CHAPTER 17

CHAPTER 17

"SUMABAY KA na sa 'ming maghapunan," anyaya ni nanay kay Maxrill Won nang makabalik kami sa hotel na aming tinutuluyan.

"Thank you but I have to go, Heurt." Sumulyap sa 'kin si Maxrill matapos isagot 'yon.

"May lakad ka nang ganitong oras?" nagtaka pa si nanay.

Umiling si Maxrill. "I need to be there for hyung,"bumuntong-hininga siya. "He's not yet sleeping."

Sandaling natigilan si nanay saka nakangiwing tumango. "Sige, mag-iingat ka sa pagmamaneho."

"Thanks," sumulyap muli sa 'kin si Maxrill. "I'm leaving, Wednesday."

Bahagyang nangunot ang noo ko, nasasanay na siyang ganoon ang itinatawag sa 'kin. "Ingat, Maxrill Won."

Bahagya siyang ngumiti. "I will." Hindi ko inaasahang lalapit siya at marahang papasadahan ng palad ang aking buhok. Dahilan para mahabol ko siya ng tingin nang umalis.

Sandali pa akong napatitig sa pinto bago ko nasalubong ang nanunukso nang tingin ni nanay. Agad akong ngumuso. "Nanay naman, eh..."

"Oh, bakit? Natutuwa lamang ako sa inyo."

"Para kasi kayong nanunukso, 'nay."

"Gano'n ba?" lalo siyang ngumisi. "Marahil ay ganoon nga."

"Nanay naman, eh..."

"Para kang bata, Dainty, ano ka ba?" natawa siya.

Nagbaba ako ng tingin. "Nahihiya po kasi ako sa ginagawa ninyo."

"Bakit ka naman mahihiya? At sa akin pa talaga?"

Hindi ako nakasagot at sa halip ay ipinagbuntong-hininga na lang ang panunukso niya. Marahan akong lumabas sa balkonahe at mula roon ay hinintay na makita si Maxrill. Palihim akong nangiti nang makita ko siyang maglakad papunta sa dalampasigan kung saan naghihintay ang yate na minaneho niya.

Lalo pa akong nangiti nang maalala kung gaanong kalakas ang dating niya habang pinatatakbo iyon. Sa kabila ng dilim ng gabi at liwanag na nagmumula lang sa ilaw ng yate, nakikita ko ang mamula-mula niyang kutis. Ang nililipad niyang buhok ang nagbibigay ng mas matinding lakas sa kaniyang dating. Kakaiba ang dulot na pakiramdam sa 'kin.

"Bagay kayo ni Maxrill, anak." Hindi ko inaasahang nasa likuran ko na si nanay. Ugaling-ugali niyang kumilos nang hindi ko nararamdaman.

"Paano naman kami naging bagay, 'nay?" tugon ko, ang paningin ay nakasunod sa noon ay papaakyat na sa yate na si Maxrill. "Napakagwapo niya at mayaman, samantalang ako..." Nawala ang ngiti ko, lalong tumamlay ang aking mga mata nang hindi masundan ang sariling sinasabi.

Matunog ang buntong-hininga ni nanay. "Hindi kita masisisi kung nakikita mo ang kakulangan sa iyong sarili. Pero sana ay makasanayan mo ring makita ang napakaraming magagandang katingiang meron ka."

Napabuntong-hininga rin ako saka tinanaw ang paglayo ng yate. "Bakit nga kaya iyong nag-iisang mali sa 'kin ang nakikita ko, 'nay?"

"Kasi iyon parati ang tinitingnan mo."

"Hindi naman, 'nay," nakangusong tanggi ko.

Ngumiwi siya. "Sa t'wing pupurihin ang ganda mo ay idinadahilan mo ang kapansanan mo. Wala naman sa mukha ang paa mo," nakuha pa talagang magbiro ni nanay.

Ngunguso na sana ako nang matawa rin sa sinabi niya.

Nakangiting ginulo ni nanay ang buhok ko saka tinanaw rin si Maxrill. "Pero ang totoo ay maganda rin naman ang mga paa mo, Dainty. Kung hindi ko marahil nalalaman na prosthesis 'yong isa, iisipin kong perpekto ka."

"Nanay naman..."

"Totoo," paniniguro niya. "Kahit napakarurungis ninyo noong una ko kayong makita, nangibabaw pa rin ang inyong ganda ni Bree."

