Chapter 7- Ang Overdrive at ang Shooting
Ryker
Nawawala na ang sumpa ng pasa sa mukha ko pero may iilang visible pa rin. Kailangan pa rin lagyan ng foundation para matakpan ang natitirang mga pasa. Mabuti at naalis na ang pamamaga.
"Mirror, mirror on the wall..."
Nagsimula na naman si Brix. "Gago."
"Poging-pogi sa sarili," dagdag ni Blaze.
Nasa studio kami sa bahay nila Jaxx. Hindi ko alam kung magpa-practice ba kami o mag-aasaran lang.
"Tinitingnan ko lang kung halata pa," paliwanag ko. Bakit ba nagpapaliwanag pa ako?
"'Eto piso, magpaliwanag ka sa pagong," sulsol ni Brix. Inaabutan ako ng barya ng walang-hiya.
"Baka excited kasi sa music video natin. Siya ang main character." Nakisali pa itong si Jaxx.
"Gago, hindi," kaila ko.
Tinigilan ko na nga ang salamin at naupo ako sa tabi ni Jaxx.
"Pero sino ba ang leading lady ko?"
Nagtawanan silang tatlo. "Excited nga," ani ni Blaze.
"Maganda raw sabi ni Melissa," wika ni Brix.
Si Melissa ang isa sa production team. Dati-rati, kakaunti lang ang tao kapag gumagawa kami ng vieo, ngayon parang movie na sa dami ng tao sa production.
"Naks, naman. Hindi na siya kontra-bida ngayon sa music video," sulsol muli ni Brix.
"Sasama ba si Mia?" tanong ko kay Jaxx at hindi pinatulan ang pang-aalaska ni Brix.
"Hindi," maikling sagot ni Jaxx.
"Hindi mo isasama ang ampon natin?" paniniyak ko.
Umiling si Jaxx. "Hindi nga. Nasa bakasyon sila ni Ralph."
"Ahh, I see. Sana all nakakapagbakasyon sa dami ng anak," natatawang wika ko.
"Pinipigilan ka ba naming magbakasyon?" sarcastic na tanong ni Blaze.
"Wala akong kasama."
"Dala pa namin ang pundilyo mo at hindi ka makalakad mag-isa?" sarcastic muling tanong ni Blaze.
"Tangina, dati magkakasama tayo sa mga lakad eh," katwiran ko.
"Ayan, isama mo si Blaze," turo ni Jaxx kay Blaze na katabi ni Brix.
Umiling si Blaze.
"Akala mo may syota 'tong si Blaze kung makatanggi," wika ko.
"May minamahal," wika ni Brix sa pakantang tono.
"Ang tanong... mahal ba siya?" ganti ko kay Blaze.
"'Yon lang," sagot naman ni Jaxx.
Nabaling na kay Blaze ang attention ng mga kolokoy.
"What if pare, may syota na si Star sa US?" tanong ko. Nanlaki agad ang butan ng ilong ni Blaze.
"Eh 'di iyak na lang si Blaze," sagot ni Brix.
"Ilang taon ka na nga ulit na umiiyak?" pang-aasar ko pa kay Blaze.
"Months pa lang daw," pakikisali ni Jaxx sa pang-aalaska.
"Mga 24 months," dagdag ni Brix.
Nagtawanan kami maliban kay Blaze na bumuntong hininga ng malakas.
"Maghanap ka na ng iba," wika ko. Sa totoo lang hindi ko alam ang mga sinasabi ko. Gusto ko lang mang-asar kaysa ako ang asarin.
"Ayaw ko nga," malakas na tanggi ni Blaze.
"Saka bata pa 'yon eh."
Matalim akong tiningnan ni Blaze pa parang tatalab sa akin ang nagbabaga niyang tingin.
"Kapag forty ka na, mapapagkamalan ka ng tatay no'n," dagdag ko pa sa pang-iinis.
"Okay lang. Si Brix nga napapagkamalang alalay eh," sagot ni Blaze. Umikot na usapan kay Brix.
"Driver," pagtatama ni Brix habang tumatawa. "Pero itinaas ko na ang sarili ko bilang fiancé"
"Naks, tanggap na," tukso ko.
