CHAPTER 23


CHAPTER 23

HINAWAKAN NI Maxrill Won ang pisngi ko na para bang sa ganoong paraan niya mapananatili sa ginagawa ang mga labi namin. Halo-halo ang nararamdaman ko na kahit anong tuon ko sa malambot niyang labi ay kung saan-saan napupunta ang isip ko. Sa unang pagkakataon ay natagalan ko ang higit pa sa presensya niya. Sa unang pagkakataon ay hindi ako inatake ng hika gayong kinukuha niya ang lahat ng hangin na meron ako. Sa unang pagkakataon ay hinayaan ko ang lalaking ito na gawin ang higit pa sa nagawa ng sinoman sa akin. Hindi lamang iyon sapagkat inangkin niya maging katinuan at kaluluwa ko nang paulit-ulit.

Nagkamali ako nang isiping tapos na ang sandaling iyon. Nang bitiwan niya ang labi ko upang titigan ako nang ganoon kalapit, bahagyang nakadagan habang nakatunghay sa akin. Noon ko lang naramdaman nang ganoon kainit ang mga pisngi ko, pakiramdam ko maging ang labi ko ay namumula na dahil sa tagal ng halik niya. Pero hindi ganoon ang nangyari. Paulit-ulit niyang hinaplos ng daliri ang aking labi habang titig na titig pa rin doon. Minsan niyang sinalubong nang matalim niyang tingin ang mga mata ko at muling inangkin ang aking labi.

Matagal. Sobrang tagal. Na para bang ganoon katagal niya nang ginustong gawin iyon kaya hindi niya kayang ihinto na lang basta ngayon. Sobrang tagal na halos mamanhid ang mga hita ko ngunit nakakaya ko ang bahagyang bigat niya. Sobrang tagal na hindi ko na mapangalanan pa ang ibang pakiramdam.

Nang bitiwan ni Maxrill ang labi ko ay marahan akong nagmulat at nagtamang muli ang mga mata namin. Ang inaasahan kong ilangan naming dalawa ay hindi nangyari. Sa halip ay kampante at humahanga naming tinitigan ang isa't isa. Siya ay tila nagagandahan sa akin habang ako naman ay gwapong-gwapo sa kaniya.

Kung kanina ay nakikita ko pa kahit papaano ang kalangitan, ngayon ay binalot na iyon ng kadiliman. 'Ayun at malinaw nang nakatunghay sa amin ang buwan.

"Be my baby, Dainty..." bulong niya.

Umawang ang labi ko sa narinig, hindi talaga makapaniwala. Ang kaninang makaubos-hininga kong kaba ay mas tumindi pa. Kung ang halik ay inalis ang katinuan ko, ano na lang ang natitira sa isip ko ngayong sinabi niya ito?

Sinasabi niya ba talaga 'yon? Si Maxrill pa ba itong kaharap ko? Sigurado ba siya sa kaniyang sinabi? Totoo bang nangyayari ang lahat nang ito?

Be my baby, Dainty... Kahit anong hina nang pagkakabulong niya ay umalingawngaw iyon nang malinaw at paulit-ulit sa aking pandinig. Maging ang gulat ko ay hindi maputol at sa halip ay mas tumitindi.

"M-Maxrill Won..." hindi pa rin ako makapaniwala.

Hindi na magkalapat ang mga labi namin ngunit ang pakiramdam na idinulot no'n kanina ay nahigitan nang dahil sa sinabi niya. At mas tumitindi pa ang alon sa dibdib ko habang nakalapat ang paningin namin sa isa't isa.

"I want you mine..." malambing, mahina pa ring sabi niya at saka muling dinampian ng halik ang labi ko. "I want you mine, Dainty," aniya na muli na namang sinakop ang labi ko, hindi na nakapaghintay ng sagot.

Ang dawat dampi at palitan ng aming mga labi ay tila may kani-kaniyang emosyon. Samu't saring pakiramdam na noon ko lang nadama kaya hindi ko kilala. Na bagaman sobra ang aking kaba ay gusto ko at hindi na hihilinging matapos pa.

