa itsura pa lang ay bagay na bagay na sila. Hindi rin nagkakalayo ang edad nila. Gusto kong maging masaya para kay Dainty, dahil sa matagal na panahon, ngayon niya lang panigurado naramdaman 'to."

Dere-deretso 'yong sinabi ni kuya, ang inis ay nabuhay na sa tinig niya. Wala akong ginawa kung hindi ang yumuko at magpigil ng luha. Hindi ko na pala kailangang magsalita, hindi ko na kailangang magpaliwanag o magdahilan. Dahil nahulaan na nila kung gaano kakomplikado ang sitwasyon. Ano na lang kapag nalaman pa ni kuya na kaya nasa Japan si Maxrill Won ay para mag-move on kay Ate Yaz? Baka iba na ang isipin niya. Baka magbago lahat ng binitiwan niyang salita ngayon lang.

"Pero paano si Bree? Ano na lang ang mararamdaman niya sa t'wing makikita ang ate at ang lalaking nagugustuhan niya? Paano na 'yong relasyon nina Dainty at Bree sa isa't isa?" dagdag ni kuya.

Lalong naantig ang konsensya ko, tumindi rin ang aking kaba. Lahat ng takot at mga salitang inaasahan kong marinig kay Bree, sinasabi ngayon ni kuya.

"Oo, wala silang relasyon. Oo, si Bree lang ang nagkagusto sa Maxrill Moon na 'yon. Pero espesyal sa kaniya ang lalaking 'yon. Hindi dahil hindi nasuklian ang nararamdaman niya, wala na siyang karapatang masaktan. Kapag nasasaktan, walang karapatang nanggagaling sa taong nagugustuhan, nandoon 'yon sa may nararamdaman. Hindi maaaring isumbat, pero hindi rin pwedeng kwestyunin." Napakalalim ni kuya at pakiramdam ko ay nalunod ako sa mga salita niya.

Lalo akong nagbaba ng tingin. Kumuyom ang pareho kong palad sa matinding kahihiyan, dumagdag pa ang nakababagabag kong konsensya. Lalo kong naramdaman ang mga maling ginawa ko. Lalo kong naisip na walang tama sa mga nangyayari ngayon.

"Naiintindihan ko ang punto mo. Nauunawaan ko rin kung bakit nasabi mo ang mga ito dahil bilang kuya ka ng mga kapatid mo, concerned ka sa nararamdaman at magiging relasyon nila sa isa't isa," matagal man ay sagot ni nanay. "Ano'ng gusto mong gawin ni Dainty, kung gano'n?"

Natigilan ako at lalong kinabahan sa tugon ni nanay. Wala sa sarili akong nag-angat ng tingin sa kaniya. Wala pa mang sinasagot si Kuya Kev, nagpoprotesta na ang puso't isipan ko. Ngayon pa lang, pakiramdam ko ay hindi ko na magugustuhan ang isasagot ng kuya ko.

"'Nay..." nahawakan ko ang braso ni nanay.

Pero nanatili kay kuya ang paningin niya. "Kapag tinanggihan ba ni Dainty si Maxrill Won para ikonsidera ang nararamdaman ni Bree, wala nang masasaktan?

"'Nay, tama na po," mahinang pakiusap ko, maiiyak na.

Nagpatuloy si nanay nang hindi makasagot si kuya. "Kev,"nagpapaintinding tawag niya. "Kahit baliktarin ang sitwasyon, may masasaktan sa mga kapatid mo. Kung babalewalain ni Dainty ang nararamdaman niya para irespeto ang nararamdaman ni Bree, pare-pareho lang silang masasaktan."

Nilingon ako ni nanay, naramdaman ko rin nang tingnan ako ni kuya. Naduduwag lang akong nagbaba uli ng tingin. Hindi ko na masasalubong pa ang mga mata nila dahil sa kahihiyan ko.

"Hangga't walang nararamdaman si Maxrill Won kay Bree, tanggihan man ni Dainty ang Moon na 'yon, walang mangyayari," dagdag pa ni nanay.

