CHAPTER 9
Chapter 9: Breakdown
SA MGA nagdaang araw ay para akong itlog na walang laman. Hindi ako masyadong nakakapag-focus sa klase at palagi akong natatameme kapag tinatawag na ng teacher tuwing recitation.
Ilang beses na nila akong tinanong kung may mabigat ba akong problema o mayro'n akong pinagdadaanan. Konting iling lang at ngiting hindi namang kapani-paniwala ang naibibigay ko sa lahat. Anong magagawa nila kung hindi naman ako magsasabi? Hindi naman nila mapipilit ang isang tao kung ayaw naman nitong magkwento.
Napalingon ako sa kinauupuan ni Con. Hayun na naman siya, natutulog sa paborito niyang posisyon. Nakapatong ang dalawang braso sa mesa at ginagawa niya itong unan. Magulo ang asul nitong buhok na tila hindi talaga nakaranas ng isang suklay man lang sa tana ng buhay niya. Hindi ko rin 'to nakitang nagsusuklay sa apartment.
Malaya kong napagmasdan ang mukha niya habang tulog dahil dito siya sa gawi ko nakaharap. Nangunot ang kilay nito na nagpapahiwatig na gising na siya. Napaiwas agad ako nang tingin bago pa ako mahuli.
Palagi ko siyang pinagmamasdan kaya alam na alam ko na ang maliliit na detalye na ginagawa niya tuwing magigising. Napaub-ob ako sa desk at pinikit ang mga mata. Ang dapat sana ay mabilis na pagpikit lang ay hindi ko inasahang tatagal. Nakatulugan ko ang ganoong posisyon. Nagising na lang ako sa marahang pag-uga ng aking katawan.
“Ysa. . .”
Hindi ko inasahan na sa pagmulat ng mga mata ko ay mukha ni Con ang sasalubong sa akin. Halos hindi ko mapigilan ang pagkukumawala at pag-iiskandalo ng puso ko. P'wede sanang na-inform ako kung may ganito, para naman huwag akong ma-heart attack na lang bigla. Baka maging dead on the spot ako nito!
Sa sobrang pagkagulat ay naatras ko ang inuupuan, pero hindi ko naman inasahang hindi masusuportahan ng silyang iyon ang bigat ko. Napapikit ako ngunit ganoon na lang din ang panlalaki ng mata ko nang makita ko kung gaano kabilis umaksyon ang isang Con Lolarga.
Nabitawan niya ang bag na palaging nakasukbit sa isang balikat para lang maabot ako sa oras. Hawak-hawak na nito ngayon ang sandalan ng silya kong ilang pulgada na lang ang layo sa babagsakang sahig.
Namilog nang husto ang mata ko nang mapansin ang magkalapit naming mukha. Namula ang mukha ko at dahil na rin sa pagkakataranta ay naitulak ko siya, kaya nabitawan niya ang silya at bumagsak ako sa sahig.
Ysa ang tanga naman!
Ang sakit ng likod ko! Tae ng kalabaw naman oh. Sana pala ay itinulak ko na lang siya matapos na maibalik sa rati ang upuan ko. Hindi 'yong nasa ere pa rin at pabagsak.
“Are you okay? Tsk. Bakit mo ba ako tinulak?” pasinghal na untag nito habang tinutulungan akong tumayo.
Ah! Ang sakit! Parang nakalas yata ang spinal cord ko sa katangahang ginawa ko. Humihina na yata ang comprehesion ko kapag si Con ang kaharap ko. Inalis ko na agad 'yon sa isip at nagpukos sa pagpapagpag ng mga alikabok na kumapit sa 'kin at inayos ang sarili.
Pagkalingon na pagkalingon ko ay nawala na si Con. Kunot-noong napalinga ako pero wala kahit anino niya ang nasa classroom namin. Napatampal ako sa sarili, totoo ba 'yon o imahimasyon ko lang? Imposible namang multo 'yon? Kamukhang-kamukha talaga? At nakakahawak pa ng bagay?
Ang sakit ng likod ko! Hmm. . . .Kung masakit ang likod ko, syempre totoong tinulungan niya ako kanina. Pero bakit bigla namang nawala 'yon? Ang bilis! Hindi ko na napansin na lumabas na pala ang isang iyon. Ay bahala na nga, malaki na 'yon.
Kinuha ko ang sandwich na nasa bag ko at sinimulan na 'yong kainin. Ilang minuto lang ay biglang sumakit tyan ko. Mabilis kong niligpit ang gamit at patakbong lumabas ng room.
Bakit ngayon pa ako tatawagin ng kalikasan kung saan nasa eskwelahan? Maling oras naman oh! Dali-dali akong napatakbo sa cr at ginawa ang dapat na gawin.
Nang akma ko nang bubuksan ang pinto ay napatigil ako. Mga pamilyar na boses ang aking naulinigan.
“Right girls?”
“Baka malaman na ikaw ang may gawa no'n Cy?”
