CHAPTER 15

CHAPTER 15

"ANO PO kayang dahilan kung bakit hindi nakapunta si Maxrill, 'nay?"

Hindi ko mapigilan ang mag-alala. Lumalalim na ang gabi pero iyon pa rin ang laman ng isip ko. Gusto kong sisihin ang buwan na natatanaw sa kinahihigaan ko pero wala naman iyong kasalanan. Wala namang nagsabi na isipin ko si Maxrill hanggang sa oras na ito, sarili kong kagustuhan ito at sadyang kayhirap niyong pigilan.

"Madalas talaga ay abala ang mga Moon,"inaantok nang sagot ni nanay, nakapikit na nang lingunin ko. "Nasisiguro ko namang magpapakita iyon at magpapaliwanag sa 'yo."

Napalobo ko ang aking bibig, pakiramdam ko ay namula ako sa kaniyang sinabi. Bakit naman siya magpapaliwanag sa akin? Hindi niya naman kailangang gawin 'yon... Napabuntong-hininga ako at muling tinanaw ang buwan mula sa kinaroroonan ko. Napakaliwanag niyon at animong kumikinang.

"Ayos lang po kaya siya, 'nay?" talagang hindi ko mapigilan ang magtanong.

Kahit na magdamag kong kasama si nanay, kahit na alam kong wala rin siyang ideya sa kinaroroonan at dahilan ni Maxrill, paulit-ulit ko siyang tinatanong. Meron kasi sa 'kin na gustong mapalagay mula sa sagot ng iba.

"Nasisiguro kong ayos lang siya," hindi na naisara nang todo ni nanay ang bibig nang isagot 'yon, antok na antok nang talaga. "Matulog ka na...Dainty, anak. Magpapakita iyon at magpapaliwanag sa 'yo. Gano'n ang mga Moon."

"Hindi naman po kami magkaano-ano, 'nay."

"Kahit pa isang araw pa lang kayong nagkakilala...babalikan ka no'n para ipaliwanag kung bakit hindi nangyari ang 'pinangako nila. Maniwala ka sa 'kin, matulog ka na."

Ngumuso ako at bumuntong-hininga. Tinanaw ko muli ang buwan at malungkot na ipinagpatuloy ang pag-iisip.

Sana ay ayos lang siya...

Sinulyapan ko pa nang minsan si nanay, tulog na tulog na siya. Kaya wala akong nagawa kung hindi ang mahiga. Pero kasabay ng pagpikit ko ay ang hindi inaasahang kulog. Nang magmulat ako ay saka ko nakita ang panibagong kidlat na nasundan nang dumaragundong na tunog.

Napabangon ako at tinanaw ang kalangitan. May kabilisan ang galaw ng mga ulap. Napanguso ako at muling naalala si Maxrill. Nilingon ko si nanay pero tulog na tulog na siya.

"Nanay..." pagtawag ko. Napanguso ako nang hindi siya gumising. Napagod siguro siya. "Baka po napaano si Maxrill, 'nay..." hindi talaga matapos ang pag-aalala ko.

Hindi pa iyon doon natapos at sa halip ay mas tumindi pa nang muling kumidlat at kumulog. Napatayo ako nang kasunod niyon ay bumuhos ang malalakas na patak ng ulan na may dalang malakas ding hangin.

"Nanay..." talagang nag-aalala ako.

"Dainty, ano ba?" naroon na ang pagiging istrikto sa tinig niya.

Nakanguso ko siyang nilingon. "Baka po napaano si Maxrill."

Bumuntong-hininga siya. "Hindi bagyo ang magpapahamak sa isang 'yon, mahiga ka na."

"Nanay naman, e..."

"Maniwala ka sa akin, matibay ang buto niyon,"kunot-noo niya nang sabi ngunit hindi mabawasan ang pag-aalala ko.

"Paano po kung na-stranded siya sa kung saan at kailangan ng tulong?"

"Paano kung hindi?" buntong-hininga ni nanay saka bahagyang bumangon. "Ano ba't kung ano-ano ang iniisip mo?"

"Nag-aalala po kasi ako."

Bumuntong-hininga siya at tumitig nang matagal sa akin. "Kasama niya si Yaz, anak. Matulog ka na."

Napatitig ako kay nanay, gano'n na lang kabilis ang pamamasa ng mga mata ko. "Gano'n po ba?" nag-iwas ako ng tingin at hindi maipaliwanag ang nararamdaman.

Kasama niya si Ate Yaz...

Panay ang marahan kong pagkurap upang hindi tuluyang mamuo ang mga luhang kumakalat sa paningin ko. Wala akong karapatan na makaramdam nang gano'n. Pero bakit ko nararamdaman 'yon?

Hindi ko malaman kung mauupo ako at mahihiga gaya ng sinabi ni nanay. Tinanaw ko ang balkonahe para hindi niya makita ang reaksyon sa aking mga mata.