Natawa ako nang inalala ko kung ano ang itsura ko noong dumating si Nanay Heurt sa buhay namin. Pero ang tanging natatandaan ko ay ang amoy ko. Nakakahiya man pero madalas ay amoy kama ako na ilang buwan nang hindi napapalitan ng kobre. Paano kasi ay walang gagawa no'n para sa 'min. Masyado pang bata at maliit si Bree nang panahong 'yon. Abala naman sa pag-aaral at pagba-basketball si kuya kaya hindi maasahan. Madalas ay lumilipas ang buwan bago iyon mapalitan.

"Pero tingnan mo ngayon..." sinuyod ng tingin ni nanay ang kabuuan ko. "Napakaganda mo na. Lalo ka pang gumaganda."

Pakiramdam ko ay namula ang mga pisngi ko. Natatandaan kong sa iilang nakakakita sa akin, lahat sila ay ganoon ang sinasabi. Bawat batang lalaki na makilala ko noon pa mang bata ako hanggang sa muli akong makalabas, hindi nawawala ang paghanga sa mga tingin. Masarap sa pakiramdam 'yon. Maliban na lang kapag napagtanto na nila ang kapansanan ko. Gano'n kabilis nawawala ang paghanga sa kanilang mga mata. Parati na ay kinukwestyon nila kung paano 'yong nangyari. Tuloy ay hindi ko malimut-limutang may kulang na sa akin. Pero hindi ko naman sila sinisisi, maging ang sarili ko. Wala naman kasing may gusto nito. Aksidente ang nangyari.

"Gumanda ang buhay namin nang dahil sa 'yo, 'nay,"'ayun na naman ang hindi mapangalanang saya sa dibdib ko. "Paulit-ulit kong ipagpapasalamat na dumating ka sa 'min, nanay."

Lumapit ako at yumakap nang mahigpit sa kaniya. Naramdaman ko ang lalim ng kaniyang buntong-hininga bagaman naroon ang ngiti sa kaniyang labi.

"Salamat sa 'yo at sa pamilyang Moon, nanay,"nakangiti pang dagdag ko.

Muli pang bumuntong-hininga si nanay saka tinanaw ang hindi na makitang yate ni Maxrill. Matagal siyang tumitig doon dahilan para mapalingon din ako roon.

"Napakabuti ng mga Moon," sinserong ani nanay. "Hindi lang kayo ang tinulungan nila, maging ako."Nagbaba siya ng tingin saka ngumiti sa 'kin. "Hindi ko sinasabi ito dahil tinulungan nila ako. Talagang mabuti silang tao. Kahit paulit-ulit nilang takpan iyon ng mga pagkakamali nila."

Sandali akong natigilan habang nakatitig kay nanay. Malayo ang tingin niya at naroon pa rin ang ngiti sa labi. Na animong inaalala sa isip at tanawin ang kabutihan ng pamilyang Moon.

"'Nay?" kapagwaku'y tawag ko. Nakangiti siyang nagbaba ng tingin sa 'kin. "Hindi man po ako gaya ni Bree na madalas na nakasama at mas malapit sa mga Moon,"bumuntong-hininga ako. "Nakikita kong mabuti talaga silang tao."

Lalo siyang ngumiti. "Totoo."

Sandali pa akong napatitig sa kaniya. "Pero...sa kabila po ng kabutihan nila sa inyo, sa atin...bakit po gano'n na lang ang galit sa kanila ni tatay?"

Nakita ko nang matigilan si nanay. Ang marahan niyang paglingon sa akin ay napanood ko. Maging nang mawalan ng reaksyon ang kaniyang mukha bago nag-iwas ng tingin.

Natatandaan ko kung paanong mag-away ang mga magulang namin noon sa t'wing mababanggit ang pamilyang Moon. Minsan nga, hindi pa nababanggit, basta may kinalaman sa mga ito, pinag-aawayan na nila. Hindi ko malilimutan iyon kasi madalas ay lungkot ang dulot no'n sa 'kin, sa amin.

"Iilan lang po ang nalalaman ko pero masasabi ko nang mabuti po silang tao," dagdag ko nang hindi magsalita si nanay. "Nabanggit din po sa akin ni Bree na marami silang tinutulungan bukod sa atin."

Bumuntong-hininga si nanay saka tumango. "Totoo."

"Kaya nga po napapaisip ako kung bakit hindi nila kayo tinulungan noong magmakaawa kayo dahil may sakit si Ate Maxpein." Nag-aalinlangan man ay lakas-loob kong sabihin iyon.

