Kabanata 29 - Panauhin

[Kabanata 29]

MABAGAL ang kilos ni Mateo habang isa-isang inilalagay sa kanyang maleta ang mga gamit sa pagsusuri ng pasyente. Malalim na ang gabi ngunit siya ay nakabihis nang maayos suot ang kulay abong gabardino, itim na pantalon at sumbrero.

Sandali siyang napatitig sa balisong na ibinigay sa kaniya ni Mang Pretonio. Ilang taon na rin mula nang siya ay huling mag-ensayo sa pagtutudla. Kinuha niya ang rebolber na nasa ilalim ng kaniyang tukador. Mahigpit na ipinagbabawal ang pag-aari ng armas ngunit hindi niya isinuko ang baril na minana niya pa sa ama.

Nag-iisang lampara ang nagbibigay liwanag sa kaniyang madilim na silid na nababalutan ng usok ng inenso. Pinagmasdan niya ang rebolber, nagagamit niya lang ito noon sa tuwing nag-eensayo kasama ang ama. Hindi na niya matandaan kung ilang taon na rin ang lumipas.

Buong buhay niya ay nabuhay siya nang mapayapa. Hindi siya kailanman nasangkot sa gulo sa paaralan o sa anumang bagay. Nang makatapos siya sa pag-aaral ay naging abala siya sa kaniyang mga tinutuklas na gamot. Hindi rin siya nasangkot sa anumang pandaraya o anumalya sa pagtutuklas. Kung kaya't hinahangaan siya ng karamihan dahil sa tapat niyang mga gawain.

Ngunit ang kapayapaan ay nakasasawa rin. Ang paulit-ulit na takbo ng buhay ay nakakabagot tulad ng isang kulay na walang halong katingkaran. Takot siyang sumubok sa mga bagay na mapanganib, sa mga sitwasyon na maglalagay sa kaniya sa alinlangan. Nasanay siya na mabuhay ayon sa agos ng karamihan.

Marahil ay iyon na rin ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit hindi niya nagawang ipaglaban ang nararamdaman para sa nag-iisang babaeng kaniyang sinisinta mula pagkabata. Natakot siyang sumubok. Natakot siyang patunayan ang sarili.

Sinariwa niya ang kanilang kabataan. Kung paano sila masayang naghahabulan sa hardin ng hacienda Romero, kung paano siya humahanga kay Agnes lalo na sa tuwing ngumingiti ito, kung paano niya unang naramdaman ang hiya at pagkailang mula nang sila ay magbinata at magdalaga at kung paano niya sinikap mag-aral nang mabuti dahil batid niyang humahanga si Agnes sa mga matatalinong tao.

Bukod doon ay sinikap din niyang makakuha ng matataas na marka at magawaran ng mga parangal upang may mapatunayan kay Don Rafael. Hangad niyang maging una sa klase at mapabilib ang ama ni Agnes. Sa ganoong paraan ay umaasa siya na magbago ang isip nito at hindi maliitin ang mga Sangley.

Nababatid ni Mateo na makapangasawa si Agnes ng ibang lahi bukod sa may dugong Kastila. Mabait si Don Rafael sa kaniya ngunit hangad nito na manatili siyang kaibigan nina Teodoro at Agnes. Minsan siyang sinabihan ng Don na nais nitong makita na hanggang sa pagtanda ay nariyan siya para sa dalawa niyang anak bilang kaibigan.

Una siyang pinanghinaan ng loob dahil sa pagtutol ni Don Rafael hanggang sa unti-unti na siyang nawalan ng kumpyansa. Hindi man siya direktang kinausap ni Don Rafael, ngunit sa mga paalala, tingin at sa mga salitang ginagamit nito ay ipinahihiwatig nito ang hangganan sa pagitan niya at ni Agnes. Bagaman siya ay may salapi at pinag-aralan ay hindi pa rin iyon sapat kung ang lahing kaniyang kinabibilangan ay hindi pabor sa dating alkalde.

Sa kaniyang gunita ay sinubukan naman niya ngunit hindi sapat. Sinubukan niyang magtapat ngunit hindi malinaw. Sinubukan niyang iparamdam ang kaniyang lihim na pagsinta ngunit hindi malinaw kay Agnes kung kabutihan ba iyon bilang kaibigan o may higit pang dahilan.

Naalala ni Mateo ang sinabi ni Emma, ang kaduwagan ay para lamang sa mga talunan. Napatingin siya sa salamin at nakita ang sariling repleksyon. Hindi niya sinimulan ang buhay na ito kasama si Agnes kung magiging duwag din siya sa huli.

Wala siya noong nalulungkot at nasasaktan si Agnes sa piling ni Alfredo. Pinili niyang umiwas noong sinubukan siyang puntahan ni Agnes sa ospital bago ito tambangan ng mga tauhan ni Don Asuncion sa kagubatan. Naging duwag siya noong mga panahong higit na kailangan ni Agnes ng tulong.

Napapikit si Mateo at napahigpit ang kaniyang kamao. Ito na ang pagkakataong ibinigay sa kaniya upang patunayan ang sarili kay Agnes. Sa loob ng mahabang panahon ng kaniyang pananahimik at pagpili na huwag manghimasok sa hidwaan ng pamilya Salazar at pamilya Romero ay hindi na niya kayang manahimik pa.

Iminulat niya ang mga mata at muling tumingin sa sariling repleksyon. Handa na siyang lumabas mula sa mahabang panahong pagkukubli sa ligtas na lugar. Ito na ang panahon upang lisanin niya ang buhay na walang kulay.

Paglabas ni Mateo sa kaniyang silid ay naabutan niyang patungo sa kusina si Manang Inda. "Saan ka magtutungo, Señor?" nagtatakang tanong nito habang hawak ang basong walang laman.

"May pupuntahan po akong pasyente" tugon ni Mateo nang hindi tumitingin sa matanda. Diretso siyang naglakad patungo sa pintuan. Sandali siyang napatigil at lumingon muli kay Manang Inda, "Nasa kumbento pa rin po ba si Agnes?" tanong ni Mateo.

Tumango si Manang Inda, wala siyang ideya sa pinag-awayan ng mag-asawa. Sinabi ni Agnes na nais niya lang magdasal ng ilang araw sa loob ng kumbento. "Oo. Sunduin ko na ba siya?"

Umiling si Mateo, "Ako na po ang bahala. Ako na po ang susundo sa kaniya" tugon ni Mateo saka isinuot ang kaniyang sumbrero at lumabas na ng bahay.