"Nag-reply siya matapos nating maghapunan at sinabing hindi siya makararating," pabuntong-hininga pang dagdag ni nanay. "Hindi ko mabanggit sa 'yo kasi..."

"Naiintindihan ko naman po, 'nay," pinilit kong ngumiti nang hindi niya mabigyan ng dahilan ang sinasabi.

Naiintindihan kong hindi niya masabing hindi makararating si Maxrill dahil kasunod no'n ay mangungulit ako kung bakit. Ayaw niyang sabihin sa akin na kasama nito si Ate Yaz dahil alam niyang ganito ang magiging reaksyon ng katawan ko.

Ang totoo ay gusto kong malaman kung nabanggit ba ako ni Maxrill sa reply niya kay nanay. Pero mukhang imposible iyon dahil ano naman ang kinalaman ko sa desisyon niyang maghapunan? Saka hindi naman niya kailangang magpaliwanag sa akin.

Hindi ko mapangalanan ang pakiramdam, bago iyon sa akin, malayo sa mga dati ko nang naramdaman. Pero ang lahat ng nararamdaman ko ngayon ay pinamumuo ang luha sa aking mga mata, hindi ko mapigilan.

"Dainty, saan ang punta mo?" tanong ni nanay nang maglakad ako palabas ng balkonahe.

Nakangiti ko siyang nilingon. "Magpapahangin lang po ako, 'nay."

Bumuntong-hininga siya. "Huwag ka masyadong magpuyat, ha?"

"Opo, 'nay," malungkot kong tugon saka tinanaw ang dalampasigan.

Pero ganoon na lang ang pagkaestatwa ko nang matanawan ang pamilyar na imahe ng taong nakaupo sa buhanginan. Bahagyang nanliit ang paningin ko nang mas lumakas ang buhos ng ulan, inaaninaw kung tama ba ang aking pagkakakilanlan.

Maxrill Won...

Gano'n na lang ang paghawak ko sa pasemano at mas inaninaw upang makasiguro. Siya nga iyon. Lalong nabuhay ang pag-aalala ko nang mas bumuhos pa ang malakas na ulan at hindi man lang nito iyon alintana.

Dali-dali akong pumasok. "Nanay, si Maxrill po nauulanan!"

"Ano?" gano'n na lang ang gulat niya, napabalikwas ng bangon.

"Pupuntahan ko po siya!" Dali-dali kong kinuha ang cardigan ko at isinuot iyon sa sarili.

"Dainty!" pagtawag ni nanay. Nang lingunin ko siya ay nakasilip na siya sa balkonahe, hinahanap si Maxrill. "Ikaw talagang bata ka!" hindi makapaniwalang aniya. "Umuulan!"

Napatitig ako kay nanay saka nangiti. "Ayos lang po ako, 'nay."

"Mauulanan ka, ano ka ba?"

"Siya rin naman po ay nauulanan, 'nay. Yayayain ko lang po siyang pumasok."

Bumuntong-hininga si nanay saka nasapo ang noo. "Magdala ka ng panaklong."

"Hindi na po, 'nay," nagmamadali kong sabi.

"Mag-iingat ka."

"Opo!"

Mas malalim ang naging buntong-hininga niya nang pagbuksan ako ng pinto. Iiling-iling niya akong hinintay na makalabas.

"'Wag kang tatakbo," habilin niya.

"Hindi po," mahina kong sagot saka nagmamadali siyang tinalikuran.

Batid kong tanaw pa rin ako ni nanay nang maglakad ako papunta sa elevator. Ilang beses kong pinindot iyon na para bang bibilis ang pagdating niyon. Nang makasakay ay halos madaliin ko naman ang pagbaba no'n. At dahil wala na ako sa paningin ni nanay ay doon ako nagmadali na makalabas ng hotel.

"Ma'am," hinarang ako ng gwardya. "Saan po ang punta ninyo?"

"Sa tabing-dagat po, sir."

"Malakas po ang ulan," anitong itinuro pa ang langit. "Hindi kalmado ang tubig sa dagat. Mabuti pong bumalik na lamang kayo sa inyong kwarto."

"Pupuntahan ko po si Maxrill Won," sabi ko na itinuro ang gawi kung saan naroon ito.

Nagugulat na nilingon ng gwardya ang gawi nito. "Sasamahan ko kayo."

Naitanggi ko ang pareho kong kamay. "Ako na lang po, sir."

Napatitig ang gwardya sa akin saka muling tinanaw ang gawi ni Maxrill. Pero napabuntong-hininga ito nang muli akong sulyapan. Nakita ko itong lumapit sa frontdesk. Akma ko na itong tatakasan nang makita itong abutin ang dalawang payong.

"Heto po ang payong, gamitin ninyo," anang gwardya.

