CHAPTER 16


CHAPTER 16

NAPANGITI AGAD ako nang magising kinabukasan. Nilingon ko ang balkonahe at nakita ang kalangitan, natanaw ko rin ang karagatan at lalo pang napangiti. Si Maxrill agad ang laman ng isip ko dahilan para bumangon ako nang hindi na nawawala pa ang ngiting iyon. Panay ang pagkanta ko habang naghihilamos at nagsesepilyo, talagang masaya ako. Hanggang sa pagsusuklay ay kumakanta ako. Natigil lang iyon nang lumabas ako ng kwarto.

"Good morning...crush."

Gano'n na lang ang paghakbang ko pabalik sa kwarto nang mukha ni Maxrill ang mabungaran ko. Natutop ko ang sariling bibig at nakangusong isinara ang pinto.

Napakaaga niya namang pumunta rito? At...anong crush?

Dali-dali akong bumalik sa banyo ngunit sa pagkakataong iyon ay naligo na ako nang deretso. Ayaw kong makita ako ni Maxrill nang iyon pa rin ang suot, nang ganoon pa rin ang itsura.

Dahil sa sobrang pagmamadali ay humahangos ako nang matapos. Kumalma lang ako nang tuluyan na muling lumabas.

Nasulyapan ko ang sarkasmo sa mahinang tawa at ngisi ni Maxrill nang matanaw muli ako. Naroon siya sa puting mesang nasa tabi nang mataas at malaking bintana. Natatamaan ng liwanag ang kaniyang mukha sa t'wing liliparin ng hangin ang kurtina. Dahilan para lalo siyang magliwanag sa paningin ko. Nakapandekwatro at nakapatong ang isang siko sa mesa habang hawak ang tasa ng kape. May suot siyang puti na shirt na pinaibabawan ng mapusyaw na asul at nakabukas na polo, nakasabit sa dibdib niyon ang itim na salamin. Pares niyon ang mapusyaw na maong shorts at itim sa tsinelas.

Nailang ako dahil sa mukha ko na nga dumapo ang paningin niya ay mukhang hindi niya pa inaalis iyon. Panay ang pagnguso ko habang nakayuko.

"Again, good morning, Wednesday," aniya nang makalapit ako, iba na ang tawag kaysa kanina.

"Good morning," walang kasinghina ang boses ko.

"Nice voice, huh?" nakangising dagdag niya.

Napatitig ako saka nag-iwas. "Ano..."

"Crush..." mahinang dagdag niya dahilan para muli akong mapatitig. Nilabanan niya iyon sa nakakailang na paraan dahilan para mauna akong mag-iwas.

Nang muli ko siyang sulyapan ay mataman niya nang tinitingnan ang kabuuan ko. Gano'n na lang ang pagkakunot ng kaniyang noo.

"What...are you wearing?" kapagkuwa'y masungit niyang tanong.

Natigilan ako at nagbaba ng tingin sa berde kong bestida. Isa iyon sa paborito ko at may ilang beses na ring naisuot. May isang dangkal ang agwat niyon sa talampakan at lumalampas lang sa siko ang manggas. Kwadrado ang kwelyo niyon at may butones na mula sa dibdib hanggang sa tiyan.

"Bakit?" inosenteng tanong ko.

Napabuntong-hininga siya. "This is an island, Wednesday," seryosong aniya saka nag-angat ng tingin sa akin.

May kung ano sa aking inaasam na muli niyang tawagin sa sarili kong pangalan. Napabuntong-hininga ako sa pakiramdam na 'yon.

"Ano..." napahiya agad ako. "Ganito talaga ako manamit."

"Yeah, I can see that," ngumisi siya at lumaghok sa tasa.

Pakiramdam ko ay gusto kong tumakbo pabalik sa kwarto at palitan ang suot ko, ngayon lang nangyari 'yon. Pero lahat ng dala kong damit ay ganito. Kahit iyong mga nasa bahay ay ganito. Dahil ang tanging kaya kong ipakita sa katawan ko ay mukha, leeg, kamay at paa, wala na.

Inalala ko si Ate Yaz pero nakauniporme siya nang una kong makita rito. Naalala ko rin tuloy si Bree, kung paano siyang mamili ng mga damit na ibinase niya kay Ate Yaz. Hindi ko makita kay Ate Yaz iyong mga bulgar na damit na pinagbibibili ng bunso kong kapatid. Napapaisip tuloy ako kung iyon ba talaga ang gustong pananamit ni Maxrill. Pero sa paraan niya ng paninita sa suot ko ngayon ay hindi malabong ganoon nga.

Hinanap ng paningin ko si nanay. "Nasaan si nanay?" kapagkuwa'y tanong ko. Noon ko lang din natanawan si Hee Yong na nakadapa sa sahig at animong nanunuyang tumitig sa akin. Kakaiba si Hee Yong, maraming ekpresyon ang kaniyang mga mata.

Tumitig na naman sandali si Maxrill sa mukha ko saka nag-iwas ng tingin at doon ngumiti.

"Fishing," matagal, nakangiti pa rin niyang tugon. Iyong ngiti na para bang may naiisip siya, nakakaantig ng interes ng nakakakita.

Umawang ang labi ko. "Hindi siya nagpaalam sa 'kin," pagnguso ko habang nakalingon sa pinto.

