03 | threE

Nakikipag eye to eye kay Rayne ang ate niya, gustong makipag-usap telepathically. Panay ang kibit-balikat niya bilang sagot sa kung ano man ang mga tanong nito. Nasa gitna si Rayne, sa kaliwa niya si Kaye, sa kanan ang ate. Sinusubukan makipag-usap ni Kaye sa ate niya, sinusubukan nilang magtunog normal – pero halatang-halata ang awkwardness sa kanilang tatlo.

Ngayon lang nag-sink in sa utak niyang nakita sila ng pangalawang ate na magkayakap ni Kaye.

Ngayon lang nag-sink in sa utak niyang niyakap niya si Kaye Cal nang sobrang tagal.

Ngayon lang nag-sink in sa utak niyang buhay pa pala siya.

Wow.

Ngayon lang din nag-sink sa utak niyang masakit ang paa niya sa heels na suot.    

Ouch.

Kinakabahan din si Rayne habang papalapit sa The Racks, kung saan naghihintay ang hukom: Papa, Mama at pinaka matandang ate (na kahit ang pinaka maliit sa magkakapatid, ito pa rin ang pinaka may awtoridad.)

"Nabura lipstick mo?" tanong ng ate niya (ito ang nag-make up sa kanya; palagi, actually.) "Sayang 'yong kulay! Hindi natin dala 'yong lipstick! Anong ginawa mo? Nginugngod mo kung saan?"

"Ha?"

Tumikhim si Kaye, halos paubo na nga.

"A-Ano. Wala. Nairita ako, eh. Tsaka ayos lang 'yan," aniya.

Nag-init bigla ang buong katawan niya sa kahihiyan dahil sa naalalang ginawa sa CR. Kahihiyan. Kahihiyan. Kahihiyan. Napansin niya ang pagngiti ni Kaye na nawala rin agad nang magkatinginan sila. What the fuck talaga.

"'Ba 'yan, nakakapagod kang pagandahin," sabi ng ate, umiling. "Lagi mong sinisira make up mo."

"Maganda naman na ako," sabi ni Rayne, natatawa, nilingon si Kaye. "'Di ba?"

Halata ang gulat ni Kaye saka tumango. "Oo, maganda."

"Sus, binola mo pa 'yan."

Tumawa si Kaye. "Effective naman."

"Ang sama!"

Tuloy lang sila sa paglalakad nang lumapit si Kaye sa gilid niya, mas malapit kaysa kanina, yumuko at bumulong. "Totoo, maganda ka." Tigil. "May hug bang kapalit?"

Iniwas ni Rayne ang mukha kay Kaye at napangiti. Pinipigilan ang higit pang kilig na nararamdaman. Nagkatinginan sila ng ate na nakasimangot sa kanya. Lalo siyang ngumiti para mang-asar. Umirap ang ate niya.

"Sungit."

Ilang minuto ang nakalipas, nasa tapat na sila ng The Racks. Nauna ang ate niya papasok, sinundan nila. Nang makita ang iba pang myembro ng pamilya na nakapwesto sa may dulo, na-conscious si Rayne.

Anong nasa isip ni Kaye? Magba-back out na ba? Nasa likuran pa ba niya si Kaye o hindi na pumasok at umalis na lang na parang ninja?

Eh, di ba, bampayer si Kaye at hindi ninja? (Ito talaga ang issue niya?)

Diretso siya sa paglapit. Ang mga mata ng magulang na hinalikan niya sa pisngi ay mula sa kanya, bumaling sa likod - sa mas matangkad sa kanya.

"Good afternoon, ho. Kaye ho pala."

Nandito pa si Kaye. . .

Lumingon si Rayne para makasigurado. Inabot ni Kaye ang kamay at nakipag-shake hands sa magulang. Mukhang nagulat ang mga ito na may munting bisita si Rayne. Ang isa panganay na ate, mukhang nagulat pero nakilala agad kung sino si Kaye.

"Nagugutom na rin daw siya," ang sabi ni Rayne, turo si Kaye.

Natawa ito. "Okay lang po ba or. . ."

Nagtaas ng kamay ang tatay ni Rayne para tawagin ang isang waiter. "Pakuha ng upuan, anim na kami."

