CHAPTER 14
CHAPTER 14
"WHAT ARE you staring at?"
Hindi pa rin ako makapaniwalang narito na sa harap ko si Maxrill bagaman naroon ang inis sa kaniyang tinig. Nakatingin siya nang deretso sa akin. Dahilan para makita ko nang dapuan niya ng tingin ang bawat parte ng aking mukha. Hindi ko malilimutan ang mga titig niyang iyon. Pero sadyang iba ang sandaling ito dahil nang unang beses niyang gawin iyon, may suot akong maskara. Heto siya at talagang hindi inaalis ang paningin sa 'kin hangga't hindi nakukuha ang aking sagot.
"Who are you?" muling yumanig sa pandinig ko ang tinig niya.
Aligaga akong nag-angat ng tingin ngunit muling natulala. Kailan ako maniniwalang narito ka na sa harap ko? Sa napag-aralan ko ay umiikot ang mundo kaya nadaraanan nito ang araw at buwan, liwanag at dilim. Paanong nangyari na bumaba ang buwan sa aking mundo?
Nakita ko siyang umiling dahilan para bumalik ako sa wisyo.
"I'm fine..." naisagot ko, gumaralgal pa ang tinig.
Napatitig siya sa akin, tila prinoseso pa ang sagot ko saka bahagyang natawa. "Whatever. Go ahead and eat, Fine."
Fine naman ngayon?
Napapahiya akong nagbaba ng tingin sa aking pagkain. Pero panay mali na ang nagagawa ko. Paulit-ulit kong nabibitiwan ang kutsara. Mas mabigat kasi iyon kaysa normal na kutsara't tinidor na ginagamit ko. Maging ang kanilang plato ay napakalaki. Ang baso ay mabigat din. Hindi ko alam na may timbang pa pala ang mga ganoong kagamitan. Siguro ay depende sa antas sa buhay at yaman ng isang tao. Hindi ako sigurado. Basta ang alam ko, naiilang ako sa sandaling ito.
"Don't you remember Dainty?" bigla ay ani nanay.
Pinandilatan ko siya ngunit hindi man lang siya sumulyap sa 'kin. Naibaba ko ang parehong kamay ay kinutkot ang parehong mga daliri. 'Ayun na naman ang aking kaba. Lalo pa at lahat ng narito ay nakikinig sa kaniya at nagpapalitan ng tingin sa aming dalawa ni Maxrill.
"This is Dainty now," dagdag pa ni nanay.
Naramdaman ko nang bahagya akong sulyapan ni Maxrill, lalo kong naiyuko ang aking ulo.
Bakit naman kasi narito pa siya sa tabi ko?
Pakiramdam ko ay hindi na ako makakikilos pa nang normal. Lalo pa at ako ang kanilang pinag-uusapan. Ang paningin niya ay pahapyaw na natutuon sa 'kin bago napupunta sa iba. Hindi ako mapalagay sa kinauupuan ko, pakiramdam ko tuloy ay ang gulo-gulo ko.
"Your daughter?" kapagkuwa'y ani Maxrill.
"Yes," ang tanging sagot ni nanay.
"Nice to meet you," bigla ay hinarap ako ni Maxrill. "I'm Maxrill Won del Valle."
Napalunok ako. Talagang iba ang dating ng pangalan na 'yon, hindi ko maipaliwanag kung bakit. Oo nga't kakaiba iyon pero...bakit gano'n ang dulot na dagundong sa dibdib ko? Hindi ko maintindihan.
"Siya ang pinakagwapong Del Valle," ani Aling Wilma. Gusto ko siyang sang-ayunan, kung hindi lang ako mapapahiya.
Oo nga't gwapo si Kuya Maxwell. Kung tutuusin ay kulang na kulang ang salitang iyon para mabigyang depinisyon ang panlabas niyang kaanyuan. Matangkad, gwapong-gwapo, maputi, mabango, walang maipipintas. Idagdag pa ang panloob niyang katangian, mapatutunayan ko kung gaano siya kabuting tao at myembro ng kanilang pamilya. Totoong kahit na sino yata ay mapapalingon kay Kuya Maxwell, may nobyo man o wala, lalaki man o babae, bata o matanda, lahat. Para siyang manyikang lalaki na ginawang tao, halos perpekto.