Pakiramdam ko ay tinupad ng kalangitan ang hiling kong huwag nang matapos ang gabing iyon. Dahil humihinto si Maxrill hindi para itigil ang halik kundi upang ipahinga lang ang aming mga labi. Kung kanina ay matagal nang magkalapat ang mga labi namin, sa ikatlong pagkakataon ay mas tumagal pa iyon. Paulit-ulit lang naman ang ginagawa ng mga labi namin pero pakiramdam ko ay bago nang bago. Kayhirap ipaliwanag ng pakiramdam at nangyayari doon.

Kaya hindi na ako nagulat nang gano'n na lang kasakit ang likuran ko nang tuluyan niya akong itayo. Hindi ako makapagreklamo. Hindi ko maipakita sa kaniya na nanakit ang likuran ko. Masyadong malalim ang pagkakatitig niya sa akin. Ayoko 'yong sirain.

Nagkamali na naman ako nang isiping tapos na ang lahat. Itinayo lang pala ako ni Maxrill Won. Isinara niya ang pinto at isinandal ako doon. Akma niya uli akong hahalikan nang takpan ko ang bibig ko. Umangat nang sabay ang kilay at gilid ng kaniyang labi.

"I want more," masungit na namang aniya.

Pinalobo ko ang aking bibig. "Baka may makakita sa 'tin."

Kunot-noo, pabuntong-hininga niyang iginala ang paningin. "We're alone here."

Nilingon ko ang restaurant. "Baka makita tayo ng mga serbedora."

"What the fuck is that?"

Ngumuso ako. "Iyong napuwing nga ay alam mo pero serbedora, hindi," bulong ko. "Waitress iyon sa Ingles, Maxrill Won."

"When I told them to leave us alone, that means they can go home."

Hindi niya na hinayaang sumagot pa ako. Hinawakan niya ako sa panga at iniangat nang bahagya ang mukha ko upang muling sakupin ang aking labi. Napapikit ako nang maramdaman na sa iilang saglit na magkahiwalay ang labi namin ay para bang gano'n na siyang nanabik. Sa ganoong sitwasyon ay kinuha niya ang parehong kamay ko at inilagay ang mga 'yon sa kaniyang batok. Saka muling dumausdos ang mga palad niya mula sa mga kamay ko, papunta sa braso hanggang sa marating niya ang mga balikat ko. Paulit-ulit niya akong hinapit na para bang lumalayo naman ako. Na para bang ayaw niyang malalayo ang pagkakalapat ng mga labi namin.

Ipinuwesto niya nang paulit-ulit ang mga palad ko mula sa kaniyang buhok, pababa sa kaniyang batok at papunta sa kaniyang leeg. Nang matuto ang mga kamay ko ay saka naman gumapang pababa ang kamay niya, tinatalunton ang kurba ng magkabila kong tagiliran. Saka niya hinapit ang aking bewang papadiin sa kaniyang katawan.

Hindi ko sinasadyang kagatin ang labi niya nang maramdaman ko sa aking likuran ang kaniyang palad. Sabay kaming nagmulat at napatitig sa isa't isa. Binitiwan ko ang labi niya at hindi naiwasang ipakita ang aking takot at kaba.

"I'm not gonna do anything more than this..." bulong uli niya, hinaplos ang aking pisngi at labi. "I promise." Iyon lang at hinalikan niya na uli ko.

Hindi ko na talaga hihilinging matapos pa ang gabing iyon. Ayoko. Kung aabutin kami ng umaga roon ay gugustuhin ko. Nang walang ibang iniisip kundi siya.

Wala akong naorasan sa mga sandaling magkalapat ang mga labi namin. Kahit alam kong matagal ang mga 'yon ay tila bitin pa rin nang sandaling ilayo niya ang mukha sa akin. Pinagdikit niya ang mga noo namin, saka kami sabay na naghabol ng hininga.

"Dainty Arabelle..." bulong niya.

"Maxrill Won..." ganting bulong ko.

"This feels surreal..." dagdag niya, titig na titig na namin sa aking labi habang paulit-ulit iyong nilalaro ng daliri niya. "Felt like I kissed an angel."

Nagbaba ako ng tingin at kahit anong pagpipigil ay kumawala ang aking ngiti. Sa dami nang nagsabi no'n, siya lang ang gusto kong paniwalaan. Masarap sa pakiramdam na sa kaniya nagmula ang ganoong mga salita.

"Is he courting you?"

