CHAPTER 13


CHAPTER 13

"DUMATING NA si Maxrill." Hindi ko inaasahang ibubulong iyon sa 'kin ni nanay isang umaga na naghahanda kami ng agahan. Sandali akong natulala sa kaniya. Kung hindi lang dahil sa paglapit ni Nunna sa paanan ko ay baka hindi ko na naalis ang paningin ko kay nanay.

Naupo ako sa paanan at kinamot-kamot ang tenga ng alaga kong aso. "Gutom ka na, Nunna?" Kumahol iyon bilang tugon. Napangiti ako at muling kimaot ang kaniyang ulunan. Pero natulala na ulit ako ro'n kaiisip sa sinabi ni nanay.

Hindi ko maipaliwanag ang magkahalong kaba at tuwa sa dibdib ko. Nasa iisang bansa na kami ni Maxrill pero hindi ibig sabihin no'n na makikita ko na siya. Bakit kailangan kong makaramdam ng saya at kaba? Lalo na't sigurado naman akong hindi siya umuwi nang dahil sa 'kin.

"Paparoon sila sa Palawan matapos ang isanlinggo," kapagkuwa'y dagdag ni nanay.

Bumuntong-hininga ako saka siya nasundan ng tingin. May parte sa 'kin na tinatanong kung bakit kailangan pang sabihin sa 'kin ni nanay 'yon. Hindi lingid sa kaalaman niyang gusto ko nang kalimutan si Maxrill kahit pa ang hirap gawin no'n. Bukod sa unti-unti ko nang natanggap na magkaiba ang mundo naming dalawa.

Pero hindi ko maitatangging may parte sa 'kin na nananabik na makita uli siya. Ang totoo ay kung ano-ano na ngang eksena ang naglalaro sa isip ko oras na magkaharap kaming dalawa. May kung ano sa 'king umaasa na pareho ang pananabik naming dalawa. Nababaliw na ako para isiping gano'n 'yon, na magkakatotoo 'yon. Masyadong imposible.

Alam na kaya ni Bree na narito na si Maxrill?Napabuntong-hininga ako at sinulyapan ang aming kwarto. Nasisiguro kong matutuwa siya kapag nalaman na nakabalik na ang ultimate crush niya.

"Hala, oh, my God!" patiling lumabas ng kwarto si Bree nang yayain ito ni kuya na mag-agahan.

Lahat kami ay napalingon sa kaniya at halos kabahan nang makitang namuo ang luha sa kaniyang mga mata. Kung hindi lang dahil sa matamis na ngiti sa kaniyang labi ay baka nag-alala na kami.

"Niyaya akong lumabas ni Maxrill, 'nay! Payagan mo 'ko, 'tay! Iiyak ako kapag hindi mo 'ko pinayagan!" talagang napakalakas ng loob ni Bree.

"Talaga kang bata ka!" angil ni tatay. "Pinakakaba mo 'ko, e, maglalamyerda ka lang naman pala!"

"'Tay, date ang tawag do'n!" may diin ang ikalawang salitang sinabi ni Bree.

"'Sus, date-date, e, mayayaman lang ang pinapatos ng mga iyon! Itong nanay mo ngang may kaya, e, hindi napanindigan ni Maximor, ikaw pa kayang marunong lang kumanta? Magtigil ka, Bree!" asik ni tatay.

Nagbaba ako ng tingin. Ang umusbong na matinding inggit sa 'kin matapos ang inanunsyo ni Bree ay mabilis na napalitan ng matinding lungkot dahil sa sinabi ni tatay. Nasisiguro kong natanggap ko na 'yon matagal na. Pero bakit ngayong narinig ko uli mula sa kaniya ay nangibabaw na naman ang panghihinayang sa dibdib ko.

Dumaan ang mga araw nang hinihintay ko ang date nina Maxrill at Bree. Hindi ko kayang itanong sa kapatid ko kung kailan 'yon sa takot kong baka paghinalaan niya ako at pagtakhan ang interes ko. Kaya naman binabantayan ko na lang ang mga lakad niya, palihim na tinatanong kung saan ang kaniyang punta. Nang sa gano'n, malaman ko kung kailan talaga 'yon. Tutal naman ay nagsasabi siya nang totoo.

Pero dumaan ang buong linggo nang hindi nababanggit ni Bree ang tungkol sa kanilang date ni Maxrill. Hinihintay ko siyang magkwento habang nagmamaktol dahil hindi iyon natuloy. Pero dahil sa abala kaming pareho sa kani-kaniyang pag-aaral ay hindi namin nagawang pag-usapan. Kahit pa gabi-gabing laman ng isip ko 'yon.

"Bree, 'eto na 'yong pambayad sa project na sinasabi mo," ani nanay na inabutan siya ng isanlibo.

"Salamat po, 'nay!" nakangiti niyang tugon saka kami sabay na umalis para pumasok.