Ngunit iba si Maxrill. Malaki ang pagkakahawig nila ni Kuya Maxwell ngunit maliit siya ng ilang pulgada rito na hindi halos mahalata. Mas pormado ang kaniyang katawan kompara kay Kuya Maxwell na pantay man ay parang parating nakayuko ang mga balikat na animong may binabasa.
Pakiramdam ko ay magkukulang ang lahat ng salita para mabigyan ng depinisyon ang natatanging anyo ni Maxrill, wala rin akong maipintas. Ngunit lahat ng salitang ginamit ko para mai-describe si Kuya Maxwell ay kulang para kay Maxrill. Para bang walang oras na naging pangit ang lalaking ito.
Napabuntong-hininga ako sa dami ng naisip ko. Mabuti na lang at napunta sa planong pagpapakasal nina Kuya Maxwell at Ate Yaz ang usapan. Nagkaroon ako ng tyansa na kumalma, bagaman hindi ko pa rin maikilos nang normal ang aking katawan.
Iyon nga lang, gustuhin ko mang namnamin ang kasiyahan sa puso ko na makasama si Maxrill ngayong gabi. Nasaksihan ko rin ng mga oras na iyon kung paano siyang maapektuhan sa relasyon ng kaniyang kapatid at babaeng nagugustuhan. Palihim akong nasasaktan para sa kaniya, bukod sa sariling nararamdaman. Naidaraan ko na lang sa buntong-hininga ang nararamdaman naming dalawa, siya ay sa iba, ako ay sa kaniya.
"Babantayan nina Laieema at Bitgaram ang Hwang na 'yon," dinig kong ani nanay kay Kuya Maxwell. "Narito ako para sa inyo ni Yaz. Inihabilin ni Maxpein na hindi maaaring masaktan ang sinoman sa inyo at mga taong narito."
Napabuntong-hininga ako at tinanaw lang sila habang yakap ko ang aking sarili. May kalakihan man ay manipis ang asul na bestidang suot ko. Napakalamig pala sa lugar na ito. Natatanaw ang dagat mula sa kinatatayuan namin sa labas ng ospital. Napakabango niyon, masarap sa pandinig at sa pakiramdam. Kahit na alam kong hindi lang ang karagatan ang dahilan niyon.
Humakbang ako papalabas ng silong upang makita ang madilim na langit at mga bituin. Tinanaw ko ang buwan at saka ako palihim na ngumiti. Kasama kita ngayong gabi. Nakagat ko ang aking labi upang mapigilan ang kumakawalang ngiti sa aking labi.
Palihim akong sumulyap sa gawi ni Maxrill at gusto kong magulat nang makita rin siyang nakatanaw sa buwan. Deretsong nakatayo at nakapasok ang kamay sa parehong bulsa. Ang suot niya ay sweat shirt na kulay krema, itim na pantalon at kulay tsokolate na tsinelas. Sa tabi niya ay naroon ang napakagandang aso, nasisiguro kong si Hee Yong. Gaya ng kaniyang amo ay tanaw nito ang buwan na para bang may sinasabi sa kanila ito.
"How are you, Wednesday?" hindi ko inaasahang tanong ni Maxrill, ang paningin ay naroon pa rin sa buwan.
Napalunok ako sa magkahalong gulat at kaba na idinulot ng tanong niya. Sa dumaang panahon, ano't natatandaan niya ang tawag niya sa aking 'yon?
Wednesday... Parang gusto ko nang mapalitan ang aking pangalan. Sa ganda ng pagkakasabi niya roon, para bang iyon na ang pinakamagandang pangalan kasunod ng Maxrill Won.
Hindi ko inaasahang magbababa siya ng tingin sa akin. Napaiwas ako ng tingin sandali bago muling sinalubong ang kaniyang mga mata.
Kung gano'n ay natatandaan niya ako?
Bahagyang nanlaki ang mga mata ko at saka ako napaatras nang humakbang siya papalapit sa akin.
"Hmm?" aniya nang tuluyang makalapit. Namulsa siya at deretso akong tiningnan. "You look good."
Napalobo ko ang aking bibig sa kawalan ng masasabi. Nagbaba na lang ako ng tingin. Nakakahiya! Sa isip ay paulit-ulit ko iyong sinabi.
"I am talking to you, Wednesday," aniya nang manahimik na lang ako.
"Ano kasi..."
"Ano?" natatawang aniya, ginaya na naman ang aking tono.
Napanguso ako. "Dainty Arabelle ang pangalan ko."
