Kabanata 31 - Patay na Lupain

[Kabanata 31]

ABALA sa pagdidilig ng mga bulaklak at halaman si Agnes sa hardin ng hacienda Romero nang narinig niya ang pagtawag ni Ana sa kaniyang pangalan. Tumatakbo ito papalapit habang ikinakaway ang hawak na sobre.

"Ilang ulit ko nang sinabihan 'yan si Ana na huwag tumakbo" saad ni Manang Oriana na nakatayo sa tabi ni Agnes habang tinutulungan ito sa pagdidilig sa hardin. Hinihingal na tumigil si Ana sa tapat nina Agnes at Manang Oriana saka iniabot ang hawak na dalawang sobre.

"Bumalik ho ang liham na ipinadala niyo sa Maynila" saad ni Ana habang pilit na hinahabol ang kaniyang paghinga. Kinuha ni Agnes ang dalawang sobre na nakapangalan kay Mateo. Ang isa ay naglalaman ng imbitasyon sa kaniyang nalalapit na kasal.

"Akin din pong napag-alaman na lumisan na po si Señor Mateo patungo sa Europa noong Lunes" patuloy ni Ana dahilan upang gulat na mapatingin sa kaniya si Agnes. Napayuko si Manang Oriana saka muling sumalok sa balde at nagpatuloy sa pagdidilig. Nararamdaman niya na hindi dadalo si Mateo sa kasal kung kaya't hindi na siya nagulat.

"Wala ba siyang iniwan na liham? Paanong..." hindi na natuloy ni Agnes ang sasabihin. Hindi niya akalaing magagawang umalis ni Mateo nang hindi nagpapaalam sa kanila. Wala rin siyang ideya na may balak pala itong mag-aral sa ibang bansa.

Napatitig si Agnes sa dalawang sobre, selyado pa ito senyales na hindi man lang nabuksan o nabasa ni Mateo. "Siya nga po pala, uuwi na po si Señor Teodoro mamaya" dagdag ni Ana na napag-alaman niya sa katiwala nila na kakarating lang din. Tinatapos lang ni Teodoro ang mga papeles nito at ang pagkuha ng certifico.

Dalawang araw na lang bago ang kasal. Halos abala na ang lahat sa paghahanda. Pumasok na sa mansyon si Agnes, mabusisi nang nilalampaso ng mga kasambahay ang sahig. Umakyat si Agnes sa ikalawang palapag, sa isang bakanteng silid ay nakita niya ang mga mananahi na abala sa paglalagay ng makikintab na manik sa kaniyang isusuot na traje de boda.

Pagpasok ni Agnes sa kaniyang silid ay marahan niyang isinara ang pinto. Hindi niya malaman kung bakit nakakaramdam siya ng kalumbayan. Maganda naman ang gising niya kaninang umaga ngunit nang dumating ang balitang umalis na si Mateo ay hindi niya malaman kung bakit tila sandaling nawala siya sa sarili.

Inilapag niya sa mesa ang dalawang sobre. Hiniling din niya roon kung maaari ay tumayo si Mateo sa tabi ni Alfredo dahil wala itong ibang kaibigan na aabay sa kasal. Napatingin si Agnes sa bintana nang marinig ang pagdating ng mga sako-sakong bigas, kamote, gulay at prutas na lulan ng mga kariton. Kasunod niyon ay dala na rin ng mga manggagawa ng kanilang hacienda ang mga napiling baka, baboy at manok na kakatayin para sa pagsasalo-salo na magaganap pagkatapos ng kasal.

Natauhan si Agnes nang marinig ang pagbukas ng pinto sa kaniyang silid, "Narito ka pala anak" ngiti ni Doña Vera saka pinapasok ang dalawang kasambahay na nagdala ng isa pang puting traje de boda na isusuot ni Agnes sa pagsasalo-salo. Tatlong damit ang ipinagawa ni Doña Vera para sa anak upang masiguro na ito ang pinakamagandang babae sa araw ng kaniyang kasal.

"Darating mamaya ang mag-aalahas na ipinadala ni Doña Helen, pipili tayo ng mga alahas para sa kasal" saad ni Doña Vera, magsasalita sana si Agnes ngunit lumapit ang isang kasambahay kay Doña Vera upang ipakita ang mga kurtina na isasabit nila sa mga bintana.

Isinara na ni Doña Vera ang pinto, naiwan muli mag-isa si Agnes sa loob ng kaniyang silid. Ilang segundong nanatili si Agnes sa kaniyang kinatatayuan. Nais niyang itanong sa ina kung nagpadala ba ng liham si Mateo, kung may nakakuha ba sa mga kasambahay o kung dumaan ba ito sa kanilang bahay ngunit batid niya na wala nang saysay kung aalamin niya pa iyon gayong tuluyan nang nakaalis si Mateo.

Naupo si Agnes sa silya. Kinuha niya ang itim na baul at inilagay doon ang dalawang liham niya para kay Mateo. Naroon din ang ibang liham niya kay Mateo at ang mga tugon nito noong nag-aaral pa ito sa Maynila.

Kumuha siya ng malinis na papel at isinawsaw ang pluma sa itim na tinta. Gusto niyang magdamdam sa paglisan ni Mateo nang hindi man lang nagpapaalam. Ngunit nababatid niya ang dahilan kung bakit nagbago ang pakikitungo sa kaniya ng matalik na kaibigan. Nalalaman niya ang dahilan subalit pinili niyang huwag tanggapin na iyon nga ang tunay na rason kung bakit nagbago ang kanilang pagkakaibigan.

Sandaling napatitig si Agnes sa malinis na papel. Ilang liham na ipinadala niya kay Mateo nitong mga nakaraang linggo ngunit ni isa ay wala siyang natatanggap na tugon. Ang ibang liham ay hindi na bumabalik sa kaniya, tanging ang tugon ni Teodoro lang ang nakakabalik gayong sabay naman niyang ipinapadala ang liham sa Maynila.

Nagsimulang magsulat si Agnes, sa pagkakataong ito ay haharapin na niya ang usaping pilit nilang iwinawaksi ni Mateo. Buong akala niya ay matatapos lang ang lahat na tila isang hanging minsang nagparamdamn, dumaan at maglalaho na lamang.

Mahal kong Mateo,

Narinig ko ang iyong sinabi noong gabing nagtungo ka sa aming tahanan. Paumanhin kung pinili kong magkunwari na hindi ko naintindihan ang ibig mong iparating. Aking hindi akalain na iyon na pala ang huling araw na ikaw'y aking makikita. Hindi ko nagawang tugunan ang iyong katanungan hindi dahil sa iniiwasan ko na banggitin mo ang posibilidad na maging tayong dalawa.

