Simula
Simula
"Vien, halika ka naman dito!" Napawi ang tawanan naming dalawa nang bigla siyang tawagin ng mga barkada niya.
Tumango ako sa kanya para puntahan niya na si Gabe na kanina pa siya tinatawag. May kaunting salo salo ngayon sa bahay ng isa sa barkada niya at sinama niya ako rito para naman maka-bonding ko ang mga kaibigan niya ngunit parang ayaw nila sa akin. Kanina pa nila ako hindi pinapansin.
Pinanuod ko sila sa kanilang ginagawa. Pinapainom nila si Vien habang nanunuod din ang mga babae nilang kasama. Sunod sunod namang ininom ni Vien ang mga shots na bigay sa kanya. Umiling ako at bumuntong hininga. Kahit na gusto ko silang pigilan ay hindi ko magawa dahil baka mabago ang impression nila sa akin. Napansin kong natamaan agad si Vien.
"Ayaw ko na mga pare. Kasama ko girlfriend ko!" Rinig kong sigaw ni Vien.
"Sus, snob naman iyang girlfriend mo. Hindi namin malaman kung sinasadya niya bang nilalayo ka niya sa amin o ano, e." Alam kong pinarinig nila sa akin dahil sa sobrang lakas ay kaya yatang abutin sa kabilang baranggay.
Hindi naman iyon pinansin ni Vien at medyo nakapikit na ang kanyang mata; tanda na tinamaan na siya ng mga pinainom nila sa kanya. Pumikit ako ng mariin at nag-isip pa kung tama ba ang gagawin ko. Nang marinig ko ang halakhak ng mga babae ay naglakas loob na akong tumayo at pinuntahan sila.
"Oh! Speaking of..." ngumisi sila sa akin tsaka tinaas ang isang shot glass.
Hinawakan ko ang kamay ni Vien, "Halika na. Uuwi na tayo." Madiin na sabi ko habang nakatingin sa mga barkada niyang tumatawa na akala mo ay nakakatawa ang nangyayari.
"Ayan! Kaya ayaw namin siya para sa iyo, e. Masyadong kill joy. Kitang nag-sasaya pa tayo, e." Sinamaan ko ang nagsabi noon na si Tick.
Anong maganda ang nadudulot nila sa bawat isa? Kahit ayaw noong tao na uminom ay pinipilit nila para lang sumaya? Anong saya roon? Paano na uuwi ngayon si Vien kung lasing na siya? Buti sana kung sila ang mag-uuwi.
"Easy!" Inakbayan ako ng isa na kung maalala ko ay Wave ang pangalan. "Ganito talaga sa amin. Kung hindi ka sanay ay wala na kaming magagawa..."
Hindi ko na sila pinansin. Nilagay ko sa balikat ko ang kamay ni Vien. Hindi pa naman siya masyadong lasing kaya kaya pa niyang maglakad. Kumidlat ang kalangitan kaya lumakas ang simoy ng hangin habang naglalakad kami ni Vien sa dalampasigan. Hindi pa kami masyadong nakakalayo kaya naririnig ko pa ang sigaw ng mga barkada niya.
"Ano ba iyan, Vien. Ipagpapalit mo kami sa isang babae?"
Umigting ang panga ko at pinigilan ko ang sarili kong masapak sila isa-isa. Sa sobrang galit ko ngayon ay pakiramdam ko magagawa kong mabasag ang mukha nila kahit na lalaki pa ang karamihan.
"Ano ba, Ianne! Hindi pa ako lasing." Humahalakhak na sabi niya.
Hindi pa siya talaga masyadong lasing dahil kaiinom palang naman niya ngunit kung mananatili kami roon ay baka hindi na kami makauwi pa. Masyadong bad influence ang mga kaibigan niya at wala rin akong tiwala sa mga kaibigan niyang babae.
Lumakas ang agos ng tubig at ramdam ko ang lamig ng hangin sa aking balat. Mukhang uulan pa yata, at kung mamalasin ay baka may bagyo pa. Umilaw ang kalangitan sa panibagong kidlat na may kasamang kulog.
"Ianne, ibalik mo ako sa mga kaibigan ko." Tumigil siya sa paglalakad at kahit na lasing siya ay malakas pa rin siya at nakaya niyang pigilan kami sa paglalakad.
