CHAPTER 20

CHAPTER 20

PANAY ANG pag-ikot ko sa kama nang gabing iyon. Hindi ako makatulog sa sobrang pag-iisip kung paanong date ang mangyayari sa 'min ni Maxrill bukas. Hindi ko alam kung anong isusuot ko. Nahihiya akong sumama sa kaniya nang hindi kaaya-aya ang aking itsura.

"Ano ba't kanina pa panay ang ikot mo riyan, Dainty Arabelle?" sa tinig ni nanay ay galit siya, pero sa pagkakatawag niya sa 'kin ay para niya akong tinutukso.

Napanguso ako. "Nanay naman, eh..."

Bumuntong-hininga si nanay at bumangon. "Dainty, hindi ka na bata, naiintindihan mo ba 'ko?"

"Opo. Dalagang-dalaga ka na. Kaya huwag kang umasta na para bang nasa elementarya ka pa."

Hindi ko malaman kung malulungkot ako o ano. "Bakit po kaya nagalit si Maxrill kanina, 'nay?"

"Paano'y date na sa kaniya iyon. Hindi ka pa sumakay, alam mo namang saltikin ang isang 'yon. Sa kanilang magkakapatid ay iyon ang pinaka-spoiled. Nagwawala 'yon kapag hindi nakukuha ang gusto."

Bigla ay napangiti ako. "Kwentuhan ninyo po ako tungkol kay Maxrill, 'nay."

Namapaang ang nanay. "Ano ka ba? Gabing-gabi na."

Ngumuso ako. "Sige na po, nanay."

"Dainty, dalaga ka na, umayos ka nga. Sa t'wing gaganyan ka ay para kang nuebe anyos," ngiwi niya. Napanguso lalo ako. "'Sabagay, iyan yata ang nagustuhan ni Maxrill sa 'yo."

"Hindi naman po ako gusto ni Maxrill."

"Paano mo naman nasiguro?"

Bumuntong-hininga ako. "Napakasungit niya sa akin at mas madalas akong inaalaska." Totoo iyon. "May mga oras na hindi ko inaasahan ang mga sinasabi niya pero..." binitin ko ang sinasabi.

Inalala ko ang mga sandaling nakaramdam ako ng kilig dahil sa mga sinabi at kilos ni Maxrill. Kung ako ang tatanungin ay gustong-gusto kong isipin na sinsero siya sa mga iyon. Pero sa t'wing maaalala kong si Ate Yaz ang mahal niya, sa t'wing napatutunayan ko iyon sa mga kilos at lungkot sa kaniyang mga mata, nagbabago ang isip ko.

"Pero?" pinutol ni nanay ang pag-iisip ko.

Bumuntong-hininga ako. "Hindi po ako gusto ni Maxrill," nagbaba ako ng tingin sa mga kamay ko. "Alam kong si Ate Yaz po ang gusto niya. Nalilibang lang marahil siyang kasama ako."

Tumawa si nanay. "Hindi sa babae nalilibang ang mga del Valle." Siguro siya ng sabihin 'yon. "Sa mga armas at libro, pwede pa."

"Armas po?"

Nakangiwing tumango si nanay. "Mahuhusay sila sa iba't ibang armas."

"Bakit po sila gumagamit no'n?"

"Libangan, Dainty. Libangan."

Umawang ang labi ko. "Grabe naman po silang maglibang, 'nay?"

"Ganoon ang mga Moon, anak."

"Lahat po sa pamilya nila?"

"Hindi man magsisinghusay ay...oo, marunong silang lahat gumamit ng armas."

"Hindi po ba't delikado iyon?"

Umiling si nanay. "Ang mga Moon ang delikado."

Umawang ang labi ko. "Ano po?" nabibigla kong tugon.

Humalakhak si nanay. "Sa sobrang yabang nila ay hindi sila maaaring mahigitan ng kahit ano. Kaya imbes na iyong armas ang sabihan mo nang delikado, iyong mga Moon dapat ang katakutan mo."

Ang wirdo...

Namangha ako. Panibagong kaalaman iyon. Hindi ko maipaliwanag ang pakiramdam. Dati ay nababagot ako sa t'wing si Maxrill ang bukambibig ni Bree. Heto at kinukulit ko si nanay ngayon. Nasasabik ako sa mga ikukwento niya at malalaman ko pa.

Ngumuso ako. "Eh, di hindi po siya nalilibang sa akin? Kasi hindi po ako armas o libro."

Bumuntong-hininga si nanay. "Ang sinasabi ko sa 'yo, hindi ang isang tulad mo ang pagkakalibangan lang ni Maxrill Won. Totoong gusto niyang makasama ka. Mag-aamok ba naman iyon nang ganoon kanina kung hindi? Tss."

