Kabanata 42

Kabanata 42

Free

Balik normal na ang lahat nang makabalik kami ng Sta. Cruz. Hindi nalaman ni Spring kung saan ako galing noong weekends, kaya kinulit niya ako nang kinulit. Hindi ko alam kung dapat ko bang sabihin sa kanya na kasama ko si Vien noong time na iyon at nasa Maynila kami, o h'wag nalang.

"Pero Ianne, nakita mo na ba iyong pinsan ni Vien?" Kinikilig na tanong niya. "Goodness! Iba talaga ang lahing Fortalejas, e."

Simula nang makalapag palang ang paa ni Lucas sa mansyon ng Fortalejas ay usap-usapan na kaagad siya, lalo na ang mga kababaihan sa bayan at maging sa lugar namin.

Feel na feel naman ni Lucas ang spotlight at sinabing mas gusto nalang daw niya na nasa labas siya, dahil pinag-uusapan siya ng lahat. Sa inis ni Vien ay lagi niya itong tinatakasan at hindi sinasama sa mga lakad namin.

"Oo nga, e..." pagsakay ko sa sinabi ni Spring.

"Bagay ba kami?" Humagikgik pa lalo si Spring.

Kitang kita ko naman kung paano umirap si Wave na nasa tabi lang niya. Itong dalawang ito talaga, halata naman na may something sa isa't-isa ay hindi pa rin umaamin. Mas gusto pang nagkakasakitan, e.

"Tick, p're! May bagong babae sa San Fabian, a? Maganda raw." Sa lakas ng pagkakasabing iyon ni Wave ay rinig na siguro hanggang sa kabilang bayan.

"Kapag maganda talaga ang usapan, ang lakas ng pandinig mo, e 'no?" Tumatawang sabi ni Tick.

Umiling nalang ako at tinitigan ang librong nasa harapan ko kahit na wala namang pumapasok sa isipan ko.

Umihip ang hangin at naamoy ko ang maalat na dagat. Para ako niyong inaakit na dapat maligo kami roon, ngunit nakakahiya naman magsabi. Lalo na't may quiz pa sa susunod na linggo.

"Vien!" Sigaw ni Spring.

Nag-angat ako ng tingin at nakita ko si Vien, kasama si Lucas na naglalakad papunta sa amin. Bukas ang lahat ng butones ng suot na puting polo ni Vien, kaya sumasayaw iyon tuwing umiihip ang hangin.

Para silang modelo habang naglalakad na magpinsan. Kumakaway naman si Lucas sa bawat babaeng tumatawag sa kanyang pangalan. Inis na winaksi ni Vien ang kamay ng pinsan na nakahawak sa balikat niya.

"Lumakas ang hangin simula nang dumating ka rito," inis na sabi nito sa pinsan.

"Sus, inggit ka lang kasi hindi na ikaw ang crush ng bayan."

Sinisiko-siko ako ni Spring pero hindi ko siya pinapansin. Bumaba ang tingin ko sa libro at wala sa sariling tinitigan iyon; hindi na magawang basahin pa dahil sa daming tumatakbo sa aking isipan.

"Hi, Ianne!" Tawag ni Vien.

Ngumiti ako nang hindi tumitingin sa kanya. Kahit na hindi ako mag-angat ng tingin ay ramdam na ramdam ko ang matulis at mainit na tingin sa akin ni Spring na akala mo ay may mali akong ginawa.

"Ianne raw..." bulong niya sa akin.

Nagkibit balikat lang ako at narinig ko ang malalim niyang buntong hininga. Simula noon ay hindi na ako muling kinausap pa ni Spring. Nag-aya silang maligo sa Culp, isang magandang falls sa dulo ng bayan namin. Marami ang naliligo roon tuwing hapon at tamang tama ang aya nila, dahil umaga palang ngayon kaya panigurado na kaunti pa lamang ang tao roon.

"Dapat bang magtanggal ako ng damit doon mamaya, o p'wede nang maligo kahit naka-damit lang?" Rinig kong tanong ni Lucas.

"Depende sa iyo. P'wede namang walang saplot," sagot naman ni Spring.

Kung hindi ko lang nararamdaman na iwas siya sa akin ngayon ay baka binatukan ko na ang ulo niya. Ngunit simula kasi kanina ay hindi na niya ako pinapansin. Halatang halata rin ang pag-iwas niya sa akin na hindi ko alam kung ano ang dahilan.

Tahimik lang akong naglalakad sa likod nang mapansin ako ni Vien. Ngumisi siya at nagpahuli sa paglalakad, para lang masabayan ako. Ngumiti rin ako pabalik sa kanya.

"You okay?" Tanong niya.

Tumango ako. "Oo naman. Ikaw?"

Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako sanay sa way ng pag-uusap namin ngayon. Siguro sa ilang taon naming magkasintahan ay nasanay na ako na dapat puro sweet, ramdam ko pang akin siya at sa kanya ako. Hindi ko maipaliwanag. Parang iba na talaga ngayon.

"Okay ako, kapag okay ka."

Ngumiti nalang ako. Nakakalungkot pa rin kung iniisip ko na rito nahantong ang relasyon namin. Dati kasi ang sabi niya sa akin ay gagawa at gagawa siya ng paraan para bumalik ako sa kanya sa oras na umayaw na ako. Pero ngayon ay siya pa ang nagtutulak sa akin sa ibang lalaking gusto ko.

Tama nga ba ang desisyon ko? Tama ba ang lahat ng sakripisyong ginawa ko? Tama bang sinakripisyo ko ang siguradong relasyon, sa hindi sigurado?