Nagkatinginan si Rayne at Kaye. Ngumiti si Kaye sa kanya.

Naupo sila. Nagpasalamat sa lahat ng santo at santa si Rayne dahil mapapahinga na ang mga paa niya.

Ang padre de pamilya ay nakaupo sa dulo, sa kanan ay ang mama niya, katapat ang pangalawang ate. Katabi niya ito, katapat ang panganay na ate. At sa kabilang dulo, ang bagong saltang si Kaye.

Binaling ng mama at papa ni Rayne ang atensyon kay Kaye matapos nilang mag-settle down lahat, hinihintay ang in-order na mga pagkain.

"Ano nga pangalan mo?" tanong ng garalgal na boses ng papa ni Rayne.

"Kaye ho."

"Ano raw?"

"Kaye raw," pag-ulit ng mama niya.

"K. Anong ibig sabihin n'on."

"Pa," pagkuha ni Rayne ng atensyon. "Kaye talaga pangalan niya."

"Ah, K talaga," anito. "Mukhang tamad na tamad—"

"Hindi letter K, Pa," ani Rayne. "K-A-Y-E."

"Kaye. . . Kaye?"

"Oo, Pa. Kaye," sabat ng panganay.

"Kaye?" pagtataka ng papa niya. Pinagmasdan nito si Kaye, mula ulo – mukha – nag-obserba. "Hindi ka mukhang Kaye."

"Karen ho talaga pangalan ko, nickname ho ang Kaye."

Natigil ang lahat, naghintay ng reaksyon ng padre de pamilya.

"Karen?" gulat nitong ani. "Pangbabaeng pangalan?"

"Pa. . ."

Hindi malaman ni Rayne ang gustong idagdag sa sasabihin. Hindi siya makapag-explain o makapagsalita man lang. May binulong ang mama niya sa papa, napakunot ang noo nito at binaling muli ang tingin kay Kaye.

"Babae ka pala?!"

Ngumiti si Kaye. Napapikit si Rayne at napahawak sa noo. Kumamot.

Tumawa ang papa niya. "Aba, ang gwapo mo namang babae. Ang tangkad mo rin, ah. Mas matangkad ka pa ata sa akin. Ano bang height mo?"

"5'9 ho."

"Mas matangkad nga. Itong mga anak ko, si Marie lang—" turo kay Rayne, palayaw niya "—ang pinaka matangkad."

"Mas tumangkad ngayon dahil sa heels," ani ng mama niya.

"Sa heels lang," pang-aasar ng pangalawang ate.

"Mas matangkad naman ako sa 'yo with or without heels," pagbalik pang-asar ni Rayne sa pangalawa.

Tumawa ang panganay, nakitawa rin si Kaye. Nailing na lang ang mama niya habang napangiti ang papa sa pagdating ng mga pagkain. Isa-isa silang kumuha ng pagkain, halatang nahihiya si Kaye.

"Anong gusto mo?" tanong ni Rayne, ready nang paghainan si Kaye.

Lumapit ito sa kanya, bumulong. "Pwede ka ba?"

Natigilan si Rayne. Umirap at natatawa. "Muntik na akong magka-cancer sa sobrang gasgas ng linya, Kaye. Tama na."

Tumawa si Kaye. "Kahit ano, 'yong sa 'yo na lang. . . Marie," nangingiti nitong ani.

Nakangiting umirap si Rayne at sumunod. Kung anong nilalagay niya sa plato niya, 'yon din ang nilalagay niya sa plato ni Kaye.

"Aba, ano, kaka-graduate lang nagpa-practice na maging asawa?" kumento bigla ng papa niya.

Nilingon niya ito, nakatingin sa kanila ni Kaye. Bigla siyang nahiya at nanghina kaya tinulungan siyang hawakan ni Kaye ang mabigat na serving plate. Napaiwas siya nang tumama ang daliri ni Kaye sa kanya.

"Ako?" tanong ni Rayne. "Hala, pinaghahainan ko lang. . ."

Napatingin si Rayne sa mama niyang nilalagyan din ng pagkain ang plato ng papa niya.

"Uhm. . ."

Wala na siyang masabi.