Panay ang tingin ko kay Bree habang nasa jeep kami. Tila normal lang naman ang ngiti niya, parang ganoon sa excited pumasok. Hindi halatang meron siyang dinaramdam. Sa pagkakakilala ko kasi sa kaniya, pagdating kay Maxrill ay talagang nagmamaktol siya.

Siguro ay may magandang dahilan si Maxrill para hindi sila matuloy kaya ayos lang sa kaniya. Napabuntong-hininga ako saka itinuon na lang ang paningin sa daan. Nasa Palawan na kaya siya?

Sa mga lumipas na taon nang hindi ko nakikita si Maxrill, ni isang detalyeng napag-aralan ko sa kaniyang mukha ay hindi ko nalimutan. Pero nasisiguro ko nang mga panahong 'yon na hindi ko na ulit siya iisipin gaya ng ginagawa ko noon. Natatawa ako sa aking sarili dahil tila ako mismo ang tumatraydor sa akin dahil sa malalim na pag-iisip ko ngayon.

'Ayun na naman si Maxrill sa aking isip sa buong magdamag gaya ng mga nakaraang araw. Iniisip ko kung ano ang ginagawa niya sa mga oras na ito. Paulit-ulit kong tinatanong kung natatandaan pa kaya niya ako. Parati kong iniisip kung si Ate Yaz pa rin kaya ang kaniyang gusto. At kung magkukrus pa kayang muli ang aming landas. Paulit-ulit lang iyon sa isip ko na parang sirang plaka. Pero gaya ng dati, nagawa ko ang lahat ng responsibilidad ko bilang estudyante sa kabila ng pananakop niya sa puso ko't isipan.

"Dainty," nangibabaw ang tinig ni Rhumzell nang makalabas ako sa parking lot.

Nakangiti akong lumapit sa kaniya. "Hello, Rhumzell, kumusta?"

Sinulyapan niya ang likuran ko. "'Yong kapatid mo? Hindi pa niya uwian?"

"Magkaiba kami ng schedule, e."

"I see. May pupuntahan ka pa o uuwi ka na?"

"Uuwi na sana. May assignments pa akong gagawin, e."

"Kain tayo sa labas," nakangiting anyaya niya. "My treat."

"Naku, na naman? Nakakahiya na sa 'yo, Rhumzell."

"Ayos lang 'yon, Dainty."

Napabuntong-hininga ako. Hanggang ngayon ay nahihiya akong tumanggi sa kaniya pero nahihiya rin akong sumama. Hindi ako makapagdesisyon sa t'wing mag-iimbita siya. Pero ang isang bagay na nakapagpapayag sa 'kin ay ang katotohanang baka may maikwento siya tungkol kay Maxrill.

Natuwa ako dahil nang sandaling iyon ay sa kilala kong kainan ako dinala ni Rhumzell. Iyon 'yong mumurahing pizza na pinipilahan parati sa Laguna. Bukod kasi sa mura ay masarap namang talaga. Malayo ang lasa niyon sa mamahaling pizza pero mas gusto ko.

"This is Maxrill's favorite," hindi ko inaasahang sasabihin 'yon ni Rhumzell.

Naramdaman ko nang mag-init ang mukha ko kaya hindi na ako magtataka kung gano'n na lang ang pamumula ko ngayon. Pakiramdam ko kasi ay tinutukso niya ako kahit pa isipin kong hindi iyon ang kaniyang intensyon.

"Akin ba itong isang buo?" hindi makapaniwalang tanong ko, iniiba ang usapan.

Natatawang tumango si Rhumzell. "Yeah, tag-isa tayo," aniyang itinuro ang isang buo pa sa kaniyang harapan.

Napasinghap ako. "Ano..." naiilang akong ngumiti sa kaniya. "Hindi ko kayang ubusin 'to."

"Kailangan mo ng tulong?" aniyang inilabas ang cellphone. "Pwede kong tawagin si Maxrill."

Gano'n na lang ang dagundong ng kaba sa dibdib ko sabay tanggi ng pareho kong kamay. "'Wag," agap ko. "Iuuwi ko na lang 'yong matitira. Isa't kalahati lang ang kaya kong...ubusin." Napapalunok kong sinabi.

"What?" hindi makapaniwalang aniya. "Ano ka, pusa?" natawa siya.

Napanguso ako. "Kumakain ba ng pizza ang pusa, Rhumzell?" inosente kong tanong, interesado.

Sandali siyang napatitig sa 'kin saka natawa. "You're so cute, Dainty."

Napanguso ako dahil hindi niya naman sinagot ang tanong ko. Nahihiya man ay sinimulan kong kumain. "Salamat ulit sa treat, Rhumzell. Hindi bale, kapag nagtatrabaho na ako, ililibre rin kita."

Ngumiwi siya. "Kahit gusto ko, hindi ako nagpapalibre sa babae, Dainty," tumawa siya sa huli.

Napanguso ako. "Bilang ganti lang sa ilang beses mo nang panlilibre sa 'kin."