"I know," maagap niyang sagot, nag-angat ako ng tingin. "I just want to hear you say it. It's the most beautiful word I've ever heard."
Napamaang ako. "Ang alin?"
"Your name," ngiti niya, deretsong nakatingin sa 'kin. Saka niya tinanaw ang buwan. "It sounds so soft whenever I hear you say it, makes me want to hear it again and again, Dainty Arabelle..." aniya nang may diin sa aking pangalan, muling nagbaba ng tingin sa 'kin.
Kumuyom ang palad ko nang magawa kong labanan ang kaniyang titig. Matagal na para bang ang mga mata namin ay may sariling pinag-uusapang ang mga ito lang ang nagkakaintindihan. Hindi ko masiguro kung tama bang paghanga ang nakikita ko sa kaniyang mga mata habang nakatitig sa akin.
Ako rin ang hindi nakatagal, kinailangan kong bawiin ang sariling paningin.
"Dainty Arabelle..." muling aniya, nagdulot ng kung anong kiliti sa akin.
Napamaang ako at napatitig sandali sa kaniya saka bumuntong-hininga.
"How are you, Dainty Arabelle?"
"Ayos lang ako...Maxrill Won," sa wakas ay nasabi ko.
Ngunit siya naman ang natahimik. Nang muli akong mag-angat ng tingin ay nakangiti na siya at titig na titig pa rin sa akin. Bahagyang nangunot ang aking noo saka wala sa sarili akong napanguso.
"Bakit?" halos mautal kong tanong.
Lalo pa siyang ngumiti saka nag-iwas ng tingin at umiling. Binuhay ng naging reaksyon niya ang kuryosidad ko.
Bakit gano'n ang kanyang tugon?Napabuntong-hininga ako.
"Take them home, Maxrill," kapagkuwa'y ani Kuya Maxwell.
"Sure," maagap na sagot ni Maxrill saka muling sumulyap sa 'kin. "Let's go, Wednesday."
Nalukot ang mukha ko. Wednesday na naman... Bumuntong-hininga ako. Hindi ko rin maintindihan ang aking sarili. Gusto ko siyang marinig na tawagin ako sa pangalan. Pero may kung anong kiliti ring dulot ang iba't ibang pangalan na itinatawag niya sa 'kin.
Hindi ko inaasahang ilalahad ni Maxrill ang kamay sa 'kin, astang aalalayan ako pasakay sa kaniyang sasakyan.
"What?" asik niya nang hindi ako makakilos.
Napalingon ako kay nanay, natatawa siyang nag-iwas ng tingin, palibhasa'y naroon na sa isang gilid sa loob ng sasakyan.
Tinanggap ko ang kamay ni Maxrill at nagpaalalay sa kaniya pasakay. Nang sarhan niya ang pinto ay tinanaw ko siyang lumigid papunta sa harapan.
"Malakas ang pakiramdam ng isang iyan,"pabulong na ani nanay. "Kahit mag-ingat ka ay mababasa ka niya't mahahalata."
Nalukot ang mukha ko, alam ko ang ibig sabihin ni nanay at kinabahan ako para sa aking sarili. Hindi maaaring malaman niya ang paghanga ko, nakakahiya iyon at nakakatakot na matanggihan.
Nakagat ko ang aking labi nang lingunin ako ng aso na naroon sa silya sa harapan ko. Nakalawit ang dila nito at mabilis ang paghinga. Ngumiti ako ngunit tinanaw na nito ang kaniyang amo.
"Bukas ay maghahanda kami ni Wilma ng hapunan," mayamaya ay ani nanay nang nasa daan na kami. "May request ka ba, Maxrill?"
"You're spoiling me, Heurt," nakangising ani Maxrill. Napasulyap ako sa salaming naroon sa kaniyang harapan at natigilan nang makitang tingnan niya rin ako.
Nabawi ko ang aking tingin at naituon sa hindi naman makitang daan. Gabi na. Kaya bukod sa kulay kremang lupa ay wala na akong ibang makita. Sa halip ay tinanaw ko na lang muli ang buwan na animong niyayakap ang dulo ng dagat. Napakaganda niyong tingnan. Mas malaki kaysa normal kong natatanaw sa gabi.
"I want gulay and fried isda," kapagkuwa'y ani Maxrill. "Tomorrow night."
"Sure," batid kong nakangisi rin si nanay nang isagot 'yon. "May gusto ka ba, Dainty?"