Napangiti ako. "Salamat, sir!"

Hindi kapani-paniwalang halos takbuhin ko ang pagtawid mula sa hotel papalapit sa parteng iyon ng mga buhangin. Pakiramdam ko ay ngayon na lang uli ako nakatakbo makalipas ang mahabang panahon. Pakiramdam ko ay ngayon ko lang naabuso ang paggamit ng panibagong paa ko. Pakiramdam ko ay ngayon lang ako hindi natakot sa posibleng mangyari sa pagmamadali ko.

Hinawakan ko nang dalawang kamay ang payong nang halos hagupitin ako nang malakas na hangin. Kamangha-manghang mula nang matanaw ko si Maxrill kanina ay tila hindi man lang nagbago ang kaniyang pwesto. Gano'n siya katatag sa kabila ng panahon.

Hinawi ko ang buhok kong nililipad nang malakas na hangin. Saka ko itinuon ang paningin sa pinakagwapong lalaking nakita at nakilala ko. Nagkamali ako nang isipin kong sapat na ang lakas ng loob ko nang matanaw ko siya mula sa aking kwarto. Pero heto at nanginginig na naman ang buong katawan ko, hindi pa man ako tuluyang nakakalapit, hindi pa man nito nalalaman ang presensya ko.

Gano'n na lang kalakas ang aking loob na bumaba nang makita ko siyang nababasa ng ulan. Hindi pa man sapat ang lakas ng loob na nahugot ko ay patakbo na akong pumunta rito. Pero heto at nag-aalinlangan na ako. Ni hindi ko na maihakbang ang mga paa ko upang mas malapitan siya. Ang bibig ko ay hindi ko na rin maibuka upang masambit ang pangalan niya.

Nakaupo siya sa buhangin, sa harap ng dagat, at deretsong nakatingin sa maliwanag at bilog na buwan. Ngunit dahil umuulan ay unti-unti nang nababawasan ang liwanag niyon.

May hawak siyang bote ng beer at paulit-ulit iyong tinutungga, binabalewala ang papalakas nang papalakas na ulan. Gayong ako ay hindi na makatindig nang ayos sa kinatatayuan. Nakapalibot sa kaniya ang marami pang bote ng beer, ang karamihan ay nakatumba na, ang may laman ay nakatayo pa at bahagyang nakabaon sa buhangin.

Itinaas niya ang kaliwang tuhod at ipinatong doon ang kaliwang brasong may hawak na beer. Itinuon niya ang kanang kamay sa buhangin sa likuran saka siya tumingala sa madilim na langit. Nakapikit niyang sinalubong ang malalaking patak ng ulan.

Maxrill Won...

Hindi ko maintindihan kung bakit tila nararamdaman ko ang pakiramdam niya ngayon. Paano naging posible 'yon. Kasabay ng mga nakikita ko sa kaniya ay kirot sa aking puso. May kung ano sa 'kin na animong nahulaan ang dahilan nang pagkakaganito niya. Matapos kong malaman na magkasama sila ni Ate Yaz kanina.

Humigpit ang pagkakahawak ko sa payong na aking dala. Hindi ko magawang ikilos ang aking mga paa papalapit upang isilong siya. Samantalang ganoon na lang kabilis ang pagtakbo ko nang bumuhos ang malakas na ulan matapos ko siyang matanaw rito.

Sa dilim ng gabi, sa kabila nang malalaki at malakas na patak ng ulan, ano't nakikita ko nang malinaw ang bawat detalye ng kaniyang mukha? Makinis na kutis, itim na itim, bagsak at pinong buhok, makakapal na kilay at pilik-mata, nabuburyong mga mata, matangos at may kanipisang ilong, perpekto at mamula-mulang labi.

Maxrill Won... May kung ano sa aking nagsasabi na kung gaano kaganda ang buwan ay nahigitan pa niya.

Napalunok ako nang muli siyang tumungga sa bote ng beer at makitang mabasa ang kaniyang labi. Napahawak ako sa aking dibdib at paulit-ulit na umiling.

Dainty Arabelle! Pakiramdam ko ay ganoon agad kalaki ang kasalanang nagawa ko.

Sa dami ng pelikula at seryeng napanood ko, sa dami ng romance novels na nabasa ko, higit na perpekto sa mga iyon ang isang ito sa harap ko. Tila walang artistang papantay o hihigit sa kaniyang itsura.

Walang hinto sa pagkabog ang dibdib ko habang inaabuso ang pagtitig sa kaniya. Iilan pa lang ang lalaking nakilala ko pero sa kaniya lang ako nakaramdam ng ganito.

Pero...bakit nga ba siya narito? Ano ang dahilan niya para uminom nang ganito karami sa ilalim nang malakas na ulan? Bakit hindi niya iniintindi ang posibleng mangyari sa kaniya? Hindi ba't dapat na masaya siya dahil nagkasama sila ni Ate Yaz kanina? Bakit nagkakaganito siya?