Hatinggabi nang makarating siya sa tahanan ng mga Salazar. Ilang minuto ang lumipas bago mabuksan ang pinto. "Maaari ko bang makausap si Emma?" tanong ni Mateo, napasingkit ang mata ni Nenita upang kilalanin ang bisita. Naalimpungatan siya nang marinig ang ilang ulit na katok mula sa salas. Walang sinumang kasamahang kasambahay ang nagtangkang bumangon, at dahil siya ang bago sa kanila, siya na ang bumangon at sumalubong sa panauhin.

Itatanong sana ni Nenita kung sino ang lalaki ngunit nanlaki ang mga mata niya nang makilala ang lalaking iyon na nakita niyang lumabas kasunod ni Agnes kaninang umaga sa bahay ng pamilya Ong. Agad nagbigay-galang si Nenita nang mapagtanto na maaari ito ang asawa ng kaniyang kaibigan.

"Magandang gabi po, Señor!" bati ni Nenita, tiningnan niya muli ang lalaki at napatango sa sarili nang maalala ang nangyari kaninang umaga.

Diretsong naglakad patungo sa kabilang direksyon si Agnes nang makalabas ito sa tahanan ng pamilya Ong. Ni hindi sila napansin ni Agnes dahil diretso ang tingin nito sa kabilang daan. Sunod na lumabas si Mateo na sinubukang habulin ang asawa ngunit napatigil ito nang makitang papalapit sila.

Gulat na napatingin si Mateo kay Teodoro. Nagtatakang nagpabalik-balik ang mata ni Nenita, hahabulin niya sana ang kaibigan ngunit nakasakay na agad ito ng kalesa. Natauhan lamang sila nang magsalita si Selio, "Señor Mateo, saan po magtutungo si ate?" tanong ni Selio na naglakad papalapit sa lalaki.

Napaiwas ng tingin si Mateo kay Teodoro saka tiningnan si Selio, "M-may bibilhin lang daw siya" tugon ni Mateo na napahawak sa kaniyang sentido. "Siya nga po pala, narito ang matalik na kaibigan ni ate, si ate Nenita" pakilala ni Selio, nagbigay-galang si Nenita ngunit tanging pagtango lang ang naitugon ni Mateo na hindi pa nagawang tumingin sa kaniya.

Magsasalita pa sana si Selio ngunit napatigil ito nang marinig ang boses ng isang mayamang lalaki na nakasakay sa kalesang napadaan, bumagal ang takbo nito nang mapadaan sa tapat nila. "Anong oras na? Mauunahan ko pa kayo sa ospital" saad ni Doktor Galvez habang nakatingin kina Teodoro at Mateo.

"Susunod na po kami" tugon ni Mateo na agad pumasok sa loob ng bahay. Nanatiling tulala si Teodoro sa tahanan ng kaibigan. Ang kaniyang hitsura ay hindi maipalawanag. Samu't saring bagay ang tumatakbo sa kaniyang isipan nang makita ang babaeng kahawig ni Agnes.

"Nagtungo po sa Kawit si Señora Emma kanina, maaaring sa umaga pa po siya makakabalik" tugon ni Nenita, wala siyang ideya na idinahilan lang ni Emma na uuwi siya ng Kawit upang maabangan si Alejo bago ito makapasok sa hangganan ng Maynila. Hindi makapaniwala si Nenita na makakapangasawa ng magandang lalaki at may mataas na pinag-aralan ang kaniyang kaibigan.

"Naparito sana ako upang masuri ang kanilang anak" saad ni Mateo, hindi lingid sa kaalaman ni Nenita na ilang ulit ng nakikiusap sina Emma at Alfredo ang tanyag na doktor.

Binuksan ni Nenita nang malaki ang pinto upang papasukin si Mateo. "Narito naman po si Doña Helen, sasabihan ko lang po siya..." hindi na natapos ni Nenita ang sasabihin nang magsalita si Mateo.

"Huwag na. Malalim na rin ang gabi, maaaring tulog na si Doña Helen. Si Alfredo na lang ang aking kakausapin" napakagat sa labi si Nenita, mahigpit na bilin ni Don Asuncion na walang pauunlakang bisita si Alfredo at ikinulong pa ito sa kaniyang silid.

"Pasensiya na po Señor ngunit hindi po maaaring tumanggap ng panauhin si Señor Alfredo. Kung inyong mamarapatin ay si Doña Helen na lang po ang aking sasabihan" saad ni Nenita na akmang aakyat na sa ikalawang palapag ngunit napatigil siya nang magsalita si Mateo.

"Hindi na. Sandali lamang ako. Susuriin ko lang sandali ang bata" wika ni Mateo na sumunod na rin paakyat sa ikalawang palapag. Sa isip ni Nenita ay mapagkakatiwalaan at asawa ng kaniyang kaibigan an panauhing doktor. Kung para sa kapakanan ni Carlos ay tiyak na pauunlakan din ito ng pamilya Salazar.

Dinala ni Nenita si Mateo sa silid ni Carlos. Hindi niya malaman kung bakit hindi siya mapalagay, animo'y may nag-uudyok sa kaniya na gisingin si Doña Helen sa kabilang silid ngunit batid ng lahat na isa sa ikinaiinit ng ulo ng matapobreng Doña ang pagkasira ng kaniyang tulog.

Marahang hinawakan ni Nenita ang ulo ni Carlos at akmang gigisingin ito ngunit nagsalita si Mateo, "Huwag mo nang gisingin ang bata. Maaari ko naman siya suriin habang siya ay natutulog"

Inilapag ni Mateo ang maleta sa kama at kinuha ang mga gamit niya. Nanatiling nakatayo si Nenita sa gilid, sa kilos ni Mateo ay nababakas na bihasa ito sa larangan ng medisina. "Siya nga pala, maaari mo bang pakuluan ito sa mainit na tubig?" tanong ni Mateo saka iniabot kay Nenita ang ilan sa mga gamit.

Tumango si Nenita at kinuha ang mga gamit saka nagtungo sa kusina. Nang masiguro ni Mateo na wala na ang kasambahay ay kinuha na niya sa ilalim ng mga gamit na dala ang balisong at rebolber.

Napatingin siya sa batang nahihimbing sa pagtulog. Hindi maitatanggi na malaki ang pagkakahawig ng bata kay Alfredo. Sa kabila ng inosente nitong pagkabuhay sa mundo ay naroon ang tunay na asawa ni Alfredo na labis na nasaktan.

Hindi lubos maisip ni Mateo kung paano hinarap ni Agnes mag-isa ang lahat. Ang kataksilan na naranasan nito sa piling ni Alfredo ay nagpapalalim sa kaniyang galit. Nagparaya siya ngunit hindi niya akalain na mauuwi sa pasakit at kalumbayan ang buhay ni Agnes sa kaniyang pagpapaubaya.