Ang totoo ay dahil sa natatakot ako. Natatakot ako na talikuran ang lahat at magbaka-sakali. Iyong naalala ang sinabi ko tungkol sa mga bulalakaw sa kalangitan na madalas nating abangan sa parang bago magtakipsilim?

Sinabi ko na ipinadala iyon ng mga diyos na naninirahan sa kalangitan. Hindi ka naman tumutol bagama't batid kong nalalaman mo na walang kinalaman sa hiwaga o kababalaghan ang mga bulalakaw. Iyon ang dahilan kung bakit ikaw ang taong hinahangaan ko sa lahat.

Nakikinig ka sa lahat ng aking kuwento nang hindi tumataliwas sa aking mga sinasabi. Dumarating ka sa tuwing wala si kuya at may nagkakasakit sa amin. Hinihintay mo kami ni ina sa simbahan kahit pa ilang oras inaabot ang aming pagdarasal at pagrorosaryo. Sinasamahan mo kami ni ina sa pamilihan sa tuwing wala si kuya dahil kailangan siya ni ama.

Pinapahiram mo ako ng inyong mga aklat at nagagawan mo rin ng paraan na mabasa ko ang mga ipinagbabawal na babasahin. Sa tuwing nagtutungo ako sa Maynila ay ikaw ang higit na nais kong makita dahil marami akong ibig ibahagi sa iyo at itanong tungkol sa mga aklat na ipinahiram mo.

Hindi ka nagsasawang makinig sa akin kahit pa kailangan mo pang mag-aral. Hindi ka napapagod salubungin ang aming pagdating sa daungan kahit pa madaling araw kami nakakarating sa Maynila. Ang iyong pagiging totoo, matiyaga at matulungin ay ang mga katangian na hinahangaan ko sa iyo.

Ang lahat ng iyon ay hindi ko ibig maglaho sa oras na pinili kong sagutin ang iyong tanong noong isang gabi. Mahalaga ka sa akin at hindi ko nais na mauwi sa wala ang lahat ang ating pagkakaibigan. Hindi ko ibig na mawalan ng kaibigan na hinahangaan at ipinagmamalaki ko sa lahat.

Patawarin mo ako kung hindi ko kayang tugunan ang iyong pagsinta. Ang sabi ni kuya, magkaiba raw ang direksyon ng dugong dumadaloy sa kanan at kaliwang bahagi ng ating puso. Parehong mahalaga ang dugong dumadaloy sa puso ngunit magkaiba ang tinatanggap at inilalabas nito. Minamahal kita bilang kaibigan at kapatid, habambuhay kong paka-iingatan at pahahalagan ang ating pinagsamahan mula pagkabata.

Ako'y lubos na humihingi ng tawad at hinihiling ko na balang araw ay maghilom ang iyong puso. Sabihan mo lang ako kung kailan tayo muli mag-aabang ng bulalakaw sa parang dahil hihintayin ko ang iyong pagbabalik.

Nagmamahal,

Agnes

Maingat na tinupi ni Agnes ang papel at nilagyan ng talulot ng bulaklak ang loob ng sobre bago sinelyuhan. Ngunit paglipas ng ilang buwan ay muling bumalik sa kaniya ang liham. Hindi ito nabuksan o nabasa ni Mateo.


TAHIMIK na nakaupo si Alfredo sa loob ng selda habang nakasandal sa magaspang na pader. Madaling araw na, kulay asul ang langit at napapalibutan ng makapal na hamog ang paligid. Sa kabila ng malamig na temperatura ay tulala si Alfredo sa kawalan tulad ng kung paano gising ang kaniyang diwa sa ganitong oras habang inaalala ang kaniyang madilim na nakaraan.

Hindi rin mawala sa kaniyang isipan ang nabasang paskin tungkol kay Agnes. Hindi pa siya nakakabawi kay Agnes at ngayon ay muling nadamay ang pangalan nito dahil sa kaniya.

Ilang sandali pa ay narinig ni Alfredo ang ilang mga hakbang papalapit. Nang iangat niya ang kaniyang ulo, hindi niya inaasahang makikita si Teodoro.

Nakabihis ito at may dala itong maleta. "Hindi ako nagtungo rito upang kumustahin ka. Naparito ako upang ipaalala sa 'yo na wala ka nang dapat asahan kay Agnes at sa pamilya namin" saad ni Teodoro, nalaman niya mula kay Mateo na alam na ni Alfredo ang tungkol kay Agnes.

Hindi kumibo si Alfredo. Pinili niyang ilayo ang loob kay Teodoro dahil nahahawig nito si Don Tomas. Bukod doon ay labag ang loob niya na maugnay sa pamilya Romero bagay na hindi niya nagawang pigilan noon.

"Ilayo niyo si Agnes. Mas makabubuti kung tumira na kayo malayo rito. Sikapin niyong hindi malaman ng iba na buhay siya" saad ni Alfredo saka tumingin kay Teodoro. Ito ang unang beses na nakapag-usap sila na hindi nila nagawa noong iisa pa ang kanilang pamilya.

Sarkastikong natawa si Teodoro, "At ngayon mo pa naisipan gampanan ang iyong pagiging asawa kay Agnes? Huwag mo nang subukan dahil hindi kami makapapayag na bumalik sa piling ng pamilya niyong walang kuwenta" saad ni Teodoro na 'di naglaon ay nawala rin ang pagkasarkasitiko at napalitan ng matalim na tingin kay Alfredo.

"Wala kang narinig sa 'kin sa kabila ng lahat ng kasalanan mo sa aking kapatid. Ngunit sa pagkakataong ito ay manghihimasok na ako. Huwag mo na subukang guluhin muli ang kaniyang buhay dahil hindi mo nalalaman ang mga kaya kong gawin" babala ni Teodoro habang seryosong nakatingin kay Alfredo. Kailanman ay hindi niya mapapatawad ang lalaking sumira sa buhay ni Agnes na binusog nila ng pagmamahal.

Hindi nagsalita si Alfredo hanggang sa maglakad na si Teodoro papalabas. Umaasa si Teodoro na iyon na ang huling beses na makikita niya si Alfredo dahil ilalayo na nila si Agnes.


