Kabanata 9
Kabanata 9
Kwek Kwek
Simula nang araw na iyon ay hindi na ako masyadong kinukulit ni Vien. Pakiramdam ko may nagawa o nasabi akong masama pero ayaw ko namang humingi ng tawad. Hindi ko alam.
"Cutting tayo, Ianne?" Nakapalumbaba si Spring sa kanyang table habang tamad na nakatingin sa akin.
Tumigil ako sa pagbabasa at nag-isip. Na-eenganyo ako sa sinabi ni Spring pero kailangan ko talagang mag-aral. Parang gusto kong maging malaya kahit ngayong araw lang at pakiramdam ko, ang sagot doon ay ang pagpayag ko sa nais ni Spring.
Binaba ko ang libro tsaka tinago sa aking bag. Nilingon ko si Spring habang ginagawa iyon na nakasimangot pa rin at boring na boring na talaga rito sa classroom.
"Tara?"
Nagulat siya sa sagot ko pero agad ding ngumisi. Agad agad siyang tumayo at hinila ang kamay ko. Gusto kong magpaalam kay Vien, pero baka pagdudahan niya ang sinabi ko sa kanya noong nakaraan kaya huwag nalang.
"Oh my goodness! Muntik na tayong makita ni Sir Amer!" Tumatawang sabi ni Spring habang palabas kami ng gate.
Saktong paglabas kasi namin ng classroom ay ang pagpasok naman ni Sir Amer. Buti nalang sa isang pinto kami lumabas, kung sa harap ay siguro natumba na kami ni Spring sa sobrang gulat.
Pumasok kami sa beanleaf, gaya ng lagi naming ginagawa. Nag-order si Spring. Kahit na alam kong dito nagtatrabaho si Jarrik at alam kong pwede niya akong isumbong kay Vien ay hindi ko alam kung bakit hindi ako natatakot.
"Alam mo bang hindi kita malapitan noong nasa 1004 tayo dahil todo bantay si Vien sa iyo!" Sumandal siya sa back rest habang nakahalukipkip.
"Alam mo naman iyon..." sa hina ng boses ko ay maging ako hindi ko na marinig.
"Buti hindi ka nasasakal, ano?" Tumawa siya. "If I were you? Matagal na kaming hiwalay."
Give and take ang relationship namin ni Vien. Pwede niya akong pagbawalan at pwede ko rin siyang pagbawalan. Wala namang nakakasakal doon kung para sa ikabubuti ng sarili namin.
Si Jarrik ang nagserve ng order namin. As usual, hindi nanaman niya ako pinapansin kahit na todo ang tingin ko sa kanya. Hindi ko alam kung ano iniisip ng isang ito. Noong nasa 1004 naman kami ay pinansin niya ako, pero kapag nandito ay hindi.
"Jarrik!" Hindi ko na napigilan at tinawag ko siya.
Nilingon niya ako. Ang akala ko ay magugulat siya pero naglalaro ang ngisi sa kanyang labi na parang tuwang tuwa siya sa nangyayari. Inirapan ko siya. Kahit na hindi ko nililingon si Spring ay alam kong gulat siya ngayon.
"Any problem, Ma'am?"
"Wala!" Hindi ko alam kung bakit naiinis ako.
Nagkibit balikat si Jarrik at umalis na. Ganoon nalang iyon? Hindi siya magso-sorry sa akin dahil hindi niya ako pinapansin? Ibang klase! Pakiramdam ko ay iniiwasan niya ako.
"You know him?" Gulat na tanong ni Spring.
Ininom ko ang frappe ko at hindi na sinagot si Spring. Buti nalang at nadala ko ang bag ko kaya nilabas ko ang libro at nagsimula nang magbasa.
Iba talaga sa pakiramdam kapag nakakaamoy ka ng amoy ng kape, tahimik at malamig na lugar. Pumapasok agad sa utak ko ang mga binabasa ko. Sa susunod nga, kapag may pera ako ay rito ako magre-review.
"Creepy. Feeling ko tuloy kailangan ko rin mag-aral dahil sa ginagawa mo." Umirap sa akin si Spring habang ngumunguya ng fries.
Inubos namin ni Spring ang buong klase sa beanleaf. Naramdaman ko naman ang palingon lingon ni Jarrik sa amin kaya baka napapansin na niya na nagcutting kaming dalawa. Sana naman ay hindi niya ako isumbong kay Vien.