"Hindi ko naman kailangan ng kapalit, Dainty. Let's eat," anyaya niya saka ako nagpatuloy kumain. "Dito rin kami kumain no'ng dumating si Maxrill. Nakaubos siya ng tatlong buo."

Umawang ang labi ko. "Gano'n karami?"

Natatawang tumango si Rhumzell. "Matakaw si Maxrill, sobra. Pero hindi tumataba."

Palihim kong nakagat ang aking labi dahil nangiti ako sa nalaman. "Pero sobra pa rin 'yong tatlong buo. Kung hindi mahirinan, baka naman manakit ang kaniyang tiyan."

Ngayon pa lang ay iniisip ko na kung paanong nagkasya ang lahat ng iyon sa tiyan ni Maxrill. Hindi siya payat, hindi rin sobrang maskulado. Pero totoong maganda ang kaniyang katawan, lalo siyang nagmukhang perpekto. Lean siguro ang maaaring itawag sa uwi ng katawan niya.

Natatawang umiling si Rhumzell. "Believe it or not, he can finish three or more boxes of pizza."

Pabuntong-hininga akong humanga, hindi talaga makapaniwala. "Gano'n pala talaga siya katakaw, ano?"

Natatawa siyang tumango. "Ask your sister, Bree. Kahit siya ay hindi makapaniwala sa katawakan ni Maxrill."

Sandali akong natigilan. 'Sabagay, ano ba ang hindi alam ni Bree kay Maxrill? Natural lang na alam niyang matakaw si Maxrill.

"Nagkarera pa nga silang makaubos ng isang box, hindi nanalo kay Maxrill ang kapatid mo,"dagdag ni Rhumzell.

"Talaga?" natatawa, ini-imagine ang kwento niyang tugon ko hanggang sa matigilan. "Kailan 'yon, Rhumzell?" naantig ang kuryosidad ko.

"No'ng nakaraang araw lang. Lumabas kaming tatlo. Hinanap nga kita, sabi ni Bree ay busy ka sa school works."

Natigilan ako, naramdaman ko ang pagkawala ng ngiti sa aking labi at mukha. Pero dahil nakatingin siya ay pinilit ko muling ngumiti saka napabuntong-hininga.

No'ng nakaraang araw ay wala akong pasok...Nagbaba ako ng tingin sa pizza.

"Hindi ba nabanggit ni Bree sa 'yo?"kapagkuwa'y tanong niya.

Pinilit ko lalong ngumiti. "Busy kasi ako..."pagsisinungaling ko. Ang totoo ay isa ako sa mga naunang makatapos ng thesis kaya maluwang na ang schedule ko. "Saka...okay lang naman kahit hindi banggitin ni Bree 'yon."

Sinilip ni Rhumzell ang mukha ko. "Really, huh?"pabiro niyang tugon.

Napanguso ako. "Oo. Okay lang."

"I don't believe you," ngiwi niya.

Nakagat ko ang aking labi saka lalong napanguso. Pero hindi ko na nagawang magdahilan pa lalo na't kasinungalingan din lang.

"He's going to stay in Palawan, doon sila magtatrabaho ni Kuya Maxwell," kapagkuwa'y dagdag niya. "Siya raw ang tatayong accountant sa hospital na ipinatayo ng mga Moon para kay Kuya Maxwell."

"Talaga?" sinsero ang tuwa ko.

Masaya ako na makapagsisimula na siyang magtrabaho. Pero sa kabilang banda ay naramdaman ko na naman ang agwat at kaibahan naming dalawa. Ako ay nag-aaral nang mabuti para makapagtrabaho sa magandang kompanya. Habang siya ay nag-aral nang mabuti upang mapatakbo nang maayos ang sariling kompanya.

Sa dami ng ikinuwento ni Rhumzell, iilan lang ang nabanggit niya tungkol kay Maxrill. Lahat kasi ay patungkol sa ospital ni Kuya Maxwell at naiintindihan ko naman iyon dahil nabanggit niya ring plano ng kuya niyang magpatayo ng ospital para sa kanilang dalawa at kay Ate Dein Leigh. Ganoon yata talaga kapag nasa ganoong field at mayaman.

"Your sister is also planning to work in Palawan," doon lang yata bumalik ang katinuan ko mula sa pagkatulala. "Plano niyang sundan si Maxrill, I guess," humalakhak siya sa huli.

May planong ganoon si Bree? Hindi nabanggit sa 'kin ni Bree iyon. Hindi ko alam kung nabanggit niya kina nanay at tatay, o kay kuya. Pero sa akin ay wala akong natandaang ganoon.

"Ikaw?" bigla ay tanong ni Rhumzell.

"Anong ako?" napilitan ulit akong ngumiti.

"Hindi mo ba planong sundan si Maxrill?"mapait siyang humalakhak.

Sasagot na sana ako nang mapansin ang pait sa ngiti niya. Napabuntong-hininga ako at muling naalala na may pagkakahawig ang sitwasyon naming dalawa. Kung ako ang papipiliin ay ayaw ko rin siyang masaktan gaya ng selos at inggit na aking nararamdaman.