Umiling ko. "No." Alam kong si Rhumzell na naman ang tinutukoy niya.

Matunog siyang ngumiti. "Let's go home."Pinisil niya pa nang minsan ang pisngi ko saka tuluyang inilayo ang mukha niya sa akin.

Hinawakan niyang muli ang mga pisngi ko. Gustuhin ko mang hawakan din ang kaniyang pisngi ay pinangunahan na ako ng hiya. Ang kaninang lakas ng loob ko ay tuluyan nang nawala.

"You're so beautiful, Dainty," mahina niyang sinabi.

"Hindi, ah..." pagtanggi ko.

Sinilip niya ang mukha ko. "Believe me, you are beautiful."

Napanguso ako at nagbaba ng tingin sa mga paa ko. Nasundan niya rin ng tingin iyon bago muling sinalubong ang mga mata ko. Nanliit ang paningin niya, tila binabasa ang laman ng isip ko. Pag-iisip na hinahanap kung nasaan ang gandang sinasabi niya.

Malalim na buntong-hininga ang pinakawalan niya saka hinawakan ang aking panga. Pinagpantay niya ang paningin namin saka siya matamang yumuko sa akin.

"Your imperfections might be visible but I'd prefer it to be seen than hidden. Without imperfections, we're nothing, Dainty." Gano'n kaseryoso niyang sinabi sa iyon. "Look at me..."

Tinitigan ko si Maxrill Won. Bagaman nasa kaniyang mga mata ang paningin ko ay nakita ko ang kabuuan niya. Wala ni isang parte ng pagkatao niya ang kinakikitaan ko ng mali.

"I may look perfect on the outside but believe me..." mahina, malungkot niyang sinabi. "I'm destroyed inside."

Napatitig ako sa kaniya at bumaba ang tingin na iyon hanggang sa dibdib niya. Hindi ko maipaliwanag ang kirot na gumuhit sa kabuuan ng pagkatao ko sa dahilang nakapaloob ng mga salita niya.

Binalot ako ng lungkot nang maisip ko ang posibleng dahilan kung paano niyang nasabing imperfect siya. Hindi ko matanggap ang katotohanang sinasabi niya na pareho kaming may kakulangan gayong magkaiba ang sugat naming dalawa.

Nag-iwas ako ng tingin at tinalikuran na lang siya basta.

"Dainty..."

"Umuwi na tayo, Maxrill Won." Sinabi ko iyon nang hindi siya nililingon. Napabuntong-hininga ako dahil galit na ako pero gano'n pa rin ang boses ko.

Kaya hindi na ako nagtaka nang tingnan ko siya at hindi man lang nagbabago ang humahanga niyang paningin na nakapako sa akin.

Kinuha ko ang aking bag at nagmamadaling bumalik sa kasilyas upang magpalit ng damit.

Perpekto siya sa panlabas na anyo, kahit sino ay makikita at ganoon ang sasabihin. Si Ate Yaz ba ang dahilan para mawasak siya?

Hinawakan ko ang aking mga labi at malungkot na bumuntong-hininga. Napapikit ako nang maalala ang pakiramdam nang naroon ang labi niya.

Bakit niya ako hinalikan kung ganoon? Bakit ganoon ang mga sinabi niya? Bakit...

Hindi ko na kinaya pang dagdagan pa ang mga tanong ko. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangang ang masayang sandali ay mauwi sa ganoong pakiramdam. Mali bang hilingin ko na huwag nang matapos ang gabi dahil ganoon ang kapalit? Nagsisisi na ako.

Nang matapos magbihis ay sinalamin ko ang aking sarili upang ayusin sana aking bestida at buhok. Ngunit nang maalala ko na naman ang mga salita ni Maxrill Won ay unti-unti akong naging emosyonal.

Umiling ako nang umiling upang hindi na maisip pa iyon. Pinilit kong ngumiti hanggang sa makalabas pero gano'n na lang ang gulat ko nang naroon si Maxrill Won sa pinto at naghihintay.

"Dainty..." niyakap niya ako nang mahigpit, hindi ko na naman inaasahan.

"Bakit?" tanong ko at wala sa sariling niyakap din siya.

Pero sa halip na sumagot ay isinubsob niya ang mukha sa balikat ko. Nanatili kaming ganoon sa hindi ko mabilang na minuto. Tiningnan ko lang siya nang kumalas siya at titigan na naman ang aking mukha.

