CHAPTER 12

CHAPTER 12

"SIGURADO KA bang hindi ka magpapaalam kay Maxrill?" tanong ni nanay nang balikan niya ako sa puno at magyayang umuwi.

Magkakasunod akong umiling. Pero sa sandaling iyon, hindi ako ngumuso. Hindi ako sumimangot. Hindi nalukot ang aking mukha. Dahil ang pagtawag niya sa pangalan ko ay paulit-ulit ko pa ring naririnig. Para iyong musika na hindi ko maipaliwanag ang dulot na saya.

"Ikaw talagang bata ka, oh..." napapailing na ani nanay.

"Tinawag niya ang pangalan ko, 'nay."

"Oo nga't dinig na dinig ko, isigaw ba naman," natatawa siyang bumuntong-hininga.

Gusto ko tuloy mahiya sa pagkakangiti ni nanay, pakiramdam ko ay tinutukso niya ako.

"Ang sabi niya ay hindi pa raw niya lubusang nakikita ang mukha mo," ani nanay.

Napanguso ako. "Hindi ko siya kayang harapin, 'nay, hindi ko po maipaliwanag."

"Hindi bale, marami pa namang pagkakataon. Baka sa susunod...magkausap na kayo nang ayos," ngiti ni nanay.

Hindi ko alam kung paanong binuhay ng mga sinabi niya ang pananabik kong makita ulit si Maxrill. Kahit na ang totoo ay hanggang pananabik lang naman ako. Alam ko sa sarili ko kasing kung darating man ang pagkakataong iyon, hindi ko pa rin siya makakayang harapin. O kung kayanin ko man, hindi ako sigurado kung paano kong matatagalan.

Nakauwi kami nang iyon ang nasa isip. Ang tuwa sa puso ko ay hindi na yata mabubura. Naging espesyal sa akin ang pagtawag na iyon ni Maxrill sa pangalan ko. Pakiramdam ko tuloy ay buong araw akong nakalutang sa tuwa at saya.

"Hindi ako nakasama!" nakanguso, kunyaring umiiyak na atungal ni Bree nang malaman niyang pumunta kami ni nanay sa mansyon ng mga Moon. "Nakaalis na ba si Maxrill, 'nay?"

Sumulyap sa orasan si nanay saka nakangiwing tumango. "Paniguradong nakaalis na 'yon."

"Kailan ko po ulit siya makikita, 'nay?"

"Ikaw, bata ka," umiiling na ani nanay saka natawa. "Hayaan mo, babalik at babalik 'yon, saan man magpunta, gaano man katagal manatili sa ibang bansa."

Sumulyap si nanay sa akin, napanguso ako. Hindi ko maintindihan kung bakit ginagawa ni nanay 'yon. Pakiramdam ko ay namumula ang buo kong mukha sa hiya. At nag-aalala akong makita ni Bree iyon.

"Sana bumalik si Maxrill sa susunod na linggo," nakangiting hiling ni Bree.

Natawa si nanay. "Dahil kaarawan mo?"

"Opo, 'nay!" excited niyang tugon.

Napanguso ako. Matagal pa ang kaarawan ko.

"Alam ba naman niya kung kailan ang kaarawan mo?" nagbibirong tanong ni nanay, nang-aasar.

"Opo, 'nay! Sinasabi ko sa kaniya sa t'wing magkakasama kami."

"Ano naman ang sagot niya?"

"Tumatawa lang po," ngumuso si Bree. "Wala naman kasi akong party na kagaya sa kaniya, 'nay."

"Pwede mo naman siyang imbitahin kahit na hindi kasing ganda ng handa nila ang sa kaarawan mo, Bree. Mahusay makisama ang mga Moon."

Sabay na nanlaki ang mga mata namin ng bunsong kapatid ko. "Talaga po, 'nay?" tanong ni Bree.

"Mahilig kumain si Maxrill, hindi siya mapili," ngiti ni nanay saka muling sumulyap sa 'kin.

"Paniguradong magugustuhan ni Maxrill ang lutong pansit ni Ate Dainty!" bulalas ni Bree.

"Hala ka?" nahihiya kong sabi.

"Iba ang pansit mo, ate!" may himig ng pagmamalaki sa tinig niya, nakonsensya tuloy ako. "Pero...ayos lang kaya 'yon kung pansit lang ang ihahanda natin, 'nay?"

