Lola Soling
NANG HAWIIN NIYA ang kurtina sa maliit bintana ay unang humalik sa kaniya ang malamig na simoy ng hangin at ang sikat ng araw na kakasilip lang sa kalangitan. Madaling araw pa lang pero dinig na dinig na niya ang ingay ng abalang syudad, malayong-malayo sa mga huni ng ibon, tunog ng nagkikiskisang mga sanga ng puno, at mapayapang buhay sa probinsya.
Nang tumingin siya sa baba, mula sa pangalawang palapag ng kaniyang inuupahang apartamento, napansin niya ang matandang may bitbit na sako at iilang kagamitan. Lumang-luma ang damit na suot nito at kapansin-pansin ang mahabang buhok nitong purong puti na. Sinundan niya ito nang tingin hanggang tumigil ito sa tapat ng isang maliit na bahay na matagal nang walang naninirahan. Sa pagkakaalam niya ay pinapaupahan ito ng may-ari, at paniguradong ang matanda na ang mag-uukupa roon.
Ngunit, laking-gulat niya nang bigla itong lumingon at napatingala sa kaniya. Nanindig ang kaniyang balahibo at agad na napaatras. Ilang segundo rin siyang napatulala bago siya muling sumilip sa baba. Wala na roon ang matanda, pero bukas na ang pintuan nito.
Dahil sa maaga rin siya papasok sa trabaho ay dali-dali na siyang naghanda. Pero hindi pa rin mawala-wala sa kaniyang isipan ang matanda. May kung anong puwersa ang nag-uudyok sa kaniya na kausapin ito. Binalewala niya muna ito at saka tumuloy na sa kaniyang trabaho. Gabi na nang siya ay makauwi sa kaniyang apartment. Pagod na pagod, inaantok, at gutom na gutom din.
Inilapag niya ang mga pinamili sa maliit niyang mesa at diretso humiga sa kaniyang maliit na higaan. Umunat siya at napahikab. Saglit siyang napatulala at napatitig sa kisame hanggang sa muling sumagi sa kaniyang isipan ang matanda. Buong araw talaga siyang ginagambala nito. Hindi siya mapalagay. Upang matahimik ang kaniyang isipan ay bumangon kaagad siya at muling tinungo ang nag-iisa niyang bintana. Tumingin siya sa baba at napansin niyang may kahel na liwanag sa loob nito.
Nagpalit kaagad siya ng pang-itaas na damit. Bumalik siya sa mesa at binitbit ang supot na may lamang ulam. At saka lumabas at bumababa sa kaniyang apartamento. Dumaan pa siya sa madilim na eskinita bago niya narating ang isang bakanteng lote kung saan matatagpuan ang nag-iisang maliit na bahay na gawa sa purong kahoy. Kitang-kita niya ang anino ng matanda sa loob na may ginagawa sa kusina at tanging isang gasera lang ang nagbibigay-liwanag sa buong bahay. Tumigil siya sa harap ng pintuan at kinatok ito.
"Tao po. Magandang gabi po," aniya nang katukin niya ang pintuan.
Pero hindi ito sumagot. Akmang kakatukin na ulit niya ito ay biglang bumukas ang pinto at bumungad sa kaniyang paningin ang matandang nakangiti. Kulu-kulubot na ang balat nito, payat, at wala ng ngipin pa. Tahimik naman siyang napasinghap ng hangin nang bumati sa kaniya ang kakaibang amoy nito na ngayon lang niya naamoy. Pero binalewala niya lang dahil baka hindi na ito naliligo dahil sa edad na rin nito.
"Magandang gabi po. Ako po si Aliya. Nakatira ako diyan sa apartment," aniya sabay turo sa kuwarto niya sa pangalawang palapag. "May dala po akong pagkain para sa 'yo."
"Maraming salamat, iha." Tuwang-tuwa ito. "Tawagin mo lang akong Lola Soling. Halika, pasok ka. Naghapunan ka na ba?" mahinang wika nito.
"Hindi pa po."
"Dali. Pasok ka. Dito kana maghapunan. Nagluto ako ng gulay."
Sa simula ay nagdadalawang-isip siya. Pero nang mapansing mag-isa lang ito sa bahay ay bigla siyang naawa. Hindi na siya tumanggi pa at pumasok na at sinabayan siyang maghapunan. Habang kumakain ay nag-usap sila; kinikilala ang sarili. Kay rami niyang nalaman sa matanda, tungkol sa buhay nito noon at kung paano siya napadpad sa Manila.
Wala na itong pamilya pa at siya na lang mag-isa sa buhay. Nabubuhay na lang siya sa panlilimos sa daan sa kabila ng nakakapasong init ng panahon. Siyam napu't apat na taon na ito pero ang lakas pa rin niya. Parang pinipilipit naman ang kaniyang puso nang marinig ang karanasan nito. Naalala niya rin ang iniwan niyang pamilya sa probinsya, kagaya ng mga magulang niya ay nagsusumikap din ito at iniisip palagi na may pag-asa pa at giginhawa rin ang buhay.
