CHAPTER 29

CHAPTER 29

LAHAT KAMI ay pinanood si Maxrill Won na titigan ang mangkok sa kaniyang harapan nang dumulog kami sa mesa. Napalingon ako kay tatay nang matunog siyang ngumisi at nasisiguro kong si Maxrill Won na naman ang dahilan. Napalingon si Maxrill sa kaniya at nakitawa na para bang maging ang sarkasmo ni tatay ay hindi niya nakuha. Saka niya muling ibinaling ang paningin sa ulam namin at tinitigan iyon.

Palihim akong napangiwi, nahihiya ako dahil iyon lang ang ulam namin at siguradong hindi niya alam 'yon. Lalong imposibleng nakatikim na siya nang ganoon.

"Hmm?" baling ni Maxrill Won kay nanay, na sumagot naman gamit ang salitang sila lang ang nagkaintindihan.

Napatitig ako kay Maxrill Won nang nakangiwi siyang tumango-tango. Natigilan ako nang damputin niya ang sandok ng ulam at magsalin sa malalim na platitong nasa tabi niya. Sinadya marahil ni nanay na lagyan siya niyon sa tabi ng kaniyang plato.

Napalunok ako nang panoorin si Maxrill Won na tikman ang sabaw ng ulam. Walang mababasang emosyon sa kaniya nang minsan niya pang tikman. Saka siya nakangiwing tumango-tango.

"Tastes good," ngumiti siya kina nanay at tatay at saka bumaling sa 'kin.

Pinigilan kong mangiti dahilan para makagat ko ang aking labi. Hindi ko inaasahang mababawasan ang magandang ngiti ni Maxrill Won at bababa ang tingin sa labi ko. Tumikhim siya at nakangiting bumaling sa aking mga magulang.

"I like it," sabi pa ni Maxrill Won.

Ngumiti si nanay. "Ano ba namang pagkain ang hindi mo nagustuhan?" sinabi niya 'yon nang nakangiti, nang-aasar. "Si Bree Anabelle ang nagluto nito," ipinagsandok siya ni nanay sa mangkok.

Palihim akong napasulyap kay tatay at gano'n na lang ang panunuya sa kaniyang tingin na naroon pa rin kay Maxrill Won. Gano'n na lang ang tuwa sa loob-loob ko, kung ano-ano ang naisip ko, hindi man lang ako umasang magustuhan ni Maxrill ang ulam namin. Parati na lang akong nasosorpresa sa lalaking ito.

"Where's your brother and sister by the way?" tanong ni Maxrill Won, ako ang kausap ngunit nasa pagkain ang paningin.

"Nasa school siguro," sagot ko na ang paningin naman ay na kay tatay.

Hindi pa rin kasi nawawala ang nanunuyang tingin niya kay Maxrill. Iyong para bang diskumpyado siya dahil nagustuhan nito ang ulam na pinang-aasar niya. Ano na lang ang magiging reaksyon niya kapag nalamang hindi naintindihan ni Maxrill ang kaniyang mga sinabi kanina?

"Si Bree Anabelle kasi ay member ng BIS band habang si Kuya Kev naman ay varsity player kaya tuloy-tuloy ang practice nila kahit bakasyon," mahabang paliwanag ko.

"How about you?" nakangiting baling niya sa 'kin.

Pakiramdam ko ay namula ako nang gano'n na lang niya sunggaban ang mukha ko, sa harap ng aking mga magulang.

"Ako...ano..." napasulyap ako kina nanay at tatay saka muling ibinaling ang paningin kay Maxrill Won. "Wala."

"Why?" kunot-noo niyang tugon. "You can sing, too."

"Ha? Hindi." 'Ayun na naman ang hiya ko na hindi naman na dapat maramdamdan, kailangan ko nang masanay na pinupuri niya.

"I like your voice, Dainty," mahinahong sinabi ni Maxrill Won. "You should join your sister's club, too."

"Mahiyain si Dainty," si tatay ang sumagot para sa akin.

Hindi ko malaman ang mararamdaman, nag-aalala akong baka kung ano-ano na naman ang kaniyang sabihin. Kahit pa hindi lahat ay maiintindihan ni Maxrill, hindi maganda ang gano'ng trato ni tatay sa kaniya. Lalo na at maganda ang pakikitungo at trato ng pamilya ni Maxrill sa akin at sa aming pamilya.