"Po?" awtomatiko akong napalingon sa kaniya.
"Tinatanong ko kung may gusto ka ba?"
"Na ano po?" wala na naman sariling tanong ko.
"Sa 'kin," kapagkuwa'y ani Maxrill! Napatingin ako sa kaniya at gano'n na lang ang pagkakangisi niya mula sa salamin. "Just kidding." Humalakhak siya nang bahagya. "Do you want to eat anything? It's your first time here."
"Oo nga naman, Dainty. Maraming seafoods dito, ipagluluto kita," ani nanay.
"Opo." Iyon lang ang naisagot ko na nasegundahan naman ng halakhak ni Maxrill. Nalukot ang aking mukha at napapahiyang tinanaw ang dagat na noo'y unti-unti nang nalalayo sa gawi namin.
Tahimik na ako nang maihatid kaming pabalik sa hotel ni Maxrill. Sinamahan niya kami hanggang sa lobby at doon nagpaalam.
"I'll see you tomorrow, then," ani Maxrill. Nanatiling nakababa ang aking tingin.
"Thanks, Maxrill," ani nanay saka bumaling sa akin. "Magpaalam ka na kay Maxrill, anak."
Napalingon ako kay nanay saka kabadong nilingon si Maxrill. Tumabingi nang bahagya ang kaniyang ulo habang nakatitig sa akin, hinihintay ang aking sasabihin.
"Salamat, Maxrill Won," nakagat ko ang labi matapos sabihin 'yon.
"You're so cute," natawa si Maxrill dahilan para lalo ko pang makagat ang aking labi. Ako ang sinabihan niya ng cute pero nakita ko ang salitang iyon sa mukha niya mismo.
"Good night, Dainty Arabelle," nakangiting aniya saka kami tinalikuran.
Nasundan ko ng tingin ang likuran niya at muling humanga. Bagay na hindi katakata-taka dahil maging ang mga bisita ng hotel na iyon ay napalingon sa paghanga sa kaniya.
"Cute ka raw sabi ni Maxrill," bumalik ang wisyo ko nang sabihin iyon ni nanay.
Nakapako pa rin kay Maxrill ang aking paningin. "Nanay..." wala sa sarili kong nasabi. "Pakiramdam ko po ay humahanga pa rin ako kay Maxrill."
Halakhak agad ang naisagot ni nanay. "Nawala ba iyon, Dainty Arabelle?" naroon ang panunukso niya nang sambitin ang pangalan ko.
Napaangat ako ng tingin. "Nanay naman, e..."
"Makukumbinsi mo ang isip mong wala ka nang paghanga pero hindi ang puso, iyon ang nakakaramdam pagmamahal."
"Hindi ko naman po siya mahal, nanay, e..."nakanguso kong reklamo.
Inakay ako ni nanay at saka kami sabay na naglakad patungo sa elevator. "O, sige, bahala ka kung sa paanong paraan mo gustong kumbinsihin ang iyong sarili.
"Nanay naman, e..."
"Napakagwapo ni Maxrill, hindi ba?"
Umawang ang aking labi saka pabuntong-hiningang nag-iwas ng tingin. "Opo."
"Maganda ka rin naman."
"Hindi po," inihiga ko ang aking ulo sa balikat niya. Sa ganoon paraan kami naglakad hanggang sa mabalik sa aming kwarto. "Napakaganda ng lugar na ito, 'nay."
"Nagustuhan mo ba?"
Magkakasunod akong tumango. "Opo! Sana ay narito rin sina Bree, Kuya Kev at Tatay Kaday," nangangarap kong sinabi. "Parang nadagdagan ang pangarap ko, 'nay. Kapag yumaman ako ay magpapatayo ako ng bahay rito."
"Naku, pakiramdam ko ay matutupad iyang pangarap mo."
Nagugulat ko siyang nilingon. Napatakbo ako payakap sa kaniya. "Talaga po, 'nay?"
"Kapag nakatuluyan mo si Maxrill, mangyayari at mangyayari iyon. Napakaraming ari-arian ng isang 'yon, Dainty."
"Nanay naman, e..." ngumuso ako. "'Wag po ninyo akong tuksuhin kay Maxrill Won. Baka mahalata niya na ako."
Muli pang humalakhak si nanay. "O, sige,"aniya na para bang sinang-ayunan na lang ako. "Mauuna na akong maligo, Dainty. Dalawa naman ang banyo kaya kung gusto mo ay maaari ka na ring maligo."