PINAGMAMASDAN ni Agnes si Mateo habang mahimbing itong natutulog. Ang pinapahalagahan niyang pagkakaibigan ay unti-unti nang nasisira. Nauunawaan na niya ngayon ang nararamdaman ni Mateo at hindi niya magawang magalit sapagkat batid niya ang nararamdaman ng isang taong hindi minamahal pabalik.

Ngayon ay sumasagi sa kaniyang isipan na maaaring ito na ang pagkakataon upang mabuhay siya nang payapa. Naalala niya ang pagtatapat ni Mang Pretonio habang bumabagsak ang luha nito. Anuman ang mangyari ay malaki ang utang na loob niya sa matandang manggagamot na nagligtas sa kaniyang buhay at itinuring siyang kapamilya.

Ang pagtimbang ng kasalanan ay mahirap para sa taong malapit sa iyong puso. Mas madali pa magalit at talikuran ang isang estranghero sapagkat wala kayong pinagsamahan at pinahahalagahang relasyon. Ano nga ba ang pamantayan kung hanggang saan maaaring palagpasin ang kasalanan ng taong mahalaga sa 'yo?

Napapikit si Agnes. Hindi na niya alam ang gagawin. Sa susunod na araw ay uuwi na sila sa Kawit ayon kay Teodoro. Inaasikaso lang nito ang mga pagbibitiw sa trabaho. Kasalukuyan silang tumutuloy sa isang bahay-panuluyan.

Natauhan si Agnes nang marinig ang katok mula sa pinto at dahan-dahang bumukas iyon. Agad niyang isinuot ang balabal ngunit napatigil siya nang makita kung sino ang dumating. Hindi na nagulat si Don Rafael dahil nababatid niyang binabantayan ni Agnes si Mateo.

Maluha-luha ang mga mata ni Don Rafael, hindi niya lubos akalain na magbabalik ang anak sa kanilang piling matapos ang limang taong paghihintay kung masama o magandang balita pa ang kaniyang malalaman tungkol kay Agnes.

Agad hinagkan ni Don Rafael ang anak. Nagwakas na ang ilang taong pangamba na kaniyang nararamdaman. Ang tanging hiling lamang niya ay nasa mabuting kalagayan ang anak saan man ito naroroon. At kung tuluyan na itong sumakabilang buhay ay nabigyan kahit papaano ng maayos na libing.

Tulala si Agnes habang pumapatak ang kaniyang mga luha. Hindi niya akalain na ang alaalang nawala sa kaniya ay naging pasakit sa kaniyang tunay na pamilya. Ngunit nahihirapan siya balikan ang iba pang mga alaala na may kaugnayan sa pamilya Romero na siyang dahilan kung bakit hindi niya batid kung paano haharapin ang mga ito.

Hinawakan ni Don Rafael ang magkabilang balikat ng anak at pinagmasdan ito. Nagpapasalamat siya dahil maayos ang kalagayan ni Agnes, "S-salamat at nagbalik ka anak" wika ni Don Rafael at agad nitong hinawi ang kaniyang luha. Kailanman ay hindi siya lumuha sa harap ng kaniyang pamilya.

Napatitig si Agnes kay Don Rafael na napag-alaman niyang siyang tunay niyang ama. Hindi niya maunawaan kung bakit tila nangangapa siya ngayon sa dilim dahil hindi niya maalala ang ilang bagay tungkol sa ama.

"Matagal ka na ring hinihintay ng iyong ina" patuloy ni Don Rafael. Hindi nakapagsalita si Agnes, ngayon ay malinaw na sa kaniya kung bakit tila may alaala siya sa piling ng isang ina. Napagtanto niya na hindi natin dapat isawalang-bahala ang mga maliliit na detalye na may bahagi pala ng ating nakaraan.

"Kumusta po si ina? Bakit hindi niyo po siya kasama?" tanong ni Agnes, tila bago sa kaniya ang pagbanggit sa salitang ina. Sadyang nakakapanibago ang lahat. Napayuko si Don Rafael at napahinga nang malalim. Ipinaliwanag niya kay Agnes ang kalagayan ni Doña Vera ngunit hindi nito sinabi ang malubhang karamdaman sapagkat hindi niya nais na mag-alala si Agnes gayong hindi pa nanunumbalik ang buong alaala nito.

Naupo sila sa dalawang silya at ikinuwento ni Don Rafael ang nangyari sa kanilang pamilya matapos ang trahedyang nangyari sa kanila. Bakas sa tono ng pananalita ng Don na hindi na nito pinanghihinayang ang karangyaan at posisyon na nawala sa kanila dahil narito na muli si Agnes. Hindi niya nais na maramdaman nito na siya ang dahilan kung bakit naghirap ang kanilang pamilya.

"Pagbalik natin sa Kawit, aasikasuhin lang namin ang ilang papeles bago tayo lumisan" saad ni Don Rafael, napatigil si Agnes. Sa huli ay lilisanin pa rin nila ang lugar na ito kahit anong mangyari.

"Kami ay nangangamba sa iyong kaligtasan gayong malaki ang hinala namin ni Mang Pretonio na may sapat na dahilan si Asuncion upang ipapaslang ka" patuloy ni Don Rafael, iyon din ang ipinagtapat sa kaniya ni Mang Pretonio nang humingi ito ng tawad.

"Gaya ng kung paano ipinapaslang ni Asuncion ang anak ni Mang Pretonio dahil sa nalalaman nila ang epidemyang nangyari sa barrio Sagpang" dagdag ni Don Rafael dahilan upang mapatingin sa kaniya si Agnes. Napansin ni Don Rafael na tila nag-isip nang malalim ang anak.

"Bakit? May masakit ba sa iyo, anak?" tanong ni Don Rafael, umiling si Agnes bilang tugon. Hindi niya maunawaan kung bakit tila pamilyar sa kaniya ang barrio Sagpang. Hindi niya mabatid kung napuntahan na niya ito noon o minsan na rin niyang narinig ang nangyaring epidemya.

Natauhan si Agnes nang hawakan ni Don Rafael ang kaniyang kamay at marahan itong tinapik. "Sa oras na gumaling na si Mateo, sama-sama tayong maninirahan sa Zamboanga" patuloy ni Don Rafael saka tiningnan ang lalaking hindi niya nais noon makatulutan ng anak, ngunit ngayon ay nagbago na ang lahat, malaki ang utang na loob niya kay Mateo na kumupkop at nag-alaga kay Agnes kahit pa hindi nito ipinagtapat agad sa kanila.

