Kabanata 6 - Agunyas
[Kabanata 6]
Filipinas, 1885
UMAALINGAWNGAW ang tunog ng agunyas na alay ng pamilya Romero para sa ika-limang anibersaryo ng pagkamatay ng kanilang bunsong anak. Maaga pa lang ay nagtungo na si Don Rafael sa simbahan upang mag-alay ng dasal para kay Agnes.
Mula nang mawala ang kaniyang anak ay napabayaan na niya ang pagsisilbi sa bayan ng Kawit. Napalitan siya bilang alcalde mayor dahil sa kaniyang kapabayaan. Ang pinsan ni Don Asuncion Salazar na si Don Alvaro ang siyang pumalit bilang alcalde.
Ang kaniyang asawa na si Doña Vera naman ay naging masakitin. Matamlay, payat at madalas na tulala. Sinasabi ng ilan na kinukuha na raw ni Agnes ang kaluluwa ng kaniyang ina upang may makasama ito sa kabilang buhay. Ayon naman sa iba ay minamalas na ngayon ang pamilya Romero dahil galing naman sa nakaw ang kanilang kayamanan. Ang buhay ni Agnes ang naging kabayaran ng kasalanan ng kanilang angkan.
Tanging si Teodoro ang kumakayod upang matustusan ang pamumuhay at mga gamot ng kaniyang mga magulang. Nasa edad dalawampung-siyam na taong gulang na ito. Ang hula ng iba ay hindi na makakapag-asawa pa si Teodoro dahil walang sinumang binibini ang nais maipit sa sitwasyon ni Teodoro na kung saan ay kailangan niya pang buhayin ang kaniyang mga magulang.
Halos naibenta na rin nila ang kanilang mga lupain. Wala na ring natirang negosyo. Maging ang patahian na minana nila sa kanilang ninuno ay naglaho na rin. Nakatira na lamang sila sa isang bahay na sapat lang ang laki para sa kanila.
Wala sa sarili si Doña Vera habang nakatanaw sa bintana. Ang tunog ng agunyas na alay para sa kaniyang anak ay nagpapanumbalik sa malagim na balitang dumating sa kanila limang taon na ang nakararaan.
Nagsasalo sa agahan sina Don Rafael at Doña Vera gaya ng dating gawi. Kung maaari lang sana ay araw-araw nilang sabayan si Agnes sa pagkain sa tahanan nito ngunit nagmamadaling umalis si Agnes patungo sa Maynila. Ni hindi man lang ito nakapagpaalam nang maayos sa kanila.
Pababa ng hagdan si Teodoro habang binubutones ang kaniyang abrigo. Patungo na siya sa Maynila. Malayo pa lang ay naririnig na nila ang paparating na kabayo. Si Manang Oriana ang unang naglakad papunta sa pintuan upang salubungin ang paparating.
Ang katiwala ni Don Rafael ang dumating bitbit ang isang telegrama. Hindi pa tuluyang nakakatigil ang kabayo ay agad na itong tumakbo papasok sa mansyon. "Don Rafael! Don Rafael!" paulit-ulit na tawag ng katiwala na si Celso.
Agad tumayo si Don Rafael upang salubungin si Celso. Agad itong napayuko saka iniabot sa kaniya ang isang maliit na papel. "Mensahe mula po ng isang tinyente sa Maynila"
Kinuha ni Don Rafael ang papel saka binasa ito. Kinutuban at kinabahan sina Doña Vera at Teodoro nang makitang namutla sa gulat si Don Rafael. "Bakit? May masamang balita mula sa Maynila?" tanong ni Doña Vera ngunit hindi nakasagot si Don Rafael. Nabitiwan nito ang papel at nawalan ng balanse ang Don. Mabuti na lang dahil maagap siyang nahawakan ni Teodoro sa likod.
Pinulot ni Manang Oriana ang papel. Maging siya ay namutla at gulat na napatingin sa mag-anak na Romero. "Manang" ulit ni Doña Vera. Nababalot na ito ng matinding pangamba dulot ng mensaheng iyon.
"M-may masamang nangyari kay Agnes" ang tanging nasabi ni Manang Oriana ngunit batid nilang lahat na kakambal ng masamang pangyayari sa buhay ng isang tao ay kakambal ng kamatayan.
TULALANG nakatitig si Alfredo sa puntod ng kaniyang dating asawa. Nagdidilim ang langit, nagbabadiya ang pagbuhos ng ulan. Marahan ang ihip ng hangin. Mula sa daan-daang yumao na nakahimlay doon ay naroon ang babaeng minsang naging bahagi ng kaniyang buhay ngunit hindi niya pinahalagahan.
Adelpa ang inialay niyang bulaklak. Iyon lang ang tanging nalalaman niyang paborito ni Agnes dahil halos mapuno ng adelpa ang kanilang hardin noon. Nagsimulang umambon ngunit nanatiling nakatayo roon si Alfredo. Animo'y hindi niya alintana ang pagpatak ng ulan. Sariwa pa rin sa kaniyang alaala ang malagim na balitang bumungad sa kaniya noong umagang iyon.
Pababa na ng hagdan si Alfredo. Binati siya ng matandang lalaking katiwala ng kanilang tahanan sa Maynila. Iniabot niya sa matanda ang isang liham, "Maaari niyo ho ba itong ipadala sa Kawit?" tanong in Alfredo, tumango ang matanda bagaman hindi siya maurunong magsulat at magbasa ay nauunawaan niya na ang sulat na iyon ay para sa pamilya ni Alfredo.