Maxrill Won... Hindi matapos ang mga namumuong tanong sa isip ko. Na sa kabila ng nahuhulaan kong sagot ay patuloy pa rin sa pagdagdag iyon. Tanong na ako naman ang kinukwestyon.

Bakit ako narito? Ano ang dahilan ko para tumakbo matapos siyang makita rito? Bakit hindi ko inintindi ang posibleng mangyari sa akin? Gayong hindi pa ako pinapayagang tumakbo lalo na sa ganitong sitwasyon tila may bagyo. Hindi ba't dapat ay masaya ako para sa kaniya dahil nakasama niya ang babaeng nagugustuhan niya? Bakit nagkakaganito ako?

Napalunok ako at nalunod sa sariling isipin. Nasasaktan siya.

Muli kong tinanaw si Maxrill at bumuntong-hininga. Bigla ay naalala ko ang palabas na pinanood namin ni Rhumzell. May isang linya doon na talagang tumatak sa akin.

Is it really possible to fall in love with a brokenhearted man?

Napabuntong-hininga ako nang maisip na ang presensya ko sa lugar na 'yon ang sagot sa tanong na 'yon. Posible. At nagkatotoo na.

"It's rude to stare," bigla ay ani Maxrill Won na lumingon sa akin.

Gumapang ang hiya sa buong katawan ko, nag-init ang aking mukha. Umawang ang labi ko nang umihip ang malakas na hangin at liparin ang ilang hibla nang basa, bagsak at pino niyang buhok. Nakita ko nang bahagyang manliit ang kaniyang mga mata nang tumitig sa akin. Binasa niya ang gilid ng kaniyang labi at saka pa lang ngumiwi.

"What do you want, Wednesday?" Ramdam ko ang inis sa tinig niya. Tumayo siya at pinagpag ang parehong palad.

Napalunok ako. "Ano..." nanginig agad ang tinig ko, hindi malaman ang sasabihin.

Nagbaba ako ng tingin nang hindi niya alisin ang mga mata sa akin. Sa sobrang pagkalito ay tinalikuran ko na lang siya. Ngunit awtomatiko akong nahinto nang bago pa man ako nakahakbang ay nasa harapan ko na siya. Kung paano siyang kakilos nang ganoon kabilis ay wala akong ideya.

Lalo pa akong nalito nang tuluyan siyang lumapit upang sumilong sa aking payong. "What?" pabulong na aniya.

Nahugot ko ang hininga, tila aatake ang aking hika. "Sorry...Maxrill Won," napapapikit kong sabi.

"What are you doing here, Dainty Arabelle?"kunot noo niyang tanong.

Hala... Galit ba siya? Nanginig agad ang tuhod ko, hindi ko masalubong ang mga tingin niya. "Ano..."hindi ko kinayang sumagot, masyadong nanginginig ang boses ko.

"What?" Noon pa lang ay parang nauubos na ang pasensya niya.

"Titingnan ko sana iyong...buwan..," sinasabi ko iyon habang pinapanood ang pagkahbang niya papalapit. Iyon na yata ang pinakapalpak na sagot.

Hindi na talaga yata ako makakapag-isip nang tama kapag kaharap si Maxrill. Ang init-init ng mukha ko, hinang-hina na ang aking tuhod. Ngunit hindi iyon dahil sa takot. Kung dahil sa lapit namin sa isa't isa.

Narinig ko ang mahina niyang tawa, napakalakas ng dating no'n. Nang mag-angat ako ng tingin ay nakaangat na ang gilid ng kaniyang labi.

"Buwan, huh?" aniya pa saka nilingon iyon dahilan upang lingunin ko rin ang buwan.

Napapikit ako sa kahihiyan nang makitang tuluyan na iyong natakpan nang makakapak na ulap, dulot marahil ng panahon.

"Kaso...biglang umulan," awtomatiko kong sinabi. Na para bang iyon na ang pinakamaganda at maaaring idahilan upang huwag mapahiya sa kaniya. "Natakpan tuloy ng ulap 'yong buwan..." Bumilis ang kabog sa puso ko nang dahan-dahan niyang ilapit ang mukha at ituon nang deretso ang paningin sa akin.

Inagaw niya ang payong sa akin saka ako tiningnan nang deretso sa mga mata. "Look at me, then."

Umawang ang labi ko at napatitig sa kaniya. Napalunok ako nang tuluyang rumehistro sa isip ko ang ibig niyang sabihin.

Kumuyom ang mga palad ko at napatitig sa kaniya. Dahilan para mapanood ko nang mabura ang pagkakangisi sa kaniyang labi at tila nailang bigla. Sabay kaming nag-iwas ng tingin sa isa't isa at sandaling natahimik.