Kinausap siya ni Teodoro tungkol kay Mateo at para kay Don Rafael ay marapat lang na mabuhay si Agnes sa piling ni Mateo dahil hindi niya akalaing magagawang ibuwis ni Mateo ang buhay nito para sa anak. Nagkamali siya sa pagpili ng manugang noon at ngayon ay handa na niyang ipagkaloob ang basbas sa kababata ni Agnes.


HINDI mawala sa isipan ni Agnes ang barrio Sagpang kung kaya't nagpaalam siya sandali upang hanapin si Teodoro sa ospital. Sa tuwing may nakakasalubong siya ay yumuyuko siya habang suot ang puting balabal.

Napatigil si Agnes nang makita si Herman suot ang uniporme ng kapitan. Paakyat ito sa hagdan kasama ang ilang guardia. Nagpatuloy sa paglalakad si Agnes habang nakayuko dahil huli na upang magtago at kung tatalikod siya ay tiyak na maghihinala ang mga ito.

Halos hindi huminga si Agnes habang naglalakad sa mahabang pasilyo at papasalubong sa mga guardia. Diretso ang tingin ni Herman ngunit nagsimulang kabahan si Agnes nang bumagal ang lakad ni Herman at nagsalita ito.

"Tigil." Saad ng kapitan saka lumingon sa babaeng nakatalukbong ng balabal. Nanatiling nakatalikod si Agnes, nagsimulang lumamig ang kaniyang palad. Humakbang si Herman papalapit sa kaniya habang nakatigil ang apat na guardia na kasama nito.

"Nanggaling ka sa silid ni Señor Mateo Ong?" tanong ni Herman, malinaw ang sinabi ni Doktor Galvez na wala pa silang bisitang tinatanggap para kay Mateo at nag-iisa lang din ang silid sa dulo na pinanggalingan ng babaeng nakatalukbong ng balabal.

Dahan-dahang humarap si Agnes na nanatiling nakayuko at pilit na itinatago ang hitsura sa loob ng balabal. Iiling sana siya bilang tugon ngunit narinig nila ang boses ni Don Rafael. "Anong kailangan niyo sa aming kasambahay?" tanong ni Don Rafael kay Herman. Napalingon ang lahat sa gawi ni Don Rafael na nakatayo sa labas ng silid ni Mateo.

Nagbigay-galang si Herman kay Don Rafael at naglakad papalapit sa Don, "Magandang umaga po, Don Rafael. Naparito po kami upang umpisahan ang imbestigasyon alinsunod sa utos ng hukuman" paliwanag ni Herman saka sumilip sa loob ng nakauwang na pinto.

"Sa aking pagkakaalam ay hindi pa maaaring tumanggap ng bisita si Mateo" paalala ni Don Rafael, sandaling tinitigan ni Herman ang Don na hindi niya inaasahang makikita ngayon.

"Hindi ko rin po maunawaan kung anong ginagawa niyo rito, Don Rafael?" tanong ni Herman na puno ng paghihinala. Nababatid niyang nasa ibang bansa ang pamilya ni Mateo ngunit wala naman itong kaugnayan kay Don Rafael.

Napatikhim si Don Rafael, "Kinumusta ko lamang ang kaniyang kalagayan. Wala ba akong karapatan na tumatayong amain niya?" buwelta ni Don Rafael sa mahinahong tono. Ang totoo ay walang tumatayong amain para kay Mateo, inangkin niya iyon dahil handa na siyang tanggapin si Mateo sa kanilang pamilya.

"Gaya nga ng inyong sinabi, hindi ba't ipinagbabawal pa ni Doktor Galvez ang pagtanggap ng bisita sa pasyenteng ito? Kapamilya, kaibigan o amain man, wala pa ring sapat na dahilan na magtungo kayo rito" buwelta ni Herman na sarkastiko pang napangiti.

Hindi nakasagot si Don Rafael, napatingin siya kay Agnes at sa tingin na iyon ay sinasabi niyang magpatuloy na ito sa paglalakad. Tumango si Agnes saka bumaba ng hagdan.

"Ako ang nakiusap na makita si Don Rafael" saad ni Mateo habang nakahawak sa balikat at maingat na bumangon upang maupo sa kama. Agad naglakad si Don Rafael papalapit kay Mateo at inalalayan ito.

Sumunod sa loob si Herman at ang apat na guardia. Pinagmasdan nila ang paligid, sa ayos ng silid nito ay wala namang kahina-hinalang bagay doon. "Ano ba ang ibig niyong malaman? Hindi pa ba malinaw ang lahat?" patuloy ni Mateo, sandaling tinitigan ni Herman si Mateo, ngayon niya lang natitigan nang malapitan ang tanyag na doktor na nabubuhay nang marangal at hinahangaan ng lahat. Kailanman ay hindi ito nasangkot sa anumang anumalya o naging hadlang kay Don Asuncion.

"Kami ay may ilang katanungan. Aking nababatid na hindi lingid sa iyong kaalaman na kasalukuyan nang nasa bilangguan si Señor Alfredo, sa sabado na ang unang paglilitis kung kaya't inaasahan namin ang iyong pagdating"

"Hindi niyo ba nakikita ang kaniyang kalagayan..." hindi na natapos ni Don Rafael ang sasabihin dahil nagsalita na si Mateo.

"Makakarating ako sa sabado" saad ni Mateo. Hindi makapaniwala si Herman sa kakaibang tapang na nakikita niya sa tanyag na doktor.

"Ano pa ang inyong kailangan?" tanong ni Mateo, bakas sa mukha nito na hindi siya natutuwa sa pagdating ng mga guardia.

"Nakapagtataka lamang dahil ilang ulit mong tinanggihan ang pagsuri kay Señorita Carlos, ngunit bakit tila nagbago ang iyong isip at dinayo mo pa ang kanilang tahanan?" usisa ni Herman sa pag-asang mahuhuli ang bahid ng pagsisinunggaling sa reaksyon ni Mateo.

"Hindi ba maaaring magbago ang aking isip lalo na kung makakatulong ito sa aking pagtuklas?" tugon ni Mateo na sinagot niya ng tanong upang mawalan ng saysay ang ipinupunto ni Herman.

"At hatinggabi mo pa naisipang magtungo sa tahanan ng pamilya Salazar?" mabilis na ganti ni Herman ngunit hindi natinag si Mateo.

"Marahil ay hindi pa kayo lubos na nag-uumpisa sa inyong imbestigasyon. Marapat lamang na simulan niyo ang pangangalap ng mga tala sa pasahan ng aming mga tinutuklas, kailangan ko na ang datos sa kalagayan ng batang iyon na siyang ibinigay sa akin ni Doktor Galvez bago ako magbitiw sa trabaho" paliwanag ni Mateo, hindi nakasagot si Herman, wala silang mga hawak na papeles at hindi rin sila handa.

