Kabanata 13 - Larawang Kupas
[Kabanata 13]
NANG buksan ni Mateo ang silid kung saan namamalagi ang mga doktor ay naabutan niya roon si Teodoro. Nakaharap ito sa salamin habang inaayos ang suot niyang tsaleko. "Wala pala ako sa Lunes, uuwi ako ng Kawit ngayon. Sa Lunes ng hapon pa ang aking balik" wika ni Teodoro saka sandaling sinulyapan ang kaibigan.
Kinuha ni Teodoro ang kanyang sumbrero na nakapatong sa mesa, isinuot iyon at muling humarap sa salamin. "Maaaring sa aking pagbabalik ay may binibini na akong ipapakilala sa inyo ni Fernando. Sadyang mapilit si ama na ako ay mag-asawa na, may anak na dalaga ang kanyang dating kaibigan na nasa Kawit ngayon" patuloy ni Teodoro habang abala pa rin sa pagtingin sa salamin.
Nang makuntento na siya sa kanyang bihis ay kinuha na ang kanyang maleta at naglakad patungo sa pintuan ngunit napatigil siya nang mapansing tulala si Mateo, bahagyang nakayuko ito. Lumapit siya sa kaibigan saka pinagmasdan nang mabuti ang hitsura nito. "Masama ba ang iyong pakiramdam?" tanong ni Teodoro.
Hindi umimik si Mateo. Nagugulumihanan siya kung dapat ba niyang sabihin kay Teodoro na kasama niya ngayon ang babaeng kahawig ni Agnes. Ano kaya ang magiging reaksyon nito sa oras na makita ang babae? Tulad niya ay magbabalik din ba muli ang masasasakit na alaala ng trahedya na nangyari kay Agnes?
Sinubukang magsalita ni Mateo ngunit tinapik siya ni Teodoro sa balikat. "Iyo nang tigilan ang pag-inom ng mga pampatulog. Ikaw ay masasanay ay dedepende sa mga gamot na iyan"
"Sa oras na ako'y mag-asawa na, tiyak na ikaw na ang susunod na hahanapan ng magiging kabiyak. Kapag may nakilala ka ng babae na magiging kapalagayan mo ng loob ay ipaalam mo na agad sa iyong mga magulang sapagkat nasasayang ang panahon" patuloy ni Teodoro saka ngumiti nang bahagya sa kaibigan. Tinapik niya muli ang balikat nito at binuksan ang pinto.
Akmang lalabas na si Teodoro ngunit napatigil siya nang magsalita si Mateo, "Paano... Paano kung mayroon na akong napupusuang babae?" tanong ni Mateo, lumingon sa kanya si Teodoro saka ngumiti nang malaki.
"Ikaw ay walang ibinabahagi sa amin ni Fernando, sadyang malihim ka ngang tunay" ngisi nito saka tinuro ang kaibigan, "Bueno, ipakilala mo siya sa amin pagkabalik ko sa Lunes" ngiti nito bago tuluyang umalis.
Sumunod si Mateo sa labas ng silid-tanggapan ngunit napatigil siya nang matanaw si Agnes na nakasuot ng pulang balabal, nakatayo sa tanggapan habang kausap ang isang nangangasiwa roon. Matapos ang ilang tango ay yumukod ito sa kausap bago umakyat sa ikalawang palapag ng ospital.
Sinundan ni mateo ng tingin si Agnes at nag-desisyon na susundan niya ito sa itaas. Paakyat na siya ng hagdan nang makasabay si Emma. Napatigil si Emma at tumingin sa kanya, may suot itong puting balabal. Yumukod upang magbigay-galang sa kakilala.
Akmang hahakbang na sa baytang si Emma ngunit nagsalita si Mateo, "Ano ang iyong layunin? Bakit mo binasa ang mga liham ni Agnes?" ilang segundo ang lumipas bago lumingon sa kanya si Emma. Kumpara noong nagkausap sila ay wala ng bakas ng pagkagulat sa mukha ni Emma ngayon.
"Gaya nga ng aking sinabi ay hindi ko sinasadyang matagpuan ang mga liham na iyon sa kanyang silid" paliwanag ni Emma, matamlay at tila wala itong gana makipag-usap kaninuman.
Magsasalita pa sana si Mateo ngunit nagpatuloy si Emma, "Kung wala naman kayong tinatago ay hindi kayo dapat mangamba" napakunot ang noo ni Mateo sa sinabi ni Emma, hindi siya makapaniwala na kay Emma pa manggagaling ang salitang iyon.
"Tila ikaw ay nakaranas ng matinding pangamba noong naglilihim kayo ni Alfredo" bulalas ni Mateo, hindi nagsalita si Emma, animo'y sanay na siyang marinig ang mga salitang iyon. Hindi na bago sa kanya ang mga pasaring, tingin at bulungan ng mga tao sa tuwing nakikita siya.
Tumalikod na si Emma at nagpatuloy sa pag-akyat sa hagdan. Tulala siyang naglakad sa mahabang pasilyo patungo sa silid ni Alfredo. Mahigpit na pinipisil ang kanyang palad upang labanan ang pamamanhid nito. Kung maaari lang ay nais niyang tuluyang maging manhid upang wala na siyang maramdamang sakit sa tuwing siya ay hinuhusgahan ng mga tao.
Nang marating niya ang tapat ng silid ni Alfredo ay binuksan na niya ang pinto nito ngunit napalingon siya sa kaliwa nang marinig ang boses ni Alma na kanyang tagapagsilbi. "Señora Emma!" tawagi nito habang tumatakbo papalapit sa kanya bitbit ang isang sobre.
Gulat na nakatingin si Agnes sa uwang ng pintuan kung saan nakikita niya ang isang magandang babae kausap ang tagapagsilbi nito. Agad nagtago si Agnes sa likod ng pinto, napapikit at napahawak sa kanyang dibdib.