Natawa si nanay. "Hindi mo mapapakain ng isang pagkain lamang iyon. Hayaan mo't lulutuan ko kayo ng ulam."

"Talaga po, 'nay?" excited na ani Bree, tumango si nanay. "Salamat, nanay!" patakbo siyang lumapit at yumakap sa aming ina. "Thank you, 'nay!"

Napangiti ako at hindi ko maitatangging ako man ay na-excite. Sa tindi ng excitement ni Bree, kinabukasan pa lang ay ikinuwento niya na kina tatay at kuya ang pananabik sa kaarawan niya. Nang araw rin na 'yon ay sinadya niyang bawasan ang pagkain. Aniya ay kailangang magpapayat siya para sa damit na isusuot niya. Seryoso siya dahil dumaan ang mga araw, paunti nang paunti ang kinakain niya.

Ang pinaghandaan ko naman ay ang pag-iipon ng ipambibili ko ng cake. Bagaman hindi humiling ng cake si Bree ay iyon ang gusto kong iregalo sa kaniya.

Pero hindi na nangyari ang sinasabi ni nanay. Dahil dalawang araw bago ang kaarawan ni Bree ay ibinalita ni nanay na hindi makadarating si Maxrill.

Nalungkot ako pero higit na ang kapatid ko. Bigla ay ayaw niya nang ituloy ang kaniyang handaan. Gusto niya ay magkulong na lang sa kwarto. Mula Byernes, pagkatapos ng klase, hanggang Linggo, kaarawan niya, nanatili si Bree sa kwarto.

"Bree..." pagtawag ko. Pero si Kuya Kev ang kumatok para sa akin. Hawak ko na kasi ang cake, may sindi na rin ang kandila niyon.

"Salamat sa pansit, ate, hindi ako nagugutom," pasigaw na tugon ni Bree, ang hinanakit ay nasa tinig.

"Maaari mo bang buksan ang pinto saglit, Bree?" pakiusap ko, nangingiti. Ako pa yata ang mas excited sa kaniya.

"Ate naman, e! Nag-e-emote nga ako."

"Sige na, Bree, please?"

"Haay, kung hindi ka lang talaga boses anghel..." natigilan si Bree nang mapagbuksan kami.

"Happy birthday to you, happy birthday to you. Happy birthday, happy birthday...Happy birthday to you!" sabay-sabay naming kinanta iyon nina nanay, tatay at kuya.

"Happy birthday, Bree Anabelle!" sabay-sabay pa muli naming bati.

"Hala naman!" nangilid ang luha ni Bree, kinusot ang mga mata saka umiiyak na yumakap kina nanay, tatay at kuya. "Salamat, Ate Dainty!"umiiyak niyang sabi.

"Happy birthday, Bree," malambing kong sabi. "Humiling ka na, Bree. Tapos ay hipan mo ang kandila."

Pinunasan ni Bree ang kaniyang mga luha saka ginawa ang sinabi ko. Nakangiti siyang pumikit at nang matapos ay hinipan ang kandila.

"Ano naman ang hiniling mo?" nakangising ani tatay.

"Na makita ko ulit si Maxrill, tatay!"

"Puro ka kalokohang bata ka."

"Hindi 'yon kalokohan, tatay. 'Yon ang wish ko!" nakangusong anang kapatid ko.

"Siya, siya, halika na't kumain na tayo. Marami itong inihanda ng mga kapatid at nanay mo."

Inakay na ni kuya si tatay paupo, magkasabay naman sina nanay at Bree. Nakangiit ko namang inilapag sa mesa ang cake.

"Regalo ni Dainty Arabelle iyan sa 'yo, Bree," ani tatay, nagmamalaki. "Pinag-ipunan niya para sa kaarawan mo."

"Salamat, Ate Dainty!" patakbong lumapit sa 'kin si Bree at yumakap.

"Walang anuman, Bree. Masaya ako na nagustuhan mo."

"Gustong-gusto ko, ate! I love you, Ate Dainty!"

"I love you, too, Bree!" nagyakap pa uli kami nang minsan.

"Kapag nagkatotoo ang hiling mo, pasalamatan mo ulit ang ate mo dahil siya ang dahilan para matupad iyon," ani tatay.

