Kabanata 1 - Ang Kahilingan

[Kabanata 1]

Two months earlier...

ABALA ang lahat sa hacienda Salazar. Magkatulong na inilatag ng dalawang kasambahay ang bagong labang puting mantel ng mesa. Ikinakabit na rin ng iba ang mga maninipis na puting kurtina na masinop na binurdahan ng mga bulaklak.

Ang sahig ay paulit-ilit na pinapakintab gamit ang bunot. And bawat sulok ng mga paso, aparador, silya, mesa at mga larawan sa oleo na nakasabit sa bawat dingding ay mabusising nililinis.

Mga sariwang bulaklak ng adelpa ang ipinapatong sa mga mesa at tabi ng bintana. Halos napapangiti ang lahat sa mabangong amoy ng mga putahe na niluluto sa kusina. Hindi matapos ang pagpasok at pag-alis ng mga agwador upang sumalok ng tubig sa balon ng hacienda.

Ang bawat putahe na ihahain sa pista ay pinapangunahan ni Agnes, ang maybahay ng hacienda Salazar. Bagaman labing-walong taong gulang pa lamang siya ay kinakikitaan na siya ng galing sa paghawak ng sambahayan. Sa tulong ni Manang Oriana at ng kaniyang ina na si Doña Vera Romero ay unti-unting nahuhubog at natututo si Agnes sa mga dapat tutukan sa pag-aasawa at tahanan.

Magiliw na binabati ng mga kasambahay si Agnes na matamis din silang nginingitian pabalik. Nauuna ang kaniyang ina at ang kanang-kamay nito na si Manang Oriana, mabusisi nilang binabantayan ang lahat ng kasambahay. Paulit-ulit na pinapaalalahanan na ingatan ang bawat kasangkapan.

Samantala, may takot at pagkailang ang mga kasambahay kay Doña Vera at Manang Oriana ngunit pagdating kay Agnes ay kampante at lubos silang nagpapasalamat sa kabutihan at pagiging maunawain nito.

Sinasabing nagmana si Agnes sa kaniyang ama na si Don Rafael Romero. Mahinahon, tahimik at matalino ang Don dahilan upang mabilis nitong mapaunlad ang bayan. Si Don Rafael ang alcalde mayor ng Kawit.

Samantala, si Doña Vera naman ay matalim kung tumingin at strikta. Ang Doña ay mestiza, matangkad, payat at mataas ang ilong. Nasa edad limampu pa lamang ito. Sampung taon na mas bata kaysa sa kaniyang asawa. Si Agnes lang ang nakakapagpangiti sa kaniya. Sabihin man ng iba na may pagkagahaman at uhaw sa materyal na bagay si Doña Vera ngunit para kay Agnes ay walang makakatalo sa pag-aalaga at pagmamahal ng ina sa kaniya.

"Namulaklak na ang adelpa na itinanim ko noong isang taon?" gulat na tanong ni Agnes nang makita ang kulay lila (violet) na adelpa sa porselanang paso.

"Opo. Tila ibig din matunghayan ng mga bulaklak na ito ang pagsalubong natin sa pista ngayong taon" ngiti ng kasambahay na si Ana. Labing-apat na taon pa lang ito, halos lumaki na siya sa pamilya Romero. Isa rin siya sa mga kasambahay na ipinadala ng pamilya Romero nang mag-asawa si Agnes.

Napangiti si Agnes saka pinagmasdan ang bulaklak. Nakahiligan niya rin ang pagtatanim. Mapa-bulaklak, halamang gamot, gulay, puno at mga palay ay kaya niyang gawin. Ang kaniyang nakatatandang kapatid na si Teodoro ay isang mananaliksik ng mga halamang gamot. Ilang buwan na rin ang nakakalipas mula nang magtungo ito sa Malaya upang tumuklas ng mga bagong gamot.

Hindi na mawala ang mga ngiti sa labi ni Agnes nang makita ang malalaking kurtina na halos isang taon nilang binurda kasama ang kaniyang ina, si Manang Oriana at ang mga kasambahay. Magaling din sa pagbuburda at pananahi si Agnes. Sa katunayan ay madalas niyang ipinagbibili ang mga naburda niyang panyo noong siya ay sampung taong gulang pa lamang. Ang salaping kaniyang nalilikom ay ibinibigay niya sa mga batang ulila na inaalagaan ng mga madre.