Lalabas na sana ng pinto si Alfredo ngunit napatigil siya saka muling lumingon sa matanda. "Ako na lang ho pala" wika ni Alfredo. Ibinalik ng matanda ang liham. Napatitig sandali si Alfredo sa sulat na iyon para kay Agnes.
Napagtanto niya na mas makabubuti kung sasabihin na lang niya ng personal ang lahat. Ibinulsa na niya ang liham, "Uuwi ho ako ng Kawit mamaya" paalam ni Alfredo. Kakausapin na lang niya ng personal si Agnes. Ibig niyang pagaanin ang loob ng asawa. Hihingi siya ng tawad at kung maaari ay luluhod siya sa harapan nito.
Papasakay na ng kalesa si Alfredo nang matanaw nila ang tatlong kabayo sakay ang tatlong guardia na papalapit sa kanila. "Señor Alfredo" wika ng nasa gitna saka bumaba sa kabayo. Sumunod naman ang dalawa.
"Huwag po kayong mabibigla. Hindi pa kumpirmado ngunit inaanyayahan namin kayo upang suriin ang bangkay ng inyong asawa"
Nanlaki ang mga mata ni Alfredo. Hindi siya nakapagsalita sa gulat. "A-anong bangkay? Paanong..."
"Ayon sa aming imbestigasyon, tinambangan ng mga tulisan at sinamsam ang lahat ng gamit mula sa kalesang sinasakyan ni Señora Agnes Salazar patungo sa daungan ng Maynila. Nakumpirma na ang labi ng dalawang bangkay na natagpuan din namin. Ang isa ay matandang lalaki na kinilalang si Benicio Gomez at ang isa ay dalagitang si Ana Del Mundo"
Napakabig si Alfredo sa kalesa. Tila nanghina ang kaniyang tuhod. Hindi siya makapaniwala sa narinig. Hindi siya naniniwala. Ayaw niyang maniwala. "Hindi. Nasa Kawit sila. Nagkakamali kayo—"
"Nakumpirma po namin kay Señor Fernando Salazar at Señora Viola na narito si Señora Agnes sa Maynila. Ayon sa kanila ay kaninang madaling araw sana babyahe ang inyong asawa patungo sa Zamboanga"
Napapikit nang mariin si Alfredo saka napakuyom sa kaniyang kamay. Sa isang iglap lang ay hindi siya nagkaroon ng pagkakataong humingi ng tawad kay Agnes. Ni hindi rin ito nagpaalam sa kaniya na magtutungo pala ito sa Zamboanga. Ngayon ay alam na niya ang pakiramdam ng taong umalis nang walang paalam tulad ng madalas niyang gawin kay Agnes.
GULAT at agad na napayuko si Emma nang bumungad sa kaniyang harapan si Doña Helen. "M-magandang umaga po, ina" bati ni Emma saka binuksan ng malaki ang pinto upang papasukin ang biyenan.
Ikinukumpas ni Doña Helen ang kaniyang abaniko habang taas-noong naglalakad papasok sa hacienda Salazar. Ang dating tirahan ni Agnes ay pinamamahalaan na ngayon ni Emma. "Ipasok niyo na lahat iyan" utos ni Doña Helen sa dalawang tagapagsilbi na kasama niya.
Nagdala siya ng mga prutas, gulay, karne at keso. "Sandali, ibaba niyo muna" patuloy ng Doña saka tumingin kay Emma. "Bakit hindi mo sila tulungan? Nakalimot ka na ngayon sa iyong pinanggalingan?" saad ni Doña Helen habang nakataas ang kilay na nakatingin kay Emma.
Agad kinuha ni Emma ang mga dalang pasalubong ng biyenan. Katulong ang mga kasambahay ay inilagay nila lahat iyon sa imbakan ng kusina.
Nanatiling nakatayo si Doña Helen sa salas habang isa-isang tinitingnan ang mga kagamitan doon. Sinusuri niya ang lahat sa takot na ibenta iyon ni Emma. Higit niyang kinamumuhian si Emma dahil nagmula ito sa mahirap na pamilya. Naniniwala siya na pera lang ang habol nito sa kaniyang anak.
Nang makabalik si Emma ay may dala na itong tsaa. Mailap at palaging nakayuko si Emma sa tuwing kaharap ang biyenan o sinumang kamag-anak ng pamilya Salazar. Ang tingin ng lahat sa kaniya ay isang opurtunista at manggagamit.
"Kumusta ang aking apo?" tanong ni Doña Helen, hindi nito pinansin ang tsaa na inihanda ni Emma. "Mahimbing po siyang natutulog ngayon" tugon ni Emma habang nakatingin sa sahig. Umikot ang mata ni Doña Helen, kumpara kay Agnes ay mas naririndi siya kay Emma dahil parang aping-api ito. Samantala, si Agnes naman ay nagagawang tumingin ng diretso sa kanyang mga mata.
Umakyat na si Doña Helen sa hagdan. Sumunod si Emma. Nang marating nila ang ikalawang palapag ay binilisan ni Emma ang paglalakad upang siya ang magbukas ng pinto sa silid ni Carlos.