Nakangiti akong natigilan at napabuntong-hininga. Hindi ko naisip iyon at hindi ko dapat naiisip ngayon. Nang pag-ipunan ko ang cake ay wala akong ibang naramdaman at naisip kung hindi ang manabik sa pagdating ng araw na 'to. Isa pa, hindi dapat ako nakararamdam ng ganito kay Bree. Inosente siya sa nararamdaman ko habang ako ay sinasamantala iyon.

"Hihintayin ko na lang siguro ang birthday ni Maxrill, ate," ani Dainty nang pareho na kaming nakahiga sa kani-kaniyang kama.

Napalingon ako sa gawi niya saka tinanaw ang buwan mula sa bintana. "Bakit?" iyon lang ang naitanong ko.

"Sabi ni nanay ay matatagalan daw ang pagbalik niya," buntong-hininga ni Bree. "Pinagalitan daw siya ni Kuya Maxwell dahil sa kapaparoo't parito."

Hindi ko napigilang matawa, natakpan ko ang aking bibig. "Paano kasi ay umuuwi siya dahil lang sa mumurahing pizza. Kung hindi naman ay para sa pichi-pichi."

Nakita ko nang tumagilid si Bree paharap sa akin. "Hindi naman talaga iyon dahil do'n, ate,"buntong-hininga niya.

Nagugulat kong nilingon si Bree. "Ano'ng ibig mong sabihin?"

"Si Ate Yaz ang dahilan kaya siya umuuwi, Ate Dainty," mahina niyang sinabi. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangang magdulot 'yon ng kirot sa dibdib ko. "Nadulas sa 'kin si Maxrill no'ng ihatid niya ako no'ng gabi ng acquaintance party. Umuuwi siya para makita si Ate Yaz, para kumustahin," muli siyang bumuntong-hininga. "Napakaswerte ni Ate Yaz, 'no? May gusto sa kaniya si Maxrill."

Hindi ko alam kung ano ang aking isasagot. Basta ko na lang sinulyapan ang buwan at inalala ang mga binitiwang salita sa 'kin ni Maxrill.

Wala talagang katotohanan ang mga 'yon. Kung hindi biro ay baka normal lang sa kaniyang magsalita nang ganoon. Paulit-ulit kong sinabi sa isip 'yon hanggang sa makatulugan ko.

Tama ang sinabi nina nanay at Bree, dumaan ang mga buwan nang hindi ko na uli nakita si Maxrill. Naging madalang din ang pagpunta ni nanay sa mansyon ng mga Moon. Madalas pa ay hindi niya ako maisama dahil may iniuutos sa kaniya ang mga Moon na hindi maaari ang presensya ko.

Palihim kong sinabayan si Bree sa paghihintay na dumating ang kaarawan ni Maxrill nang sumunod na taon. Pero pareho kaming nabigo nang isang linggo bago dumating iyon ay sinabihan na kami ni nanay na sa ibang bansa gaganapin ang handaan niya.

Pareho kaming hindi nawalan ng pag-asa ni Bree, bagaman wala siyang ideya sa pag-aasam ko. Dumaan ang panibagong taon nang pareho naming pinanabikan ang kaarawan niya sa taong iyon. Matagal kong pinag-ipunan ang ireregalo kong kama scarf ng aso sa kaniya. Pero sa ikatlong pagkakataon ay nabigo kami ni Bree. Walang handaang naganap dahil hindi uli siya umuwi.

Akala ko ay doon na matatapos ang pag-aasam ko. Nagkamali ako. Dahil nang sumunod na taon ay walang nagbago sa akin. Na para bang hindi ako nabigo sa paghihintay at pananabik sa dalawang taon ng kaniyang kaarawan. Maliban sa kaarawan ni Bree, iyon na ang ikatlong taon na pinanabikan namin ang kaarawan ni Maxrill. Na mauuwi lang pala sa panibagong pagkabigo dahil hindi na talaga siya umuwi.

Kaya nang sumunod na taon ay hindi na ako naghintay. Bagaman hindi ko nalimutan ang kanyang kaarawan, hindi ako naghanda. Hindi ako nag-ipon para sa planong regaluhan siya. Sa halip ay ibinibigay ko na lang kay nanay ang natitira sa allowance ko. Bukod sa naging abala ako sa kolehiyo ay madalang na ring nababanggit sa bahay ang tungkol sa mga Moon. Kahit na minsan ay nahuhulaan kong sa kanila ang punta ni nanay dahil wala naman siyang ibang pinupuntahan. Ang mga Moon lang.