Nakita ko nang mangunot ang noo ni nanay at tapunan ako ng nagtatakang tingin. Pero hindi siya nagsalita. Sa halip ay para bang kinapa niya ang ibig kong sabihin habang nakatitig sa akin.

Napalunok ako sa pag-aalala pero nagpatuloy. "Nabanggit po noon ni tatay na hindi kayo tinulungan ng mga Moon nang magkasakit si Ate Maxpein."

Lalong nangunot ang noo ni nanay. "Sinabi ng tatay mo 'yon?"

Nagtataka man ay tumango ako. "Napilitan daw po kayong iwan si Ate Maxpein sa mga Moon dahil hindi ninyo siya kayang buhayin..." pahina nang pahinang dagdag ko.

Mas tumitig sa akin si nanay, halos maramdaman ko ang diin niyon. Pero sa halip na magsalita ay kataka-takang natawa siya at nag-iwas ng tingin. Napabuntong-hininga ako nang tumalim ang tingin niya sa kawalan.

"Kaya po...galit na galit noon si kuya sa mga Moon. Dahil sa mga kwento ni tatay," dagdag ko.

Gano'n na lang kalalim ang buntong-hininga ni nanay. Pilit na pilit ang ngiti niya nang lumingon sa 'kin. Akala ko ay sasagutin niya ako pero sa halip ay hinaplos niya ang buhok ko saka ako hinawakan sa braso.

"Matulog ka na, gabi na." Iyon lang at tinalikuran niya na ako.

Nasundan ko ng tingin si nanay. Nakapanlulumong hindi ako nakatanggap ng sagot. Hindi ko naiwasang magtaka sa naging reaksyon niya. Napuyat tuloy ako sa pag-iisip ng dahilan kaya tinanghali ako ng gising kinabukasan.

Dumeretso na ako sa banyo upang maligo. Ayaw ko na maulit iyong nangyari kahapon na nakita akong bagong gising ni Maxrill. Kumakanta akong namili ng isusuot, gayong aapat na piraso na lang ang pagpipilian ko. Napalingon tuloy uli ako sa banyo at naghanap ng panlaba doon.

Bibili na lang ako ng sabong bareta.

Iyong mapusyaw na asul ang pinili ko. Galing kay Ate Maxpein iyon at hindi ko pa naisuot ni minsan. Maikli at parang net na may kaunting disenyo ang manggas niyon, may apat na dangkal mula sa balikat. May butones na mula sa dibdib hanggang sa ibabaw ng tiyan. Medyo palobo ang palda niyong hanggang sa kalahati ng binti ang haba at may imprentang puti na mga bulaklak sa bandang laylayan.

Napakaganda...

Napangiti ako habang nakatitig sa sarili nang maisuot iyon. Tinuyo ko ng twalya ang buhok ko pero baka abutin ako ng oras bago matapos. Napanguso naman ako nang mabigong makahanap ng electric fan. Nanginiti ako nang maalalang may blower sa vanity, bukod pa roon sa nasa banyo.

Ignorante man ay nagamit ko nang tama ang blower, salamat sa panonood ko kay Bree. Nang matapos ay itrinintas ko ang aking buhok sa magkabilang balikat ko.

"Napakaganda mo naman, hija!" si Aling Wilma ang unang nakakita sa 'kin.

Palihim kong iginala ang paningin, nagbabaka-sakaling naroon si Maxrill, saka ako ngumiti kay Aling Wilma. Mas nilawakan ko ang pagngiti nang matawanan si nanay. Sila lang ang naroon at parehong abala na naman sa pagluluto.

"Pasensya na po kung tinanghali ako ng gising."Lumapit ako sa kanila. "Tutulungan ko po kayo."

"Naku, hindi na," agad akong pinigilan ni Aling Wilma. "Napakaganda mo talaga, Dainty! Mai-in love talaga sa 'yo niyan si Maxrill."

"Aling Wilma naman..." nag-init ang pisngi ko.

"Tingnan mo 'tong anak mo," ani Aling Wilma na para bang nagsusumbong kay nanay. Nakapamewang niya akong hinarap. "Alam mo bang pang-world class ang kaharap mo, Dainty Arabelle? Executive chef ako kaya 'wag mo 'kong matawag-tawag na Aling Wilma, pakiusap!"

Hala! Natutop ko ang aking bibig. "Ano..." nag-iwas ako ng tingin. "Pasensya na po..."