"Sa susunod na taon ay kulay lila na kurtina naman ang ating iburda" suhestiyon ni Agnes saka hinawakan ang kurtina at umikot-ikot doon ng tatlong beses sa tuwa. Napangiti ang lahat sa kaniya, tila siya pa rin ang batang Agnes na mahilig magtago at maglaro sa kurtina.

"Agnes" tawag ni Doña Vera dahilan upang mapatigil si Agnes saka ngumiti nang matamis sa kaniyang ina. Hindi naman siya nagkamali sapagkat kailanman ay hindi tahasang nagalit si Doña Vera sa kaniya. Seryoso, metikulosa at strikta man ito ngunit kasinglambot ng bulak ang puso nito pagdating sa nag-iisang anak na babae.

"Ina. Anong oras po kaya darating si ama?" tanong ni Agnes saka kumapit sa braso ng ina. Muling ipinaalala sa kaniya ni Doña Vera na hindi na dapat siya naglalambing at kumakapit nang ganoon sa kaniya sapagkat siya ay may asawa na.

"Marahil ay sa ikapito pa ng gabi. Mauuna na tayo rito pagkatapos ng misa" tumango si Agnes. Naroon pa rin ang kasabikan niya na lambingin ang ina sa tuwing kumukunot ang noo nito. Iyon marahil ang dahilan kung bakit hindi nagagalit si Doña Vera sa anak.

"Siya nga pala, anong oras darating si Alfredo? Dalawang araw na ako narito sa inyong tahanan ngunit hindi ko pa siya nasisilayan" tanong ni Doña Vera, napatahimik si Agnes. Tumingin siya kay Manang Oriana na siyang kasama niya sa hacienda Salazar at mayor doma ng mansyon. Si Manang Oriana ay nasa edad animnapu na, halos puti na ang buhok at kulubot na ang balat ngunit malakas pa rin ang pangangatawan.

Sinubukang ibuka ni Agnes ang kaniyang bibig ngunit itinikom niya muli iyon saka sumulyap sa ina. Ang katotohanan ay wala rin siyang ideya kung kailan uuwi si Alfredo mula nang magtungo ito sa Maynila upang asikasuhin ang pagbabayad ng buwis sa mga lupang pag-aari nila.

"M-marahil ay sa ikapito rin po ng gabi. Tiyak na uuwi si Alfredo upang makasalo sa hapunan" tugon ni Agnes, hindi niya magawang makatingin sa ina. Naroon ang pangamba na baka mabasa nito ang kaniyang mga kilos, ang hindi mapanatag na mata at ang makailang ulit na pagkagat sa kaniyang labi.

"Marahil? Hindi ka nakatitiyak na makakasalo natin ngayon si Alfredo?" ulit ni Doña Vera saka hinarap ang anak. Nakatayo sila sa tapat ng bintana, patuloy ang paglilinis at pag-aayos ng mga kasambahay sa bulwagan ng mansyon.

Umiihip ang marahan na hangin dahilan upang sayawin ang mga malalambot na kurtina. "Halos abala po sa trabaho si Alfredo. Kung minsan ay nakaliligtaan niyang kumain o matulog. Nagpadala na po ako ng liham sa Maynila noong sabado pa upang ipaalala sa kaniya ang pista ngayon sa ating bayan" tugon ni Agnes.

Malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Doña Vera saka humarap sa bintana. Ikinumpas niya ang hawak na abaniko at pinaypayan ang sarili gayong mahangin naman sa bintana. "Tiyakin lamang niya na makakarating siya mamayang gabi. Darating pa man din ngayon ang kaniyang mga magulang" iritableng saad ni Doña Vera, napayuko lang si Agnes. Batid niyang darating ngayon sina Don Asuncion at Doña Helen Salazar upang makiisa sa pista.

Ang pamilya Salazar ang isa sa pinakamayamang pamilya sa Kawit. Marami silang pagmamay-ari na mga lupain, negosyo, kalakalan at kilala ang kanilang pamilya sa pagiging negosyante.

"Ano na lang ang sasabihin ng iyong mga biyenan at ng mga tao sa oras na hindi na naman dumating si Alfredo tulad noong nakaraang pista?" patuloy ni Doña Vera saka mabilis na ikinumpas ang kaniyang pamaypay. Hindi na siya natutuwa sa asal ng mailap na manugang.