Tahimik at malinis ang buong silid. Halos walang gamit dahil hindi naman nakakapaglaro ang bata. Naupo si Doña Helen sa dulo ng kama saka pinagmasdan ang apo. Limang taong gulang na ito. Limang taon na ring naghihirap sa karamdamang epilepsya (epilepsy).
Marami ng doktor ang sumuri sa bata. Dinala na rin nila ito sa Europa noong tatlong gulang pa lang ito ngunit kahit mga bihasang doktor ay walang magawa upang matulungan ang bata. Kailanman ay hindi ito ngumiti bagaman nakakarinig naman ito sa tuwing kinakausap.
Nahahabag ang kalooban ni Doña Helen para sa apo. Madalas niya itong maabutang tulog at kung minsan ay gising ngunit tulala lang sa kisame. Hindi rin naman lingid sa kanilang kaalaman ang mga usap-usapang kumakalat sa bayan. Ang bata raw ang nagbabayad sa pangangalunya ng kaniyang mga magulang.
Nang mamatay si Agnes ay nalaman din nila ang tungkol sa ipinagbubuntis ni Emma at binilhan pa ito ni Alfredo ng lupa sa Bulakan. Labag man sa kanilang kalooban ngunit wala silang magawa kundi ang ipakasal na lang ang dalawa dahil masisira ang reputasyon ng kanilang angkan at maaaring itakwil sila sa kanilang pananampalataya.
"Nasaan si Alfredo?" tanong ni Doña Helen habang hawak ang maliit at payat na kamay ng apo. "N-nasa norte po, ina" tugon ni Emma habang nakayuko pa rin at nakatitig sa sahig.
Tiningnan siya ni Doña Helen nang matalim. "Sinunggaling" wika nito ngunit nanatiling nakayuko si Emma. "Wala kang ideya kung nasaan siya, ano? Kung gayon, magsisinunggaling ka na lang upang isalba ang iyong sarili sa kahihiyan" sermon ni Doña Helen.
Hindi nagsalita si Emma. Mula nang mamatay si Agnes at maikasal sila ni Alfredo ay nagbago na ang kaniyang buhay. Nangangamba siya na dumating ang araw na harapin siya ni Alfredo tungkol sa pagsisinunggaling ng tagapagsilbi niyang si Alma na binantaan at tinakot siya ni Agnes nang puntahan siya nito sa Bulakan.
Si Carlos na lang ang kaniyang pinanghahawakan kay Alfredo. Hindi niya alam kung paano biglang nagbago ang lahat ngunit hindi niya rin magawang itanong. Natatakot siya na marinig ang tumatakbo sa isipan ni Alfredo. Natatakot siyang iwan nito.
Tumayo na si Doña Helen, "Pagsikapan niyong magkaroon muli ng anak. Mahal ko si Carlos ngunit iba mag-isip si Asuncion. Kailangan niya ng lalaking apo na magmamana ng lahat ng kaniyang pinaghirapan. Malabong manahin iyon ni Carlos" wika ni Doña Helen saka pinagmasdan sandali si Emma bago ito tuluyang umalis.
Napapikit na lamang si Emma at napaupo sa sahig. Hindi na niya alam ang kaniyang gagawin. Madalas din siyang puyat at palagi niyang napapanaginipan si Agnes. Ang kanilang naging pag-uusap noong dumalaw ito sa kaniyang tinitirhan noon sa Bulakan. Pakiramdam niya ay isinumpa siya ni Agnes. Si Agnes ang may kasalanan ng lahat.
IKA-DALAWAMPU'T SIYAM ng Septiyembre. Ang araw ng kaarawan ni Liliana. Umaga pa lang ay abala na si Agnes sa pagluluto ng pansit na kanilang pagsasaluhan. Bago magtanghali ay nakabalik na sina Mang Pretonio at Selio mula sa butikirya. Sila muna ang nagbantay doon dahil abala si Agnes sa kusina.
"Itay! Selio!" tawag ni Agnes saka magiliw na inasikaso ang dalawa. Pinaupo na niya ang mga ito sa maliit na mesa na sinapinan niya ng puting tela. "Tila nasa hotel de oriente tayo ngayon ah!" biro ni Mang Pretonio dahilan upang matawa sila.
"Ako naman ho ang bahala sa serbesa, Don Pretonio" wika ni Selio saka kinuha ang sabaw ng buko na kanilang iinumin.
"Mas marangya pa ito sa Hotel De Oriente. Ang inyong putaheng matitikman ay hindi matutumbasan ng kahit anong halaga!" pagmamalaki ni Agnes saka inihain na sa mesa ang niluto niyang pansit.
Napuno ng tawanan at biruan ang kanilang pagsasalo. Halos lumaki ang mga mata nina Mang Pretonio at Selio sa sarap ng pagkakaluto ni Agnes. Naging magana rin sila sa pagkain mula nang duamting si Agnes dahil masarap talaga ito magluto.
"Ate Liliana, ito ang aking regalo sa 'yo" wika ni Selio sabay abot ng suklay na gawa sa kahoy. Napangiti si Agnes dahil batid niyang pinag-ipunan iyon ng kapatid. Marami itong pinapasukang trabaho. Agwador sa umaga at hapon. Sa tanghali naman ay tumutulong ito sa pagpapanday.