"Hindi niya kayang kumanta sa harap nang maraming tao," patuloy ni tatay. "Wala siyang lakas ng loob na meron ang mga kapatid niya. Bukod sa..." bumuntong-hininga si tatay saka sumulyap sa akin. "Iniintindi niya ang kaniyang kapansanan. Kung ikaw man marahil ang may ganitong sitwasyon ay pipiliin mong sarilinin ang iyong talento kaysa ibahagi sa maraming tao. Naiintindihan ko dahil bukod sa ako ang kaniyang ama ay..." sinulyapan ni tatay ang sariling mga paa. "Pareho kami ng kalagayan."

"Hehe," hindi namin inaasahang pare-pareho ang tugon ni Maxrill Won. Ang lahat ay napalingon sa kaniya ngunit si nanay ang awtomatikong binalingan niya. "What did he say?"

Natatawang nakamot ni Tiyo Dirk ang batok, natawa rin si nanay at gano'n na lang ang pagpipigil kong matawa. Lalo na nang makitang napikon talaga si tatay sa inasal niya.

"Hindi mahusay sa Tagalog si Maxrill Won," paliwanag ni nanay, na tila nakuha rin ang reaksyon ni tatay. "Lalo na sa salita rito sa Laguna, mas malalim kaysa naririnig niya sa kaniyang pamilya. Hindi gaya ng ate at kuya niya, hindi naman naturuan ito ng salita rito."

Nakangiwing nagsimulang kumain si tatay, panay ang buntong-hininga at may bahagyang pagdadabog. Ako na naman ang nahihiya dahil sa ipinakikita niyang ugali. Naiintindihan ko namang ayaw niya kay Maxrill Won pero hindi tama na ganito ang kaniyang pakikitungo. Lalo na at harap-harapan, wala siyang alinlangang ipakita at iparamdam ang pagkadisgusto rito. Hindi niya man lang maituring na bisita, kahit pakitang-tao.

"I'm sorry, sir," hindi na naman namin inaasahang ani Maxrill Won. "I'll try my best to speak in Tagalor more often."

"Tagalog," pagtatama ni tatay.

"It's just the same," mahinang tugon ni Maxrill Won dahilan para samaan siyang muli ng tingin ni tatay. "Yeah, Tagalog."

Nangunot lalo ang noo ni tatay at bumuntong-hininga, ngunit ipinagpatuloy na ang pagkain at hindi na muling tumingin sa 'min.

"Heurt," nagsalita muli si tatay ilang saglit lang.

"Mm?" nag-angat ng tingin dito si nanay.

"Sana ay sinabi mo ang araw ng uwi ninyo para napapunta ko rito si Rhumzell."

Natigilan ako at napatingin din kay tatay. Nasa pagkain lang ang kaniyang paningin. Nang lingunin ko si nanay ay gano'n na lang din ang pagkakakunot ng kaniyang noo. Paniguradong ipinagtataka rin niya ang inaasal ni tatay sa harap ng mga bisita.

"What's up with your dad?" hindi ko na naman inaasahang bubulungan ako ni Maxrill Won. "He keeps on mentioning Rhumzell, kinda clingy, huh?" ngisi niya. Lalo pa akong nagulat nang punasan niya ang gilid ng labi ko. "What a baby,"ngumiti siya ngunit hindi ko makuhang kiligin sapagkat naestatwa ako sa kaba.

Gano'n na lang ang pagtindi ng takot ko nang mabasa ang magkahalong gulat at iritasyon sa mukha ni tatay matapos mapanood ang iniasta ni Maxrill Won. Pero ang isang 'to sa tabi ko ay nasa akin lang ang paningin at nang maalis naman 'yon ay ibinaling kay Hee Yong.

"You don't know this food, huh?" kinausap ni Maxrill Won ang alaga na para bang sasagutin siya niyon.
"In our country, it's called oksusu."

Napalingon ang lahat kay tatay nang pabagsak niyang ilapag ang kamay sa mesa, si Maxrill Won ang natatanging inosente ang pagkakatingin sa kaniya.

"Bastos," paasik na bulong ni tatay, naro'n ang inis, diin at galit.