Tulad ng dati ay ngumingiti lang si Agnes upang itago sa kaniyang mga magulang ang kalungkutan na nararamdaman. "Unawain na lang po natin si Alfredo. Siya na lang ang nag-iisang anak ng pamilya Salazar. Marami po siyang ginagampanan at tinatapos na gawain" saad ni Agnes.

"Sapat bang dahilan iyon upang kaligtaan niya ang responsibilidad niya sa iyo at sa pamilyang ito? Aba, halos dalawang taon na kayong kasal ngunit wala pa kayong supling sapagkat madalas siyang wala rito. Sa tuwing dumadalaw ako rito o ang iyong ama ay madalang namin makita ang asawa mong iyan" nababakas na ang pagkamuhi sa boses ng Doña.

Ginto nila kung ituring si Agnes ngunit binabalewala lang ito ni Alfredo na para bang hiyas na hindi niya ibig pagtuunan ng pansin.

Sa mga ganitong sitwasyon ay kabisado na ni Agnes kung paano pakakalmahin ang ina. Muli siyang kumapit sa braso nito at isinandal niya ang kaniyang ulo sa balikat ni Doña Vera. "Ina, nawa'y magkaroon po kayo ng mahabang pasensiya at pag-unawa kay Alfredo. Siya po ay anak niyo na rin. Hinihiling ko na anuman ang ibig niyang gawin sa buhay ay atin siyang suportahan. Ang pamilya ay hindi nararapat na maging hadlang sa kapwa pamilya"

"Ang aking punto lang naman ay..."

"Tiyak na mapapansin ng mga panauhin mamaya na kumulubot ang inyong noo dahil hindi na mawala ang pagkakunot nito mula pa kanina" hirit ni Agnes sabay ngiti at turo sa mukha ng ina. Napapikit na lang si Doña Vera.

"Ang mabuti pa po ay maglagay na tayo ng mga puti ng itlog sa mukha" aya ni Agnes sabay hawak sa kamay nina Doña Vera at Manang Oriana. Agad niyang hinikayat ang dalawa na umakyat na sa kaniyang silid. Limang oras pa bago sila magtungo sa misa sa bayan ay ibig na niyang aliwin ang mga ito upang hindi na nito hanapin pa si Alfredo.


LARAWAN ng isang maganda, mayumi, magiliw at may mabuting kalooban si Agnes Romero Salazar. Balingkinitan ang katawan, tamang tangkad, maputi at pumupulang balat sa tuwing tinatamaan ng sinag ng araw, mala-tsokolateng kulay ng mata, mahaba at tuwid na buhok at ang magaganda nitong ngiti na nagpapaliit sa kaniyang mga bilugang mata.

Pangalawa at bunsong anak nina Don Rafael at Doña Vera Romero. Bata pa lang ay kinagigiliwan na siya ng lahat. Matalino, magalang at maraming nalalaman sa mga gawaing bahay. Malapit din siya sa mga madre ng Santa Ana na kaniyang mga naging guro.

Hindi rin lingid sa kaalaman ng mga tao ang pagiging matulungin ni Agnes. Malambot ang puso nito sa mga batang ulila at mga matatandang iniwan na ng mga anak. Namana rin ni Agnes ang pagkahilig ng kaniyang ama at nakatatandang kapatid na lalaki sa agham at pagtuklas ng mga halamang gamot.

Sa katunayan, pangarap ni Agnes na maging tulad ng kaniyang kuya Teodoro na isang magaling at kilalang butikaryo (apothecarist). Ngunit dahil isa siyang babae ay malabong mangyari iyon. Ibig din niyang magsilbi sa simbahan at maging madre ngunit mariing tinutulan iyon ng kaniyang ina. Ibig nitong maikasal siya sa isang maimpluwensiya at marangyang pamilya.

"Ito ang aking munting handog sa iyo" ngiti ni Doña Vera sa anak saka iniabot ni Manang Oriana ang kuwintas na may pulang esmeralda. Nakahiga silang mag-ina sa kama habang ipinapaliwanag ni Agnes ang mga benepisyo ng paglalagay ng puti ng itlog sa mukha.