Hinihingal na tumigil si Alma sa tapat ni Emma at iniabot ang sobre, "Gaya ho ng inyong bilin, may dumating pong liham muli na nakasilid sa librong ipinapadala sa inyo ng taong hindi pa rin ho namin matukoy kung sino" wika ni Alma habang pilit na hinahabol ang kanyang paghinga.
"Salamat" wika ni Emma saka kinuha ang sobre. "Ito na ho ang pangatlong beses na nakatanggap kayo ng libro at liham. Marahil ay may ibig pong makuha sa inyong pamilya ang taong iyon, makakabuti po kung ipapapaalam niyo na ho ito kina Don Asuncion at Doña Helen"
Umiling si Emma saka hinawakan sa balikat si Alma upang kumalma na rin ito. Naaawa siya sa tagapagsilbi dahil tiyak na nagmadali itong maihatid sa kanya ang liham. "Ako na ang bahala, Alma. Salamat sa iyong pag-aalala" tugon ni Emma saka ngumiti nang bahagya sa tagapagsilbi.
Naunang pumasok si Emma sa loob ng silid, hindi sumunod si Alma, nagpaalam ito na bibili ng maiinom na tubig sa labas. Isinara na ni Emma ang pinto sa kanyang likuran. Hindi niya napansin si Agnes na nakasiksik sa sulok. Madilim din ang loob ng silid dahil sarado ang lahat ng bintana.
Napatakip si Agnes sa kanyang bibig. Pinipigilan niya ang kanyang paghinga sa takot na maging ang bagay na iyon ay makalikha ng ingay. Ngunit ang isipan ni Emma ay nakatuon sa misteryosong liham na hawak nito.
Nagsimulang humakbang si Emma papalapit sa silya na nasa tabi ng higaan ni Alfredo. Nakaligtaan din niya na tingnan ang asawa. Tulala siya sa sobre at dahan-dahang naupo sa silya. Hindi niya malaman kung bakit namamawis at nanlalamig ang kanyang kamay sa kaba.
Wala pang isang buwan noong una niyang natanggap ang unang liham at ang libro na wala namang kinalaman sa nilalaman ng liham. Apat na salita lang ang nilalaman niyon.
Kumusta ka na, Emma?
Ang pangalawang liham naman ay wala pang isang linggo na nakararaan. Muli siyang kinumusta nito, tinanong din nito kung abala ba siya dahil hindi siya tumugon sa unang liham. Ang totoo ay wala namang ibang paraan upang makatugon si Emma sa liham na iyon dahil hindi niya batid kung kanino at saan ito nanggaling.
At ngayon ay mas matinding kaba na ang kanyang nararamdaman sa ikatlong liham. Umaasa siya na magagawa na nitong magpakilala. Ang kanyang hinala ay ang taong iyon ay isa sa kanyang mga kapatid na hindi na niya napapadalhan ng salapi.
Binuksan na niya ang sobre at binasa ang liham. Sandaling hindi nakagalaw sa gulat si Emma nang mabasa ang nakasaad doon. Napatayo siya sa gulat, bakas sa kanyang mukha ang matinding takot. Napalingon siya sa lampara, kinuha niya ito ngunit napasigaw nang mapaso ang kanyang daliri.
Sa kagustuhang masunog agad ang liham ay nakaligtaan niyang mainit ang lampara. Nilukot niya ang papel saka kinuha niya ang isang basahan upang buksan ang lampara at sinunog ang liham.
Hindi pa tuluyang natutupok ang buong liham sa apoy ng lampara nang bumukas ang pinto. Hindi pala niya nailapat nang maayos ang pinto. "Señora, dumating na ho si Don Asuncion!" wika ni Alma, batid niyang kailangan ni Emma na salubungin ang biyenan nito sa ibaba kung kaya't nagmadali siyang maibalita iyon sa amo upang hindi pagsalitaan ni Doña Helen sa oras na malaman nitong hindi man lang sinalubong ni Emma si Don Asuncion.
Napahinga nang malalim si Emma saka pilit na pinakalma ang sarili bago maglakad papalabas sa siid. Isinara na ni Alma ang pinto at sumunod sa amo. Nakahinga nang maluwag si Agnes saka dahan-dahang hinawakan ang busol ng pinto. Ngunit napatigil siya nang maalala na naiwan niya ang sisidlan ng gamot na ipinahid niya sa sugat ni Alfredo.
Patingkayad siyang naglakad papalapit kay Alfredo at kinuha ang garapon sa tabi ng baywang nito. Ngunit napaatras siya nang matapakan ang mainit na papel. Hindi napansin ni Emma na nahulog ang dulong piraso ng liham sa sahig.
Napansin ni Agnes na may nakasulat doon, dinampot niya ang maliit na piraso ng papel na hindi tuluyang natupok ng apoy at binasa ang nakasulat.
Aking nalalaman ang iyong lihim.
"KUNG hindi dahil sa manggagamot na unang nagbigay ng lunas sa iyong anak ay maaaring tuluyan itong naubusan ng dugo" wika ni doktor Galvez matapos suriin muli ang kalagayan ni Alfredo sa harap ng pamilya nito.
"Hindi ba't walang certifico ang manggagamot na iyon?" tanong ni Doña Helen kay Kapitan Alejo. Tahimik lang si Don Asuncion habang nakatitig sa anak. Hindi na niya alam ang gagawin sa oras na mawalan pa siya muli ng anak.
Sasagutin sana ni Kapitan Alejo ang tanong ni Doña Helen ngunit naunang magsalita si Don Asuncion. "Utang na loob natin sa manggagamot na iyon ang buhay ng ating anak. May certifico man o wala, nagawa nitong iligtas ang buhay ni Alfredo" saad ni Don Asuncion saka tumingin kay doktor Galvez.