"Jaegayo?" nagugulat na ani Maxrill habang nakaturo sa sariling mukha, ang tingin ay naroon lang kay tatay. Inosente niyang nilingon si nanay nang hindi sumagot ang kaharap, at nagsalita nang hindi ko naintindihan.

"Naintindihan mo na siguro ako ngayon, ano?" bagaman nakangisi ay mababasa ang iritasyon sa mukha ni tatay.

Hindi nakasagot si Maxrill Won, nananatili siyang nakatitig kay tatay. Ngunit hindi na blanko ang mukha niya ngayon. Tila ipinagtataka niya na ang hindi maipaliwanag na pakikitungo sa kaniya ng aking ama.

"Kaday," seryoso na si nanay. "Ano ba'ng nangyayari sa 'yo? Bakit ganyan kang makitungo sa bisita natin?"

"Bisita, psh," pabulong na angil ni tatay, pailalim na inalis ang kaniyang tingin kay Maxrill Won at saka nagpatuloy sa pagkain.

Hindi ko na malaman ang nararamdaman. Gusto kong maluha nang maghalo ang takot ko at kaba, dumagdag pa ang kahihiyan sa sitwasyon. Ni minsan ay hindi ako pinakitaan nang masama ng pamilyang Moon. Ang totoo nga, bawat myembro ng kanilang pamilya ay maayos ang pakikitungo sa akin at sa buo naming pamilya. Totoong napakalaki at napakarami nang naitulong nila sa amin. Kaya kahit pilit kong iniintindi ang galit ni tatay sa mga Moon, hindi niya dapat tratuhin nang ganito si Maxrill Won. Hindi dahil mahal ko ang lalaking ito kung hindi mali talaga si tatay. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan niyang gawin 'to.

"Ano pa'ng tinitingin-tingin mo?" bigla ay asik ni tatay.

"'Tay," awtomatikong pigil ko.

Napatitig sa kaniya sina Maxrill Won at Tiyo Dirk, parehong nangangapa at nalilito sa iniaasta ni tatay. Nagkatinginan pa sila nang minsan at saka sabay na nilingon si Nanay Heurt. Na noon ay napapailing na bumuntong-hininga, nasapo ang kaniyang noo at nagsalita ng tila humihingi ng pasensya bagaman hindi ko naintindihan.

"I apologize, sir," mahina, nangingiti kunyaring ani Maxrill Won. "If I offended you in any way."

"I don't like you," deretsong sagot ni tatay.

Natigilan si Maxrill Won at sandaling napatitig sa kaniya. "Neither do I, sir." Pare-pareho kaming nagulat sa sagot niya! Kapagkuwa'y ngumiti siya kay tatay. "Dahil anak mo ang gusto ko." Sinabi niya iyon nang deretso, hindi lang ang kaniyang tingin kay tatay, kundi maging ang kaniyang pananalita.

"Maxrill Won..." naibulong ko, ang paningin ay hindi naalis sa kaniya.

Matagal bago ako nilingon ni Maxrill Won. Ngumiti siya nang hindi na makita ang mga mata. Tila inalon ang puso ko nang kunin niya ang kamay ko sa ilalim ng mesa.

"Thanks for the delicious lunch, it was simple yet flavorsome and delectable," dagdag ni Maxrill Won, hindi na ako nakakilos sa halo-halong pakiramdam at tensyong namuo sa pagitan nila ni tatay. "We have to leave now, Dirk."

Awtomatikong tumayo si Maxrill Won. Bago ko siya nasundan ay napako na kay tatay ang aking paningin. Masama pa rin ang tingin niyang nakasunod kay Maxrill.

"Narinig ko ang mga sinabi mo...Maxrill," hindi ko inaasahang mangingibabaw ang tinig ni Bree.

Gano'n na lang kabilis ang paglingon ko sa pinanggalingan ng tinig niya at awtomatiko akong napatayo upang harapin siya.

"B-Bree..." nasambit ko.

Matagal na napako ang paningin ni Bree kay Maxrill Won bago tuluyang dumapo sa akin. Tingin na nakarating sa akin ang mga tanong. Sobrang daming tanong na nagkalabo-labo ang mga sagot sa isip ko. Hindi ko alam kung paanong magpapaliwanag sa kaniya.