Nanlaki ang mga mata ni Agnes saka napatingin sa mamahaling kuwintas na hawak ng kaniyang ina. "Aking nababatid na hindi ka nahihilig sa mga alahas ngunit ibig kong tamasahin mo ang karangyaan ng ating pamilya. Ano ang punto ng kayamanan kung hindi natin ito ginagamit sa ating sariling kaligayahan? Ikaw ay babae rin, nararapat lamang na pag-alayan ng mga hiyas na tulad nito" saad ng ina saka isinuot sa leeg ng anak ang pulang esmeralda.

"Ngunit maaari naman tayong gumamit na lamang ng mga sariwang bulaklak bilang mga palamuti. Ang salaping iginasta para sa isang hiyas ay maaari nating ibigay sa..." hindi na natapos ni Agnes ang sasabihin dahil pinisil ni Doña Vera nang marahan ang kamay ng anak.

"Mahalaga na pagtuunan mo rin ng pansin ang iyong sarili, anak. Iyong nakakaligtaan ang iyong sarili sa labis na pag-unawa kay Alfredo. Ni hindi ka man lang niya hinandugan ng kahit anong regalo mula nang ikasal kayo. Nagdaan ang pasko, bagong taon, ang iyong kaarawan o anibersaryo ng inyong pag-iisang dibdib ay kailanman hindi ka nakatanggap ng anumang bagay mula sa kaniya. Ano na lang ang iisipin ng ibang tao?" hindi nakapagsalita si Agnes.

Hindi naman sumasagi sa kaniyang isipan ang mga ganoong bagay. Para sa kaniya, ang pagbibigay ng regalo nang hindi taos sa puso o dahil sa obligasyon ng tao na magbigay ng handog ay walang saysay. Mas mabuting huwag na lang dahil iyon ay isang pagpapanggap lamang. Kung gayon, ang pagiging mag-asawa nga nila ni Alfredo ay isang malaking pagpapanggap.

Ngumiti si Agnes saka nagpasalamat sa kuwintas na regalo ng ina. Napatingin siya kay Manang Oriana na nag-iwas ng tingin dahil sa matinding awa na nararamdaman para sa alaga. Anong kasalanan ang ginawa nito upang mapunta sa isang lalaking walang pakialam sa kaniya?

Sumapit na ang ika-lima ng hapon, nagtungo na sina Agnes, Doña Vera at Manang Oriana sa simbahan. Punong-puno ang simbahan, marami ang nagsipagdalo upang ipagdiwang ang pista ng kanilang bayan. Inilibot ni Agnes ang kaniyang mga mata sa paligid sa pag-asang makikita si Alfredo. Sa bawat pagpatak ng oras ay naroon ang kaba sa kaniyang dibdib. Nag-aalala, nangangamba at tulad ng dati ay nalulumbay kung hindi muling dadalo si Alfredo sa pagsasalo sa kanilang tahanan mamayang gabi.

Ano na lang ang sasabihin ng ibang tao? Ang paulit-ulit na sinasabi ni Doña Vera. Sa walong salitang iyon ay halo-halo ang kaniyang nararamdaman. Naniniwala si Agnes na hindi niya dapat intindihin ang sasabihin ng ibang tao dahil may sarili silang buhay. Ngunit naroon ang hindi matapos-tapos na mga matang nagtataka at nagtatanong bakit hindi pa sila nagkakaanak ni Alfredo? Bakit lagi itong wala? Bakit mas inuuna nito ang trabaho kaysa sa kaniyang asawa? At bakit pagdating kay Agnes at sa pamilya Romero ay walang kibo si Alfredo?

Ipinikit ni Agnes ang kaniyang mga mata at nanalangin sa Poong Maykapal. Panginoon ko, hinihiling ko po na gabayan niyo si Alfredo pabalik sa aming tahanan. Kahit ngayon gabi lamang po, hindi na muli ako hihiling.

Nang matapos ang misa, nagmamadaling nag-aya si Doña Vera pabalik sa hacienda Salazar. Nais na niyang magpalit ng kasuotan. Mahalaga sa kaniya na silang dalawa ng kaniyang anak ang nararapat na maging pinakamaganda mamayang gabi.