"Let's go home," pilit na ang kaniyang ngiti.

Bumuntong-hininga ako, nasa kaniya ang paningin saka ako ngumiti at tumango. Kinuha niya ang kamay ko at saka ako inalalayan pabalik sa sasakyan.

"Hindi ka nagdala ng pamalit mo?" tanong ko nang iupo niya ako. "Basa ang damit mo at matutuyo iyan sa katawan mo. Baka magkasakit ka, Maxrill Won."

Natigilan siya nang dere-deretso kong sabihin iyon. Sa halip na talikuran ako ay muli niya akong hinarap.

Nailang ako nang makita ang pagbabago sa mga kilos niya. Ang parehong hita ko ay ikinulong niya sa kaniyang mga brasong nakapatong sa kinauupuan ko. Saka niya ako nakangiting hinarap.

"It's okay, Dainty. I'm fine," naging malambing maging ang tinig niya.

Dinampian niya na naman ng halik ang labi ko dahilan para mag-init ang mga pisngi ko. Pinalobo ko ang aking bibig at nag-iwas ng tingin.

"You're so cute," matunog siyang ngumiti.

Hindi ko alam ang sasabihin. Hindi ko alam kung tama ba itong ginagawa namin. Wala kaming relasyon at ginawa na namin ang bagay na 'yon. Ni hindi ako sigurado sa nararamdaman niya. Hindi niya binigyang linaw iyon.

Nalilito ako dahil alam ko sa sarili kong ginusto ko ring humantong ang lahat sa gano'n. Nakokonsensya ako para sa aking sarili.

"Umuwi na tayo," anyaya ko.

"Where do you want to go tomorrow?"malambing niya pa ring tanong.

Umawang ang labi ko. "Aalis uli tayo bukas?"

Tumango siya at sandaling nag-isip. "How about..."

"Magpapaalam muna ako kay nanay,"pinangunahan ko siya nang hindi niya masundan ang sasabihin.

"What a baby..." Hindi ko inaasahang matatawa siya. "Seriously? We're not kids anymore, Dainty."

"Oo nga, pero..." napanguso ako. "Ito ang kauna-unahang beses na lumabas ako at inabot nang gabi. Tapos ang kasama ko ay lalaki."

"Hey," pinagkunutan niya ako. "I'm not just...a guy, okay? I am Maxrill Won del Valle!"

"Oo nga..."

"So that dude is not taking you out, too?"

Ngumuso ako. "Wala namang dahilan para lumabas kami ni Rhumzell."

Nagliwanag ang mukha niya. "So, what are your reasons to go out with me?"

Nanlaki ang mga mata ko at naitikom ang aking labi. "Ano..."

"Hmm?" handang-handa siyang makinig. Sa unang pagkakataon ay hindi niya ginaya ang aking tono at sinabi. "Well, of course, it's hard to resist a del Valle but...tell me, why?"

Humupa ang kaba ko, ang totoo ay napalitan ng panunuya iyon. Pakiramdam ko ay nakukuha ko na ang ugali ng bunsong Del Valle. May pagkamayabang si Maxrill, bilib at hangang-hanga sa sarili. Ilang beses ko nang nahahalata kasi na parati na ay ipinagmamalaki niya ang sarili. Ngayon ko lang napagtanto ang ugali niyang iyon.

Pero sa kabilang banda, naisip ko rin. Talaga namang mahirap siyang tanggihan. Kahit yata wala akong nararamdaman sa kaniya ay papayag akong maka-date siya.

"Hmm?" ungot niya nang hindi ako makasagot agad.

"Kasi ipinagpaalam mo 'ko kay nanay,"kaswal kong tugon.

Lumaylay ang mga balikat niya at tumitig sa akin. "Baby, I don't like your answer."

Natigilan ako. "Baby?"

Nanlaki ang mga mata niya. "I mean Dainty!"kunot-noong asik niya saka lumayo. "Damn it,"'ayun na ang napipikon na naman niyang tinig. "Fine! We'll go home now!" at tinopak na nga uli siya.