Naibalik ko kay Maxrill ang paningin nang humalakhak siya. "Seriously?"

Ngumuso ako. "Dapat ay ginising ako ni nanay."

"Hmm," ngumisi siya saka muling lumingon sa labas ng bintana.

Interesante talaga ang pagkakangisi niya, parang gusto ko tuloy malaman kung ano ang naiisip niya para maging gano'n siya kagwapo. Pakiramdam ko ay gano'n na lang na nakakatuwa 'yon.

"Kahit ako..." nakangiwi man ay naro'n pa rin ang ngiti sa kaniyang labi. Inilapag niya ang tasa saka magkakrus ang mga brasong tumingala muli sa 'kin. "Hindi kita gigisingin."

Nangunot ang aking noo. "Bakit?"

Nabawasan ang ngiti sa kaniyang labi. 'Ayun na naman 'yong paglalakbay ng paningin niya sa kabuuan ng aking mukha. Hindi ko talaga maiwasang mailang, naibaba ko ang tingin at napalunok.

"Sit down," aniyang isinenyas ang kaharap na silya.

Ngumuso ako. Bakit hindi niya sinagot ang tanong ko? Paano niya nasabing hindi rin niya ako gigisingin? Napabuntong-hininga ako at napatitig sa silyang kaharap niya. Nagdalawang-isip ako kung mauupo, hindi ako sigurado kung kaya ko nang tagalan ang kaniyang presensya. Bagaman hindi ko na uli naranasang kapusin ng hininga.

"I think I'm hungry," bigla ay sabi niya, sa animong nagdedesisyong tono. Napamaang ako. "Yeah, I am hungry." Kunot-noo siyang tumingin sa 'kin, nakapagdesisyon na.

"Ano..." napalingon ako sa kitchen island at mabilis na dinaanan ng tingin ang ref. Nasulyapan ko pa siya ng minsan bago tuluyang lumapit doon.

Pero walang maluluto bukod sa gulay. Panay karne naman ang laman ng freezer at walang isda. Kaya siguro namimingwit si nanay. Binuksan ko ang cabinet at may nakitang mga de late. Napabuntong-hininga ako at sinulyapan ang orasan, mag-a-alas otso y media na ng umaga.

"Magluluto ako ng agahan," sabi ko.

"Yeah?" masaya ang tinig na tugon niya saka tumayo at nakapamulsang naglakad patungo sa kitchen island. Naupo siya sa high chair at nangalumbabang tumingin sa 'kin. "Okay, Wednesday."

Panonoorin niya ba ako? Kunot-noo akong tumitig sa kaniya. Ngunit hindi ko na yata matatagalan pa ang kaniyang tingin kaya agad akong nag-iwas. Sa halip ay inabot ko ang de lata at sinubukan iyong buksan.

"Have you tried fishing, Dainty Arabelle?" bigla ay tanong niya. Hindi ko inaasahang tatawagin niya ako sa pangalan kaya gano'n na lang ang pagkakahinto ko sa ginagawa.

Nang muli naman akong kumilos ay naihulog ko ang pin ng de lata. "Ano..." pinulot ko 'yon saka muling sumulyap sa kaniya. "Hindi pa, Maxrill Won."

"Hmm," matamis siyang ngumiti, animong pinipigilan ngunit hindi nagwagi. Dumapo ang kaniyang paningin sa mga kamay ko. "Have you tried swimming?"

Natuon sa kung saan ang aking paningin bago napabuntong-hininga. "Hindi pa rin."

"Hmm. Wanna go swimming with me?"

Umawang ang labi ko at napalingon sa kaniya. "Ako?"

Napatitig siya sa 'kin, natitigilan. "May iba pa ba akong kakausapin dito?" iginala niya ang paningin sa lugar, sarkastiko.

Napabuntong-hininga ako. "Ano..."

"Ano?" ginaya na naman niya ako.

Napanguso ako. "Kasi..."

"Kasi?" ginagaya niya nang sadya ang aking tono, lalo pa akong napanguso.

"Na...hihiya akong mag-swimming," sa wakas ay nasabi ko. Napatitig siya sa akin, nakita ko nang mangunot ang kaniyang noo. "Kasi...'yong ano..."napapailing akong nagbaba ng tingin sa paa ko.

Nang muli akong mag-angat ng tingin sa kaniya ay naroon na rin sa paanan ko ang kaniyang paningin. Naiatras ko ang prosthesis ko saka muling nag-iwas ng tingin sa kaniya.

"Ayaw ko," awtomatiko kong pagtanggi. Gano'n na lang kabilis gumapang ang panghihinayang sa dibdib ko. Dahil alam ko sa sarili kong gusto kong lumangoy nang kasama siya.

Nakita kong magsasalita na sana si Maxrill nang bumukas ang pinto at pumasok si nanay kasama si Aling Wilma.

"Naku, paniguradong gutom na itong mga alaga ko!" nakangising ani Aling Wilma. "'Sabagay, hindi napapansin ang gutom kapag nalilibang ka sa pakikipag-usap," dagdag niya na nakangiti kaming pinagpalitan ng tingin ni Maxrill.

"I'm hungry, Wilma," ani Maxrill.

"Naku, ikaw pa? Inaasahan ko na 'yan, Maxrill. Si Hee Yong, gutom na rin 'yon panigurado."

