CHAPTER 27

"SERIOUSLY, DAD?" naroon ang sarkasmo sa tinig ni Maxrill Won. "How come you believed in Maxpein and Maxwell's words and you can't trust mine?"

"Maxrill Won," naroon ang alinlangan sa tinig ni tiyo. Napatitig siya sa anak nang masalamin doon ang hinanakit nito.

"You always do this, chairman."

"Son, listen"

"Fine," mariing sagot ni Maxrill Won, ang hinanakit at hindi pagsang-ayon ay naroon pa rin sa kaniyang tono. "I don't want to argue with you anymore. Believe whatever you want."

Hindi agad nakasagot si tiyo. "Thank you, anak,"bagaman naroon ang sinseridad sa tinig niya nang tumugon.

"I'll stay there for a week."

"Two weeks, Maxrill."

"I said, one week."

"Two weeks, anak, para good boy ka."

"You're messing it up again, I said, one week and that's final." Naiinis na naman si Maxrill Won.

"Ako ang magdedesisyon, Maxrill Moon."

"You go to Japan, then."

"Maxrill Won!" nagbabanta ang tinig ni tiyo.

"You're making me really mad, dad."

"Should I ask your sister to convince you?"

"Damn it," dinig kong asik ni Maxrill Won. "Just kill me." Iyon lang at bumalik siya papasok sa aming kwarto dahilan upang mag-iwas ako ng tingin sa gawing panggagalingan niya. "I'm leaving," batid kong huminto siya sa mismong gilid ko, ramdam ko sa akin ang kaniyang tingin. "I'm going to Japan to freaking move on." May diin ang sarkasmo niya.

Marahan man ay nakangiti ko siyang nilingon. "Ingat ka, Maxrill Won."

Matagal siyang tumitig sa akin. "You believe my words, right?" umaasang bulong niya, ang lungkot ay gumuhit sa kaniyang mga mata. "Unlike them, you trust my words, right?"

May kung anong kirot na gumuhit sa puso ko nang maghalo ang pag-asa at lungkot sa mga mata at boses niya.

"Maxrill Won..."

Hindi ko alam kung bakit kailangan niyang itanong ang mga iyon. Pinilit kong mameke ng ngiti, umaasang mapapalitan niyon ang lungkot sa mga mata niya.

"As long as you believe in me, I don't care what others think of me, Dainty," dagdag pa niya.

Ang pekeng ngiti ko ay mabilis na napalitan ng pag-aalala nang makita ko ang hinanakit sa kaniyang mga mata. Ang pag-aalinlangan ko ay biglang napalitan ng kasiguraduhan dahil sa ganoong itsura niya. Malayo iyon sa natural na reaksyon ng kaniyang mukha sa t'wing hindi nakukuha ang kaniyang gusto.

"Oo naman, Maxrill Won," sinsero kong sinabi.

Matagal siyang tumitig sa akin, tinitimbang ang sinseridad sa aking sagot. Dahilan para ako mismo ay timbangin ang sariling mga salita upang malaman kung sapat ba ang naitugon ko sa kaniya.

Bumagsak ang paningin niya sa sariling talampakan at matagal na nanatiling ganoon. Hindi ko alam kung ano ang kaniyang nararamdaman. Gusto kong malaman kung ano ang kaniyang iniisip. Pero pakiramdam ko ay wala akong karapatang hingin alinman sa mga iyon ngayon. Mukhang isa ako sa dahilan upang makaramdam siya ng ganito. Marahil ay dahil alam ko sa sarili kong may parte rin sa akin na sang-ayon kina nanay at tiyo.

"Hee Yong," gano'n na lang kabigat ang buntong-hininga ni Maxrill Won nang tawagin ang kaniyang alaga. "I'm going to stay outside."

"Eat dinner."

"I'm not hungry," mahinang tugon ni Maxrill Won, hindi na hinintay pa ang sagot ng kaniyang ama. Basta na lang siya lumabas kasunod si Hee Yong.

Napako ang paningin ko sa pintuan. May kung ano sa akin na gusto siyang sundan. Pero paano kong magagawa iyon kung ang mga magulang namin ang higit na nagtulak upang mangyari ito? Wala akong lakas ng loob. Kay nanay pa lang ay hindi ko na alam kung ano ang sasabihin, lalo na kay Tiyo More.