Nakanguso ko siyang sinundan ng tingin. Baby naman talaga ang narinig ko... Napako sa kung saan ang paningin ko at palihim din na napangiti. Gusto kong manghinayang sapagkat biglaan iyon. Hindi ko tuloy nawari kung malambing ba ang kaniyang tono o ano.

Padabog siyang sumakay sa sasakyan at isinara ang pinto niyon. "You hungry?" tanong niya.

Umiling ako. "Hindi pa naman. Ikaw ba?"

"Super."

Nanlaki ang mga mata ko. "Hala..."

Nakita ko siyang ngumiti bago muling lumingon sa 'kin. "Concerned, huh?"

"Baka kasi...nagugutom ka na."

Hindi ko inaasahang dudungawin niya ang pagitan namin at hahalikan ang aking noo. "You're so sweet. For sure, Heurt cooked dinner. I'll join you."

Napangiti ako. "Sige."

Nakatingin siya sa akin nang paandarin ang sasakyan. Hanggang sa pagmamaneho ay panay ang pagngiti niya at pagsulyap sa akin. Dahil naman sa pagkailang ay ipinatong ko ang magkabila kong braso sa nakabukas na bintana upang tanawin ang buwan.

'Ayun na naman ang paborito kong tanawin tuwing gabi. Ang napakagandang buwan na halos humalik sa dulo ng karagatan. Ang repleksyon niyon sa tubig ay nagbibigay ng panibagong ganda habang tanaw ko siya.

Posible pa lang mahalikan ang buwan. Nakagat ko ang aking labi dahil sa naisip at nang muling mabalikan ang pakiramdam. Nakapikit kong binalikan sa isip ang lahat ng nangyari kanina. Muli kong nakagat ang aking labi at nang magmulat ako ay tumama ang paningin ko sa buwan.

"Sa t'wing titingin ako sa buwan ay...ikaw ang naaalala ko, Maxrill Won," wala sa sariling nasabi ko, huli na upang bawiin ko.

"Hmm, because I'm a Moon?"

Nahihiya man ay napangiti ako at tumango, nang nakatalikod sa kaniya, ang paningin ay naroon pa rin sa kalangitan.

"Bukod do'n ay gano'n ka kahirap abutin. Napakalayo mo at ang tanging magagawa ng isang tulad ko ay malaya kang tanawin."

Bumuntong-hininga ako. Ang ngiti na kanina ay natural lang at may dulot na saya sa dibdib ay nabahiran ng lungkot at pait.

"Para kang buwan na bukod sa napakalayo ay napalilibutan ng milyon-milyon at kumikinang na mga bituin. Kayhirap na ngang abutin, imposible pa 'kong mapansin."

"What do you mean?" naiinis niyang tanong. "You are the only person who speak in Tagalog way too long and way too much, as if I'm a native speaker, Dainty. You know what? In my country, you are only allowed to speak inhangeul. And in my country, it's is Mun, not moon." Ganoon na karami ang kaniyang sinabi.

Natawa ako at kinailangang kagatin ang sariling labi upang hindi niya iyon marinig. Kung noong una ay naidadaan ko pa sa pagnguso ang mga ganoong sinasabi niya. Ngayon ay nakakaya ko na iyong pagtawanan. Marahil ay nasanay na ako.

"So what's tanawin?" dagdag niya.

Marahan ko siyang nilingon at pinakatitigan. Nakakunot ang kaniyang noo ngunit napangiti nang masalubong ang mga mata ko. Pero hindi niya maitutok sa akin iyon dahil kailangan niyang magmaneho.

"Just like the moon..." mahina kong sinabi. "You're unreachable and I'm..." nagbaba ako ng tingin sa mga paa ko. "Disabled." Muli ko na lang sinulyapan ang buwan, kung paano iyong daanan na lang ng mga ulap.

Hindi siya sumagot, napabuntong-hininga na lang ako. Bagaman naramdaman ko ang pagbagal ng sasakyan ay nanatili akong nakatunghay sa buwan. Nang tuluyang huminto sa pag-andar iyon ay saka ko siya nilingon. Ngunit napasandal lang uli ako sa pinto nang sunggaban niya ang aking mukha.

"I'll come to you, then," pabulong niyang sinabi.

Natitigilan kong tiningnan ang kaniyang mga mata. Saka ko dahan-dahang inangat ang aking kamay upang hawakan ang kaniyang pisngi.