"He's full."

"Pinakain mo?"

"Nope," nakangiwing ani Maxrill saka nakapamulsang hinarap ang taga-luto.

"Oh, e, bakit busog?"

"I offered him a biscuit, he refused to eat it. You fed him. He pooped earlier than usual."

"Huh? Hindi, ah."

"Then who?" masungit na ani Maxrill. "You gave him food, habang ako, hindi. So, who's your boss?"

Nagtaas ng kilay si Aling Wilma, nagtataray. "Si Maxwell," mas masungit nitong tugon. "Saka anong food? Ngayon pa lang ako pumunta rito. Ang totoo ay nakasalubong ko lamang si Heurt kaya sinamahan ko nang mamili ng lulutuin. Tag-ulan ngayon, malikot ang mga isda kaya mahirap mamingwit."

Nangunot lalo ang noo ni Maxrill. "Whatever, Wilma. I'm hungry. Feed me."

"Wait."

"I can't wait. I'm gonna be late."

"Maxrill?" 'ayun na ang nagbabantang tinig ni nanay. "Kausapin mo muna si Dainty diyan."

"Tsh. Her name is Wednesday." Sumulyap si Maxrill sa akin saka nakangiting nag-iwas ng tingin.

"Bakit Wednesday?" ani nanay na pasimple ring sumulyap sa 'kin upang bigyan ako nang nanunuksong tingin.

"The first time I met her was my birthday, she looked like Wednesday Addams then," sinabi ni Maxrill iyon nang nakatingin sa akin habang nakangisi na animong nang-aasar pa.

"Kung ganoon ay hindi mo nakalimutan?"pabirong ani nanay na pareho naming ikinagulat ni Maxrill. Sabay kaming napalingon sa kaniya. "Iba talaga ang talas ng inyong memorya. Pare-pareho kayong magkakapatid."

Hindi ko alam kung talaga bang iyon ang tinutukoy ni nanay. Sa tono niya kasi kanina ay para bang tinutukso niya si Maxrill na hindi ako nalimutan nito.

Tumikhim si Maxrill. "Well..." iyon lang ang isinagot niya.

Sandaling natahimik ang buong silid. Nag-usap sina nanay at Aling Wilma. Tumulong ako sa paglalabas ng mga pinamili nila upang maiwasan ang tingin at presensya ni Maxrill. Pero nang matapos ako ay hindi ko na uli alam ang gagawin.

"Bakit hindi mo muna igala si Dainty habang nagluluto kami?" suhestiyon ni Aling Wilma.

"Oo nga naman," segunda naman ni nanay.

Nagsalubong ang paningin namin ni Maxrill at nasisiguro kong sabay rin kaming nag-iwas. "Lalo akong magugutom."

"Tiisin mo," ani Aling Wilma.

"What did you say?" asik ni Maxrill, napakasungit niya.

"Oh, bakit? Bisita si Dainty Arabelle dito, Maxrill."

"So?"

"Dapat lang na igala mo siya."

"I invited her to swim and she rejected me."

"Talaga ba?" nagugulat na sabat ni nanay.

"Tsh." Inis akong sinulyapan ni Maxrill saka nag-iwas ng tingin.

"Bakit ayaw mo, Dainty?" baling sa 'kin ni nanay.

"'Nay..." sa tono ko ay para bang ipinararating ko na sa kaniya ang dahilan ko.

Bumuntong-hininga si nanay. "Ayos lang 'yon."

"Pero..."

"Hindi mo pa nararanasang lumangoy sa dagat, hindi ba?" mahinahong ani nanay sa nanghihikayat na tono. Tango lang ang naisagot ko. "Ito na ang pagkakataon mo. Isa pa, isa sa pinakamagandang isla sa bansa ang Palawan. Pagsisisihan mo kapag hindi mo man lang naranasan ang dagat dito. Marami ngang dumarayo pa sa bansang ito para sa Palawan. Maaari kang dalhin ni Maxrill sa Coron at El Nido. Bagaman masasabi kong ang lugar na ito ang pinakamaganda sa kabuuan ng Palawan."

"There's no need to go to El Nido or Coron, Heurt," maagap na sagot ni Maxrill, nilingon si nanay. "Besides, lahat ng lugar ay gumaganda basta ako ang kasama."

Umawang ang labi ko. Nagbibiro ba siya? Napatitig ako sa mukha ni Maxrill pero walang kasing inosente iyon. Wala ni katiting na bahid ng pagbibiro ang kaniyang itsura maging nang mag-angat ng tingin sa akin.

"What now, Wednesday?" asik niya.

"Pero...kasi...ano..." nag-aalangang tugon ko. "Hindi naman po iyon ang...ipinunta natin dito, hindi ba, 'nay?"

"Oo nga, pero bakit hindi mo na rin libangin ang sarili mo rito? Sayang ang pagkakataon. Hindi mo alam kung kailan ka pa uli makakabalik dito. Mag-aaral ka pa ng panibagong kurso."

Nilakasan ni nanay ang mga huling salita, ang mga mata ay nasa akin pero ang mukha ay nasa gawi ni Maxrill. Hindi ko naiwasang isipin na pinaririnig niya nang sadya ang sinasabi.

"Nice," ngiti ni Maxrill.