"Maraming salamat, amigo. Aking tatanawin din na malaking utang na loob ang pagpapabuti sa kalagayan ni Alfredo" ngumiti si doktor Galvez, sa kanyang isipan ay wala naman siyang ginawa kundi ang suriin ang kalagayan ni Alfredo at magbigay ng lunas. Ngunit pagkakataon na ito upang makahingi siya ng malaking pabor kay Don Asuncion balang araw.
"Wala iyon. Ginagawa ko lang ang aking tungkulin" ngiti ni doktor Galvez. Tumingin si Don Asuncion kay Kapitan Alejo, "Nasaan ang manggagamot na taga-Bataan?"
Nagulat si Kapitan Alejo, hindi niya malaman kung dapat bang sabihin na nasa bilangguan ito. Tiyak na ikakagalit ito ng Don sa oras na malaman niyang nagtitiis sa kulungan ang tagapagligtas ni Alfredo.
"N-nasa bahay ko po pinatuloy ang manggagamot" hindi ito makatingin kay Don Asuncion. Nagpaypay lang si Doña Helen saka ipinag-utos sa mga tagapagsilbi na buksan na ang mga bintana ngunit tinutulan iyon ni doktor Galvez dahil maaaring makaapekto kay Alfredo ang alikabok mula sa labas.
"Mabuti kung gayon, ihatid mo siya sa aking tahanan bukas. Nais ko siyang makilala at makasalo sa tanghalian" bilin ni Don Asuncion saka tumingin sa asawa upang ipaalala na paghandaan nito ang pagdating ng manggagamot.
Napansin ni Emma na may kakaiba sa kilos ni Kapitan Alejo. Panay na lang ang tango nito sa sinasabi ni Don Asuncion. Ang pag-iwas din nito ng tingin ay nakakapanibago sa isang tapat na opisyal ni Don Asuncion.
AGAD nagtungo si Kapitan Alejo sa kwartel nang matapos nilang dalawin si Alfredo sa ospital. Ipinapatawag siya ng heneral ngunit ipinagpaliban niya muna ito upang asikasuhin ang manggagamot.
Naabutan niya si Mang Pretonio na natutulog nang pa-baluktot. Nagising si Mang Pretonio nang marinig ang kalansing ng kandado. Dalawang guardia ang lumapit sa kanya at hinila siya patayo, "Isakay niyo na siya sa kalesa. Nagbilin na ako sa aking asawa" wika ni Kapitan Alejo sa dalawang guardia.
Tumango ang mga ito ngunit nagpumiglas si Mang Pretonio, "Saan niyo ako dadalhin?!" ilang araw nang nananatili roon ang manggagamot ngunit ngayon lang niya ito nakitang magulat.
Humakbang si Kapitan Alejo papalapit sa matanda, sinubukan nitong magpumiglas sa hawak ng dalawang guardia sa kanyang magkabilang braso. "Huwag kang mangamba, sa ngayon ay umaayon sa 'yo ang langit. Huwag mo lang subukang isuplong ako kay Don Asuncion dahil aking titiyakin na hindi mo na makikita ang iyong mga anak" bulong niya sa matanda. Nanlaki ang mga mata ni Mang Pretonio sa gulat.
"N-nasaan ang mga anak ko?! Huwag mo silang sasaktan!" tumawa nang mahina si Kapitan Alejo sa sigaw ng matandang manggagamot. Napahawak pa siya sa kanyang tainga saka muling tiningnan ang matanda.
"Kaya pagandahin mo ang aking pangalan sa harap ni Don Asuncion nang sa gayon ay mapanatili mong ligtas ang iyong mga anak" sarkastiko nitong ngiti bago tumalikod at naglakad papalabas sa kwartel.
Nagsisisigaw pa si Mang Pretonio ngunit hindi siya nilingon ni Kapitan Alejo. Buong pwersa siyang isinakay ng mga guardia sa kalesa patungo sa tahanan ni Kapitan Alejo kung saan ay naghihintay na roon ang kanyang asawa na siyang magbibigay ng makakain, malinis na kasuotan at maayos na matutulugan kay Mang Pretonio bago ito dalhin kay Don Asuncion.
ISA-ISA nang nagliliwanag ang buong Maynila habang unti-unting dumidilim ang paligid. Maririnig ang ingay ng mga taong naglalakad pauwi, ang mga kalesang naghahatid sa mga pasahero pauwi at ang mga ibong nagliliparan sa kalangitan.
Sa gitna ng abalang siyudad ay humihina ang ingay sa loob ng silid na hinihimlayan ni Alfredo. Una niyang naigalaw ang kanyang daliri hanggang sa nagawa na niyang imulat ang kanyang mga mata.
Sa una ay malabo ang kanyang paningin hanggang sa unti-unti itong luminaw. Ilang segundo siyang nakatitig sa kisame habang dahan-dahang tumulo ang luha sa kanyang mga mata. Ang totoo ay hinihiling niya na hindi na magising pa. Nais na niyang magpahinga ngunit habang naglalakad siya sa isang madilim na palayan mag-isa na animo'y walang katapusan ay narinig niya ang boses ni Agnes.
Tinatawag siya nito, nakikusap na muli siyang bumalik. Hindi niya malaman kung bakit siya lumingon pabalik hanggang sa dalhin siya ng kanyang mga paa pabalik sa pinanggagalingan ng boses na iyon.
Nang marating niya ang dulo ay natagpuan ang sarili sa loob ng isang silid habang nakahimlay sa higaan ng ospital.
GABI na nang makarating si Teodoro sa kanilang bahay sa Kawit. Kung dati ay sinasalubong na siya agad ng katiwala, ngayon ay mag-isa lang siyang bumaba at nagbilin sa kutsero na babayaran niya ito muli sa Lunes pagbalik nila sa Maynila.