"Parang panaginip lang ang lahat sa 'kin, Maxrill Won..." 'ayun na naman ang lakas ko ng loob.

Bumaba ang paningin ko sa kaniyang labi at muli akong tumitig doon. Napangiti ako nang maalala ang lahat ng gabi nang siya ang laman ng aking isip. Ang lahat ng sandali na paulit-ulit ko siyang naaalala kahit iba ang aking kasama. Lahat ng naramdaman ko sa nakaraan ay hindi makapaniwala kong binalikan.

"You're my moon..." halos pabulong kong sinabi, ang daliri ko ay hinaplos ang kaniyang labi.

"Be my sky, then..." pabulong din niyang tugon saka inilapit muli ang mukha sa akin.

Nang sandaling iyon ay hindi ko na hinintay pa ang labi niya at sa halip ay sinalubong namin ang isa't isa. Pero hindi pa man lumalalim ang pakiramdam niyon gaya kanina ay binitiwan niya na ang labi ko. Tuloy ay napahabol ako dahil hindi ko inaasahang doon na matatapos iyon.

Pero gano'n na lang uli ang gulat ko nang buhatin ako ni Maxrill Won, napatili ako, at ikandong sa kaniya!

"Maxrill Won..." hindi makapaniwalang sambit ko.

"Hmm?" tugon niya habang isa-isang tinitingnan ang bawat parte ng aking mukha.

Hinawi niya ang nagulo kong buhok at inilagay sa likod ng aking balikat. Muli niyang kinulong ang mukha ko sa kaniyang mga palad at bahagya pa iyong pinisil.

Umangat ang kamay ko, sa isip ay gusto ko ring hawakan ang pisngi niya. Pero pinangunahan ako ng hiya, hindi ko matagalan ang aming posisyon.

"Touch my face," pabulong niyang sinabi.

Napatitig ako sa kaniya bago marahang sumunod. Tiningnan ko ang aking hintuturo nang unti-unti ko iyong ilapit sa kaniyang pisngi. Napangiti ako dahil sa ganoon kasimpleng paraan ay naramdaman ko ang lambot ng kaniyang balat. Pakiramdam ko ay hindi mukha ng tao ang hinahawakan ko. Walang kagaspang-gaspang na gaya sa mukha ko.

Gumuhit ang daliri ko papunta sa kaniyang ilong. Wala sa sarili akong napangiti nang maalala kung ilang beses kong hinangaan ang nipis at tangos niyon. Saka ako dumako sa kaniyang mga mata. Hindi ako makapaniwalang nakikita ko nang ganoon kalapit ang makakapal niyang kilay at pilik-mata.

Umawang ang aking labi at wala sa sarili iyong nakagat nang maunang dumapo sa labi niya ang aking paningin. Padausdos kong tinalunton ang kaniyang pisngi upang mahaplos ang kaniyang labi.

"Now kiss me."

Natitigilan akong napalunok. "Ha?"

"Kiss me," napapaos niyang sinabi.

Napasinghap ako at magkakasunod na lumunok. Hindi ko nagawang kumilos at sa halip ay naestatwa ako sa pagkakatitig sa kaniya.

Umangat ang gilid ng kaniyang labi at bago pa man ako makapagsalita ay inilapit niya ang aking mukha sa kaniyang labi. 'Ayun na naman ang pakiramdam na para hindi ko naman nakalimutan pero panibagong karanasan. Hindi ko na talaga maipapaliwanag pa ang pakiramdam ng nahahalikan ng lalaking gustong-gusto mo.

Iyong pakiramdam na nakalapat ang labi namin sa isa't isa at nararamdaman ko ang higpit ng yakap niya. Pakiramdam ko ay handa na akong sumama sa kaniya. Hindi ko na gugustuhing mahiwalay pa.

Iyon na siguro ang pinakamatagal na halik. Dumoble ang paghahabol namin ng hininga kumpara kanina. Dumoble na rin ang aking hiya dahil sa posisyon ko sa ibabaw niya.

Kumilos ako at pareho kaming nagkagulatan sa naramdaman. Nahawakan niya ang magkabila kong bewang at bahagya akong iniangat.

"Ano..." natakpan ko ang aking mukha nang mapagtanto kung ano ang naramdaman ko!