Naglalakad ako papauwi isang gabi nang may marinig ako na umiiyak na tuta. Inilabas ko ang cellphone na iniregalo sa akin ni kuya at binuksan ang flashlight niyon. Hinanap ko sa dilim ang kinaroroonan ng tuta.

Awang-awa kong dinampot iyon nang matagpuan sa kanal. Napakaliit pa ng tuta, parang bagong panganak. Marumi, mabaho at may sugat pa sa kilay, nakakaawa. Saka ako nagmamadaling umuwi sa bahay. Kumuha agad ako ng twalya sa sampayan at tinuyo ang tuta.

"Pwede ko naman siguro ikaw paliguan?"alinlangan pang tanong ko. "Iyong mabilis lang,"nakangiwi kong sabi dahil hindi talaga maganda ang amoy nito.

"Anong ginagawa mo diyan?" nadagnan ako ni kuya na hinuhugasan ang tuta sa labahan sa likod ng bahay.

"Nakapulot kasi ako ng tuta, kuya."

"Patingin," lumapit si kuya at sinilip iyon. "Saan mo nakuha iyan?"

"Diyan sa kanal, kuya. Umiiyak."

"Naku, e, iba ang sabon ng mga aso at tao, Dainty."

"E, wala tayong ibang sabon, kuya,"nakanguso kong sabi. "Pwede na ito, bibili na lang ako bukas."

"Ibig mong sabihin ay kukupkupin mo ang tutang iyan?"

"Bakit hindi? Napaka-cute kaya?"nakangiting sabi ko.

Gano'n na lang ang gulat ko nang makitang pulos puti iyon. Inakala kong kulay abo iyon dahil sa duming inabot nito sa kanal.

"'Ayan, tapos na!" masaya kong sinabi. "Kuya pakiabot naman ng bagong twalya!"pakiusap ko.

"Naku, e, kay Bree ito."

"Nasisiguro kong magugustuhan din ni Bree ang tutang ito, kuya. Ipapaalam ko na lang sa kaniya mamaya pag-uwi niya,"nakangiti kong sabi.

"Ano iyang bitbit ninyo?" nagtatakang ani nanay nang masalubong kami pagpasok.

"Tuta, 'nay, napulot ko po diyan sa kanal!"excited ko pang kwento.

"Ano?" natuwa si nanay at lumapit din upang tingnan ang tuta. "Mahilig ka ba sa aso, Dainty?" aniyang ang paningin ay naroon sa tuta.

"Parang ngayon pa lang, 'nay," tuwang-tuwa kong sabi. "Napaka-cute niya, hindi ba, 'nay?"kinarga ko ang tuta matapos punasan saka ipinakita sa kanila.

"Nakakatuwa, napakalinis at maamong tingnan," ani nanay na nilaro ang ilong niyon. "Halika, pakainin natin at baka nagugutom iyan." Wala talagang makapapantay sa pagiging nanay niya.

Masaya akong sumunod kay nanay. Hinanapan niya ng lalagyan na maaaring kainan ang tuta. Nilagyan niya iyon ng kanin at kaunting sabaw, saka ipinaghimay ng manok. Bukod doon ay ipinagtimpla pa ni nanay ng gatas saka pinagsalin ng tubig.

"Salamat, 'nay!" masaya kong sabi.

"Ano'ng ipapangalan mo sa kaniya?"nakangiti niyang tugon.

"Ano po kaya ang maganda, 'nay?" excited kong tanong.

"Babae ba iyan o lalaki?"

Sabay naming sinipat ang kasarian ng tuta. "Babae po, 'nay!" natuwa talaga ako.

"Mm," nag-isip kunyari si Nanay Heurt. "Isunod mo kaya sa pangalan ng crush mo?"

"Sino namang crush, 'nay?" wala sa sarili, nakangiti pang tanong ko habang ang paningin ay nasa tuta. Nang rumehistro na sa isip ko ang tanong niya ay saka lang ako natigilan. Si Maxrill?"Nanay naman, eh..."

"Oh, bakit?" pinigilan niyang matawa.

"Wala naman na akong crush,"napabuntong-hininga ako.

"Ah, wala na ba?"

"Wala na po," giit ko saka muling ibinaling ang paningin sa alaga.

"Talaga ba?" ngisi niya.

Ngumuso ako. "Matagal na po 'yon,"buntong-hininga ko. "Pag-aaral na lang po ang iniisip ko ngayon." Hindi ko alam kung matatawag bang kasinungalingan iyon. Pero totoong iyon na lang ang iniintindi ko, pag-aaral.