Nagbaba ako ng tingin at agad na pinuno ng mga bagay tungkol kay Maxrill Won ang isipan ko. Tahimik kaming naghapunan pero wala roon ang isip ko. Hanggang sa paghiga sa kama ng gabing iyon, siya lang ang iniisip ko.

Sorry, Maxrill Won...

Muli kong tinanaw ang buwan nang gabing iyon. Hindi gaya kaninang kaharap ko si Maxrill Won, ramdam ko na naman ang layo niyon. Aaminin kong nag-aalinlangan din akong maniwala. Kung minahal ni Maxrill Won si Ate Yaz nang ilang taon, napakahirap talagang paniwalaang ako na agad ang gusto niya ngayon. Kailan lang nang makita ko siyang umiinom sa tabing-dagat, ang mga mata niya ay puno ng sakit. Talagang nagbago iyon mula nang magkasama kami. Pero paano ako makasisigurong ako na nga ang laman ng kaniyang puso?

Paano kung natakpan lang ng presensya ko ang sakit na idinulot ng katotohanang hindi siya ang pinili ni Ate Yaz? Paano kung ramdam niya lang na gusto ko siya kaya napilitan lang siyang gustuhin ako pabalik? Paano kung natutuwa lang pala siya sa akin? Paano kung nagkakamali lang siya sa nararamdaman niya sa akin?

Pero paano kung hindi...?

Iyong huling tanong sa puso ko ang nakapagpalambot sa akin. Binalot ng lungkot ang puso ko at ilang saglit pa ay pumatak na ang mga luha ko sa unan. Pinigilan kong suminghot sa takot na malaman iyon ni nanay.

Napakahirap maipit sa puso at isip. Ang isip ko ay hindi pinaniniwalaan ang lahat kay Maxrill Won habang ang aking puso ay ramdam ang sinseridad sa kaniyang mga sinabi at pinaramdam. Ang isip ko ay binubulong ang alinlangan habang ang puso ko ay sinisigaw ang inaasam kong katotohanan. Sa t'wing sinasabi ng isip kong kaya ako umaasa ay dahil gusto kong magkatuluyan kaming dawala, inuutusan naman ako ng puso kong maghintay at magtiwala. Kapag pinili ko namang sundin ang iniuutos ng huli, muling sasabihin ng isip kong maghihintay lang ako sa wala. Nakakabaliw ang mag-isip tungkol sa pag-ibig.

Nakatulugan ko ang tahimik na pagluha. Gano'n na lang ang pag-aalala ko nang masalamin ang sarili nang magising kinabukasan. Namumugto ang aking mga mata kaya dali-dali akong kumilos upang maligo. Tuloy ay pinuno na naman ako ng isipin tungkol kay Maxrill Won.

Ano kayang ginagawa niya ngayon? Napabuntong-hininga ako. Ihahatid niya kaya kami sa airport? Nalungkot ako sa sariling pag-aasam na ganoon nga ang mangyayari.

Nang sandaling matapos akong magbihis ay kung ano-ano na agad ang pumuno sa imahinasyon ko. Naroon 'yong madaratnan ko na si Maxrill na nakaupo sa hapag-kainan paglabas ko. Nandiyan iyong darating siya bago pa man ako ang makaupo roon. Nariyan din iyong nasa labas na siya ng pinto ng kwarto upang salubungin ang paglabas ko. Naisip ko ring kakatok siya at uutusan ako ni nanay upang pagbuksan siya.

Nababaliw na nga yata ako, kung ano-ano na ang naiisip ko. Dahil wala ni isa sa mga na-imagine ko ang nangyari, walang nagkatotoo. Nagsimula na kami at lahat na mag-agahan ni nanay, walang Maxrill Won na dumating.

Batid kong napansin ni nanay na panay ang lingon ko sa pinto, halatang may hinihintay na dumating. Nakita rin niya akong mabigo.

"Naibaba ko na ang lahat ng gamit natin,"kaswal na ani nanay sa gitna ng pagkain.

Nilingon ko ang kwarto saka nagugulat na sumulyap sa kaniya. "Pasensya na po, hindi ako nakatulong, 'nay."

