chapter two

Nathan's POV

Alam kong pasado ala - una na pumasok sa kuwarto namin si nanay. Ramdam ko ang dahan - dahan niyang paghiga sa kama para hindi ako magising sa hinihigaan ko. Double deck na kama iyon. Ako ang natutulog sa taas at si nanay sa ibaba. Pinaglumaang kama pa ng dati nilang mga guwardiya.

Napatiim - bagang ako nang marinig ko ang mahihinang pag - ubo ni nanay. Halatang iniipit para hindi makalikha ng ingay. Ilang gabi ko na itong naririnig. Halatang may iniinda siya na hindi niya sinasabi sa akin. Pilit lang niyang kinakaya.

Fifteen years old na ako nangmapadpad kami ni nanay sa pamilya ng mga Arevalo. Tahimik lang kaming naninirahan sa probinsiya ng Quezon nang isang araw ay may dumating na mga tao sa amin. Sinasabi nila na si nanay daw ang nawawalang anak ni Don Nicanor Arevalo. Matagal na daw hinahanap si nanay ng Don. Anak daw si nanay ng dating kasambahay ni Don Nicanor na nabuntis nito.

Sobrang saya ni nanay nang malaman niya iyon. Sumama kami pa - Maynila kasi sabi niya natupad na daw ang pangarap niyang mabigyan ako ng magandang buhay. Lagi lang noon sinasabi sa akin ni nanay na makakaahon kami sa hirap kahit wala na ang tatay ko. Maaga akong naulila sa ama. Isang araw galing sa trabaho sa Maynila ay hindi na ito nakauwi pa. Inatake sa puso habang nasa biyahe dahil sa sobrang pagod at bigat ng trabaho sa construction.

Grabe ang paghanga ko nangdumating kami sa bahay na 'to. Literal na mansyon. Napakalaki. Maraming sasakyan. May mga guwardiya pa. Nakaharap namin si Don Nicanor. Tuwang - tuwa siya nang makita niya si nanay at ako. Ipinakilala niya kami sa nag - iisang anak niya na si Tito Amado at sa asawa nitong si Helga. May anak din sila. Si Victor na halos kaedad ko lang.

Kung masaya si Don Nicanor, kabaligtaran iyon ni Helga. Pakiramdam ko ganoon din naman si Tito Amado at ang anak niya. Ayaw nila sa amin. Hindi man nila sabihin, ramdam ko iyon. Kahit sinabi ni Don Nicanor na parte kami ng pamilya, hindi ko iyon naramdaman. Ang baba ng turing sa amin.

Pero kahit na ganoon, wala naman silang magawa sa mga desisyon ni Don Nicanor. Pinag - aral niya ako. Kung ano ang meron si Victor ay meron din ako. Patas ang turing sa amin. Si nanay ay pilit na pinatuturuan para matutong mamahala sa mga negosyo ng matanda. Pero halatang ayaw ni Helga at Tito Amado. Ginagawan nila ng paraan na hindi matuto si nanay hanggang sa magkaroon ng problema sa negosyo at kay nanay isinisi. Walang magawa si nanay kasi hindi naman talaga niya alam ang gagawin. Grade one lang ang natapos niya. Simpleng ABC at 123 lang ang alam. Kahit ayaw ni Don Nicanor ay napilitan siyang tanggalin sa negosyo si nanay at ipirmi na lang sa bahay. Kaya pinilit ko noon na mag - aral mabuti. Ipinangako ko na hindi ako matutulad kay nanay.

Pero namatay si Don Nicanor. Katulad ni tatay, atake din sa puso. Dulot naman ng matinding stress. Doon na nagsimula ang kalbaryo naming mag - ina. Ang magandang trato sa amin, bumaligtad lahat. Pinahinto ako sa pag - aaral mula sa exclusive school na pinapasukan ko. Inilipat ako ni Helga sa public school at kalaunan ay pinahinto din pero ginawan ng paraan ni nanay na makapag-aral ako. Pinaalis kami sa malaking bahay at pinalipat kami sa maliit na kuwarto sa likod. Tirahan ng mga kasambahay nila. Si nanay ay ginawa nilang katulong. Dahil iyon naman daw ang uri ni nanay. Anak ng katulong kaya doon daw kami nababagay.