"Naguguluhan naman po ako sa inyo, nanay."Nakamot ko ang aking ulo.

"Ibig ko bang sabihin, nalilibang siya sa 'yo. Masaya siyang kasama ka," sigurado na namang sinabi ni nanay 'yon. "Kasi hindi ugali ng isang del Valle na sumama basta sa isang babae. Oo at mababait sila. May kayabangan man pero palakaibigan din naman. Ilag sila sa tao. Mapili sila sa sinasamahan."

Ngumiwi siya. "Well, sa tatlong magkakapatid na 'yon ay si Maxrill na ang palakaibigan. Iyon nga lang, bukod kay Rhumzell ay kaibigan na ng kuya at ate niya ang kaniyang nakakasama. Kaya hindi ko rin masabi."

"Wala rin naman po akong kaibigan sa paaralan." Nakangiti akong bumuntong-hininga."Spoiled po siya sa kaniyang mga magulang?"

Natawa si nanay. "Sobra. Lalo na sa mommy niya. Hindi nga yata naranasang madapa ng isang 'yon."

"Talaga po?"

"Ingat na ingat si Maze sa kaniyang bunso. Kung hindi nga lang dahil kay Mokz ay baka sa bahay na rin nag-aral 'yon. Ayaw ni Maze na nawawala sa paningin niya si Maxrill."

"'Buti po ay hindi gano'n ang nangyari? Nakapag-aral pa nga sa ibang bansa si Maxrill."

"Dahil kay Mokz. Ipinaliwanag niya marahil kay Maze ang kahalagahan ng kalayaan ni Maxrill. Lalaki ang bunso niya at wala sa dugo ng mga del Valle ang magpatali. May kani-kaniya silang ugali pero pare-pareho silang ginagawa ang lahat para maabot ang pangarap."

"Kahanga-hanga po sila, 'no, 'nay?"

"Mm," nakangiti siyang tumango.

"Alam niyo po ba ang paboritong pagkain ni Maxrill, 'nay?"

Napalakas ang tawa ni nanay. "Iyan ang hindi ko masasagot. Matakaw ang isang 'yon. Sabi ni Mokz, bata pa lang ay nakakaubos ng walong bote ng gatas iyon. Takot nga nila no'n ay baka maempatso pero walang epekto. Iba ang tiyan ng isang 'yon."

Natawa ako nang maalala kung paano iyong nasaksihan. Talagang malakas kumain si Maxrill. Hindi man sunod-sunod kung sumubo, hindi man punong-puno ang bibig, nakakagulat iyong dumaraan ang mahabang sandali nang hindi siya natatapos kumain.

"Sobrang spoiled ng isang iyon, hindi kumikilos sa bahay. Nauutusan lang iyon ng mga kapatid niya kapag may suhol na pagkain," dagdag ni nanay.

Lalo akong natawa. "Talaga po?"

"Oo," nangiti rin si nanay. "Pero mapagbigay naman ang isang iyon sa mga pagkain niya. Kung maaari nga lang na ialok niya ang pagkain sa lahat ng makasalubong o makasalamuha ay gagawin niya. Tapos ay uungot sa kaniyang ina kapag naubusan siya."

Natawa lalo ako. "Napaka-cute po ni Maxrill."

"Noong bata pa lamang siya nangyari iyon."

"Grabe po, ang lakas nga talagang kumain ni Maxrill pero ang katawan niya ay ganoon pa rin."

"Panay rin kasi ang trabaho no'n," umakto si nanay na mahihiga na.

"Matutulog na po kayo, 'nay?"

"Oo, baka maagang dumating si Maxrill, magandang dumating siyang may agahan."

Nanlaki ang mga mata ko. "Wala naman po siyang sinabing dito siya mag-aagahan."

"Kaya nga baka, Dainty. Matulog ka na."

Ngumuso ako at sumunod. Sumubok akong pumikit pero napamulat lang muli ako at tumitig sa kawalan. Napabuntong-hininga ako at tiningnan kung tulog na si nanay.

"Natutulog ka na po, 'nay?"

"Dainty naman..."

"Pasensya na po. May itatanong lang sana ako, nanay."

"Ano na naman 'yon?"

"Alam niyo po ba kung paanong nagustuhan ni Maxrill si Ate Yaz?"

Bumuntong-hininga si nanay. "Maganda si Yaz,"tumango-tango siya. "Kahit sino yata ay magkakagusto sa kaniya."

Nakagat ko ang aking labi. Totoo. Dapat ay naisip ko nang iyon marahil ang nangungunang dahilan.