Gusto ko lang talaga maging malaya kahit ngayong araw lang.
Pakiramdam ko kasi lagi ay para akong nakakulong. Para kong kinukulong ng sarili ko at gustong lumaya ng isang parte ng pagkatao ko. Hindi ko alam. Baka parte iyon ng pagiging adult kaya hinahayaan ko nalang.
Pagkatapos namin sa beanleaf ay kumain kami ni Spring ng kwek kwek dahil parang hinahanap daw ng tiyan niya. Sa likod kami dumaan para hindi kami makita ng mga taong palabas ng school.
"Ate Lina, dalawa nga hong sarsi," tawag ko sa isang tindahan na di kalayuan sa nagtitinda ng kwek kwek.
Noong high school ako ay lagi kami rito ni Vien kaya kilala ko na ang tinderang ito. Agad niya akong binigyan ng dalawang sarsi.
"Sinong kasama mo, hija? Si Vien ba?" Tanong niya.
"Hindi ho, kaibigan ko ho..." tsaka tinuro ko si Spring na malalaki ang subo sa kwek kwek na kinakain niya.
Sumipsip ako sa sarsi ko habang pabalik sa kanya. Inabot ko agad ang sarsi niya at hindi pa rin siya natigil sa pagkain at nilantakan na rin pati ang kalamares.
"Sa Maynila kasi nandidiri ako kasi puro usok," sabi niya habang punong puno ng pagkain ang bibig niya.
"Taga-Maynila ka ho?!" Gulat na tanong ni Manong Kalamares.
Ganoon talaga kapag galing kay Maynila. Lahat ng tao rito ay mamamangha. Ikaw ba naman makulong sa lugar na hindi ka basta basta makakaalis, hindi ba? Buong buhay na yata nila Nanay ay rito sa Sta. Cruz.
Pinapanuod ko si Spring habang punong puno ng pagkain ang bibig niya nang bigla siyang nabulunan. Agad niyang sinipsip ang sarsi niya habang nanlalaki ang mata at nakatingin sa kung saan. Sumisip din ako sa sarsi ko habang sinusundan ng tingin ang tinitignan niya. Halos lumabas sa ilong ko ang iniinom ko nang makita kung sino ang mga papunta rito.
Vien Fortalejas.
Jarrik Hidalgo.
Baste Saldivar.
Wave De Castro.
Makki, hindi ko alam ang apelyedo.
Agad kong hinila pababa si Spring at nagtago sa likod ni Kuya Kalamares. Ngumiwi ako. Nagsenyas ako sa kanya na huwag siyang maingay kaya tumango lang siya.
Ano bang ginagawa nila rito? At bakit kasama pa si Jarrik na naka-uniporme pa ng pang beanleaf!?
Biglang humangin ng malakas at naamoy ko ang pinaghalo-halo nilang pabango. Mas nangibabaw sa ilong ko ang pabango ni Vien dahil pamilyar na sa akin ang amoy niyang iyon. Lalong lumakas ang kaba ko at pakiramdam ko ay lalabas na ang puso ko sa dibdib ko nang marinig ko ang tawanan nila.
"Wala siya sa classroom nila, pare. Baka kasama niya si Spring," rinig kong sabi ni Vien.
Pumikit ako ng mariin. Sobrang lapit ng boses nila sa amin. Hindi na ako humihinga dahil baka marinig niya iyon at malaman niyang nagtatago kami ni Spring. Sana lang ay huwag silang kumain ng kwek kwek o kumain kila Ate Lina!
Pero anong ginagawa nila rito? Lagi ba silang magkakasama? Hindi ko alam dahil lagi naman akong hinahatid ni Vien sa bahay tuwing uwian.
"Parang gusto kong kumain ng kalamares," rinig kong sabi ni Wave kaya agad na nanlaki ang mata ko at nagkatinginan kami ni Spring.
Parehas kaming naestatwa at hindi alam kung ano ang gagawin. Tatakbo ba dapat kami? Hindi. Makakalikha iyon ng atensyon nila at alam kong makikita agad nila kami ni Spring.
Bakit ba kasi kami nagtago? Sana ay nagpakita nalang kami at kunyare ay normal lang na kumakain. Ngayon, mahirap na lusutan ito dahil nagtago talaga kami.