"Dito na muna po ako, nanay," nakangiti kong sinabi saka ako lumabas sa balkonahe. "Wow..." Talagang hindi matapos-tapos ang paghanga ko sa lugar.
Noon ko lang nakita ang buwan na halos mahalikan ang dagat. Ang repleksyon niyon sa tubig ay dumagdag sa atraksyong ito lang ang nakagagawa. Nasalamin ko doon ang mukha ni Maxrill at saka ako napangiti, halos mapunit ang labi.
"Tinawag niya akong Dainty Arabelle..."nanliit sa pagkakangiti ang aking mga mata, labas ang mga ipin at kagat ang labi. "Hihi..."
Kinabukasan ay tanawin muli ng dagat ang aking nakita. Paulit-ulit na naman akong humanga sa ganda niyon. Hindi ko alam kung paanong mas gumanda iyon kaysa sa itsura niyon kahapon. Posible pala ang gano'n? O dahil ngayon ko lamang ito nakita nang maaga?
"Napakaganda..." humahanga pa ring sabi ko.
"Parang ikaw," hindi ko inaasahang sasabihin ni nanay.
"Magandang umaga po, 'nay," magiliw kong sinabi. Pakiramdam ko ay kagabi na ang pinakamasarap na tulog na nagawa ko.
"Nagpahatid ng agahan ang crush mo."
Natuon ang paningin ko sa mesa at napamaang sa dami ng nakahandang pagkain. "Sa atin po ito?"
"Sa ating dalawa lang."
Nagugulat kong tiningnan si nanay. "Napakarami!"
Omelet, sausages, bacon with melted cheese, luncheon meat, fried rice at toasted bread ang nadaanan ng aking paningin. Ngunit ang pinakaumagaw ng aking paningin ay ang makulay na bowl ng mga hiniwa at samu't saring prutas.
"Mukhang ayaw kang gutumin ng crush mo," muling panunukso ni nanay.
Ngumuso ako ngunit hindi na nagawang umangal. Muli akong humanga sa mesa na puno ng pagkain. Kung narito sina kuya, Bree at tatay ay nasisiguro kong pare-pareho kaming matutuwa sa handa.
"Siguro po ay hanggang hapunan na ito, 'nay," sabi ko nang dumulog sa mesa.
Natawa si nanay. "Agahan lamang ito sa kanila."
Nagugulat ko siyang tinitigan. "Bakit po napakarami?"
Naglakad papalapit sa pinto si nanay. "Dahil makakasabay natin siya," binuksan niya iyon dahilan para magsalubong ang paningin namin ni Maxrill.
Awtomatiko kong natakpan ang aking mukha. Saka ako tumayo. Tumalikod ako sa gawi nila saka naglakad patungo sa gawi ng banyo.
"Where are you going?" masungit na tanong ni Maxrill.
"Ano..."
"Ano?" ginaya na naman niya ang aking tono, natatawa.
"Hindi pa ako nakakahilamos, Maxrill."
"Okay, Dainty."
Nakagat ko ang aking labi saka ako nagtatakbo pabalik sa kwarto. Napasulyap ako sa salamin upang sipatin ang sarili. Napanguso ako dahil sa puti kong bestida na may kung ano-ano pang disenyo at burda sa pabilog niyong kwelyo. Gusot-gusot iyon at halatang pantulog.
Dali-dali akong naghilamos at nagsepilyo saka nahihiyang sumilip sa lumabas.
Pareho nang nakadulog sa mesa sina nanay at Maxrill nang sumilip ako. Nakagat ko ang aking daliri nang makita ang kaniyang itsura. Pakiramdam ko ay lalo siyang gumuwapo sa itim na shirt at ang salamin niya ay bumagay sa bagsak na bagsak niyang buhok. Sa ilang metrong pagitan namin ay nalanghap ko ang kaniyang pabango at nakita ang maganda niyang kutis. Hindi ko akalaing hahangaan ko maging ang mga iyon.
Gano'n na lang ang panlalaki ng mga mata ko nang sulyapan ako ni Maxrill. "What? It's easier to see my face if you come closer."
Napatago ako sa likod ng pinto. Hala... Paano na akong lalabas ngayon? Tama nga si nanay, malakas ang pakiramdam nito. Pero sa liit ng siwang ng pinto at hindi ko pagkilos, paanong nalaman niya pa ring narito ako?