"Pero kasi...tumira si Yaz sa mansyon ng mga Moon. Bago pa man mangyari iyon ay madalas na rin ang punta niya roon. Ang totoo ay siya ang madalas na kasama ni Maxrill habang lumalaki ito. 'Ayun, nahulog siguro."

Gusto kong magsisi na itinanong ko pa 'yon nang maramdaman kong tila kinurot ang aking puso. Malalim akong bumuntong-hininga at tumitig kay nanay.

"Kahit malaki ang agwat ng mga edad nila, hindi naman malabong magkaganoon, lalo na't inalagaan din ni Yaz si Maxrill noon. Ang totoo ay ganoon si Yaz sa lahat, masyado siyang maalaga. Masarap magluto at malambing. Maingay lang talaga."

"Talaga po?" 'Ayun na naman ako sa pagkokompara sa sarili ko kay Ate Yaz. Nalulungkot ako sa nakikita kong agwat at pinagkaiba namin.

"Iyon nga lang, hindi sina Maxpein at Maxwell iyong tipong magpapaalaga sa maingay na tulad ni Yaz. Hindi nila natatagalan 'yon. Si Maxrill lang ang nakatatagal sa ingay kahit papaano."

"Siguro po ay pinagluluto ni Ate Yaz si Maxrill Won?"

"Madalas." Natawa si nanay. "Kung hindi ako nagkakamali ay si Yaz ang madalas niyang pinagluluto ng sarili niyang pagkain. Halos hindi na nga nila kailanganin ang taga-silbi. Parati na ay si Yaz ang iniuungot niya."

"Siguro po ay dahil si Ate Yaz ang parating naroon sa kanila?"

"Pihadong ganoon nga," bumuntong-hininga si nanay. "Madalas kasi ay abala ang mga magulang ni Maxrill, maging ang kaniyang kuya at ate. Si Yaz ang nakasama niya rito sa Pilipinas habang lumalaki."

Sandali akong natigilan. Dito sa Pilipinas... Hindi ko naiwasang mapaisip. "Taga-ibang bansa po ba si Maxrill, 'nay?"

Bumuntong-hininga siya saka tumango-tango. "Oo."

"Hindi po siya taga-rito sa Pilipinas?"

Nakangiting umiling si nanay. "Hindi. Matulog ka na."

Nangunot ang aking noo. "Taga-saan po siya?"

Bumuntong-hininga uli si nanay. "Matulog ka na, Dainty. Hindi maganda sa 'yo ang nagpupuyat at halatang-halata iyang itim sa ilim ng mata mo."

Ngumuso ako. Tama si nanay. Sa t'wing magpupuyat ako ay pangingitim ng mga mata agad ang nahahalata sa mukha ko. Sa sobrang puti ng aking mukha ay nagmumukha na akong maputla. Kaya kapag hindi ako nakakatulog nang tama, napakapangit ko.

"Sige po, 'nay, good night po."

"Matulog ka na at may lakad pa kayo ng Maxrill mo."

Napanguso na naman ako. "Nanay naman, e..."

"Binibiro lamang kita. Sige na, matulog ka na."

Hindi na ako sumagot, hinayaan kong mauna na si nanay na makatulog. Ayaw kong pati siya ay mapuyat dahil sa mga tanong ko. Hindi ako nakatulog agad. Binalikan ko pa sa isip ang mga napag-usapan namin ni nanay hanggang sa makatulugan ko.

Gano'n na lang ang paghahalo ng kaba at excitement ko nang magising kinabukasan. Naligo agad ako at sa sobrang pagkatuliro ay hindi ko naisip ang isusuot ko.

Kagat ang aking daliri, sinuyod ko ng tingin ang mga damit na inilatag ko sa kama upang mapagpilian. Gano'n na lang kalalim ang buntong-hininga ko nang maisip na halos lahat 'yon ay nakita na ni Maxrill. Maliban doon sa isa na isinuot ko noong hindi kami nagkita ngunit hindi pa iyon natutuyo mula nang labhan ko.

"'Nay..." lumabas ako nang nakatapis ng twalya.

"Oh? Bakit hindi ka pa nagbihis? Kakain na."

"Wala po akong maisuot."

Nagugulat akong tiningnan ni nanay. "Nilabhan mo ba ang lahat ng damit mo?"

"E, 'nay..." napakamot ako sa ulo kong nakabalunbon naman ng twalya. "Naisuot ko na po ang lahat nang 'yon."

Bumuntong-hininga si nanay at nakangiwi akong inilingan. "Halika rito't maraming bagong damit dito."