Ngumiti siya saka humigop sa tasa ng kape. "Ayos lang, tinulungan ako ni Maximor."

Ang totoo ay umaasa akong babanggitin niya si Maxrill Won. Pero maging iyon ay hindi nangyari. Natapos na kami't lahat sa pag-aagahan, hindi na uli nagsalita pa si nanay.

Tuloy ay lalong tumindi ang pag-iisip ko kung makikita ko pa ba si Maxrill Won. Hanggang sa sandaling iyon ay umaasa ako na ihahatid niya kami sa airport.

"Ako na lang po ang magtatapon ng basura, 'nay," wala sa sariling presinta ko.

Baliw na yata talaga ako para magbaka-sakaling makita ko ulit si Maxrill Won sa hallway o makasabay sa elevator. Habang tumatakbo ang oras at nauubos ang sandali ng pananatili namin sa lugar na 'yon, patuloy akong umaasa na makapagpapaalam kami nang ayos sa isa't isa.

'Ayun na naman ang imahinasyon ko habang naghihintay na lumapag ang elevator, umaasa pa ring siya ang makikita ko oras na bumukas ang pinto niyon. Pero nakalabas na ako't lahat ng hotel, hindi ko pa rin nakikita si Maxrill Won.

Nasaan na kaya siya? Gano'n na lang kalalim ang buntong-hininga ko.

Napalingon ako sa tabing-dagat ngunit bukod sa dalawang turista na abala sa pagkuha ng litrato sa isa't isa ay wala na akong ibang nakikita. Nagbaba ako ng tingin at muling nalungkot.

Nagpunta na ba siya sa Japan? Napatingala ako sa kalangitan at saka pumihit pabalik sa hotel nang bagsak ang mga balikat.

"Dainty Arabelle..." anang hindi ko mapamilyarang tinig ng lalaki.

Gulat akong napalingon sa pinanggalingan niyon sa tabi ko. Kung hindi ako nagkakamali ay ito iyong lalaking nakausap ko, isang gabi na magkasama kami ni Maxrill Won.

Sandali akong napatitig kay Montrell, iyon ang natatandaan kong pangalan niya. "Magandang tanghali po," pagbati ko.

Sandali rin siyang napatitig sa akin, bahagyang nakangiti at nakaawang sa pagkamangha ang labi. Saka siya tumango at bahagya pang tumawa.

"Kumusta ka?" hindi ko inaasahan ang tanong niya, para bang ganoon na kami katagal na magkakilala.

Napabuntong-hininga ako. "Maayos naman po, Kuya Montrell, salamat po."

Sandali uli siyang tila namangha sa akin. "Kung ako ang tatanungin ay hindi mo na siguro gugustuhing lisanin pa ang lugar na ito. Napakaganda, hindi ba?"

Hindi ako nakapagsalita, lalo na nang tumabi sa kaniya ang hindi ko mapamilyarang mukha ng lalaking matanda. Nakasombrero at nakasalamin man ay batid kong nakatingin ito sa akin. Gano'n na lang ang pagkakakunot ng aking noo at saka humakbang papalayo.

"Hinahanap mo ang bunsong Moon,"nakangising anang matanda. "Marahil ay tulog pa iyon. Napuyat dahil sa pag-iyak at pag-inom. Bigo sa pag-ibig ang isang iyon, bukod sa kulang sa pansin. Mabuti at dumating ka, kahit papaano ay nabaling sa iba ang atensyon niya. Kahabag-habag."

Napamaang ako sa matandang lalaki. Sino siya at bakit alam niya ang tungkol doon kung totoo man ang kaniyang sinabi? Bakit parang kilalang-kilala niya si Maxrill Won? At bakit parang napapamilyaran ko siya? Hindi ko matandaan kung saan at kailan ko siya nakita.

Ngumiti siya. "Hindi ka mahal ng bunsong Moon," ibinaba niya ang tingin sa paanan ko at kahit nakasalamin siya ay nakita ko ang kaniyang mga mata. "Nang naunang gabi ay ibang babae ang kahalikan niya at nang sumunod ay ikaw na."

Natigilan at nanlamig ako sa aking kinatatayuan. Napatitig ako sa matandang lalaki habang pigil ang aking hininga.