"Dainty Arabelle?" pagtawag ni nanay, batid kong nang-aasar siya sapagkat madalang niya akong tawagin sa parehong pangalan. "Lalamig ang pagkain," dagdag pa niya.
Nangunot ang aking noo saka ako nakayukong lumabas ng kwarto. Nakita ko nang hilahin ni Maxrill ang isang silya at itabi sa kaniya. Iniakbay niya ang braso sa likod niyon saka sumenyas sa akin na maupo.
"Come sit beside me," aniya pa. "Para makita mo nang malapitan ang lahat ng gusto mong tingnan."
Umawang ang aking labi. Hindi na yata ako makakakain. Ang paglalaway ko sa mga nakahandang pagkain ay masasayang kung hindi ko iyon matitikman.
Napalingon ako kay nanay, gano'n na lang ang pagpipigil niya ng ngiti.
"C'mon, Wednesday, I'm hungry," reklamo ni Maxrill.
Tatlo lamang ang silya kaya wala akong ibang mauupuan. Kabado man ay sumunod ako at naupo sa tabi ni Maxrill. Nalanghap ko agad ang kaniyang bango. Napaiwas ako nang bahagyang magkadikit ang mga braso namin. Ngunit sabay kaming nag-angat ng tingin sa isa't isa dahil do'n.
"Saan pala ang lakad mo?" Tila naramdaman ni nanay ang pagkailang ko kaya inagaw ang atensyon ni Maxrill.
"I'm going to my mom's villa," ani Maxrill. "Need to fix some pipes."
"Hindi ko alam na maalam ka sa ganoon, well, sa arte mong iyan," ngiti ni nanay, pinigilan kong matawa.
"Well, I'm still learning," ngisi naman ni Maxrill na tila naulinagan ang hagikhik ko kaya muling bumaling sa 'kin. "You got problem focusing on your food, huh?"
"Ha?" maang na sagot ko.
"Ha?" na ginaya niya ang tono. "I look better than these foods, huh?"
Nangunot ang noo ko. Napakayabang naman nito... Bumuntong-hininga ako sa kawalan ng maisasagot.
Tahimik kaming kumain. Payapa na sana iyon kung hindi naagaw ni Maxrill ang aking atensyon. Noon ko lang nasaksihan kung gaano nga siya kaganang kumain. Ngayon ko lang napatunayan ang mga kwentong naririnig ko.
Dalawang egg ang kinuha niya na hinati lamang niya sa apat at ganoon kabilis na naubos. Matapos no'n ay kumuha siya ng dalawang sausage at hinati iyon sa tatlo at nginuya nang nginuya. Saka siya nagsandok ng fried rice at saka kumuha ng bacon na may melted cheese at luncheon meat.
Grabe... Hindi kapani-paniwalang maging sa ganoon kasimpleng bagay ay hinangaan ko siya. Wala pa yata sa ¼ ng kinain niya ang kasyang pagkain sa aking tiyan.
"I want coffee," kapagkuwa'y aniya, sa akin nakalingon.
"Ako?" wala sa sarili kong sagot.
Natigilan siya saka natawa. "I said coffee, Dainty Arabelle. Not you."
Napailing ako. "Ang ibig kong sabihin, ako ang magtitimpla?" napapahiya kong tanong.
"Yes."
Napamaang ako sa kaniya saka sumulyap kay nanay. Tinanguan niya ako. Kaya naman pabuntong-hininga akong tumayo upang kumuha ng kutsarita at puswelo. Gano'n na lang ang pagkailang ko nang panoorin ni Maxrill ang lahat ng ginagawa ko. Gano'n na lang din ang gulat ko nang dumampot pa siya ng toasted bread at naglagay ng jam doon.
Napakasiba niya... Hindi ako makapaniwala. Paanong kumakasya iyon sa ganito kagandang katawan niya? Tama nga ang sinabi ni Rhumzell, sa lakas niyang kumain, mabuti at hindi siya nananaba.
"Am I distracting you?" kapagkuwa'y ani Maxrill, ang paningin ay naroon sa mga kamay kong hindi ko namalayang hindi na nakakilos.
"Pasensya na..." napapahiya ko na namang sabi saka dali-daling nagtimpla. Narinig ko na naman ang mahina niyang tawa.