"Hello there, Bree Anabelle," mahinahon man ay mahihimigan ang alinlangan sa tinig ni Maxrill Won. Nakita ko nang mag-igting ang panga niya at simpleng buntong-hininga.

"May gusto ka sa ate ko?" tila maiiyak na si Bree at gano'n na lang katindi ang kirot na idinulot no'n sa dibdib ko.

"Bree..." muling sambit ko.

"Ate, si Maxrill ang kausap ko," tugon niya na ang paningin ay nasa katabi ko. "May gusto ka ba sa ate ko?" gano'n na lang ang pagkibot ng mga labi niya.

Nag-unahang tumulo ang mga luha ko at nanginginig man ang mga kamay ay agad ko iyong pinahiran. "Ano...Bree"

"Si Maxrill ang kausap ko, Ate Dainty," tiningnan ako ni Bree at gano'n na lang ang pang-uusig sa 'kin ng konsensya ko. Namumula ang kaniyang mga mata at kumikibot ang mga labi sa pagpipigil ng sariling damdamin. "Bakit ba itinatanong ko pa ang narinig ko na?" pabulong niyang sagot sa sarili, nakangiting nagbaba ng tingin.

"I'm sorry," mahinang sagot ni Maxrill Won, hindi ko na siya magawang tingnan. "Yes." Pagtatapos niya sa paulit-ulit na tanong ng kapatid ko.

Nag-angat ako ng tingin kay Bree at nakita ko nang mamutla siya sa gulat. Na napalitan ng pagtatanong at saka pa lang bumugso ang kaniyang emosyon. Pilit ang ngiti niya pero magkakasunod na tumutulo ang kaniyang luha.

"I'm sorry, Bree," pabulong muling sabi ni Maxrill Won.

Hindi sumagot si Bree, nanatili lang siyang nakatitig kay Maxrill Won. Nanghina ang mga tuhod ko at may kung anong nagbara sa lalamunan ko. Magkakasunod na tumulo ang mga luha ko at kahit anong pahid ko ay hindi iyon humihinto.

Malungkot na tumango si Bree bago kami tuluyang tinalikuran.

Bree...

Gusto ko siyang habulin ngunit kinuha ni Maxrill Won ang siko ko. Ang paningin ko ay nakasunod kay Bree hanggang sa tuluyan siyang makapasok sa aming kwarto. Hindi ko lalo malaman ang gagawin nang mangibabaw ang katahimikan sa pagitan namin at tanging buntong-hininga ni nanay ang maririnig.

"We have to go now," mahinang ani Tiyo Dirk. Umiwas ako sa kaniyang gawi upang tuluyang punasan ang aking mga luha.

Bumuntong-hininga si Maxrill Won saka ako pilit na hinarap sa kaniya. "I'll talk to her," mahina niyang sinabi, hindi ko na alam ang isasagot. Hinawi niya ang buhok ko at pinahiran ang mga luha sa aking pisngi. "Give me a minute, Dirk," mahina rin niyang baling dito bago kami tuluyang tinalikuran.

Gusto kong sundan ng tingin si Maxrill Won ngunit hindi na talaga ako nakakilos. Hindi ko kayang salubungin ang tingin ninoman sa mga naroon.

"Bree," dinig ko ang pagtawag at katok ni Maxrill Won sa pinto. "Talk to me, Bree."

"Ayos lang ako, Maxrill," masaya man ay halatang pilit na tugon ni Bree.

"Please," pakiusap ni Maxrill Won, ume-echo ang magandang boses sa nakapagitan na pinto.

Hindi na sumagot ang kapatid ko, pare-pareho kaming nakiramdam hanggang sa bumukas ang pinto. Nag-angat ako ng tingin sa gawi ng aming kwarto, bagaman hindi ko nakikita iyon dahil sa pader na nakaharang sa pagitan ng kwarto at kusina.

"Let me explain," dinig ko pa ring ani Maxrill Won.

Pero nang sandaling iyon ay naririnig na ang iyak ni Bree. Humakbang ako, akma nang lalapit sa gawi nila nang saluhin ni nanay ang kamay ko. Nang tingnan ko siya ay umiling siya na nagsasabing hayaan ko ang dalawang mag-usap. Lalo akong naiyak.