"Dainty! Maxrill!" bigla ay nangibabaw ang tinig ni nanay. Sabay namin itong nilingon ni Maxrill. "Ano ba? Ang lakas-lakas ng ulan!" Pasigaw niya nang sabi.

Muli kaming nagkatinginan ni Maxrill, sabay ring nag-iwas.

"'Nay!" Wala sa sarili na sana akong lalapit nang hilahin ni Maxrill ang braso ko.

"It's raining, Wednesday," asik niya.

Ngumuso ako. "Ikaw nga ay naligo pa," mahina kong sagot.

"What?" sa tono niya ay para bang aawayin niya na ako, sumimangot ako.

"Bakit po kayo nagpaulan?" nag-aalala kong tanong saka inabot ang isa pang payong sa kaniya.

"Saan ka nakahiram ng payong?" nagugulat na tanong ni nanay saka binuksan iyon.

"Pinahiram po ako ng gwardya ng hotel, 'nay,"mahina kong sagot.

"Ikaw bata ka. Nagmamadali ka pang pumunta rito sa pag-aalala, paano kung mapaano ka?" asik niya saka pabuntong-hiningang tiningnan si Maxrill. "Isa ka pa!"

Bungisngis ang isinagot ni Maxrill. "So..." nagbaba siya ng tingin sa 'kin. "Buwan, huh?" ngisi niya.

Nalukot ang mukha ko sa kahihiyan. Hindi ko nagawang sumagot. Gusto kong mainis dahil binisto ako ni nanay.

"Pumanhik na tayo," asik muli ni nanay saka nanguna.

Hindi ko naihakbang ang aking mga paa, nararamdaman ko pa rin ang paningin ni Maxrill sa akin. At nasisiguro kong nakangisi siya hanggang sa sandaling ito.

"You came for me, Wednesday," mahina niyang sinabi. "I wonder why..."

"Hindi," pagtanggi ko.

"Hindi," ginaya niya ang aking tono.

Nalukot lalo ang mukha ko. "Umakyat na tayo,"mahina kong sabi.

"Sure," aniyang naunang humakbang. Awtomatiko akong napasabay.

Ngunit gano'n na lang ang pagtingala ko nang halos iprotekta niya sa akin ang payong gayong nababasa siya.

Inayos ko iyon upang masilungan kaming dalawa. "Baka magkasakit ka," mahina kong sinabi saka nagmadaling sinabayan ang mabibilis na hakbang niya.

Nakita ko siyang matigilan at mapasulyap sa 'kin ngunit sinikap kong huwag iyon salubungin. Sa halip ay mas sinabayan ko pa ang paglalakad niya. Dahilan upang maramdaman ko na ang pagod.

Nahabol ko ang hininga nang muli kaming makasilong sa hotel. Napayuko ako saka kinuha ang payong mula sa kanila ni nanay. Nakangiti akong lumapit sa gwardya at inabot pabalik iyon.

"Salamat, sir," ngiti ko.

Nagugulat itong tumingin sa kabuuan ko. "Walang-anuman, ma'am." Saka niya nilingon si Maxrill at tumango. "Good evening, sir."

"Good evening," bigla ay naging pormal ang tinig ni Maxrill. Nagugulat ko siyang nilingon sa agarang pagkamangha ko. Malayo kasi iyon sa tono ng pakikipag-usap niya sa akin kanina.

Ngunit naitikom ko ang aking bibig nang salubungin niya ang tingin ko at panliitan ako ng mga mata. Awtomatiko ko siyang tinalikuran saka ako lumapit kay nanay.

"Dainty, ah?" istriktong ani nanay. "Huwag mo nang uulitin ito, ninenerbyos ako sa 'yo."

"Ayos lang naman po ako, nanay."

"Malakas ang ulan."

"May payong naman po ako, e."

"Kahit na."

"Pasensya na po, 'nay." Bumuntong-hininga ako.

"Thank you, Dainty Arabelle," kapagkuwa'y nagsalita si Maxrill sa likuran ko. Nagugulat ko siyang nilingon ngunit 'ayun na naman 'yong titig niya sa 'kin at sa bahagyang panliliit ng kaniyang mga mata, parang maging siya ay naninibago sa pagkakatitig sa 'kin. Sabay muli kaming nagkaiwasan ng tingin.

"Pumaroon ka na muna sa kwarto namin at ipagtitimpla kita ng tsaa, Maxrill Won," istriktong ani nanay.

"Arasseo," mahinang tumawa si Maxrill.

Nanguna sa paglalakad si nanay maging sa pagsakay sa elevator. Ngunit nilingon ako ni Maxrill at hinintay na makasakay roon bago siya sumunod. Panay ang pagnguso ko sa kaniyang likuran hanggang sa makabalik kami sa kwarto.