Tumayo si Mateo saka kinasa ang baril. Hindi niya rin maiwasan magkaroon ng hinanakit sa batang nabuo dulot ng kataksilan. Ngunit nababatid niya na walang kasalanan ang inosenteng bata. Hindi nito ginusto na maging bunga ng isang kasalanan.

Maingat na naglakad si Mateo papalabas ng silid. Tahimik ang ikalawang palapag. Marahan niyang isinara ang pinto at inilibot ang kaniyang paningin sa lima pang silid na naroon upang hanapin ang silid ni Alfredo.

Napukaw ang kaniyang atensyon ng isang silid na may kandado. Bukod doon ay may liwanag na tumatagos sa ilalim ng nakasaradong pintuan, senyales na may tao roon. Dinukot ni Mateo sa bulsa ang isang manipis na bakal na siyang ginamit niya upang mabuksan ang kandado.

Nang mabuksan ito ay narinig niya ang boses ni Alfredo mula sa likod ng pinto, "Mang Lucio, kayo po ba 'yan?" dahan-dahang itinulak ni Mateo ang pinto, nang makita mula si Alfredo mula sa uwang ng pintuan ay mabilis niyang inihagis ang balisong na dumaplis sa pisngi ni Alfredo.

Agad itinutok ni Mateo ang hawak ni rebolber kay Alfredo habang dahan-dahang humahakbang papasok sa silid. Bakas sa mukha ni Alfredo ang gulat nang makita siya. Marahil ay hindi nito lubos akalain na magagawa nilang tutukan ng baril ang isa't isa. Maging siya ay hindi makapaniwala sa sariling kakayahan. Hindi niya akalain na darating ang araw kung saan ay magagawa niyang lisanin ang tahimik at payapang buhay.

"Ito na ang huling babala na ibibigay ko sa 'yo, lubayan mo na si Liliana at ang kaniyang pamilya" seryosong saad ni Mateo habang nakatingin nang matalim kay Alfredo. Wala siyang ibang hangad kundi ang mabuhay ng payapa at masaya si Agnes sa ikalawang pagkakataon. Hindi nito kailangang masaktan at mabuhay sa kompilkadong sitwasyon kapiling si Alfredo.

"Ikaw ang lumayo sa kaniya. Pinapaniwala mo siya sa kasinunggalingan para sa iyong sariling hangarin" saad ni Alfredo, ikinasa na rin nito ang hawak na baril na nakatutok sa kaniya. Sabihin man ng lahat na pansariling hangarin ang kaniyang motibo sa pagtulong kay Agnes ay hindi na iyon mahalaga para sa kaniya. Hindi nila nalalaman kung gaano siya nagtiis ng mahabang panahon, kung ilang pagkakataon ang kaniyang sinayang at kung ano ang mga ibinuwis niya nang piliin niyang tulungan si Agnes.

"Hanggang ngayon ay wala ka pa ring nalalaman, ano? Patuloy mong pinakisasamahan ang mga taong nagtangka sa buhay ni Agnes" naniniwala si Mateo na kaya lang nagiging matapang ang isang tao dahil sa palagay niya ay malinis siya at siya lang ang tanging masasandalan ng taong nais nitong protektahan. At iyon ang paniniwala ni Alfredo, na kaya nitong protektahan si Agnes. Lingid sa kaniyang kaalaman na ang sarili niyang ama ang naglagay sa panganib sa buhay ni Agnes noon.

"Pinagtangkaang paslangin ng iyong ama ang pamilya De Guzman at si Agnes. Ikaw ang naglalagay sa kapahamakan kay Agnes. Kung hindi ka titigil ay tiyak na makakarating sa iyong ama na hindi siya nagtagumpay noon" patuloy ni Mateo, ang kaniyang damdamin ay puno na ng galit at pagkamuhi. Nang dahil kay Alfredo at sa pamilya nito ay hindi nagkakaroon ng kapayapaan si Agnes.

"Kaya ba nagawa niyong ilihim sa kaniya ang totoo? Sinamantala niyo ang kaniyang kondisyon" seryosong saad ni Alfredo, sandaling hindi nakapagsalita si Mateo. Tinamaan siya sa katotohanan na naglihim sila ni Mang Pretonio kay Agnes. Ngunit naniniwala siya na ginawa lang nila iyon para sa ikabubuti ni Agnes. Walang mabuting maidudulot sa buhay nito ang balikan ang mapapait at masasakit na alaala na dulot ng pamilya Salazar.

"Bakit? Magagawa mo bang talikuran ngayon ang iyong asawa't anak para kay Agnes? Wala kang pinagkaiba sa iyong gahamang ama" buwelta ni Mateo na mas lalong nagpasiklab sa kaniyang poot. Wala siyang ibang hiniling kundi ang kapakanan ni Agnes. Ngunit hindi tumitigil si Alfredo, hindi pa ito nakontento sa ginawa sa dating asawa. Hindi pa ito nadala na dalawang babae na ang kaniyang nasasaktan.

"Wala ka ng karapatan manghimasok dahil wala na siyang kaugnayan sa 'yo. Huwag mo nang subukang hugasan ang iyong mga naging kasalanan sa kaniya dahil kailanman ay hindi na iyon mabubura sa kaniyang alaala" patuloy ni Mateo, hinigpitan niya ang paghawak sa baril. Bago siya umalis sa kaniyang tahanan ay buo na ang kaniyang desisyon na wakasan ang buhay ni Alfredo. Hindi matatapos ang paghihirap ni Agnes hangga't nabubuhay ang lalaking tanikala sa kaniyang buhay.

"Ako pa rin ang may karapatan sa kaniya dahil ako pa rin ang kaniyang asawa" saad ni Alfredo habang nakatingin nang matalim kay Mateo. Nanginginig ang kaniyang kamay, maaari niyang gawin ang kaniyang nanaisin. Si Mateo ang nangahas manghimasok sa kanyang silid. Si Mateo na nagawang linlangin si Agnes at ilayo sa totoong pamilya nito.

Napatigil sila nang marinig ang ilang hakbang mula sa hagdanan. Paakyat na si Nenita bitbit ang mga gamit na pinakuluan niya sa mainit na tubig. Ilang segundo na lang ay maabutan nito ang tagpo sa silid ni Alfredo na nanatiling bukas ang pinto.

Tumingin si Mateo kay Alfredo, "Oras na upang pagbayaran niyo ang lahat ng iyong kasalanan" seryosong saad ni Mateo saka itinutok sa sariling balikat ang hawak na baril at kinalabit ang gatilyo. Isang malakas na putok ng baril ang umalingawngaw sa buong bahay na sinundan ng mabilis na pag-agos ng dugo ni Mateo na diretsong napahiga sa sahig.