Gusto kong makapagtapos. Gusto kong magkaroon nang maayos na trabaho. Wala man sa pangarap ko na maging sobrang yaman, hangad kong maibigan ang lahat ng pangangailangan ng aking pamilya. Gusto kong masuklian ang kabutihan ng pamilyang Moon, higit na ang pagtayong ina ni Nanay Heurt sa amin. Gusto kong dumating iyong panahon na masusuportahan namin ang bawat pangangailangan. Iyong hindi na kailangang problemahin ang pagpapagamot ni tatay at check-up ko. Iyong magkaroon ng sariling negosyo sina nanay at tatay. Gusto kong may maipagmalaki kung sakaling magkaroon ng nobya si kuya. Gusto kong mabili ni Bree ang lahat ng damit at gamit na gusto niya. Gusto ko ring matulungan siyang makapagtapos ng pag-aaral. Higit sa lahat, gusto kong magkaroon kami ng sariling sasakyan.

Ngunit ganoon man ang iniisip ko, hindi ko maitatangging siya pa rin ang isinisigaw ng puso ko. Sa mga dumaang taon na hindi ko nakikita si Maxrill, ganoon pa rin ang kaniyang epekto sa 'kin. Kahit hindi mabanggit ang kaniyang pangalan, pakiramdam ko ay tinutukso ako sa pamumula at pag-iinit ng mukha sa t'wing maiisip siya.

Totoong hindi na ako umaasang makikita pa siya. Bagaman alam kong hindi naman imposible 'yon dahil may koneksyon ang pareho naming pamilya. Pero sa panahon na lumipas ay natutunan kong tanggapin na hindi kami magka-level ni Maxrill. Na makakausap ko siya, makikita at makakasama, pero hindi mangyayaring magustuhan niya ako. Posible ngang maging kaibigan ko pa siya. Ang tanging imposible ay ang magustuhan niya ako at magkatuluyan kami.

"'Nay..." isang araw ay lumapit ako para makausap siya. Nakangiti akong nilingon ni nanay. "Gusto ko po sanang kumuha ng isa pang kurso."

Gaya ng inaasahan ko ay nagulat si nanay. "Anong kurso?"

"Gusto ko po sanang maging beterinaryo."

"Beterinaryo?" nagugulat niyang tanong.

Nag-alala ako na baka namroblema siyang bigla sa gastusin niyon. "Ang totoo po, 'nay...nakakuha na po ako ng scholarship."Nangilid ang luha ko at saka inilabas ang certificate mula sa aking likuran.

Nagugulat iyong tiningnan ni nanay. "Dainty..."

"Mag-e-exam na lang po ako para sa kursong iyon at kapag nakapasa ay wala na po akong babayarang matrikula," ngiti ko.

"Napakahusay mong talaga!" Niyakap niya ako sa tuwa. "Masaya ako para sa iyo, Dainty! Sige, kunin mo lang ang kursong gusto mo, walang problema."

Iyon ang isa sa minahal ko kay nanay. Kahit anong mangyari ay suportado niya kami. Hindi man namin siya kadugo, mula noong una ay ipinaramdam niya nang siya ang tunay naming ina. Araw-araw kong ipinagpapasalamat na dumating siya sa amin, ang laki ng ipinagbago ng aming buhay.

"Napakahirap naman nito,"namomroblemang isinatinig ni Bree isang gabi na naroon kami sa kwarto at parehong nag-aaral. "Ugh! I really hate Math!" aniya pa.

"Ano ba 'yan? Baka may maitulong ako sa 'yo," ibinaba ko ang libro sa kama at lumapit sa kaniya. Naroon siya sa study table.

"Sumasakit na ang ulo ko," aniya na iniabot sa akin ang kaniyang libro.

Nasapo ko agad ang aking noo. "Mahirap nga ito."

"Alam mo ba, ate? Magaling sa Math si Maxrill!" Hindi ko inaasahang sasabihin niya 'yon.

Literal akong napatitig sa kaniya saka aligagang inilapag pabalik ang libro. "Subukan mo na lang balikan ang mga nauna mong subjects. Nakalimutan ko na rin kasi ang tungkol diyan. Isa pa ay hindi rin ako ganoon kahusay sa Math, Bree. O kung hindi naman ay magpatulong ka kay Kuya Kev."