Nanguna siya papunta sa kabilang kwarto na hindi ko pa pinapasok mula nang tumuloy kami rito. Gano'n na lang ang pagkamangha ko nang hindi man kalakihan iyon gaya ng gamit naming kwarto ngayon, napakarami namang damit sa cabinet niyon.

"Kanino po ang mga ito?" nagugulat kong tanong nang mamili si nanay sa mga damit.

Dumampot si nanay ng bestida at binulatlat sa harap ko. "Ganito sila, may mga damit na para sa bisita." Inilapit niya ang bestida sa akin upang sipatin.

"Baka po magalit sila kung gagamitin ko?"

"Hindi. Para naman talaga sa bisita nila ang mga ito. Kapag ginamit mo ay hindi mo na maaaring isauli," natawa siya. "Hindi ganoon sa kanilang kultura."

Nagbaba ako ng tingin sa pink na bestida. Nasisiguro kong kasya sa akin iyon bagaman hahapit iyon nang todo sa aking dibdib at tiyan. Pero nang makitang hindi man lang iyon lalampas sa mga tuhod ko ay agad akong lumayo.

"Nanay, hindi po ganyan ang gusto ko."

"Bagay sa 'yo 'to."

"Makikita po ang binti ko."

"Oh, e, ano?"

"Nanay," ngumuso ako.

Bumuntong-hininga si nanay. "Wala masyadong mahahabang damit dito at isla ito, Dainty Arabelle. Nasisiguro kong pulos maiigsi ang narito," aniyang nagtingin pa ng iba.

Pero sa dami ng tiningnan namin ay tama siya, walang mahahaba sa mga iyon na gaya sa mga isinusuot ko.

"Isusuot ko na lang po 'yong damit kong asul,"nakanguso kong sinabi.

"Ito na lang ang isuot mo." Inabot niya uli iyong pink.

Awtomatiko akong umiling. "Napakaiksi po niyan at..." napalunok ako sa bandang dibdib ng bestida. "Malalim ang sa dibdib."

Bumuntong-hininga si nanay. "Bahala ka, ikaw rin. Ito ang unang official date ninyo ni Maxrill dahil hindi mo kinonsiderang date iyong lakad ninyo kagabi," may diin sa mga salita niya.

Napanguso ako. "Hindi naman po talaga date iyon. Ni hindi nga niya ako naipagpaalam nang tama sa inyo."

Napasimangot ako nang maalala kung paano niya akong ipinagpaalam kay nanay. Wala iyong kalaman-laman. Basta na lang sinabi na kasama niya ang hindi man lang binanggit kung sino. Kung si tatay marahil ay ginano'n niya ay baka namura siya nito.

"Sige na, ito na ang isuot mo. Babagay ito sa sandalyas mo," ngiti ni nanay.

Agad akong nanlumo at in-imagine ang sariling suot 'yon. "Nanay..." naitulak ko nang bahagya ang kamay niyang nakalahad sa 'kin. "Hindi ko po kaya. Makikita ni Maxrill ang paa ko."

"Mukha bang hindi pa niya nakita?" natawa si nanay. "Maraming napapansin ang mga 'yon, hindi lang nagsasalita."

Napanguso ako. "Makikita po ng iba."

"Hindi ka naman dadalhin no'n sa lugar na may ibang tao bukod sa inyong dalawa."

Nanlaki ang mga mata ko. "E, saan po?"

Natawa si nanay. "Doon sa lugar na alam niyang magiging komportable ka." Bumuntong-hininga si nanay at hinaplos ang buhok ko. "'Wag kang mag-alala, kahit hindi mo sabihin ay alam no'n kapag nag-aalangan ka."

Napatitig ako kay nanay, inaalam kung kinukuha niya lang ang aking tiwala o totoo ang kaniyang sinasabi. Nagbaba ako ng tingin sa mga kamay ko at pinakiramdaman ang sarili. Pero talagang hindi ko kayang magsuot nang gano'n.

"'Eto ang swim suit mo," bigla ay inabot niya ang puti at one-piece swim suit.

Nanlaki ang mga mata ko. Iyong bestida nga ay nag-aalangan pa ako. Tapos ay... "Nanay,"magkakasunod agad ang pagtanggi ko.

"Ano ka ba naman, Dainty?" pakiramdam ko ay naiinis na sa 'kin si nanay. "Hindi mo mao-overcome 'yang takot mo kung hindi mo susubukang harapin. Sige na," kunot-noo niya 'yong sinabi.

"Galit na po ba kayo sa 'kin, 'nay?"

"Ano? Hindi," natawa siya. "Kailan ba ako nagalit sa 'yo? Ni hindi mo pa nga ako nakitang magalit." Ngumiti siya nang hindi na makita ang mga mata.