"Isang Aling Wilma mo pa, Dainty, ah," banta niya, pinagtawanan kami ni nanay. "Tita or Auntie na lang."

"Pasensya na po talaga," napahiya ako.

Hindi nila ako hinayaang tumulong na magluto. Sa halip ay pinagtimpla ako ng juice ni nanay at pinalamanan ng tinapay. Naupo ako sa balkonahe at doon nilibang ang sarili sa magandang tanawin.

Napakaganda ng Palawan. Pakiramdam ko tuloy ay hindi ko na kayang humanga nang ganoon sa ibang lugar kung meron man akong mapupuntahan pang iba. Dumagdag pa ang katotohanang naroon si Maxrill.

Napangiti ako nang maisip na dito ko siya nagawang kausapin. Dito ko siya nagawang tingnan nang deretso, harap-harapan. Dito ko siya nakasama at dito ay madalas ko siyang nakikita.

Lalo pa akong nangiti nang maalala ang sandali namin kahapon. Hindi ko pa rin maintindihan kung para ba sa akin 'yong pagtawag niya ng crush o iyong title ng kinakanta ko. Siya kasi ang naalala ko sa kantang iyon ni Mandy Moore. Naging paborito ko 'yon nang dahil sa kaniya. Na kahit no'ng mga panahong hindi ko siya nakikita, pakinggan ko lang 'yon ay nakakaramdam na ako ng saya. Na kahit hindi ko siya makasama, masaya na ako sa iniwan niya sa 'king alaala.

"Kakain na, Dainty," pagtawan ni nanay, nakangiti akong bumalik sa loob.

Hindi ko man lang namalayang naubos ko ang pagkain ko kaiisip pa lang. Napaisip tuloy ako kung paano pa kakain sa mga inihanda nina nanay. Nangiti ako nang isiping mas magana akong kumain sa t'wing kasabay si Maxrill, totoong matakaw siya.

Hindi siya iyong masiba na sunod-sunod kung sumubo at halos umapaw ang pagkain sa kutsura. Hindi rin siya iyong animong takot maubusan ng pagkain. Kung tutuusin ay napakaayos niyang panoorin sa t'wing nasa hapag-kainan. Ni minsan ay hindi siya narinig na gumawa ng ingay sa plato, maging sa paglaghok sa baso ay napakapino ng kaniyang kilos. Na para bang maging iyon ay pinag-aralan niya.

"Nasaan po si Maxrill?" hindi ko na napigilang magtanong nang magsisimula na kaming kumain ay hindi pa rin ito dumarating.

Ngumiti si nanay. "Hindi naman siya nagsabing pupunta siya."

"Naku, naroon iyon kay Maxwell ngayon panigurado. May lagnat ang alaga ko," buntong-hininga ni Aling Wilma. "Kagabi pa lang ay inihanda ko na ang mga iluluto ko sa kaniya at maaga akong pumunta roon kanina. Ayaw naman ng Maxwell na 'yon na manatili ako sa penthouse niya kaya dumeretso na ako rito pagkatapos."

Natigilan ako at tila napahiya. Inaasahan kong darating si Maxrill. Ang totoo ay excited ako sa masasabi niya tungkol sa suot ko.

Napabuntong-hininga ako at pinilit ngumiti. "Gano'n po ba?" Bigla ay pinagsisihan kong nagtanong pa ako.

"Hayaan mo at pupunta naman 'yon dito kapag may oras siya," ngiti ni Aling Wilma, tumango na lang ako at hindi na nagsalita.

Muli akong umasa na darating si Maxrill nang hapong iyon pero nabigo lang uli ako. Hindi na ako nagtanong sa takot na mapahiya uli, ayaw kong tuksuhin nila ako sa paghahanap at paghihintay sa kaniya.

"Hinihintay mo si Maxrill?" hindi ko inaasahan ang tanong ni nanay, gano'n na nga talaga kalakas ang pakiramdam niya.

Hindi ko na tuloy naitago ang katotohanan. "Akala ko po kasi ay pupunta siya rito araw-araw, 'nay," pinilit kong ngumiti.

"Maraming inaasikaso iyon dito," ngiti ni nanay. "Si Maxwell ay sa iisang lugar lang umiikot ang mundo, sa ospital, pero walang oras. Si Maxrill ay naman, akala mo pag-aari ang buong Palawan. Paroo't parito, kung saan-saan, masyado ring abala."

Nagbaba ako ng tingin sa tinutuyong baso na katatapos ko lang hugasan. "Gano'n po ba..."