Ang pagdating ng kalesa ay nakapagpabangon kay Don Rafael. Hatinggabi na, kanina niya pa hinihintay ang anak dahil batid niyang uuwi ito. Nakangiting sinalubong ni Don Rafael si Teodoro na agad nagmano sa kanya.
"Mabuti at ligtas kang nakauwi, anak" ngiti ni Don Rafael saka tinapik ang balikat ni Teodoro. Kukunin niya sana ang dala nitong maleta ngunit tumanggi si Teodoro, "Ako na po ama. Huwag na po kayong mag-abala" napangiti si Don Rafael saka pinagmasdan ang panganay na anak. Animo'y nabawasan ang kanyang mga alalahanin nang makita ang mukha nito.
Pumasok na sila sa loob. Kapansin-pansin na kaunti na lang ang kanilang gamit. Naibenta na nila ang ilan sa mamahalin nilang gamit upang ibili ng mga mamahaling gamot ni Doña Vera. "Batid po ba ni ina na uuwi ako?" tanong ni Teodoro habang umaakyat sila sa hagdan patungo sa ikalawang palapag.
"Oo. Ilang beses kong binanggit sa kanya na ikaw'y uuwi" ngiti ni Don Rafael. Narating na nila ang silid ng mag-asawang Romero. Sa kabila ng kalagayan ni Doña Vera ay pinili pa rin ni Don Rafael na samahan ang asawa sa pagtulog.
Napangiti si Teodoro nang makita ang ina na mahimbing nang natutulog. Pumayat ito at kapansin-pansin ang paglubog ng pisngi. Lumapit si Teodoro saka sandaling sinuri ang kalagayan ng ina. Nakahinga siya nang maluwag nang masiguro na hindi na ito malala tulad ng dati. Hinawi niya ang ulo ng ina habang hawak sa kaliwang kamay ang palad nito.
"Ikaw ay magpatuloy lang sa pagpapalakas ina upang madalaw na natin si Agnes ng magkakasama" wika ni Teodoro habang nakatitig sa payapang hitsura ng ina. Kahit papaano ay napanatag siya dahil nagkakaroon ito ng kapayapaan sa pagtulog.
"Siya nga pala ama, pinaayos ko ang larawang oleo ni Agnes. Dinala ko iyon sa Maynila noong huli akong magtungo rito. Tinanong ko ang pintor sa Maynila kung maaayos pa ba iyon, ang sabi niya sa akin ay susubukan niya, kung hindi naman na ay gagawa na lang siya ng bago hango sa orihinal na obra" wika ni Teodoro. Tumango si Don Rafael, nabasa na ng ulan at luma na ang pinintang obra ng mukha ni Agnes na regalo nila noong nagdiwang ito ng labing-walong taong kaarawan.
Nais sana nilang isabit iyon sa salas sa salas upang kahit papaano ay makita pa rin nila ang maaliwalas na hitsura at ngiti ni Agnes na nagpapagaan sa kanilang kalooban noong nabubuhay pa ito.
Naupo si Don Rafael sa dulo ng kama. Nakatalikod siya ngayon kay Teodoro. "Kumusta na pala si Alfredo? Aking nabalitaan ang nangyari sa kanya" hindi agad nakasagot si Teodoro, inilapag na niya ang kamay ng ina saka inayos ang kumot nito.
Lumingon si Don Rafael sa anak sa pag-aakalang hindi nito narinig ang kanyang sinabi. Uulitin niya sana ang kanyang tanong ngunit nagsalita na ito, "Sa aking palagay ay makakaligtas naman siya sa panganib" walang loob na sagot ni Teodoro saka muling hinipo ang ulo ng ina.
"Kung maaari ay tulungan mo si Alfredo. Marahil ay matagal pa bago muling manumbalik ang kanyang lakas" napatigil si Teodoro at napatingin sa kanyang ama, hindi niya akalaing sasabihin iyon ng ama. Nang mamatay si Agnes at ikasal si Alfredo sa ibang babae ay wala man lang sinabi si Don Rafael. Ni hindi nito sinumpa o pinintasan si Alfredo tulad ng ginawa ni Doña Vera.
"Ama. Aking nauunawaan na ibig niyong ipaalala sa akin ang aking sinumpaang tungkulin. Ngunit hindi ko kailangang tulungan si Alfredo. Bahala na si doktor Galvez o ang ibang manggagamot sa kanya" muling tumingin si Teodoro sa kanyang ina. Kung narinig din nito ang sinabi ni Don Rafael ay tiyak na sisigawan niya ito at ipapaalala ang kasamaan ng pamilya Salazar.
"Bakit ko kailangan gawin iyon? Hindi siya naging mabuti kay Agnes. Bakit kailangan ko siya pakitaan nang mabuti?" patuloy ni Teodoro, gumagargal ang kanyang boses sa matinding pagkamuhi kay Alfredo. Sa tuwing naalala niya kung paano naging malungkutin si Agnes ay hindi niya maiwasang isumpa si Alfredo at ang mga magulang nito.
Tumalikod si Don Rafael saka tumingin sa nakabukas na bintana. "Hindi naging maganda ang kabataan ni Alfredo" wika ni Don Rafael, madalas niyang makitang pinapagalitan ito ni Doña Helen sa labas ng bahay sa tuwing nakakakuha ito ng mababang marka. Pinapaluhod niya ang bata sa bilao na puno ng munggo at pinapabigkas ng mga aralin sa wikang Kastila at Latin.
Sa tuwing may okasyon ay nakikita niya rin ang batang si Alfredo na mailap sa mga tao. Habang ang ibang bata ay nagkakasiyahan at naghahabulan, mag-isang nakaupo lang si Alfredo sa isang silya na tila ba hindi ito maaaring gumalaw o huminga.