Tahimik si Agnes. Pinagmamasdan niya ang bayan kung saan masaya ang mga bata habang nakahawak sa kamay ng kanilang mga magulang. Mahilig siya sa bata. Makailang ulit na rin siyang dinadala ng kaniyang ina sa mga mapaghimalang Santa na nagkakaloob ng anak. Ngunit hindi masabi ni Agnes ang katotohanan na kailanman ay hindi sila nagtabi ni Alfredo sa pagtulog.

Iniiwasan siya nito. Sariwa pa sa kaniyang alaala ang unang gabi matapos ang kanilang kasal. Nagpakalulong sa alak si Alfredo at natulog sa bahay ng magulang nito. Umuuwi rin si Alfredo sa kanilang bahay ngunit natutulog ito sa kabilang silid. Kailanman ay hindi ito nagkaroon ng interes na lapitan o tabihan si Agnes.

Nang makarating sila sa hacienda Salazar ay halos nakahanda na ang lahat. Naroon na rin ang ilang panauhin. Agad nagmano si Agnes saka yumakap sa ama nang makita niya ito sa salas. "Ang iyong ngiti pa rin ang pinakamagandang bagay na aking nasilayan, anak" ngiti ni Don Rafael. Agad na kumapit si Agnes sa braso ng ama saka nagsimulang magtanong tungkol sa kaniyang kuya Teodoro at sa mga gamot na bagong labas sa merkado.

"Bakit sa tuwing nagkikita tayo ay mga halaman at mga gamot ang iyong inaalam? Maaari bang ako naman ang magtanong, anak?" tawa ng ama sapagkat hindi pa rin nagbabago si Agnes. Mula pagkabata ay lumalaki ang mga mata nito sa tuwing may nalalaman na bagong kaalaman tungkol sa agham at pagtuklas.

Nagtungo sila sa tabi ng piyano. Naroon na rin ang mga manunugtog. Si Doña Vera ang sumasalubong sa mga bisita. Sunod-sunod na nagsisidatingan ang mga opisyal at kaibigan ng pamilya Romero at Salazar. Karamihan sa kanila ay nagpapakitang-gilas at katapatan sa dalawang pamilya na tiyak na mag-aangat sa kanila sa posisyon sa oras na makuha nila ang mga loob nito.

"Kumusta ka, anak?" tanong ni Don Rafael. Mestizo, matangos ang ilong at kulay tsokolate ang mga mata nito. Nasa edad animnapu na ang Don. 

"Mabuti naman po, ama" tugon ni Agnes sabay ngiti. Tulad ng dating gawi ay inaaliw lang din ni Agnes ang ama tungkol sa ibang usapin sa oras na nagagawi ang tanong tungkol sa kaniyang buhay may asawa, kung masaya ba siya? Kung kumusta ba sila ni Alfredo? At kung hindi niya ba sinisisi ang kaniyang mga magulang sa buhay pag-aasawa?

Iyon ang mga bagay na gustong malaman ni Don Rafael ngunit hindi niya magawang itanong sa anak dahil natatakot siya sa maaaring pagbago ng reaksyon o ang makita niya ang pangingilid ng luha nito. Natatakot siya malaman na nalulumbay ang kaniyang anak.

Sa huli ay natapos ang kanilang sandaling pag-uusap na si Agnes lamang ang nagsasalita tungkol sa mga bagay na ginagawa niya at mga hilig gawin. Taimtim lamang na nakikinig si Don Rafael habang pinagmamasdan ang mga mata at ngiti ng anak. Umaasa na hindi totoo ang mga pasaring na sinasabi ng kaniyang asawa na binabalewala raw ni Alfredo ang kanilang anak.

Hindi nagtagal ay dumating na rin sina Don Asuncion at Doña Helen Salazar. Agad silang sinalubong ni Doña Vera na bumeso pa kay Doña Helen. Parehong mataas ang tingin ng dalawang doña sa kanilang mga sarili. Hindi nila gusto na nasasapawan sila ng sinuman. Labag noon kay Doña Helen ang kasunduang kasal sa pamilya Romero ngunit mapilit ang kaniyang asawa. Ibig nilang kumapit sa alcalde mayor at mapalawak ang kanilang koneksyon.