Nangingiti naman ang panganay sa tapat niya. Sumimangot si Rayne; mas lalo itong ngumiti. Pagkabaling ng tingin kay Kaye na nagsisimula nang kumain, nakatingin ito sa kanya na may pagtataka ang mukha.

"Weird ng pamilya ko, sorry."

"Okay nga, eh."

"Bilisan mo kumain," bulong niya rito.

"Bakit?"

"Makaalis na."

"Aalis ka agad?" tanong nito.

"Ay, bakit?" Tiningnan niya si Kaye, subo-subo ang kanin. "Trip mo pang makipag-bonding dito?"

"Bakit hindi."

Umiling na lang si Rayne at nagpatuloy sa pagkain. May mga pagkakataong tumatama ang gilid ng kamay niya sa kay Kaye. Nagtatamaan din ang mga braso at siko nila na may pagkakataong humahantong sa kaunting kulitan at asaran.

"Nakikita ko talaga sa kanya—" tukoy kay Kaye "—'yong kaibigan ni Rayne—" tawag nito sa kanya kapag may bisita "—hindi ba? "

Natigil si Rayne, napatingin sa mama niya.

"Sino?" takang tanong ng papa nila.

"'Yong dati niyang kasama lagi. 'Yong gus—"

"Ma," putol ni Rayne. "Hindi maka-move on?"

"Eh, 'di ba? Halos parehas sila? Ganyan nga rin ata hairstyle n'on 'di ba?"

"Ang layo," banggit ng pangalawang ate.

Mukhang lahat nagkakaintindihan pwera kay Kaye at sa padre de pamilya na hindi rin naman nakikinig sa usapan. Hindi makatingin si Rayne kay Kaye.

"Mas matangkad lang si Kaye, tsaka. . . mas gwapo. Mas lalaki." Ngumiti ang mama nila Rayne. "Ikaw 'yong singer, 'di ba?"

"Siya 'yong kumanta sa graduation nila Marie," sabi ng pangalawang ate.

"Ah, oo. Oo." Nabulunan si Rayne sa sunod na sinabi ng mama niya. "Laging pinapakinggan ni Rayne mga kanta mo. Napaka fangirl n'yan sa bahay."

Ubo nang ubo si Rayne na kinailangan pa niyang makalahati ang juice sa baso para mahimasmasan. Hinihimas ni Kaye ang likod niya.

"Okay ka lang?" tanong ni Kaye, ngiting-ngiti.

Imbis na sumagot, pinanlakihan ni Rayne ng mata ang kanyang mama. Ngunit hindi ata nito nakukuha ang telepathy na huwag na ituloy ang sasabihin please ma ano ba dahil tuloy lang ito sa pakikipag-usap.

"Sumisikat ka na, ha, nasa ASAP ka na rin lagi, hindi ba?" anito. "Sinasabi ni Rayne na lagi siyang ini-inform ng mga fans niya."

"Readers ko sila," pagtatama ni Rayne. "Hindi fans."

"Hindi naman ho sikat," sagot ni Kaye, nakangiting binaling sandali ang tingin kay Rayne dahil sa sinabi. "Pero oho, nasa ASAP na po kami. Napapansin ko nga rin pong tina-tag din ako ng readers niya."

"Ay, weh?" Nilingon ni Rayne si Kaye.

Tumango ito.

"Kahiya."

Nangiti lang si Kaye.

"Good for you, binabayaran ka ba naman sa bawat guesting?"

"Ma, ano ba naman tanong 'yan?"

"Hay naku, s'yempre kailangan ng pera lalo na't parang project-based ang trabaho ng mga musicians. Walang monthy income 'di tulad kapag employed."

"Medyo gan'on na nga ho, maswerte naman dahil may mga gigs at work pa rin. May royalty rin po sa albums na nabebenta."

"Teka, teka, ano? Artista ba 'tong si Kaye?" pagtataka ng papa nila

"Singer siya. Laging pinapakinggan ni Marie sa bahay," pagpapaliwanag ng mama niya.

Gusto na lang umiyak ni Rayne sa isang gilid.

"Naka-graduate ka ba, Kaye? Sa school?"

"Ma. . ." pagmamakaawa ni Rayne.

"Hindi po. Tumigil po ako sa college."