"Gusto kong maging beterinaryo, Rhumzell,"nakangiting sabi ko. "'Wag mo sanang pagtawanan pero dahil iyon sa alaga kong aso, si Nunna."

"Nunna?" parang natatawang aniya. "You know, Maxrill's dog is named Hee Yong."

"Ah, oo, nabanggit sa akin ni Bree iyon."

"Sounds like hyung in Korean, kuya in Tagalog," dagdag pa niya, ngayon ko lamang nalaman iyon. "Your dog's name is Nunna? Sounds like noona in Korean which means ate in Tagalog."

Natigilan ako. "Talaga?"

Natatawa siyang tumango. "Yeah, I learned that from Ate Dein Leigh. Iyon ang tawag sa kaniya ni Kuya Deib Lohr."

Natigilan ako at naalalang hindi ipinaliwanag sa akin ni nanay iyon nang isuhestiyon niya ang pangalan ni Nunna. Napanguso ako nang maisip na sinadya ni nanay iyon para maihalintulad kay Hee Yong. Pero wala naman akong patunay kaya hindi ko maaaring pagbintangan si nanay.

Napilitan akong ngumiti. "Nakakatuwa pala." Hindi ko alam kung tama bang sabihin 'yon.

Sandaling natahimik ang pagitan namin ni Rhumzell. Gusto kong mainis sa sarili nang maghintay akong banggitin niya muli si Maxrill. Tuluyan akong nainis nang maghangad na marinig sa kaniyang hinanap ako ni Maxrill. Naaalala ko kung gaano kasarap sa pakiramdam na malaman 'yon noon. Na hinanap o nabanggit ako ni Maxrill kaninoman.

Pero natapos na kaming pareho na kumain, naipabalot na namin ang hindi ko naubos na pizza, wala pa rin siyang nababanggit.

Nakipagkumustahan si Rhumzell kina nanay at tatay nang maihatid ako. Siya namang dating ni Bree galing school kaya sandali rin silang nagkakumustahan. Pero matapos no'n ay nagpaalam nang uuwi si Rhumzell. Hindi na niya nabanggit pa si Maxrill.

"Nagde-date na kayo uli ni Rhumzell, ate?" may himig ng panunukso sa tinig ni Bree nang itanong iyon. Naroon na kami sa kwarto at parehong naghahanda na matulog.

"Hindi, ah," nabibigla ko pang sagot.

"Ikalawang beses ninyo nang lumabas ulit,"panunukso pa rin niya.

"Friendly date lamang daw iyon sabi niya."

"Gano'n na rin iyon, ate."

Bumuntong-hininga ako. Kung ganoon ay ano kaya ang maaaring itawag sa paglabas nila ni Maxrill, gayong kasama nila si Rhumzell noon? Hindi na ako nagsalita.

Sa halip ay palihim kong pinanood si Bree na naroon sa harap ng salamin at nakangiting nagsusuklay. Sa isip ay hinihiling kong sana ay magkwento siya ngunit mukhang wala siyang balak na gawin 'yon.

Ngayon ko lang napansin na panay ang ngiti niya nitong mga nakaraan. Hindi siya palamaktol at bihira mang kumibo ay mukha namang masaya. Naisip ko tuloy ay si Maxrill ang dahilan niyon. Dahil kumain sila sa labas.

'Ayun na naman 'yong inggit ko. 'Ayun na naman 'yong pag-iisip ko kung darating din ba 'yong panahon na mangyayari iyon sa akin?

Muli kong sinulyapan mula sa pagkakahiga ang bilog na buwan saka ako mapait na ngumiti. Siguro nga ay hanggang doon na lang ako. Sa pagsulyap sa buwan at alalahanin si Maxrill doon. Sa pagtitig sa buwan at ipaalala sa sarili na ganoon din ang agwat at kaibahan naming dalawa; malayo at panghabang-buhay na may distansya. Sa paghiling na maging sarili niya ring buwan sa madilim na kalawakan; napalilibutan ng libo-libong kumikinang na bituin ngunit nag-iisa at kaysarap titigan.

Hanggang doon na lang ako; sa pagsulyap, sa pagtitig, sa paghiling...sapagkat si Maxrill iyong taong maaaring pangarapin ngunit hindi kayang abutin. Napatunayan ko 'yong nang muling lumipas ang mga araw, linggo at buwan, na naroon kami sa iisang bansa ngunit hindi nagkikita. Patunay lang na kahit saan siya naroon, paglapitin man kami at paulit-ulit na paglayuin, kung hindi siya para sa akin.

"Congratulations, Bree Anabelle!" sabay-sabay naming bati saka ko inilahad ang cake na inihanda namin para ngayong graduation niya. "Mag-wish ka na at saka mo i-blow ang candle," mas excited ko pang sinabi.

Naiiyak bagaman masayang pumikit si Bree. "Ito na ang simula ng pagtupad sa aking mga pangarap!" aniya nang magmulat. "Gagawin ko po lahat, basta si Maxrill po ang makatuluyan ko!"hiling niya habang ang parehong kamay ay magkahawak at naroon sa ilalim ng mukha.