Ngumiti rin ako. "Pero hindi ko pa rin po kayang isuot 'to," itinulak ko muli ang kamay ni nanay.

"Siya sige, dalhin mo na lang. Para may maisuot ka kung sakaling lumangoy kayo."

"Pero ayaw ko rin pong isuot ito, 'nay..." ibinalik ko ang bestida.

"Iyan na ang isuot mo," aniyang ipinilit na ilagay iyon sa kamay ko.

Hinawakan ni nanay ang magkabilang balikat ko at saka ako marahang itinulak papalabas ng kwarto. Pero gano'n na lang ang gulat naming pareho nang bumukas ang main door at tumuloy si Maxrill. Kasunod niya ay si Aling Wilma.

"Hala ka!" gilalas ko. Sabay na nanlaki ang mga mata namin sa isa't isa at sabay na napatalikod!

"Why aren't you dress yet!" asik din ni Maxrill Won.

Nalukot ang mukha ko at sa halip na sumagot ay basta na lang ako nagtatakbo. Gano'n na lang ang pangingilid ng luha ko nang masalamin ang sarili. Gano'n na lang kaiksi ang twalya ko at bagaman may nakabalumbon sa aking ulo ay tumutulo iyon dahil sa basa at makapal kong buhok.

"Bakit kasi hindi ka kumatok, Del Valle!" asik ni Aling Wilma.

"It's her fault! She's not supposed to go out like that," dinig ko ring ani Maxrill Won, napanguso ako.

"Kwarto nila ito, dito sila tumutuloy. Ikaw 'tong basta na lang pumapasok nang hindi kumakatok!"dinig ko ring asik ni Aling Wilma, mas galit pa nga. "Akin na 'yang card mo, ako na magdadala sa susunod!"

"I am the owner of this hotel, Wilma."

"Owner din si Maxwell!"

"Maxwell is my freaking brother!"

"Mali pa ring pumasok ka nang hindi kumakatok sa kwarto nang may kwarto!"

"Don't yell at me, dude, you're not the boss here!"

"Hindi rin naman ikaw ang boss ko! Si Maxwell!" talagang ayaw patalo ni Aling Wilma.

"Bilib din naman ako't nagkakasama kayong dalawa kung ganyang para kayong aso't pusa," ani nanay, tumatawa.

"No way, Heurt. Wilma's a freaking tiger and not a cat," talagang gano'n ang ugali ni Maxrill Won. "What now, Wednesday! I'm hungry!" dinig ko ang boses niyang dumaragundong sa pintong kinasasandalan ko.

Napanguso ako saka nagbaba ng tingin sa bestidang noon ay nagusot ko na sa sobrang higpit ng aking pagkakahawak. Hala! Dali-dali kong binulatlat iyon upang huwag lalong magusot.

Pinakatitigan ko iyong maigi at in-imagine ang sariling suot 'yon. Nang magtagumpay ay umiling ako upang mabura ang imahinasyon. Doon pa lang kasi ay ang paa ko na ang napapansin ko.

"Wear something nice, Cinderella, please."

Gano'n na lang ang panlalaki ng mga mata ko nang marinig ang boses niyang malapit sa pinto.

Napalingon ako doon. "Bakit?" halos mautal ako.

"Because we're going out on a date," sagot niya. "For the first freaking time, tsh," nauumay niyang idinugtong.

Napanguso ako. "Hindi pa ako nakakapili ng isusuot ko, Maxrill Won."

"Wear that pink."

Nanlaki ang mga mata ko. "Nakita mo 'yon?"

"I saw everything, Wednesday."

Nalukot ang mukha ko. "Hala..."

"Hala," naaasar niya akong ginaya. "I'm hungry."

"Magbibihis na."

"Fine." Narinig ko na ang mga yabag niya papalayo.

Napabuntong-hininga ako saka muling tinitigan ang bestida. Humugot ako ng hininga at saka sinalamin ang sarili. Damit lang naman iyon pero kinakabahan akong isuot. Matagal naman nang may deperensya ang paa ko pero nahihiya pa rin akong ipakita iyon hanggang ngayon. Nakasama ko naman na si Maxrill nang ilang beses pero parang ito pa lang ang una. Gano'n katindi ang kaba at alinlangan ko at nasisiguro akong walang makaiintindi sa mga iyon kundi ako.

Kumuyom ang mga palad ko. Pero tama si nanay...Nagbaba ako ng tingin sa bestida at puting swim suit na isinuhestiyon niya. Hindi mawawala ang ganitong pakiramdam ko kung hindi ko susubukan.