"Bakit ka pa babalik sa mga kaibigan mo, Vien? Napaka walang kwenta nila! Ganito ba lagi ang inyong ginagawa tuwing pinapayagan kitang sumama sa kanila?"
Napawi ang halakha niya at tinignan niya ako. Hindi ko mabasa ang kanyang tingin at natatakot ako na baka mas piliin niya ang mga iyon na sa tingin ko ngayon ay hindi imposible. Tinikom ko ang bibig ko habang nakikipagtitigan pa rin kay Vien na hindi makapaniwala sa inaasta ko.
"Alam mong kaibigan ko na sila ng ilang taon at all this time, ganyan pala ang tingin mo sa kanila? Sa akin?"
Parang nahimasmasan siya dahil nakakatayo na siya ng diretso at bumabalik na siya sa katinuan niya ngunit ayaw ko ang nangyayari ngayon at ang magiging ending neto. Sa isang taon naming relasyon, ngayon lang niya ako pinakilala sa kanila tapos ganito pa ang nangyari. Hindi naman talaga ako ang problema, e.
"Vien, hindi maganda ang pakiramdam ko sa mga kaibigan mo..." hinawakan ko ang braso niya, "Lalo na sa mga babae. Pakiramdam ay isa sa kanila ang may tagong pagtingin sa iyo."
"Hindi, Ianne..." winaksi niya ang kamay ko, "Hindi mo kailanman maiintindihan."
Ano ang hindi ko maiintindihan? Siya ang hindi nakakaintindi. Hindi ba niya nakikita ang mali? Oo, mas matagal na niyang nakilala ang mga kaibigan niya kaysa sa akin na isang taon palang. Pero kung may mas alam kung ano ang makakabuti sa kanya rito ay ako iyon.
Halos mapatili ako nang biglaang kumidlat at kitang kita ko ang galit ng kalangitan. Natamaan ng agos ng tubig dagat ang paa namin ngunit hindi iyon naging dahilan para pigilan kami sa aming sagutan.
"Kung ganito nalang pala ang gusto mo, Ianne... mas mabuting maghiwalay nalang tayo." Walang emosyon niyang sabi.
"H-ha? H-hindi ganoon ang gusto kong mangyari..." tinalikuran niya ako kaya hinawakan ko ang kamay niya, "Vien, please. Don't do this..."
"Bukas mo nalang ako kausapin, Ianne. Kung gusto mo pang masalba ang relasyon natin..."
Hinila ko ng pagkalakas lakas ang kamay niya at pinaharap siya sa akin; sakto sa pagtulo ng luha sa aking mga mata. Wala akong makita kahit anong emosyon sa kanyang mukha ngayon. Nakikisama yata sa sakit ng nararamdaman ko ang kalangitan kaya tuloy tuloy ang kidlat.
"Vien, hindi. Pasensya na sa mga sinabi ko. Kung na-offend ka man, sorry. Please, huwag mo lang gawin ito..."
Ngunit alam kong kahit anong sabihin ko sa kanya ngayon ay hindi na siya makikinig. Hawak ko ang kamay niya at unti-unti akong lumuhod sa harapan niya. Alam kong nakakababa ng pride iyon bilang babae pero wala na akong pakielam ngayon. Ramdam ko sa aking tuhod ang lamig ng puting buhangin at nabasa ang suot kong pantalon nang tamaan iyon ng agos ng tubig.
"Tumayo ka riyan..." pilit niya akong pinapatayo ngunit pinigilan ko siya.
"Tatayo lang ako rito kapag binawi mo na ang mga sinabi mo. Na hindi na tayo maghihiwalay. Hindi ko kasi kaya, Vien..." humagulgol ako at binaon ko ang mukha ko sa kanyang kamay.
"P're, anong eksena ito?" Lumapit ang mga barkada niya. Gusto kong tumayo sa pagkakaluhod pero eto na. Nagawa ko na, kaya paninindigan ko nalang.
"Hindi niya tayo patanggap kung ano ang ginagawa natin, hindi ba? Ibang klaseng girlfriend..." sabi ni Wave.