Pinigilan kong mapalitan ng pait ang ngiti sa aking labi. Hindi ko maaaring ipagpalit ang kapatid ko sa sakit na aking nararamdaman. Pero hindi ko napigilang pangiliran ng luha na itinago ko sa sinserong ngiti at saya para sa panibagong achievement na natanggap niya. Naluluha ko siyang niyakap nang maalala ang lahat ng sakripisyo niya sa amin noong pareho pa kaming baldado ni tatay. Kung paano siyang napilitang magbenta ng sigarilyo para lamang makatulong na mapakain ang buo naming pamilya. Kung paano siyang napasasaya ng nararamdaman niya para sa lalaking pareho naming gusto. Kahit iyon na lang siguro ang aking regalo. Ang kalimutan si Maxrill at tigilan ang pag-aasam sa imposibleng magkatotoo.

"How are you, Dainty?" Gano'n na lang ang gulat ko nang mapagbuksan ng pinto si Ate Maxpein.

"Ate, tuloy ka," magiliw kong sagot. Pero gano'n na lang ang gulat ko nang meron siyang kasama. Sabay naming napagkunutan ng noo ang sarili. "Ay, hello po," naiilang kong bati.

"'Oy, ikaw na ba 'yong kapatid ni Destiny?"halos mapaatras ako sa lakas ng boses niya. "Papasok na 'ko, ah?" aniyang sinunod din ang sarili. "Ako si Zarnaih, Naih na lang. 'Wag ka nang mag-ate at nakakabawas ng ganda 'yon."

"Dainty Arabelle ang pangalan niya," ani Ate Maxpein.

"Hello po," nakagat ko ang aking labi.

"Ganda ng pangalan mo, bagay na bagay sa 'yo. Ang ganda mo," humahangang ani Ate Naih, pinamulahan ako ng mukha at nagbaba ng tingin. "In fairness, maganda ka. Parang ayokong maniwalang kapatid ka ni Destiny. Kaunting ayos na lang, ka-level na kita," dagdag pa niya.

"Mas maganda si Dainty sa 'yo, tss," masungit na ani Ate Maxpein, namula pa lalo ang pisngi ko. Lalo pa akong nahiya nang masulyapang hindi nila inaalis ang tingin sa mukha ko.

"Para kang barbie doll," naaaliw na ani Ate Naih saka muling sinuyod ng tingin ang kabuuan ko. Naiatras ko ang bakal na paa ko upang maitago iyon sa kaniya. "Kapag nakilala ka ng ate ko, maiimbyerna 'yon sa 'yo. Ayaw niya sa mas nakakaganda sa kaniya."

"May ate pa po kayo?" nakangiti kong tanong.

Sumama ang mukha ni Ate Naih. "Mukha ba 'kong panganay?" asik niya. Dahilan para matawa si Ate Maxpein ngunit sumeryoso rin. "Si Zaimin Yaz ang ate ko, pinakapangit na ate sa buong mundo."

"Tss," muling natawa si Ate Maxpein saka umiiling na tumingin sa akin. "Si Yaz 'yong girlfriend ni Maxwell."

Girlfriend...

Hindi ko alam kung bakit may idinulot na magandang pakiramdam sa 'kin ang katotohanang iyon. Nakonsensya ako dahil kinalimutan ko na ang nararamdaman ko kay Maxrill at hindi na dapat pang makaramdam no'n.

"Nice to meet you, Ate Naih," sabi ko, iniiba ang usapan.

"Where's Heurt?" kapagkuwa'y ani Ate Maxpein.

"Nagpunta lang po sandali sa talipapa. Pabalik na rin po siguro si nanay," ngiti ko.

"Nagdala kami ng meryenda," inilahad ni Ate Naih ang may kalakihang box sa akin. "Nasa'n ang kusina niyo? Ako na ang maghahanda."

"Sasamahan ko na po kayo," nakangiti, naiilang ko pa ring sinabi.

"Nag-aaral ka pa?" nakangiting tanong niya.

"Isang taon na lang po, tapos na ako ng kolehiyo."

"Wow. Gusto mong maging flight attendant? Maraming kakilala ang ate ko, pwede ka niyang matulungan."

Umawang ang labi ko at napalunok. "Hindi na po,"nahihiya at naiilang na pagtanggi ko. "Gusto ko po kasing magtuloy sa pagiging beterinaryo."

"Ay, talaga? Nakakatuwa ka naman. Oo, pag-igihan mo 'yan. Tapos magpapatayo ka ng sarili mong clinic?"

"Sana po, sa future."

"'Sus, isang pitik lang sa Ate Maxpein mo 'yan."

Nakangiti akong ngumuso. "Gusto ko pong magpundar sana ng sarili ko, ate. Nahihiya na rin po ako kina Ate Maxpein, e."

Napangiti siya saka tumitig sa 'kin. "May boyfriend ka na?"

