LOVE AT FIRST KISS 2

LOVE AT FIRST KISS 2

INARO'S POV...

January 2010, 4:15pm

Dumating ang order kong slice cake at espresso. Kasing pait ng kapeng iyon ang nakikita ko sa mga mata ni Jek-jek habang nagoopen-up siya sa akin. Hindi ko akalain na ganun kaseryoso pala ang sinsabi niyang problema.

Aaminin ko na noong una hindi ako masyadong interesado sa kwento niya pero nang maramdaman ko ang kalungkutan ni Jek-jek ay nakinig na lang ako ng mabuti sa mga susunod pa niyang kwento.

"Hindi pala naging maganda ang pagtira sa mga kamag-anak mo Jek-jek." Pagsimpatiya ko sa kaniya.

Tumingin siya sa akin at binigyan ako ng tango bilang pagtugon sa aking sinabi.

"Tapos anong nangyari?..." tanong ko sa kaniya. Humigop muna ito sa hawak niyang fruit shake bago ulit nagsalita.

"Gabi na ng ako ay dumating sa boarding house na tutuluyan ko, sa Dasmariñas..." pagpapatuloy niya sa kuwento.

And again I just found myself listening to his story....

----------------------------------

JEK-JEK'S POV...

March 2006, Sunday, 7:00pm

Gabi na ng ako ay dumating sa boarding house na tutuluyan ko, sa Dasmariñas. Nagsimba muna ako upang humingi ng gabay at tawad sa mga Santo at sa Poong Maykapal. Nakatulong ang pagsimba kong iyon sa problemang aking hinarap kanina sa bahay ng aking Tita Dely.

Habang naglalakad hindi ko maiwasan maalala ang sermon ng pari kanina sa simbahan.

"Ang mga pagsubok sa ating buhay ay nagkakahulugan lang na tayo ay mahal ng Diyos, dahil kung hindi tayo bibigyan ng problema ng Diyos, ibig lang sabihin nun ay gusto na niya tayong mamahinga o mamatay na. Kaya lagi niyong iisipin na ang lahat ng pagsubok na ating haharapin ay may dahilan at alam ng Diyos na kaya niyong lampasan at solusyunan. Ganyan tayo kamahal ng Diyos."

Marahil ay tama ang pari na yun, nasa mga kamay natin ang kasagutan sa lahat ng mga problema sa mundo. Nasa tamang diskarte at tiyaga kung paano mo ito haharapin.

Kumatok ako sa mismong bahay ni Mrs. Sanchez, ang Landlady. Ilang minuto lang ang lumipas at pinagbuksan ako nito ng pinto.

"Pasensya na po kayo at medyo ginabi ako, nagsimba pa po kasi ako diyan sa bayan." Pagpapaumanhin ko kay Mrs. Sanchez.

"Naku ayos lang yun hijo. Halika at samahan na kita sa boarding house." Pag-anyaya niya sa akin.

"Salamat po." Magalang kong pagpapasalamat.

Pinayagan ako ni Mrs. Sanchez na kahit isang buwan muna ang aking bayaran. May second floor ang boarding house. Dalawang kuwarto sa ibaba at isang kuwarto sa itaas. Bawat kuwarto ay dalawang tao ang rumerenta. Hiwalay ang paliguan sa palikuran. Ang sala ay ginagawang dining area na rin.

"Hijo, puro lalaki ang mga nakatira dito. Hangga't maaari sana eh ayoko ng away at naninira ng gamit. Hindi ka naman siguro basagulero?" pagkuwan ay tanong sa akin ni Mrs. Sanchez.

"Naku hindi po, wala nga ho akong bisyo," sagot ko sa kaniya.

"Buti naman kung ganun." Nakangiting sabi ni Mrs. Sanchez.

Totoo naman kasi yun, sa edad kong 17 hindi pa ako nakakatikim ng alak at nakakabuga ng sigarilyo. Minsan lang ako nakipag-away ng matindi at yun ay kay Tita Dely at Tito Mando.

"May girlfriend ka na ba hijo? Kung wala eh irereto na lang kita sa anak ko." Natatawang sabi ni Mrs. Sanchez.

"Wala po eh, atsaka wala pa po akong balak makipagrelasyon." Nahihiya kong sagot sa kaniya.

"Bakit wala? bakla ka siguro...ahaha joke lang." pagbibiro sa akin ni Mrs. Sanchez.

"Ahahaha... sa cute kong ito?" natatawa ko na ring sabi. Isa pang issue yan sa akin, kahit kailan ay hindi pa ako nagkaka-girlfriend. Kahit sabi nila na cute o guwapo ako at habulin daw ako ng mga babae noong high school hindi ko pa rin pinapansin ang mga nagpaparamdam sa akin.

Masyado akong dedicated sa pag-aaral marahil iyon ang dahilan kung bakit hindi pa ako nakakapagrelasyon noon. Ang pangarap ko lang naman kasi sa buhay ay makatapos ng pag-aaral ngunit dahil sa problema ko sa pamilya ay hindi ko nagawa. Heto at pagtatrabaho naman ang aking pinagkaka-abalahan.

Nerd, suplado, torpe at minsan ay bakla pa ang tawag ng ibang babae sa akin kapag hindi ko sila pinapansin. Sino ba naman kasi ang papatol sa mga ganoong klaseng babae na hayagan kung ipakita ang pagkagusto sa isang lalaki. Flirt, yan naman ang tawag ko sa kanila. Nakakaturn-off para sa akin ang mga ganoong babae.