Gano'n na lang ang kaba ko habang tinitingnan ang aking sarili sa salamin matapos isuot ang bestida. Hindi ko na sinubukan pa ang swim suit, nasisiguro ko namang kasya sa akin iyon bagaman hahapin nang todo. Hindi ko rin naman sigurado kung magagamit iyon. Maliban na lang kung talagang lumangoy kami ni Maxrill.

Tama si nanay, bumagay iyon sa kulay ng balat ko, lalo akong nagmukhang maputi. Marahan kong inalis ang twalya sa aking buhok at nang lumadlad ang basa at magulo kong buhok, ako mismo ay humanga. Kapag ganoong hindi ko nakikita ang paa ko, mas nakikita ko ang simpleng ganda na nakikita sa akin ng ibang tao. Tanging sa aking sarili ko lamang naaamin iyon.

"Maxrill's waiting, Dainty Arabelle," tinig iyon ni Maxrill Won.

Napalingon ako sa pinto. "N-Nandiyan na..."alinlangan kong sinabi saka muling tinitigan ang sarili sa salamin.

Dali-dali kong tinuyo ang aking buhok at hinayaan lang ang natural niyong alon nang hindi sinusuklay. Naglagay ako ng kaunting pulbos at saka muling sinalamin ang aking sarili.

Kumuyom nang todo ang mga palad ko nang magbaba ng paningin sa binti ko. Napailing ako at saka inalis ang paningin doon. Kung titingnan ko iyon ay nasisiguro kong magbabago ang isip ko at magpapalit ng suot.

Tinalikuran ko ang salamin at saka humugot ng hininga bago tuluyang lumabas.

"Yes, of course," tinig ni Maxrill ang agad na bumungad sa 'kin.

Sina Aling Wilma at nanay ang kaniyang kausap, pare-pareho na silang nakaupo sa mesa. Halatang hinihintay nila akong lumabas bago magsimulang kumain.

"But before that..." natigilan si Maxrill sa pagsasalita nang malingunan ako at maibalik ang tingin sa akin.

Sa ilang dipang layo namin ay nakita ko siyang matigilan at mapalunok. Inilagay ko sa likuran ang pareho kong kamay at doon tinusok-tusok ang sarili upang matagalan nang husto ang pagkailang.

Nakita ko ang gulat sa mga mata ni Maxrill, lalo na nang sa isang iglap ay suyurin niya ako ng tingin. Napapalunok siyang nag-iwas ng tingin at muling itinuon ang pansin sa mga kaharap.

"So, as I was saying..." nagpatuloy siya ngunit ang mga mata niya ay paulit-ulit nang dumarapo sa akin. Napapikit siya at inis na umiling. "What-freaking-ever! You are not listening anyway, Wilma!"

Nabubwisit na nilingon nina Aling Wilma at nanay si Maxrill. "Nakikinig kami! Ikaw itong nalito bigla sa sinasabi mo! 'Wag mo 'kong ma-freaking-freaking, Maxrill, isusumbong na kita sa ate mo, sige," ani Aling Wilma.

"What do you mean nalito?" asik ni Maxrill.

"Confused!"

"Because I'm hungry."

"'Asus, maya't maya kang hungry, hindi ka nalilito. Isa kang del Valle, Maxrill Won! At hindi kayo nalilito, maliban na lang kung may maganda sa harap ninyo."

"You are so talkative. It seems like you forced my brother to hire you."

"Excuse me?" Tumayo si Aling Wilma upang pamewangan nang harap-harapan si Maxrill Won. "Mommy ang nag-reach out sa akin. Kung hindi lang talaga gwapo ang kuya mo, hindi ko tatanggapin ang offer ng mommy. Well, bukod sa triple ng sahod ko ang in-offer niya."

"Whatever, Wilma. You talk too much." Kunot-noong ibinaling ni Maxrill ang tingin sa 'kin. Naglikot ang mga mata niya bago muling naituon 'yon sa 'kin. "What? Are you going to stare at me forever?"

"Ano..." napakilos ako.

"Ano," dinig kong bulong niya, ginagaya na namana ng aking tono. "Come sit beside me."

"Ha?" awtomatikong tumanggi ang kalooban ko. Kung mauupo ako sa tabi niya ay makikita niya ang tuhod ko.

"Ha?" inis niya na naman akong ginaya.

Ngunit bago pa ako makasagot ay tumayo na siya at hinila ang katabing silya para sa akin. Napigil ko ang hininga at naiilang na sinulyapan si nanay. Nakita ko siyang nakangisi ngunit sapilitan iyong pinawi at nagpanggap siyang abala. Si Aling Wilma naman ay ngingisi-ngising isinenyas sa aking maupo.

"I'm waiting, Dainty Arabelle," nanunuyang ani Maxrill Won.