Nabitiwan ni Nenita ang hawak at napasigaw ito sa gulat nang maabutan ang duguang doktor at si Alfredo na gulat na nakatayo habang hawak ang rebolber nito.


NAGULAT ang lahat nang mabalitaan ang nangyari kay Mateo. Sa ospital ay agad itong inasikaso ng mga kasamahan. Hindi nakagalaw sina Teodoro at Fernando nang makita ang kaibigan nila na ngayon ay wala ng malay at duguan. Si Doktor Galvez ang mabilis na kumilos upang masalba si Mateo.

Sinimulang ihakbang ni Teodoro ang kaniyang mga paa papalapit kay Mateo. Hindi matapos-tapos ang utos ni Doktor Galvez upang mapigilan nila ang pagdanak ng dugo. Namumutla na ang mukha ni Mateo at nangingitim na rin ang mata nito.

"Teodoro! Fernando! Kumilos kayo!" sigaw ni Doktor Galvez dahilan upang matauhan ang dalawa. Agad nagsuot ng guwantes si Teodoro, kinuha na rin ni Fernando ang ilang gamit at pumwesto sa kabilang bahagi.

Hinawakan ni Teodoro ang mukha ni Mateo at nanginginig niyang sinuri ang mata nito. Napapikit si Teodoro, naalala niya ang huling pag-uusap nila ng kaibigan kung saan ay hindi naging maganda. "Teodoro, hawakan mo ito!" sigaw ni Doktor Galvez sabay abot ng gamit dahil maingat nang kinukuha ni Doktor Galvez ang bala na bumaon sa balikat ni Mateo.

Nanganganib ang buhay ni Mateo dahil sa dami ng dugong nawala sa kaniya. Iyon ang maaaring maging sanhi ng kaniyang pagkamatay kung hindi nila ito maaagapan. Maaari rin itong atakihin sa puso bagay na tinututukan ni Fernando.

Agad nakarating kay Agnes ang balita, ginising siya ni Sor Fernanda. Sandaling hindi nakakilos si Agnes. Halos hindi niya maramdaman ang sarili habang tumatakbo sila ni Sor Fernanda pasakay sa kalesa. Namamanhid, nanlalamig at nanginginig ang kaniyang buong katawan.

Nang makarating sila sa ospital ay naabutan nila ang tagpo kung saan ginagawa ng mga doktor ang lahat upang masagip si Mateo na wala pa ring malay. Natunghayan ni Agnes ang napakaraming dugo sa puting kamang hinihigaan ni Mateo, maging ang mga telang puno ng dugo na nakapatong sa tabing mesa.

Ang natungyahang iyon ay nagpablik sa kaniyang alaala noong madaling araw ng septyembre kung saan humahalo ang dugo sa tubig ulan at putikan.

"Ikaw ang anak ni Don Rafael Romero, hindi ba?" wika ng lalaki gamit ang malalim nitong boses.

Nanlaki ang mga mata ni Agnes nang makilala ang boses nito. Gulat na napatingin si Agnes sa lalaki. May mahabang balat sa kaliwang tainga nito. Ang mga mata ay malalalim at namumula.

"Ikaw ang asawa ni Alfredo Salazar" patuloy ng lalaki saka ngumisi ng kaunti.

Binitawan ng lalaki ang mukha ni Agnes saka tiningnan ang bangkay ng dalagang nauna nilang pinaslang kanina saka tumingin muli kay Agnes. "Kung papalarin nga naman. Hindi na kami mahihirapan na dakpin ka sa daungan" patuloy ng lalaki.

"Pareho ang araw ng kamatayan niyo ng babaeng ito" dagdag ng lalaki sabay tingin muli kay Agnes. "I-ikaw ang kausap ni Don Asuncion noong isang araw" wika ni Agnes. Ngumisi lang ang lalaki saka tiningnan siya nang matalim.

"Pinapasabi ng iyong biyenan na salamat sa pagiging maunawain na asawa sa kaniyang anak. Hindi niya ibig na gawin ito sa'yo ngunit sinusubukan mong hukayin ang bagay na makapaglilibing sa kanila" halos namanhid ang buong katawan ni Agnes sa sinabi ng tauhan ni Don Asuncion.

"Sa buhay na ito, paunahan lang tayo sa paghukay. Nagkataon nga lang na mas nauna naming hukayin ang iyong paghihimlayan" patuloy ng lalaki saka sinenyasan ang isa sa mga kasamahan niya na nakatayo sa likuran nila.

Padapang bumagsak si Ana. Patagilid namang bumagsak si Agnes habang nakatingin kay Ana.

Mulat ang mata ni Ana na sumubsob sa putikan. Samantala, pilit namang hinahabol ni Agnes ang kaniyang paghinga habang hawak ang kaniyang dibdib upang pigilan ang pagdanak ng dugo. Sinubukan niyang magsalita ngunit may dugo na ring lumabas sa kaniyang bibig.

Gusto niyang abutin sina Ana, Mang Bening at ang dalagang hindi nakikilala ngunit ramdam na niya ang unti-unting pagbagal ng tibok ng kaniyang puso. Tila bumagal ang takbo ng paligid. Ang pagbagsak ng ulan ay dahan-dahang tumatama sa kanilang mga katawan.

Bago ipikit ni Agnes ang kaniyang mga mata ay dalawang beses pa silang hinampas ng mga lalaki ng bato sa ulo hanggang sa magdilim na ang kaniyang paningin.

Nanghina ang tuhod ni Agnes dahilan upang mawalan siya ng balanse. Mabuti na lang dahil nahawakan agad siya ni Sor Fernanda bago Agad siyang hinawakan ni Sor Fernanda sa braso bago siya tuluyang mawalan ng malay.


NANG imulat ni Agnes ang kaniyang mga mata, naaninag niya ang isang lalaki na nakatingin sa kaniya. Sa una ay hindi niya makita nang malinaw ang hitsura nito dahil nanlalabo pa ang kaniyang paningin. Hindi naglaon ay unti-unti nang luminaw ang paligid at ang hitsura ng lalaking nakatingin sa kaniya.

Napansin ni Agnes na namumula ang mga mata ng lalaki at may luhang namumuo sa mga mata nito. Sinubukang bumangon ni Agnes, agad siyang inalalayan ng lalaki saka muling tumingin sa kaniya. Napatingin si Agnes sa dalawa pang bakanteng kama sa loob ng silid. Napagtanto niya na nasa ospital siya.

"Kumusta ang iyong pakiramdam?" napatingin si Agnes sa lalaki ng mapagtantong tila pamilyar ang boses nito.