Samantala, walang ibang mahalaga kay Don Asuncion kundi ang magpayaman. Mas mayaman sila sa pamilya Romero ngunit hindi sila nakakuha ng posisyon sa pamahalaan kung kaya't gagawin niya ang lahat upang kumapit sa mga Romero. Matabil ang kaniyang bibig. Ang mga pasaring nito ay dinadaan niya sa biro saka tatawa nang malakas upang palabasin na siya ay nagbibiro lamang.

Ngunit wala naman siyang problema kay Agnes dahil masunurin at madasalin ang manugang. Naniniwala siya na maaaring madala rin sila ni Agnes sa langit dahil marunong ito magdasal. Agad nagmano si Agnes kay Don Asuncion at Doña Helen ngunit mas gusto ni Doña Helen ang beso sapagkat nagmumukha siyang matanda kapag nagmamano sa kaniya.

Si Doña Helen ay matangkad, may kalakihan ang katawan, mestiza at kulay tsokolateng buhok. Sinasabing siya ang pinakamagandang gumanap bilang Reyna Elena noong kabataan nito. Samantala, si Don Asuncion ay matangkad din at maganda ang tindig sa kabila ng edad nito na animnapu't lima. May hawak itong baston na siyang suporta sa kaniyang tuhod.

"Nagagalak akong makita ka, hija. Tila namayat ka ata" puna ni Doña Helen kay Agnes habang hawak ang mga kamay nito. "Ang pagkakaroon ng laman ay isa sa mga senyales ng pagdadalang-tao. Ako'y umaasa pa naman na may maganda kang ibabalita sa amin ngayon" patuloy ni Doña Helen.

Pilit na ngumiti si Agnes, hindi niya batid kung ano ang sasabihin. Matagal nang kinukuwestiyon ni Doña Helen si Agnes tungkol sa pagdadalang-tao. Minsan pa nitong sinabi na maaaring may mga itinatagong kasamaan si Agnes dahilan upang hindi siya pagkalooban ng Diyos ng anak.

"Nakahanda na ang mga pagkain sa hapag, halika na kayo" singit ni Doña Vera saka buong pagkukunwaring ngumiti sa mga balae. 

Nagsimula namang magkwentuhan ang dalawang Don tungkol sa kanilang mga negosyo at mga bagong batas sa lupain na ipinatupad ng pamahalaan. Nakasunod si Agnes sa dalawang Doña, nasa tabi niya si Manang Oriana na ngumiti nang marahan sa kaniya upang ipaalala na wala siyang dapat ipangamba.

Nang makaupo na sila sa hapag ay mas lalong dumami ang mga dumating na panauhin. Nagtatawanan sa galak sina Don Asuncion at ang mga negosyante nitong kaibigan. Buong giliw niyang pinapakilala ang lahat kay Don Rafael sa pag-asang may mga bagong negosyante na makakuha nito ang loob ng alcalde mayor.

Tumagal pa ang salo-salo. Hindi na mabilang ni Agnes kung ilang beses siyang lumingon sa pintuan sa pag-aakalang si Alfredo na ang dumating. Halos hindi na rin niya marinig ang sinasabi ng ilang panauhin, kung minsan ay hindi niya maitindihan ang mga tinatanong ng mga ito na may kinalaman sa ginagawa ni Alfredo at sa kanilang pagsasama.

Madalas ay ngiti at Mabuti naman ang kaniyang nagiging tugon. Minsan ay may isang dalaga na nagtanong kung ano ang mga sangkap na ginamit niya sa pagluluto ng adobo dahil kakaiba at masarap ang lasa niyon ngunit ang naisagot niya ay Mabuti naman.

Nakakaindak na musika, kaliwa't kanang pagtatawanan at pagsasaya ng mga taong nasa paligid niya. Siya ang maybahay ng tahanang iyon ngunit wala ang asawa niya na sana ay katuwang niya at kasama niyang nakikisaya sa salo-salo.

Halos dalawang pasko, pista, bagong taon at mga kaarawan ang dumaan ngunit kailanman ay hindi dumalo si Alfredo. Sa dami na ng okasyon na dinaluhan niya mag-isa, bakit hindi pa rin siya nasasanay? Bakit hindi pa rin natatapos ang mga tanong ng mga tao kung bakit madalang silang makitang magkasama?