Dali-dali akong dumeretso sa kwarto at kumuha ng mga twalya para ilahad sa kanila ni nanay. Gano'n na lang ang pagkatitig niya sa 'kin matapos kong ibigay sa kaniya 'yon. Nangingiti niya iyong tinanggap saka kunot-noong tumitig sa 'kin habang tinutuyo ang sarili.

Panay ang pagkalikot ko sa aking daliri habang pinanonood siya sa ginagawa. Nililingon ko rin si nanay na noon ay naghahanda na ng kape at tsaa.

Muling nagsalubong ang tingin namin ni Maxrill, ako ang unang nag-iwas ng tingin bago ko naramdaman ang paglingon niya sa kung saan.

"I can..." sandali niyang itinuon ang paningin sa 'kin saka nilingon si nanay. "I'll come back, Heurt,"tumayo siya at ilalahad na sana pabalik ang twalya sa 'kin nang muli niya iyong angkinin. "I'll take this with me. Thanks." Iyon lang at tinalikuran niya na ako.

Sinundan ko ng tingin si Maxrill, mabilis pa siyang sumulyap sa akin bago tuluyang isinara ang pinto. Narinig kong bahagyang tumawa si nanay saka lumapit sa 'kin.

"Gutom na 'yon panigurado," ani nanay saka dali-daling naglabas ng mga pagkain mula sa ref.

"Paano po ninyo nalaman?" nagtataka kong tanong saka siya tinulungan.

"Ganoon ang tiyan ni Maxrill, anak."

"Mahilig nga po pala siyang kumain."

"Dahil parati siyang gutom."

"Ano po ang lulutuin natin?"

"Mahilig siya sa lugaw."

"Paborito po niya 'yon?"

"Lahat ng pagkain ay paborito niya."

"Ngunit ang sabi ni Aling Wilma ay hindi siya mahilig sa karne."

"Iyon ay dahil nahilig siya sa hayop noong lumaki. No'ng bata iyon ay panay rin ang kain ng karne."

"May gamot po ba kayo diyan, 'nay? Baka po magkasakit si Maxrill dahil naulanan nang matagal."

Natatawa akong nilingon ni nanay. Pinagkrus niya ang mga braso saka nakangiting tumitig sa akin. Napapahiya akong nagbaba ng tingin nang makaramdam ng hiya.

"Ano..." 'ayun agad ang kaba ko. "Dapat ay uminom din po kayo ng gamot."

"Hayaan mo't bibili ako mamaya kapag nakabalik na siya."

"Sasamahan ko po kayo, 'nay."

"Ako nang bahala," ngiti niya. "Ipaggayat mo na lamang ako ng gulay at bawang," iniabot ni nanay ang mga iyon sa akin.

Bagong ligo at bihis na si Maxrill nang makabalik. Kasama niya na rin si Hee Yong na parang kinikilala ako kung makatitig sa akin. Inamoy-amoy niya ako saka pumatong sa aking mga hita at deretsong tinitigan.

"Hello, Hee Yong," nasabi ko. Natawa ako nang tumabingi ang ulo niyon at nanlalaki ang mga matang sinuri ang mukha ko.

"You know his name, huh?" ani Maxrill, naglalakad siya papalapit sa gawi ko at deretsong nakatitig sa aking mukha.

Nailang ako. "Madalas din siyang mabanggit ni Bree," ngiti ko.

"How's your sister?" aniyang hindi pa rin yata inaalis ang tingin sa akin.

Napabuntong-hininga ako. Natatandaan niya si Bree...natural, natatandaan niya ang mas madalas niyang nakasama.

"Ayos naman siya."

"Bakit hindi siya sumama?"

Muli akong napabuntong-hininga. Hindi ko akalaing makakausap ko siya nang ganito kakaswal.

"May...pasok pa kasi siya."

"And you?" aniyang gano'n kalinaw ang interes sa tinig, hindi ko maintindihan kung tama ba ang aking pakiramdam.

"Sembreak ko."

"Hmm," tumango siya.

"Bababa na muna ako at bibili ng gamot," ani nanay. "Bantayan mo ang niluluto ko, Dainty."

Awtomatiko akong napatayo. "Opo, 'nay." Dali-dali akong pumunta sa maliit na kusina at dinulugan ang niluluto.

"You know how to cook?" 'ayun na naman ang tinig ni Maxrill.

Iniwasan kong lumingon. "Oo. Tinuruan ako ni nanay."

"Hmm, Heurt is a good cook," gano'n na lang kalapit ang kaniyang boses.

Hinawakan ko nang mabuti ang sandok para hindi iyon mabitiwan. Ngunit hindi ko na malaman ang gagawin, basta ko na lang binuksan ang kaldero upang muli lamang iyong takpan.

"I'm sorry, hindi ako nakarating," mahina niyang sinabi dahilan para mapaharap ako. Ngunit gano'n na lang ang pagkabigla ko sa lapit niya sa akin.