"Ikaw ay hinalikan niya sa ilalim ng tirik na araw sa harap ng dagat habang iyong isa ay sa ilalim ng buwan, malapit sa dalampasigan..." idinagdag nang matandang lalaki na animong binabalikan ang nasaksihan. "Ngunit kahit mas mahaba ang sandali ng umaga ay mas sinsero ang dilim sa gabi."

Maxrill Won...

Kahit hindi na idetalye ng matanda ang ibig niyang sabihin ay mukhang nakuha ko na. Kahit hindi niya pinangalanan ang ibang babae na tinutukoy ay nahulaan ko na. Nagbaba ako ng tingin nang maramdaman ko ang gumuhit na sakit sa aking dibdib.

Si Ate Yaz...

Alam ko naman na ang tungkol doon. Narinig ko naman na mula kay nanay na hinalikan siya ni Maxrill Won. Pero bakit mas masakit marinig iyon sa ikalawang pagkakataon?

Ang katotohanang alam nang matandang lalaking ito na si Ate Yaz ang hinalikan ni Maxrill Won nang naunang gabi at ako nang sumunod pang gabi ay nakadagdag sa bigat ng pakiramdam sa dibdib ko.

"Ang kakulangan mo ay dagok sa perpektong pamilyang nais mong pasukin, huwag ka nang mag-abala pa," patuloy niya, na nagdulot nang pangingilid ng luha sa aking mga mata. "Hindi nababagay ang tulad mo sa pamilyang Moon, binibini," ngisi niya. "Maganda ang panlabas na anyo nila ngunit ang lihim ng kanilang pamilya ay makikita mo lang kapag napabilang ka na sa kanila. At sa sandaling iyon ay huli na ang lahat upang umatras ka kaya ngayon pa lang ay iwasan mo na."

"Tinatakot mo ang bata," halakhak ni Kuya Montrell.

Hindi inalis ng matanda ang paningin sa akin. "Sinasabi ko lamang sa kaniya ang katotohanan."

"Mauuna na po ako," mahina kong sabi. Saka ako tumango at akma nang tatalikod nang habulin ng isa sa kanila ang braso ko.

Awtomatikong kumabog sa kaba ang dibdib ko nang tapunan ng tingin ang kamay na iyon sa aking braso. Tumindi ang aking kaba nang mabasa ang nakapanghihilakbot na ngisi sa kanilang mukha.

"Hu" Hindi na nagawang ituloy ni Kuya Montrell ang sasabihin nang humagupit ang mahabang paa ni nanay sa pagitan ng aking braso at kaniyang kamay. Maging ako ay napayuko ako sa lakas ng sipang iyon. Nahawakan ko ang sariling braso dahil tila bumaon sandali ang kamay ni Kuya Montrell doon.

Ngunit nang mag-angat ako ng tingin kay nanay ay blangko lamang ang pagkakatitig niya kay Kuya Montrell. Na para bang wala siyang ginawang nakagugulat. Na para bang ganoon lamang siyang bumati. Na para bang ganoon dapat iparamdam ang kaniyang presensya.

Sa gulat ay napatitig din si Kuya Montrell kay nanay. Titig na tila inaalam kung bakit kami hinagupit ng sipa nito. Tingin na kumukwestyon sa katauhan ni nanay. Tingin na para bang hindi man lang nasindak.

"Who do you think you are?" asar na tanong ni Kuya Montrell, natural na reaksyon dahil sa ginawa ni nanay.

"'Nay..." bulong ko, sa takot na baka mas magalit ang dalawang lalaki sa inasta niya.

"Ang pinakabagong myembro ng pamilyang Moon..." ang matandang lalaki ang sumagot, napalingon kami sa kaniya. "Ang ina ni Maxpein Moon..." Ngumisi ang matandang lalaki, ang paningin ay naroon lang kay nanay.

Napalingon ako kay nanay. Kilala mo ba ang mga ito, 'nay? Hindi ko maintindihan. Hindi normal ang ganoong kilos ni nanay, ang totoo ay ngayon ko lang siya nakitang gawin ang ganito. Ang bumati ng sipa sa taong hindi ko rin lubos na kilala. Oo nga at hinawakan ako ni Kuya Montrell ngunit hindi tama ang ikinilos ni nanay. Ngunit hindi rin ugali ni nanay ang kumilos na lang basta, lalo na nang ganoon karahas. Nakakalito ang sitwasyong ito.

