CHAPTER 18


CHAPTER 18

MAAGA AKONG nagising kinabukasan pero matamlay akong kumilos. Matagal akong naligo dahil nilabhan ko pa ang mga damit namin ni nanay. Ngayon naman ay nahihirapan akong pumili ng isusuot gayong dadalawa na lang naman ang pagpipilian ko.

"Napagod ka yata? Sabi naman sa 'yo, may dry-cleaning dito sa 'baba," ani nanay.

"Ayos lang po," ngiti ko.

"Halika, tamang-tama, agahan na," anyaya niya.

Nakahanda na ang lahat sa mesa. "Ako na lang po ang maghuhugas, 'nay, para makapagpahinga po kayo."

Kahit anong pigil ko ay napapasulyap ako sa pintuan na para bang may hinihintay talaga akong pumasok doon. Kahit anong tanggi ko ay umaasa akong darating si Maxrill at makakasabay naming mag-agahan. Pero hindi na naman iyon nangyari. Kaya kahit anong lungkot na aking maramdaman, pilit ko 'yong itinago kay nanay.

Hindi ko lang talaga maintindihan kung bakit kailangan kong umasa nang gano'n. Wala naman siyang sinabi na araw-araw namin siyang makakasabay. Lalo nang hindi niya sinabi na araw-araw ko siyang makikita at makakasama. Ako lang talaga itong naghahangad nang sobra. Iilang beses ko pa lang siyang nakakasama, gusto ko nang maging mas madalas pa.

Hindi lang agahan wala si Maxrill, maging nang tanghalian at hapunan hanggang kinabukasan at nang sumunod pang mga araw. Inisip kong gano'n na lang talaga siguro siya kaabala. Na gano'n siya kabuting kapatid para tingnan ang mas nakatatanda pa sa kaniya. Kahit ako naman ay gagawin iyon kay Kuya Kev kung kinakailangan. Hindi lang talaga mawala ang lungkot at pag-aasam kong makita siya uli.

"Ako na po diyan, 'nay," presinta ko isang hapon na hindi magkandaugaga si nanay sa puno nang basurahan. "Ako na po ang magbababa."

"Salamat, Dainty," ngiti ni nanay.

Magaan lang naman iyon, iisang garbage bag na pulos papel at pinaglagyang supot. Binitbit ko iyon palabas.

Gano'n na lang ang gulat ko nang bumukas ang elevator at si Maxrill ang sakay niyon. Sa tabi niya ay naroon si Hee Yong, sa likod niya ay nakasabit ang itim na kaha ng gitara. Sandali siyang tumitig sa mukha ko saka bumaba ang paningin sa bitbit ko.

"Magandang hapon, Maxrill Won," naiilang may ay mahinang pagbati ko.

"Let me help you." Humakbang siya papalapit, ang isang kamay ay nakapindot sa buton ng elevator.

Iniiwas ko ang aking bitbit. "Ako na."

"Give it to me, Dainty," seryoso niyang sinabi saka inagaw ang bitbit ko.

Tumitig siya sa mukha ko at saka umatras pabalik. Sandali akong nagtaka at saka humakbang papasok. Nagbaba ako ng tingin dahil ayaw kong magtama ang aming paningin sa salaming naroon sa harapan namin.

"How are you?" tanong niya, inaasahan ko na.

"Ayos lang naman ako," pinilit kong ngumiti.

"Are you...enjoying your stay?"

Napalingon ako sa kaniya saka pabuntong-hiningang ngumiti. "Oo naman. Masyadong maganda ang lugar na 'to para hindi ako mag-enjoy."

Sandaling katahimikan ang nangibabaw. "Are you...mad at me, Dainty?"

"Ha?" napalingon uli ako sa kaniya. "Bakit naman ako magagalit sa 'yo?" halos manginig ang tinig ko.

Dinig ko siyang bumuntong-hininga ngunit muli lang nangibabaw ang katahimikan. Hindi niya sinagot ang tugon ko hanggang sa makababa kami.

"Do you wanna go outside, Dainty?"