"Oh siya, ang kuwarto mo ay sa itaas. Yyung roommate mo umuwi sa kanila baka sa makalawa pa ang balik." Pagputol ni Mrs. Sanchez sa aking iniisip. "Pero bago ka umakyat, ipapakilala muna kita sa mga ibang boarders." Pagpapatuloy pa niya.

"Sige po." Tugon ko sa mga sinabi niya.

Ang mga boarders sa ibaba ng bahay ay sila Andrew, Jay-ar, King at Noel na puro kabataan din na tulad ko ay natatrabaho na rin. Naramdaman ko naman ang masayang pagtanggap nila sa akin. Nagbiro pa nga si Andrew na ako raw ang bunso sa bahay na iyon.

Masarap silang kausap at madaling makagaanan ng loob. Isa na lang ang kailangan kong kilalanin, ang aking roommate sa itaas na si Anthony.

Ayon kay King, na pinsan pala ni Anthony, mabait at masipag raw ito. Ayaw ng makalat at maingay. Kung anu-ano pa ang sinabi nila tungkol kay Anthony. Sa tingin ko nga eh magkakasundo kami sa maraming bagay ni Anthony.

"Teka, kung magpinsan kayo ni Anthony bakit hindi kayo ang magka-roommate?" tanong ko kay King.

Ngunit imbes na sagutin ako ni King ay hinawakan niya ang kamay ni Noel na karoommate niya. Huli na ng maintindihan ko ang ibig sabihin ng paghahawak-kamay nila. Nagtawanan naman sila Andrew at Jay-ar sa aking naging reaksyon dahil literal akong napanganga sa rebelsyon na iyon.

"Kaya masanay ka na Jek-jek sa dalawang iyan kapag naghaharutan sa harap natin." Natatawang sabi ni Andrew.

"Manyak kasi pareho yan...ahahaha" pagbibiro naman ni Jay-ar na ikinatawa rin naming lahat.

"Eh kayong dalawa may relasyon din ba kayo?" inosenteng tanong ko kila Andrew at Jay-ar.

"What? Over my hot body, hindi ko yan papatulan ahahahaha.." sagot ni Andrew.

"Kapal naman ng kalyo mo tsong, eh sino ba naman kasi ang papatol sa iyo eh mula ulo muhkang paa ahahahaha." Ganting pang-aasar naman ni Jay-ar na lubos ko talagang ikinatawa.

"Aba at nagsalita ang taong uling, tsk tsk try mo mag gluta baka Makita ka sa dilim." At talagang bumanat ulit si Andrew.

"Haysus inggit na inggit ka nga sa kulay ko kasi yan ang pinaka sentro ng sex appeal ko." At hindi rin nagpatalo si Jay-ar.

"Oh tumigil na kayong dalawa baka magkapikunan nanaman kayo." Pagpigil naman ni King sa banatan ng dalawa.

"Ahahaha oh tama na yan gabi na masyado baka mabulabog na natin ang mga kapitbahay." Pagbabawal naman ni Noel sa malakas na tawanan namin.

Hindi ko akalain na ganito magiging kasaya ang pagtanggap nila sa akin. Kung mag-usap kami parang ang tatagal na namin na magkakakilala. Ngunit sa isang banda medyo naiilang ako sa kasweetan nila King at Noel sa isa't-isa. Oo nga at may mga barkada akong bakla at tomboy noong high school pero ngayon pa lang ako naka-encounter ng ganitong relasyon. Ang saya nila pagmasdan, malayang-malaya.

Matapos ang ilang kuwentuhan pa ay umakyat na ako sa aming kwarto ni Anthony para mag-ayos ng gamit. Mayroong dalawang kama, mga unan at kumot. May study table sa tapat ng bintana at malaking cabinet na lagayan ng damit.

Binuksan ko ang cabinet, namangha ako sa linis at pagkaka-ayos ng mga damit ni Anthony.

"Tama nga sila King, masinop at malinis sa gamit si Anthony." Bulong ko sa aking sarili.

Parang babae ang nakatira sa kuwartong iyon, dahil kapansin-pansin ang linis at ayos ng buong paligid ng kuwarto. Umupo ako sa gilid ng kama.

Nilapag ko sa kama ang dalawang unan at kumot na pinahiram sa akin ni Mrs. Sanchez. Napapangiti ako sa sobrang kaligayahan dahil sa reyalisasyon na wala na talga ako sa poder ng Tita Dely.

"Simula pa lang ito Jek-jek." Ang masayang sambit ko.

Humiga ako sa kama na may manipis na foam at bedsheet. Napakasarap humiga, malambot at tila makakatulog ako roon ng mapayapa. Andami kong pinangarap sa gabing iyon. Ang magiging trabaho ko, at ang pagtatapos ko sa kolehiyo.

At bago pa ako makatulog ay hindi rin mawala sa isip ko ang roommate ko na si Anthony. Andaming tanong ang gumugulo sa isipan ko noon. Hindi ko maintindihan pero bakit parang excited akong makilala at makita siya.

"Matangkad kaya siya o kalahi ni dagul?"

"Maputi o maitim?"

"Ano kaya ang itsura niya?"

Lumipas ang ilang minuto, hindi ko namalayang nakatulog na pala ako na may ngiti sa mga labi.

-itutuloy

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top