"Kumusta na kaya si Maxrill, 'no, ate?"

Bumuntong-hininga ako. "Bree, kailangan nating mag-aral."

Ngumuso siya. "Naisip ko lang naman siya."

"Mamaya mo na lamang siya isipin kapag nakapag-aral ka na. Maaabala ka lang niyan, e."

Nakita ko nang ngusuhan niya ako bago nagpatuloy sa binabasa. Bumalik ako sa kama at hinarap ang aking libro sa History. Pero gano'n na lang ang pagkatulala ko roon. Naiinis akong napapikit saka naibaon sa unan ang aking mukha nang si Maxrill na ang maisip ko.

Sinabi ko kay Bree na mamaya niya na isipin si Maxrill ngunit heto ako at siya rin ang iniisip.Gusto kong magalit sa aking sarili.

Tuloy ay ikatlo lang ako sa may pinakamataas na marka nang makuha ko ang resulta ng exam. Nakanguso kong tiningnan ang papel sa bulletin board kung saan nakapaskil ang pangalan ng topnotchers. Sinisi ko ang sarili dahil hindi ko na nagawang intindihin ang ibang topics no'n dahil sinakop na ni Maxrill ang isip ko nang gabing 'yon. Kung hindi sana ay top 1 ako.

Kung tutuusin ay malala pa ako kay Bree. Siya ay naisip lang kung kumusta si Maxrill. Samantalang ako ay naisip kung kailan ba siya uuwi? Nakakakain kaya siya nang ayos? Hindi niya ba nami-miss ang mumurahing pizza at pichi-pichi namin ni nanay? May pag-asa na kaya siya kay Ate Yaz? Napakarami kong tanong.

"Nice score," hindi ko inaasahang mangingibabaw ang pamilyar na tinig na iyon sa likuran ko.

Nagugulat akong napalingon at napangiti. "Rhumzell!" talagang gano'n na lang ang saya sa tinig ko.

Nagugulat ko pa ring sinuyod ng tingin ang kabuuan niya. At gusto kong humanga dahil mukha na talaga siyang doktor sa tindig at postura. Lalo tuloy siyang gumwapo. Nadagdagan ang malakas niyang dating, nagsusulyapan tuloy ang mga babae sa gawi namin.

"Ang tagal nating hindi nagkita!" nagugulat ko pa ring sabi.

Mula nang huli kaming magkausap ay hindi na ako pinuntahan ni Rhumzell. Inisip ko no'n na hindi niya tinanggap ang pakikipagkaibigan ko. Lahat sa bahay ay nagtaka kung bakit hindi na muli ako sinundo at inihahatid ni Rhumzell. Wala akong nagawa no'n kung hindi sabihin kina Bree at nanay ang totoo. Pero kina tatay at kuya, ang sinabi ko ay binasted ko si Rhumzell dahil mas gusto kong makapagtapos ng pag-aaral.

"How are you, Dainty?" aniyang nagbaba ng tingin sa 'kin.

Hindi ako makapaniwalang ang lambing ng tinig niya at paghanga sa kaniyang mga mata sa t'wing nakatingin sa 'kin ay hindi pa rin nawawala. Hindi ko alam kung tama ba ang aking nakikita o natural lang iyon sa kaniya.

"Okay naman," ngiti ko. "Ikaw, kumusta?"

Luminga-linga siya sa hallway saka ibinalik ang tingin sa 'kin. "Wala ka nang klase?"

"Wala na, pauwi na rin ako."

"Let's eat outside," kaswal niyang anyaya.

Nahiya ako bigla, humugot ng hininga saka nakagat ang aking daliri. "Tayo lang dalawa?"halos mautal pa ako.

Natawa siya. "Yeah."

"Hala..."

"Haha, why?"

"Ano..." nangunot ang noo ko saka napabuntong-hininga. "Baka kasi..."

Natawa lalo siya. "It's just a friendly date, Dainty, c'mon."

Matagal akong tumitig sa kaniya, kinakapa ang sarili kung kaya ko bang sumama nang mag-isa sa kaniya. Kahit ano yatang edad ko ay ganoon pa rin ang mararadaman ko. Sa paniniwala ko kasi, magnobyo lamang ang kumakain nang solo. Kapag nagliligawan o magkaibigan, parating may ibang kasama.

"Please?" muling aniya, nakikiusap ang malambing niyang tinig.