Natigilan ako saka nakagat ang aking labi. "Wala po," binalingan ko ang ref at saka ako naglabas ng coke mula roon. "Hindi pa po ako nagkaka-boyfriend."

"May irereto ako sa 'yo!"

"Po?"

"Tss. Sino naman?" hindi namin inaasahang susunod sa 'min si Ate Maxpein. Tumingin siya sa 'kin at kinuha ang buko pie na bitbit ko. "Ako na. Maupo ka na ro'n."

"Salamat, ate."

"Kailan ang susunod na schedule ng check-up mo?"

"Next week po, ate."

"Hindi pwedeng i-advance 'yon?"

"Hindi ko po sigurado kung naitawag na ni nanay iyong prosthesis ko, ate. Bakit po?"

"Ipadadala ko sana si Heurt sa Palawan," ani Ate Maxpein.

Natigilan ako. "Bakit po?" tanong ko.

Sasagot na sana si Ate Maxpein nang pumasok naman si nanay kaya hindi iyon natuloy. Nagkumustahan sila saka naupo si nanay sa tabi ng panganay na anak. Pero sa ibang lenggwahe sila nag-usap. Ang tanging naintindihan ko ay mga pangalan nina Kuya Maxwell, Ate Yaz at...Maxrill.

"May irereto ako sa 'yo," kapagkuwa'y sinabi muli ni Ate Naih.

Natatawa kunyari akong kumagat sa buko pie. "Naku, ate...pag-aaral po muna kasi ang inuuna ko."

"Pwede mong isabay sa pag-aaral 'yon, ano ka ba! Ako nga noon, ligawin pero hindi nawawala sa top ten! Bago maka-graduate, nagka-boyfriend pero valedictorian at cum laude!" nagmamalaking aniya, nangiti ako at humanga sa kaniyang ganda."Kilala mo ba si Maxrill?"

Gano'n na lang ang pagkasamid ko sa huling tanong niya. Natakpan ko ang aking bibig matapos maubo. Nailapag ko sa platito ang buko pie ko saka inabot ang softdrinks. Napalingon silang lahat sa 'kin nang mas tumindi ang ubo ko bago pa ako makainom.

"Dahan-dahan sa pagkain, Dainty, ano ka ba?"sita ni nanay.

Nagbaba ako ng tingin saka pinunasan ang bibig ko. "Pasensya na po," nasabi ko sa kanilang lahat.

"Nabanggit ko lang si Maxrill, inubo,"nakakalokong pang-aasar ni Ate Naih, si Ate Maxpein ang kausap habang nakaturo sa akin.

Sinulyapan ako ni Ate Maxpein, ang natural niyang angas ay nagdulot ng kaba sa akin. Saka siya ngumisi at nag-iwas ng tingin. Napanguso ako at nakagat ang aking labi.

"'Oy, kilala mo, 'no?" nanunuksong ani Ate Naih.

"Opo," naitikom ko ang aking bibig matapos sabihin 'yon.

"Tingin ko ay hindi nagkakalayo ang edad niyo ni Maxrill!" ani Ate Naih, napakalakas talaga ng kaniyang boses. Hindi ko maiwasang mag-alala dahil baka biglang dumating si Bree at marinig siya. "Mahilig kasi sa maganda 'yon. Mahilig siya sa tulad mong pang-beauty queen ang height!"

Napalobo ko ang aking bibig at hindi nakapagsalita. Sa hindi malamang dahilan ay naikompara ko ang mga sarili namin ni Bree. Malayo ang taas naming dalawa, halos hanggang balikat ko lang sila. Pareho sila ni Kuya Kev na namana ang height kay nanay, ako lang ang nakakuha ng tangkad ni tatay. Pero pareho naming nakuha ni Kuya Kev ang kutis ni nanay habang morena naman si Bree na gaya ni tatay.

"Isasama ko na lang si Dainty." Tuluyan na akong hindi nakapagsalita nang sabihin iyon ni nanay. Napalingon ako sa kaniya, nakatingin na rin siya sa akin. "Sumama ka sa akin sa Palawan sa katapusan, Dainty. Tutal naman ay sem break mo na."

"Po?" hindi makapaniwalang tugon ko, ang isip ay napuno agad ni Maxrill.

Tumango si nanay. "Narinig mo ang sinabi ko, hindi ba?"

"Naku, tamang-tama! Naroon si Maxrill!" excited na ani Ate Naih, hindi lalo kumalma ang dibdib ko. "Galing kami roon, brokenhearted nga lang ang isang iyon."

Tuluyan na akong natuliro. Na kahit anong banggit ni Ate Naih kay Maxrill ay hindi ko na naintindihan. Maging sina Ate Maxpein at nanay ay nababanggit din siya sa kabila ng ibang lenggwaheng gamit sa pag-uusap pero hindi ko na sila napakinggan. Ang isip ko ay natuon na sa kaiisip kung bakit sa t'wing pipiliin ko siyang kalimutan ay tila hindi naman iyon nasasang-ayunan ng panahon. Ayaw kong bigyan ng pag-asa ang sarili ko pero doon nauuwi ang aking nararamdaman.