Napatalikod ako at lumapit sa thermos saka naglagay ng tubig. Hinalo ko iyon nang hinalo at umuusok na inilapag sa tabi niya.
"Is it good?" kapagkuwa'y tanong niya, sinulyapan ang kape bago tumingin sa akin.
"Ano..." nakamot ko ang aking sentido. "Hindi ako sigurado."
"Taste it."
"Ha?" napamaang ako. Sumenyas siya, sinasagot ang nauna niyang sinabi.
Napasulyap na naman ako kay nanay at nakita siyang tumayo. Naiilang kong dinampot ang kutsarita at saka tinikman ang kape na tinimpla.
Napalunok ako. "Masarap naman."
Ngumisi si Maxrill. "Thank you," saka niya dinampot ang kape at lumaghok nang hindi man lang iyon hinihipan.
Napamaang ako nang hindi man lang siya napaso. Gayong patuloy yatang kumukulo ang tubig sa nakasaksak na thermos. Nakagat ko ang aking labi matapos niyang tumango-tango, sinasabing nagustuhan ang lasa ng tinimpla kong kape.
"I like it, thanks," dagdag pa niya. Napamaang lalo ako nang hipan niya lang iyon nang minsan at laghukin na ang lahad ng laman.
Hala... Wala sa sarili ko siyang naabutan ng tissue. Sandali siyang napatitig doon saka nakangiting tinanggp iyon.
"Hmm," aniya saka tumayo. "I have to go. I'll see you later," mahinang sabi niya, hindi ko malaman kung sa akin o sa aming dalawa na ni nanay. "Thanks, Heurt."
"Mag-iingat ka," ani nanay.
"I will. Thanks." Lumapit siya sa pinto at binuksan iyon. Gano'n na lang ang gulat ko nang muli niya akong lingunin, tila napangiti pa nang makitang nakatanaw ako. "See you later, Dainty Arabelle."
"Sige, Maxrill Won," naiilang kong sagot.
Pinanood ko maging ang paglabas niya at pagsasara niya ng pinto. Saka ko nakagat ang aking labi at napasulyap kay nanay na noon ay tatawa-tawa na.
"Nanay naman, e..." nalukot na naman ang aking mukha.
"Ipagluto mo siya mamaya."
"Bakit ko naman po gagawin iyon?"
"Para matikman niya ang luto mo."
"Hindi naman niya gustong matikman ang luto ko."
"Gusto ngang matikman ang kape mo, e, di lalo na ang luto mo, Dainty."
"Nahihiya po ako, 'nay."
"Anong ikahihiya mo, masarap kang magluto."
"Baka po hindi niya magustuhan."
"Magugustuhan niya iyon, maniwala ka sa 'kin."
Wala pa man ay hindi na ako mapakali sa pagpili ng mainam lutuin na gulay. Kinakabahan ako dahil baka may mali sa mga mapili ko at mapintasan ni Maxrill. Kaya naman nagpatulong ako kina nanay at Aling Wilma para hindi lamang sarili kong ideya ang maging kasangkapan sa hapunan.
"Hindi mahilig sa manok, baboy at baka si Maxrill," ani Aling Wilma habang pareho naming hinihintay na kumulo ang pakbet.
Hindi ako makapaniwalang mula tanghali ay abala na ako sa paghahanda ng para naman sa hapunan pa.
"Kumakain naman siya ng mga iyon pero madalang," dagdag ni Aling Wilma. "Madalas ay seafoods ang kinakain niya, isda at gulay, gano'n."
"Mahilig sa animals si Maxrill," si nanay naman ang nagkwento. "Naaawa siya sa mga hayop kaya hindi niya ma-imagine na kinakain ng mga ito ito. Kaya gano'n na lang ang pagtanggi niya minsan kapag iyon ang nakahain. Kaya niyang kumain nang pulos gulay lang, hindi siya nagsasawa."
"Kabaliktaran siya ni Maxwell," si Aling Wilma uli ang nagkwento. "Hindi naman makatagal ang isang iyon nang walang karne. Kahit na naniniwala siyang nagdudulot ng maraming sakit ang karne, hindi pa rin siya nabubusog sa mga gulay lang. Hindi nga lang siya kasinlakas kumain ni Maxrill."