"Ah, gan'on. May balak kang ituloy? Itong si Marie ilang beses tumigil, buti nakatapos din."

"Paanong hindi patigil-tigil, inuuna ang pagsusulat," sabat ng papa.

"Naka-graduate naman na, ikaw naman. Tsaka kumikita naman anak mo sa pagsusulat. Siya na nga nagpa-aral sa sarili niya, 'di ba?"

"Hanggang kailan?" tanong nito. "Walang kasiguraduhan d'on."

Uminom na lang ng tubig si Rayne. Sumubo ng pagkain. Ngumuya. Nagkatinginan sila ng panganay na ate. Umiling ito, sinasabing huwag na lang siyang magkumento.

Sumubo ulit siya ng pagkain.

"Buti, ano, Kaye, maganda ang reception sa 'yo ng mga tao," pagbalik ng topic kay Kaye. "Gusto ko 'yong kinanta mong narinig ko. Ano nga ba 'yon?" tanong ng Mama ni Rayne sa kanya.

"Naaalala Ka."

"Ah, oo. 'Yon, gusto ko. Ang ganda ng pagkakakanta mo d'on."

Ngiting labas ngipin si Kaye. "Thank you po."

"Pero ikaw, ah, kayo. Career muna ang asikasuhin," sabi ng mama. "Dapat bigyan ng bahay at lupa ang pamilya para settled na kapag tumanda na tulad namin. Wala nang iisipin."

"Tama, sa susunod na lang mga lovelife-lovelife," singit ng papa ni Rayne. "O, mayroon bang lovelife, ha, Kaye? Ayos din ang inspirasyon paminsan-minsan, kailangan 'yan sa buhay."

"Ang contradicting n'on, Pa, ah," natatawang kumento ng panganay na ate.

Naramdaman ni Rayne na dumikit ang tuhod ni Kaye sa kanya sa ilalim ng lamesa. Napatingin din siya sa braso nilang nagkadikit dahil sa paglapit nito. Kahit ang hinliliit, magkadikit.

"Ah, ano. . . inspirasyon nga ho," sagot ni Kaye, nakangiti.

"May inspirasyon? Girlfriend?"

Naramdaman ni Rayne ang isang sipa. Akala niya si Kaye pero nang tingnan ang panganay na ate, nagkatitigan sila. Telepathy. Sinipa niya rin ito, pero imbis na ang ate niya ang nasipa niya - si Kaye ang umaray.

"Uy, sorry!" bulalas ni Rayne.

Tumawa lang ang panganay. Sinimangutan niya ang ate.

"Walang lovelife si Kaye," sagot ni Rayne. "Team Kaye Cal ang lovelife niya."

"Sino 'yon?" tanong ng papa.

"Mga fans niya," sagot ni Rayne.

"Sumusuporta ho sa akin."

"Hindi ba kasali ka rin d'on?" sabat ng pangalawang ate.

"Hindi sobrang active," sagot niya.

"Wooh, pero lagi kang updated."

"Kasama si Marie sa lovelife ni Kaye," sabi naman ng panganay, natatawa.

Tumatawa na si Kaye sa gitna ng usapang ito. Nahihiya na nafa-flatter na namumula na rin. Habang si Rayne, tulad ng mga ganitong meet the family na ganapan, ay gusto nang lumubog sa tiled floor ng restaurant.

"Lovelife pala kita, eh," nangingiting ani Kaye.

"Ang dami namin," kumento niya.

"Gusto mo ikaw lang?"

Naubo ang panganay. Simple itong uminom, hindi nakatingin sa kanila. Bulong lang 'yon, paanong narinig pa ng ate niya? Nakakaloka.

"Ayos din ang magka-inspirasyon," sabi ng papa. "Tulad ko, kailangan ko na ng apo. 24 na ang pinaka bunso ko at 30 ang panganay, ayaw pa akong bigyan. Nakakawalan ng inspirasyon."

Sabay-sabay nagreklamo ang tatlong magkakapatid.

"Wala naman akong boyfriend," sabi ng ate. "And I don't plan on having to."

"Bakit po?" tanong ni Kaye.

Ay wow, close na?

"Puro ito career," mama nila ang sumagot.

"Tsaka basted lahat, hindi pa nga lumalapit," natatawang ani ng pangalawa.