"Gusto niyang maging vet," dagdag ni nanay.

Nakita ko nang sumeryoso si Maxrill. "You like...animals?"

"Naku, meron iyang aso," si nanay ang sumagot.

Nanatili sa akin ang paningin ni Maxrill. "Yeah?"ngumiwi siya saka tumango-tango. Nilingon niya si Hee Yong saka muling sumulyap sa 'kin. Napanguso ako at nag-iwas ng tingin. "So?"

Naibalik ko ang tingin kay Maxrill. Nahugot ko ang aking hininga at hindi iyon maibuga. Nape-pressure ako sa kanila.

"Hindi kasi ako k-komportableng ipakita sa iba ang p-paa ko," gumagaralgal man ang tinig ay iyon ang sinabi ko. "May...diperensya ang kanang paa ko, Maxrill Won. Prosthesis na lang 'to," nakayukong dagdag ko.

Nang hindi makatanggap ng sagot ay unti-unti kong ibinalik ang paningin kay Maxrill Won. Gano'n na lang ang pagkagat ko sa aking labi nang mabasa ang paghanga sa kaniyang mga mata. Ang lakas ng dating niya sa pagkakasandal sa silyang kinauupuan, habang nakapamulsa ang parehong kamay at deretsong nakatingin sa akin.

"I have an island," bigla ay sinabi ni Maxrill. Nagugulat ko siyang tiningnan, inaalam kung seryoso ba siya o nagbibiro. "You can wear whatever you want there," nakangiwi niyang dagdag saka sinulyapan ang mga nagluluto. "What now, Wilma? I can't be late, my brother will kill me."

"'Eto na nga!" mas mataray talaga si Aling Wilma.

May sariling isla si Maxrill?

Nagugulat pa rin akong tumingin sa kaniya. Pero 'ayun na siya at kunot-noong pinanonood si Aling Wilma na ilatag sa mesa ang mga luto na at nagmamadaling tinapos ang iba pa. Wala sa sarili akong dumako sa kabinet ng kape at panay ang pagsulyap kay Maxrill habang nagtitimpla.

Ganoon talaga sila kayaman... Napabuntong-hininga na lang ako.

"Dito ka ba uuwi mamaya?" tanong ni Aling Wilma nang kumakain na kami.

"Hmm, I'm not sure," sagot ni Maxrill.

Hindi ko naiwasang magtaka kung ilang bahay ba ang meron siya para itanong iyon ni Aling Wilma. Naisip kong usisain na lang si nanay mamaya.

"Baka gabihin ka na naman ng uwi?" sabi na naman ni Aling Wilma.

Kunot-noo itong tiningnan ni Maxrill. "So, you're watching me now, Wilma?"

"Oh, bakit? Iyon ang habilin ng mga magulang mo. Pasalamat ka't hindi kita isinusumbong diyan sa gabi-gabing pag-iinom mo."

Pinagkrus ni Maxrill ang mga braso at sumandal. Saka niya deretsong pinanlisikan ng mata si Aling Wilma. "Tell them, then," naroon ang pagmamalaki sa tinig niya. "I'm not afraid of you, Wilma."

"Eh, di napagalitan ka?" naroon din ang pagmamalaki sa ngisi ni Aling Wilma. "Magagalit ang mommy mo kapag nalamang umiinom ka gabi-gabi. Maging si Director Mokz ay pagagalitan ka."

Ngunit mas mapagmalaki ang ngisi ni Maxrill. "Who told you?"

"Naku, maniwala ka sa akin, alam ko 'yan."

"Trust me, Wilma. I'm a del Valle," ani Maxrill.

Napatitig ako sa kaniya at wala sa sariling napangiti. Kahanga-hangang sa kabila nang mayabang niyang tono ay talagang nagtiwala ako. Hindi man ako ang kaniyang kausap.

Hindi na nakapagsalita si Aling Wilma, naisip ko tuloy na gaya ko ay nagtiwala rin siya kay Maxrill na hindi ito pagagalitan ng pamilya.

"Pero bakit nga ba umiinom ka gabi-gabi?" si nanay naman ang nagtanong.

"We already talked about this, Heurt," nauubos ang pasensya ni Maxrill sa panggigisa nila. "I just want to have fun."

"Ginagawa naman niyan kahit anong gusto niya. Hinahayaan na lang din siya," sabat na naman ni Aling Wilma. "Paano'y brokenhearted."

"Watch your mouth, Wilma!" asik ni Maxrill.

"Oh, bakit? Hindi ba? Alam ng buong Palawan na brokenhearted ka, Maxrill Won."

"Shut up."

"Kulang na nga lang ay mag-uwi ka ng babae! Mas ipinagtataka ko pang hanggang ngayon ay wala akong nakikita. O baka naman..." ngumisi si Aling Wilma.

"What?" hamon ni Maxrill.

"Doon mo sa kabilang bahay mo dinadala?"

"Wala pang babae na nakapasok sa kwarto ko maliban kay mommy at kay noona," seryoso na si Maxrill.

"Wala?" pinandilatan siya ni Aling Wilma.

"Wala."

"Ayokong maniwala."

"Then, don't, Wilma."

"Mamatay man?"

"Seriously?" sinamaan ito ng tingin ni Maxrill.