"Maraming salamat, Selio! Ako na ang bahala na gumupit ng iyong buhok" ngiti ni Agnes. Labing-anim na taon na si Selio. Hilig nito ang magpahaba ng buhok ngunit mariing tinututulan iyon ni Mang Pretonio kaya si Agnes ang palaging naatasan na gumupit sa buhok ni Selio na palaging nauuwi sa habulan.
Napatitig si Mang Pretonio kay Agnes. Limang taon na mula nang kupkupin nila ito. Sa paglipas ng panahon ay hindi na niya ibig na gamitin si Agnes sa pansariling interes upang maganti sa pamilya Salazar. Nangungulila pa rin siya sa kaniyang anak ngunit si Agnes ang muling nagbigay sa kanila ng kasiglahan at pag-asa. Ibig na niyang makasama si Agnes bilang anak habambuhay. Naalala niya ang araw ng kamatayan ng kaniyang anak at ang pagdating ni Agnes sa kanilang buhay.
Patungo sina Mang Pretonio, Selio at Liliana sa daungan ng Maynila upang sumakay ng barko pabalik sa Siam. Isang buwan pa lang sila namamalagi sa bansa ngunit ibig na niyang bumalik sa Siam dahil nakakaramdam na siya na tila ba may nagmamanman at sumusunod sa kanila.
Wala silang tirahan. Nakatira lang sila sa kalesa at kung saan abutin ng gabi ay doon sila nagtatayo ng matutulugan. Si Mang Pretonio ay isang manggagamot at butikaryo. Katuwang ang anak niyang si Liliana ay marami silang tinutuklas na mga halamang gamot. Minsang narinig ni Liliana ang tungkol sa kakaibang sakit na kumalat sa barrio Sagpang.
Ang sakit na iyon ay kapareho ng sakit na kaniyang naranansan noong bata pa siya na muntik nang kumitil sa kaniyang buhay. Gayon na lamang ang pagnanais ni Liliana na alamin ang nangyari sa barrio Sagpang upang kung sakaling maulit iyon ay wala ng mamatay pa dahil batid na nila kung paano iyon lulunasan.
Nakiusap siya sa kaniyang ama na hingiin ang talaan sa kagawaran ng kalusugan. Hindi naman nahirapan si Mang Pretonio dahil kilala siyang manggagamot at butikaryo mula Siam. Lingid sa kanilang kaalaman na ang pagtuklas na iyon ang siyang maglalagay sa kanila sa kapahamakan. Lumipas ang mga araw kung saan unti-unting nakakakutob si Mang Pretonio na palaging may nakamasid at sumusunod sa kanila.
Kung kaya't napag-desisyunan niya na bumalik na lang silang lahat sa Siam tulad ng pagtakas na ginawa niya noon nang umalis siya sa panunungkulan sa pamilya Salazar noong binatilyo pa lamang siya.
Ngunit hindi nila inaasahan na tatambangan sila ng mga hindi nakilalang mga lalaki. Nalalaman ng mga lalaki na gumawa ng kopya ng talaan si Mang Pretonio kung kaya't dinakip nila ang matanda at ang binatilyong anak nito upang dalhin kay Don Asuncion.
Samantala, si Liliana ay pinaslang sa loob mismo ng kalesa. Iniwan nila ang kalesa sa gitna ng daan sa masukal na gubat at sinamsam ang mga mahahalagang gamit doon upang palabasin na pagnanakaw lang ang pakay ng mga tulisan.
Binalot nila ng sako sa mukha ang mag-amang Pretonio at Selio saka isinakay sa likuran ng kabayo. Hindi pa sila nakakalabas nang tuluyan sa kagubatan nang makasalubong nila ang kalesang sinasakyan ni Mateo Ong.
May kasamang kutsero at alalay si Mateo. Patungo sila sa daungan upang kunin ang mga bagong halamang gamot na inangkat nila mula sa karatig bansa. Nakaramdam ng panganib ang pangkat ni Mateo. Natanaw nila ang dalawang lalaki na nakabalot ng sako ang mukha.
Agad sumenyas ang pinuno ng mga tulisan na atakihin ang kalesang papasalubong. Hindi sila maaaring mag-iwan ng buhay na testigo na maaaring makapagturo sa kanila. Lingid sa kaalaman ng mga tulisan ay magaling sa pakikipaglaban sina Mateo at ang dalawang kasama nito.
Walang kahirap-hirap na naipagtanggol nila ang kanilang mga sarili at napabagsak ang mga hindi nakikilalang mga kalalakihan. Dalawang lalaking naka-itim na lang ang naiwan. Ang pinuno at ang isang matangkad.
Wala nang nagawa ang dalawa kundi ang tumakbo at tumakas. Sumenyas ang isa na kailangan na nilang magtungo sa daungan upang dakpin si Agnes gaya ng utos ni Don Asuncion.
Maluha-luhang nagpasalamat sina Mang Pretonio at Selio sa mga lalaking tumulong sa kanila. Sa labis na nerbyos ay hindi na nila nagawang maitanong ang mga pangalan nito. "Dadalhin ho namin kayo sa ospital" wika ni Mateo ngunit umiling si Mang Pretonio.
"K-kailangan ko hong balikan ang aking anak. Naiwan siya sa kabilang lagusan" wika ni Mang Pretonio. "Kung gayon, sasamahan na ho namin kayo" patuloy ni Mateo ngunit napailing muli ang matanda.