"Ha?" inosenteng tugon ko. Naglikot sa paligid ang paningin ko saka napipilitang ngumiti. "Papunta na nga ako sa labas ngayon," iniwas ko ang aking tingin. "Itatapon ko iyang basura namin."

"No, I mean, let's take a walk outside."

Napalingon ako sa kaniya, tumitig lang siya sa 'kin. "Hindi ako nakapagpaalam kay nanay."

"I'll call her."

Sandali ko pa siyang tiningnan saka ako nag-iwas ng tingin. "Bakit?"

Bahagyang nangunot ang noo niya. "What do you mean...bakit? Of course, para ipagpaalam ka," sarkastiko niyang dagdag.

Kumurap-kurap ang aking paninging nakapako sa kaniya. Nagbaba ako ng tingin at bumuntong-hininga.

"Sige..." may kung anong nagpoprotesta sa isip ko pero sa huli ay papayag din pala ako. Ang gulo ko.

Magkasama naming itinapon ang basura. Namangha ako nang makitang may public sink sa tabi mismo niyon. Napapangiti akong gumaya sa kaniya nang itapat niya ang kamay sa automatic soap dispenser. Ignorante akong naghugas ng kamay, na para bang noon ko lang ginawa 'yon.

Natigilan lang ako nang makita siyang seryoso na pinanonood ako. Itinago ko ang tuwa sa mukha ko at nakangusong tinapos ang paghuhugas.

"My brother is a doctor," seryoso pa rin niyang sabi saka nagtuturo sa kung saan-saan. "Lahat ng garbage bin may katabing outdoor sink. So, they can wash their hands after throwing their garbage."

"Ang galing ni Kuya Maxwell!"namamanghang sabi ko.

Sandali siyang tumitig sa 'kin saka bumuntong-hininga. "You think so too, huh?"

Umawang ang labi ko nang maisip na baka ang pinakahulugan niya sa sinabi ko.

"Where do you want to go?" tanong niya saka ako tinalikuran. Napasunod ako. "I'll call your mom." Sa ilang pindot ay inilagay niya ang telepono sa tainga. "She's with me." Iyon lang at ibinaba niya na ang linya.

Awtomatiko ko siyang hinarap. "Ganoon ka magpaalam?" nagugulat kong tanong.

Bahagyang nangunot ang kaniyang noo saka nag-iwas ng tingin. "Gano'n kami mag-usap."

Umawang ang labi ko. "Hindi mo sinabi ang pangalan ko, Maxrill. Baka hindi maintindihan ni nanay ang sinasabi mo."

Napamaang siya sa 'kin saka bahagyang natawa. "Seriously?"

"Tawagan mo ulit. Sabihin mo, ako ang kasama mo."

Bumuntong-hininga siya saka kinamot ang gilid ng kaniyang mata. "She knows that already."

"Baka hanapin ako ni nanay, Maxrill Won,"naiinis nang sabi ko.

Ang kaninang seryoso niyang mukha ay napalitan ng ngiti. "Ayaw ko." Ginaya niya ang paraan at tono nang sabihin ko ang linyang iyon.

Sumama ang mukha ko at saka tumalikod sa gawi niya.

"Hey," habol niya. "Fine! I'll call her."

Nilingon ko siya at saka ako napapangiting tumitig. "Sabihin mo ay nagpapasama ka sa aking maglakad."

"What?" asik niya.

"Sabi mo ay maglalakad tayo?"

"Whatever." Buntong-hininga siyang nag-dial at tumitig sa akin habang pinakikinggan ang linya. Titig na sa una ay parang naaasar lang. Kalaunan ay ngumiti siya sa paraan na animong may naiisip na namang siya lang ang natutuwa.

Lumapit ako na animong maririnig ko naman ang usapan nila. Hindi ko inaasahang magbababa siya ng tingin sa 'kin at muling ngingiti.

"Oh?" nadinig ko ang tinig ni nanay sa kabilang linya. "Bakit napatawag ka ulit?"

"Your daughter wants to make sure you're aware that we're together."