Minsan ay nilapitan niya ito at inabutan ng minatamis na santol. Bago siya makapagsalita ay nanginig sa takot ang bata at dali-daling tumakbo nang makita papalapit din sa kanila si Don Tomas.
"Iyo bang nababatid kung bakit ako pumayag na maikasal si Agnes kay Alfredo?" patuloy ni Don Rafael saka lumingon muli sa anak. "Dahil ako'y naniniwala na mabibigyan ni Agnes ng pagmamahal si Alfredo"
Hindi nakapagsalita si Teodoro. Hindi niya maunawaan ang sinasabi ng ama. Si Agnes ang dapat nitong kampihan at unawain ngunit si Alfredo ang kanyang binabanggit. "Kumpara kay Alfredo ay lumaki na puno ng pagmamahal si Agnes mula sa mga taong nakapaligid sa kanya. Halos lahat ng tao ay kinagigiliwan siya. Tayong lahat ay handang mag-alay ng oras at makinig sa kanyang mga kwento" napapangiti sa sarili si Don Rafael habang inaalala ang masasayang kabataan ni Agnes.
Tumingin siya muli kay Teodoro, "May naaalala ka bang pagkakataon na tumangis si Agnes nang dahil sa kalungkutan noong bata pa ito?" tanong niya, hindi nakasagot si Teodoro. Katulad ni Agnes ay lumaki rin siya na puno ng pagmamahal. Lahat ng gusto nila ay nagagawang ibigay ng kanilang mga magulang at lolo. Kailanman ay hindi nagkulang ang mga ito na suportahan sila sa kanilang mga gustong gawin.
"Wala, hindi ba? Maswerte ang mga batang tulad niyo na lumaki sa piling ng mga mapagmahal na magulang. Sa tuwing naiisip ko kung paano itinuturing nina Asuncion at Helen ang kanilang mga anak ay naaawa ako sa sinasapit ng mga inosenteng bata. Kung iyong nagugunita, may nakatatandang kapatid si Alfredo na namatay nang maaga. Ayon sa mga tao ay natunghayan daw nito ang pagkamatay ng kanyang kapatid. Ano sa tingin mo ang sasapitin ng batang namulat sa ganoong mundo?"
Napaiwas ng tingin si Teodoro, "Sa kagustuhan niyong maranasan ni Alfredo ang pagmamahal ay nagawa niyong isakripisyo ang kaligayahan ni Agnes. Pinaranas niyo sa kanya ang kalungkutan mula nang maikasal siya sa lalaking iyon" hindi napigilan ni Teodoro ang sarili, sa umpisa pa lang ay tutol na si Doña Vera sa kasalang iyon ngunit wala silang nagawa nang pumayag na si Don Rafael.
Sandaling natahimik si Don Rafael at hindi nakapagsalita. Maging siya ay nababalot na rin ng kalungkutan at pagsisisi. "Oo. Nagkamali ako. Ngunit hindi malalaman ni Agnes ang pakiramdam ng kalungkutan kung ni minsan sa kanyang buhay ay hindi niya ito mararanasan. Hindi palaging masaya ang buhay. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay kinagigiliwan at nagugustuhan tayo ng mga tao. Hindi mapagtatanto ni Agnes ang halaga ng isang bagay kung ang lahat ng mangyayari sa kanya ay pabor sa kanyang kagustuhan"
"Hindi dahil sa ako'y nanahimik noon ay naging pabaya na akong ama. Nais kong matuto si Agnes at harapin niya ang sariling suliranin ng mag-isa. Kailanman ay hindi niya nagawang mag-desisyon dahil lagi niya tayong kasama. Nang siya'y mag-asawa ay madalas ding naroon ang iyong ina sa piling niya"
Hindi nakapagsalita si Teodoro, totoo na halos doon na tumira si Doña Vera sa hacienda Salazar nang mag-asawa si Agnes. Lahat din ng mga kahilingan nito sa liham ay binibili niya at agad na pinapadala sa Kawit. Walang bagay na hiniling si Agnes na hindi nila pinagbigyan.
"Kahit ginawan tayo ng masama ng isang tao, nais kong huwag tayong maging tulad nila. Iyon ang lagi kong aral sa inyo, hindi ba?" saad ni Don Rafael. Napayuko na lang si Teodoro, hindi nga niya makakalimutan ang pangaral na iyon na laging pinapaalala sa kanila ni Don Rafael noong mga bata pa sila.
NAPATINGALA si Agnes sa malaking bahay na kulay pula. Maraming tao sa Binondo at tila hindi natatapos ang pagdaan ng mga kalesa at karitela na naglalaman ng mga kalakal. Inanyayahan ni Mateo si Agnes na pumasok sa loob ng malaking bahay. May dalawang palapag ito at magkakadikit ang bawat bahay.
Ang unang palapag ay may tindahan ng mga porselanang paso at plato. May makipot na hagdan sa gilid ng bahay, naunang umakyat si Mateo at binuksan iyon. Hawak naman ni Agnes nang mahigpit ang kanyang balabal sa takot na may makakilala sa kanyang guardia.
Nanlaki ang mga mata ni Agnes nang makita ang loob ng tahanan. Kulay pula at ginto ito at napapalamutian ng mga ornametong mamahalin. "Ang aking ina ang mahilig sa mga ganito, bagaman hindi na siya nakakauwi rito ay hindi niya ibig na ipabago ang aming tahanan" paliwanag ni Mateo. Sa lahat ng panauhin niya na unang beses na nakakarating sa kanilang bahay ay ipinapaliwanag niya agad na ang kanyang ina ang dahilan kung bakit animo'y nasa palasyo ang disenyo ng kanilang tahanan.