"Huwag na ho, Señor. Ang inyong pagtulong ay labis naming pinasasalamatan. Malapit lang ho iyon ay uuwi kami agad" paliwanag ni Mang Pretonio. Ang totoo ay hindi na niya ibig pang madamay ang mga estrangherong tumulong sa kanila.
Bago pa man makapasalita muli si Mateo ay hinawakan na ni Mang Pretonio ang kamay ni Selio at dali-dali na silang tumakbo pabalik sa kabilang daanan.
Halos sampung minuto ang kanilang itinakbo bago marating ang kalsadang dinaanan nila kanina. Laking-gulat nilang dalawa nang wala ng maabutan doon. Wala na ang kalesa. Tanging ang iilang bakas ng dugo ang naiwa sa putikan.
Sinundan nila ang bakas ng mga dugo hanggang sa dalhin sila nito sa isang mabatong ilog. Natanaw nila ang kanilang kalesa na sira-sira at inaanod sa ilog. Ang sinumang makakakita ay mag-aakalang naaksidente sila at tinangay ng malakas na agos.
"Itay!" tawag ni Selio sabay turo sa mga guardia sibil na nagka-ipon sa kabilang bahagi ng ilog. Natanaw nilang kinukuha ng mga guardia ang bangkay ng tatlong tao. Ang isa ay matandang lalaki at ang dalawa ay babae.
Duguan ang mga ito at tadtad ng pukpok ang ulo at mukha. Ngunit nakilala ni Mang Pretonio ang kaniyang anak. Suot pa nito ang nag-iisang bakya na inanod na rin nang tuluyan sa ilog nang maiahon ng mga guardia.
"Ate Lilia---" sisigaw sana si Selio ngunit agad tinakpan ni Mang Pretonio ang bibig ng anak. "Huwag. Huwag anak. Hindi natin nasisiguro kung kakampi ba sila o kalaban" wika ng matanda na napahagulgol na lamang sa sakit.
Ni hindi nila alintana ang mga sugat at gasgas na tinamo nila. Tumatangis ang kanilang mga puso sa trahedyang sinapit ng kanilang pamilya. Napabagsak na lamang sa batuhan si Mang Pretonio. Ilang minuto itong nawala sa sarili.
Malaki ang ilog at malayo ang kabilang bahagi. Patuloy din ang pagbasak ng ulan kung kaya't malabong makita sila ng mga guardia na nasa kabilang bahagi ng ilog. Ilang sandali pa ay narinig muli ni Mang Pretonio ang boses ni Selio.
"Itay! Itay! May inaanod po sa ilog!" tawag nito, sinundan ni Mang Pretonio ang direksyon kung saan nakaturo ang anak. Natanaw nila ang isang babaeng inaanod sa pampang ng ilog. Agad silang tumakbo papalapit sa babae. Magkatulong nilang pinatihaya ito at sinuri ni Mang Pretonio ang pulso ng babae sa leeg.
"Itay. Maaaring may nalalaman siya sa pagkamatay ni ate Liliana. May iba pang mga bangkay na nakuha nila. Maaaring magkakasama sila" wika ni Selio. Napatitig silang dalawa sa namumutlang katawan ng babae. At mula sa araw na iyon ay hindi nila akalaing magbabago ang takbo ng kanilang buhay kapiling ang babaeng iniligtas nila mula sa kamatayan.
Nagtayo sila ng maliit na barong-barong malayo sa tabing-ilog at malapit sa isang liblib na lugar. Nakuha ni Mang Pretonio ang cedula ng babae sa bulsa nito at napag-alaman niya na ito ang manugang ni Don Asuncion ayon na rin sa usap-usapang kumalat sa Maynila na patay na si Agnes Romero Salazar.
Binalak ni Mang Pretonio na ipaalam sa punong tanggapan ng mga guardia sibil ang pagkamatay ng kaniyang anak upang maimbestigahan iyon. Nais din niyang ipaalam na kasalukuyang nananatili sa kanila si Agnes na wala pa ring malay. Ngunit bago pa makarating si Mang Pretonio sa tanggapan ng mga guardia ay natanaw niya roon ang pamilyar na lalaki na dumakip sa kanila. Natandaan niya ang balat sa kaliwang tainga nito.
Ang lalaki ay may katungkulan at kapitan pala ng mga guardia sibil sa Maynila. Napahakbang paatras si Mang Pretonio. Bitbit niya ang cedula nina Liliana at Agnes. Nang magawi ang tingin ng lalaking may balat ay agad tumalikod si Mang Pretonio at ibinaba niya ang suot na salakot.
Nasa peligro pa rin ang buhay nila. Maaaring nasa panganib din ang buhay ng babaeng tinulungan nila dahil hindi naman ito madadamay kung wala itong nalalaman tungkol sa bagay na ibig makuha sa kanila ng misteryosong lalaking iyon.
"Itay. Anong regalo niyo po sa akin?" natauhan si Mang Pretonio nang magsalita si Agnes. Kanina pa pala siya tinatawag ng dalawa. "Tila nakaligtaan ata ni itay bumili ng regalo" biro ni Selio. Nagagawa na niyang biruan paminsan-minsan ang ama ngunit madalas ay nakakatanggap siya ng batok mula sa ama.