"Ano...sige na nga," kabado kong sabi. "Ite-text ko na lang sina nanay na magkasama tayo at kakain sa labas."

"Yeah, ihahatid kita pauwi," presinta niya.

"Ano nga pala ang ginagawa mo rito?"nakatingalang tanong ko nang makapag-text kay nanay at maglakad kami palabas sa parking lot. Pakiramdam ko pati ang taas niya ay nadagdagan, nahihirapan na akong tumingala sa kaniya ngayon.

"Honestly..." binitin niya ang sasabihin saka ngumiti sa 'kin. "I came to see you."

"Ha, bakit?"

Bumuntong-hininga siya. "Baka-sakaling may pag-asa na 'ko."

"Hala?" Natigilan ako at nahihiyang nag-angat ng tingin sa kaniya. "Seryoso ka ba?"inosenteng tanong ko.

Ngumiti siya. "Sinubukan kong mag-girlfriend ng iba pero parati kitang hinahanap sa kanila." Bumuntong-hininga siya.

"Ngeh? E, alam mo namang nasa bahay lang ako."

Nagtataka niya akong nilingon. "Huh?"

"Saka hindi ko naman kilala ang mga naging girlfriend mo. Sa bahay mo na lang sana ako hinanap."

Nahinto siya sa paglalakad saka tumitig sa 'kin. "You're joking, right?"

"Ha?" inosente kong tugon.

Humalakhak siya. "I really like you," aniya saka nagpatuloy sa paglalakad. Inalalayan niya ako pasakay sa kotse. "Where do you want to eat?"

Nag-isip ako habang hinihintay siyang makasakay. Pero hindi kainan ang iniisip ko kung hindi ang pag-asa na sinasabi niya.

"Rhumzell," napapakamot sa noong tawag ko. Nilingon niya ako. "Ano kasi..." Naghintay siya sa sagot ko. "Hindi ko pa rin kayang magnobyo, e," nakangiwi kong nasabi.

Nakita ko nang matigilan siya bagaman bumawi ng ngiti. "I was just trying my luck, Dainty."

"Sorry, Rhumzell."

"Si Maxrill pa rin ba?"

Nagugulat akong lumingon sa kaniya ngunit hindi ko nagawang sumagot. Nakagat ko ang aking labi saka ngumuso at nag-iwas ng tingin.

"Hindi nga ako naka-move on sa 'yo, e. Posibleng gano'n ka rin sa kaniya," ngiti niya. Muli akong nagulat. "Naiintindihan ko, Dainty."Bagaman mapait ay sinsero siyang ngumiti. "Kasi ako rin, nahihirapan magmahal ng iba." Doon lang nawala ang ngiti ang labi niya ngunit itinuon na sa daan ang paningin.

"Salamat, Rhumzell," sinsero kong sinabi. "Napakabait mo talaga."

"Ang swerte sa 'yo ni Maxrill."

"Hala!" nagulat talaga ako. "Hindi naman kami." Nag-iwas ako ng tingin. "Saka...may iba siyang gusto."

"Si Ate Yaz?" natatawa niyang sabi.

Nagugulat ko siyang nilingon. "Alam mo?"

Humalakhak siya. "Matagal nang may gusto si Maxrill sa kaniya. Ako nga yata ang unang nakaalam. Wala kasi siyang mapagsabihan. Besides, we're good friends."

Hindi ko maipaliwanag ang selos na aking naramdaman. "Hanggang...ngayon ba...si Ate Yaz pa rin ang gusto niya?" wala sa sarili kong naitanong, ang kuryosidad ay naroon sa aking mga mata.

Nakita ko nang mabigla si Rhumzell sa tanong ko. Batid kong hindi niya sinasadyang maging ganoong kaderetsa, hindi niya intensyong saktan ang damdamin ko. Pero ganoon ang nangyari.

"Sorry, Dainty," sinsero niyang sinabi.

Napangiti ako. "Hindi mo naman kailangang mag-sorry, Rhumzell."

"No, it's just that..." bumuntong-hininga siya. "I know how it feels, Dainty. So, sorry."

Muli pa 'kong ngumiti. "Ganito pala magkagusto, 'no?" wala na naman sa sariling sabi ko. "Kahit merong nandiyan para sa 'yo, iba ang nakikita mo. Kung pwede lang sanang...pumili na lang kung sino ang pwedeng mahalin."