"Ikaw, may boyfriend ka," sagot ng panganay sa pangalawang ate. "Bakit hindi ka magbigay ng apo kanila Papa?"

"Paano magkakaanak, hindi mag-diet kahit dapat. Irregular mens," ani Mama.

"Hay nako," sabi ng pangalawang ate. "Hayaan niyo nga ako, eating is life."

Pumalatak ang papa nila. "Kaya talaga si Marie na lang ang pag-asa natin magkaroon ng apo," anito sa asawa.

"Ako?" biglang sabi ni Rayne. "Kaka-graduate ko lang?"

"Hindi ngayon," ani Mama. "Magtrabaho ka muna. Itong tatay niyo, apo agad pinagsasasabi."

"Aba, ang tatanda na ng anak mo. Kailangan na natin ng cute sa bahay!"

"Cute naman ako!" sigaw ni Rayne.

Nag-yuck nang sabay ang dalawa niyang ate. Tumawa si Kaye.

"Kung hindi apo, trabaho hinahanap sa akin," bulong ni Rayne sa sarili. "Nakakaloka."

"Sa inyo ba Kaye, masaya ba family niyo sa apo sa. . .kuya mo ba 'yon? Apat kayong magkakapatid 'di ba?" tanong ng Mama.

"Po? Yes po. . .paano niyo nalaman?"

"Sinabi niya," singit ng pangalawang ate.

"Ako?!" Nanlaki ang mata ni Rayne. "Anong ako?" Naglipat-lipat ang paningin niya kay Kaye, sa ate niya at sa mama. "Paanong ako?" Tinuro pa niya ang sarili. "Anong kinalaman ko?"

"Sino pa bang tumitingin lagi sa mga pictures ni Ka—"

"Oo na, Ate," singit ni Rayne sa sinasabi ng panganay. "Shut up na, Ate. Please lang, Ate. Tama na, Ate. Please. Tama naaaaa."

Tawang-tawa ang ate niya, hirap maka-recover. Gusto na lang niyang iuntog nang paulit-ulit ang ulo sa lamesa. Magtago. Huwag nang magpakita kahit kanino, lalo na kay Kaye na nasa tabi niya.

"Iba po kapag may baby. Magaan po sa feeling," sagot ni Kaye. "Nakakapawi ng pagod."

"Ayun nga, aba, itong mga anak ko, nakakapagod nang makita," joke ng papa nila.

Tawanan.

"Ikaw ba Kaye? Ilang taon ka na nga ba? 28? 29?"

Napapikit si Rayne nang mapansing napatingin sa kanya si Kaye. Sumubo siya sa pagkain. "Oo na, oo na. Baka sa akin galing 'yong information na 'yon, hindi ko sure."

Ngumisi si Kaye. "28 po."

"28 ka na! Wala kang balak magbigay ng apo sa magulang mo?"

"Po?"

"Ma." Nilingon ni Rayne ang mama, nanlalaki ang mata. Nakikipag-telapathy na dapat huwag nang magtanong please lang.

Napahagod ito ng buhok patalikod. "Hindi ko pa ho naiisip talaga but I'm open for adoption siguro."

"Same," sabi ng panganay na ate.

"Iba pa rin ang sariling blood, ha."

"Ma, 2017 na," sabi ng panganay. "Nagbabago na ang style of living ng mga millennials. May iba nga na ayaw magkaanak. Focus sa sarili. Focus sa career."

"Millennials? Kasama ka ba d'on?" tanong ng pangalawa.

"Excuse me, millennials tawag sa mga pinanganak from 80's to 90's. Most are career and goal oriented, and open minded - no offense, Ma at Pa. Ibang generation na 'yong mga 2000's na pinanganak na may technology na, I think they're called iGeneration."

"Parang iPhone?" tanong ni Rayne. "Tayo pala ang Millennials? Akala ko silang mga bata."

"Yeah. Mas kilala as Generation Z 'yong younger generation."

"Gan'on pala 'yon," kumento ni Kaye.

"Naku, focus sa career kunwari. Mga takot sa commitment at responsibilities kamo. N'ong panahon namin. . ." Nagkwento ang mama na binack-up-an ng padre de pamilya. Ang henerasyon ng Baby Boomers.