Iyon ang mga katanungang unti-unting nagpapasugat sa puso ni Agnes. Mga tanong na hindi niya batid kung paano sasagutin. Sa huli ay pinipili niya pa ring unawain at ingatan ang pangalan ng kaniyang asawa. Kung sa mata ng karamihan ay pabaya itong asawa, para sa kaniya ay naroon pa rin ang malaking pag-asa na balang-araw ay magagawa na siya nitong sandigan.

Alas-nuwebe na nang gabi nang matapos ang salo-salo sa kanilang tahanan. Isa-isa nang nagpaalam ang mga panauhin. Karamihan ay mga Don na lango na sa alak at hawak na ng kanilang mga asawa upang alalayan pasakay sa kalesa.

Maging si Don Asuncion ay lango na rin sa alak. Agad na ipinag-utos ni Doña Helen sa kutsero at sa ibang kasambahay na isakay na ang asawa sa kalesa bago pa ito makapagbitiw ng mga hindi kaaya-ayang biro.

"Agnes, dadaan ako rito sa inyong tahanan sa susunod na Linggo bago ako magtungo sa Bulakan" wika ni Doña Helen. Agad napatingin si Doña Vera sa gawi nina Doña Helen at Agnes, inihatid ni Agnes ang mga biyenan palabas ng pintuan.

"Aabangan ko po ang inyong pagdating, ina" wika ni Agnes. Hinawakan ni Doña Helen ang kamay ng manugang. Nagagandahan siya kay Agnes ngunit para sa kaniya ay kulang ang ganda nito kung hindi ito susunod sa mga ayos ng mga kababaihan sa Europa.

"Ibig kong sumama ka sa akin. Magdadasal tayo kay Santa Clara upang bago matapos ang taong ito ay magdalang-tao ka na" saad ng Doña, gulat na naiangat ni Agnes ang kaniyang ulo. Paano siya magdadalang-tao kung kailanman ay wala namang nangyari sa kanila ni Alfredo?

Ngunit ang tanging naisagot na lang niya ay "Opo" binitiwan na ni Doña Helen ang kamay ni Agnes saka tumalikod. Nanatiling nakatayo si Agnes sa pintuan habang tinatanaw papalayo ang kalesa ng mag-asawang Salazar. Gumugulo sa kaniyang isipan ngayon kung ano ang nasa isip ng mga ito gayong hindi sumipot si Alfredo sa kanilang salo-salo.

Sunod na nagpaalam kay Agnes ang kaniyang ama at ina. Hindi malakas na manginginom si Don Rafael kung kaya't sa ilang baso ng alak lamang ay nakatulog na ito. Inalalayan ng mga agwador ang Don pasakay sa kalesa. Samantala, magkakapit braso namang naglakad sina Agnes at Doña Vera patungo sa pintuan.

"Ibig mo bang sumama ako sa inyo sa Obando?" tanong ni Doña Vera sa anak. Batid niyang pauulanan lang ni Doña Helen ng pasaring si Agnes.

Ngumiti at umiling si Agnes, "Ina. Hanggang ngayon ay itinuturing niyo pa rin akong bata. Huwag po kayong mag-alala, sa katunayan ay mabuti naman po ang kalooban ni Doña Helen. Matapang lang siya sa unang tingin ngunit tulad niyo ay maalaga at pinapahalagahan niya rin ang kaniyang pamilya. Siya po ay ina at kapamilya ko na rin" paliwanag ni Agnes, napahinga na lang nang malalim si Doña Vera.

"Ano ang aking magagawa? Tiyak na mamasain ni Helen sa oras na sumama ako. Pasalamat lang siya sapagkat hindi pa nagpapakita sa akin ngayon ang kaniyang anak. Hindi na ako makapaghintay na makaharap si Alfredo" wika ni Doña Vera, pinisil ni Agnes nang marahan ang kamay ng ina.

"Ina. Huwag niyo na pong idamay si Alfredo. Wala naman siyang kasalanan. Hindi naman siya tulad ng kaniyang ina---" hindi na natapos ni Agnes ang sasabihin dahil nagsalita agad ang kaniyang ina na madaling uminit ang ulo sa manugang na hindi niya akalaing magiging ganito ang pakikitungo sa kaniyang anak.

"Bakit pinag-iinitan ka ni Helen? Wala ka rin namang kasalanan. Sa katunayan ay ang anak niya ang may malaking pagkukulang sa 'yo. Nasaan siya ngayon? Ikaw na naman ang magiging tampukan ng usap-usapan, hindi na siya halos umuuwi rito. Paano kung may iba na pala siyang babaeng tinutuluyan? Hindi ka ba---" napatigil si Doña Vera saka tiningnan ang anak.