"Ano..." napalunok ako. "Ayos lang, Maxrill Won."

Tiningnan niya ang kabuuan ng mukha ko bago iyon natuon sa aking mga mata. "What with your face, Dainty Arabelle?" mahina, kunot-noo niyang tanong.

Ngunit bago pa man ako nakasagot ay tinalikuran niya na ako at naupo sa silya. Matagal akong tumingin sa kaniya ngunit hindi na siya lumingon pabalik sa akin.

Nakanguso kong binalingan ang niluluto at nagugulat na pinatay iyon bago pa man masunod. Kumuha ako ng tatlong puswelo at saka nagsalin doon. Inilagay ko sa tray ang mga iyon saka maingat na dinala sa mesa.

Nakakunot pa rin ang noo ni Maxrill nang masulyapan ko. Kakausapin ko na sana siya nang bumukas ang pinto at muling pumasok si nanay.

"Kumain na muna kayo," ani nanay. "Maliligo lang din ako sandali."

Napatitig ako sa dalawang bakanteng sila. Iyong isa ay masyadong malapit kay Maxrill. Habang 'yong isa naman ay kaharap niya mismo. Napabuntong-hininga ako nang hindi makapagdesisyon kung saan sa mga iyon ako mauupo.

"Sit down, Wednesday," masungit niyang sinabi.

Napanguso ako. Galit ba siya? Hindi ko alam kung bakit nagkaganoon siyang bigla. Pero sa halip na sundin siya ay kumuha ako ng mga kutsara. Inilapag ko ang isa sa tabi ng kamay niyang naroon sa mesa. Saka pa lang ako naupo sa silyang naroon sa harap niya.

"Kumain ka na, Maxrill Won," mahina kong sinabi.

Sa isang sulyap ay nasalubong niya ang naiilang na mga mata ko. "Say it again."

"Ha?"

"My name," seryoso niyang tugon. "Say it again."

Umawang ang labi ko. "M-Maxrill Won..." mahina kong tugon.

Tumitig siya sa akin, seryosong-seryoso, hindi ko mahulaan ang dahilan. Napalunok ako. At nang hindi na malaman ang gagawin ay muli akong tumayo upang kumuha naman ng tubig sa ref.

Gano'n na lang kabagal ang pagkilos ko. Sinadya ko pang pumaroon sa kitchen island upang ipatong doon ang babasaging pitsel. Saka pa lang ako kumuha ng mabibigat na baso. Saka pa lang din ako nagsalin. Nagbabaka-sakali akong tapos na si nanay at dadaluhan na kami upang hindi na ako mailang. Hindi ko maintindihan kung bakit tila nagbagong bigla ang pakikitungo ni Maxrill sa akin. Kinakabahan ako.

Ngunit bumuntong-hininga na si Maxrill sa pagkainip ay hindi pa rin lumalabas si nanay. Kinailangan ko nang bumalik sa mesa. Inilagay ko ang isang baso ng tubig sa harap niya na awtomatiko niyang ininom.

Inabot niya sa 'kin iyon pabalik dahilan para muli ko siyang ipagsalin. Gusto kong isipin na pinanonood niya ang ginagawa ko. Pero nararamdaman ko ang paningin niya sa mukha ko.

"Mamaya ka na lang uminom ng gamot kapag tapos ka nang kumain, Maxrill...Won..." humina nang humina ang boses ko nang masalubong ang hindi na yata naalis niyang tingin.

"How are you and..." tumikhim siya. "Rhumzell?" Hindi ko inaasahan ang tanong niya.

Sinikap kong ngumiti. "Ayos naman kami."

Nangunot ang noo niya saka nagbaba ng tingin at tumango. "I see."

Nang sandaling iyon pa lang lumabas uli si nanay. "Bakit hindi pa kayo kumain?" tanong niya.

Sasagot pa lang ako nang malingunan ko si Maxrill na agad dinampot ang kaniyang kutsara at magkakasunod na tumikim sa lugaw. Napangiti ako na awtomatiko ring nawala nang sulyapan niya ako.

"Ano ang nangyari sa 'yo at uminom ka sa gitna ng bagyo, Maxrill Won?" iyon agad ang tanong ni nanay nang maupo, sa istriktong tinig.

"I was there first, Heurt," walang takot na sagot ni Maxrill. "I was already sitting and drinking when the rain came."

Natulala ako sa kaniya. Anong klaseng pagdadahilan iyon? Napanguso ako. Sino man ang nauna sa inyo niyong ulan, dapat ay hindi siya nagpapaulan dahil magkakasakit siya.

"What?" bigla siyang tumingin sa 'kin. "Eat, Wednesday. Hindi ka mabubusog sa katititig sa 'kin."