"Oh, hindi ba't sinabi mo?"

"She's not convinced." Sinabi niya iyon nang matalas ang tingin sa akin. Napanguso ako.

"Akin na at kakausapin ko."

Inilahad ni Maxrill ang telepono sa akin. "Nanay..."

"Ikaw, bata ka," natatawa agad niyang sabi, napanguso ako. "Alam ko na 'yon, okay? 'Wag ka nang mag-alala."

Inilayo ko ang cellphone kay Maxrill. "Eh, baka po kasi hanapin ninyo 'ko."

"Siya, sige na, mag-enjoy kayo. Hinihintay ko si Ate Yaz mo at may pag-uusapan kami. Samahan mo na muna iyang si Maxrill, anak."

Sandali akong natahimik saka bumuntong-hininga. "Uuwi po ako agad, 'nay."

"'Wag kang tatakbo."

"Opo, 'nay." Nakangiti kong ibinaba ang linya at ibinalik kay Maxrill iyon.

"You're such a baby," aniyang nag-iwas ng tingin.

Napanguso ako. "Bakit, hindi ka na ba nagpapaalam sa mga magulang mo?"

"Tsh, they're in Laguna." Matunog siyang tumawa. "Besides, I can take care of myself."

Nakanguso akong tumango-tango at basta na lang sumabay sa kaniyang maglakad.

"Do you want to swim?" kapagkuwa'y tanong niya.

Nag-angat ako ng tingin sa kaniya. Hindi ko naiwasang maalala iyong sandaling yayain niya rin si Ate Yaz. Gusto ko tuloy malaman kung ano ba ang meron at gano'n na lang ang pagyayaya niya. Hindi ba siya makalangoy nang mag-isa?

Napabuntong-hininga ako. "Ayaw ko. Ikaw na lang. Sasamahan kita." Nilingon ko si Hee Yong. "Sasamahan ka namin ni Hee Yong."

Naramdaman ko nang lingunin niya ako. Inosente kong sinalubong ang tingin niya saka napanguso. Pero agad niyang inalis sa 'kin ang tingin at itinuon iyon sa daan namin papalapit sa dalampasigan.

Papalubog na ang araw at ang ganda ng kalangitan. Inunahan siyang makalapit sa dalampasigan na para bang maaabot ko sa gano'ng paraan ang langit.

"Ang ganda..." namamangha kong sabi.

Naghahalo ang asul, kahel, tsokolate at iba pang normal lang naman na kulay pero pagdating sa kalangitan ay mas nagkaroon ng buhay. Ang mga lumilipad na ibon malapit doon ay tila nagdiriwang, malayang pinagmamasdan ang isa sa mga patunay na may mga nagtatapos nang maganda.

"Alam mo ba...first time kong makasakay sa eroplano no'ng pumunta kami rito," nakangiti, wala sa sariling sabi ko. "Takot na takot ako no'ng una pero no'ng lumilipad na, ang saya-saya ko na."

Inalala ko ang lahat ng nakita ko sa kalangitan at muling namangha. Gayong bukod naman sa mga ulap ay nakasisilaw na sinag ng araw lang ang karamihan sa aking nakita. Siguro ay gano'n kapag unang beses, hindi mo malilimutan, lahat ay exciting.

"'Yong pabalik sa Laguna ang second time ko," naroon ang excitement sa tinig ko.

"When are you coming back?"

Inosente ko siyang nilingon. "Sa Laguna? Next week."

"Dito."

"Anong dito?"

"Kailan ka babalik dito?"

Ngumuso ako. "Nandito pa ako."

Sa halip na sumagot ay tumitig na naman siya sa 'kin. Pakiramdam ko tuloy ay may nakikita siya sa mukha ko na siya lang ang nakakikita para tumitig siya nang gano'n.

Mabigat na buntong-hininga ang pinakawalan niya saka hinubad ang gitarang nakasabit sa kaniyang likuran.

"Let's sit," aniyang inilahad ang kamay sa akin.

Nagugulat pa akong napatitig sa kamay niya bago tinanggap iyon. Inalalayan niya akong maupo at saka sinenyasan ang kaniyang aso na maupo.