Para akong manika na basta na lang niyang ibinalik sa kaninang kinauupuan ko, walang kahirap-hirap! Nakagat ko ang aking labi at hindi na muling sumulyap sa gawi ni Maxrill Won.

Naitikom ko ang aking bibig dahil sa kahihiyan, lalo na nang matunog siyang ngumisi dahil sa naging reaksyon ko. Bumalik siya sa pagmamaneho at mabilis na pinaandar ang sasakyan.

Natakpan ko ang aking bibig at doon pigil na pigil na nangiti. May mga sandaling palihim akong sumusulyap sa kaniya ngunit sa takot na mahuli ay itinuon ko na lang sa buwan ang aking paningin. Gaya ng pagtitig ko sa kaniya, hindi ko pagsasawaang tingnan iyon.

Hindi na talaga kami nagkibuan ni Maxril Won. Mula nang makarating kami sa hotel, nang alalayan niya akong makababa sa sasakyan, hanggang sa elevator. Tahimik kaming naroon sa tabi ng isa't isa na para bang walang nangyari.

"Mukhang nalibang kayo, ah?" Iyon ang bungad ni Aling Wilma nang makauwi kami. "Tuloy kayo! Tamang-tama, luto na ang hapunan. Si Hee Yong ay sinundo ni Maxwell Laurent at nagta-tantrums, ayaw raw umalis doon sa playground."

Tumuloy kami at doon nadatnan si Kuya Maxwell. Naroon siya sa single chair at hindi na halos makita dahil nakakandong si Hee Yong sa kaniya.

"Hee Yong," pagtawag ni Maxrill dahilan para bumaba ang kaniyang alaga at lumapit sa kaniya.

"Magandang gabi po, Kuya Maxwell,"pagbati ko.

"Good evening," parang kidlat din ang tinig ni kuya. Ngumisi siya at sinulyapan ang kapatid. "Hmm?"

"Tsh," nakangisi ring nag-iwas ng tingin si Maxrill Won dahilan para masalubong ang mga mata ko. Sabay kaming nag-iwas ng tingin dahil do'n.

Agad na hinanap ng paningin ko si nanay. "'Nay..." kabado kong pagtawag. "Pasensya na po kung ginabi kami."

Sinuyod niya ako ng tingin saka sinulyapan si Maxrill Won. Lalong pinatindi ng tingin niya ang kaba sa dibdib ko.

"Naku, okay lang 'yon," si Aling Wilma ang sumagot. "Akala ko nga ay bukas na ang uwi ninyo."

"Wilma?" istriktong pagtawag ni nanay.

"Oh, bakit parang galit ka? Ikaw ba ang ginabi?" sarkastikong tugon ni Aling Wilma kay nanay saka muling bumaling sa amin. "Naku, paniguradong gutom na itong alaga ko."

"I'll come back," ani Maxrill, ang paningin ay nasa akin. "I'm going to change my shirt."

"I'll join you," nakangising tumayo si Kuya Maxwell.

Pabuntong-hininga siyang hinintay ni Maxrill Won saka muling sumulyap sa akin. Sa unang pagkakataon ay siya ang naunang nag-iwas ng tingin. Tinapik siya ni Kuya Maxwell sa balikat saka tinabihan.

"So...how was it?" dinig kong bulong ni Kuya Maxwell.

"I knew you're going to tease me."

"Yeah. Fun, huh?" narinig ko pa rin sila.

"Hmm."

"Hmm." Nagngisihan ang dalawa.

Hindi ko maintindihan. Kung sa iba ko marahil narinig iyon ay nagalit na ako. Hindi ko tuloy alam kung ano ang meron sa dalawang ito para sa halip na mainis ay tila nahiya pa ako.

Pagbaling ko ay nakatingin na sa akin si nanay. "Magpalit ka na muna ng damit mo, Dainty."

Napatitig ako kay nanay at saka tumango. "Opo, 'nay." Kabado akong sumunod, hindi na nagawang salubungin pa ulit ang kaniyang paningin.

Sa lakas ng pakiramdam ni nanay ay hindi na ako magugulat kung nahulaan niya ang ginawa namin ni Maxrill Won. Pero sa takot ko ay hiniling kong sana ay hindi niya naiisip iyon.

To be continued. . .

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top

Tags: #maxinejiji