"Who are you?" tanong ni Kuya Montrell.

"Ano..." napalingon ako kay nanay. "P-Pasensya na po, kuya..." napapikit ako sa magkahalong kaba at kahihiyan.

"I said, who are you?!" gitil nang gilalas ni Kuya Montrell.

Ngunit natigilan ako nang deretsong tingnan ni nanay si Kuya Montrell saka nilingon ang matandang lalaki. Sinenyasan niya ang matanda na para bang inuutusan itong sagutin ang tanong ni kuya.

"Huwag mong sabihing..." ngumisi rin ang matanda. "Ikamamatay namin kung sasabihin mo?"hindi ko maintindihan ang ibig niyang sabihin. "Hindi ako kailanman nasindak sa linyang iyon ng mga Moon, ipagpaumanhin mo."

Hindi nagsalita si nanay. Sa halip ay nanatiling blangko ang kaniyang tingin sa dalawa. Kinuha niya ang aking braso at ipinuwesto sa kaniyang likuran. Hindi ko tuloy naiwasang isipin kung gaano kadelikado para sa akin ang sitwasyong iyon kanina.

"Interesante ang katauhan ng babaeng ito, Montrell," patuloy ng matandang lalaki. Nasulyapan ko si nanay saka muling ibinalik ang paningin sa matanda. Gano'n na lang ang gulat ko nang salubungin niya ang tingin ko. "Hindi ka mahal ng bunsong Moon kaya huwag mo 'kong tingnan."

Napamaang ako sa kaniyang sinabi. Hindi ko alam kung ano ang koneksyon no'n sa mga sinasabi niya. Hindi ko rin alam kung bakit kailangan niyang sabihin iyon nang ganoon kaderetso sa akin. Hindi malaman kung sarkastiko, nagbibiro o sadyang ganoon lamang siya.

"Nanay..." kinuha ko ang braso ni nanay. "Tara na po." Nakapanghihina ang kaba ko.

"Huwag kang nakikipag-usap sa mga taong hindi mo kilala, Dainty," may diin sa tinig ni nanay.

Napayuko ako, magdadahilan sana ngunit nanahimik na lang. "Opo, 'nay, pasensya na po."

"Excuse me?" palag ni Kuya Montrell. "Magkakilala kami."

"Kung gano'n ay bakit hindi mo 'ko kilala?"istriktong tugon ni nanay.

Namewang si Kuya Montrell. "Sino ka naman para kilalanin ko?" minata niya ang kabuuan ni nanay saka ngumisi. "Para sa kaalaman mo, negosyante ako. I am the famous Montrell Venturi of Venturi Clan,"mariin niyang pinakilala ang sarili at pinagmulan.

Nangunot ang noo ni nanay habang nakamaang. Napatitig kaming lahat sa kaniya at sabay-sabay na naghintay ng kaniyang sasabihin.

"Oh, e, ano naman? Para saan pa ang pagpapakilala kung kayo-kayo rin lang naman ang nakakikilala sa inyong angkan?" hindi ko inaasahang ganoon ang isasagot ni nanay. Sa kaniyang itsura, akala ko ay nagulat siya sapagkat kilala niya ang binanggit na pangalan.

Humalakhak ang matandang lalaki na kasama ni Kuya Montrell. "Anak mo nga si Maxpein Moon."Muli pa siyang humalakhak dahilan upang taliman siya ng tingin ni nanay. "Hindi lang myembro ng pamilyang Moon ang kaharap mo, Montrell," anito, tumindi ang pagkakangisi. "Isa siyang Rombaldi,"may diing dagdag niya sa huli.

Rombaldi? Natigilan ako at napaisip. Ngayon ko lang narinig ang salitang iyon. Salitang hindi ko malaman kung pangalan, palayaw o apelyido.

Humalakhak si nanay, gumagalaw ang mga balikat na tila ba naaaliw. Ngunit sarkastiko ang pagkakangisi.

Nakita ko nang matigilan si Kuya Montrell at marahang lingunin ang matandang lalaki sa kaniyang tabi. Ngunit ang matandang iyon ay nakapako pa rin ang paningin kay nanay, may nakakaloko ring ngisi.