"Hello, Hee Yong," pagbati ko rito.

Nakamamangha ang itsura ni Hee Yong, malayo sa aso na madalas kong makita, malayo sa itsura ni Nunna. Matapang ang mukha niya ngunit may nabuburyong mga mata. Hindi ko tuloy maiwasang isipin na balakid ang tingin nito sa akin. Na sa t'wing naroon ang aking presensya ay nahahati ang atensyon ng amo niya.

Napalingon ako kay Maxrill nang ilabas niya mula sa kaha ang gitara pumuwesto sa tabi ko. Tinipa niya nang tinipa ang gitara sa mabagal na tono at paulit-ulit na ritmo. Napatitig ako sa kamay niyang propesyunal na tumutugtog sa gitara.

Pero naagaw ng buntong-hininga niya ang atensyon ko. Walang kasinlalim iyon, na para bang may iniisip siyang mas malalim pa sa dagat na naroon sa harapan namin ngayon.

Mayamaya ay nagbaba ng tingin si Maxrill sa sariling kamay na tumutugtog sa gitara. At nang magsimulang kumanta ay saka niya tinanaw ang halos hindi na makitang karagatan. Doon ay unti-unti niyang inaninag ang nagpakita nang buwan.

How could you make me take a start?

Then just leave me hanging

Can't even say how I'm feeling

How could you

Make them break my heart?

If I can't say that I miss you

Let me say one last thing

Umawang ang labi ko habang kinakanta ni Maxrill ang bawat linya niyon. Kahit anong ganda ng boses at husay sa pagtugtog ng mga kamay niya, mas naiintindihan ko ang sakit na nagmumula sa kaniya.

Ramdam na ramdam ko ang lungkot niya sa bawat salita at pagtipa sa gitara. Nagpapalitan ang tingin niya sa karagatan, saka ibabalik sa kaniyang instrumento. Pipikit sandali at kapag nagmulat ay 'ayun na sa langit ang kaniyang paningin. Puno siya ng lungkot at emosyon, tumatagos sa kaluluwa ko. Na para bang puso niya ang kumakanta para sa kaniya.

I miss him

And all the things he could do

Yes, I miss him

Just as much as I miss you...

Tumingin siya sa 'kin ngunit lungkot at sakit pa rin ang nakita ko. Nagbaba siyang muli ng tingin sa instrumento at nakapikit na sinundan ang kanta.

Oh...I miss him...

I know you're wondering who

Yes, I miss him...

I miss the man I was with you

Oh, I would never be the same

Nag-iwas ako ng tingin nang maisip kung sino ang pinatutungkulan niya ng kanta. Tumitig ako sa dagat at nag-angat na lang ng tingin sa buwan. Na ngayon ay nasa tabi ko na pero parang naging mas malayo pa dahil sa kaniyang kanta.

Nahihirapan ka na siguro? Sa isip ko kinausap ang lalaking naroon lang naman sa tabi ko. Naiintindihan kita kasi gano'n din ang nararamdaman ko. Kumurap-kurap ako at tinitigan ang buwan. Ikaw ang gusto ko kahit iba ang gusto mo.

Hinayaan kong kumanta si Maxrill. Pinakinggan ko siya at nginitian nang matapos. Kahit na seryoso siya masyado sa sandaling ito, pinilit kong ngumiti dahil alam ko naman kung ano talaga ang nararamdaman niya.

"Have you ever been in love, Dainty?" hindi ko inaasahang tanong niya.

Nagugulat ko siyang nilingon, magkakasunod na lunok agad ang aking naisagot. Sinalubong niya ang tingin ko at inosenteng naghintay sa sagot ko.

Napapailing akong nag-iwas ng tingin at magsasalita na sana nang maunahan niya ako.

"With Rhumzell, huh?" mapait siyang ngumiti.

Napamaang ako sa kaniya at muling nag-iwas ng tingin. Sinubukan kong gustuhin si Rhumzell pero... Idinaan ko na lang sa buntong-hininga ang laman ng isip ko.