Ang tinutukoy ni Mateo ay ang huling kondisyon noon ni Doktor Galvez na suriin niya si Carlos bago siya nito payagang umalis sa ospital. Hindi akalain ni Mateo na magagamit niya ang sinabing iyon ni Doktor Galvez upang pagtakpan ang butas ng ginawa niyang kasalanan.

"Hihintayin ko na lamang ang abogado o piskal na ipapadala ng hukuman. Wala akong tiwala sa inyo na walang kakayahang humawak ng imbestigasyon" saad ni Mateo na mas lalong naglagay kay Herman at sa mga kasama nito sa kahihiyan.

Napahigpit ang kamay ni Herman, hindi siya makapaniwala na ganito sila haharapin ni Mateo. Hindi niya rin maunawaan kung bakit tila pamilyar ang tingin nito na tila minsan na niyang nakasagupa sa labanan.

Napatingin si Don Rafael kay Mateo, kung dati ay naniniwala siya na ang talino ni Mateo ay umiikot lang sa medisina at mga libro, ngayon ay masasabi niyang magaling din ito sa pagtatanggol sa sarili.

Walang nagawa si Herman kundi ang maglakad papalabas sa silid kasunod ang apat na guardia. Sinundan ni Mateo ng tingin ang lalaking iyon na nababatid niyang kanang-kamay ni Don Asuncion. Minsan na silang nagkasagupa nang tulungan niya sina Mang Pretonio at Selio laban sa mga taong dumakip sa kanila sa kagubatan. At ngayon ay handa siyang makasagupa muli sila at sisiguraduhin niyang mabibgyan ng hustisya ang nangyari kay Agnes at sa mga kasama nito.


SANDALING hindi nakasagot si Teodoro nang hilingin ni Agnes ang isang talaan na hawak ng kagawaran ng kalusugan. "Anong gagawin mo sa bagay na iyon?" tanong ni Teodoro, halos pabulong silang nag-uusap sa loob ng tanggapan ng mga doktor.

"May kailangan lang akong malaman. Malakas ang aking kutob na may mahalaga akong malalaman sa talaang iyon" tugon ni Agnes, napahinga nang malalim si Teodoro, hangga't maaari ay hindi niya nais na madamay si Agnes sa kung anuman ang tinatago ng kagawaran ng kalusugan. Marami silang natutuklasan sa kanilang mga pagtutuklas ngunit dahil sa mas makapangyarihan ang mga opisyal ay pinipili na lang nila manahimik at magpanggap na walang nalalaman.

"Ayon kay ama, ang talaan na iyon ay naglagay sa kapahamakan sa pamilya De Guzman. Kahit papaano ay nais kong malaman kung ano ba ang itinatago niyon, upang mabigyan natin ng hustisya ang pagkamatay ni Liliana" saad ni Agnes, napayuko siya nang banggitin niya ang pangalang iyon na hindi niya pag-aari.

Napahawak si Teodoro sa kaniyang sentido, "Agnes, nawa'y maunawaan mo na hindi sa lahat ng oras ay maaari nating panghimasukan ang mga nangyayari sa ating paligid. Kung ang bagay na iyon ay naglagay sa kapahamakan sa pamilya De Guzman, tiyak itong mapanganib. Ikaw ay manganganib din kung tutuklasin mo pa iyon" paliwanag ni Teodoro, minsan nang nawala si Agnes sa kanila at hindi niya hahayaang mapahamak ito muli.

Hindi na nagsalita si Agnes, bakas sa mukha ni Teodoro na hindi ito papayag. "Ang mabuti pa ay umuwi ka na muna sa ating tinutuluyan. Maraming tao ang naririto, maging ang mga guardia na tapat kay Don Asuncion" dagdag ni Teodoro, yumukod na si Agnes at naglakad papalabas.

Pagdating niya sa labas ng ospital ay napatingala siya sa paligid. Sa kabila ng patong-patong na kinakaharap ngayon ng pamilya Salazar ay nag-uumpisa nang magsabit ang mga tao ng parol sa kani-kanilang mga tahanan. Buwan na ng Disyembre at sa susunod na dalawang linggo ay pasko na.

Naalala ni Agnes ang kaarawan ni Alfredo. Malaki ang posibilidad na magdidiwang ito ng kaarawan sa loob ng bilangguan. Nang makita niya kagabi si Alfredo habang nakagapos ay gusto-gusto niyang lapitan ito ngunit ang malaking pader na humaharang sa kanila ay nagsasabing hindi sila maaaring lumagpas.

Hinawakan ng isang guardia ang lubid na nakagapos kay Alfredo upang magpatuloy na ito sa paglalakad. Natapakan ni Alfredo ang paskin na kaniyang nabasa tungkol kay Agnes. Sinundan ni Agnes ng tingin si Alfredo habang nakapalibot ang hukbo. Sinubukan niyang humakbang at tawagin ito ngunit agad na humarang si Teodoro, umiiling ito nang marahan habang nakatingin nang diretso sa kaniya upang ipaalala na walang ibang dapat na makakita sa kaniya.

Muling tumingin si Agnes kay Alfredo na ngayon ay nakayuko na habang sumusunod sa agos ng kapalaran na maaaring magdala sa kaniya sa kamatayan.

Napahigpit ang hawak ni Agnes sa kaniyang balabal at agad bumalik sa ikalawang palapag ng ospital. Naabutan niyang kakatapos lang kumain ni Mateo, kinuha ng isang katiwala ang pinagkainan nito at lumabas na ng silid.

Tipid na ngumiti si Mateo nang makita si Agnes, nabuhayan siya dahil nanatili ito sa kaniyang tabi. Buong akala niya ay hindi na ito babalik matapos niyang ipagtapat ang lahat. Lumapit si Agnes habang nakatingin ng diretso sa mga mata ni Mateo.

"Ikaw ba ay kumain na?" tanong ni Mateo.

"May pabor akong nais hilingin sa iyo" ang saad ni Agnes na animo'y hindi nito narinig ang tanong ni Mateo.


NAPATIGIL si Emma sa pagpaypay kay Carlos nang marinig ang ibinalita ni Alma. "Ano? Nagtungo si Mateo sa kagawaran ng kalusugan?" tanong ni Emma saka ibinaba ang abaniko.

