07 | Seven

Ilang oras na nga bang magkasama ang dalawa? Ilang oras magkausap? Buti na lang pala, walang relos si Rayne. Ayaw niyang malaman kung ilang oras na lang ang natitira sa kanilang dalawa.

Sana ganito lang.

Tawa nang tawa si Rayne. "'Di talaga ako maka-get over. Lahat kayo may side chick sa inuman? Epic."

Sana ganito muna.

"Galit na galit ex ko n'ong nalaman niya 'yon."

Sana ganito lang sila.

"Sino ba kasing hindi? Kababaeng mga tao - mga playboy! Err-playgirl!"

Tumawa si Kaye. "Ang sarap sabihing hindi ko sinasadya. . ."

Lalong tumawa si Rayne. "Ano 'yon, hindi mo sadyang may babae kang kalandian habang umiinom?"

"Nagpunta lang talaga ako r'on para sa jamming."

"Alam mong may babae."

"Lahat naman kami babae d'on, ah."

Napakagat ng labi si Rayne. "Magandang excuse. . .pero hindi pa rin! Talagang ipu-push mong wala kang kasalanan, ha?"

"Hindi ko alam na may mangyayaring landian, promise." Tinaas pa nito ang kaliwang kamay, may pilyang ngiti sa labi.

"Tingnan mo 'yan." Tinusok ni Rayne ang kamay ni Kaye gamit ang hintuturo. "Kanang kamay ang tinataas kapag sincere! Kaya nga kanang kamay sa panatang makabayan. Sobrang hindi makatotohanan ng pagsisi," natatawang aniya, tinutusok-tusok pa rin ang gitnang palad ni Kaye. "Ang mga excuse ng mga playboy! Girl."

"Ay grabe 'yon." Hinawakan ni Kaye ang hintuturo ni Rayne, kinulong sa pagkuyom ng kamao at dinantay sa dibdib. Nakangisi. "I feel so judged."

Ilang segundo atang nakatitig si Rayne sa kamay niyang dinantay ni Kaye sa dibdib nito tsaka niya inangat ang tingin sa mga mata ni Kaye. Nagsalitan ang tingin na 'yon bago niya binawi ang kamay.

"Come to think of it," aniya pero natigilan nang mapansin ang pagkawala ng ngiti sa labi nito. "Na. . .Na-Nakaka-pogi nga 'yong pagkanta kaya hindi ko sobrang masisi."

Biglang gusto tuloy niyang ibalik ang kamay sa gitna ng dibdib ni Kaye para ibalik ang ngiti. Bigla siyang nakunsensya. Nanlalamig na ang mga kamay.

Ilang segundo lang, bumalik ang ngiti nito. Nag-pogi sign. "Pogi na ba ako?"

Napangiti si Rayne. Tuloy lang ang usap. Tuloy lang.

"Hindi pa rin talaga sapat na dahilan para umaktong single." Pabiro siyang umiling at umirap. "Gustong-gusto mo naman talagang pogi ka."

"Syempre!" natatawang anito. "Ayaw mo ba?"

Sumimangot lang si Rayne.

Nag-pout naman si Kaye.

Hinawakan ni Rayne ang pisngi ni Kaye at magaan itong pabirong sinampal.

"Pogi ka na nga."

Ngumisi si Kaye. "Gusto ko 'yan."

Napansin ni Rayne ang paghawak ni Kaye sa pisngi nitong hinawakan din niya. At ang puso niya, ayon. Parang may humugot.

"Ngayon lang. Concert mo naman, eh."

"Grabe 'yon!"

"Joke lang, sige na, sige na."

"Ay, napipilitan?"

Sumimangot si Rayne. Lalo. "Opo." Lalong nilabas ang pang-ibabang labi. "Napipilitan po."

Nanliit ang mata ni Kaye at biglang ngumisi. Tinakpan nito saglit ang mata ni Rayne at bumulong ng, "Cute."

Nagulo ang eyeglasses na suot. Hindi rin nakatakas sa tainga ni Rayne 'yon. Mukhang pinaririnig talaga ito ni Kaye kahit bulong lang. So ayun.

Kilig.

Hihi.

"Pero seryoso. . ." pagseseryosong sabi ni Rayne, diretso ang tingin sa dinaraanan. Unti-unti, nilingon niya si Kaye (para dramatic) at payapang ngumiti nang magkatitigan sila. "Ang gwapo mo nga."