Tumango-tango si Brix. "Pinatawas ko pa 'yang daddy ni Mitch na 'yan," kwelang sakay ni Brix sa usapan. "Pero mabalik tayo sa 'yo."
Tangina, ang bilis ng ikot. Ako na naman!
"Sabihin mo kay Melissa ang gusto mong manyari sa music video," saad ni Jaxx.
"Kissing scene," biro ko.
"Manyak," sagot agad ni Blaze.
"Palibhasa 'yong music video mo nakatanaw ka lang sa dagat mula simula hanggang dulo," ganti ko kay Blaze.
"Pinaka-madaling i-shoot ang akin," pagyayabang ni Blaze.
"Oo na." Sabay-sabay naming sagot.
Sa Bataan ang shooting namin, sa Las Casas Filipinas de Acuzar. Pagkahaba-haba ng pangalan ng lugar. Maaga pa lang ay sinundo na ako ng driver ng banda. Walang may gustong mag-dala ng sasakyan. Lahat ay gustong matulog. Halos 4 na oras ang biyahe namin kasama ang traffic.
Pagdating namin sa venue, para akong tinapon noong panahon ng Kastila. Parang pakiramdam ko ay may sisigaw ng 'punitin ang cedula' ano man sandali.
"Ganda naman dito." Namangha agad si Jaxx nang bumaba kami sa van. Nasa reception area kami dahil kailangan daw bilangin ang papasok sa resort.
Si Melissa ay may hawak na mega phone at nagbibilang.
Isa...dalawa...tatlo... Kailangan ba tagalog?
Labing-dalawa, labing-tatlo...
Is there something in this place na bawal mag-english? Pati mga nakapaskil ay tagalog.
"Bawal bang mag-english?" tanong ko sa receptionist.
"Bawal," sagot ni Brix. "'Di ba binibini?"
Napahagikgik ang mga nasa reception.
"Hindi nga?"
"Oo nga," sagot na naman ni Brix.
"Hindi nga?" paniniyak ko sa mga receptionist na pawang mga natatawa.
"Sasayaw daw ng Pangdanggo sa Ilaw ang mag-e-english," sabat na naman ni Brix.
"Kung makapagtanong ka parang magaling sa English ah!" si Blaze.
"Pwede naman, Sir," sagot ng isa sa receptionist.
Pinasakay muli kami sa van pagkatapos mabilang ni Melissa ang papasok sa resort. Sa isang lumang bahay kami inihinto ng driver.
Bumaba ako at inalis ang shades na suot ko.
"Wala bang multo rito?" tanong ko kay Jaxx.
"Malalaman natin mamayang gabi," sagot ni Jaxx.
"Nakakahiya ka. Takot ka sa multo," si Brix habang pababa ng van.
"Hindi ah!" malakas na tanggi ko. "Baka ligawan ko pa 'yang multo na 'yan at mapasagot. 'Yon lang baka sumama sa atin pa-luwas ng Maynila."
Somewhere, sa gilid ng mata ko, nakita kong nagbabaan ng van ang mga production team. May isang babae akong nahagip ng tingin na nakapagpalingon ng todo sa akin.
Nakatalikod ito sa akin. Naka-suot itong kupas na pantalon at crop top na puti. Naka-converse ito na sapatos na itim na halos kumupas na rin.
Sinundan nila Blaze, Brix at Jaxx ang tinitingnan ko.
"Ano meron kay Melissa at tinitingnan mo?" tanong ni Blaze.
"Hindi si Melissa. Parang familiar 'yong naka-crop top." Nginuso ko ang gawi ng babae na inabot mula sa driver ang back pack niya.
Hinintay kong humarap sa gawi namin ang babae. Para pa itong nag-slow motion. The anticipation is eating me. Gano'n na lang ang gulat ko nang humarap ang babae at makita ang familiar na mukha.
"Charlie?!"
"Ohhhh...." Sabay-sabay na wika ng tatlo kong kaibigan.
Narinig marahil ako ni Charlie dahil nagtama ang mga mata namin at nalukot ang mukha nito. Instant inis ang nag-register sa mukha nito.
"For the love of God, bakit?" exaggerated na wika ni Charlie.
"Ayos," I heard Jaxx said before he dragged me towards the old house.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top