Hindi ko maipaliwanag ang lungkot ko. Hindi dapat ako nakararamdam nang gano'n, kagabi lang ay kasama ko si Maxrill. Matagal na panahon ko siyang nakasama para ikalungkot ang wala pa ngang isang araw nang hindi siya nakikita.

"Pero sa oras na 'to ay may pinagdaraanan silang tatlo nina Yaz at ng kaniyang kuya." Hindi ko na naman inaasahang sasabihin iyon ni nanay. "Hayaan mo, papupuntahin ko sila rito para sabay-sabay tayong maghapunan."

Nagliwanag bigla ang mukha ko. "Tutulungan ko po kayong maghanda." Nakangiti kaming nagtanguan ni nanay.

Boodle fight ang suhesityon ni Aling Wilma. Nang hapong iyon ay iniluto namin ang seafoods na pinangunahan niya. Talaga ngang executive chef ang datingan ni Aling Wilma, napakahusay at napakabilis ng mga kamay niya. Kung paanong naging mahirap sa 'kin ang pagkalas sa naglalakihang crabs, gano'n naman kadali para sa kaniya 'yon.

Nakakapagod man ang paroo't parito sa hotel, papunta sa beach side, mabagal man ako kompara kina Aling Wilma at nanay, nakangiti kong ginawa ang lahat. Nagpresinta akong magdisenyo sa mesa at mga silya na para bang may okasyon gayong simple lamang iyong hapunan.

Bago tuloy dumilim ay gusto kong pagsisihan ang pagpepresinta sa mga ginawa. Pinagpawisan ako at walang ibang solusyon doon kung hindi ang maligo. Totoong nanghinayang ako na hindi nakita ni Maxrill ang aking suot. Iyon na kasi ang pinakamaiksi sa lahat ng dala ko.

Matapos maligo ay namili ako sa iilan na lang na natitirang damit ko. Hindi ko pa rin nalalabhan ang mga naisuot ko na. Naisip kong bukas na lang gawin 'yon.

Mapusyaw na dilaw na bestida ang napili kong isuot. Hanggang siko ang manggas niyon at hanggang sa binti ang haba ng palda. Simple lang, walang disensyo o burda at nasa likuran ang mga butones. Itinali ko sa kalahati ang buhok ko at saka ako naglagay ng pulbo. Napangiti ako sa aking sarili saka lumabas ng kwarto.

Napalingon ako sa buong kwarto ngunit wala na roon sina nanay. Nang sumulyap ako sa balkonahe ay naroon na silang lahat sa dalampasigan. Nakanguso akong naglakad pababa, nahihiya akong dumulog sa kanila sa ganitong itsura. Bago ako makalabas ng elevator ay binura ko ng palad ang pulbo na inilagay ko sa mukha dahilan para mamula ang aking pisngi. Ayaw kong isipin nila na masyado kong pinaghandaan ang gabing iyon.

Nagbaba ako ng tingin nang makita ko kung gaano karaming paningin ang dumapo sa akin nang maglakad ako sa lobby. Bagaman naroon ang paghanga sa kanilang mga mata ay hindi ko matagalan ang mga titig nila.

Pero higit akong naestatwa nang mga makakasama ko nang maghapunan ang lumingon sa akin nang marating ko ang bungad ng dalampasigan. Si Kuya Maxwell pa nga lang ang nakatingin sa akin ay nag-init na ang aking pisngi. Nang si Maxrill Won na tuloy ang lumingon sa gawi ko, tuluyan ko nang hindi naihakbang ang mga paa ko.

Hala...

Kanina ay hinihintay ko siya at hinahanap. Ngayong naglalakad na siya papunta sa gawi ko, ngayong narito na siya sa harap ko habang nakalahad ang kamay sa akin, nagugulo na naman ang aking sistema.

"Good evening," nakababa ang tingin na bati ko nang lahat sila ay nakatingin na sa akin.

"Good evening," si Kuya Maxwell agad ang tumugon. "You look good."

Nagugulat akong nag-angat ng tingin sa kaniya, nagpapalitan siya ng tingin sa amin ni Maxrill habang nakangisi.

"Really?" nanunuya ang tinig na tugon ni Maxrill.

"What?" lalong ngumisi Kuya Maxwell.

"You're not here to annoy me, aren't you?"

"What makes you think so?"