"Ligtas na sa panganib si Mateo. Kailangan lang niya magpahinga at naibigay na rin ni Doktor Galvez ang lahat ng gamot na kaniyang kakailanganin" patuloy nito, nanatiling nakatitig si Agnes sa lalaking nagsasalita. Napaiwas ito ng tingin nang magpahid ng luha.

"Marahil ay hindi mo pa rin ako nakikilala. Ako ito, si Teodoro, ang iyong kapatid" natigilan si Agnes nang magpakilala ito sa kaniya. Tuluyan nang bumagsak ang luha ni Teodoro. Sinubukan niyang hawakan si Agnes ngunit hindi niya alam kung paano, kung dapat ba, kung hindi ba ito magugulat sa kaniyang kilos.

Sa loob ng mahabang panahon ay tila ninakaw nito ang kanilang pagsasama. Hindi siya nito tuluyang nakilala at hindi rin niya mahanap ang magiliw na pagsulubong na ginagawa ng kapatid sa tuwing nakikita siya.

Dahan-dahang itinaas ni Agnes ang kaniyang kamay at hinawakan ang mukha ni Teodoro. Napatigil si Teodoro nang maramdaman ang mainit na palad ng kapatid na humawi sa kaniyang mga luha. Nang tingnan niya ito ay nakita niyang kumikislap ang mga mata ni Agnes mula sa mga luhang nagbabadyang bumagsak.

"S-sa wakas nagtagpo na rin tayo. Matagal ko nang hinihiling na makita kang muli, kuya" saad ni Agnes saka yumakap sa kapatid. Napapikit si Teodoro at napahagulgol, hindi pa rin pala nagbabago ang pakiramdam sa tuwing sinasalubong siya ng kapatid. Animo'y unti-unting naglalaho ang maitim na ulap na naging kanlungan nila sa loob ng limang taong pagluluksa kay Agnes.


WALANG kibo si Alfredo habang nakaupo sa sulok ng kaniyang silid tulad noong bata pa siya habang dinadalaw ng alaala at presensiya ng malagim na nangyari sa kaniyang kapatid. Pinagmamasdan niya ang balisong na dumaplis sa kaniyang pisngi. Bumaon ito sa dingding ng kaniyang silid nang ihagis ni Mateo. Ang balisong ay may disenyo ng ahas.

Sariwa pa rin sa kaniyang isipan ang hitsura ni Mateo at ang huling sinabi nito bago barilin ang sarili. Ngayon ay malinaw na sa kaniya na hindi lang siya ang sadya ni Mateo kundi ang kaniyang buong pamilya.

Nagtalaga na rin ng bantay na mga guardia si Don Asuncion sa labas ng silid ni Alfredo at sa palibot ng kanilang tahanan. Inaasikaso ngayon ni Don Asuncion ang mangyayari kay Alfredo, nagbigay ng salaysay si Alfredo tungkol sa tunay na nangyari ngunit nangangamba si Don Asuncion na hindi iyon paniwalaan ng hukuman bago ito maglabas ng utos upang ipadakip ang kaniyang anak.

Narinig ni Alfredo ang pagbukas ng pinto. Diretsong pumasok si Don Asuncion kasunod si Doña Helen na hindi na mapalagay habang nagdadasal nang tahimik hawak ang itim na rosaryo. "Ito na ang huling beses na tatanungin kita tungkol sa nangyari, ano sa iyong palagay ang motibo ni Doktor Ong upang pagtangkaan ang iyong buhay? Tiyak na itatanong din iyan sa'yo sa paglilitis!" sigaw ni Don Asuncion sabay tapon ng sinumpaang salaysay ni Alfredo na isinulat nito.

Maging si Don Asuncion ay hindi makapaniwala na magagawa ni Mateo na isang kilalang marangal na doktor ang bagay na isinaad ni Alfredo. Gayon na lamang ang pagkadismaya ni Don Asuncion dahil sa isip niya ay hindi nagsasabi ng totoo ang sariling anak.

Nanatiling tulala sa sahig si Alfredo, nalinis na ng mga kasambahay ang dugong dumanak doon ngunit animo'y naaamoy at naaaninag niya pa ang dugong nanunot sa makintab na sahig. Dahan-dahan niyang iniangat ang ulo at tumingin nang diretso sa ama, sinabi niya sa salaysay kung ano ang totoong nangyari, pumasok si Mateo sa kaniyang silid at ito ang naunang tumutok ng baril.

Ngayon ay tinatanong ni Don Asuncion kung ano ang motibo ni Mateo. Nababatid ni Alfredo na si Agnes ang puno't dulo ng pagtatangka ni Mateo sa kaniyang buhay. Ang dahilan na iyon ay hindi maaaring malaman ng sariling ama. Naalala ni Alfredo ang sinabi ni Mateo na pinagtangkaan din noon ni Don Asuncion ang buhay ni Agnes at ng pamilya De Guzman.

Hindi sumagot si Alfredo, hindi niya lubusang pinagkakatiwalaan ang sariling ama na kilala niya ang tunay na kulay. Maging ang sariling ina na puno ng pagbabalat-kayo habang nagdadasal at lumuluha.

Tinuro ni Don Asuncion si Alfredo, "Kahit kailan ay pulos pasakit ang dulot mo sa pamilyang ito! Mabuti pang ikaw na ang namatay, hindi si Gabriel!" sigaw ni Don Asuncion habang nanlilisik ang mga mata nito. Ilang ulit na ring narinig iyon ni Alfredo mula sa bibig ng sariling ama. Kung tutuusin ay hindi na siya dapat masaktan pa ngunit kahit ilang ulit pala nating marinig ang masasakit na salita, kahit paulit-ulit, ay sumusugat pa rin iyon sa ating damdamin.

Tumalikod na si Don Asuncion at lumabas sa silid, sinundan siya ni Doña Helen na piniling sundan ang asawa dahil hindi rin niya matanggap ang kapalpakan ng sariling anak. Sunod-sunod na problema ang dinala nito sa kanilang pamilya at ngayon ay parang batong nagmamatigas pa sa kanilang harapan. Sa isip niya ay hindi siya naghirap sa panganganak upang pagtiisan ang isang batang hindi magdadala sa kanila ng karangalan.

Sunod na pumasok si Emma matapos magbigay-galang kina Don Asuncion at Doña Helen. Mabilis na bumaba ng hagdan ang dalawa. May dalang pagkain si Emma na hawak ni Alma na nakasunod sa kaniya.

Pinapasok siya ng dalawang guardia, "Ako na lang ang magdadala nito. Bantayan mo si Carlos" saad ni Emma saka kinuha sa kamay ni Alma ang dala nitong tanghalian. Hindi rin nagalaw ni Alfredo ang pagkaing dinala sa kaniya kaninang umaga.