"I envy him," buntong-hininga niya.

"Ha?" tugon ko.

"Ha?" ginaya niya ako saka natawa at umiling-iling.

Napanguso ako. Ako naman ay naiinggit kay Ate Yaz, kasi siya ang gusto mo.

Inilapag niya ang gitara at walang ano-ano'y hinubad ang shirt niya. "I'm going to swim."

Umawang ang labi ko at wala sa sariling napatayo. Pero ang paningin ko ay napako sa katawan niyang wala nang pang-itaas. Napalunok ako dahil pakiramdam ko ay noon lang ako nakakita ng katawan ng isang lalaki.

"What?" tanong niya.

Huli na upang tumalikod ako ngunit ginawa ko pa rin. Narinig ko siyang matawa.

"Are you going to swim with me or not?"tanong niya.

"Hala, gabi na," kinabahan ako nang maglakad siya upang harapan uli ako.

Umangat ang gilid ng kaniyang labi. "So? We own this land."

"Ibig kong sabihin...malamig."

Nginiwian niya lang ako at saka tinalikuran. Naglakad siya papunta sa tubig at lumusong. Kunot-noo ko siyang sinundan ng tingin. Bago umabot sa kaniyang dibdib ang tubig ay muli siyang lumingon sa akin.

"Come on, Wednesday!" pasigaw niyang anyaya.

Napalunok ako. "Ano..."

Natuliro ako kung ano ang gagawin. Sigurado akong ayaw kong lumangoy pero nagtatalo na ngayon ang puso't isip ko kung anong gagawin. Pero sa halip na sumunod ay tumalikod ako sa gawi niya at naglakad papalayo.

"Hey! Where are you going?" mas malakas nang sigaw niya.

Lumingon ako at inilagay ang magkabila kong palad sa harap ng bibig ko at saka sumigaw. "Kukuhanan kita ng twalya!"

"What?"

"Twalya!"

"The fuck is that..." dinig kong angil niya.

"Towel!" muling sigaw ko.

"Fine!"

Ngumuso ako saka muling tumalikod sa gawi niya. Napapangiti ako nang maisip ang mabilis na pagbabago ng sitwasyon. Kanina lang ay seryoso niya akong kinakausap. Kanina lang ay malungkot siyang tumutugtog at kumakanta. Kanina lang ay malungkot din akong nakikinig sa kaniya. Pero ngayon, heto at nagsisigawan na kaming dalawa.

Hindi ko lubos maisip na kung dati ay halos atakihin ako ng hika sa malayo pa lang na presensya niya. Ngayon ay kukunan ko pa siya ng tuwalya.

Hindi nawala ang ngiti ko nang makarating sa kwarto na tinutuluyan namin ni nanay. Kakatok na sana ako nang makitang nakaawang ang pinto. Nakangiti akong sumilip, gugulatin sana si nanay, pero si Ate Yaz ang natanaw ko.

'Ayun at nakaupo siya sa high chair at nakasubsob ang noo sa sariling palad. Sa ilang dipang layo ko ay nakikita ko siyang lumuluha.

"Maling-mali iyong ginawa ninyo ni Maxrill,"dinig kong sabi ni nanay dahilan para magtago ako. "Hindi mo mahahanapan ng hustisya ang palitan ninyo ng halik."

Nakagat ko ang labi, sobrang diin na para bang masusugatan ko iyon. Hindi ko maipaliwanag ang umaalon na pakiramdam sa dibdib ko. Magkakahalo ang pakiramdam na dulot no'n.

"Pareho kayong nawalan ng respeto kay Maxwell at iyon ang nakalulungkot," mahina, mariin pang dagdag ni nanay.

Iyon pa lang ang aking naririnig, para bang napakarami ko nang nalalaman. Hindi ko nasimulan ang usapan nila pero para bang narinig ko ang lahat.