"Tsh." Bumaling sa 'kin si Maxrill dahilan para mapalunok ako. Hinila niya ang silyang naroon sa kaniyang tabi at sumenyasan sa 'kin na maupo.

Napatitig ako kay Maxrill. Bigla ay parang gusto kong manibago. Kahapon lang ay panay ang pagngiti niya at napapatitig sa mukha ko. Wala ang lahat nang iyon ngayon. Parang sulyap lang ang ginagawa niya sa akin at hindi nagtatagal sa mukha ko kaniyang paningin.

Hindi ko naiwasang sulyapan si Ate Yaz at sa iilang segundong pagkakadapo ng paningin ko sa kaniya ay agad akong humanga. Nakita ko ang kaibahan ng pananamit namin. Wala siyang kolorete sa mukha pero mukhang hindi na niya kailangan iyon. Natural ang pamumula ng kaniyang pisngi at labi, maging ang tungko ng kaniyang ilong, na kahit ilaw lang ang nagbibigay ng liwanag ay nakikita iyon. Sa dalawang silyang pagitan namin, tila naaamoy ko ang kaniyang bago.

"Sit down, Fine," bigla ay ani Maxrill.

Ano... Awtomatiko akong tumalima pero gano'n na lang ang gulat ko nang hindi sumakto sa silya ang puwitan ko. Wala sa sarili akong napahawak sa braso ni Maxrill, sa gulat ay awtomatiko ko ring nabitiwan 'yon.

"What's wrong with you?" ani Maxrill na nagbaba ng tingin sa 'kin. Napatitig ako sa salubong niyang kilay at nakaangat na gilid ng labi. "Are you sick or something?"

Napamaang ako. "No." Saka ako nag-iwas ng tingin.

Nararamdaman ko pa ang titig ni Maxrill sa akin pero hindi ko na 'yon magawang salubungin. Kung kanina ay malungkot ako nang asahang darating siya, tila mas lumungkot ako ngayong kasama ko na siya. Pakiramdam ko ay hindi siya 'yong Maxrill na ilang beses kong nakausap at nakasama.

Hindi ko tuloy naintindihan ang mga pinag-uusapan nila bagaman naririnig ko ang lahat nang iyon. Tahimik akong kumuha ng sariling makakain at nalunod na lang sa pakikiramdam at pag-iisip.

"Do you want to swim, Yaz?" tanong ni Maxrill mayamaya.

Natigilan ako sa pagbabalat sa hipon at bahagyang napalingon sa kaniyang gawi. Nakalingon siya sa katabi, kay Ate Yaz, kaya wala akong makita sa kaniyang reaksyon.

Naalala ko iyong sandaling ako ang niyaya niya nang ganoon. Hindi ko malilimutan ang ganda ng kaniyang ngiti, hindi man 'yon kasinlaki ng madalas niyang pagngiti. Natatandaan ko rin ang pag-aasam na pumayag ako na nabasa ko sa kaniyang mga mata. Iniisip ko ngayon kung ganoon din ba ang nakikita ni Ate Yaz sa kaniya.

Pabuntong-hininga kong binalatan ang aking hipon at saka nagpatuloy na lang sa pagkain. Ganoon talaga siguro si Maxrill, nagyayayang lumangoy kung kailan niya maisipan. Mali ko na nag-isip akong may espesyal sa pagyayaya niya sa akin kahapon. Normal lang siguro sa kaniya iyon. Gaya ng maraming katangian ng mga Moon na natural lang sa kanila ani nanay.

"No, thanks," tanggi ni Ate Yaz. Malayo sa paraan ng sagot ko nang ako ang tumanggi sa imbitasyong lumangoy ni Maxrill.

Natatandaan ko ang panghihinayang ko nang tumanggi. Hindi ko iyon maramdaman kay Ate Yaz ngayon. Para bang tumanggi siya dahil ayaw niya talaga. Habang ako ay tumanggi kahit na gustong-gusto ko naman.

Matagal kaming nagkasama-sama, napakarami nilang pinagkuwentuhan. Tahimik man akong nakikinig, paulit-ulit ko man silang sulyapan, pakiramdam ko ay hindi nila ako kasama. Ilang beses ko mang abangan ay hindi ko nakita si Maxrill na sumulyap sa 'kin ni minsan. Hindi ko man nakikita lahat ay ramdam ko kung nakanino ang atensyon niya.

"Ayos ka lang?" tanong ni nanay nang matapos kaming kumain at kasalukuyan nang inililigpit ang mesang ginamit.