Tama bang mas pinili ko si Jarrik, kaysa kay Vien?

Nasa bukana palang kami papasok sa Culp ay ramdam ko na ang hangin na nanggagaling mula sa tubig doon. Naririnig ko ang marahas na pagbagsak ng tubig mula sa taas, pababa sa tubig na naghihintay sa baba. Ang huni ng mga ibon ay masarap pakinggan.

"Springㅡ" akmang tatawagin ko siya nang bigla nalang siyang sumiksik kay Lucas at nagkunyare na akala mo ay hindi ako narinig.

Bumuntong hininga ako. Hindi ko talaga alam kung bakit siya nagkakaganyan. Minsan talaga ay hindi rin maintindihan ang ugali ng babaeng iyan. Pakiramdam ko tuloy ay marami akong atraso sa kanya.

"Nag-away kayo?" Tanong ni Vien nang mapansin iyon.

"Hindi ko nga alam, e. Bigla nalang hindi namansin."

He snorted. "Baka may gusto kay Lucas."

"Meron nga." Tumango ako.

Pero kilala ko si Spring. Kahit na may gusto siya sa ibang lalaki at kasama namin iyon ay sa akin pa rin siya dumidikit. Halata namang may kasalanana ako kay Spring dahil hindi naman niya ako iiwasan kung wala.

Hindi pa kami masyadong nakakalapit sa Culp ay agad na naghubad ng damit sina Baste, Gabe, Coups at Tick. Sabay-sabay silang tumakbo at tumalon sa tubig. Halakhak naman ni Lucas ang umalingawngaw sa buong kagubatan.

Gwapo sana, kaso nakakatakot ang tawa.

Umupo ako sa batuhan at pinanuod sila. Maging si Spring ay naligo na rin kasama nila. Tanging ako at si Vien nalang ang hindi pa nababasa. Alam ko namang gusto na ring malig ni Vien ngunit dahil ayaw kong maligo ay narito rin siya sa tabi ko, sinasamahan ako.

"Maligo ka na. Ayos lang ako rito," sabi ko sa kanya.

Umiling siya. "Nah. I'm good. Manunuod nalang muna ako." Tumawa siya habang pinapanuod sina Lucas na nagyayakapan dahil sa lamig.

Lumingon sila sa amin nang bigla kaming tinuro ni Gabe. Ngumisi ang mga boys at lumapit sa amin. Alam ko na kaagad ang gagawin nila kaya umiling-iling ako. Nilapitan ng iba si Vien habang hinihila, at ang iba naman ay nasa akin.

"Tara na. Maligo na tayo!" Sigaw nila.

"Ayaw ko nga sabi..." pilit akong kumakapit sa bato ngunit malakas sila.

"Maliligo lang ako kapag naligo na si Ianne," tumatawang sabi ni Vien.

Nagtagal ang paghila-hila sa amin dahil ayaw kong maligo. Natigil lamang iyon nang biglang magdabog si Spring. Natahimik ang lahat at nabitawan na rin ako ng mga boys.

Umahon siya at kinuha ang towel na dinaanan namin sa bahay nila kanina. Nagpunas siya, pagkatapos ay napunta sa akin ang tingin niya. Tinignan niya ako ng masama at mas lalo kong inisip kung ano bang maling nagawa ko sa kanya.

"Ano, masaya ka na?" Galit at sarkastiko niyang tanong.

"H-huh?" Kunot noo kong tanong.

"Uh-ow! Away babae ito. Doon na nga muna ako..." ani Gabe at hinila sina Baste sa falls.

Hindi ako pinansin ni Spring. Napatingin ako kay Vien at tumango naman siya sa akin bago umalis at sumunod sa mga boys. Kaming dalawa nalang ang naiwan doon.

"Spring, ano bang problema?" Tanong ko.

"Problema?" Tanong niya. "Ikaw ang problema, Ianne!" Sigaw niya.

Kahit na gusto ng mga boys na h'wag kaming pansinin ay hindi nila magawa dahil nakakaagaw ng pansin ang malakas na sigaw ni Spring. Nanlilisik ang mata niya at pakiramdam ko ay anytime, p'wede niya akong sugurin at sabunutan sa inis.

"Spring..." kumapa ako ng sasabihin ngunit wala akong nahanap.

"Ianne, hanggang kailan mo ba paglalaruan si Vien? Hindi ka ba naaawa sa tao?" Humina na ang boses niya, ngunit hindi ko maintindihan ang gusto niyang sabihin.

"Ano bangㅡ"

"Nakakaawa si Vien. Kahit wala kang naririnig na kahit anong salita sa mga boys, lalo na kay Lucas na pinsan niya ay alam kong parehas ko rin sila ng nararamdaman. Parehas kaming naaawa kay Vien."

Hindi ako makapagsalita. Pakiramdam ko ay sinampal niya iyon sa mukha ko at namanhid ang buong katawan ko kaya hindi ako makagalaw ng maayos. Hindi ko rin alam kung paano ako magrereact.

"Nasasaktan din si Vien, alam kong nakikita mo iyon gamit ang dalawang mata mo pero hindi mo binibigyan ng halaga."

"A-ano bang dapat kong gawin?" Naiiyak na sabi ko.

Pasensya na kung kahit alam ko lahat ng sinasabi ni Spring ay wala pa rin akong ginawa. Iyon ay dahil hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Dapat ko bang iwasan si Vien? H'wag pansinin? Ano?!

"Set him free. Pakawalan mo si Vien, Ianne..."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top