"Ayos lang po itay. Ang mahalaga ay magkakasama tayo at maayos ang ating kalusugan" wika ni Agnes sabay ngiti. Muli niyang sinandukan ng pansit ang ama at kapatid. Natutuwa si Mang Pretonio sa pag-aasikaso at pagmamalasakit ng anak-anakan. Dalawampu't tatlong taong gulang na ito. Kung maiisipan nitong mag-asawa muli, kukumbinsihin niyang manirahan ito na malapit lang sa kanila.
May kinuha si Mang Pretonio sa kaniyang bulsa saka inabot kay Agnes. Nanlaki ang mga mata ni Agnes sa tuwa at napangiti dahil may regalo rin pala ang ama sa kaniya. "Isang purselas na gawa sa bato (jade)" nagtatakang saad ni Selio.
"Maraming salamat po, itay! Hindi niyo naman kailangan gumastos ng mamahalin" wika ni Agnes ngunit lumulukso ang kaniyang puso dahil higit na pinapahalagahan siya ng kaniyang ama. "Ang purselas na iyan ay maglalayo sa iyo sa mga kapahamakan at kamalasan" wika ni Mang Pretonio.
Sinuot na ni Agnes ang purseles na kulay luntian. Nagawa niyang inggitin si Selio na tatawa-tawa lang at nagparinig sa ama na ibig niya ng bagong kamiso at sapatos sa kaniyang kaarawan. Nagpatuloy sila sa pagsasalo. Napuno ng tawanan at biruan ang kanilang maliit na tahanan.
ALAS-NUWEBE na ng gabi nang makauwi si Alfredo sa hacienda Salazar. Naabutan niyang natutulog si Emma sa tabi ni Carlos. Ibinaba niya ang maleta at abrigo sa tabi saka umupo sa dulo ng kama. Sandali niyang pinagmasdan si Carlos at hinawakan ang kamay nito.
May nag-iisang lampara na nakasindi sa silid. Naalimpungatan si Emma nang gumalaw ang hinihigaang kama. Agad siyang bumangon nang makita si Alfredo na nakatitig sa bata. "N-narito ka na pala" wika niya ngunit nanatiling nakatingin si Alfredo kay Carlos na mahimbing na natutulog.
"Ikaw ba ay kumain na?" tanong ni Emma. Tumango lang si Alfredo saka hinawi ang buhok ni Carlos na tumatama sa mga mata nito.
Sandaling naghari ang katahimikan. Gustong sabihin ni Emma na magsabi si Alfredo kung saan ito pupunta upang may maisagot naman siyang tama kapag hinahanap siya ni Doña Helen. Gusto rin niyang isumbong kay Alfredo ang pag-aalipustang ginagawa ni Doña Helen ngunit nangangamba siya na masira ang relasyon nito sa ina.
"Siya nga pala, ako'y may nabalitaan na mayroon daw isang magaling na doktor na kakabalik lamang mula Europa. Tanyag ang doktor na iyon dahil nagmula rin siya sa pamilya ng mga doktor at butikaryo" wika ni Emma, umaasa siya na kahit isang sulyap lang ay tingnan siya ni Alfredo ngunit nakatitig lang ito sa bata.
Dalawampu't anim na taon lang si Alfredo ngunit ang mata nito ay malamlam na at nababalot ng kalungkutan. "Nasa Bataan daw ang doktor na iyon" patuloy ni Emma saka tumayo at kinuha sa aparador ang manipis na papel na pinagsulatan ng detalye ng kaniyang ina.
Iniabot niya ang papel kay Alfredo. Kinuha ito ni Alfredo at binasa. "Magtutungo ako sa Bataan bukas" iyon lang ang kaniyang sinabi saka kinumutan si Carlos at tumayo na. Bago makalabas sa silid si Alfredo ay napatigil siya nang magsalita si Emma.
"N-nagtungo ka ba sa puntod ni... ni Agnes?" tanong ni Emma nang may kaba. Nababakas sa kaniyang boses na ilang beses niyang sinanay ang sarili na itanong iyon kay Alfredo sa oras na magkita sila.
Nanatiling nakatalikod si Alfredo at nakaharap sa pinto. Hawak na niya ito at akmang lalabas na sana. "H-hindi ba't ngayon ang anibersaryo ng kaniyang pagkamatay? Ibig ko sanang dumalaw ngunit walang maiiwan kay Carlos. Kung kaya't nagbabakasakali ako na bumisita ka sa kaniyang puntod" patuloy ni Emma.
"Hindi" tipid na sagot ni Alfredo saka tuluyan nang lumabas sa silid at marahang isinarado ang pinto. Napahawak na lang si Emma sa tapat ng kaniyang puso. Pakiramdam niya ay habambuhay silang guguluhin ng kaluluwa at alaala ni Agnes.
BAGO sumikat ang araw ay bukas na ang butikaryo ni Mang Pretonio na binabantayan nilang dalawa ni Agnes. Si Agnes ang nakaisip ng ideya na magtayo sila ng butikaryo at manirahan sa Bataan dahil may daungan din doon na mas mapapadali sa kanilang pag-angkat sa mga halamang gamot mula ibang bansa.
Napayabong ni Agnes ang butikaryo. Karamihan sa mga manggagamot at manunuklas ay nag-aangkat sa kanila ng mga halamang gamot. Marami ring naging suki si Mang Pretonio lalo na pagdating sa paggagamot. Hindi akalain ni Mang Pretonio na maraming nalalaman si Agnes sa agham at pagtuklas.