"Opo. Ayon sa mga tauhan na inyong inutusang magmanman kay Señor Mateo ay nagtungo po ito kanina sa kagawaran ng kalusugan upang hingiin ang talaan ng epidemyang nangyari sa Barrio Sagpang noon. Napansin din po nila ang mabilis na panunumbalik ng lakas ni Señor Mateo" tugon ni Alma. Napaisip si Emma, hindi niya lubos maisip kung gaano kahalaga ang talaan na iyon upang isantabi ni Mateo ang pagpapagaling.

"At ang asawa niya? Anong kakaiba sa babaeng iyon?" patuloy ni Emma, saka ipinagpatuloy ang pagpaypay kay Carlos.

"Madalas lang daw po itong manatili sa silid ni Señor Mateo upang bantayan ito" tugon ni Alma. Nababatid ni Emma na may tinatago si Mateo at isa na nga ang katauhan ng babaeng pinakasalan nito na may malaking pagkakahawig kay Agnes.

"Si Alfredo? Nakipagtulungan na ba siya sa mga abogadong magtatanggol sa kaniya?" tanong ni Emma, napakagat si Alma sa kaniyang ibabang labi saka umiling nang marahan bilang tugon. Napahawak si Emma sa kaniyang sentido, hindi siya makapaniwala sa katigasan ng ulo ni Alfredo.

Mula nang madakip si Alfredo at dalhin sa bilangguan ay hindi na maawat ang paglaganap ng usap-usapan sa bayan na nakarating na rin sa ibang lalawigan. Hindi na malaman ni Don Asuncion ang gagawin at kung sino ang lalapitan. Si Doña Helen naman ay halos hindi na umuwi ng bahay, magdamag itong nasa simbahan at nakaluhod sa harap ng altar upang ipakita sa mga tao ang kaniyang pagluluksa at pagpapakumbaba.

"Si Nenita? Nagsalita na ba siya?" tanong ni Emma, napayuko si Alma at umiling. Batid niyang hindi maganda ang mga balitang dala niya na tiyak na makakapagpainit ng ulo ni Emma. Tinawag ni Emma ang isang tagapag-alaga ni Carlos at agad nagtungo sa silid-imbakan kung saan nila pansamantalang ikinulong si Nenita.

Nagulat si Nenita nang bumukas ang pinto at tumambad sa kaniyang harapan ang seryosong mukha ni Emma. Nasa likod nito si Alma habang nakabantay ang apat na tauhan ng pamilya Salazar.

Pumasok si Emma sa loob ng imbakan ng mga sako ng bigas. Nakagapos ang magkabilang kamay at paa ni Alma sa isang haligi. "Sa sabado ang unang paglilitis. Huwag mo subukang tumakas o magsabi ng kasinunggalingan laban sa amin kung ibig mo pang mabuhay" seryosong saad ni Emma.

Muling napaluha si Nenita, magulo na ang kaniyang buhok at nababalot ng lupa ang kaniyang kasuotan nang hilahin siya ni Alma patungo sa batalan upang paaminin na hindi si Alfredo ang bumaril kay Mateo.

"W-wala po akong nakita! Maniwala kayo sa akin. Hindi ko po natunghayan na binaril ni Señor Alfredo si Señor Mateo. Ang naabutan ko po ay nakahandusay na sa sahig si Señor Mateo" saad ni Nenita habang nagsusumamo na pakinggan siya.

"Hindi makakatulong ang testimonya mong iyan kay Alfredo!" sigaw ni Emma saka sinampal nang malakas si Nenita. Hindi niya akalain na nakakatulong ang pananakit upang maibsan ang galit na kaniyang nararamdaman. Kung dati ay nakikita niya lang iyon sa kaniyang itay habang sinasaktan ang kaniyang inay, ngayon ay nauunawaan na niya kung bakit sa pananakit madalas nauuwi ang pagkamuhi at galit.

"Iyong sabihin sa hukuman na malinaw mong nakita na hindi si Alfredo ang bumaril kay Mateo!" sigaw ni Emma, ang kaniyang pagsigaw ay natutulad sa kung paano rin sila sigawan noon ng kaniyang itay.

Hinila ni Emma ang buhok ni Nenita, "Kung hindi ka susunod sa mga nais kong mangyari, huwag mo na subukang magmakaawa para sa iyong buhay dahil pinili mong mamatay" babala ni Emma habang matalim na nakatingin kay Nenita bago niya binitiwan ang buhok nito.

Napatingin si Emma sa kaniyang palad na nangingnig dahil sa matinding galit. Hindi niya akalain na madali lang din pala gawin ang mga bagay na natunghayan niyang ginagawa ng kaniyang itay noon upang takutin, pahirapan at parusahan sila.


ILANG segundong napatitig si Agnes sa talaang ibinigay sa kaniya ni Mateo. May kalumaan na ito. Ligtas na nakabalik si Mateo sa silid sa tulong ni Fernando. "Ako'y naniniwala na magagamit natin iyan laban kay Don Asuncion sa oras na mapatunayan natin na may kinalaman siya sa pagkamatay ni Liliana" saad ni Mateo ngunit tulala pa rin si Agnes sa talaang hawak nito. Animo'y pilit nitong inaalala ang bahagi ng kaniyang nakaraan na may kaugnayan sa bagay na iyon.

Dahan-dahang binuklat ni Agnes ang talaan. Sa bawat salitang nakatala sa mga pahina nito ay hindi mapigilan ni Agnes ang panlalamig ng kaniyang katawan. Nabasa niya ang halamang gamot na nagbigay lunas upang mapuksa ang epidemya. Ang niyog-niyogan rangoon creeper (Combretum indicum/Quisqualis indica L.) ay halamang gamot sa parasitiko sa bituka, ulser, sakit sa ulo, pagtatae (diarrhea), lagnat at masakit na pag-ihi.

Sa pagkakataong iyon ay napahawak si Agnes sa kaniyang sentido at muntik nang mawalan ng balanse. Agad bumangon si Mateo ngunit napahawak siya sa kaniyang balikat nang maramdaman ang pagkirot nito. Sa kabila niyon ay sinikap niyang makalapit kay Agnes upang alalayan itong umupo.

Sunod-sunod na boses ang narinig ni Agnes na animo'y malabo niyang naririnig mula sa malayo. Kasabay niyon ang mga alaala na kaniyang natunghayan nang marinig niya ang pag-uusap nina Don Asuncion at Herman tungkol sa epidemya.