"Siya nga pala, huwag kang mag-alala, narito si Manang Inda na aming katiwala" patuloy ni Mateo, inilibot niya ang kanyang mga mata sa paligid sa pag-asang makikita si Manang Inda ngunit tila wala ito. "Marahil ay may pinuntahan lang siya sandali" dagdag ni Mateo. Nais niya sanang ipakilala ang katiwala kay Agnes upang hindi ito mangamba na silang dalawa lang ang nasa bahay.
"Maaari ka nang magpahinga sa silid na ito" saad ni Mateo saka binuksan ang isang silid na malapit sa salas, ang silid na iyon ay dating silid ng kanyang mga magulang. Binuksan ni Mateo ang pinto ngunit hindi na siya pumasok sa loob.
Sumilip muna si Agnes saka humakbang papasok sa marangyang silid. Ang kama ay may puting kulambo na animo'y pagmamay-ari ng isang prinsesa. Makintab ang sahig at may malaking kulay pulang karpet sa ilalim ng kama. May mga mamahalin ding ornamento at porselanang paso sa bawat sulok ng silid.
Ang agaw-pansin sa lahat ay ang malaking parisukat na banhay (frame) na kung saan nakapaloob doon ang balat ng tigre. Namangha si Agnes nang makita iyon, "Ito ba ay tunay na balat ng tigre?" gulat niyang tanong sabay lingon kay Mateo.
Tumango si Mateo, nahihilig ang kanyang ina sa mga bagay na may kinalaman sa hayop. Samantala, hindi makapaniwala si Agnes na makikita niya sa personal ang balat ng tigre na nilalaman lang ng mga aklat.
"Maaari kong ipatanggal ito kung hindi ka---" hindi na natapos ni Mateo ang sasabihin dahil nakangiting lumingon sa kanya si Agnes, "Huwag. Ibig ko ang bagay na ito! Hindi ako makapaniwala. Maaari ko bang hawakan?" ang mga mata ni Agnes ay kumikinang sa pagkamangha.
Tumango si Mateo at napangiti. Lumapit pa si Agnes saka itinaas ang kamay upang maabot ang banhay. Hindi siya mapagsidlan ng tuwa nang mahawakan ang balat ng tigre. Ipinaliwanag pa ni Mateo kung anong mga gamot ang inilalagay nila roon upang hindi mabulok ang balat.
Napatingin si Agnes ka Mateo habang nakatingin ito sa balat ng tigre at nagpapaliwanag. Hindi niya malaman kung bakit magaan ang pakiramdam niya sa doktor na iyon na ngayon pa lang naman niya nakilala.
Nang matapos magsalita si Mateo ay tumingin ito kay Agnes. Nakaramdam siya ng hiya nang makitang nakatitig sa kanya ang babae. "Siya nga pala, kung hindi mo mamasamain, nasaan ang iyong mga magulang at kapatid?"
"Nasa HongKong ang aking ama at ina. Wala rin akong kapatid" tumango-tango si Agnes. Nakaramdam siya ng awa sa doktor dahil mag-isa lang pala itong namumuhay.
"Ikaw? Hindi ba't nabanggit mo sa akin na nasa seminaryo ang iyong kapatid" tanong ni Mateo, hindi niya mapigilang suriing mabuti ang reaksyon ni Agnes. Napansin niyang biglang napaiwas ng tingin si Agnes.
"Ah. Oo. Nasa seminaryo nga siya ngayon" napalunok si Agnes, hindi niya masabi na hindi naman nag-aaral doon ang kanyang kapatid. Ang totoo ay dinala roon ng kapitan si Selio at siya naman ay sa kumbento.
"Ang iyong ama naman ay isang manggagamot, hindi ba?" tanong ni Mateo na animo'y may nais kumpirmahin. Naniniwala siya na ang taong nagsisinunggaling ay madaling malito sa mga sinasabi nito.
Tumango si Agnes, "Oo. May butikaryo rin kami sa Bataan" tugon ni Agnes. Batid niyang nabanggit na niya ito kay Mateo ngunit nararamdaman niyang may karapatan naman ito magtanong lalo at maghinala lalo pa't tinutulungan siya nito ngayon.
"Ang iyong ina?" patuloy ni Mateo.
"Matagal na siyang wala. Hindi ko maalala... Sa tagal ay hindi ko na maalala ang kanyang hitsura" tugon ni Agnes, naalala niya na hindi niya dapat ibunyag sa ibang tao na walang siyang maalala sa kanyang kabataan dahil ang nangyaring aksidente sa kanya ay maaaring may kaugnayan sa alaalang pumasok sa kanyang isipan na may taong nagbagsak sa kanya ng bato. Maaaring ito rin ang dahilan kung bakit may taong gustong pumatay sa kanya at si Alfredo ang tinamaan niyon.
Napatitig lang si Mateo kay Agnes, hindi niya ito mabasa nang malinaw. Ang sinasabi ng dalaga ay walang bahid ng kasinunggalingan ngunit kulang-kulang ang impormasyon. Ngunit naroon pa rin ang katotohanan na may sarili nga itong pamilya.
"Siya nga pala, maraming salamat dahil tinulungan mo ako. Salamat din sa iyong pag-unawa. Humihingi ako ng paumanhin kung may mga bagay akong hindi masasagot ngayon, salamat dahil hindi mo tinatanong kung bakit ako nasa kumbento at kung paano ako napunta rito sa Maynila. Kapag maayos na ang sitwasyon, ipagtatapat ko sa 'yo ang lahat" wika ni Agnes. Hindi niya mapigilang mangamba rin sa kalagayan ni Mateo dahil maaari itong madamay sa pagtulong sa kanya.
Tumango si Mateo saka ngumiti nang kaunti, "Wala iyon. Ang mabuti pa ay magpahinga ka na" wika ni Mateo saka naglakad papalabas sa silid. Sumunod si Agnes at hinawakan ang pinto, bago niya tuluyang isara ang pinto ay muli siyang yumukod kay Mateo upang magpasalamat.