Araw ng linggo, abala si Agnes sa paglalagay ng mga bagong halamang gamot sa mga sisidlan nito. Malapit nang sumapit ang oras ng tanghalian. Nakapagluto na rin siya ng pagsasaluhan nilang mag-aama mamaya.
May dalawang ale na bumili sa butikirya. Ang hanap nito ay gamot upang maibsan ang pananakit ng tiyan at kabag. Pinaliwanag ni Agnes ang mga halaman na maaaring makatulong sa sakit ng kanilang mga anak.
"O'siya, bibili kami rito bukas pagkatapos naming magpakonsulta sa bagong doktor na pamangkin ni Don Dario" saad ng isang ale, si Don Dario ang gobernadorcillo ng Bataan.
"May bago pong doktor dito?" tanong ni Agnes.
"Kami ay hindi nakatitiyak kung maninirahan ba rito ang bagong doktor ngunit ayon sa sabi-sabi ay sandali lang daw dahil may tinutuklas lang itong mga sakit at gamot" napatango si Agnes sa tugon ng ale.
"Ngunit magbabakasakali pa rin kami na makilala ang doktor na iyon dahil tanyag daw ito lalo na sa Europa. Marami itong natuklasang gamot sa loob ng pananatili niya roon" pagbibida ng dalawang ale.
Nagkwentuhan pa sila sandali bago nagpalaam kay Agnes. Nang makaalis ang dalawa ay napaisip si Agnes. Kung makukumbinsi niya ang doktor na iyon na sa kanila na mag-angkat ng mga gamot ay tiyak na lalaki ang kanilang kita.
Napatingala si Agnes sa maaliwalas na kalangitan. Tila nakikiayon ang panahon sa opurtunidad na hindi na niya dapat pakawalan. Natanaw niya si Selio na paparating. Agad niya itong kinawayan. "Selio, dumito ka muna. May kailangan lang akong puntahan" saad ni Agnes sabay kuha ng kaniyang asul na balabal.
Kumuha rin siya ng bakol kung saan doon niya inilagay ang mga gamot na ibig niyang ipakita sa tanyag na doktor. Marami na siyang nakumbinseng doktor kaya madali na lang ito para sa kaniya.
"Saan ka ho magtutungo?" tanong ni Selio. Nagtungo sa bayan ang kanilang ama upang asikasuhin ang lupang tinatayuan ng kanilang bahay na ngayon ay nabili na nila at maipapangalan na sa kanila.
Inayos ni Agnes ang pagkakapusod ng kaniyang buhok. Pinagpagan niya rin ang suot na damit. Bagaman hindi ito marangya tulad ng iba ngunit malinis naman siya tingnan at sadyang presentable.
"Sa tahanan ng goberndorcillo. Naghihintay doon ang ating magandang kapalaran" ngiti ni Agnes saka pinakita sa kapatid ang suot niyang purselas na regalo ng ama dahil naniniwala siya na tinataboy nito ang malas. Tinapik niya ang balikat ni Selio.
"Magluto ka na lang miryenda natin mamaya. Kung sakaling mahulog sa kapalaran ng ating negosyo ang doktor na iyon ay makakabili na tayo ng bagong kamiso at sapatos para sa'yo" ngiti ni Agnes dahilan upang mapangiti rin si Selio at sinang-ayunan ang ideyang iyon.
"O'siya, para sa aking kamiso at sapatos!" ngiti ni Selio habang tinatanaw ang kapatid na kumakaway din sa kaniya papalayo.
ALA-UNA nang marating ni Agnes ang mansyon ng gobernadorciilo. Napaupo siya sandali sa labas dahil sa pagod. Nilakad niya lang ang bayan hanggang sa tahanan ng gobernadorciilo na halos dalawang kilometro rin ang layo.
Alangalang sa ikalalago ng aming negosyo, ibigay niyo na po sa amin ito wika ni Agnes sa sarili saka napahawak nang mahigpit sa kaniyang purselas at napatingala sa langit. Gulat siyang napatayo nang sumigaw ang kutsero. May paparating na kalesa lulan ang isang lalaki na nakasuot ng itim na abrigo.
Agad tumayo si Agnes at tumabi. Yumuko rin siya upang magbigay galang paparating na mula sa mataas na antas ng lipunan. Tiyak na malalatigo ang sinumang hindi magbibigay galang sa mga opisyal.
Sinubukang sumulyap ni Agnes sa lalaking sakay ng kalesa ngunit hindi niya nakita ang mukha nito dahil mabilis na nakalagpas ang kalesa at napuwing pa siya sa alikabok na dulot nito. Napaubo si Agnes saka hinawi ang alikabok na nagliliparan sa ere.
Bago maisara ang hacienda ay agad siyang humabol. "Sandali!" sigaw niya saka dali-daling tumakbo nang walang pag-aalinlangan. Napatigil ang mga guardia personal, "Ako ito, si Liliana. Ang bilin ni Doña Lara ay maaari akong bumisita sa kanilang tahanan kahit kailan" wika ni Agnes habang ikinukumpas ang kamay sa ere.
Sandali siyang pinagmasdan ng dalawang guardia personal. Sumagi sa kanilang isipan na nawawala ito sa katinuan ngunit naalala ng isa ang hitsura ng babae na palaging kasama ni Doña Lara.