Hindi ko alam kung kanino ako dapat malungkot. Kay Ate Yaz na alam kong nagkamali base sa narinig ko. Kay Maxrill na kasama niyang nagkamali pero ang dahilan ay ang sariling nararamdaman. Kay Kuya Maxwell na siya ngang nobyo ni Ate Yaz pero napagtaksilan. O sa sarili ko na nakikinig na nga sa usapan ng iba ay nasasaktan pa.

"Sigurado ka bang wala kang nararamdaman kay Maxrill?"

Humugot ako ng hininga at hahakbang na sana palayo nang marinig ko ang sumunod na tanong ni nanay.

Bahagya uli akong napalingon sa gawi kung saan sila naroroon. Gusto ko silang silipin at panoorin pero hindi maaari iyon. Sa lakas ng pakiramdam ni nanay ay sigurado akong mararamdaman niya ang presensya ko.

"Tita, wala po," sagot ni Ate Yaz.

Hindi ko maintindihan kung bakit iyon naman ang gusto kong marinig na sagot pero may lungkot pa rin 'yong dulot.

Nagbaba ako ng tingin sa mga kamay ko habang pinakikinggan ang pagpapatuloy ng usapan nila. Saka ako napaisip sa sarili kong sitwasyon.

"You also made it impossible for Maxrill to move on, Yaz. At bilang nagmahal ka na noon ng iba, alam mo kung gaano kahirap makalimot sa unang taong minahal mo," ani nanay.

Mahal niya talaga si Ate Yaz...

Bigla ay kinuwestyon ko kung ano ang ginagawa ko roon. Kung bakit kailangan kong hintaying makita uli sa Maxrill no'ng mga nakaraang araw. Kung bakit kailangan kong mag-asam na makasabay siya muling kumain, umaga, tanghali o hapunan man. Kung bakit hinayaan ko siyang bitbitin ang basura na magaan lang naman. Kung bakit pumayag akong sumama na maglakad-lakad sa labas gayong gabi na. Kung bakit kaya niya naman ang sarili niya ay nagpresinta pa akong kumuha ng tuwalya. Kung bakit alam ko naman na kung sino ang gusto niya ay nakikinig pa ako sa usapan ng iba.

Pakiramdam ko ay wala akong kalulugaran sa oras na 'yon. Maaabala ko ang seryoso at malalim na usapan nina nanay at Ate Yaz kung bigla na lang akong papasok. Hindi ko naman alam kung matitingnan ko pa nang deretso si Maxrill kapag bumalik ako kung nasaan siya ngayon.

Napabuntong-hininga ako nang sa huli ay magdesisyon akong tigilan na ang pakikinig at balikan na lang si Maxrill. Kahit yata paulit-ulit kong malaman na may mahal siyang iba, pipiliin ko pa ring samahan siya. Sa kabila ng katotohanang masasaktan din ako.

Hindi mawala sa isip ko ang mga narinig sa usapan nina nanay. Hindi ko maintindihan kung bakit pakiramdam ko ay ako ang higit na nasasaktan gayong wala naman akong karapatan.

Wala sa sarili akong lumapit sa guard, iyon 'yong nagpahiram sa akin ng payong noon.

"Magandang gabi po, sir," pagbati ko.

"Ma'am," ngiti nito.

"Meron po ba kayong malapad na tuwalya?"

"Ho?"

Ngumiti ako. "Naligo po kasi sa dagat si Maxrill Won, wala po siyang tuwalya."

"Meron, ma'am!" awtomatiko niyong tugon saka kumilos papalapit sa information desk. "Ihahatid nila, ma'am."

"Salamat po," ngiti ko. Bigla ay naisip ko ang kapatid ko. Ano na lang kaya ang iisipin ni Bree sa akin kapag nalaman niya ang lahat ng ito?

Napabuntong-hininga ako nang maisip na wala kaming pinagkaiba ni Maxrill. Kung siya ay hinalikan si Ate Yaz sa kabila ng katotohanang nobya ito ng kapatid niya, ako naman ay lihim na umiibig sa lalaking alam ko namang matagal nang gusto ng kapatid ko. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangang mangyari nito. Sa dami ng pwede kong magustuhan, bakit doon pa sa komplikado ang magiging sitwasyon ko?