Maingat na isinara ni Emma ang pinto sa kaniyang likuran nang makapasok siya sa silid. Inilapag niya sa mesa ang dalang pagkain, "Ikaw ay tuluyang manghihina kung hindi mo lalagyan ng laman ang iyong sikmura" panimula ni Emma saka tumingin kay Alfredo na nanatili pa ring nakaupo sa sulok ng silid.

"Bakit mo pinagtatakpan ang doktor na iyon? Pareho nating nalalaman na may iba siyang pakay sa pagpunta rito. Ilang beses niyang tinanggihang suriin si Carlos... Ngayon pa? Ngayong nasa alanganin ang ating pamilya" patuloy ni Emma, ngunit nanatiling hindi kumikibo si Alfredo.

Napapikit si Emma at napahawak nang mahigpit sa kaniyang saya. Halos wala pa siyang tulog mula nang siguraduhing maitatago nila si Alejo kagabi. Nang mabalitaan ang nangyari kay Alfredo ay dali-dali siyang bumyahe pabalik sa Maynila. At ngayon ay hindi rin siya kikibuin nito.

"Nagkakagulo na ang lahat. Kumakalat sa bayan na iyong binaril si Mateo. Ngunit bakit hindi mo sabihin ang totoo? Hindi ba't may kinalaman dito ang asawa niya? Ang babaeng iyon na siyang dahilan ng iyong pananahimik!" hindi na napigilan ni Emma ang pagtaas ng kaniyang boses. Ito ang unang pagkakataon na napagtaasan niya ng boses ang asawa.

Tumingin sa kaniya si Alfredo, "Totoo naman hindi ba? Kaya ka niya nagawang saktan ay dahil sa babaeng iyon na kaniyang asawa!" dagdag nito, ang mga mata ni Emma ay puno ng paninibugho. Matagal siyang nanahimik at nagpanggap na walang naririnig o nalalaman sa pinaggagawa ni Alfredo. Ngunit ngayon ay hindi na niya matiis ang lahat. Nanganganib na rin ang buhay nila ni Carlos.

Tumayo si Alfredo habang nakatingin nang diretso kay Emma, hindi siya makapaniwala sa sinasabi at ikinikilos nito ngayon, "Hindi ko kailangan ng iyong opinyon" saad ni Alfredo dahilan upang mapahigpit ang hawak ni Emma sa kaniyang saya.

"Anong gagawin mo ngayon? Ang taong inaakala mong nagligtas sa'yo ay siya rin palang nagtangka sa iyong buhay" seryosong saad ni Emma, hindi nakapagsalita si Alfredo. Ang kinikilalang ama ni Agnes ang pumasok sa kaniyang isipan.

"Si Mang Pretonio ang nasa likod ng lahat! May katibayang pinaghahawakan si Kapitan Alejo. Nalalaman ko kung nasaan siya ngayon. Handa ka bang tumestigo laban sa matandang manggagamot na iyon?!" naninikip ang dibdib ni Emma sa galit. Hindi niya itinaya ang buhay para sa pamilya Salazar upang mapasama sa kanilang pagbagsak. Hindi siya nagpakahirap marating ang tinatamasang buhay ngayon upang muling bumalik sa putikan.

Halos walang kurap na nakatingin sa kaniya si Alfredo. Hindi ito makapaniwala sa mga nalaman. Si Mang Pretonio na iginagalang niya at nagawang pagkatiwalaan ay makakagawa ng kagimbal-gimbal na bagay.

Naalala ni Alfredo si Agnes, kung nagawa siyang malinlang ng katauhan ni Mang Pretonio ay tiyak na nanganganib din ngayon ang buhay ni Agnes. Napagtanto niya na maaaring may nalalaman ang matandang manggagamot sa tunay na katauhan ni Agnes at sa oras na malaman nito na unti-unti nang bumabalik ang alaala ni Agnes ay maaaring mapahamak si Agnes.

Agad naglakad si Alfredo patungo sa pintuan ngunit nakasarado ito. "Buksan niyo ito! Palabasin niyo ako rito!" sigaw ni Alfredo habang hinahampas at sinisipa ang pinto ngunit hindi siya sinagot o pinagbigyan ng mga bantay sa labas. Nanginginig ang kamay ni Emma habang tumutulo ang kaniyang luha. Ang natutunghayan niya ngayong kilos ni Alfredo ay nagpapalalim ng sugat sa kaniyang puso.


NABITIWAN ni Don Rafael ang liham na pinadala ni Teodoro. Nilalaman ng liham ang tungkol kay Agnes at ang plano nilang pag-uwi sa loob ng ilang araw. Hindi nakagalaw si Don Rafael sa kaniyang kinatatayuan. Ilang ulit siyang tinanong ni Celso na siyang personal na naghatid ng liham ngunit napansin nitong namumutla ang histura ng dating alkalde.

Napakabig si Don Rafael sa mahabang silya ng salas. Mabilis siyang nahawakan ni Celso at naalalayan paupo. "Don Rafael, naririnig niyo ho ba ako?" tanong ni Celso dahilan upang matauhan ang Don at mapatingin sa dating katiwala.

"B-buhay daw ang aking anak. Kasama na niya ngayon si Agnes" tulalang saad ni Don Rafael na animo'y nawala sa sarili. Hindi siya makahinga sa matinding pagkabigla. Batid niyang hindi magsisinunggaling at magkakamali si Teodoro.

Mula nang matuklasan niyang hindi si Agnes ang bangkay na natagpuan sa kagubatan. Gabi-gabing sumasagi sa kaniyang isipan ang posibilidad na buhay ang anak. Ngunit sa paglipas ng araw, linggo, buwan at taon ay unti-unti na siyang pinanghinaan ng loob at nawalan ng pag-asa.

Hanggang sa ang maging laman ng kaniyang dasal ay sana nahihimlay ng payapa at nabigyan ng marangal na libing ang anak kahit pa hindi ito nakikilala ng sinuman. Napahilamos sa mukha si Don Rafael hanggang sa tuluyan nang bumagsak ang kaniyang luha.

Papalubog na ang araw nang makatanggap ng hindi inaasahang panauhin si Don Rafael. Kinakausap niya ang asawang tulala sa kawalan nang kumatok si Manang Oriana at sabihing may bisita sila.

Pagbaba ni Don Rafael ay naabutan niya ang isang matandang nakasuot ng itim na kamiso at kayumangging pantalon. Tumayo ito at nagbigay-galang sa kaniya, itinapat sa dibdib ang suot na salakot.