Kumurap si Kaye. Ilang kurap. Bago siya ngumiti, kinagat ang labi.

Tumawa ulit si Rayne. Siniko-siko ang tagiliran nito "Kaya maraming umaaligid na babae, eh. Since highschool, matinik na sa chicks."

Tumawa ito.

Gusto na lang kumuha ni Rayne ng bote at ikulong d'on ang tawa ni Kaye para pwede niyang baunin at gawing memory. Buntonghininga.

"Iba rin siguro pakiramdam kapag ikaw ang pipiliin kumpara sa lalaki."

"Nakakataas ng ego?"

"Lahat naman tayo, kahit ang totoong babae na maraming lalaking nagkakagusto, tumataas ang ego."

"True," ani Rayne. Hinawakan ni Kaye ang balikat niya at pinaliko. Lumiko sila. "Pero 'yong gan'ong kalokohan. . . nasanay tayo - or kami - na puro sob story 'yong buhay niyo pero hindi pala. Ang dami rin palang kalandian."

Tawanan.

"Paanong sob story?" tanong ni Kaye.

"'Yong kunwari, kapag sasabihin niyo na sa parents ni—"

"Ah, masakit 'yon."

Natigil.

Nag-alinlangan pa si Rayne. Pinakiramdaman kung ayos lang ba rito kung magtanong pa siya.

"Sobra?"

"Sa akin, ah?" anito. "Maraming iyakang nangyari tapos strict Christians ang mga magulang ko. Actually, kaming pamilya. Kaya 'yong idea ng lesbianism, hindi talaga. Ayaw talaga. Masakit din masabihan na phase lang 'yan. Lilipas lang."

"Pero hindi siya phase lang. . ."

"Hanggang ngayon naman, ganito pa rin ako, right?"

"So, tinanggap nila?"

"Tinanggap?" Tumawa si Kaye, tumingala. "Hindi nila ako pinalayas, that's one."

"Ay, may gan'on?"

"Yes! May ibang sobrang strict talaga na hindi tanggap 'yong daughters nila as a lesbian but super kaunti lang din ang instances na gan'on. Although sa part ko, kahit naka ilang girlfriends na ako, wala silang nakilala talaga kaya hindi rin masabi na tanggap talaga."

"Bakit hindi ka magpakilala?"

"Sinong papakilala ko?" takang tanong ni Kaye. "May suggestion ka ba? Tumatanggap ako ng suggestions, Rayne. Mga volunteers."

"Mga? Ang dami naman n'yan."

"Ay, isang volunteer lang ba gusto mo?"

"Sisigaw na ba ako ng I volunteer?"

"Gusto mo ba?"

Tumawa lang si Rayne. "So 'yong parents mo. . ."

Napailing si Kaye sa biglang change topic. Pero nakangiti pa rin, hinihintay ang sasabihin ni Rayne.

". . .Tanggap ka na hindi?"

"Tanggap ako as anak."

"As anak lang. . . pero 'yong lovelife. . .'yong tibok ng puso. . ."

"Hmm, yeah. Minsan may questions kung tama ba na ganito, lalo na noon," ani Kaye. "Normal naman ang lahat sa inyo then there you are at the middle, the not normal one."

"Grabe naman sa not normal."

"May masasakit lang talagang mga pangyayari sa buhay natin na talagang susubok sa pagkatao natin. Hindi lang sa akin, o sa amin. Sa atin. Pare-parehas lang tayo. Maybe sa akin, when it comes to my family and love. . ."

"Susubok talaga pero hindi ko kailangan mahirapan nang ganyan hanggang ngayon para magpakatotoo sa kung ano ako," sabi ni Rayne. "Naalala ko n'ong gusto kong mag-drop sa school, 2 weeks akong iyak nang iyak. Sobrang bigat talaga kasi nagpapanggap akong ayos lang ako sa school, na wala lang lahat, na kaya ko pa, pero hindi pala. Kay ate ako nakakuha ng lakas ng loob noon, eh. N'ong nag-official drop ako sa school, gumawa pa ako ng 2 page handwritten letter para kanila Papa kasi 'di ko kaya sabihin, baka kasi hindi nila tanggap."