"Let's talk outside," mahinang ani Maxrill Won. Hindi pa rin sumagot si Bree. Ilang saglit lang ay nakita ko na silang naglalakad papalabas.

Bree... 'Ayun na naman ang magkakasunod na patak ng aking luha, pigil ang sariling emosyon. Paulit-ulit kong pinunasan ang aking mga mata dahil nanlalabo ang paningin ko sa kanila. Pero nang tuluyan na silang lumabas ng bahay ay wala na akong nakita.

"'Nay..." umiiyak akong bumaling at yumakap sa kaniya.

"Sshh," niyakap din ako ni nanay at hinagod ang aking buhok.

"Alam mo ang nararamdaman ng kapatid mo sa Moon na 'yon, Dainty," 'ayun na naman ang tinig ni tatay, lalo akong napaluha.

"Kaday, ano ba?" asik ni nanay.

"Mukhang naiintindihan mo ang sitwasyon, ano, Heurt?"sarkastikong ani tatay.

"Hindi ka ba talaga titigil?"

"Kinukunsinti mo ang anak ko."

"Sa anong paraan?" nagtaas na ng tinig si nanay.

"Tama na po," nakikiusap, lumuluhang pakiusap ko. "Tama na po..." napahagulgol ako sa bisig ni nanay.

"Dirk," mahinang ani nanay. "Pasensya na."

Dinig kong bumuntong-hininga si tiyo. "Susundan ko si Maxrill Won."

"Mabuti pa," si tatay na ang sumagot sa kaniya.

"Namumuro ka na, Kaday," banta ni nanay, hindi na nakasagot pa si tatay.

Hindi ko na alam kung alin sa mga nararamdaman ko ang pagtutuunan ng pansin. Masyado 'yong halo-halo na pinanlalabo lalo ang isip ko. Natatakot ako, nakokonsensya at sinisisi ang aking sarili, higit na ang lahat ng nangyari.

Hindi ko alam kung anong mukha pa ang maihaharap ko kay Bree. Kung sana ay narinig ko lang ang pagpasok niya, napigilan ko marahil si Maxrill Won na sabihin ang narinig niya. Pero masyadong malayo ang pintuan sa aming kainan bukod sa tahimik ang screen niyon at nakabukas ang pinto.

Binagabag ako ng konsensya ko, iniisip nang matindi kung ano na lang ang isiipin sa akin ng pamilya ko. Bagaman ramdam ko ang pagboto ni nanay, batid kong hindi siya sang-ayon na magkaroon kami ngayon ng relasyon. Ang totoo ay dama kong inilalayo niya rin si Maxrill Won.

Bree... Nanghihina akong napaupo.

"Uminom ka na muna ng tubig," ani nanay, inabot ang isang baso ng tubig na agad kong nilaghok. "Tumahan ka, Dainty, baka umatake ang hika mo, ano ba?"

Pero sa halip ay lalong tumulo ang luha ko. "Ano na po ang gagawin ko, 'nay?"

Nagpakawala nang malalim na buntong-hininga si nanay, na para bang gano'n na lang kagaan para sa kaniya ang aking pinagdaraanan.

"Maaayos din 'yan, Dainty, tumahan ka na," talaga ngang magaan lang sa kaniya ang nangyayari habang ako ay bigat na bigat na. "Tumahan ka na."

Pero hindi ko magawa ang sinabi ni nanay. Sa halip pa ay mas bumibilis pa ang pagpatak ng aking luha. Panay ang pagtanaw ko labas gayong wala naman akong matanaw bukod sa pintuan.

"Heurt," pagtawag ni tatay, tila nahihiya. "Samahan mo na muna ako sa kasilyas," mahina niyang sabi.

Walang nagawa si nanay kung hindi ang hagurin pa ng minsan ang buhok ko bago ako iwan. Kung dati-rati ay pinanonood ko kung paanong alalayan ni nanay si tatay, ngayon ay napako sa labas ang paningin ko. Gayong wala pa rin akong matanaw ro'n bukod sa pinanlalabo pa ng mga luha ang mata ko.

Wala sa sarili akong tumayo at marahang naglakad papalapit sa pintuan. Nakagat ko ang aking daliri nang tuluyang makalapit at matanaw sina Bree. Lumuluhang sinusuntok ng kapatid ko ang dibdib ni Maxrill Won na kapagkuwa'y hinuli ang mga kamay niya at niyakap. Kakatwang noon lang huminto ang pagpatak ng luha ko upang muli lamang palang mamuo.