“So what? I don't care naman, e. Bagay 'yan sa malanding tulad niya! Besides, scholarship lang naman 'yon. Madami pang magbibigay no'n sa kanya. Kokontra pa ba kayo?”
“Syempre hindi! Bagay 'yon sa kanya. Ha-ha-ha.”
Marahan akong napabitaw sa door knob nang makilala na si Cyrene iyon at ng grupo niya. Napalunok ako at pinagpawisan sa isiping kapag malalaman nilang nandito ako, e, baka kung ano na naman ang gawin nila sa 'kin.
Hindi ko alam pero mas lalo akong kinabahan. Gusto kong lumabas at huwag nang matakot sa kanila. Estudyante rin lang naman sila ng G high—kagaya ko. Aabutin ko na sana ang door knob pero napansin kong sobra na ang panginginig ng kamay ko.
Hindi ko kaya. Hindi ko talaga kaya. Napailing na lang ako at hinintay na makalabas sila. Kailan pa ba ako magkakalakas ng loob para harapin sila? Para lumaban? Para huwag magpaapi? Napabuntong hininga na lang ako 'saka naghugas ng kamay.
Hindi pa man ako nakakalayo sa cr ay bigla na lang akong sinalubong ng kaklase ko.
“Ysa, pinapatawag ka ni Miss Dicen,” hingal na hingal na aniya.
“Bakit naman parang madaling-madali ka?”
“Importante raw kase.”
Napatango na lang ako at nagpasalamat. Bakit kaya ako pinapatawag ni Miss Dicen? Sa kakaisip ko kung ano ang nais na sabihin sa akin ni Miss ay hindi ko napansin na nasa harap na ako ng office niya. Kumatok ako ng tatlong beses tsaka pinihit ang door knob.
“Good afternoon, Miss.” Ngiti lang ang naging tugon nito sa akin at sumenyas na maupo. May pag-aalinlangan pa bawat tingin nito sa 'kin kaya doon na nabuhay ang kuryosidad ko.
Napalunok ako dahil bigla akong kinabahan. Maganda bang balita o masama? Parang gusto ko na lang sabihin kay miss na sabihin na ang gusto nitong sabihin pero baka maging bastos ako sa parteng iyon. Baka magmukha pa akong atat na atat na malaman ang sasabibin niya, mapahiya pa ako. Hinintay ko na lang siya na ang kusang magsalita at hindi naman ako nabigo.
“Miss Robles. . .patungkol ito sa. . . scholarship mo.”
“B-bakit po? May problema po ba, miss?” agad kong turan na may bahid ng pag-alalala. Pinagpawisan ako nang malamig kahit air conditioned naman itong office niya. Napagsalikop ko na lang ang kamay sa pagitan ng mga hita at tinuon nang husto ang atensyon sa kanya.
“I'm sorry to say this, Miss Robles. . . but Mr. Fuentabella pulled you out sa kanyang scholarship program.”
Pulled you out sa kanyang scholarship program.
Tila binuhusan ako nang napakalamig na tubig noong narinig ko iyon. Hindi ko na mabilang kung ilang beses ko nang nailing ang ulo habang nakatingin kay Miss Dicen. Nananaginip lang ba ako? O, mali lang 'yong pagkarinig ko?
“M-miss, t-totoo po ba ang s-sinasabi mo? B-baka po namali lang kayo ng sabi sa 'kin. Baka. . . baka hindi po talaga ang pangalan ko ang nawala sa scholarship. Hindi po ako p'wedeng mawalan ng scholarship, miss. Wala akong ipambabayad sa mahal ng tuition fee ng G high. Miss, nakikiusap po ako. . .”
Awa ang siyang nakikita ko sa mga mata ni Miss Dicen. Umiwas siya nang tingin ngunit agad rin tumitig sa akin.
“I'm sorry, Miss Robles. It has been decided. Mr. Fuentabella seems determined about it. Ginawa ko na ang lahat para hindi ka niya ituloy ang pag-alis sa 'yo sa scholarship program niya but. . .” sadya niyang binitin ang sasabihin ngunit alam ko na ang ibig pahulugan nito.
Mapait na lamang akong ngumiti. “O-okay lang po, ma'am. I-I u-understand. M-mauna na po ako, Miss. S-salamat po.” Pigil ang luhang tumalikod ako at nagsimulang ihakbang ang mga paa palabas ng office niya.
Tila may nakadagang sa aking likuran na napakalaking bato. Sa bawat galaw ng paa ko ay siyang bigat rin ng nararamdaman ko. Bakit ngayon pa nawala ang scholarship ko? Saan ako nito kukuha ng napakalaking halaga? Sweldo ko nga sa café na pinagtatrabuhan ko ay kulang pa sa tatlong araw na baon ko. Napahilamos ako sa mukha at napaupo sa hallway. Ngunit ganoon na lang kabilis ang pagtayo ko nang mahagip ng mata ko ang pamilyar na bulto ng isang tao. Si Mr. Fuentabella.