"Nabasa nila?"

"Sana. Kaso pangit sulat ko, eh."

Tumawa si Kaye. "'Di nga?"

"Nabasa nila," natatawang sabi niya. "Pinabasa ng ate ko. Nagmuni-muni ako mag-isa after ko mag-drop. As in, mahabang alone time. Tapos tinawagan ako ni Mama siguro pagtapos nila mabasa, tinanong kung nasaan ako. Natakot ata."

"Sino bang mga magulang ang hindi matatakot kapag nakatanggap ng handwritten letter mula sa anak nila?"

"Lalo na sa akin na hindi naman talaga nagsusulat." Natawa si Rayne. "Drop sa school lang 'tong ginawa ko, ha. Sa school lang, sobrang hirap na. Panay iyak ko. Paano pa kaya ikaw. . . ilang taon mong kinaharap 'yan?"

"N'ong nasa closet pa lang ako? Since high school. But 'yong girlfriend. . . uhm, hanggang ngayon? Nakakaya naman, but ayon."

"Sinong support system mo noon?"

"Kuya ko."

Malawak ang ngiti ni Rayne. "Iba talaga kapag kinukunsinti ng nakatatandang kapatid."

Tumawa si Kaye. "Support naman, huwag kunsinti."

"Same lang," natatawang ani Rayne. "Hindi ka ba nila nahuli? I mean, sabi mo nga, nagka-girlfriend ka na tapos. . ."

"Walang huli in flesh, pero may nalalaman, hindi nakikita," anito. "Wala silang ginagawa at hinayaan nila ako sa way of living ko, lalo na ngayon kaya nakapagpagupit. Siguro dahil wala naman ding nagbago talaga before and after ko mag-come out. Magaan sa feeling, but minsan kahit tahimik lang sila - kahit suportado sila sa akin ngayon - ang hirap pa rin dahil alam kong I'm not living with their expectations?"

Umihip ng hangin si Rayne. Masyadong mabigat ang naririnig.

"Ang hirap na sinusuway 'yong parents kapag nag-o-overflow 'yong love mo sa isang babae," anito. "O 'yong kapag sumisigaw sa harap mo 'yong mga nakasulat na salita ng Nakatataas na hindi pu-pwede, bawal or kasalanan. Minsan matatawa ka na lang, mapapatanong kung bakit, tapos walang sagot. Kasalanan lang talaga."

"Ang bigat, wooh." Napakamot sa gitnang didbib si Rayne, papunta sa leeg. "Bawal ba talaga ang third sex sa bible? Sorry, hindi kasi ako sobrang maala—"

"Tanggap ka bilang tao, but the act of it – when you act upon that need of flesh, the love, the temptation. . . hindi pu-pwede."

"But what if, walang bible?" tanong ni Rayne. "Walang magsasabi na bawal ang babae at babae o lalaki at lalaki. Walang magsasabi kung ano ang dapat sa dapat. Sa tingin ko, hindi na magiging mali ang third sex."

"Gan'on na nga siguro?"

Sobrang unsure si Kaye. . . gustong mabasag ng puso ni Rayne.

"Feeling ko kaya lang siguro siya 'mali' sa paningin ng iba kasi walang baby sa end point ng same-sex relationship. At ang point ng Church ay magparami at ipagkalat ang balita ng Diyos, di ba?"

Ngumiti si Kaye, hindi nagsasalita.

"Pero kung iisipin natin, kung ginawa ng Diyos na ang lalaki ay para sa babae lang, bakit kailangan maging complicated? Bakit nagkaroon pa ng same-sex kung bawal pala in the first place? Bakit nai-in love ang ibang lalaki sa lalaki. O ang ibang babae sa babae? Dahil sa free will? May sariling utak ang mga tao? O sinasabi lang ng karamihan na bawal dahil hindi ito ang pinaka normal at para lang masabing bawal? Para lang may mapag-usapan na kontrobersyal? Ano 'yon, trip lang ni God i-complicate ang mundo?"

"There are lots of people na nagki-cling on sa beliefs. . . I guess hindi natin pwedeng sabihing isawalang bahala or i-dismiss—"

"Pero the fact na nangyayari ngayon. . . agh. Ang hirap kalabanin ng nakasanayan o paniniwala."