Walong taon na kaming nagtitiis sa ganitong sitwasyon. Gusto ko ng sumuko pero si nanay, ayaw niya. Sinasabi niya sa akin lagi na may karapatan kami lalo na ako sa yaman ng mga Arevalo saka isa pa wala na kaming babalikan sa probinsiya. Pero ako, ayoko na. Ayoko ng umasa. Kung yayaman ako, sa sarili kong sikap. Gagawin ko ang lahat maiahon lang si nanay dito. Ang pag - aaral ko sa kolehiyo ay sariling sikap ko din. Full scholar ako at minsan nakakatanggap ng mga allowances mula sa mga sponsors ng university. Last sem ko na ito at ga - graduate na ako sa kurso kong Advertising.

Napabalikwas ako ng bangon ng malalakas na katok sa pinto ang umistorbo sa pagpapahinga namin.

"Aling Norma! Aling Norma!" Ang lakas ng mga kalabog sa pinto. Halos gibain na ang pinto.

Mahina akong napamura. Si Victor. Siguradong may iuutos na naman kay nanay. Wala talagang mga patawad ang mga taong ito. Kahit oras na ng pahinga walang konsiderasyon.

"Victor sandali lang." Mahinang sagot ni nanay. Naramdaman ko siyang bumangon kaya mabilis akong bumaba mula sa hinihigaan ko at pinigil ko si nanay.

"Magpahinga ka na 'nay. Ako na ang bahala kung ano ang kailangan ni Victor." Sabi ko sa kanya. Bakas sa itsura ni nanay ang pagod.

Alam kong nag - aalala siya at muling napatingin sa pinto dahil kumatok uli ng malakas si Victor.

"Ako na 'nay. Sige na. Matulog ka na." Tinungo ko ang pinto at binuksan. Napangiwi ako sa lakas ng amoy ng alak sa hininga ni Victor. Lasing na lasing. Nanlalaki din ang mata na titig na titig sa akin. Halatang durog din sa ipinagbabawal na gamot.

"Bakit ikaw? Nasaan ang nanay mo?" Nanlilisik ang matang tanong niya sa akin. Kahit tiyahin niya si nanay, hindi man lang niya ito tinawag na Tita kahit kailan. Laging Aling Norma dahil iyon ang pinalaki ng nanay niya.

"Nagpapahinga na. Anong kailangan mo?" Pigil ko ang inis ko.

"Linisin mo nga 'yung suka ko sa sala. Umihi din ako sa garden. Linisin mo rin para magkasilbi ka," iyon lang at tinalikuran na ako ni Victor at pumasok sa kuwarto niya.

Ilang beses akong huminga ng malalim para kumalma ako. Gustong - gusto ko siyang sugurin at suntukin pero pinigil ko ang sarili ko. Para kay nanay ay palalampasin ko na naman ito.

—————->>>>>

Wynna's POV

Inip na ako sa paghihintay kay Meg. Magkakalahating oras na akong nakatayo dito sa tapat ng ComArts building. Usapan namin dito kami magkikita bago kami dumiretso sa library. Pero ilang text na ako at tawag sa kanya ay wala naman siyang sagot.

Alam ko kasi naiinis siya sa akin. Pinagtalunan talaga namin kahapon ang issue na pinaupo ko si Victor at ang mga kaibigan niya sa table namin sa library. Naiinis siya kasi hindi naman kami nakapag - review ng maayos dahil hindi naman nag - aral doon si Victor. Nagkuwentuhan lang sila at nag - ingay. Ilang beses nga silang sinaway ng staff ng library dahil sa ingay nila pero hindi sila huminto.

Naiinis din naman ako kay Meg. Bakit ba siya kontra sa lovelife ko? Hindi ba siya masaya sa akin na nakasama ko si Victor kahapon? Iyon na yata ang pinakamasayang araw sa college life ko. Kahit hindi niya ako kinakausap, iyong nakita ko lang siya at natititigan, masayang masaya na ako.

Tinungo ko ang puwesto namin kahapon. Kahit alam kong malabo ay nagbakasakali ako na makikita ko ulit si Victor doon. Pero sa malas, iba ang nakaupo. Nakilala kong iyon ang supladong lalaki na naabutan din namin dito kahapon. Mukha namang harmless si kuya kaya lumapit na rin ako.

"Hi. Puwedeng maki – share ng table?" Nakangiting bati ko sa kanya.