"Wala pa talagang nakapasok sa kwarto mo maliban sa mommy at ate mo?" talagang ginigipit siya ni Aling Wilma, hindi na lang sabihing hindi siya naniniwala.

Kunot-noong nag-iwas ng tingin si Maxrill. "Well...aside from them, may...isa pa lang."

"'Kita mo na!"

"I don't want to talk about it."

"Oh, bakit hindi?"

"Because I don't want to. And you're annoying, Wilma."

"Si Yaz 'yan, 'no?" walang preno ang bibig ni Aling Wilma.

"You!" inis na singhal ni Maxrill pero hindi man lang tumiklop si Aling Wilma.

Hindi ko inaasahang magtatama ang paningin namin ni Maxrill. Hindi ko masiguro kung tama ba ang alinlangang nababasa ko sa mga mata niya. Ayaw kong umasa pero napakahirap pala no'ng pigilan kapag kaharap mo na siya. Ako ang unang nag-iwas ng tingin at basta na lang tumayo upang kumuha ng maiinom. Gayong meron naman doon sa mesa.

Si Ate Yaz nga kaya ang nakapasok sa kwarto ni Maxrill Won maliban kina Ate Maxpein at Tiya Maze?Humigpit ang pagkakahawak ko sa babasaging pitsel. Ano naman ang ginawa nila roon? Hindi ko maintindihan kung bakit kailangang bumilis ng aking paghinga. Gano'n na lang din kalalim ang buntong-hininga ko.

"I am going to kill you, Wilma," dinig kong ani Maxrill kahit mahina iyon.

"Isusumbong kita kay Maxwell, pinagbabantaan mo 'ko nang ganyan, ah?"

"I am leaving!" asik ni Maxrill, pikon na pikon na. "In my country"

"Oo na, umalis ka na, sige'ng kuda, 'sus ginoo."Tumayo si Aling Wilma at itinulak pa papunta sa gawi ng pinto si Maxrill. Animong siya pa ang napapagod sa mga sinasabi nito.

Lumingon ako sa gawi nila at sa hindi na naman inaasahang pagkakataon ay nagtama ang paningin namin ni Maxrill. Nakita ko siyang bumuntong-hininga. Awtomatiko naman akong nag-iwas ng tingin at bumalik sa mesa.

"Wednesday," hindi ko inaasahang tatawagin ako ni Maxrill.

"Ha?" inosente akong napalingon sa gawi niya.

"I said I'm leaving."

Umawang ang labi ko. Galit ba siya? "Sige."

"What sige?"

"Ano..." nalito na agad ako kung ano ang dapat kong sabihin. Ano ba ang inaasahan niyang sasabihin ko? "Ingat ka," iyon ang naidagdag ko.

"Seriously?" kunot-noong aniya.

"Ano..." nakagat ko ang aking labi at nasulyapan si nanay na ngingisi-ngisi. "Huwag kang magpapagutom...Maxrill Won," pahina nang pahinang sabi ko, napanguso ako sa dulo.

Awtomatiko siyang ngumiti. "Okay."

Nangunot ang noo ko at sinundan siya ng tingin. Tila hindi na nawala pa ang ngiting iyon sa kaniyang labi nang tawagin si Hee Yong hanggang sa maisara ni Aling Wilma ang pinto. Tuloy ay gusto kong malaman kung alin ba sa mga sinabi ko ang nakapagpangiti sa kaniya. Iyong huwag siyang magpapagutom...o ang pagtawag sa pangalan niya. Napabuntong-hininga ako sa pag-iisip.

"Haaay, pag-ibigay nga naman," ani Aling Wilma nang makabalik sa mesa. "Napakaganda namang talaga kasi niyang Zaimin Yaz na 'yan," nakataas ang kilay na aniya.

Natawa si nanay saka sumulyap sa akin pero wala na muling nagsalita. Tahimik naming tinapos ang pagkain. Ang tungkol sa napag-usapan ay hindi na nawala pa sa isip ko. Gustuhin ko mang magtanong ay hindi ko magawa, pinangungunahan ako ng hiya.

Inimbita ako ni Aling Wilma na maghatid ng meryenda kina Kuya Maxwell at Maxrill sa ospital. Pinilit din akong sumama ni nanay. Pero tumanggi ko. Pero nang yayain ako ni nanay na lumabas ay hindi na ako nakatanggi. Ayaw kong isipin niya na naapektuhan ako sa naging usapan nina Aling Wilma at Maxrill kaninang umaga.

May sumundo sa aming yate bagaman hindi na si Mang Pitong ang nagpapaandar niyon. Tuluyang nawala ang lahat ng iniisip ko nang makita ko kung gaano kaganda ang lugar.

Wow...

Hindi ko mapangalanan ang saya at masarap na pakiramdam na dulot nang pagtanaw lang sa paligid. May kung ano tuloy sa akin na gustong tumira doon. Sobrang payapa. Bukod sa tunog ng makina ng yate ay tubig dagat, huni ng ibon at sayaw na ng mga puno ang maririnig.

"Napakaganda rito, 'nay," nakangiti kong sinabi nang makababa kami sa panibagong isla na aming pinuntahan.

"Walang lugar dito na hindi maganda, Dainty,"nakangiting ani nanay. Saka bumuntong-hininga. "Pero saka na kita igagala, ha? Sa ngayon ay may kailangan tayong puntahan."