"All I can say is I'm sorry, Bree," maririnig ang malumanay na boses ni Maxrill Won. "I'm really sorry."

Tumalikod ako sa gawi nila at napaupo sa sofa. Gusto kong tumakbo papasok sa kwarto pero iniisip ko kung gugustuhin pa ba ng kapatid kong makasama ako ro'n. Posible bang magkasama kami sa iisang kwarto at umiiyak sa kani-kaniyang kama ng dahil sa iisang lalaki? Nakapanlulumo ang katotohanang 'yon.

"I'm leaving, Bree," dinig ko pa ring ani Maxrill Won.

Kung kanina ay nalulungkot akong aalis siya at hindi alam kung kailan muling makikita sa kabila ng pangako niyang babalik. Ngayon naman ay inaalala ko kung ano na ang magiging relasyon namin ni Bree kapag naiwan na kaming dalawa. Hindi ko alam kung paanong magpapaliwanag sa kaniya.

"Mag-iingat ka, Maxrill," humihikbing ani Bree, napapikit ako sa sakit na naramdaman, konsensya at bagabag.

Tuloy ay hindi ko namalayan ang pagpasok ni Bree kaya gano'n na lang ang gulat ko. Napatayo ako at lumuluha man ay hindi nakapagsalita sa harap niya. Hindi masalubong ni Bree ang tingin ko. Kumurap-kurap ang namumula at mugto niyang mga mata at saka ako tinalikuran na lang basta.

"Bree," pagtawag ko ngunit may matinding pag-aalinlangang humabol.

"Dainty," mahinang tinig ni Maxrill Won ang umuntag sa atensyon ko.

"Galit na sa 'kin ang kapatid ko, Maxrill Won," naiiyak na namang sabi ko.

"I'm sorry."

"Nasaktan ko siya..." Umiling ako. "Ako ang may kasalanan," nagbaba ako ng tingin sa mga kamay ko at saka iyon naitakip sa mukha ko upang muling lumuha. "Sinira ko ang tiwala niya."

"Please don't say that," naramdaman ko siyang humakbang papalapit, humakbang din ako papalayo. "Dainty..."

"U-Umalis ka na, Maxrill Won," mahina kong sinabi.

Sandali siyang natahimik at gano'n na lang uli ang gulat ko nang maramdaman ko siyang yumakap mula sa likuran ko.

"Maxrill Won," nagugulat ko siyang hinarap saka ako umiling nang umiling.

"I already explained everything to her," mahina niyang tugon.

"Pero..." umiling uli ako. "Hindi gano'n kadali 'yon, Maxrill Won."

"What do you want me to do, then?" mahinahon niyang tanong, nag-aasam ng sagot.

"May gusto sa 'yo ang kapatid ko," naiinis man ako ay hindi ko kayang ipakita nang sobra 'yon.

Hanggang sa sandaling iyon ay alam ko kung gaano pa rin kalambing ang boses ko at nakakairita na 'yon. Gusto kong maramdaman niyang naiinis din ako. Baka-sakaling hindi ganito ang kaniyang maging reaksyon.

"Gusto niya ay makatuluyan ka," dagdag ko. "Pero..."nagbaba ako ng tingin sa mga kamay ko. "Pero ano'ng ginawa ko?" pabulong kong sinabi. Hindi ko rin mapangalanan ang nangyari sa 'min.

"I respect her feelings but I can't do anything about it, Dainty," pabulong niya ring sinabi. "I like someone else and I just can't force myself to like her back."

Napatitig ako sa kaniya. Saka ko naisip kung gaano kagulo ang sitwasyon. Ngayon ko lang uli naalala ang dahilan ng pagpunta niya sa Japan, para makalimot sa unang taong minahal niya. Habang heto kami ng kapatid ko at umiiyak dahil sa nararamdaman sa kaniya. Gayong siya ay kailangang makaahon muna sa iba. Nakakaloko. Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman.