Pinilit kong ngumiti. "Opo, 'nay!" magiliw kong tugon. "Salamat po sa hapunan," sinulyapan ko silang pareho ni Aling Wilma. "Napakarami ko pong nakain."

"Talaga ba? Para ngang kakaunti lang," buyo ni nanay dahilan para mawala ang peke kong ngiti.

Awtomatiko akong tumalikod. "Ako na po ang magtatapon sa basurahan ng mga ito," presinta ko na binitbit ang supot at naglakad papunta sa kung saan.

Panay ang aking buntong-hininga. Mas lumalim pa 'yon nang pabalik na sana ay natanawan ko na naman si Maxrill na pinanonood ang mga kilos ni Ate Yaz.

Kahibangan ang isiping espesyal ka na sa kaniya, Dainty...

Napangiti ako sa sariling naisip at nagbaba ng tingin sa paanan ko. Napakalayo ng agwat namin ni Maxrill, napakalayo ko lalo na sa ganda ni Ate Yaz. Hindi ko dapat binibigyan ng ibang kahulugan ang mga tingin, titig, ngiti, kilos at sinasabi ni Maxrill. Kahit kanino ay pwede niyang gawin at sabihin ang mga iyon. Pero hindi lahat ay kaniyang gusto. Alam ng lahat ng naroon na si Ate Yaz ang gusto niya at hindi ako.

"We'll go ahead," paalam ni Kuya Maxwell nang makabalik ako. "It's nice to see you again, Dainty."

"Kayo rin, kuya," nahihiya kong tugon.

"Enjoy your stay here. I'm sorry I can't visit you often, I'm quite busy."

Ngumiti ako. "Ayos lang, kuya, naiintindihan ko."

Nakangiti siyang tumango at hindi ko inaasahang hahaplusin ang buhok ko. "See you around," aniya saka tinalikuran ko.

Nakita ko siyang matigilan nang sulyapan si Ate Yaz, maging nang bumuntong-hininga bago ito lapitan. Muli kong tinanaw si Maxrill at nakita rin siyang pinanonood ang kapatid at babaeng nagugustuhang nag-uusap. Tumalikod ako at tinapos na lang ang pagtulong kina nanay.

"Pwede ka nang mauna sa 'taas, kami na lang dito, Dainty," ani nanay. Nang tingnan ko siya ay nag-iwas siya ng tingin sa 'kin.

"Ayos lang po, 'nay," nagbaba ako ng tingin at inabala ang sarili.

Sinadya kong lumayo kung saan naroon sina nanay. Dahil pakiramdam ko ay pinagmamasdan nila ni Aling Wilma ang mga kilos ko. Hindi na ako magtataka kung mahulaan na naman nila ang panonood ko kay Maxrill. Hindi na ako magugulat kung malaman ni nanay ang nararamdaman ko sa oras na 'to.

Magpapaalam na sana akong iaakyat ang mantel na ginamit namin nang muli akong matigilan. Mula sa di kalayuan ay natanaw ko sina Maxrill at Ate Yaz, naroon na sa harap mismo ng tubig at nag-uusap nang malapitan. Mukhang ganoon na lang kalalim ang kanilang pinag-uusapan, tila pareho silang emosyonal at madamdamin.

"Para kay Maxwell si Yaz," hindi ko inaasahang mangingibabaw ang tinig ni nanay.

"'Nay..." naestatwa ako sa kinatatayuan nang mangilid ang aking luha.

"Dainty..."

Nameke ako ng ngiti saka pinunasan ang aking mga mata. "Pasensya na po, kanina pa po kasi ako inaantok..." nagbaba ako ng tingin. "Iaakyat ko na po ang mga ito."

"Ako na," nakangiting kinuha ni nanay ang mantel na dala ko. "Magpapaalam 'yang si Maxrill, baka hanapin ka."

"Hindi na po," muli kong binawi ang mantel. "Ako na po ang mag-aakyat."

Napatitig sa akin si nanay, pinilit din niyang ngumiti saka ako hinayaan. Tinalikuran ko siya at hahakbang na sana palayo nang masulyapan ko na naman sina Ate Yaz at Maxrill. Nang sandaling iyon ay pareho na silang nakatingin sa akin. Kaya gano'n na lang ang pagmamadali kong tumalikod at maglakad papalayo.

Hindi ko maipaliwanag ang sama ng loob ko. Wala akong karapatang maramdaman iyon. Ambisyosa ako sa parteng inisip ko na espesyal na ako kay Maxrill.