Sa bawat paghakbang pababa ni Don Rafael sa hagdan ay pilit niyang iniisip kung dati niya bang kakilala ang bisita. Ngunit tila ngayon niya pa lang naman ito nakita.

"Magandang hapon po, Don Rafael" bati nito, tumango si Don Rafael saka inanyayahang maupo ang matandang lalaki. Sa tindig at hitsura nito ay nakasisiguro siya na hindi sila nagkakalayo ng edad.

"Ako po'y sumadya rito para sa isang mahalagang bagay. Ang ngalan ko po ay Pretonio" pakilala nito, tumango si Don Rafael, nakatitiyak na siya ngayon na ngayon pa lang sila nagkita ng lalaking kaharap.

Nagtaka si Don Rafael nang lumuhod si Mang Pretonio sa kaniyang harapan, "Ako'y nakagawa ng malaking kasalanan sa inyong pamilya. Ngunit nais ko po sanang pakinggan niyo ako bago ako ipagtabuyan" patuloy ni Mang Pretonio habang nakayuko at nakaluhod.

"S-sa loob ng limang taon, ako po ang tumayong ama sa inyong anak... Kay Agnes" muling natigilan si Don Rafael. Wala pang ilang oras nang dumating sa kaniya ang balitang buhay ang anak. Ngayon ay pinatunayan din ito ng panauhin.

Ipinagtapat ni Mang Pretonio ang lahat, kung paano nila natagpuan ang katawan ni Agnes sa ilog. Kung paano niya sinagip ang buhay nito at kung sino ang nasa likod ng malagim na trahedyang kinaharap ng kaniyang unica hija.

Nang matapos ipagtapat ni Mang Pretonio ang lahat, ilang minutong naghari ang katahimikan. Ang lahat ng sinabi ni Mang Pretonio ay nagdulot ng panlalamig sa katawan ni Don Rafael. Hindi niya lubos akalain na nabuhay sa ganoong kondisyon ang kaniyang anak.

Muling pinagmasdan ni Don Rafael ang matandang nakaluhod at nakayuko. Hinawakan niya ang kamay nito at inalalayang tumayo. Gulat na napatingin sa kaniya si Mang Pretonio. "Kung gayon, maaaring kilala mo ang babaeng inilibing sa libingan ng aking anak?" tanong ni Don Rafael, animo'y nahulog ang puso ni Mang Pretonio nang mapagtantong ang tinutukoy nito ay ang bangkay ni Liliana.

Alas-sais na ng hapon nang marating nila ang maliit na libingan malayo sa bayan. Magkahalong kulay kahel at asul ang kalangitan habang lumilipad ang mga uwak sa palibot ng sementeryo. Tumigil sila sa tapat ng isang lapida na walang nakaukit na pangalan. Tanging ang petsa lang ng pagkamatay ang nakatala roon.

Napabagsak at napahalik sa lupa si Mang Pretonio sa tapat ng puntod ng anak. "P-patawarin mo ako, Liliana. H-hindi kita agad nadalaw" hagulhol ni Mang Pretonio. Limang taon niyang inakalang nakalibing ang anak sa libingan ni Agnes sa sementeryo ng Paco. Ngunit kailanman ay hindi rin siya nakadalaw doon sa takot na magbalik sa Maynila.

Naghihinagpis ang damdamin ni Mang Pretonio. Sa loob ng halos limang taon ay nag-iisa ang malamig na bangkay ng kaniyang anak sa isang libingan na tanging walang nakakaalam ng kaniyang pagkakakilanlan.

Paulit-ulit na yumuko at nagsumamo si Mang Pretonio sa harap ng anak na hanggang ngayon ay ipinagluluksa pa rin niya. Hindi niya nagawang iligtas at mabigyan ng hustisya ang pagkamatay nito. Nagawa pa niyang ibigay sa iba ang katauhan ni Liliana.

"Nauunawaan ko ang iyong nararamdaman ngayon. Pareho tayong ama. Pareho rin nating naranasang mawalan ng anak" saad ni Don Rafael habang nakatayo sa likuran ni Mang Pretonio. Higit niyang nauunawaan ang nararamdaman nito dahil hanggang ngayon ay nangungulila sila kay Agnes. Ang kaibahan nga lang ay hindi na muling magbabalik ang anak ng matandang manggagamot.

"Minsan lang ako nagbibigay ng ikalawang pagkakataon. Minsan ko nang binigyan ng pagkakataon si Alfredo at ang pamilya Salazar na bumawi sa lahat ng naging pagkukulang nila kay Agnes. Ngunit walang nangyari. Sa halip ay lumala pa ang mabaho nilang pag-uugali" patuloy ni Don Rafael, dahan-dahang umayos ng pagkakaupo si Mang Pretonio. Napatitig siya sa petsa na nakaukit sa lapida, iyon din ang kaarawan ni Liliana.

Napahigpit ang kamao ni Don Rafael, hindi niya akalain na may kinalaman si Don Asuncion sa trahedyang sinapit ni Agnes. Ngayon ay nagsisisi na siya kung bakit niya pinakasal ang anak kay Alfredo na nagdulot din ng malaking pasakit kay Agnes.

Humakbang si Don Rafael papalapit at tumayo sa tabi ni Mang Pretonio habang nakatitig sa puntod, "Pinili nating manahimik at piliin ang pagpapatawad ngunit hindi pala doon magtatapos iyon. Kung minsan, may mga taong hindi nararapat bigyan muli ng pagkakataon dahil hindi naman nila pinapasalamatan ang bagong simula na binigay sa kanila. Nakapanlulumo isipin na lumala pa ang kanilang kasalanan" patuloy ni Don Rafael.

"Hindi pa huli ang lahat. Bilang ama, nababatid ko ang iyong nararamdaman. Sa oras na ito ay hindi tamang magsawalang-kibo tayo sa sinapit ng ating mga anak. Panahon na upang singilin ang mga nararapat magbayad" saad ni Don Rafael sabay lahad ng palad sa tapat ni Mang Pretonio upang alalayan itong tumayo muli.

Napatingin si Mang Pretonio sa iniaalay na kamay ni Don Rafael. Hindi nga siya nagkamali na lumakad sa apoy nang siya mismo ang lumapit sa dating alkalde. Dahil ngayon ay nakuha na rin niya ang panig nito.

Hinawakan ni Mang Pretonio ang kamay ni Don Rafael at tumayo. "Maging ako ay hindi makapapayag na muling bumalik si Agnes sa piling ni Alfredo. Nakahanda akong lumaban para sa hustisya ng aking anak at sa kinabukasan ni Agnes" saad ni Mang Pretonio, isang pangako ng alyansa sa pagitan ng dalawang ama na naging biktima ni Don Asuncion.