Nang maisara na ang pinto ay ilang segundong nanatili si Mateo sa labas habang nakatingin pa rin sa pinto ng silid. Nais niyang pagkatiwalaan siya ng babaeng iyon nang hindi niya pinipilit. Ngunit naroon ang pag-aalinlangan at pagtataka sa kanyang isipan nang malaman kung sino ang binista nito sa ospital.
Naunang umakyat si Emma sa ikalawang palapag matapos silang mag-usap ni Mateo sa hagdanan. Aakyat na sana si Mateo ngunit narinig niyang tinawag siya ni Fernando, "Tuloy ko na ba sa sabado?" tanong nito, sandaling hindi nakapagsalita si Mateo. Iniisip niya kung anong mayroon sa sabado.
Natawa si Fernando sa hitsura ni Mateo dahil tila wala itong maalala, "Tila iyong nakaligtaan ang iyong byahe patungo sa Sugbo" tawa ni Fernando sabay hawak sa balikat ni Mateo. Napangiti si Mateo, sa dami ng nangyari ay naisantabi ng kanyang isipan ang mahalagang pagpupulong na iyon.
"Sikapin mong makuha ang pondo para sa pagtutuklas na ating gagawin. Tiyak na gagawa ng paraan si doktor Galvez upang mapasakanya ang pondo sa pagtutuklas" paalala ni Fernando saka umakyat na sa hagdan.
Napalingon si Mateo nang marinig ang pagsalubong ng mga manggagawa at mga tao sa labas. Dumating na si Don Asuncion, dali-daling umakyat ang isang babae na nakilala niyang tagapagsilbi ni Emma.
Ilang sandali pa ay nakita niyang kasama na nito si Emma na nagmamadaling bumaba sa hagdan upang salubungin ang biyenan. Umakyat na si Mateo sa ikalawang palapag upang sundan ang babaeng tinulungan niya, nakita niyang umakyat ito sa ikalawang palapag. Nais din niyang malaman kung sino ang dadalawin nito sa ospital.
Pagdating niya sa ikalawang palapag ay napatigil siya nang makitang dahan-dahang isinara ng babae ang pinto sa silid ni Alfredo at nagmamadaling tumakbo patungo sa kabilang direksyon ng pasilyo saka bumaba sa kabilang hagdan patungo sa likod ng ospital.
KINABUKASAN, nagising si Mateo sa ingay mula sa kusina. Napatingin siya sa baso ng tubig at gamot na madalas niyang inumin upang makatulog. Nakalimutan niyang inumin iyon kagabi ngunit nakatulog naman siya nang mahimbing.
Bumangon na siya at lumabas sa silid. Naabutan niya si Manang Inda na abala sa pagluluto at paghahain ng mesa. "Magandang umaga, señor" bati nito saka nagpatuloy sa pagluluto. Nasa edad limampung taon na ang manang na pinagkakatiwalaan ng kanyang pamilya.
Napatingin si Mateo sa silid na tinutulugan ng kanyang bisita. "Gising na po ba siya?" tanong niya, napatingin si Manang Inda sa bakanteng silid na iyon. "Hindi ko alam, hijo. May bisita ka ba?"
Nagtatakang napatingin si Mateo kay Manang Inda, malinaw na nagpadala siya ng mensahe sa kanilang bahay bago niya dalhin doon ang babaeng kahawig ni Agnes. "Nagpadala po ako ng mensahe kahapon" saad ni Mateo, napaisip ang manang.
"Wala akong natanggap. Maghapon akong naghihintay ng bagong huli sa daungan" saad ni Manang Inda. Mabilis na naglakad si Mateo sa silid at binuksan ang pinto. Laking-gulat niya nang hindi maabutan doon ang babae.
Maayos na nakaligpit ang unan at kumot. May isang piraso ng papel na nakapatong sa kama. "Ikaanim na ng umaga nang dumating ako, wala na akong naabutan dito" dagdag pa ni Manang Inda. Agad kinuha ni Mateo ang papel at binasa iyon.
Paumanhin kung hindi na ako nakapagpaalam pa, señor Mateo. Mahimbing ang iyong tulog at hindi ko nais na abalahin ka pa. Bibisitahin ko ang aking ama at kapatid ngayon bago ako bumalik sa kumbento gaya ng pangako mo sa punongmadre. Maraming salamat sa iyong tulong, habambuhay kong tatanawin na utang na loob ang iyong kabutihan.
Mabilis na kinuha ni Mateo ang kanyang gabardino at nagpalit ng sapatos. "Saan po nagtungo ang inyong bisita? May masama po bang nangyari sa kanya?" tanong ni Manang Inda ngunit hindi na siya nasagot ni Mateo sa pagmamadali nito.
Tinawag pa siya ni Manang Inda upang mag-almusal muna bago umalis ngunit animo'y hinahabol ni Mateo ang hanging hindi nakikita. Sa mabilis na ihip nito ay hindi niya alam kung saang direksyon ito patungo ngunit kahit ganoo'y hindi niya hahayaang muling maglaho sa kanyang paningin ang babaeng iyon.
MAINGAT na naglalakad si Agnes sa kahabaan ng Ermita suot ang pulang balabal. Madalas siyang napapayuko sa tuwing may namamataan na guardia sibil sa paligid. Patungo siya sa kwartel upang makibalita kung ano na ang kalagayan ng ama. Batid niyang hindi siya makakapasok doon dahil sa higpit ng mga bantay at hindi maaaring malaman ni Kapitan Alejo na nakalabas siya ng kumbento.
Batid din niyang matutulungan siya ni Mateo na makapasok sa kwartel ngunit hindi na niya ito ibig madamay. Tiyak na mapapahamak ang doktor kung tutulungan pa siya nito.