Dumeretso na ako sa pagligo nang makabalik sa aming tinutuluyan. Panay ang sulyap ko sa balkonahe nang matapos magbihis. Pero pinigilan ko ang aking sarili na tumunghay ro'n. Hindi naman ako sigurado kung naroon pa si Maxrill.

Mahihiga na ako nang pumasok si nanay. "Matutulog ka na?"

"Opo, 'nay," ngiti ko saka ako nagtalukbong ng makapal na kumot.

Nadinig kong bumuntong-hininga si nanay pero hinayaan na lang niya ako. Pero nagkamali ako nang isiping makakatulog ako. Kanina pa ako nahiga pero nakaligo at nahiga na si nanay, gising pa rin ako. Nang maramdaman ko ang himbing ng pagkakatulog niya ay saka ko lang inalis ang pagkakatalukbong ko.

Maingat akong bumangon. Sandali ko pang nilingon si nanay saka ako marahang lumabas sa balkonahe at isinara ang pinto. Tinanaw ko ang kalawakan at hinanap ang buwan.

Maxrill Won...

Nalulungkot ako sa katotohanang hindi lang siya kung hindi ang sandali nila ni Ate Yaz ang naaalala ko ngayong nakatingin ako roon.

Napanguso ako at maingat na pinahiran ang mga luha kong hindi ko man lang naramdamang tumulo. Hanggang sa sandaling iyon ay kinukwestyon ko ang aking sarili kung bakit kailangan kong makaramdam nang ganoon. Ano'ng karapatang meron ako?

Sana ay hindi na lang din nakakaramdam nang gano'n kung wala namang karapatan. Sana hindi na lang ako nagkakaro'n ng pag-asa sa mga bagay na wala naman akong tyansa. Sana ay hindi ko na lang nabibigyan ng kahulugan ang mga nakikita kong hindi naman magiging akin. Sana ay hindi ko na lang nagustuhan si Maxrill.

Tumama ang paningin ko sa 'baba matapos kong pahiran ang aking luha. Gano'n na lang ang paghinto ng aking hininga nang makitang nakatingala si Maxrill sa akin. Sa taas ng kinaroroonan ko, paanong nararamdaman ko ang titig ng lalaking ito?

Naiwan sa kinatatayuan niya ang paningin ko nang maglakad siya papasok sa hotel. Matagal akong tumitig doon saka lumingon sa loob ng kwarto nang matunugan ang door bell.

Maingat akong pumasok, muling nilingon si nanay nang kumilos ito. Saka ako marahang lumabas ng kwarto.

"Sino 'yan?" mahinang tanong ko sa harap ng pinto, hindi binubuksan iyon.

"I'm home, Dainty Arabelle," mahina niyang tugon, maging ang paghikab ni Hee Yong ay aking narinig.

"Sige." Iyon lang ang isinagot ko saka ako nagbaba ng tingin sa mga kamay ko.

"I was looking for you earlier," mas narinig ko na ang tinig niya. "I...came here...just in case you're wondering...whatever," bumuntong-hininga siya, animong naiinis pa.

Napatitig sa pinto nang may hindi maipaliwanag na lungkot sa dibdib. Nalilito ako, hindi ko siya maintindihan. Sa mga nagdaang araw ay hindi niya maalis ang tingin sa aking mukha. Napakaraming sandali na napapangiti siya na animong may iniisip tungkol sa akin. Maging ang mga ngiti niya sa t'wing babanggitin ko ang kaniyang pangalan ay may iba nang kahulugan sa akin, hindi ko lang maamin. Dahil ito ang kinatatakutan ko. Na baka ang gusto ko lang maramdaman at isipin ang tama sa mga iyon. Dahil para sa kaniya ay wala naman iyong ibig sabihin.

"Good night, Dainty," mahina na namang aniya.

"Good night."

"Dainty..."

"Ha?"

"Say my name..."

Nakagat ko ang aking labi saka nakangusong nagbaba ng tingin. "Ayaw ko." Iyon lang at tinalikuran ko na ang pinto at naglakad pabalik sa kwarto.

Nilingon ko ang pinto bago tuluyang pumasok. Sa maliit na siwang sa ilalim niyon ay nakikita ko pa ang paanan nila ni Hee Yong. Pare-pareho kaming nanatili roon nang ilan pang saglit. Pumasok ako nang tuluyan na silang umalis.

To be continued. . . 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top

Tags: #maxinejiji