NAIBATO ni Don Asuncion ang liham na dumating sa kaniya mula sa punong hukom. Hindi siya makapaniwala na sasabihin nito na walang dapat panigan ang hukuman gayong ilang dekada na siya nitong kinikilingan.

Napatigil si Herman sa labas ng opisina ni Don Asuncion. Binabato ngayon ni Don Asuncion ang tauhan na nagdala sa kaniya ng liham. Pinagbubuntunan ng galit ni Don Asuncion ang mga inosenteng katiwala, tauhan at kasambahay, maging ang mga kagamitan na walang kasalanan ay madalas din nitong inihahagis dahil sa matinding galit.

Hindi man niya nakikita ang nangyayari sa loob ng opisina ng Don ay batid niya kung gaano na ito kagulo ngayon. Malinaw din sa kaniyang isipan ang paghalik sa lupa ng katiwala habang pilit na nagsusumamo sa buhay nito kahit pa wala naman itong kinalaman sa galit ni Don Asuncion.

"Tinalikuran na rin siya ng lahat" saad ni Emma. Hindi namalayan ni Herman na nasa tabi na pala niya ito. "Buong akala niya ay hawak niya sa kaniyang kamay ang batas" patuloy ni Emma na hindi rin makapaniwala na nangyayari ito sa pamilyang nag-ahon sa kanila sa putikan.

Nanatiling nakatingin si Herman kay Emma, "Siya nga pala, iyo na bang nakita ang asawa ni Mateo?" tanong ni Emma, umiling si Herman.

"Pinapasundan ko na ang babaeng iyon ngunit wala pa akong masagap na mahalagang balita mula sa kaniyang mga kilos. Siya rin ang anak ng matandang manggagamot na nagtangka sa buhay ni Alfredo ayon sa natuklasan ni Alejo. Aking nararamdaman na may dalang malaking gulo ang dalawang iyon" saad ni Emma saka tumingin kay Herman. Mas gusto niyang makita ito na suot ang uniporme ng kapitan ng hukbo sa halip na itim na kasuotan sa tuwing may gagawin itong mapanganib.

"Sikapin mong maabutan ang asawa ni Mateo. Ang laki ng pagkakahawig niya sa dating asawa ni Alfredo" patuloy ni Emma na halos hindi na mapakali. Humarap si Herman sa kaniya.

"Huwag ka nang manghimasok pa. Ako na ang bahala sa lahat. Alagaan mo na lamang si Carlos" saad ni Herman habang nakatingin kay Emma, pinapaalala nito na unahin ni Emma ang kapakanan ng bata.

"Ako'y hindi naman dapat mangamba, hindi ba? Magagawan mo rin ito ng paraan tulad ng dati?" tanong ni Emma, tumango nang marahan si Herman bilang tugon. Malaki ang tiwala ni Emma kay Herman na kayang gawan ng paraan ang lahat ng bagay na imposible.

"Makasarili man kung iisipin ng iba ngunit hindi ko na nais bumalik sa dati. Iyong nababatid kung gaano kahirap ang mabuhay na halos walang makain at ipinagtatabuyan ng lahat" wika ni Emma habang nakatitig sa nakasaradong pinto ng opisina. Madali ang magsabi na mabuhay ng karaniwan ngunit iyon ay kung may sapat na salapi o hanapbuhay na makakatugon sa kanilang pangangailangan. Ang mabuhay ng ordinaryo ay malayo sa pamumuhay ng isang maralita na walang mailagay sa sikmura.

Nanatiling nakatitig si Herman kay Emma, dahan-dahan niyang iniangat ang kamay at pinunasan ang luhang nangingilid sa gilid ng mga mata nito. "Hindi ko hahayaang maranasan natin muli iyon. Marami na akong kinitil na buhay para sa atin. Hindi na tayo maghihirap muli" saad ni Herman na nagbitiw din ng pangako.

Napahinga nang malalim si Emma, animo'y naibsan ang pangamba at pagkabalisa na kaniyang nararamdaman dahil sa sinabi nito. Sa tuwing may problema siya ay palaging nagagawan ng paraan ni Herman at naiibsan din ang kaniyang takot na nararamdaman sa oras na sabihin nito na hindi na siya dapat mag-alala.

"Nagpadala pala ng liham si ina. Nag-aalala siya sa nangyayari ngayon sa pamilya Salazar. Tinugunan ko na ang kaniyang liham at sinabing wala siyang dapat ikabahala dahil narito ka para sa amin" saad ni Emma saka ngumiti nang marahan. Tumango si Herman saka ngumiti nang marahan pabalik. Handa niyang gawin ang lahat upang protektahan ang kaniyang nag-iisang kapatid.


NAKATITIG si Alfredo sa pagkaing dinala sa kaniya. Isang mangkok ng lugaw at isang baso ng tubig. Wala siyang gana kumain ngunit nang maalala niya ang sinabi ni Agnes noong minsan siyang binisita nito sa ospital. Kailangan niyang magpalakas dahil kailangan niya pang bumawi sa taong nais niyang hingian ng tawad.

Alas-siyete na ng gabi, tahimik na ang buong paligid. Mag-isa lang si Alfredo sa loob ng isang selda at isang sulo ng apoy ang nagbibigay liwanag at init sa bilangguan.

Kinuha na ni Alfredo ang kutsara at nagsimulang kumain. Malamig na ang lugaw na hindi niya rin malasahan dahil sa panghihina. Kung narito si Agnes ay tiyak na pagsasabihan siya nito tungkol sa pagsasayang ng pagkain bagay na nagpangiti sa kaniya.

Alas-nuwebe ng gabi nang marinig niya ang anunsyo ng paghihigpit. Halos wala ng ingay na maririnig sa labas. Tanging ingay na lang mula sa kuliglig, uwak at palaka ang umaalingangaw sa madilim na gabi.

Nakasandal si Alfredo sa magaspang na pader nang marinig ang mahihinang hakbang mula sa pasilyo ng bilangguan. Ilang sandali pa ay nagulat siya nang makita ang dalawang madre, bitbit ni Sor Fernanda ang isang lampara.

Agad napatayo si Alfredo at lumapit sa rehas, "Ano pong ginagawa..." hindi na natapos ni Alfredo ang sasabihin nang ibaba ng isang madre ang suot nitong talukbong sa ulo. Napatigil siya nang makita si Agnes.

"Maghihintay ako roon, bilisan niyo ang pag-uusap" wika ni Sor Fernanda saka naglakad patungo sa pinasukan nilang pintuan.