Nais niya lang siguraduhin na maayos ang kalagayan ng kanyang ama bago magtungo sa seminaryo upang magpaabot ng mensahe kay Selio, tiyak na nag-aalala rin ito sa kalagayan ng kanilang ama.
Sunod siyang magtutungo sa opisina ng koreo (post office) upang magpadala ng liham kay Doña Lara at humingi ng tulong.
Bumagal ang paglalakad ni Agnes nang mapansing dumami ang mga tao sa kalsada ng Ermita. Ang mga kalesa ang naghahari sa gitnang kalsada habang ang mga tao naman ay nagsasalubong sa magkabilang gilid.
Napatigil si Agnes at hindi makausad sa paglalakad nang dumaan ang isang karitela na hinihila ng kalabaw. Naglalaman iyon ng mga sako ng bigas na dadalhin sa pamilihan. Ilang sandali pa ay napalingon si Agnes sa mga taong nag-uusap at nagkukumpulan sa tapat ng isang tindahan na may maraming obra.
Tinitingnan ng mga tao ang magagandang obra, higit sa lahat ay ang larawan ng isang babae suot ang isang marangyang baro't saya na kulay asul. Maaliwalas ang mukha nito at nakangiti nang bahagya.
Napatitig nang mabuti si Agnes sa obrang iyon na nakahelera sa labas upang patuyuin ang kulay. Hindi niya maunawaan kung bakit nahahawig niya ang babae sa obra. Wala siyang maalala na nagpagawa siya ng obra sa isang pintor dahil may kamahalan iyon at tanging mayayaman lang ang nagkakaroon ng ganoong pribilehiyo.
"Malaking kawalan sa pamilya Romero ang sinapit ng kanilang unica hija. Hanggang ngayon ay pinagluluksa pa ni Doña Vera ang pagkamatay ng kanyang anak" wika ng isang ale sa kasama nitong ale. Pareho silang may pasan na bilao sa ulo. Ilalako nila ang asin sa pamilihan.
Lumabas ang pintor na abala sa pagpupunas sa banhay ng kanyang mga obra. "Hindi ko na nga nais singilin si señor Teodoro, isa ang aking anak sa mga natulungan ng kanyang kapatid. Ihahandog ko na lang ito sa kanila bilang pasasalamat at pakikiramay" wika ng pintor na payat at maraming mantsa ng kulay sa damit at palad.
"Pagpapalain ka sa kabutihan mong iyan. Ilang taon na ring namayapa si señorita Agnes. Kung ang larawan niyang ito ang makakapagpagaan sa kalooban ng kanyang mga naulilang kaanak ay hangad nating matanggap na nila ang sinapit nito" wika ng ale, tumango ang kanyang mga kausap.
Napatulala si Agnes sa larawan habang nakikinig sa usapan ng dalawang ale at ng pintor. Hindi niya nalamayan ang sarili na humahakbang papalapit sa obrang iyon. Ngayon ay nauunawaan na niya kung bakit makailang ulit siyang tinawag ni Alfredo sa pangalang Agnes. Gayundin ang pangalang binanggit ni Mateo nang makita siya.
"Kung nagkataon na natuluyan si Señor Alfredo ay tiyak na makakasama na niya ang kanyang yumaong asawa" wika ng pintor sabay tingin sa larawang iyon ni Agnes Romero.
Sa gitna ng kalsada at ng maraming tao ay napadaan ang kalesang sinasakyan ni Alfredo. Mabagal lang ang pag-usad ng kalesa dahil sa kondisyon nito. Namumutla pa siya at nanghihina ngunit pinilit niyang bumangon at tumakas sa ospital.
Napalingon siya sa tabing kalsada at laking-gulat nang makita ang larawan ni Agnes sa tindahan ng tanyag na pintor. May dalawang ale at isang pintor na nag-uusap sa tabi ng larawan habang may isang babaeng nakatalikod at nakatalkob ng pulang balabal ang nakatitig sa obra.
Pinatigil ni Alfredo ang kalesa saka maingat na bumaba. Inalalayan siya ni Mang Lucio papalapit sa tindahan. "Señor..." gulat na bati ng pintor, agad napatabi ang dalawang ale at nagbigay galang sa kanya. Tanging ang babaeng nakasuot ng pulang balabal ang hindi lumingon sa kanya.
Itatanong niya sana kung bakit narito ang larawan ni Agnes na dating nasa bahay nila ngunit napatigil siya nang mamukhaan ang babaeng nanatiling nakatitig sa obra.
Hindi malaman ni Agnes kung bakit may luhang dumaloy mula sa kanyang mga mata habang nakatitig sa larawan. Nang matauhan siya ay agad niyang hinawi ang luha. Hindi na niya maunawaan ang sarili.
Aalis na sana siya ngunit napatigil siya nang makita si Alfredo habang akay ito ni Mang Lucio. "A-anong ginagawa mo rito?" gulat na tanong ni Alfredo. Bagama't nanghihina ay pilit niyang tinitiis ang sakit. Nagmadali siyang bumangon at humingi ng tulong sa katiwalang kutsero nang ibalita nito na ibinilanggo si Mang Pretonio at dinala sa tahanan ni Kapitan Alejo.
"Siya pala si Agnes. Ang iyong yumaong asawa. Ang laman ng iyong masasamang panaginip" wika ni Agnes. Hindi niya mabatid kung bakit namamanhid ang kanyang katawan sa katotohanang ang babaeng iyon ay dating asawa ni Alfredo at siyang dahilan nang pangungulila nito sa tuwing nakikita siya.
******************
#LoSientoTeAmo
Featured Song: Emosyong Dinaan sa Awit (E.D.S.A) by Moira Dela Torre
https://youtu.be/xQNVtZmfv9k
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top