"So, talagang babalewalain natin ang nararamdaman ni Bree?" hindi ko na naman inaasahan ang sagot ni Kuya Kev. Si nanay naman ang hindi nakasagot. "'Nay, sorry pero kung..."umiiling niyang tiningnan si nanay. "Kung kaya mong makita na may nasasaktang isa, ako...hindi. Mga kapatid ko sila, eh."

Bumuntong-hininga si nanay at tumingin sa 'kin. Kung kailan naman natahimik sila, saka magkakasunod na pumatak ang aking luha. Na kahit anong tungo ko, dahil sa sunod-sunod kong pagpahid ng pisngi ko, siguradong nahulaan nilang umiiyak ako.

"Dainty," hinawakan ni nanay ang kamay ko.

"Ayos lang po ako, 'nay." Nag-angat ako ng tingin at ngumiti sa kaniya.

"I'm sorry," sinabi ni Kuya Kev, tulala sa kung saan. "Naiintindihan ko rin ang feelings mo, Dainty, believe me. Pero baka naman pwedeng...makiusap si kuya?" nakikiusap nga niyang sinabi. Ngumiti ako pero kasabay no'n ay pangingilid ng luha ko. "Baka pwedeng...ipagpaliban mo na lang muna ang pakikipagrelasyon sa kaniya?"

Napailing si kuya, na tila ba kinukwestyon din kung tama o mali ang hiling niya. Habang ako ay nagbaba na lang uli ng tingin. Kung kanina ay binabalot ako ng konsensya at kahihiyan, napuno ako ngayon ng panghihinayang.

"Kahit hanggang sa malimutan lang ng kapatid natin ang nararamdaman niya kay Maxrill Moon," pakisuyo ni kuya na para ba'ng gano'n kadaling gawin 'yon.

Hindi niya naman hinihiling na kalimutan ko si Maxrill Won. Ang tanging hiling niya ay huwag muna akong makipagrelasyon dito para ikonsidera ang nararamdaman ni Bree Anabelle. Pero bakit ganito ang nararamdaman ko? Nakapanlulumo at nakapanghihina ang panghihinayang sa puso ko. Pero sa tinig at mga salita ni kuya mismo, parang wala akong tyansang tumanggi. Dahil iyon ang kailangang mangyari.

Magkakasunod kong pinahiran ang mga luha ko. Saka pilit na ngumiti at tumango-tango. "Opo, kuya."

Natigilan si Kuya Kev at nakahinga nang maluwang. Hindi ko inaasahang lalapit siya at yayakapin ako. "Sorry, Dainty."

"Naiintindihan ko, kuya."

"Ayaw rin kitang masaktan pero...sana maintindihan mong ayaw ko lang din na masaktan nang todo si Bree. Alam ko ang pakiramdam nang hindi magustuhan, Dainty. Alam ko rin ang pakiramdam na may ibang magustuhan ang taong gusto mo, dumaan na 'ko ro'n. Hindi madali, napakasakit. Ayaw kong pagdaanan ni Bree 'yon."

Tumango-tango ako. "Naiintindihan ko, kuya." Pinigilan ko na lang na maluha. Ayaw kong maging ang tunay kong nararamdaman ngayon ay makita nila.

Sandali pa akong ni Kuya Kev, saka niya sinilip ang mukha ko at pinahiran ang aking luha. "Stop crying na."

"Opo."

Ngumiti si Kuya Kev saka isinenyas ang box ng cellphone. "Tuturuan na kita."

Binuksan ni kuya 'yon, nanood naman kami ni nanay. Tinuruan nila akong pareho pero nakalutang ang isip ko. Na kinailangan kong tanungin nang paulit-ulit ang parehong tanong bago ko nakuha at naintindihan ang sagot. Sa sobrang tagal kong matuto, tulog na si Bree nang pumasok ako sa kwarto.

Kaya naman bumalik ako sa sala at nagpaalam kay nanay na lalabas lang sandali upang hintayin ang tawag ni Maxrill Won. Lumabas ako sa maliit naming patio at naupo sa rattan na silya. Mabagal man ay isa-isa kong pinindot ang mga letra ng text message na ipadadala ko sa ibang bansa.