"Kung pwede lang sanang tanungin muna tayo ng mga puso natin bago mag-love, magiging maayos sana ang lahat."

"Bakit?" Inangat ni Rayne ang tingin kay Kaye. "If ever pwede nga, gugustuhin mo bang baguhin sarili mo? Lalaki na mahalin mo?"

"Hindi." Ngumiti si Kaye. "Wala akong ibang maisip na mangyari sa akin ngayon kundi 'yong ngayon lang."

Tumango-tango si Rayne. "Ang cool din, 'no?"

"Ang alin? Pagiging lesbian?"

"Siguro 'yong pagtanggap mo sa sarili mo, ang saya tingnan. Kahit mahirap sa part na religious parents tapos hindi mapakilala 'yong babaeng magpapatibok ng puso mo sa kanila."

"Sino pa bang tatanggap sa sarili ko kundi sarili ko lang din."

"And the rest follows," dugtong ni Rayne.

Tumango si Kaye. "Kahit na hindi lahat. Basta sa sarili mo, kumportable ka."

Siniko ni Rayne si Kaye. "Iba talaga kapag sikat, may haters."

"May kamag-anak ako noong sinabihan akong wala akong mapapala o mararating dahil sa kung ano ako."

"What?!"

Tumawa si Kaye. "Dinibdib ko 'yon kahit flat ang future ko."

Natawa si Rayne pero hindi pa rin siya natuwa sa narinig. "Bakit kaya laging kapamilya natin 'yong nauunang sirain 'yong pagkatao natin, 'no?"

"Dahil sa kanila ka at your most vulnerable point," ani Kaye. "Kaya kung hahayaan mong wasakin ka nila, mawawasak ka talaga."

"You didn't."

"Almost," sabi nito. "But I didn't. Kung magpapawasak ako, wala akong first ever major concert, right?"

Tumawa si Rayne at tumango-tango. "Kaya sa 'yo ako, eh."

Ngumiti nang malawak si Kaye. "Sa akin ka talaga."

"Char," bulong ni Rayne, ginaya ang expression ni Kaye.

Tumawa lang si Kaye. Umiling naman si Rayne, mapagbirong umirap.

Napahinto siya nang sumandal sa harapan ng isang kotseng nakapark si Kaye, nakapamulsa pa. Muntik na siyang pumikit dahil ang gwapo ng dating ng pagkaka-pose nito.

"Uy baka tumunog yan, eskandalo pa," ani Rayne.

"Hindi yan."

"Nako, hindi talaga kita kilala kapag biglang tumunog yan ah."

"Hindi. Promise." Tinapik ni Kaye ang tabi nito. "Dito ka."

Tumingin sa paligid si Rayne, inalam kung kanino ang kotseng ito. Nang maupo siya sa gilid, may napansin silang babae sa gilid ng gutter sa parking. Nakaupo sa semento. Mukhang umiiyak.

Mukhang napansin din 'yon ni Kaye kaya nagkatinginan sila saglit, mukhang parehas na nag-iisip kung kakausapin ba nila 'yong babae.

Nang lalapit na sana silang dalawa sa babae, nasilaw sila sa headlights ng kotseng tumigil sa harap nila. Lumabas ang lalaking mukhang chinese na mayaman at dumiretso sa babaeng umiiyak sa may gutter.

"Gwen. . ." ani ng lalaki.

"Bakit ngayon ka lang?"Umangat ang tingin ng babae, tumayo. "I'm slowly getting tired of waiting for you!"

Napatingin ang lalaki kanila Kaye at Rayne na nakatingin sa kanila. Agad tuloy umiwas ng tingin ang dalawa at nagkunwaring nagsiubuhan.

"Gwen, quiet down your voice. Nakakahiya."

"Ah, sa akin? Hindi ka nahihiyang pinaghintay mo ako?"

"I'm here already, let's go. . ." May sinabi pa ang lalaki pero hindi na narinig ng dalawa. Ilang segundo rin nag-usap ang dalawa bago sumama ang babaeng tinawag na Gwen. 

Pinipilit iwasan nila Kaye at Rayne tumingin sa kotse hanggang sa mawala na ito sa paningin nila. Matapos ng ilang segundong katahimikan, binasag ni Rayne ang katahimikan.

"Lakas naman maka-Star Cinema drama n'on."

Tumawa si Kaye. "Muntik akong maiyak."