TAIMTIM na nagdadasal si Agnes sa simbahan na malapit sa ospital. Nagdarasal siya upang humingi ng gabay sa Panginoon kung ano ang dapat niyang gawin. Ipinapanalangin din niya ang mabilis na paggaling ni Mateo at ang kalagayan ni Alfredo. Nagtatalo ang kaniyang isipan sa dapat gawin. Ngayong unti-unti nang bumabalik ang kaniyang alaala, bumabalik din ang sakit na kaniyang nararamdaman sa katotohanang hindi naging maganda ang pagsasama nila ni Alfredo at nagawa nitong magmahal ng iba.

Iminulat ni Agnes ang kaniyang mga mata at tumingin sa altar. Iilang tao lang din ang nasa loob ng simbahan. Hindi niya na ngayon nababatid kung paano haharapin sina Mateo, Mang Pretonio at Selio. Lubos niyang pinagkatiwalaan ang mga ito, hindi niya akalaing magagawa nitong ilihim sa kaniya ang kaniyang tunay na katauhan.

Napatigil si Agnes nang maalala ang naging sanhi ng pagkawala ng kaniyang alaala. Binanggit ng lalaking nakatakip ang mukha ang pangalan ni Don Asuncion. Ipinikit muli ni Agnes ang kaniyang mga mata, pilit niyang inaalala ang siyang dahilan kung bakit magagawa siyang ipapaslang ng dating biyenan.

Magtatakip-silim na, tumayo si Agnes at nagmamadaling lumabas ng simbahan. Kailangan niya munang malaman ang dahilan ng kaniyang muntik na pagkamatay. Agad siyang sumakay ng kalesa pabalik sa ospital. Kakausapin niya si Teodoro baka sakaling may nalalaman ito sa mga huling pinuntahan niya bago siya magngyari ang pagtambang ng mga tauhan ni Don Asuncion.

Lumundag si Agnes pababa sa kalesa nang makarating sila sa ospital. Pagpasok niya sa bulwagan ay napatigil siya nang maabutan ang maraming opisyal at guardia roon. Halos lahat ay nais makausap si Mateo na siyang naging biktima ng pamamaril ni Alfredo.

Mabilis na kumalat ang balita sa buong bayan. Hindi nakaligtas sa tainga at bibig ng karamihan ang sinapit ng tinitingalang doktor at ng anak ni Don Asuncion. Karamihan ay nasa panig ni Mateo, lalo na sa tuwing binabanggit na nagawang akusahan ni Don Asuncion si Mang Pretonio gayong hindi na nararapat pagkatiwalaan si Alfredo sa ginawa nitong pagpapalaya sa isang bihag.

Maging si Agnes ay nalilito. Batid niyang hindi magagawang pumatay ni Alfredo, ngunit hindi rin siya naniniwalang magagawang gumamit ng dahas ni Mateo. Isa sa kanila ang hindi nagsasabi ng totoo.

Hindi na magkamayaw sa bulwagan ng ospital, pilit na pinapakiusapan ni Doktor Galvez ang mga opisyal na hintayin ang paggising ni Mateo. Ngunit hindi ito naniniwala at nagpupumilit na kailangan na nila itong makausap upang umusad na ang imbestigasyon.

Sa gitna ng maraming tao ay napatigil si Agnes nang marinig ang isang pamilyar na boses. "Narito ako upang alamin ang salaysay ni Mateo Ong. Kung wala pa rin siyang malay, nais kong makausap ang kaniyang pamilya" saad ng lalaki, napatitig si Agnes sa lalaking nakatalikod na kausap ni Doktor Galvez, nakasuot ito ng uniporme ng isang kapitan.

Ang boses nito ay natutulad sa boses ng lalaking nakatakip ang mukha na siyang huling nakausap niya bago pagtangkaan ang kanilang buhay sa kagubatan. Hindi nakagalaw si Agnes sa kaniyang kinatatayuan nang lumingon sa kaliwa ang lalaki at nakita niya ang peklat sa kaliwang bahagi ng tainga nito.

Nanlamig ang buong katawan ni Agnes. Ang ingay sa bulwagan ng ospital ay napalitan ng pagsusumamo at paghagulgol habang isa-isa silang pinaslang ng mga lalaking naka-itim na walang awa ang mga kaluluwa.

Dahan-dahang napahakbang paatras si Agnes. Nanginginig ang kaniyang kalamnan. Ramdam din niya ang panghihina ng kaniyang tuhod dahil sa matinding takot. Nang tumalikod ang lalaki ay mabilis din siyang tumalikod sa gulat.

Hindi niya nalamayan ang babaeng papasok sa ospital na muntik na niyang makabangga. Nang dahil sa pagkabigla ay nabitiwan ng babae ang hawak nitong maliit na baul. Diretsong bumagsak sa lupa ang baul, agad itong pinulot ng tagapagsilbi na nakasunod sa likuran.

"Hindi ka ba tumitingin sa iyong daraanan..." hindi na natapos ng babae ang sasabihin nang mapatingin sa babaeng yumuko at humingi ng paumanhin.

"Pasensiya na" wala sa sariling saad ni Agnes na namumutla at nanlalamig nang makita ang tauhan ni Don Asuncion. Nanlaki ang mga mata ng babae at naistatwa sa kaniyang kinatatayuan. Napakunot naman ang noo ng tagapagsilbi nito at akmang magsasalita upang pagsabihan ang babaeng ngunit napansin niya ang magandang kasuotan nito na maaaring nabibilang sa mataas na antas ng lipunan.

Muling yumukod si Agnes at nagpatuloy sa paglalakad ngunit bumagal ang kaniyang paghakbang nang makalagpas sa babaeng narinig niya ang pangalan. "Señora Emma, nararapat lamang na bigyan niyo ng leksyon ang babaeng iyon" saad ni Alma, tuluyang napatigil si Agnes sa kaniyang paglalakad.

Muli siyang lumingon sa babaeng muntik nang makabanggaan. Minsan nang nagbangga ang kanilang landas at ngayon ay maaaring hindi pa nagtatapos ang lahat. Napahawak nang mahigpit si Emma sa kaniyang saya saka dahan-dahang lumingon sa babaeng hanggang ngayon ay nagmumulto pa rin sa kanilang buhay.

Napaatras sa gulat si Emma nang magtama ang mga mata nila ni Agnes na ngayon ay diretsong nakatingin sa kaniya. Sa hindi malamang dahilan ay bigla siyang nakaramdam ng takot mula sa mga mata nitong humihingi ng katarungan sa lahat ng nagawa niyang kasalanan.


******************

#LoSientoTeAmo

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top