Sa buong oras habang kumakain, madalas ang usapan nila ay tungkol sa graduation at kung ano nang gagawin ni Rayne (matutulog, magpapahinga ang lagi niyang sagot), kung anong trabaho ang pwede niyang pag-apply-an at kung anu-ano pa.

Kung hindi tungkol kay Rayne, si Kaye ang kinakausap ng mga magulang, mga simpleng tanong tulad ng saan ito nakatira sa Manila, kamusta ang buhay sa Davao at ilang pangaral tungkol sa anak at magulang.

"Ano nga palang ginagawa mo sa SMX? Talagang kinuha ka ng school ni Rayne para kumanta sa graduation?"

"Ah, ano. . . Napadaan lang ho."

(Napadaan galing sa ibang bansa? Talaga naman.)

Mukhang naniwala naman ang lahat pwera kay Rayne at sa dalawang ate.Walang nagbanggit ng kung anong mayroon kay Rayne at Kaye sa buong pamilya. Ngunit sa tingin sa kanya ng panganay at kurot sa kanya ng pangalawa, siguradong maraming tanong na kailangan ng sagot pagkauwi ng bahay.

Natakot tuloy siya umuwi ng bahay bigla.

Nang magbabayad na at habang nag-a-argue pa kung ang padre de pamilya o panganay na ate ang maglalabas ng pera, nagulat ang lahat nang mag-thank you kay Kaye Cal ang waiter.

Paano, bigla nitong binigay ang sariling card!

"Ako na lang ho ang magbabayad."

"Teka, teka, teka!" Hinawakan ni Rayne ang braso ni Kaye. "Anong ikaw ang magbabayad? Bakit?"

Pinatigil nila ang waiter sa paglayo.

"Hindi mo kailangang magbayad para sa kinain mo," sabi ng papa ni Rayne. "I-cash mo na lang," natatawa nitong ani.

Natawa rin si Kaye. "Regalo ko ho ito, sa inyo, kay Rayne – sa pag-graduate niya."

"Sa wakas," kumento ng pangalawang ate.

"Anong regalo ka d'yan."

"Let me," bulong sa kanya ni Kaye. "Please?"

Nagsukatan sila ng tingin nang magsalita ang papa ni Rayne.

"Aba, dapat pala lagi nating sinasama itong si Kaye sa paglabas natin." Tawa. "Pero hindi pupwede, ako ang magbabayad. I am the guy, I am the father."

"Guy? Hindi na uso ngayon 'yon, Pa," sabat ng panganay. "Equality na."

Nagkaroon pa ng debate. Gulong-gulo na si Rayne sa nangyayari. Ilang beses ding ibinigay ang pera kay Kaye na pilit nitong tinatanggihan. Ang naging pinal na hukom ay hinayaang bayaran ito ni Kaye.

"Sumama ka sa amin paminsan sa pagkain; hindi ka na dapat magbabayad sa susunod."

Hindi malaman ni Rayne kung bakit napunta sila sa solusyon na 'yon ngunit nanahimik na lang siya, tinitingnan nang masama si Kaye.

"Itong sunflower. . ."

Biglang kinabahan si Rayne sa binanggit ng mama. Nakalimutan niya saglit ang existence ng dilaw na bulaklak.

"Sa 'yo galing ito? Hawak mo n'ong kumakanta ka kanina?"

"Ah, yes po," sagot ni Kaye.

"Bakit nasa atin 'yan?" tanong ng papa ni Rayne. "Biga—"

Agad tumayo si Rayne, hinila rin si Kaye patayo. "Aalis na muna kami, mauna na kayong umuwi."

"Gagabihin ka na naman?" tanong ng mama niya. "Naku, kaka-graduate mo lang, gagala ka na naman."

"Basta, uuwi ako."

"Kaye, maihahatid mo ba si Rayne mamaya?"

"Ma!"

"Baka gabihin ka, kailangan safe kang makauwi. Kaka-graduate mo lang."

"Isang bus lang naman 'tong MOA sa ati—"

"Hatid ko na lang ho siya, may dala ho akong kotse," ani Kaye. "Pasensya na ho sa abala."