Nakakunot na ang noo ni nanay nang lingunin ko. Ang kaniyang paningin ay nakababa at tila nag-iisip. Sa isang galaw ng kaniyang mga mata ay muling napako iyon sa matandang lalaki at wala nang kasintalas. Dahilan upang mas tumindi ang aking kaba.

Ano ba ang nangyayari?

Naguguluhan ako at nalilito pero ang dulot pareho ay takot. Bakit tila kilala ng matandang lalaking ito si nanay? Sino ba ito? Hindi ko naman mahulaan kung kilala ba ni nanay ang mga kaharap namin o hindi. Hindi tulad ko, hindi ko siya kinakikitaan ng kaba at alinlangan, hindi siya natatakot sa aming mga kaharap. Para bang siya pa nga ang dapat na katakutan ng mga ito. Sapagkat walang mababasang interes sa kaniyang mukha gayong sinipa niya nang malakas ang kamay ni Kuya Montrell. Kung hindi marahil ako kinausap ng dalawang ginoong ito ay baka wala siyang pakialam.

"Isa kang Lombardi?" hindi makapaniwala, natutulalang tanong ni Kuya Montrell.

Lombardi? Lalo akong nalito!

Naguguluhan kong nilingon si nanay nang muli siyang humalakhak nang gumagalaw ang mga balikat na tila aliw na aliw, gayong bakas ang sarkasmo sa kaniyang ngisi.

"Bakit hindi mo sagutin ang tanong ko?" naroon na ang inis sa tinig ni Kuya Montrell.

Bumuntong-hininga si nanay at ibinaling kay kuya ang nanunuya niyang tingin. Kasabay no'n ay nabura ang lahat ng reaksyon sa kaniyang mukha. Ngunit hindi siya nagsalita. Sa kaniyang itsura ay para bang hindi na dapat pa isinatinig ni kuya ang tanong na 'yon sapagkat sinabi na ang sagot. Wala talagang interes si nanay at ako ang kinakabahan sa ganoong itsura niya. Baka magalit ang mga kaharap namin.

"Napakarami mong apelyido..." nakangising anang matandang lalaki dahilan upang muli namin itong balingan. "Tatlo? Apat? O baka lima pa kung napang-asawa mo ang bagong chairman ng inyong pamilya."

Hindi ko masabayan ang daloy ng usapan nila. Talagang maraming alam ang matandang ito. Naroon ang kompyansa sa mga salita, tinig at nakakalokong ngiti niya. Ang pananahimik naman ni nanay ay tila pinatutunayan ang mga sinasabi nito.

"Romabaldi...Park...Moon..." patuloy ng matandang lalaki. "Kung napabilang ka sa mga Del Valle ay..." nilingon niya ako dahilan upang matigilan ako. "Maaaring walang iniibig ngayon ang babaeng ito." Saka niya muling sinulyapan si nanay. "Ngunit ang pinili mo ay ang lalaking hindi ka na nga mabigyan nang maayos na buhay ay hindi pa maiparanas sa iyo ang kaniyang apelyido. Napakasaklap ng iyong buhay."

Ako ang nasaktan sa mga narinig ko. Sino ang lalaking ito at bakit ganito niyang pagsalitaan si nanay? Sino ang lalaking ito para magsalita siya na para bang kilala niya rin si tatay?

Bukod doon ay nakaantig ng interes ang kakaiba niyang pananalita. Tila nabubulol siya nang paulit-ulit sa ilang mga letra bagaman natural siyang nagsasalita.

"Sino po ba kayo?" garalgal man ang tinig ay hindi ko na napigilang magsalita.

Sinulyapan ako ng matandang lalaki saka siya bahagyang ngumisi. "Kahit malaman mo ang aking pangalan ay hindi mo ako makikilala," makahulugan niyang sinabi. "Gaya ng nararamdaman mo sa bunsong Moon, kahit anong ganda mo ay hindi siya nababagay sa iyo" Natigil ang kaniyang sasabihin nang umatake si nanay na awtomatiko nitong naiwasan!

"'Nay!" nagugulat kong habol.

"Napakarami mong sinasabi. Kalalaki mong tao, masyado kang tsismoso." Hindi nagbago ang blankong mukha ni nanay ngunit mahihimigan na ang pagkapikon sa kaniyang tinig. "Ano ba'ng kailangan ninyo?"