Unti-unting gumagaan ang loob niya sa matanda. Mas napapadalas na rin ang pagbisita niya sa bahay nito tuwing gabi at sinasabayan ng pagkain. Minsan, kung may sobra siyang pera ay binibilhan niya ito ng mga pagkain para di na ito mamalimos. Naiyak sa sobrang tuwa ang matanda. Ngunit, dumaan din ang ilang linggo na sobrang abala siya sa trabaho sa rami ng gagawin at nagkasakit na rin. Hindi na niya nabisita pa ang matanda. Hanggang sa isang gabi, nagising na lang siya dahil sa masamang panaginip.
Bigla na lang siyang kinabahan. Ginagambala nang mapanaginipan niya na namatay ang matanda at pangalan niya ang tinatawag nito. Napatingin siya sa orasan at nalamang alas tres pa ng madaling araw. Agad siyang bumangon ang tinungo ang bintana. Sumilip siya at napansin niyang nakasindi pa ang gasera sa loob ng bahay ng matanda. Wala siyang sinayang na sandali at nagsuot ng jacket. Lumabas siya at bumaba, dumaan sa eskinita, at tinungo ang nag-iisang bahay sa malaking lote. Hindi na siya kumatok pa at diretso nang pumasok.
Ngunit isang nakakasulasok na amoy ang bumati sa kaniya. Napatakip kaagad siya ng ilong. Bigla siyang kinabahan. Sa isip niya ay ginagambala siya ng ideyang baka wala na ang matanda—na totoo ang kaniyang panaginip. Kinuha niya ang gasera sa mesa at saka dinala nito sa nag-iisang silid. Nang hawiin niya ang kurtina sa pintuan ng kuwarto nito ay bumungad sa kaniyang paningin ang matanda na nakahiga sa katre nito na purong gawa sa kawayan.
Isang maliit na unan lang ang nasa ulo nito at ang katawan ay nababalot ng lumang kumot. Mas nakakasulasok ang amoy sa loob ng silid. Gising pa ito at biglang nagliwanag ang mukha nito sa tuwa nang makita siya. Inilagay kaagad niya ang gasera sa ibabaw ng maliit na kabinet; nilapitan niya ang matanda at umupo sa tabi nito.
"Lola Soling. Kumusta ka? Anong nangyari?" tanong niya nang mapansing may sugat ito sa tagiliran at tumatagos sa kumot ang dugo.
Bumuka ang bibig nito at may ibinulong. Sa hina ng boses nito ay napilitan siyang yumuko at inilapit ang kaniyang tainga. Ngunit wala siyang maintindihan. Paulit-ulit nitong inuusal ang mga salitang hindi niya alam kung anong lengguwahe at sa paglipas ng sandali ay palakas ito nang palakas. At laking-gulat niya nang biglang kumapit ang mga kamay ng matanda sa kaniyang braso. Napakalagkit nito at sobrang higpit ng kapit.
"Lola Soling!"
Nang subukan niyang ilayo ang kaniyang sarili ay hindi niya magawa. Ang lakas na nito kumpara sa kaniya. Ang mga bulong nito ay naging sigaw. Ang mga mata nito ay nanlilisik at nakatitig sa kaniya. Naiyak na siya sa takot at kahit na anong tawag niya sa pangalan nito ay hindi pa rin kumakalma ang matanda. Hanggang sa bigla itong tumigil sa pagsigaw at naiwang nakabukas ang bibig nito, kung saan narinig niya sa loob ang isang tunog.
Sinilip niya ito at tinitigan nang maigi, sa kaunting liwanag na hatid gasera ay lubos siyang nasindak nang makitang may isang itim na ibon na may pulang mata sa loob ng lalamunan nito na unti-unting gumagapang palabas. Ang isipan niya ay sumisigaw na kailangan niyang lumayo, ngunit nanigas na lang siya at sobrang higpit pa rin ng kapit ng matanda. At napasigaw na lang siya sa gulat nang biglang lumipad palabas ang itim na ibon at dumiretso sa bibig niya.
Lumuwag ang kapit ng matanda at kumawala siya. Bumagsak siya sa sahig. Pilit niyang tinitikom ang bibig at kinakagat ang ibon upang hindi ito makapasok sa kaniya. Hinihila niya rin ito pero mas lalo itong naglakas na pasukin siya kahit na nabubunot na niya ang balahibo nito. Tinuka nito ang kaniyang dila at sa sobrang sakit ay lumuwag ang kaniyang pagkakagat sa ibon. At laking-gimbal niya nang makapasok ito nang tuluyan at gumapang sa kaniyang lalamunan.
Nanginig ang babae at namilipit sa sahig. Walang kumakawalang boses sa lalamunan niya at tanging pag-iyak lang ang nagagawa. Hindi siya makahinga nang maayos. Buong-lakas niyang ipinasok ang daliri at kinakalmot ang lalamunan sa kagustuhang hilain ito palabas. Pero wala na siyang mahawakan pa sa loob. Hanggang sa ilang segundo ang lumipas at nalagutan siya ng hininga at diretsong nandilim ang lahat.
Ilang minuto ang lumipas at biglang dumilat ang mga mata ni Aliya at malakas na napasinghap ng hangin. Panay siya sa pag-ubo nang dahan-dahan siyang bumangon. Kumapit siya sa katabing higaan at hinila ang sarili patayo. Nang makatindig ay napatitig siya sa matandang walang kabuhay-buhay; nakabukas ang bibig nito at dilat na dilat ang mga mata.
Sumilay ang ngiti sa kaniyang labi. "Ang ganda nga ng katawang ito. Maraming salamat sa iilang dekada, Soling."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top