"Si Maxpein naman ay may wirdong panlasa," sabi na naman ni nanay. "May allergy sa keso at beans. Hindi rin makakain ng iisa lang ang nakalatag sa mesa. Ayos lang sa kaniya kung tuyo o itlog ang ulam basta may kamatis siya. Pero hindi natutunawan sa mga karte kaya madalas ay tig-iisang hiwa lang ang kinakain niya."
Napabuntong-hininga ako. "Magkakaiba po pala ang personalidad ng mga Moon," nasabi ko.
"Interesante, hindi ba?" ngisi ni Aling Wilma.
"Matagal na po kayong nagsisilbi sa kanila?" tanong ko.
Ngumiwi si Aling Wilma. "Si Maxwell lamang naman talaga ang ipinagluluto ko. Sa kanilang lahat kasi ay siya iyong pabaya sa pagkain. Hindi baleng malipasan ng gutom basta makapagtrabaho," buntong-hininga niya. "Oo, matagal na."
"Nadamay na lang po pala si Maxrill sa mga ipinagluluto ninyo."
Ngumiwi si Aling Wilma. "Mas gusto kong ipagluto si Maxrill sapagkat hindi siya mapili. Masarap siyang ipagluto kasi walang natitira. Magana siyang kumain, pupurihin ang nakahain sa t'wing susubo siya. Ganoon si Maxrill."
Napangiti ako. "Mahilig po pala talaga siyang kumain.
"Oo. Hindi gaya ni Maxwell Laurent na ipinagpapalit ang pagnguya sa tulog. Nauubos niya ang pagkain sa kaniyang plato kasi kakaunti lang naman ang kaniyang kinakain. Maya't maya siyang gutom pero hindi naman kumakain. Mabuti na nga lang at dumating iyang si Zaimin Yaz. Kahit dalahira, nakakakain si Maxwell nang tama."
Hindi ko maiwasang matuwa dahil napakarami kong nalaman tungkol kay Maxrill. Hindi lang kasi iyon ang mga ikinuwento nina Aling Wilma at nanay. Ipinaghiwa pa nila ako ng prutas na gagawin kong fresh juice na talaga raw magugustuhan ni Maxrill.
"Bukas na bukas ay tuturuan kitang gumawa ng mga paborito niyang meryenda,"magiliw na alok ni Aling Wilma. Kinilabutan ako sa tuwa. "Kapag may oras ka ay sasamahan kitang maghatid sa kaniyang opisina. Doon lamang iyon sa ospital. Saulo ko naman ang schedule nila. Iyon nga lang, madalas ay bigla na lang iyong naiiba, lalo na si Maxwell."
"Nahihiya po ako, Aling Wilma," nasabi ko nang matapos naming ihanda ang mesa.
"Aba'y dapat ka talagang mahiya dahil Auntie Wilma dapat ang tawag mo sa 'kin, hindi ako ale,"
"Pasensya na po," napapahiya kong sabi.
"Sige na, magbihis ka na. Bilisan mo na lamang dahil baka dumating na iyon," ngisi niya, napapangiti naman akong tumango.
Dali-dali akong pumili ng maisusuot. Sa huli ay iyong mapusyaw na dilaw na bestida ang aking napili. Ang sandalyas ay kulay krema na lalong pinapuputi ang aking totoong paa. Maging ang pagligo ay binilisan ko. Hindi ko na nga lang nagawang tuyuin ang aking buhok sa takot na lumamig na ang pagkain.
Nakangiti akong lumabas at sinalubong ang paghanga sa paningin nina nanay at Aling Wilma.
"Napakaganda mong bata ka," ani Aling Wilma.
Nagbaba ako ng tingin. "Hindi po."
"Totoong napakaganda mo," humahanga niyang sinabi. "Aba'y wala ka pang kaayos-ayos sa lagay na iyan, ah?"
Napamaang ako saka sinuyod ng tingin ang aking bestida. "Ngunit nakaayos na po ako,"napanguso ako. Kung hindi pa maayos ito, ano ba ang inaasahan niya? Bigla akong nag-alala sa magiging reaksyon ni Maxrill.
Masaya kaming dumulog sa mesa saka hinintay ang pagdating ni Maxrill. Ang gulay na iniluto ko ay halos maluto na nang todo sa sariling sabaw sa mainit niyong palayok nang hindi nagagalaw. Ang iniiwasan kong lumamig na pagkain ay tuluyan nang lumamig nang hindi siya dumarating.
Sa huli, sina nanay at Aling Wilma ang nakasalo kong kumain.
To be continued. . .
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top