"Muntik nga akong manghingi ng subtitle, eh."

"Muntik na akong magsabi ng and cut!"

Tawanan ulit ang dalawa.

"Weird shit 'tong sasabihin ko," bulalas ni Rayne. "Pero ang kulit ng Kaye Cal, 'no?"

"Pangalan ko? Bakit? Mao-offend ba ako sa sasabihin mo?"

"Hindi!" natatawang ani Rayne. "Ang kulit lang kasi hindi sobrang nagwo-work kapag isa lang babanggitin. Si Kaye. Si Cal. Dapat si Kaye Cal."

"Talaga?"

"Oo, parang Chris Lawrence."

"O Ricky Martin? Mr. Gary V."

"Michael V din, hindi pwedeng Michael lang," sabi niya. "Laging hand in hand. Ang cute, eh. Tatak mo na 'yong buong name mo. Pero tanong, bakit Kaye?"

"Ayaw mo ba?"

"Hindi naman pero bakit hindi na lang Karen Jade? Or Karen?" tanong ni Rayne. "Or, or! Jade! May mga lalaking Jade ang pangalan 'di ba? Pwede ring Kade – may nabasa akong kwento na gan'on ang pangalan ng bidang lalaki—Jade Cal. Kade Cal. Karen Cal. . .Kaja? Pwede ring JaKal—teka, parang may mali. Erase."

Tawa nang tawa si Kaye sa buong litanya ni Rayne.

Tuloy lang naman si Rayne sa sinasabi.

"Siguro it makes sense din dahil mas masarap ngang pakinggan ang Kaye Cal. It rolls in the tongue."

"Hmm? Ano ulit?"

"It rolls in the tongue?"

"Before that."

"Ang alin? Kaye Cal?"

"Ulit-ulit."

"What, naguguluhan ako."

"Yong masarap pakinggan?" Pumikit ito.

"Masarap pakinggan ang Kaye Cal?" Sobrang unsure na sa sarili si Rayne.

(Mukhang sa lahat naman ata ng bagay, nagiging unsure na si Rayne dahil kay Kaye. Dyusko.)

Tumango-tango si Kaye. "Oo nga, ano? Masarap ngang pakinggan."

"Conceited naman ng isa d'yan, gustong-gusto marinig sariling pangalan."

"Pag binabanggit mo siguro, gustong-gusto ko."

Pabirong tinulak ni Rayne si Kaye saka sila nagtawanan. Tinapik-tapik niya ang inuupuang harap ng kotse. Umayos sa pagkakaupo.

"Alam mo ba," pagbabalik niya sa usapan. "Kaye Cal."

Napakagat labing ngiti si Kaye sa pagdiin ni Rayne sa pangalan nito. Hindi rin napigilan ni Rayne ang ngiti kaya napakamot na lang siya ng pisngi para kunwari, hindi siya naaapektuhan ng ngiti nito.

"Rayne, ito na ba hinihintay ko?"

"Ha? Anong hinihintay?"

Kumunot noo ni Kaye. "Akala ko ba wala pang aminan ng feelings?"

Tumawa si Rayne. Tinapik ang balikat ni Kaye. "Sorry, hindi ko na kasi mapigilan."

"Ay, grabe 'yon." Napahawak sa dibdib si Kaye. "Kinabahan ako bigla. Ano ba 'yon?"

Ngumiti muna si Rayne. Para kunwari, dramatic.



Agender

● Under gender expression / identity (and not sexual orientation)

●  Walang gender; hindi ina-identify ang sarili sa kahit anong gender; hindi nagko-conform sa gender roles

● Walang paki sa gender, basta tao siya. Tao. They express how they want to express themselves, kung ano trip nila today - 'yun na 'yon.

other terms: nonbinary, genderless, neutrios or neutral gender

see also: genderqueer


Official hashtag: #LS4N1
Wattpad:
 pilosopotasya
Twitter: @ulaaaann
Instagram: @screenshots.ni.rayne
Ask.fm: @plsptsya
Facebook Page: Pilosopotasya (fb.com/plsptsya)
Readers FB group: Saksi ni Pilosopotasya
Online FB Shop: Stuff by Ulan (fb.com/UlanStuff)
Email: [email protected]

⚢ random meme of the chapter ⚢

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top