Kita ko ang gulat sa mukha ng lalaki nang makita ako at para siyang naging un-easy.

"Okay lang ba? Hindi ka naman maiistorbo?"

Umiling lang siya at muling yumuko para ituon ang pansin sa binabasa.

Inilabas ko ang mga libro kong dala at inilatag din sa table. Inabala ko din ang sarili ko sa pagbabasa pero parang tukso na napapatingin ako sa lalaking naroon. Ang tahimik kasi talaga niya. Parang sobrang studious.

Saka tama ang sinabi ni Meg. Cutie din siya. Kahit hindi siya mukhang well-off, kaya niyang dalhin ang sarili niya. Iyon nga lang medyo baduy ang pagporma kasi siguro talagang kulang sa pera.

"What's your name?" Tanong ko sa kanya.

Tumingin siya sa akin at parang sinisigurado niya na siya ang tinatanong ko.

"Ako?" Paniniguro niya.

"Oo. I am Wynna. Wynna Delgado." Pakilala ko.

"Nathan." Maikling sagot niya.

"Anong course mo? Parang ngayon lang kasi kita nakikita dito." Parang ang bait niya at ang gaan ng loob ko sa kanya. Plus the fact na maitsura din naman although plain and normal. Iba pa rin ang dating ni Victor. Grabe ang isang iyon. Talagang tipong tingnan lang isang babae talagang matutunaw na.

"Advertising." Muli siyang tumingin sa akin at itinuon uli ang pansin sa libro.

"Anong year ka na? You look older than us."

Isinara ni Nathan ang libro niya. Nairita kaya siya sa kulit ko?

"Graduating. And yes. Matanda ako sa inyo. I am twenty five. Medyo putol - putol kasi ang pag - aaral ko." Sagot niya.

Napatango - tango ako at ngumiti sa kanya.

"Nice meeting you, Nathan. At least magkakilala na tayo."

"Matagal na kitang kilala, Wynna." Seryoso niyang sabi sa akin habang nakatitig sa mata ko.

"Ako? Kilala mo ako?" Kilala niya ako? Pero ngayon ko lang siya nakita.

Tumango ang lalaki.

"Nakasabay kita minsan sa canteen. Magkatapat tayo ng table. Narinig ko lang na Wynna ang pangalan mo."

Napatango - tango ako. Talaga? Parang hindi ko naman siya matandaan.

"Hey. You should be cleaning my vomit." May basahan na lumanding sa harapan ni Nathan.

Pareho kaming napatingin ni Nathan sa nagsalita at gumawa noon. Grabe na naman ang kabog ng dibdib ko nang makilala kong si Victor iyon kasama ang mga kabarkada niya. Pero kay Nathan siya nakatingin. Magkakilala ba sila?

"Oras ng pag - aaral ko. Sa bahay lang ako gumagawa noon." Halatang pinipigil ni Nathan ang sarili niya. Kita kong namumula ang mukha niya siguro ay dahil sa pagkapahiya. Nagtatawanan ang mga kasama ni Victor.

"My father is not spending his money for your education just to waste your time here. Hindi ka naman nag - aaral. Binibola mo lang si Miss na maganda." nakangiti na ngayon sa akin si Victor. Parang tumalon ang puso ko. Ang ganda - ganda niyang ngumiti!

Napailing na lang si Nathan at isinara ang mga librong kaharap at iniligpit ang mga iyon tapos ay tumayo na. Pilit siyang ngumiti sa akin.

"Nice meeting you, Wynna." Tapos ay dire - diretso na siyang umalis.

"Is that asshole bothering you?" Nakatitig na tanong ni Victor sa akin.

Hihimatayin na yata ako. Si Victor Arevalo ang nakikipag - usap sa akin!

"Vic, leave the girl. Baka masyadong himatayin. Mukhang kinikilig sa iyo." Natatawang sabi ng isang kasama niya.

Ngumiti siya. "My name is Victor. And you are?"

"W - wynna." Sasabog na ang dibdib ko sa kaba.

"Nice meeting you, beautiful. Don't mind that asshole. Anak ng katulong namin iyon. Kapag binastos ka ulit, just call me." Kinuha niya ang palad ko at isinulat doon ang phone number niya. Kumindat pa siya sa akin bago tuluyang umalis.

Saka lang ako nakahinga ng maluwag.

------

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top