Ang mga mata ni Agnes ay naglalamlam. Puno ng kalungkutan at pag-iisa. "Agnes. Hindi naman iyon magagawa ni Alfredo, hindi ba?" patuloy ni Doña Vera saka tiningnan nang mabuti ang anak.

Bagaman naintindihan agad ni Agnes ang ibig iparating ng ina ay pinili niyang magkunwaring hindi niya nauunawaan ang ibig sabihin nito. "A-ano po iyon, ina?"

Halos walang kurap nang nakatingin si Doña Vera sa anak, "Ang pangangaliwa at pagtataksil. Hindi naman iyon magagawa sa iyo ni Alfredo, hindi ba?" may kung anong kaba na naramdaman si Agnes. Hindi niya magawang tumingin sa mga mata ng kaniyang ina. Natatakot siya na mas lalong lumamin ang paghihinala rin nito.

Sa huli, tulad ng dati, ay ngumiti lang si Agnes saka kumapit sa braso ng ina at nagsimla silang maglakad patungo sa kalesa na naghihintay sa labas. "Ina. Huwag niyo pong husgahan ng ganiyan si Alfredo. Hindi niya magagawa iyon. Walang sinumang tao ang makapagsasabi na makakagawa ng ganoong kasalanan si Alfredo. Kilala siyang matuwid at maasahan. Iwaksi niyo na po sa inyong isipan ang mga paghihinalang iyan"

"Walang tuwid na tao. Lahat tayo ay nakakagawa ng pagkakamali. Ano ngayon kung marangal ang tingin ng lahat ng tao sa kaniya? Hindi naman nila nalalaman na pinapabayaan niya ang sarili niyang asawa" pinilit ni Agnes ngumiti kahit ang sinabing iyon ng ina ay tumagos sa kaniyang puso. Kilalang prangka at sinasabi talaga ni Doña Vera ang kaniyang nasa isip.

"Ina. Tiyak na pagod na kayo. Ang mabuti pa ay umuwi na kayo ni ama. Huwag na po kayong mag-alala sa akin. At huwag niyo rin po sanang kaligtaang unawain si Alfredo, siya po ay anak niyo na rin. Lubos ko po siyang pinagkakatiwalaan" wika ni Agnes, isang malalim na buntong-hininga na lang ang nagawa ni Doña Vera saka nagpaalam at humalik sa pisngi ng anak bago sumakay sa kalesa.

Muling tinanaw ni Agnes ang kalesang papalayo. Nang hindi na niya ito maaninag sa kadiliman ay pumanhik na siya sa loob. Nang isara niya ang pinto, inilibot niya ang kaniyang mga mata sa malaki nilang mansyon.

Tulad ng dati ay tahimik na itong muli. Tila isang malaking kuweba kung saan ay nag-iisa lamang siya. Ilang minuto siyang nanatili roon habang ang isipan ay naglalakbay kung nasaan ngayon si Alfredo. Nang makaramdam ng antok ay isa-isa nang pinatay ni Agnes ang sindi ng mga lampara sa salas. Kinuha niya ang isa na siyang gagamitin niya paakyat sa hagdan ngunit napatigil siya nang marinig ang katok mula sa pinto.

Sa kaniyang isipan ay maaring bumalik ang kaniyang ina sakaling may naiwan itong gamit. Nang buksan niya ang pinto ay laking gulat niya nang makita si Alfredo. Walang nagbago sa magandang tindig at hitsura nito. Matangkad, mataas ang ilong, nakakahalinang mga mata, mestizo at kalmadong mukha. Ang una ring mapapansin kay Alfredo ay ang kulay tsokolate nitong mata na namana niya sa kaniyang ina.

Halos dalawang linggo na ang lumipas mula nang huli niya itong makita. Umalis ito nang hindi man lang nagpapaalam sa kaniya. Nalaman niya lang ito kay Manang Oriana. 

Ngumiti nang marahan si Agnes habang nakatitig sa asawa, bagama't huli na, dininig pa rin ng Panginoon ang kahilingan niyang dumating si Alfredo.


********************

#LoSientoTeAmo

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top