Nabuhayan ako ng pag-asa at tumakbo patungo sa kinalalagyan niya. Hindi ko alam kung saan ko nakuha ang lakas ko sa mga oras na ito. Sa isang iglap ay nasa harapan na niya ako at pilit akong pinipigilan ng dalawa nitong bodyguards.
“Mr. Fuentabella, nakikiusap po ako, huwag niyo po akong alisin sa scholarship program niyo. Nagmamakaawa po ako!” Pinilit ko siyang abutin ngunit hinarang lang ako ng bodyguards niya. “N-nagmamakaawa po ako. . .” nangingilid na luhang pakiusap ko.
Inayos nito ang coat na naabot ko kanina ng dulo ng aking daliri at walang interes na tinapunan ako nang tingin.
“Ito ba ang sinasabi mong inaapi ka?” puno ng kapangyarihang aniya.
Awtomatiko akong napabaling sa kanan kung saan siya nakatingin. Nanlaki ang mata ko nang makilala kung sino ang kausap niya. Napalunok ako nang magtagpo ang mata naming dalawa at iyon na naman ang nakangisi nitong mukha. Agad iyong nagbago noong tumingin siya sa kanyang ama.
Tinago ko ang nanginginig na kamay at napakuyom. Kaya hindi ko pinapatulan si Cyrene hindi dahil hindi ko kaya, kundi dahil ang ama nito ang may hawak ng scholarship program na eskwelahang ito. Hindi ako pumatol kahit kailanman dahil kabisado ko na ang liko ng bituka ng anak niyang impaktita.
“Yes, dad. She bullied me and my friends. Wala naman akong ginagawa sa kanya tapos. . .tapos bigla niya na lang akong sinabunutan, ilang beses pang nangyari iyon pero natatakot akong sabihin iyon sa inyo dahil baka. . .baka ako na naman ulit ang pag-initan niya,” mangiyak-ngiyak na kwento niya sa kanyang ama.
Napayuko ako at lihim na nanggalaiti. Hindi lang pala pang-aapi ang talent niya, award-winning best actress din pala. Nagpatakan ang luha ko sa masidhing galit na nararamdaman. Punong-puno na ako, kailangan ko nang ipaglaban ang sarili, ayoko nang maging api-apihan na lang at kawawa sa isang tabi.
Marahas akong napatayo at hinarap ang mag-amang iyon. Wala na akong pakialam kung maging bastos ako sa paningin niya tutal hindi niya naman hawak ang scholarahip ko. Nagpapasalamat ako sa kanya ngunit tama na, hindi ko na kayang tiisin ang tinatago kong inis sa anak niya.
Tama na ang ilang taong paghihirap ko sa impaktita nitong anak. Tama na ang tadyak at sabunot na inabot ko, ang pagpapahiyang tinanggap ko sa mata ng mga estudyante ng G high. Tama na ang iyak nang pagdurusa ko sa mga panahong wala siyang magawa at ako ang ginawang laruan.
Ang takot ko tuwing nagtatagpo ang mga mata namin ni Cyrene ay tuluyang naglaho. Nawala ang nginig sa kalamnan ko at lakas loob na sinamaan siya nang tingin. Bigla siyang napaatras at napalunok.
“D-dad did you see that? K-kaya dapat m-matagal mo nang kinuha ang scholarship niya dahil ganyan 'yang pag-uugali niya,” sulsol siya sa ama.
Inis ko siyang tinaasan ng kilay. Ito na 'yong bitch na sinasabi mo, handa nang ipagtanggol ang sarili laban sa iyo. “Huwag mong baliktarin ang mga ginagawa mo sa akin, Cyrene. Kahit kailan, wala akong ginawa sa iyo, pero ikaw. . .palaging may ginagawa sa 'kin.” Napatingin ako kay Mr. Fuentabella. “Mawalang galang na Mr. Fuentabella pero itong anak mo, magtanong ka man sa lahat ng estudyante rito sa G high, magpaimbistiga ka man, sigurado akong iisa lang ang magiging sagot nila na itong impaktita mong anak na palaging nagtatago sa banga ay may kababalaghang ginagawa!”
“Wala kang utang na loob!” agad na sigaw ng ama niya.
“Nagpapasalamat ako sa ginagawa mo Mr. Fuentabella pero hindi ko pasasalamatan itong ginagawa ng anak mo. Malinis ang konsensya ko,” usal ko habang seryosong nakatitig sa mata nito.
Alam ko ring hindi na ito maniniwala sa akin. Anak niya laban sa akin? Syempre anak niya ang unang paniniwalaan niya. Sino ba naman ako diba? Isang Ysabelle Robles na nag-iisa sa buhay at pilit na tinataguyod ang sarili para lang makapag-aral, isang iskolar at walang maipagmamalaki kundi ang katalinuhan.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top