Pero hindi ko pa man nabubuo ang salitang magandang gabi ay nasakop na ng pangalan ni Maxrill Won ang screen ng cellphone.

Hindi ko inaasahang mapapangiti ako. "Hello?"

"What took you so long, Wednesday?" 'ayun na ang natural niyang tono kapag hindi nakuha agad ang gusto. Nailayo ko ang cellphone sa tainga at namamanghang tingnan ang screen ng cellphone. Saka ko muli 'yon ibinalik sa aking tainga.

"Pasensya na, nag-usap pa kasi kami nina nanay at kuya."

"Hmm." Paniguradong nakangiwi siya. "What are you doing?"

"Kausap ka lang."

"Have you had dinner yet?"

"Oo, kanina pa. Ikaw?"

"I was waiting for you, now my food is cold."

Nalukot ang mukha ko. "Initin mo na lang."

"Dirk is sleeping."

"Bakit mo pa iuutos sa kaniya? Bakit hindi ikaw ang mag-init?"

"Because I'm talking to you?"

"Pwede mo namang iinit habang kausap ako, Maxrill Won."

"Yeah, right," inis niyang sinabi at sa hula ko, tumayo siya at kumilos. "How's school?"

"Maayos naman. Ikaw, kumusta ang pagmu-move on?"hindi ko alam kung tama bang asarin ko siya nang gano'n, sa huli ay natawa rin ako.

"You're seriously asking that?" mukhang nainis agad siya.

Natawa ako. "Bakit nga pala kay Rhumzell mo pinakiusap ang cellphone? Nakakahiya, pumunta pa siya sa school."

"Because Maxpein is busy and I don't want to bother Deib Lohr, he'll only tease you and bully me. So, I asked Rhum to do it for me."

Bumuntong-hininga ako at tumango-tango. Sandaling natahimik ang linya namin, hindi ko alam ang sasabihin. Tumingala ako sa mga bituin at napangiti nang makita ang buwan.

"Miss me?" mahinang tanong niya, ang tinig ay para bang umaasa.

Natigilan ako at napatitig lang sa kawalan. Nakagat ko ang labi at daliri ko, nagawa kong tumango pero walang salitang lumabas sa bibig ko. Gusto ko mang isagot na oo, tataliwas iyon sa pagsang-ayon ko sa pakiusap ni Kuya Kev.

Malungkot akong nagbaba ng tingin ngunit muling natigilan nang may tila masulyapang nakatayo sa likod ng puno, sa tabi mismo ng gate. Inaninaw kong mabuti ang gawing 'yon pero dahil sa kakaunting liwanag, ang gate at mataas na puno lang ang malinaw kong nakikita.

"Are you still there?" tanong ni Maxrill.

Gano'n na katindi ang dagundong ng kaba sa dibdib ko habang nakatitig lang sa dilim. Hindi ko nagawang magsalita.

"Dainty?" dinig kong pagtawag ni Maxrill pero patuloy lang ako sa pag-aninaw.

Nanlaki ang mga mata ko nang may makita akong gumalaw. Tumayo ako at kinikilabutang umatras papunta sa gawi ng pinto.

"Dainty Arabelle?" pagtawag muli ni Maxrill.

Napalunok ako. "Pakiramdam ko ay may taong nakamasid sa 'kin ngayon, Maxrill Won."

Hindi niya agad nagawang tumugon. "What do you mean?"

Pero hindi ko na rin nagawang sumagot nang muli akong may makitang gumalaw. Nanginginig akong tumalikod sa gawing 'yon at pagbaling ko sa pinto ay nasalubong ko si nanay.

Nagugulat niyang sinalo ang magkabilang balikat ko. "Ano'ng nangyayari sa 'yo?"

Napalingon ako sa gawi ng puno at gate pero hindi gaya kanina, hindi ko na maramdamang may nakamasid sa 'kin. Sinulyapan ko ang gawi ng kalsada pero wala akong nakikitang dumaraan o naglalakad. Tama ba ang nakita ko o guni-guni ko lang?

To be continued. . . 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top

Tags: #maxinejiji