Nagpaliwanag siya sa kapatid ko, inaasahan ba niyang maiintindihan na lang iyon basta ni Bree? Gano'n ba kadali 'yon para kay Maxrill Won? Kasi para sa 'kin ay hindi. Nasasaktan ako at mas nasasaktan pa dahil nasasaktan ko ang kapatid ko. Alam ko na ang nararamdaman niya para sa lalaking ito pero kinuha ko pa rin ang pagkakataon ko.

Sarili ko lang ang inisip ko nang sandaling naroon kami sa Palawan. Gayong noon pa man ay alam ko nang iyon ang mga bagay na pinapangarap ng kapatid ko. Wala akong kasiguraduhan sa lalaking ito pero dahil sa pansarili kong kagustuhan at nararamdaman ay sumugal ako.

Pero...ano nga ba ang gagawin at magagawa ko? Lalo akong nanlumo nang maisip 'yon.

"Umalis ka na, Maxrill Won," malumanay kong pakiusap.

"I'll...come back to you, I promise," mahina niyang sagot.

Umiling ako. "Ingat ka." Iyon lang at tinalikuran ko na siya.

"Dainty Arabelle," paghabol niya. "You'll wait for me, right?"

Magkakasunod na tango ngunit wala na sa sariling sagot ko. "Ingat..." pinigilan kong maluha. "Maxrill Won."

Naglakad ako papasok, sa gawi ng kwarto namin ni Bree ngunit nagtago lang ako sa likod ng pader. Hindi ko man nakikita ay batid kong naro'n pa rin si Maxrill Won, siguradong nakatingin sa gawi kung nasa'n ako. Nag-aalinlangan akongtumuloy at bukod do'n ay gusto kong maramdaman ang pag-alis niya. Hindi ko alam kung saan ako lulugar pagkatapos nito.

Narinig ko ang mga yabag niya, ang tahol ni Hee Yong at nang sumara ang pinto. Ilang saglit pa ay narinig ko na ang sasakyan papalayo. Napaupo ako sa paanan ko at tahimik na umiyak kung saan ako naro'n. At kumilos lang ako nang maramdaman kong bumukas ang pinto sa banyo. Ngunit nang bumaling ako sa aming kwarto ay nakatayo na ro'n ang kapatid ko at lumuluhang nakatitig sa akin.

"Bree..." mahinang pagtawag ko.

Matagal siyang tumitig sa akin, at kahit anong tindi ng kaniyang pagpipigil ay nangingilid ang mga luha niya. "Baka pagod ka pa, ate," halos masamid siya sa sariling emosyon. Natigilan naman ako. "Magpahinga ka na muna."

Pinilit niyang ibigay sa 'kin 'yong natural ng tono ng kaniyang pananalita, malambing at maalaga. Tuluyan niyang binuksan ang pinto, pinatutuloy ako sa aming kwarto. Saka siya ngumiti na kahit anong ganda ay sakit ang makikita.

"Bree..." lalo akong naluha. Pakiramdam ko ay gano'n na lang ako kasama. "Sorry, Bree..."

"Ayos lang ako, ate," kakatwang sinabi niya 'yon habang nakangiti ngunit lumuluha. "Kasi kahit noon pa man ay hindi niya naman talaga ako nagustuhan, naiintindihan ko naman." Doon na tuluyang lumabas ang kaniyang emosyon. "Hindi niya ako nagustuhan kaya wala akong karapatang masaktan."

Napabangon ako at patakbong yumakap sa kaniya. "Sorry, Bree..." umiiyak kong sabi.

"Alam mo kung gaano ko kagusto si Maxrill, Ate Dainty,"umiiyak niya ring sinabi, ang hinanakit at pagtatampo ay hindi na naitago sa kaniyang tinig at nasasaktang mga tingin. "Noon pa man ay wala akong ginustong iba maliban sa kaniya. Parati na ay ginagawa ko ang lahat upang magustuhan din niya, ate. Alam mong lahat 'yon..."

"Sorry, Bree..."

"Hindi ko kayang sabihin na masaya ako para sa 'yo, sa inyo. Pero iintindihin ko, ate. Kasi...ano naman ang laban ko sa 'yo?" Nagbaba siya ng tingin sa mga kamay. "Ano ang laban ng nararamdaman ko kung ikaw na ang kaniyang gusto?"

Hindi ako nakasagot, panay pagluha lang ang aking nagagawa. Ako ang nakatatanda pero ang matalas na pang-intindi ay nasa kaniya. Ako ang nanakit ngunit siya ang nagpaparaya.

