Kabanata 48

Kabanata 48

Iwan

Kinurot kurot ko ang likod ng kamay ko habang nakayuko. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Parehas kaming nakaupo ni Vien sa gilid ng kama habang nagkakapaan kung sino ang magsasalita.

Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Kakatapos ko lang magbanlaw ng katawan dahil basang basa ako ng ulan kanina. Nahihiya na rin ako kay Vien dahil lagi ko nalang siyang sinasaktan. Aware naman ako roon at naiipit na ako kung ano ang gagawin ko. Kung gagawin ko ba ang tama o gagawin ko ang mali.

"Sana may gamot na nagpapamanhid, 'no?" Siya ang unang nagsalita at tumawa siya.

Nilingon ko siya. Nakatingin lang siya sa akin. Wala akong makitang kahit anong galit sa mata niya. Hindi ko na napigilan ang pagbagsak ng mga luha sa mata ko. Pumikit ako ng mariin at tumingala.

"I'm sorry..." halos hindi na marinig na sabi ko.

Hindi ko na mabilang kung ilang beses kong sinabi kay Vien ang salitang ito. Kung papayagan lang niya ako ay iiwas na talaga ako sa kanya.

"Ang galing mong manakit," tumawa ulit siya at suminghot. "Hindi pa ako kailanman nasaktan ng ganito. Ngayon ko lang sasabihin sa iyo ito, Ianne, pero ang sakit sakit."

Dinadaan niyang lahat sa tawa. Minulat ko ang mata ko para tignan siya. Walang bahid ng luha ang mata at pingi niya ngunit namumula na ang buong mukha niya at mata. Sumisinghot na rin siya na akala mo ay may sipon siya, kahit wala naman.

"Kahit anong gawin koㅡnatin hindi na mababalik iyong dati. Wala na, Ianne. Wala na talaga tayo."

Never pa kaming nag-usap ni Vien tungkol dito. Laging okay siya sa lahat. Lagi niya akong tinatanggap. Pero siguro hindi na talaga niya kaya. Kahit hindi naman niya sabihin sa akin ay alam koㅡnararamdaman ko.

"Kasalanan ko lahat..."

"Shhh. Kahit naman anong gawin ko, kung kayo talaga ni Jarrik, kayo." Ngumiti siya sa akin.

Naiwan ako kwarto niya habang umiiyak. Nararamdaman ko na ang pamamaga ng mata ko pero hindi pa rin mawala-wala ang bigat sa dibdib ko. Pakiramdam ko ay mamamatay ako kapag hindi ako nakahinga ng maluwag.

Para akong naliligaw na isla, hindi alam kung para saan, kung sino may-ari at walang gustong tumagal.

Ilang oras ang tinagal ko roon. Pagtapos kong umiyak ay nakatulala lang ako sa kawalan. Hindi ko mahagilap ang isip ko at hindi ko alam kung ano na ang susunod kong gagawin. Tumayo nalang ako at naghilamos sa CR.

Pagbaba ko ay naabutan ko silang nag-iinuman. Tahimik akong tumabi sa kanila. Hindi ko matandaan kung ilang oras akong nawala at parang ang dami naman na yata nilang nainom. Dumilim na rin ang paligid ngunit ang galit na kalangitaan ay naroon pa rin.

"I'm so wasted, dude!" Ani Vien.

Nilingon ko siya at sobrang wasted na nga niya. Namumula ang mata niya at magulo ang buhok. Ilang bote na rin ng beer ang nasa tabi niya at sa nakikita ko ay may tama na siya. Naramdaman ko naman ang hawak ni Spring sa akin kaya nabaling sa kanya ang tingin ko.

Gusto niyang magtanong pero nirerespeto niya ang desisyon ko. Ngumiti lang ako sa kanya at tumango naman siya. Inabot ko ang isang beer at nilagok nang nilagok.

"Wala bang mas malakas ang tama kaysa rito?" Tanong ni Vien. "Halika, Lucas, bili tayo sa labas!"

"Ang lakas ng ulan, pinsan." Ani Lucas.