Nag-angat ako ng tingin sa kaniya at ipinagtaka ang lungkot na nababasa sa kaniyang mga mata sa kabila ng ngiti niya.

Isinabit ko ang aking kamay sa braso ni nanay saka sumabay sa kaniya patungo sa mga kabahayan. Humigpit pa ang hawak ko nang makitang dumapo sa amin ang paningin nang mga taga-roon. Ipagtataka ko na sana ang dami ng taong sumalubong sa amin nang matigilan ako sa trapal na nakatabing sa isang bahay. Magtatanong na sana ako nang matanawan ko si Mang Pitong sa loob ng bahay at naroon sa tabi ng kabaong.

"Nakikiramay kami, Pitong," mahinang ani nanay nang makapasok.

Mukhang ganoon na lang kalalim ang pag-iisip ni Mang Pitong. Hindi man lang yata nito napansin ang pagpasok namin.

"Nakikiramay po ako, Mang Pitong," nasabi ko matapos pasadahan ng tingin ang kabuuan ng sala.

Pilit na ngiti ni Mang Pitong ang lumingon sa amin. Hindi ko maiwasang malungkot sapagkat malayo iyon sa nakita kong sumundo sa amin.

"Ang sabi ko naman sa kaniya ay iwasan niya na ang pagkain nang matataba, sige pa rin nang sige," buntong-hininga ni Mang Pitong habang ang paningin ay naroon sa kabaong. "Nagsasawa raw siya sa isda kaya'ayun...inabuso ang pagkain ng taba ng baboy. Ako tuloy ang napagdiskitahan ni Maxwell. Pulos gulay na lang ang ipinakakain sa akin ni Maxrill." Nagbaba siya ng tingin sa mga kamay at muling umiyak.

Wala sa sarili akong napalapit at yumakap kay Mang Pitong. "Para lang po iyon sa ikabubuti ninyo, Mang Pitong."

Nagugulat man ay nakangiting tumango-tango si Mang Pitong saka hinagot ang likuran ko. "Salamat, bagay."

"Darating ang mga Moon upang makiramay."

Hinayaan kong mag-usap sina nanay at Mang Pitong. Tahimik akong nanatili sa tabi nila. Tuloy ay napansin ko ang mga matang nakatuon sa akin. Napanguso ako nang makitang halos lahat ng bisita ay tinititigan ako. Natural iyon dahil ngayon lang ako sa lugar na 'yon. Pero hindi ko pa rin maiwasang mahiya dahil gano'n na talaga ako.

Hindi ko inaasahang aabutin kami ng hapon doon. Tumulong kami sa pag-aasikaso ng iilan lang namang mga bisita. Nagpresinta si nanay na ipagluto ang mga nakikiramay. Halos pamilya lahat ni Mang Pitong ang naroon at lahat sila ay nagluluksa. Iyon na lang ang maitutulong ni nanay sa mga ito.

"Nandiyan sina Maxwell at Maxrill." Nanlaki ang mga mata ko nang marinig ang isang magsabi niyon nang matapos kaming magsilbi ng sopas, kape at tinapay.

Hindi ko malaman kung saan ako lilingon nang sa gilid ng mga mata ko ay makita ko nga ang magkapatid na paparating. Magpa-panic na sana ako nang maunahan ako ng ibang kabataang babae roon. Nakita ko kung paano nilang hinangaan ang magkapatid at mag-unahan pa sa pagbati sa mga ito. Ngunit tanging si Kuya Maxwell ang pumansin sa mga iyon. Dahil tila hindi na maalis ni Maxrill ang paningin nang dumapo iyon sa 'kin.

"I was not expecting to see you here, Dainty Arabelle." Gusto kong isiping natural ang tamis ng ngiti sa kaniyang labi pero may kung ano ring nagsasabi sa 'kin na nagustuhan niyang makita ako rito.

Ngumiti ako. "Magandang gabi, Maxrill Won."

Nakagat ko ang aking labi nang mas lalo siyang ngumiti. Kung hindi niya nalingunan si Mang Pitong ay parang mapupunit na ang kaniyang labi. Awtomatikong nabura ang lahat ng ngiti niya, na maging ang mga mata ay tumamlay na.

"I'm so sorry, dude," mahinang ani Maxrill kay Mang Pitong.

Pilit na ngiti ang itinugon nito. "Maupo ka, bagay."

"Mang Pitong," si Kuya Maxwell naman ang lumapit.

Gaya ni Maxrill ay hindi nito inaasahang makikita kami. Sandali siyang nakipagtanguan kay nanay at ngumiti sa akin, saka lumapit kay Mang Pitong at niyakap ito.

"Mang Pitong," si Kuya Maxwell. Napabuntong-hininga ako sa kaniyang itsura. Malalim at nangingitim ang palibot ng mga mata. Sa iilang araw naming hindi pagkikita pakiramdam ko ay bumagsak bigla ang timbang niya. Matamlay at marahil ay kung kulang sa tulog dahil sa namumugtong mga mata. Ganoon talaga siguro siya kaabala sa trabaho.

"Bagay..."

"I'm really sorry, Mang Pitong," dinig ko ang mahinang tinig ni Kuya Maxwell. "I tried my best."