"Pipiliin mo ba 'ko?"

Nagugulat ko siyang nilingon. "Walang dahilan para hindi ka piliin, Rhumzell,"emosyonal kong sinabi, nakikiisa sa nararamdaman niyang nagmamahal kahit hindi masuklian. "Walang babae ang hindi magkakagusto sa 'yo."

Ngumiti siya. "Meron," mapait niyang sinabi. "Ikaw."

Bumuntong-hininga ako. "Iyon ay dahil meron na akong naunang magustuhan." Saka ako ngumiti. "Kung hindi siya dumating ay baka ikaw ang nagustuhan ko."

Ngumiti siya. "Okay na 'ko ro'n, Dainty."

Dinala ako ni Rhumzell sa pizza parlor at gusto kong matawa dahil muli kong naalala si Maxrill. Nahirapan na akong alisin siya sa isip ko. Iyon nga lang, karugtong parati ang katotohanang may iba siyang gusto. Hanggang ngayon ay naiinggit ako sa babaeng nagugustuhan niya. Hanggang ngayon ay iniisip ko kung anong pakiramdam nang magustuhan niya.

"He's coming home soon," hindi ko na naman inaasahang sasabihin ni Rhumzell iyon habang kumakain kami. "I mean, Maxrill's coming home in two weeks."

Two weeks... Biglang dumagundong sa kaba ang dibdib ko na para bang ako ang dahilan ng pag-uwi niya.

Napilitan akong ngumiti pero ang kaba ay nakarehistro na sa aking mukha. "Gano'n ba?"

Basta ko na lang isinubo ang pizza kaya naman gano'n na lang ang gulat ko nang mapaso. Napapikit ako sa kahihiyan nang makita iyon ni Rhumzell. Natawa siya kaya nalukot ang mukha ko at palihim na lang na ngumuso.

"Do you want us to visit him?"

Naibagsak ko ang pizza sa plato at napunasan ang bibig ko. "Ano..." Uminom ako ng tubig. "Bakit?"

"What do you mean bakit?" natatawa at nagtatakang tugon niya. "Because we want to and we can?"

"Pero..." napaisip ako. "Matatandaan pa ba niya ako?"

"Bakit naman hindi?"

"Kasi...ilang taon na ang nakalipas, Rhumzell. Halos apat na taon na."

Nakangiwi siyang tumayo. "Malalaman natin kapag nakita na natin siya."

Kinabahan lalo ako. "Anong sasabihin ko kung pupuntahan ko siya?"

"Dainty, 'yong four years ninyong hindi pagkikita ay reason na para puntahan siya. Relax."

"Pero hindi naman kasi kami close."

"Isinayaw ka niya, hindi close?"

"Syempre, party 'yon."

"Hindi gano'n si Maxrill. He's nice."

Napatitig ako sa kaniya. "Sa iyo siguro. Nasusungitan ako sa kaniya."

"Really?" parang nagugulat pang tanong niya. "That's weird."

"Why?"

Ngumiti siya bagaman ang lungkot ay naroon sa mga mata. "Ang sinusungitan niya lang kasi ay 'yong mga babaeng...gusto niya."Bumuntong-hininga siya matapos sabihin 'yon.

Napalunok ako saka nagpanggap na natatawa. "Imposible namang gusto niya ako. Eh, hindi nga niya yata ako kilala talaga."

Natawa si Rhumzell saka natulala sa pizza. "Maraming babaeng nagkakagusto kay Maxrill. Hindi na niya kailangang kilalanin dahil kusa nang nagpapakilala. Pero ni isa sa mga pangalang ibinigay sa kaniya, wala siyang natandaan maski isa."

Napatitig ako sa kaniya at naalala kung paano niyang tawagin si Bree sa kabila ng paulit-ulit nitong pagpapaaala sa pangalan.

"Kapag gusto niya ang babae, tanda niya ang pangalan," kapagkuwa'y dagdag ni Rhumzell.

Dumagundong ang kaba sa dibdib ko, inalisan ako ng kakayahang sumagot. Hindi ko maipaliwanag ang naghahalong pakiramdam. Nag-iwas ako ng tingin at lalong kinabahan kung paano niyang isinigaw ang aking pangalan.

Dainty Arabelle!

Nakagat ko ang aking labi at saka kumagat nang malaki sa pizza.

To be continued. . . 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top

Tags: #maxinejiji