"Salamat," pakiramdam ko ay pigil ko pa rin ang hininga hanggang sa makaupo. Wala pa nga ang date, Dainty.

Parang gusto kong tumayo ulit at bumalik sa kwarto upang magpalit. Nag-iba kasi ang paligid mula nang lumabas ako at maupo sa tabi ni Maxrill Won.

"What do you want to eat?" hindi ko inaasahang tanong niya.

Napalingon ako kay Maxrill Won at gano'n na lang ang pagkakatitig niya sa 'kin. Sa unang pagkakataon ay siya ang naunang nag-iwas ng tingin.

Hindi ko inaasahang dadamputin niya plato ng kanin at lalagyan ako sa plato. Nanlaki pa ang mga mata ko dahil ang dami niyon ay higit sa nakakain ko. Pero hindi ko magawang magreklamo. May kung ano sa dibdib kong tila kinikiliti, umaabot sa aking tiyan. Dinampot niya rin ang plato ng sausage, bacon at saka ako nilagyan, maging ng itlog at hotdog.

Mas hindi ko inaasahang tatayo siya upang ipagsalin ako ng tubig na naroon sa kitchen island. Gano'n na lang tuloy ang nanunuksong tingin nina nanay at Aling Wilma sa akin. Nawala na lang 'yon nang bumalik si Maxrill Won.

"Parang mas magandang mag-agahan sa terasa, Heurt, ano sa tingin mo?" nakakaloko ang ngiti ni Aling Wilma, itinago nang mag-angat ng tingin si Maxrill Won sa kaniya.

Ngumiwi si nanay. "Ikaw ang may ideya, bakit hindi ka mag-isa?" kaswal niyang tugon.

Sumama ang mukha ni Aling Wilma. "Halika, doon tayo sa terasa." Wala nang nagawa si nanay nang sapilitan siyang itayo nito.

"'Nay..." bulong ko, hinabol ang kamay niya.

Pinandilatan ako ni nanay, isinenyas si Maxrill na noon ay ipinatong ang siko sa mesa upang deretso akong titigan. Wala na akong nagawa nang bawiin ni nanay ang sariling kamay at iwan kami.

Gano'n na lang tuloy lalo ang kaba ko nang maiwan kami ni Maxrill Won. Hindi ko alam kung paanong lalabanan ang titig niya. Nakakagat ko ang aking labi at panay ang pag-iiwas ng tingin.

"Yeppeuda..," bulong niya.

"Ha?" napuno ako ng pagtataka.

Ngumisi siya, iyong labas na naman ang kaniyang biloy at pangil. "I said, eat."

"Ano..." dinampot ko ang kutsara. "Ang dami nito, Maxrill Won."

"Just eat."

"Hindi ko kayang ubusin."

"I'll finish it for you, then. Now, eat."

Napalobo ko ang aking bibig, hindi ko mapangalanan ang gulat ko. Kung hindi ko mauubos ay siya ang uubos ng pagkain para sa akin. Hindi ko maisip kung paano niya 'yong gagawin.

Talagang nanginig ang kamay ko, hindi ko mahawakan nang tama ang baso nang damputin ko iyon.

"You want coffee?" tanong niya pa.

"Hindi, ayos lang ako."

"I want coffee."

Napatitig ako sa kaniya, nakatitig na agad siya sa 'kin. "Sige, ipagtitimpla kita."

Gano'n na lang ang kaniyang ngiti. "Thank you."

Nauna siyang tumayo upang alalayan muli ang aking silya. Nakagat ko ang aking labi sapagkat kaya ko namang gawin iyon nang mag-isa. Lumapit ako sa estante ng mga kape at nang lingunin ko siya ay 'ayun pa rin ang tingin niya sa akin. Wala akong nagawa kundi bawiin ang sariling tingin at ituon iyon sa ginagawa.

Palihim akong bumuntong-hininga at napuno ng pagtataka. Ano kaya ang meron sa suot ko at nagkaganito siyang bigla?

Napasulyap ako sa itim na ref, mas mataas pa sa akin. Nasalamin ko nang bahagya ang sarili doon at saka ko pinagmasdan ang suot ko. Talaga nga sigurong bumagay sa akin iyon nang husto. Kaya hindi na maalis sa akin ang tingin ng isang ito.

Muli pa akong inalalayan ni Maxrill nang maupo pabalik. Maingat ko namang inilapag ang tasa sa gawi niya ng mesa. Sandali ko pa iyong hinalo at saka iniabot ang kutsarita sa kaniya.

Pero sa halip na tanggapin iyon ay kinuha niya ang sariling kutsilyo na pangmesa at tinidor. Bahagyang namilog ang labi ko nang tunghayan niya ang aking plato upang hiwain ang bacon, sausage at iba pang pagkain doon.