"'Eto po, Ma'am Wednesday," nagising ako sa malalim na pag-iisip sa tinig ng babae.

Umawang ang labi ko. "Dainty Arabelle po ang pangalan ko," nakangiti kong sabi.

Lumapad ang ngiti ng babae. "Ang sabi ni Sir Maxrill ay Wednesday ang itawag sa inyo."

Lalo pang umawang ang labi ko. "Pero hindi po 'yon ang pangalan ko."

"Baka po ang gusto ay siya lang ang magsabi ng pangalan ninyo?" nanunukso ang tinig ng gwardiya.

Nakagat ko ang labi ko. "Hindi po."

"Sige na, ma'am, baka hinihintay na po kayo ni Sir Maxrill." Talagang nanunukso ang gwardiya.

"Salamat po," ngiti ko sa mga ito saka nahihiyang tumalikod.

Nakanguso akong naglakad pabalik. Pero gano'n na lang ang bagal ko nang muling malunod sa pag-iisip. Naalala ko ang itsura ng Wednesday Addams na dahilan kung bakit ganoon ang itinawag niya sa akin. Itim na itim ang buhok niyon gayong may natural na brown ang buhok ko bukod sa umaalon. Doon pa lang ay magkaiba na kami. Ang tanging nagkapareho ay ang suot ko nang gabing iyon. Na madalas namang suot ng Wednesday Addams na iyon.

"Hello, good evening..." hindi ko inaasahan ang tinig na mangingibabaw sa harapan ko.

Napamaang ako nang matigilan sa paglalakad. Sa harap ko ay isang magandang lalaki na sa tingin ko ay nasa edad na tulad ni Kuya Maxwell. Pormal at itim na suit ang kaniyang suot. Malinis siyang tingnan, mukhang mayaman. Magkahawak ang kamay niya at may mga kumikinang na singsing sa mga daliri.

Tumingin ako sa magkabilang gilid ko pero ako lang ang tao ro'n. Ako ang kausap niya...Pero bakit niya ako kinakausap? "Magandang gabi po," ngiti ko.

Tumingala siya sa hotel at saka nakangiting nagbaba ng tingin sa 'kin. Tingin na sinuyod ang kabuuan ko.

"Dito ka naka-check-in?" itinuro niya ang Moon hotel.

Nilingon ko iyon saka ako inosenteng tumango. "Opo."

Lumapad ang ngiti niya saka muling tiningnan ang kabuuan ko na para bang inaalam ang dahilan ng pagparoon ko.

"Vacation? Leisure?" tanong niya.

Tumango ako. "Sinamahan ko lang po ang nanay ko."

Tumango-tango siya, hindi malaman kung nakontento sa sagot ko. "I saw you earlier. You were with Maxrill del Valle," aniyang ang isang daliri ay nakaturo sa kinaroroonan namin ni Maxrill kanina. "Are you friends with him?"

Ngumiti ako. "Opo. Bakit po?"

Lumapad ang ngiti niya. "Oh, I'm Montrell Venturi by the way." Mabilis niyang inilahad ang kamay sa akin. Nag-aalinlangan, napapalunok kong tiningnan iyon. "And you are?"

"None of your business." Hindi ko inaasahang tinig ni Maxrill ang sasagot doon.

Nakita ko nang matigilan ang nagpakilalang Montrell Venturi, habang nakalahad pa rin ang kamay sa akin.

Upang hindi siya mapahiya ay tinanggap ko ang pakikipagkamay niya saka ako ngumiti.

"Dai" Sasabihin ko na ang pangalan ko nang agawin ni Maxrill ang kamay ko at iharap ako sa kaniya. Deretso niya akong tinaliman ng tingin.

Bumuntong-hininga si Maxrill saka nilingon ang bisita. "What do you want?"

"Maxrill Won..." ngiti ni Kuya Montrell. "I'm just introducing myself to your friend."

"Not necessary. What do you want?"

"Napadaan lang naman ako."

"I'm not convinced. What do you want?"