Ngayon ko lang napansin na sobrang seryoso nila. Si Vien lang ang nagsasalita at tumatawa. Maging si Lucas na AB normal ay seryoso rin ngayon. Mas nakakatakot ang mukha niya tuwing ganyan siya.

"Sus, takot ka sa ulan? Tao ka, Lucas, ulan lang iyan!" Tumawa ulit si Vien.

"Dude..." pigil ni Wave.

"Ano ba! Ang seryoso ninyo naman masyado!" Pero tanging siya lang ang natawa.

Yumuko ako at pumikit ng mariin. Minsan nang pumasok sa isip na kung mawawala ba ako, magkakaganito pa rin si Vien? Kung mawawala ba ako, mawawala na rin itong sakit na nararamdaman naming dalawa? Siguro nga. Siguro nga mas magandang mawala nalang ako.

"Mauubos ko nanaman itong isang bote ng beer, wala pa ring tama!" Sigaw ni Vien.

"Lasing ka na, Vien..." sabi ni Coups.

"Sinong lasing?" Humalakhak siya. "Not me!"

"Dude, ano ba?" Inis na sabi ni Tick.

"Ano? Suntukan ba ang gusto mo?!" Biglang tumayo si Vien.

Nataranta naman kaming lahat. Agad na hinawakan ni Lucas ang balikat ng pinsan niya. Si Wave naman ay kinakausap si Tick na h'wag na niyang patulan si Vien dahil lasing na. Tumango naman si Tick, pero masama na rin ang tingin niya.

"Putangina! Labanan ninyo ako!" Sigaw pa rin ni Vien.

"Mukha ka ng gago, Vien!" Ani Lucas.

"Gago naman ako. Gago ako, Lucas! Kaya nga labanan ninyo ako. Suntukan tayo. Bakit ba takot kayo?!" Sigaw pa rin niya.

"Vien..." hindi ko na napigilan ang sarili ko at pinigilan na siya.

'Tsaka lang siya kumalma. Winaksi niya ang kamay ni Lucas na nakahawak sa kanya at umupo ng maayos habang lumalagok sa beer na hawak niya.

Napalunok ako sa dami ng nakabara sa lalamunan ko. Hindi ko deserve ang pagmamahal na binibigay ni Vien dahil hindi ko kayang ibalik sa kanya iyon. Madumi akong babae. Pilit kong hinahabol ang lalaking hindi para sa akin. Hindi ko binibigyan ng pansin si Vien sa harapan na gagawin ang lahat para sa akin.

Biglang inubo si Vien. Tuloy-tuloy ang ubo niya na halos mamula na ang buo niyang mukha. Bigla naman akong nagalala dahil baka nasamid siya. Kukuha sana ako ng tubig nang bigla siyang tumayo.

"Kuha lang ako ng tubig," aniya at pumunta sa kusina kahit na may tubig naman sa center table ng sala.

Hanggang sa kusina ay abot pa rin dito sa sala ang ubo niya. Tahimik lang ang mga boys habang nakatingin sa kusina. Ubo pa rin siya nang ubo, hanggang ang ubo niya ay naging hikbi na. Malakas siyang humihikbi.

Hindi ko na rin napigilan ang sarili ko at tumulo nanaman ang luha sa mata ko. Tumayo si Lucas at bumubuntong hininga na pumunta sa CR. Hinila naman ni Spring ang ulo ko para isandal sa balikat niya.

Parehas lang kaming nasasaktan, pero mas nasasaktan ko siya. Hindi ko na alam. Wala nang pumapasok na kahit ano sa isip ko. Pakiramdam ko ay lahat ng desisyon ko mali.

Biglang tumigil ang ulan. Iniwan niya ang lahat na parang walang nangyari. Iniwan niyang basa ang kapaligiran na matutuyo rin pagkatapos ng ilang oras. Ganoon nga siguro pag nag-iwan ka. Maiiwan mong magulo ang lahat, pero pagkalipas ng lahat ay babalik din sa dati ang lahat na parang walang nangyari.

Tumayo ako at tuloy tuloy na lumabas ng bahay. Narinig ko pa ang pagtawag ni Spring at Tick sa akin pero hindi ko sila nilingon.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top