Nasasaktan ako pero iniisip ko kung gaano kasakit ang nararamdaman niya? Makikita iyon sa kaniyang mga luha ngunit hindi matitimbang nang nakikita. Gusto kong may magawa pero bukod sa pagluha, paghingi ng tawad lang ang nasambit ko. Sapat na ba 'yon? Ano ang pwede kong gawin?

"Patawarin mo 'ko, Bree," hindi ko na masundan pa ang gusto kong sabihin. Sa ganoong sitwasyon, iyon nga lang siguro ang kaya kong gawin.

Sabay kaming humagulgol sa isa't isa nang magkayakap. Nasasaktan ako pero naro'n ang masarap na pakiramdam na hindi niya tinanggihan ang paglapit ko. Lalo pa akong nakokonsensya dahil sa halip na galit ay ganito ang pang-intindi niya.

"Pumasok na muna tayo, ate," inakay niya ako papasok. Siya pa ang gumawa no'n sa kabila ng mga ginawa ko. "Baka makita tayo nina nanay at tatay."

Magkakasunod kong pinahid ang mga luha ko at nang tumahan ay saka ko siya tiningnan. "Bree, hindi ko alam ang sasabihin ko sa 'yo," sinsero kong sinabi 'yon pero gano'n na lang ang hiya at kaba ko. "Hindi ko alam kung anong itatawag sa ginawa ko." Nagbaba ako ng tingin.

"Gusto mo rin ba siya?" inaasahan ko na ang tanong niya ngunit gumapang pa lalo ang aking kaba. "May gusto ka rin ba kay Maxrill, Ate Dainty?"

Umiiyak, nakababa ang tingin akong tumango. "Gusto ko rin siya."

Napabuntong-hininga siya at nang mag-angat ako ng tingin ay magkakasunod nang pumatak ang mga luha niya. "Alam ko namang mahirapan na hindi gustuhin si Maxrill, ate,"nasasaktan niyang sinabi. "Napakagwapo niya, mabait at matalino. Walang dahilan para hindi siya magustuhan. Hindi kita masisisi, Ate Dainty."

"Bree...sorry, h-hindi ko sinasadya."

"Naiintindihan ko, ate," inilagay niya ang likod ng palad sa kaniyang mata at halos humagulgol sa pag-iyak.

"Bree..." Napayakap ako sa kaniya sa kawalan ng masasabi.

Naiintindihan ni Bree na gusto namin ni Maxrill Won ang isa't isa kahit nasasaktan siya. Pero bakit ganito pa rin ang pakiramdam ko? Dahil ba sa konsensya? Ayaw kong tawaging traydor ang aking sarili ngunit sapat bang sabihin na nahulog din ako sa lalaking gusto niya? Tama bang idahilan ko ang nararamdaman ko para makapanakit ng iba gayong una pa lang ay alam ko na ang nararamdaman niya?

"Hindi ko alam kung paanong babawi sa ginawa ko,"umiiyak ko pa ring sinabi.

Totoong hindi ko alam kung ano ang sasabihin, lalo na kung ano ang gagawin. Ano na lang ang mararamdaman niya kapag nalaman ang mga nangyari sa Palawan? Ano na lang ang mararamdaman niya kapag nalaman niya kung paano akong minahal ng mga tao sa paligid ni Maxrill Won? Ano na lang ang mararamdaman niya kapag nakita niya kaming masaya bilang magnobya?

Ganito pala ang magmahal. Gaano man karami ang iyong nalalaman, tungkol sa iyo, sa taong mahal mo at sa iba, mawawalan ka ng hangganan. Kahit alam ko kung saan dapat ako lumugar, pinili kong pumuwesto kung saan sasaya ang puso ko.

Bata pa lang kami ay alam ko na ang nararamdaman para sa kaniya ni Bree. Nang makilala ko si Maxrill Won ay nalaman ko kung sino ang kaniyang mahal. Lahat iyon ay sapat nang hangganan para idistansya ang sarili ko. Wala na dapat dahilan.

Pero sa huli, ano ang ginawa ko? Tinibag ko ang hangganang iyon para patuluyin ang sarili kong nararamdaman.

To be continued. . .

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top

Tags: #maxinejiji