"Napadaan nga lang. Masyado kang mainit. Relax."

Matagal na tumitig si Maxrill kay Kuya Montrell, ang galit ay nasa mga mata niya dahilan para malito ako. Inosente kong tiningnan si Kuya Montrell dahilan para lingunin ako nito. Ngumiti siya at saka bahagyang tumango sa akin.

Nagulat ako nang hilahin ni Maxrill ang kamay ko papalapit at humakbang siya upang maharangan ako.

Nakita ko nang ngumisi si Kuya Montrell. "Nice to meet you..." aniyang na kay Maxrill ang paningin. "Dainty Arabelle..." doon niya inilipat ang tingin sa akin.

Natigilan ako at napatitig sa kaniya. Paano niyang nalaman ang pangalan ko gayong hindi ko naman 'yon sinabi?

Matunog na ngumiti si Maxrill. "Hmm. Digging your own grave instead of an island for your business plans, huh?" Bigla ay sumeryoso siya. "Stay away from this girl, Montrell. You don't know us."

Matagal na ngumisi si Kuya Montrell. "You don't know me."

Kabado akong nagpalitan ng tingin sa kanilang dalawa. Hindi ko maintindihan kung bakit nakangiti naman sila sa isa't isa pero kung magpalitan sila ng salita ay para na silang nag-aaway.

"Maxrill..." mahinang pagtawag ko. Nang muli kong tingnan si Kuya Montrell ay nakangiti na siya uli sa 'kin.

Nagulat muli ako nang ilayo ako ni Maxrill na para bang ayaw niyang magtama ang paningin namin ni Kuya Montrell.

"Have a good night," paalam ni Kuya Montrell. Muli niya akong sinulyapan pero muli rin akong itinabi ni Maxrill Won. Natawa si Kuya Montrell sa ikinilos ni Maxrill bago kami tuluyang tinalikuran.

Ramdam ko ang inis ni Maxrill sa kamay niyang hawak pa rin ang kamay ko. Babawiin ko na sana iyon nang mas higpitan niya ang hawak.

Bumuntong-hininga si Maxrill saka ako hinarap. "You're such a baby," may galit sa tinig niya, kunot na kunot ang noo. "Don't talk to strangers, arasseo?"

Ngumuso ako at hindi nakapagsalita. Sinamaan niya ng tingin ang papalayo nang si Kuya Montrell saka muli ako nilingon.

"Pasensya na," buntong-hininga ko.

Bumuntong-hininga rin siya. "Whatever."Inilahad ko naman ang towel sa kaniya. "What's that?"

"Twalya."

"What for?" kunot-noo niyang tanong.

Sumama ang mukha ko at pilit na pinatangkad ang sarili upang maabot ang kaniyang buhok.

"Para pamunas sa sarili, Maxrill Won. Naligo ka sa dagat, gabing-gabi. Malamig..."sabi ko nang hindi napapansing ako na ang nagtutuyo sa buhok niya. Hindi iniinda ang pahirapang pagtiad. "Wala dito ang parents at Ate Maxpein mo tapos busy pa ang Kuya Maxwell mo... Walang mag-aalaga sa 'yo kapag nagkasakit ka, Maxrill Won."

"Hmm. Are you willing to take care of me?"

"Ha?"

Natigilan ako nang sumilip ang mukha niya sa gitna ng twalya. Napapalunok kong naitigil ang ginagawa pero lalo pa akong natigilan nang pigilan niya ang kamay kong bitiwan siya.

"You want to take care of me?" pag-uulit niya sa tanong.

Napalunok ako. "Ano..."

Bahagya siyang yumuko upang ilapit ang mukha sa akin. "Baby me, then," bulong niya. "I won't mind getting sick if you promise to take care of me, Dainty Arabelle."

Umawang ang labi ko at napatitig sa kaniya. Nakagat ko ang aking labi nang mas ilapit niya pa ang mukha sa akin. Napasinghap ako nang kagatin niya rin ang sariling labi habang nakatitig sa labi ko.

To be continued. . . 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top

Tags: #maxinejiji