Napalingon ako kay Maxrill Won sa gulat. Hindi niya kailangang gawin ang mga ito sa akin. Hindi ako sigurado kung dahil pa ba sa damit ito.

"Kaya ko, Maxrill Won," mahinang sabi ko.

"I know," nakangiti niyang sabi. "I just feel like doing it," aniyang tinapos iyon saka isinenyas muli sa 'king simulan ko nang kumain.

Bumuntong-hininga ako ng minsan at saka sinimulang kumain. T'wing umaga naman ay ganoon ang agahan namin. Naglalaro lamang iyon sa sausage, bacon, egg, luncheon meat, hotdog, ham at longganisa. Pero pakiramdam ko ay mas masarap ang mga ito ngayong umaga.

Susubo na sana muli ako ng pagkain nang hindi maramdaman ang titig niya. Naiilang man ay nilingon ko si Maxrill Won at nilabanan ang kaniyang mga mata.

"B-Bakit?" tanong ko.

Ang tingin niya na kanina ay nasa mga mata ko lang ay bumaba sa aking ilong, papunta sa mga labi ko. Pakiramdam ko ay sabay kaming napalunok. Sabay rin kaming nag-iwas ng tingin at ngali-ngaling nagtuloy sa pagkain.

Batid kong pareho na kaming nagkakailangan. Patunay no'n ay nagkaiwasan kami matapos magkadikit ng mga kamay namin nang sabay sana naming dadamputin ang kani-kaniyang baso.

"What?" tanong niya, ang normal na inis sa kaniyang tono ay wala ro'n.

Napanguso ako. "Wala."

Dinampot niya ang aking baso at inilahad 'yon sa 'kin. "Here."

Napatitig ako sa baso saka iyon tinanggap. "Salamat."

"Dainty Arabelle..." hindi ko inaasahang tatawagin niya ako.

Halos maubo ako sa pag-inom. "Maxrill Won?"

Umawang ang labi niya, naghintay naman ako sa kaniyang sasabihin. Pero walang lumabas na salita. Sa halip ay umiiling siyang nag-iwas ng tingin at itinuloy na lang ang pagkain.

Maxrill Won...

"This is a date, okay?" mayamaya ay sinabi niya.

"Oo nga."

"Don't you ever call it whatever, all right?"

"Sige," napapahiya kong sagot.

"Finish your food then we'll leave."

"Saan tayo pupunta?"

Nakangiti niya akong nilingon. "Heart of Palawan."

Nanabik ako. "Talaga?"

Napatitig na naman siya sa 'kin. "Exciting, huh?"

"Mm," magkakasunod akong tumango.

Ngunit lalo lang uli siyang napatitig sa 'kin. "You're going to sing for me?"

Umawang ang labi ko. "Ano..."

"You promised."

"Kasi...hala," nabura ang lahat ng excitement ko.

Natawa siya. "You're such a baby," pabulong niyang sabi. Palihim kong nakagat ang labi ko. "Why can't you stop biting your lip?"

"Ano..." nagbaba ako ng tingin.

"Stop it. You're distracting me."

Umawang ang labi ko at nagugulat na napatitig sa kaniya. Walang salitang lumabas sa bibig ko. Wala sa sarili ko na namang makakagat ang labi ko nang mapigilan ko 'yon.

"I don't know now how I'm going to end this day without kissing those damn lips," naiinis, dinig kong bulong niya.

Nagugulat ko lalo siyang nilingon. "Maxrill Won..."kunot-noo kong bulong.

Napapikit siya saka humugot nang malalim na hininga. "You really are distracting, lady. Just eat, will you?"

Ngumuso ako. "Wala lang naman 'yon, e."

"Stop biting it, then," aniyang ang paningin ay naroon lang sa kinakain. "And stop staring at me."

Sumama ang mukha ko. "Ikaw kaya ang kanina pang tingin nang tingin."

"Ah, so we're going to argue about it now, huh?"

"Hindi...ano..."

Natawa siya. "Just eat."

Gaya niya, hindi ko na rin alam kung paano kong matatagalan ang araw na 'to nang hindi naiilang sa kaniya. Gusto kong makasama siya nang hindi ako naiilang. Pero parang hindi 'yon mangyayari. Heto at narito pa kami, kasama pa namin sina nanay at Aling Wilma, ganito na ang pakiramdam ko. Paano pa mamaya?

Wala sa sarili kong nilingon si Maxrill Won. Makaka-date ko na siya... Noon ko lang yata napaniwalaan iyon.

To be continued. . . 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top

Tags: #maxinejiji