"Basta alam naming safe 'yang anak namin, ayos na kami," ani ng papa ni Rayne. "Pwede ring siya na lang ang ibayad namin sa ginastos mo."

"Pa!"

Tawanan.

"Agahan niyo ang uwi," sabi ng papa. "Hindi umaga, ah."

Tumawa si Kaye at tumango. "Thank you ho sa pagkain."

"Kami dapat ang magpasalamat sa 'yo. Sigurado kang ayaw mong kuhanin ang pera?"

"Hindi na ho. Next time na lang."

"Nice, may pa next time," bulong ng pangalawang ate na pinalo ni Rayne sa braso.

Nagmamadali si Rayne. Dumiretso sa papa niya, humalik sa pisngi.

"Boyfriend mo na ba 'yan?" tanong nito, binaling ang tingin kay Kaye na thankfully, mukhang hindi naiintindihan ang sinabi ng papa niya dahil sa mabilis, malalim at garalgal na boses.

"Ha? Hindi, ah."

"Girlfriend?"

"Pa."

"Ano?"

Nagkatinginan sila ng papa bago siya umiling. Pagkahalik niya sa pisngi ng mama, ito naman ang bumulong. 

"Hindi biro ang manlibre ng pagkain as graduation gift. . ."

"Mayaman lang siya, Ma. Walang mapagkagastusan."

"Kaya ikaw ang pinagkakagastusan?"

"OA! Libre nga sa atin, eh."

"Naku, Marie, crush mo ba 'yan? Hindi ba ganyan din 'yung isa? Binigyan ka pa ng bulaklak?"

Natahimik si Rayne.

"Ma," ang panganay na ate. "Hayaan niyo na 'yan. Malaki na 'yang bunso niyo."

Pumalatak si Rayne. "Sige, isigaw na lang nating lahat. Huwag na tayong magbulungan. Masaya 'to."

Tumawa ang dalawa niyang ate.

"Sige na," sabi ng mama, tinapik ang likod niya. "Magpapahatid ka, ha."

Tumango si Rayne para matapos na. Bago pa sila makalayo ni Kaye, nagsalita pa ang papa niya. "Kaye, ingat ka sa bunso ko."

Sumimangot si Rayne. "Bakit ako?"

Tawanan.

"Aggressive nga po, eh. Possessive pa. Bongga." Tumawa si Kaye.

Nanlaki ang mata ni Rayne at nag-init ang buong kaluluwa. "Karen Jade. . ."

"Char lang." Sabay peace sign.

Naguluhan ang buong pamilya ni Rayne.

"Ingatan mo ang bunso ko."

Nilingon niya ang papa niya, kinabahan siya sa kung ano mang kadahilanan. Nakatingin ito kay Kaye, naghihintay ng sagot.

"Salamat ho," sagot Kaye, labas ngipin ang ngiti. "Iingatan ko ho siya nang mabuti."



Gender Role

● Cultural assign each sex. Kung ano ang common sa society o nakasanayan na nakikita. Pwede ring mapunta dito ang "generalization" na nangyayari.

samples: 

pink: girls - blue: boys.

barbie: girls - guns: boys.

palda: girls - pants: boys.

make up: girls - cars: boys.

sinusuyo: girls - nanliligaw: boys.

Ang gender role ng mga babae ay maging ilaw ng tahanan. Ang gender role ng mga lalaki ay maging haligi ng tahanan. Kapag naging nagkakapalit ito, like ang tatay ang naging ilaw ng tahanan at nanay ang naging haligi - nababali o nasisira ang gender role.

● Nakasanayan ngunit hindi sinasabing tama.


Official hashtag: #LS4N1
Wattpad:
 pilosopotasya
Twitter: @ulaaaann
Instagram: @screenshots.ni.rayne
Ask.fm: @plsptsya
Facebook Page: Pilosopotasya (fb.com/plsptsya)
Readers FB group: Saksi ni Pilosopotasya
Online FB Shop: Stuff by Ulan (fb.com/UlanStuff)
Email: [email protected]

⚢ random gif of the chapter ⚢

Featured #LS4N1 tweet:

Featured #LS4N1 edit: Shana Valencia | facebook

⚢ random Kaye Cal photo of the chapter cos wala lang hihi ⚢

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top