"Nanay," pabulong kong pagtawag kinabukasan.

Mas maaga akong nagising kesa normal dahil sa hindi maipaliwanag kong excitement. Sa katapusan pa naman 'yon pero kagabi pa lang ay nag-iisip na agad ako sa mga mangyayari. Paulit-ulit kong inalala kung makikita ko ba doon si Maxrill at kung paano ang magiging pakitungo namin sa isa't isa. May kung ano kasi sa akin na iniisip na hindi niya na ako kilala.

"Nabanggit niyo na po ba kay Bree ang tungkol sa pagpunta natin sa Palawan?" nag-aalala kong tanong. "Hindi po kaya siya magtampo na ako ang isinama niyo at hindi siya? Saka...ano po ba ang gagawin natin doon?"

Bumuntong-hininga si nanay. "Halika, bumili na muna tayo ng tinapay at mantekilya sa panaderya."Batid kong nilakasan ni nanay ang sinabi, ipinaririnig nang sadya kay tatay. "Hindi ko pa nababanggit sa kaniya," ani nanay nang makalabas kami ng bakuran. "Inaalala ko ring magtatampo siya."

Napanguso ako. "'Wag niyo na lang kaya akong isama, 'nay?"

Bumuntong-hininga si nanay at saka lumingon nang sadya sa akin. "Ang totoo ay inaalala ko rin ang mararamdaman ng kapatid mo."

"Hindi na lang po ako sasama, 'nay. Ayaw ko na rin po naman kay Maxrill." Nag-iwas ako ng tingin.

"Talaga ba?" 'ayun na naman ang nanunuksong tinig niya.

Nagmatigas ako. "Opo, 'nay. Hindi ko na po siya gusto."

"Eh, bakit ayaw mong sumama?"

"Dahil inaalala ko po si Bree, 'nay."

"Hindi naman alam ni Bree ang nararamdaman mo."

Natigilan ako at napaisip sa sinabi niya. "Baka kasi po...magselos siya na hindi siya kasama."

"Oo nga. Pero wala naman siyang magagawa sapagkat siya ay may eskuwela pa at ikaw ay wala."

"Sino po ang mag-aasikaso kay tatay?"

"Nariyan naman ang kuya mo. Isa pa, hindi ka rin naman maaaring tumulong sa tatay mo kung iiwan kita rito."

"Pwede ko po silang lutuan," suhestyon ko.

"Magagawa rin naman iyon nina Kev at Bree. Wala rin namang ginagawa ang kuya mo, naroon na lang siya sa bahay sa katapusan." Inakbayan ako ni nanay. "Sige na, samahan mo na si nanay..."paglalambing niya.

Napanguso ako. Ang totoo ay gusto ko ring sumama, maitatanggi ko 'yon sa lahat maliban sa sarili ko. Pero natatakot ako sa maaari kong maramdaman. Nasisiguro kong babalik ang pagtingin ko kay Maxrill oras na makita ko siya ulit. Mababalewala ang lahat ng pagsisikap ko na malimutan siya noon.

Ganoon na lang ang kaba ko nang makababa kami sa paliparan ng Palawan. Kumapit ako sa braso ni nanay. Pero gano'n na lang ang pagkamangha ko nang tuluyan nang makita ang lugar.

"Napakaganda ng Palawan, hindi ba?" ani nanay. Hindi ko nagawang sumagot, tanging pagtango lang ang aking tugon. "Kaya rin ikaw ang gusto kong isama sapagkat...alam kong hindi ka pa nakapunta sa ganitong lugar."

Tuluyan na akong hindi nakapagsalita. Sa halip ay inabuso ko ang pagmamasid sa karagatan. Paa naman ang dispalinghado sa akin pero pakiramdam ko ay noon lang namulat sa ganoon tanawin ang aking paningin.

"Bagay!" nangibabaw ang tinig ng matandang lalaki. Sabay namin itong nilingon ni nanay ngunit ganoon na lang ang ngiti niyon sa akin. "Anak mo, Madam Heurt?"

"Oo, pangatlo," nakangiting ani nanay.

"Tawagin mo na lamang akong Mang Pitong,"anang ginoo.

"Dainty Arabelle po ang pangalan ko," nahihiya kong tugon nang alalayan ako nitong makasakay sa yate.

Ngunit gano'n na lang ang pagkatulala ko nang mapatitig sa sahig ng yate. Kung saan nakaukit sa gintong kulay ang pangalan na Maxrill Won Del Valle...

Sa kaniya ito... Nahugot ko ang aking hininga saka napalingon sa kabuuan ng yate.

Wala halos akong makita maliban sa karagatan. Nang may matanaw naman akong building ay apelyido agad ng mga Moon ang aking nabasa. Moon Hotel.

Napabuntong-hininga ako sa katotohanang ganoon karangya ang kanilang buhay. Hindi lang yata buwan si Maxrill, isa ring kalawakan.