"Nangungumusta lang naman," anang matanda, muling sumulyap sa akin dahilan upang magtago ako sa likuran ni nanay. "Kung gayon ay ganito ka kung tumugon sa nangungumusta sa iyo?"

Nanlamig ako sa kinatatayuan nang makita ang matandang lalaki na tila may huhugutin sa kaniyang likuran. Mas tumindi ang pagkakakapit ko kay nanay bagaman wala man lang nagbago sa kilos, itsura at tindig niya.

"May maitutulong ba ako sa inyo?" isang tinig ng lalaki mula sa likuran ang nangibabaw. Siya ring umagaw sa atensyon naming lahat na naroon.

"Dirk," tumango rito si nanay.

"Heurt," tumango pabalik si Tiyo Dirk, ang kanang kamay ni Tiyo More.

Lumapit si Tiyo Dirk sa amin. Sa sobrang tangkad niya ay kailangan kong tumingala upang makita ang kaniyang mukha. Ngumiti siya kay nanay na hindi na halos makita ang mga mata niya. Bukod sa gandang lalaki ay napakabait tingnan ni Tiyo Dirk. Parating pormal ang kaniyang suot at deretso lang ang tingin. Halata sa kaniya ang dedikasyon sa trabaho. Madalas siyang seryoso ngunit kaninong tingin man ang kaniyang masalubong ay awtomatiko siyang ngumingiti.

Kaya gano'n na lang ang alinlangan ko nang sumeryoso ang mukha niya matapos sulyapan ang dalawang lalaki na kanina pa namin kausap. Nangunot ang noo niya nang ang matandang lalaki na ang kaniyang balingan. Umawang ang labi ko nang magsalita na si Tiyo Dirk at kausapin ito sa ibang lenggwahe.

Hindi gaya ko ay para bang hindi nagulat si Kuya Montrell. Pero ang masamang tingin niya ay hindi rin nawala kay nanay.

Hindi na nagsalita pa ang matandang lalaki. Sa isang sulyap niya kay Kuya Montrell ay sabay kaming tinalikuran ng mga ito. Habang sinusundan ko ng tingin ang paglayo nila ay tila hindi man lang nabawasan ang kaba ko.

Hindi na muli makita ang mga mata ni Tiyo Dirk nang nakangiting bumaling pabalik sa amin. Awtomatikong nabura nang ganoong itsura niya ang lahat ng kaba at alinlangan ko.

"Ihahatid ko na kayo sa Laguna," ani Tiyo Dirk. Tango lang ang isinagot ni nanay saka ako inakay papalayo.

Nabalikan ko ng tingin si Tiyo Dirk, na kay nanay ang kaniyang paningin. Ngunit awtomatikong ngumiti sa 'kin nang mapansin akong nakalingon.

Muli kaming bumalik sa tinutuluyan. Ngunit nanatiling tahimik ang pagitan namin nina nanay at tiyo. Hanggang sa natitirang sandali ay hindi ako mapakali, naghihintay sa taong hindi ko naman nagsabing darating. Mula sa paglabas sa tinutuluyan naming silid hanggang sa makalabas sa ulit ng hotel ay panay pa rin ang paglingon ko, umaasang makikita ang kanina pang hinahanap. Pero nabigo ako. Nakasakay na kami't lahat sa sasakyan ni Tiyo Dirk ay hindi ko na nakita pa si Maxrill Won.

"'Nay?" naiilang man ay nagsalita na ako. "Ano po..." hindi ko naman maituloy ang gustong sabihin.

Matunog na buntong-hininga agad ang naisagot ni nanay, hindi man lang lumingon sa akin bagaman naroon siya sa aking tabi.

"Pupuntahan natin si Maxwell, magpapaalam tayo," nasusuya ang tinig na ani nanay. "Baka naroon si Maxrill Won."

Nagbaba ako ng tingin. "Pasensya na po kanina, 'nay..." iniba ko ang usapan nang makuha ang gustong sagot.

"Hindi ka dapat nakikipag-usap sa hindi mo kilala, ano man ang edad mo, Dainty Arabelle."Noon niya lang ako nilingon, nang sabihin iyon sa istriktong tono. Kung dati, pakiramdam ko ay nanunukso siya sa t'wing babanggitin ang parehong pangalan ko, ngayon ay iba. Halatang galit siya.