"Alam ko naman iyon, Maxwell, ano ka ba..."Halatang pinipilit lang ni Mang Pitong na maging matatag. "Hindi mo alam kung gaano kaming nagpapasalamat dahil nakita namin ang tindi nang kagustuhan mong maisalba ang kaniyang buhay. Ang totoo nga ay nahihiya kami sa iyo sapagkat naudlot ang plano mong mag-propose kay Yaz."

"It's okay," maagap na sagot ni Kuya Maxwell.

Umawang ang labi ko sa pakikinig saka wala sa sariling nilingon si Maxrill. Napako sa kung saan ang kaniyang paningin at hindi mapangalanan ang reaksyon sa mukha. Hindi ko maiwasang isipin na may kung anong bumabagabag sa kaniya. Gusto ko man iyong alamin ay hindi ko kaya.

Nagsalita si Maxrill, si Kuya Maxwell ang kausap, sa hindi ko naintindihang salita. Pabuntong-hininga niyang tinapik sa balikat si Mang Pitong at nakipagpalitan ng ngiti rito. Minsan siyang sumulyap sa 'kin bago kami tinalikuran at lumabas.

Hindi ko alam kung paanong nararamdaman ko rin ang lungkot niya. Ang bigat ng kaniyang mga hakbang ay para bang naroon din sa aking mga paa. Ang lalim ng kaniyang iniisip ay akin ding nasisisid. May kung ano sa akin na para bang alam ang lahat ng pinagdaraanan niya gayong wala naman talaga akong ideya.

"Samahan mo si Maxrill, anak," kapagkuwa'y bulong ni nanay.

Nagugulat ko siyang nilingon. "Po?"

Ngumiti si nanay at tumayo. "Samahan mo lang, sige na."

Napatitig ako kay nanay, inaalam kung nagbibiro ba siya. Pero nakangiti man ay seryoso si nanay. Maging ang panunukso ay hindi ko naman nahihimigan sa kaniyang tono.

"Sige po," kinabahan man ay tinanaw ko ang daan palabas bagaman hindi ko matanaw si Maxrill.

Kumuyom ang mga palad ko saka wala sa sariling naglakad papalabas. Madilim man ay natanaw ko agad si Maxrill. Naroon siya sa harap ng dalampasigan, nakapamulsa ang parehong kamay at tinatanaw ang dulo ng dagat.

Huminto ako sa paglalakad nang mapantayan ko ang kinatatayuan niya. Nagugulat niya akong nilingon dahilan para ngumiti ako.

"What are you doing here? Malamig dito,"pabuntong-hiningang aniya nang mag-iwas ng tingin.

Mas napangiti ako. "Ayos lang, mahaba naman ang suot ko."

Muli siyang lumingon sa 'kin saka sinuyod ng tingin ang kabuuan ako. Napapailing siyang tumawa saka muling tinanaw ang dagat. "Yeah, right."

"Saka mas malamig pa rin noong puntahan kita nang bumabagyo."

Muli niya na naman akong nilingon. Nanliliit ang mga mata niya akong tinitigan saka inilingan. "So, ako talaga ang pinuntahan mo?"

Nanlaki ang mga mata ko. Patay... "Ano..." huli na para mangapa ng dahilan. "Medyo..."

"Medyo?"

Napanguso ako. "Nagpapaulan ka kasi."

"Hmm."

"Masamang magpaulan, Maxrill Won," doon ko na itinuon ang aking paningin sa malayo. "Ano kasi..."talagang hindi ako mahinto sa pangangapa ng idadahilan. Sobra na ang aking kaba. "Baka kasi u-umiyak ang kapatid ko kapag nalamang...may sakit ka." Napapikit ako sa huli. Dainty... Ngayon pa lang ay nahihiya na ako sa aking sinabi.

"Hmm." Dinig ko ang matunog niyang pagngisi. "Siya o ikaw?"

"Ha?" nagugulat ko siyang nilingon.

Ngumisi siya at tumitig sa 'kin...nang matagal. "Mas gusto ko kung sasabihin mong...ikaw."

"Ang iiyak?"

"Ang nag-aalala."

"Bakit?"

Matunog siyang ngumiti ngunit hindi sinagot ang tanong ko. "Give me your hand."

"Ha?"

Sa halip na sumagot ay inilahad niya ang kamay at tinanguan ako. Sa gano'ng paraan sinasabing tanggapin ko ang kamay niya.

Kabado kong tiningnan ang kamay niya saka sinulyapan ang dagat. Nakagat ko ang aking labi saka nagbaba ng tingin sa aking paanan.

Umiling ako. "Hindi ko kaya."

"Because you haven't tried it."

"Pero..."

"Just give me your hand, Dainty."

Lumaylay ang mga balikat ko. "Natatakot ako."

"I'm with you."

Umawang ang labi ko at muling napatitig sa kaniya. "Makikita mo ang paa ko."

"I can't even take my eyes off your face, tsh."

"Ha?"

"Just give me your hand."

Nag-aalinlangan kong inabot ang kamay ko at sigurado akong naramdaman niya ang nginig niyon. Napatitig ako sa kamay naming magkahawak, 'yon yata ang bumuhay sa kaba ko. Nahugot ko ang aking hininga nang marahan siyang magbaba ng tingin sa aking mga paa habang hinuhubad niya ang balat niyang sapatos. Naiiwas ko ang aking paa dahilan para muli siyang mag-angat ng tingin sa akin. Nakagat ko ang aking labi nang marahan niya akong hilahin papalapit sa tubig.