Si Doña Lara ay asawa ni Don Dario na gobernadorcillo ng Bataan. Kinagigiliwan ni Doña Lara si Agnes na nakilala niya nang misan siyang magkaroon ng pamamantal. Sina Mang Pretonio at Agnes lang nakapagbigay ng lunas sa kaniyang karamdaman.
Mula ng araw na iyon ay madalas na niyang ipatawag si Agnes sa kanilang mansyon. Natutuwa rin siya dahil maraming alam si Agnes sa pagluluto, pagbuburda at pagtatanim. Si Agnes din ang dahilan kung kaya't naging maganda ang kaniyang hardin na puno na ng bulaklak ng adelpa.
Napangiti si Agnes nang papasukin na siya. Masaya siyang naglakad patungo sa malaking mansyon. Napapaligiran na ng bulaklak ang buong mansyon dahil sa kaniya. Natutuwa rin siya dahil hinahayaan lang siya ni Doña Lara na pagandahin ang tahanan nito.
"Liliana!" tawag ni Doña Lara na nasa hardin. Napatigil si Agnes sa paglalakad saka patakbong lumapit sa Doña na nasa limampu pataaas na ang edad. "Jusmiyo, hija. Huwag kang tumakbo nang ganiyan baka ikaw ay madapa" wika ng Doña sabay hawak sa dibdib nito.
Napangiti si Agnes nang makalapit sa Doña. "Ako po'y nasasabik lang na makita kayo, Doña Lara" napangiti ang Doña sa sinabi ng dalaga. Sa una pa lang ay magaan na agad ang loob niya kay Agnes. Malambing ito at palaging nakangiti.
"Magkasama lang tayo kaninang umaga sa misa" wika ng Doña dahilan upang matawa sila pati ang kasambahay na nagpapaypay kay Doña Lara.
"Siya nga pala, bakit ka naparito, hija?" napatingin ang Doña sa dala ni Agnes na bakol na puno ng mga halamang gamot.
"Nais ko po sanang makausap ang pamangkin niyong doktor. Ibig ko pong ialok sa kaniya ang aming mga paninda"
Napatango si Doña Lara. "Kay gandang ideya nga iyan" pagsang-ayon ng Doña. May pagka-singkit din ang mga mata nito. Tumingin si Doña Lara sa kasambahay na nagpapaypay sa kaniya. "Tawagin mo si Mateo sa kaniyang silid" utos nito. Agad namang tumango ang kasambahay.
Pamangkin ni Don Dario sa pinsan si Mateo Ong ngunit hindi sila magkaapelyido. "Kakagaling lang ni Mateo sa Europa. Noong Huwebes lang siya nakabalik dito. Marami ring tinutuklas na gamot ang pamangkin naming iyon. Tiyak na makakatulong kayo sa kaniya" ngiti ng Doña. Magsasalita pa sana ito ngunit dumating ang isa pang kasambahay.
"Doña Lara, mawalang-galang na po ngunit may bisita po kayo mula sa Maynila" wika ng kasambahay.
"Sino?" tanong ng Doña. Wala naman siyang inaasahang bisita ngayong araw.
"Señor Juan Alfredo Salazar daw po ang kaniyang ngalan" tugon ng kasambahay. Napaisip sandali si Doña Lara. "Iyon ba ang anak ni Don Asuncion Salazar?" pagkumprima niya dahil kailanman ay hindi niya pa nakikita ang mag-anak na Salazar.
"Opo, Doña Lara"
Tumingin ang Doña kay Agnes saka tinapik ang balikat nito. "O'siya, maiwan muna kita hija. Hintayin mo na lang dito si Mateo" wika ng Doña sabay ngiti. Napangiti si Agnes saka muling nagpasalamat sa kabutihan ng Doña.
Ilang minutong nanatili si Agnes sa hardin. Nababalot ng kulay-rosas na adelpa ang buong hardin. Nagliliparan din ang iilang mga paru-paro na kulay dilaw at puti. Umiihip nang marahan ang hangin. Napatitig si Agnes sa suot niyang purselas. Sa oras na maging matagumpay ang pag-aalok niya ng mga halamang gamot kay doktor Mateo ay tiyak na mas lalago ang kanilang butikaryo.
Hindi nagtagal ay narinig ni Agnes ang boses ng isang lalaki. Nakatayo ito sa balkonahe ng ikalawang palapag na parang may hinihintay. Ang dalawang kamay ay nakapatong sa kaniyang likuran. Sandaling napatitig si Agnes sa lalaking iyon na ngayon lamang niya nakita. Patuloy ang pag-ihip ng hangin habang dahan-dahang bumabagsak ang mga dahon sa malalagong puno sa paligid.
Nang magawi ang mga mata ng lalaki ay napatigil ito, nanlaki ang mga mata at halos walang kurap na nakatingin sa kaniya. Napahawak ang lalaki sa tarangkahan ng balkonahe upang lumapit at dungawin sa ibaba kung hindi ba siya nagkakamali sa babaeng nakatingin sa kaniya ngayon.
"A-agnes?" wika ng lalaki. Nanatiling nakatingin si Agnes sa lalaki nang may pagtataka. Ngunit hindi niya maunawaan kung bakit bigla siyang nakaramdam ng lungkot at kaba sa pangalang sinabi nito na ngayon lamang niya narinig.
******************
#LoSientoTeAmo
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top