"Uy heto na ang piso ko! Hehe," si Spring tsaka hinila ako patayo.
Namumutla na ako nang makita ang gulat na mukha nila. Si Vien ay nakakunot noo lang habang nakatingin sa akin. Kung hindi ginawa iyon ni Spring ay malamang, sila mismo ang makakahuli na nagtatago kami.
"Ay, buti naman! Saan mo ba kasi nahagis iyang limang piso mo?" Ngumisi ako ng pikit habang hindi natatanggal ang tingin kay Vien.
"Hindi ko alam. Bigla nalang tumakbo itong bente ko, e."
Hindi na ako nagsalita. Ramdam ko ang talim ng titig sa akin ni Vien habang nakahawak sa isang strap ng bag niya. Buti nalang hindi nagsasalita si Kuya Kalamares, kung hindi ay isa pa namin siyang poproblemahin.
"Kanina pa kayo nandyan?" Kunot noong tanong ni Baste.
Si Spring na ang sumasagot sa mga tanong nila dahil ang tingin ko ay nakay Vien nalang. Pakiramdam ko ay may malaking kasalanan akong nagawa pero ayaw kong humingi ng sorry.
Hindi ko alam kung ano ang nangyari. Nagising nalang ako na nasa tapat na kami ng tindahan nila Ate Lina. Naglakad ba kami rito? May humila ba sa akin o ano? Nawala ako sa sarili ko kanina, e.
"Malboro red, Ate Lina," sabi ni Makki habang hawak hawak ang lighter na may tali roon sa tindahan ni Ate Lina.
"Malboro black ako, Ate," sabi ni Baste.
"Malboro pink ako," humagalpak sila sa tawa sa sinabi ni Wave.
Wala naman kasing Malboro pink. Nagsabi lang mga kulay sila Baste tapos itong si Wave ay sinali agad ang pink. Buti sana kung green ang sinabi niya at meron pa noon.
Habang si Vien sa tabi ko ay hindi manlang natawa o napangiti sa biro ni Wave. Nakakatakot siya. Natatakot ako sa pwedeng mangyari sa amin. Naririnig ko ang mahina at malulutong niyang mura na parang iritang irita talaga siya.
"V-vien-"
"Huwag muna ngayon, Ianne. Naiinis pa ako, baka kung ano ang masabi ko."
Ganito siya tuwing galit. Ayaw niyang nag-uusap kami dahil ang sabi niya ay maraming nagagawang maling desisyon ang taong galit. Ayaw niya iyon kaya ipagbubukas niya ang usap hanggang sa lumamig ang ulo niya.
Lumunok nalang ako. Maggagabi na nang umuwi kami. Halos mapaiyak pa ako nang utusan ni Vien si Jarrik para ihatid ako sa bahay. Bakit niya ako ipapasa sa iba? Pwede naman niya akong ihatid kahit na hindi niya ako kausapin, 'di ba?
"Ano nanaman ba kasing ginawa mo, badtrip tuloy boyfriend mo," ngumunguya ng bubble gum na sabi ni Jarrik.
Walking distance lang ang bahay namin sa school. Medyo malayo pero sakto lang dahil wala namang masamang tao rito sa lugar namin.
Ano na kaya ang mangyayari bukas at sa mga susunod pang araw? Naiiyak ako kasi may gusto akong gawin pero hindi ko naman alam. Hindi ko alam kung anong nangyari para maging ganito ako. Pakiramdam ko ay hindi ako malaya.
"Salamat pala dahil hindi mo ako sinumbong kay Vien na nanatili kami ni Spring sa beanleaf habang class hour."
Tanging ngiti lang ang sinagot niya. Bigla akong nakaamoy ng usok kaya agad kong nilingon si Jarrik. Kumunot ang noo niya nang bumuga siya ng usok mula sa sigarilyong hinihithit niya.
He smokes?
"Bakit ka naninigarilyo?" Wala sa sariling tanong ko.
"Busog ako, e."
Hindi ko na siya pinansin ulit. Kahit na panget tignan sa isang tao ang naninigarilyo ay bakit hindi manlang pumanget ang tingin ko kay Jarrik. Iba pa nga ang nararamdaman ko, e.
Pakiramdam ko, mas lumakas pa ang dating niya sa akin. Fuck it!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top