"Iyong girlfriend ko nga, madali lang naka-adopt sa atin, e. Bakit itong girlfriend mo, hindi?" Nakangising sabi ni Baste.
Naramdaman kong lumuluwang ang pagkakahawak ni Vien sa kamay ko kaya nahinto ang paghinga ko. Naiimpluwensyahan siya sa mga sinasabi ng mga kaibigan niya. Ang nakakatakot ay kung mas papakinggan niya ang mga ito kaysa sa akin.
"Tumayo ka na, Ianne. Bukas mo nalang ako kausapin..." mahinang sabi niya. Ayaw ko sanang makinig sa mga sinabi niya ngunit para akong nanghina nang bigkasin niya ang sunod niyang sinabi, "Umuwi ka na rin mag-isa. Kaya mo naman, hindi ba?"
Hindi ako nakagalaw sa posisyon ko. Tinanggal niya ng lubusan ang kamay ko sa pagkakahawak sa kanya. Hinabol ko ang hininga ko dahil pakiramdam ko ay malalagutan na ako ng hininga sa sobrang gulat sa ginawa at sinabi niya.
"V-vien!"
"Umuwi ka na, Ianne..." umigting ang panga niya.
Hindi ako makapaniwalang nakatingin sa kanya. Totoo ba ito? Ang isang taon naming pagsasama ay magiging parang wala lang dahil sa mga kaibigan niya na mas matagal na niyang nakilala?
"M-maghiwalay nalang tayo, V-vien..." kunot noong sabi ko at nagpapasalamat na hindi ako pumiyok.
Sobrang bigat ng pakiramdam ko at ramdam ko rin ang bigat ng kalangitaan dahil sa walang katapusang pagkidlat at kulog nito. Tumalikod ako sa kanila at hindi mawawala sa isip ko ang hitsura ng mga kaibigan niya na nakangisi pa.
"I-ianne, hindi tayo maghihiwalay... H-hindi ganoon ang ibig kong sabihin."
Hindi ko na kayang marinig pa ang mga sinasabi niya kaya tumakbo ako. Hindi ko alam kung sinusundan niya ba ako o hindi pero wala na akong pakielam. Naramdaman ko ang isang patak na tubig mula sa taas. Isa-isa, hanggang sa sunod sunod na iyon. Lumalakas na rin ang hampas ng alon sa paa ko habang tumatakbo ako.
Nang sa tingin ko ay hindi na nakasunod sa akin si Vien ay naglakad na ako habang hinahayaang tumulo ang mga luha sa mata ko. Hindi ko alam kung ano ang ibig niyang sabihin pero para sa akin ay tinatapos na niya ang relasyon namin. Tapos na kami. Tinapos na niya kanina.
Hawak ko ang kahoy na napulot ko. Nag-iiwan ako ng bakas gamit ang kahoy na iyon na lumilikha ng guhit sa puting buhangin. Nagulo ang aking buhok nang matamaan iyon ng malakas na hangin kasabay ang pag-agos ng tubig. Nabasa na rin ang buong katawan ko ng ulan at para na akong basang sisiw ngayon.
Dumikit ang ilang buhok ko sa aking pisngi kaya inayos ko iyon at pinunasan. Sa paglalakad ko ay may nakita akong lalaking nakadapa habang natatamaan ng tubig dagat ang buong katawan. Akala ko ay namamalikmata lamang ako. Nataranta ako at hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Imbes na tignan ang kalagayan ng lalaki ay mabilis kong tinakbo ang distansya naming dalawa.
Natigil ako sa paglalakad at inisip kung ano dapat kong gawin. Nakaharap ang mukha niya sa akin kaya yumuko ako para tignang mabuti ang kanyang mukha. Nanlaki ang mata ko at nalaglag ko ang hawak kong kahoy nang makita ang maputla niyang mukha. Hinila ko siya at inayos ko ang pagkakahiga niya.
"Hindi ko alam kung tama ang gagawin ko pero bahala na." Huminga ako ng malalim at pumikit. Akmang bibigyan ko sana siya ng hangin nang biglang marinig ko ang sigaw ni Vien habang tumatakbo palapit sa akin; sa amin ng lalaking nakita ko.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top