Hala! Napanguso ako. "Hindi naman ako tumititig..." mahina kong dahilan kung kailan nahuli niya na ako.

"Kaninong kasalanan kung gano'n?" ani nanay.

"It was the rain's fault, c'mon. I told you, I was there first." Talagang pinanindigan ni Maxrill ang dahilan. "Bakit siya umulan, alam niyang nagbi-beer ako?"

"Bakit nga ba umiinom ka?"

"Because I'm thirsty."

"Beer?"

"So, you're expecting me to drink water in the middle of the night while staring at the moon, seriously, Heurt?"

"Kumain na kayo," istriktong sabi uli ni nanay.

Sabay kaming sumagot ni Maxrill. "Opo," ang sa akin.

"Whatever," ang sa kaniya.

Pakiramdam ko ay panibagong pagkatao ni Maxrill ang nakilala ko nang gabing iyon habang kumakain kami. Hindi ko naiwasang matuwa dahil kanina ay gano'n na lang ang lungkot ko nang hindi siya makarating ng hapunan. Mas nalungkot pa ako nang malaman ang dahilan. Pero heto at kasabay ko na siyang kumakain ng lugaw ngayon at nakakaapat na puswelo na siya. Nang sitahin ko ang kasibaan niya ay idinahilan niya ang sukat ng puswelo. Masyado raw iyong maliit para sa tao, lalaki pa. Hindi na ako nakasagot.

"Thanks for the lugaw, Wednesday," aniya nang ihatid ko siya sa pintuan. Lumabas siya ngunit sumandal sa hamba, namulsa at pinagkrus ang mga paa. Sa ganoong postura siya deretsong tumitig sa akin.

"Walang anuman..." pinigilan kong banggitin ang kaniyang pangalan. Gano'n na lang kahigpit ang pagkakahawak ko sa siradura ng pinto dahil sa pagkailang.

"Good night, Dainty Arabelle," mahina niyang sinabi.

"Good night..." hindi ko na naman masabi ang kaniyang pangalan.

Tumitig siya sa 'kin na tila naghihintay dahilan para mapatitig din ako nang hindi naman masundan ang sasabihin. Hula ko ay hinihintay niyang sabihin ko ang pangalan niya ngunit hindi ako sigurado.

"What?" siya pa ang may ganang mainip!

"Ano..." nalito na naman ako.

"Ano?" Ginaya niya na naman ang aking tono, nakangiti na animong aliw na aliw. "I'm waiting, Dainty Arabelle." Bahagya kong nakagat ang aking labi nang muling marinig sa malambing na paraan ang aking pangalan.

"Saan?" kunot-noong tanong ko.

Bumuntong-hininga siya. "For you."

Nanlaki ang mga mata ko. "Bakit?"

Napapikit siya, naiinis. Saka nag-iwas ng tingin. "Whatever," muli siyang bumuntong-hininga. "Hee Yong!" tinawag niya ito ngunit ang paningin ay nakapako sa akin. "Sleep tight." Iyon lang at tinalikuran niya na ako.

Galit ba siya? Nakanguso ko siyang sinundan ng tingin saka ko pa lang sinarhan ang pinto. Hindi ko siya maintindihan bigla. Talagang nalilito ako sa mga ipinakita niya ngayon, nakapaninibago sa hindi ko maipaliwanag na dahilan. Marahil ay dahil nakainom siya ng beer.

Gano'n na lang ang gulat ko nang may kumatok muli sa pinto. Napatitig pa ako ro'n bago sumilip sa butas niyon upang alamin kung sino ang nasa labas.

Natigilan ako nang makita si Maxrill na deretsong nakatingin sa butas na sinisilipan ko habang magkakrus ang braso, animong bagot na bagot.

Napabuntong-hininga ako at binuksan ang pinto. Ngunit sinilip ko na lang siya sa maliit na siwang. Kunot-noo niyang itinabingi ang ulo upang magaya ang itsura ko.

"Bakit?" tanong ko.

Napapikit siya, tila naiinis saka kunot-noong sinalubong ang tingin ko. "Nothing," aniya na awtomatiko uli akong tinalikuran.

Naiwan ang paningin ko sa kinatatayuan niya saka ako lumabas upang tanawin siya. "Maxrill Won,"pagtawag ko.

Nahinto siya sa paglalakad at saka lumingon sa 'kin. Gano'n na lang ang pagngiti niya dahilan para mapangiti rin ako.

"Good night..." kaway ko.

Sandali pa siyang tumitig nang nakangiti sa akin bago ako tinalikuran. Tinanaw ko siya hanggang sa makasakay sa elevator saka ako bumalik sa loob.

Nakangiti kong nilingon ang buwan na noon ay unti-unti na muling nagpapakita matapos ang malakas na ulan.

Maxrill Won...

To be continued. . . 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top

Tags: #maxinejiji