Sa kanila ito... Hindi ko halos malaman kung anong parte ang una kong titingnan sa ilang palapag na gusaling iyon. Hindi ko na halos natulungan si nanay sa pag-intindi sa mga gamit namin. Bukod kasi sa may tumulong sa amin, abala ang mga mata ko sa pagmamasid sa kabuuan ng lugar.

"Pupunta tayo sa penthouse ni Maxwell, naroon sila ni Zaimin Yaz. Paparoon si Wilma dahil naghanda na siya ng hapunan," ani Mang Pitong nang muli namin siyang puntahan sa 'baba.

"Eh, si Maxrill?" kapagkuwa'y ani nanay. Napalingon ako sa kung saan upang hindi masalubong ang tingin niya.

"Pupunta rin iyon doon," sagot ni Mang Pitong.

"Alam ba nilang darating kami?"

"Hindi alam ni Maxwell."

"E, si Maxrill?"

"Alam niya," natawa si Mang Pitong. "Ang totoo ay naroon iyon sa mga villa sa Pamalican, inaasikaso iyong ipinatatayo niyang restawran. Dali-daling nagpasundo no'ng mabanggit kong darating kayo ng anak mo."

"Talaga?" naaaliw na tugon ni nanay. "Bakit kaya?" nanunuksong dagdag pa niya. Palihim akong ngumuso at sumimangot.

"Ewan ko," halakhak ni Mang Pitong. "'Ka ko'y hindi ko siya masusundo dahil ako rin ang susundo sa inyo. Minamadali ako't maliligo pa raw siya."

Tumawa nang malakas si nanay. "Nakakatuwa naman si Maxrill. Baka sabik akong makita? Ano sa tingin mo, Pitong?"

Sumulyap ako sa kanila ngunit ang nanunuksong tingin ni Mang Pitong ang aking nasalubong. Nakagat ko ang aking labi saka ako napanguso.

"Baka ganoon nga, Heurt," ani Mang Pitong saka kami iginiya papasok sa sasakyan niya.

Muli pa akong humanga nang makarating kami sa ospital na pag-aari ni Kuya Maxwell. Walang sandali na iginala ko ang paningin na hindi ako nagmukhang ignorante. Lalo pa nang sumakay kami sa elevator at makita nang tuluyan ang penthouse ni Kuya Maxwell. Naroon pa lang kami sa labas ng pinto, pero dahil salamin ang kabuuan niyon, nakikita ko ang loob. Maski ang pangalan niyang nasa labas at nakaukit sa ginto ay hinangaan ko.

"Napakayaman ng mga Moon, 'nay," pabulong na sabi ko.

"Ganoon nga," ngiti niya saka tinanaw ang katutunog lang na elevator.

"Wilma," pagbati ni nanay saka lumapit upang tulungan siya sa kaniyang mga bitbitin. "Siya nga pala, si Dainty Arabelle, anak ko."

"Wow, hello..." nakangiti akong sinuyod ng tingin ni Aling Wilma. "Napakaganda ng anak mo."

"Salamat," ngiti ni nanay. "Siya ang Tita Wilma mo. Siya ang nagluluto para kina Kuya Maxwell at Maxrill mo."

"'Nay..." nahuli ko ang braso ni nanay.

"Oh, bakit? Nina Maxrill at Kuya Maxwell mo,"pag-uulit niya ngunit nasisiguro ko ang nakatagong pang-aasar niya kanina.

"Naku, mukhang may gamot na kasungitan iyong isang alagain ko," kapagkuwa'y ani Aling Wilma. Inosente akong tumingin sa kaniya. "Ikaw ba ay may nobyo na, hija?"

"Wala po," nahihiya kong sagot.

"Tamang-tama, ipakikilala kita kay Maxrill."

Nakagat ko ang aking labi saka nahihiyang nag-iwas ng tingin. Hindi ko maintindihan kung bakit pakiramdam ko ay kanina pa ako itinutukso kay Maxrill. Kahit na ang totoo ay hindi naman 'yon ang kanilang intensyon.

Hindi na ako nakasagot nang muling tumunog ang elevator. Lumabas mula roon si Kuya Maxwell. Nakaakbay siya sa isang napakagandang babae na nasisiguro kong si Ate Yaz. Nakita at narinig kong magsalita si kuya, narinig ko rin silang purihin ni nanay. Pero agad akong natulala nang makita kung gaano kagagandang lalaki at babae nila. Bahagya akong nagtago sa likuran ni nanay dahil sa kahihiyan.

Panay ang pagsilip ko kay Ate Yaz at nagulat nang makitang sinisilip rin niya ako nang may ngiti sa labi. Parang gusto kong matulala sa kaniyang mukha, sobrang ganda niya na halos magkulang maski na ang salitang maganda.

Siya ang nagustuhan ni Maxrill...ngayon ay alam ko na ang dahilan kung bakit.

To be continued. . .

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top

Tags: #maxinejiji