"Maxrill Won..." nahila ko pabalik ang kamay ko ngunit mas humigpit ang hawak niya.

"Trust me, will you?"

Napapikit ako nang maramdaman ko ang malamig na tubig sa paanan ko. Pero gano'n na lang ang aking pagngiti nang hilahin ng dagat ang tubig at muling itulak papalapit sa akin. Napatitig ako sa kaniya at hindi ko naiwasang ipakita ang aking tuwa.

Hinila ko nang bahagya pataas ang laylayan ng aking bestida upang hindi iyon mabasa. Saka ako muling napangiti nang maramdaman ang alon ng tubig. Paulit-ulit kong nilibang ang sarili ko roon saka wala sa sariling napangiti kay Maxrill Won.

Nakatitig pa rin siya sa akin. "Still uncomfortable?"

Umiling ako. "Hindi na."

Ngumiti siya. "Everything is a bit uncomfortable at first until you give it a shot. Now tell me, how does it feel?"

Nakagat ko ang aking labi saka lalong ngumiti. "Thank you. Masaya ako."

Nakangiti siyang tumitig sa 'kin. "I can see that. I like it when you smile. You're so cute."

Nagsalubong ang tingin namin saka siya ngumiti sa akin. Hindi ko iyon natagalan, naiilang akong nag-iwas ng tingin. Napabuntong-hininga ako at napatitig sa buwan. Wala sa sarili akong napangiti nang makita iyong humalik sa dagat. Napakalaki niyon at animong sobrang lapit.

"Ang ganda-ganda ng buwan, 'no?" hindi ko namalayan ang sarili kong nagsasalita. "Saulo ko naman ang itsura at lahat ng hugis niya pero..." lalo pa akong napangiti habang nakatitig doon. "T'wing makikita ko siya, paulit-ulit pa rin akong nagagandahan sa kaniya."

Nilingon ko uli si Maxrill at natigilan nang makitang sa akin pa rin siya nakatingin. Naramdaman ko nang mawala ang ngiti sa labi ko. Nag-iwas ako muli ng tingin nang mangibabaw na naman ang pagkailang sa akin.

"Hmm," sumasang-ayon niyang tugon. "So beautiful, it makes me want to fall in love." Doon lang ako lumingon sa kaniya. "With you..." dagdag niya nang magsalubong ang tingin naming dalawa.

Nawala ang ngiti sa labi ko at napapalunok na tumitig din sa kaniya. Tila natigilan din siya sa sinabi at wala sa sariling binitiwan ang kamay ko. Dahilan para mawalan ako ng balanse nang hampasin muli ako ng alon.

Awtomatiko niyang sinalo ang kamay ko. "Sorry!"nagugulat niyang sabi saka ako tinulungang tumayo nang ayos.

Napatitig kami sa isa't isa na sa sobrang lapit ay halos magkadulingan kami. Nalilito siyang nag-iwas ng tingin at bumuntong-hininga.

"Let's go back inside, it's getting cold."

Hindi na ako sumagot at basta na lang tumalima sa kaniya. Hindi niya binitiwan ang kamay ko. Pinulot niya ang sariling mga sapatos saka ako inalalayang isuot ang aking mga tsinelas. Palihim kong nakagat ang aking labi dahil nasisiguro kong ramdam niya ang panginginig ko.

"Girlfriend mo, kuya?" tanong ng batang lalaki nang makabalik kami sa bakuran nina Mang Pitong.

Nakangiti akong nilingon ni Maxrill Won. "Why do you wanna know?" may kung ano sa kaniyang tinig na nakapagpalunok sa 'kin.

"Kung hindi ay ako ang manliligaw." Akma akong lalapitan ng bata.

Nagbaba ako ng tingin sa magkahawak na kamay namin nang maramdaman ang kamay niyang humigpit sa pagkakahawak sa 'kin.

"Out of my way, dude," ani Maxrill.

"Kuya naman, e."

"You are not my brother, don't call me kuya, ever again. Get out of my way."

"Napakasungit mo, kuya."

"Whatever, dude." Hinila ako ni Maxrill upang mauna sa pagpasok. Natitigilan ko siyang nilingon. "Don't look at me like that, Wednesday."

"Tinakot mo 'yong bata."

Nangunot ang noo niya saka muling nilingon ang bata. "Call your mom, I'll take you home."

"Ha?" nagtaka ako at napabuntong-hininga.

"Ha?" ginaya niya ang aking tono, masama na ang tingin. "Call your mom, Wednesday."

Bakit bigla naman siyang nagyayang umuwi? "Sige." Minsan pa akong bumuntong-hininga at saka nilapitan si nanay. "Ihahatid daw po tayo ni Maxrill pauwi."

Maging si nanay ay nagtataka akong tiningnan saka sinulyapan si Maxrill. "Bakit nakasimangot iyon?"

Nagkibit-balikat lang ako at saka sumabay kay nanay na magpaalam kina Mang Pitong at Kuya Maxwell na nagpaiwan doon.

To be continued. . .

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top

Tags: #maxinejiji