"Pasensya na po ulit, nanay." Nanatiling nakababa ang tingin ko.

"Delikado ang mga taong nakausap mo, ngayon lang. Bukod sa mahaba at napakarami ay hindi mo maiintindihan ang dahilan kahit ipaliwanag ko,"mahaba niyang sinabi.

"Sorry po, 'nay," walang paglagyan ang hiya ko. Wala man akong ginawang masama, hindi ko man lang naisip na posible kong ikapahamak ang pagiging pabaya ko.

Naupo ako nang ayos at napasulyap sa salamin sa unahan. Nahuli ko ang paningin ni Tiyo Dirk na deretsong nakapako kay nanay. Nang makita niya akong nakatingin ay awtomatiko niyang itunuon ang kaniyang paningin sa pagmamaneho. Ngunit binalikan niya ako ng tingin, marahil ay inaalam kung nakatingin pa ako, pero nagsalubong muli ang aming tingin. Sinulyapan niya nang mabilis si nanay at hindi na inalis pa ang paningin sa daan. Nilingon ko si nanay, mukhang sa unang pagkakataon ay hindi niya napakiramdaman ang nakatingin sa kaniya. Nasanay ako sa kaniya na para bang nahuhulaan niya sa t'wing may nakatingin sa kaniya kaya niya nahuhuli.

Hindi ko na tuloy naiwasang bantayan si Kuya Dirk. Hinihintay kong mahuli uli siyang palihim na tumitingin kay nanay. Tuloy ay hindi ko namalayang nakarating na kami sa penthouse ni Kuya Maxwell.

Nakaawang ang pinto at si Aling Wilma agad ang aming nasilip na nagva-vacuum.

"You know how much I loved Yaz, kuya," tinig iyon ni Maxrill. Napako sa kung saan ang paningin ko at nahinto sa paghakbang ang aking paa. "She was my first love..." walang kasinlungkot ang tinig niya.

Gano'n kabilis na gumuhit ang mga luha sa aking mata. Awtomatiko akong tumungo nang maramdaman ang paglingon ni nanay sa akin.

"And I respect that," boses iyon ni Kuya Maxwell, ganoon na lang din ang tindi ng lungkot na nagmumula sa kaniyang tinig. "Thank you for loving her but she's mine, dongsaeng. She will never be yours, I will not allow that and I'm sorry. It's not going to be easy but...I'm begging you to move on."

"Kuya..." gano'n na lang ang pagmamakaawa sa tinig ni Maxrill Won.

Kumuyom ang aking mga palad. "'Nay..." gano'n na lang kahirap sabihin ang napakaikling salitang iyon nang kasabay no'n ay bumara ang hindi ko matukoy na pakiramdam sa lalamunan ko.

"Dainty..." halos ibulong iyon ni nanay.

Gustuhin ko mang magsalita ay hindi ko na nagawa dahil natatakot akong baka mauna niya pang makita ang aking luha. Tinalikuran ko si nanay at saka ako nagmadaling bumalik sa elevator.

Nag-uunahang bumagsak ang aking mga luha na halos hindi ako magkandaugaga sa pagpupunas niyon. Nang makalapag ang elevator ay tinakbo ko pabalik ang sasakyan ni Tiyo Dirk. Pero gano'n na lang ang panlulumo ko nang naka-lock iyon.

Panay ang hikbi at pagpupunas ko ng luha habang naglalakad papunta sa gawi ng playground. Iyon lang ang parte sa harap ng ospital na wala masyadong tao. Naupo ako sa swing at doon pinunasan nang pinunasan ang mga luha ko.

Hindi ko maipaliwanag ang kirot sa dibdib ko, umaalon at nagdudulot nang mas matinding pagluha. Ang nakalilitong nararamdaman ni Maxrill Won para sa akin ay unti-unti lalong lumabo. Ang alinlangan ko ay mas nadagdagan pa. Pero ang pinakanakakaiyak sa lahat ay umaasa pa rin ako na sana ay totoo na lang ang nararamdaman niya.

Mahal kita, Maxrill Won...

To be continued. . .

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top

Tags: #maxinejiji