Pinagmasdan ni Agnes ang kalagayan ni Alfredo, hindi siya makapaniwala na matutunghayan niya sa ganitong kalagayan si Alfredo. "Bakit hindi mo sabihin ang totoo? Bakit ka nananahimik? Bakit hinayaan mong tratuhin ka nila nang ganito?" sunod-sunod na tanong ni Agnes, nakasuot ng puting kamiso si Alfredo na ngayon ay marumi na dahil sa alikabok at maruming bilangguan.

"Hindi ka naniniwala na sinaktan ko si Mateo?" tanong ni Alfredo, nakita niya ang pangingilid ng luha sa mga mata ni Agnes. Bakas sa mukha nito na nasasaktan ito para sa kaniya.

Umiling si Agnes nang marahan saka napayuko, pilit niyang pinipigilan ang pagpatak ng kaniyang mga luha. Hindi siya nagsumikap na makapasok sa bilangguan upang makita ni Alfredo na lumuluha siya.

"Hindi ako naniniwala na magagawa mo iyon" tugon ni Agnes, naalala niya ang pinagdaanan ni Alfredo nang mamatay si Gabriel. Ang kabataan ni Alfredo ay nabalot ng malungkot at nakakatakot na alaala na nagkait sa kaniyang masaya sanang pagkabata.

"Hindi rin ako naniniwala sa mga paskin na kumakalat tungkol sa 'yo" saad ni Alfredo dahilan upang dahan-dahang mapatingin muli si Agnes sa kaniya. "Kaya huwag kang mangamba dahil hindi ako naniniwala na magagawa mo iyon" patuloy ni Alfredo. Animo'y naibsan ang lungkot na kaniyang nararamdaman dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay may naniwala sa kaniya.

Iniabot ni Agnes ang talaan kay Alfredo, "Ang katibayang ito ay maaaring makapagpabagsak sa inyong pamilya. Ang iyong ama ang nagpalaganap ng sakit sa barrio Sagpang upang bentahan sila ng halamang gamot na tanging mabibili lang sa inyong butikaryo. Ang epidemyang iyon ay kumitil sa daan-daang inosenteng buhay. Ito rin ang dahilan ng pagkamatay ni Liliana" saad ni Agnes, hindi nakapagsalita si Alfredo saka kinuha sa kamay ni Agnes ang talaan.

Naalala niya ang sinabi ni Mateo na si Don Asuncion ang nagtangka noon sa buhay ni Agnes. "Ito rin ba ang dahilan kung bakit pinagtangkaan ni ama ang iyong buhay?" tanong ni Alfredo, napalunok si Agnes at napaiwas ng tingin kay Alfredo. Kung nalalaman ni Agnes ang karumal-dumal na bagay na iyon ay nakasisiguro si Alfredo na iyon nga ang dahilan.

Ilang segundong naghari ang katahimikan. Parehong walang salitang namutawi sa kanilang bibig. Anuman ang mangyari ay hindi na maghihilom pa ang sugat na nagawa ng kanilang mga pamilya sa isa't isa.

Kinuha ni Alfredo ang kamay ni Agnes at ibinalik sa kaniya ang talaan. "Oras na upang pagbayaran ni ama ang kaniyang mga kasalanan. Huwag na akong alalahanin. Isipin mo ang daan-daang inosenteng buhay na nangangailagan ng hustisya" dahan-dahang iniangat ni Agnes ang kaniyang ulo at napatingin muli kay Alfredo.

"Iyong naalala ang nangyari sa aking kapatid? Hindi nabigyan ng hustisya ang kaniyang pagkamatay. Namatay siya na hindi man lang nagkaroon ng katarungan. Hindi ko nais mangyari iyon sa ibang buhay na nawala dahil sa pansiriling interes ng aming pamilya" patuloy ni Alfredo, ramdam ni Agnes ang mainit na palad nito.

Sa pagkakataong iyon ay tuluyan nang bumagsak ang mga luha ni Agnes. "Ngunit paano ka? Ikaw na naman ba ang maghihirap sa kasalanan ng iba?" hindi na mapigilan ni Agnes ang kaniyang mga luha at ang paninikip ng kaniyang dibdib.

"Ikaw na naman ang magkikimkim at magdudusa para sa kabutihan ng lahat? Bakit palagi mong pinipiling manahimik? Kailan mo iisipin ang iyong sariling kalagayan?" patuloy ni Agnes, nanginginig na ang kaniyang boses.

Nakatingin siya kay Alfredo. Pagod na siyang sumunod sa dikta ng kaniyang mga magulang at mga taong nakapalibot sa kaniya. Buong buhay niya ay naging masunurin siyang anak at kailanman ay hindi siya sumuway sa kagustuhan ng kaniyang ama't ina.

Ngayon ay nais ni Don Rafael na manirahan na silang lahat sa Zamboanga at mabuhay bilang asawa ni Mateo. Nais din ni Teodoro na huwag na siyang manghimasok at mabuhay ng tahimik. Ibig naman ni Mang Pretonio na mabuhay na siya bilang Liliana. Ang mga taong nakapaligid sa kaniya ang nagdedesisyon sa kaniyang buhay. Kailanman ay hindi nila tinanong kung anong gusto niyang gawin o kung paano niya sosolusyunan ang isang suliranin.

"Naparito ako upang tanungin ka kung ibig mong sumama sa 'kin?" saad ni Agnes saka kinuha ang susi na binigay ni Selio, nagulat si Alfredo nang mabuksan ni Agnes ang kandado ng selda.

"Ngayon ay maaari mo na rin ako tawagin sa aking tunay na pangalan" patuloy ni Agnes saka maluha-luhang ngumiti at inilahad ang kaniyang palad sa tapat ni Alfredo.

Hindi akalain ni Alfredo na magagawa iyon ni Agnes dahilan upang mapangiti na lang siya at hinawakan ang kamay ng asawa gaya ng kung paano nilisan ng adelpa at paru-paro ang patay na lupain patungo sa bagong paraiso kung saan ay walang ibang paru-paro na magdidikta ng dapat nilang gawin at walang manghuhusga sa kanilang pagkatao.


*********************

#LoSientoTeAmo

Paalala: Bawal ang spoilers. Ako'y hindi nagdadalawang-isip na i-mute or block ang mga spoilers at rereaders na nagbibigay ng obvious hint. Nawa'y hindi tayo ang maging dahilan kung bakit nawalan na ng gana magbasa ang mga new readers dahil sa alam na nila ang mangyayari mula sa mga spoilers.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top